Chapter 32
BAKIT MUKHA KANG MASUNGIT?
Nakailang ngiti na ako sa salamin, pero ganoon pa rin. Kahit anong gawin ko, iisa lang ang kinalalabasan, ang itsura ng aking mukha ay kung hindi walang buhay ay mataray.
Noong nakaraan ay nakita ko ang bagong girlfriend ni Arkanghel na si Susana Alcaraz o Sussie. Pumunta ang babae rito sa compound. Ni hindi ko ito nagawang ngitian man lang dahil sa nahihiya ako rito. Malamang na ang iniisip na nito na hindi ako friendly.
Bumukas ang pinto ng kuwarto at pumasok si Isaiah. "Tara na?" yaya niya sa akin. "Nakahiram na ako kay Tito Kier ng fifty para pamasahe." Itim na shirt at jeans ang suot niya. Sa paahan ay kulay puti na Adidas rubber shoes. May silver na hikaw siya sa kaliwang tainga.
Wala ngayon ang mga magulang ni Isaiah na sina Mama Anya at Papa Gideon. Nasa Manila dahil may inaasikaso ang mga ito. Bukas pa ng tanghali uuwi, kaya tatakas kami papunta sa resto bar sa may Brgy. Pinagtipunan. E-extra siya roon ngayong gabi na guitarist at vocalist.
E-extra siya dahil wala na raw kaming pera. Wala na akong pambili ng kutkutin tuwing nagugutom ako sa gabi. Nahihiya naman na siyang manghingi sa mama at papa niya dahil sakto lang ang budget nila. Ang mga magulang niya pa ang sumasagot sa check up at vitamins ko.
Bago umalis ay sinuutan ako ni Isaiah ng jacket na patong sa suot kong blouse at leggings. Inayos niya ang hood sa ulo ko para daw hindi ako mahamugan. Hindi na kami nag-motor. Nag-tricycle lang kami papunta sa Pinagtipunan.
Hindi lang ngayon umalis si Isaiah. Noong nakaraan ay mag-isa lang siya na umalis. Tumakas siya at sa bintana dumaan. Um-extra din siya sa pagtugtog sa resto bar noon. Iyon din ang huling kita niya kasi sa pinsan niyang si Arkanghel bago ito pumunta sa Manila.
Lumayas kasi si Arkanghel nang malaman nitong ampon lang ito. Tumira ito kina Sussie ng ilang linggo bago pumunta ng Manila. Bago pa iyon ay nauna nang malaman ni Isaiah ang tungkol sa pagiging ampon ng pinsan niya, dahil aksidenteng narinig niya ang pag-uusap nina Tita Roda at Mama Anya.
Iyon ang dahilan kaya nag-inom noon si Isaiah. Hindi niya matanggap na hindi niya tunay na pinsan si Arkanghel. Labis siyang nasaktan sa nalaman. Wala naman ako noon para damayan siya, dahil iyon ang panahon na takot ako na malaman ni Daddy ang tungkol sa pagbubuntis ko.
"SAAN KA NGAYON, PAPI?"
Sinalubong kami ni Miko pagdating namin sa restobar. Ito lang ang tropa ni Isaiah na nandito ngayon. Nag-fist bump silang dalawa.
"Grounded pa sa bahay. Tumakas lang ulit."
Natawa si Miko. "Tangina mo kasi, alam mong lucky charm lang, ginamit mo pa."
"Gago, malay ko bang pang-display lang iyong binigay mo."
Ayun na nga, kung saan lang palang lupalop nakuha ni Miko ang lucky charm ni Isaiah sa wallet niya. Kaya pala ang tapang ng amoy ng strawberry at kaya rin pala super nipis niyon. Hindi raw galing sa convenience store o drugstore. Sa madaling sabi, hindi talaga ligtas gamitin dahil walang brand, tatak o pangalan.
Pangaral nga ni Mama Anya, ang paggamit ng bagay na iyon ay 98% safe sana kung sa legit convenience store o drugstore binili. Napakaimportante raw niyon dahil malaking tulong iyon para makaiwas sa lahat ng klase ng sakit during intercourse. Mabisa rin iyong pag-iingat para maiwasan ang unwanted pregnancy.
"Okay lang 'yan, at least tatay ka na!" Tatawa-tawa pa rin si Miko. "Bawi ako, papi. Sagot ko na isang case sa binyag!"
Nang kakanta na si Isaiah ay doon niya sa mesa malapit sa maliit na office ng bar. In-order-an niya ako ng burger at orange juice. "Maya ko bayaran, par," sabi niya sa waiter.
Kasama ko sa mesa si Zandra na anak ng may ari ng bar na ito. Umiinom ang babae. "Hi, Vi!" Namumungay na ang mga mata dahil nakakailang shot na yata.
Hindi ko alam na umiinom pala ang babae. Kahit kikay siya ay ang tingin ko sa kanya ay masyadong matino. Naging schoolmate din namin ito sa Gov at palagi ito sa higher section. Palagi ring may honor.
"You're preggy, right? Bawal ka ng alak, akin lang ito!" sabi niya saka humaghikhik.
Matpos tonohin ang gitara ay nagsimula nang kumanta si Isaiah sa stage. Naging tahimik na ang mga tao sa bar.
♫ ♬
Looks like we made it
Look how far we've come, my baby
We mighta took the long way
We knew we'd get there someday
♩ ♪
Nang tumingin sa akin si Isaiah ay ngumiti siya. Parang lumutang ang puso ko dahil sa klase ng masuyong titig niya. Dagdag pa na napakalamig ng boses niyang kumakanta.
♪
They said, "I bet they'll never make it"
But just look at us holding on
We're still together, still going strong, hmm...
♫
Nakakadalawang kanta na si Isaiah at ang kasama ko sa mesa na si Zandra ay lasing na. Gusto ko sanang pigilan ang babae sa pagtungga ng alak pero mukha ring hindi siya papapigil. Parang meron siyang problema.
Tama nga ako na may dinaramdam siya dahil bigla na lang siyang umiyak. "Arkanghel, bakit mo ako iniwan?!" palahaw niya.
Kung ganoon ay si Arkanghel pala ang dahilan kung bakit siya nag-iinom. Akala ko ay hindi niya na ito mahal dahil nakipag-break na siya rito noon. Saka ang huling girlfriend ni Arkanghel ay si Sussie na.
"Arkanghel," iyak ni Zandra. "Okay lang na may iba kang love, eh! Pero bakit kailangan mo pang umalis?! Bakit kailangan mo pang mang-iwan nang tuluyan?! I hate you sow much!" Napahagulhol na siya.
Akmang iinom pa ulit siya nang may umagaw sa baso niya. Galit siyang tumingala at nakita niya sa likod niya na nakatayo si Miko.
Nakasimangot si Miko nang tunggain nito ang inagaw na baso na may alak kay Zandra. Pagkatapos naupo sa tabi niya at inilapag sa mesa ang baso na wala nang laman.
Dinuro ni Zandra ang lalaki. "What are you doing, mama'sh boy?!"
"Ikaw ang 'what are you doing'? Nilulugi mo ang bar niyo dahil inuubos mo ang alak dito!"
Nagbabangayan ang dalawa nang bumalik na si Isaiah. Natapos na ang dalawang line up niya ng kanta at limang requests mula sa random customers.
Tinabihan niya ako sa mesa. "Okay ka lang? Gutom ka na? Gusto mo sisig?"
Umiling ako. "Ang galing mo," puri ko sa pagkanta niya kanina. Hangang-hanga rin pati ang mga customers. May mga kababaihang kabataan pa nga ang nag-cheer kanina sa kanya. May gusto pang humingi ng number niya.
Proud na bumungisngis siya sa akin. "Bayad na ako. May pera na tayo, five hundred. Bili tayo pizza pag-uwi."
Nagpaalam na kami bandang alas dos ng madaling araw. Si Zandra ay bangenge na sa mesa habang si Miko ay umiinom-inom pa.
Napaungol naman si Miko pagtayo namin. "Tangina, iiwan niyo ako kasama itong malditang ito?!" tukoy niya kay Zandra na wala nang malay sa kinauupuan.
"Ikaw na bahala riyan," bilin ni Isaiah. "Hatid mo sa kanila."
Magrereklamo pa si Miko nang biglang magising si Zandra at sabunutan siya. "Who ish malditah?! You, mama'sh boy!"
"Aray, pota!" Napasubsob si Miko sa mesa dahil ayaw siyang bitiwan ni Zandra.
"I hate youw, mama'sh boy! Sana ikaw na lang nawala at hinde shi Babhy Arkanghel koh!" Napabitiw na si Zandra dahil muli na namang humagulhol ang babae. "Waaaa, Arkanghel! Ibalik niyo si Arkanghel!"
Kahit nagmamakaawa pa si Miko ay iniwan na namin ang lalaki kasama si Zandra. Inaantok na rin kasi ako kaya talagang gusto nang umuwi ni Isaiah.
Bago umuwi ay bumili muna kami ni Isaiah ng pizza na tag-one hundred. Bumili rin kami sa Alfamart ng mga biscuit ko na stocks kapag ginugutom ako. Nagtira lang kami ng two hundred para pambili-bili ng meryenda.
Alas tres na kami nakauwi. Antok na antok na ako. Nauna na akong mahiga sa kama. Tinabihan ako ni Isaiah pero malayo siya sa akin. Naalala ko na noong nakaraan ay nasaway ko nga pala siya dahil sa pagdikit-dikit niya sa akin. Naiinitan kasi ako. Ewan ko ba, para akong init na init kahit may electric fan naman.
Tumagilid ako para mapaharap sa kanya. Nakatihaya siya at nakatingin sa kisame. Kinalabit ko siya kaya siya napatingin sa akin. "Isaiah, sorry dahil nasaway kita noong nakaraan. Sorry dahil napaka-sensitive ko minsan."
"Okay lang, cute ka naman."
Nilamukos ko ang mukha ni Isaiah at nagpalamukos naman siya. Para na akong nababaliw. Minsan ayaw ko siyang makadikit pero mas madalas na gustong-gusto ko siyang ginaganito. Wala naman siyang palag kahit ano ang gawin ko sa kanya. Lalo tuloy siyang nakakagigil.
"Vi, kiss tayo," bigla ay ungot niya sa akin.
Natigilan naman ako dahil ilang linggo na ako sa kanila pero ngayon lang siya humiling ng ganito.
"Vi, miss ko na kasi na i-kiss ka. Pahalik naman o. Nag-toothbrush ako bago tayo umakyat kanina."
Nakatingin lang ako sa kanya, partikular sa mga labi niyang mapupula. Ang tagal na nga pala mula nang huling mag-kiss kami. Kahit nga magkatabi kami sa kama gabi-gabi ay hanggang yakapan lang kami.
Nang hindi pa rin ako nagsasalita ay malungkot na napabuntong-hininga siya. "Ayaw mo ba? Sorry, sige hindi na—"
Hindi ko na siya pinatapos. Ako na ang humalik sa mga labi niya. Napatulala naman siya pagkatapos.
Nginitian ko siya. "Okay na ba iyon?"
Nang makabawi ay napangiti na rin siya. "Isa pa."
Napabungisngis ako. "Abusado!"
Pero hinalikan ko naman ulit siya. Sa pagkakataong ito ay ginantihan niya ang halik ko, mas mainit, mas malalim pero sa banayad na paraan. Niyakap niya ako pagkatapos at hinalikan sa noo nang magaan.
Mula niyon ay gabi-gabi o kahit kailan na naisipan namin ay naghahalikan kami. Kahit hindi sa kuwarto, kahit kapag nasa kusina o kaya sa tapat ng bahay nila, basta kapag walang tao na makakakita. Para kaming sabik na sabik sa isa't isa na biglang nabigyan ng laya.
Palagi kaming magkasama. Minsan nagkukuwentuhan, nanonood ng TV o kaya ay kinakantahan niya ako habang nagigitara siya. Sinusulit namin na palagi kaming magkamasama dahil malapit nang magpasukan. Papasok na siya sa school at maiiwan na ako madalas dito sa bahay nila nang mag-isa.
LINGGO NG GABI. Katatapos lang ng hapunan. Kakaakyat ko lang pagkatapos kong tulungan si Mama Anya sa pagliligpit ng pinagkainan nang katukin ako nito. Meron daw akong bisita sa sala.
Excited na bumaba ako. Ang kaibigan, kababata at kinakapatid ko na si Eli ang nakita ko na nakaupo at naghihintay sa akin sa sofa. T-shirt na puti at dark jeans ang suot niya. Nakamedyas lang siya dahil iniwan niya sa labas ng pinto ang sapatos niya.
Napatayo siya mula sa pagkakaupo nang makita ako. "Kumusta ka na, Vivi?"
Kulang dalawang buwan ko na siya mula nang huling makita kaya ganoon na lang ang tuwa ko. Nayakap ko siya. "Eli!"
"Pasensiya ka na kung ngayon lang kita nadalaw sa 'yo."
"Okay lang." Ang saya-saya ko talag na makita siya ngayon. Bukod sa malaki ang pasasalamat ko sa kanya ay marami rin akong gustong itanong. Wala lang talaga akong contact sa kanya dahil pareho kami ni Isaiah na walang phone.
Naupo kami ni Eli sa sofa. May mga pasalubong siyang dala. Mga prutas, biscuit at mga tinapay. May ilang damit din na padala raw ni Tita Hannah para may magamit ako.
"Eli, kumusta na si Mommy?" sabik na tanong ko. Iyon ang unang-una ko na gustong malaman.
Matagal bago nakasagot si Eli. "Wala na siya, Vi."
"Ha? Anong wala?!"
"Nakaalis na sila ng daddy mo papuntang Australia noon pang isang linggo."
Bumagsak ang balikat ko. Kung ganoon ay hindi totoo ang sinabi ni Daddy na susunod lang daw kami ni Mommy. Talagang ito pala ang plano ni Daddy, ang isang alisan lang. At ngayon ay wala na nga si Mommy sa bansa.
"Vi, okay ka lang ba?" may pag-aalalang tanong sa akin ni Eli.
Kahit parang gusto ko nang maiyak ngayon ay sinikap kong ngumiti sa kanya. "Okay lang..."
Ibinigay ko sa kanya ang number ni Isaiah kay Eli. Ngayon na wala na si Daddy sa Pilipinas ay tiyak na mawawala na ang pagka-grounded ni Isaiah. Mababalik na rin ang phone niya.
Ngayong wala na sina Mommy at Daddy ay wala na talaga akong babalikan pa sa Buenavista. Naka-lock na rin daw kasi ang bahay namin doon. Nakakalungkot man pero iniisip ko na lang na nandoon pa rin sa kapitbahay namin si Eli at ang mama niya.
"Dadalawin mo pa rin ako, di ba?" tanong ko kay Eli.
"Oo naman." Ngumiti si Eli pero malamlam ang mga mata niya. "Kaya lang, Vi, medyo matatagalan siguro. Baka rin hindi madalas."
"Ha? Bakit?"
"Sa UST sa Manila na kasi ako mag-aaral ng college ngayong pasukan. Doon na kami titira ni Mama sa lolo ko sa Quezon City. Bukas ng umaga ang alis namin kaya pinuntahan na kita ngayon dito."
Gulat ako sa sinabi niya. Kung ganoon ay aalis na rin pala sila ni Tita Hannah? Ang akala ko pa naman ay madadalaw niya pa ako kapag wala siyang klase. Akala ko ay puwede ko rin silang madalaw sa Buenavista.
Pinilit ko na siglahan ang boses nang magsalita. "Ang galing, ano? College ka na nga pala, Eli." Ayaw ko na isipin niya pa ako at mag-alala pa siya, kaya nagpanggap ako na masaya. "Ano pala ang course mo?"
"BS Accountancy," sagot niya habang nakatitig sa akin, inaarok ng mga mata niya kung ano ang tunay na nararamdaman ko.
Pasimple ko namang ibinato sa ibang direksyon ang aking paningin. "W-wow, accountancy. Mahirap iyon iyon, di ba? Pero dahil matalino, masipag at matiyaga ka, ay tiyak na kayang-kaya mo iyon." Tumawa pa ako nang mahina. "Ikaw pa ba, Eli?"
Sandali na lang kaming nagkuwentuhan dahil kailangan niya nang umuwi. Magliligpit pa raw kasi sila ng mga gamit sa bahay nila.
Bumaba si Isaiah at nagkamay sila ni Eli. Saglit lang din ang pag-uusap nila.
"Pare, salamat," ani Isaiah.
"Salamat din. 'Wag mong pababaayan si Vivi."
"Matik na iyon. Makakaasa ka."
Ako ang naghatid kay Eli hanggang sa may gate ng compound para makapag-usap pa kami nang solo. Pinaalalahanan niya ako, binilinan at pinapangako na palagi akong mag-iingat, kakain sa oras at kapag may problema ay sabihin ko sa kanya. Puro tango na lang ang aking naisagot dahil naiiyak na ako.
Bago siya sumakay sa pinarang tricycle ay humugot siya ng wallet sa bulsa ng suot na pantalon. Nagulat ako nang iabot niya sa akin ang dalawang libo na kinuha niya mula roon.
Ngumiti siya at ginulo ang buhok ko. "Para kay baby 'yan, hindi para sa 'yo."
Pumatak na ang mga luha na kanina ko pa pinipigilan. Natawa naman siya pero ang mga mata niya ay may nakabadyang luha na rin.
"Uy, 'wag kang umiyak, baka pumangit ang magiging inaanak ko."
Lalo akong napahikbi. Napayakap na ako sa kanya. "Thank you, Eli. Thank you..."
Gumanti siya ng magaan na yakap sa akin. "Aalis na ako, Vi. Alagaan mo si Baby. Kapag hindi mo inalagaan 'yan, babalik ako rito at kokotongan kita."
"Eli, mag-iingat ka rin sa Manila, ha? Ingat ka roon..." sumisigok na sabi ko habang nakayakap sa kanya. "'Wag kang maligalig doon. Mag-aral kang mabuti. Alagaan mo si Tita Hannah, 'wag kang pasaway sa kanya!"
Nang makasakay na si Eli sa tricycle ay nakatanaw pa rin siya sa akin. Wala na siya ay nasa gate pa rina ko. Iyak ako nang iyak kasi ramdam ko na matagal na ulit bago ko siya makikita. Wala na sina Mommy at Daddy, ngayon ay wala na rin pati si Eli.
Yakap mula sa likod ko ang nagpatahan sa akin. Paglingon ko ay nakita ko si Isaiah. Hindi niya man nababasa ang isip ko ay alam niya ang nararamdaman ko.
"Isaiah, umalis na sina Mommy at Daddy. Si Eli ay sa Manila na mag-aaral," humihikbing sumbong ko sa kanya.
"Tahan na," nakangiting sabi niya habang tinutuyo ng mga daliri niya ang mga luha ko. "Tahan na, nandito pa naman ako. Nandito kami ni baby, hindi ka namin iiwan."
Kahit luhaan ay napangiti na ako. Oo nga pala, hindi naman ako nag-iisa. Kasama ko siya at si baby. Hindi ako tunay na nawalan ng pamilya.
"Uwi na tayo?" nakangiti na yaya niya sa akin. Hinawakan niya ang palad ko at pagkuwa'y magkahawak-kamay kaming bumalik na sa loob ng bahay.
PASUKAN NA. Sa Lyceum nag-aaral si Isaiah. Engineering ang course niya. Maaga siya pumasok at halos pagabi na madalas umuwi. Sa bahay lang naman ako palagi.
Naghihintay lang kung kailan uuwi galing sa school si Isaiah. Kahit busy siya sa pag-aaral, nakukuha niya pa ring um-extra sa talyer ng ninong niya na tito rin niya tuwing Sabado. Dahil wala na si Arkanghel ay solo na niya ang kita na four hundred. Binibigay niya iyon sa akin para may panggastos-gastos ako.
Madalas akong gutumin dahil nga sa lumalaki na ang tiyan ko. Minsan kakakain lang ay gutom na naman ako. Nahihiya naman ako mangalkal sa stocks sa kusina, saka iba ang gusto kong kainin. Ang mga gusto ko tuwing meryenda ay bananacue o kaya ay maruya na paninda sa kanto.
Sinusubukan ko naman na magpigil ng gutom pero hindi ko talaga kinakaya. Wala pa tuloy Biyernes ay ubos ko na ang binibigay na four hundred sa akin ni Isaiah.
Minsan ay hinahatian pa ako ni Isaiah sa allowance niya, pero hindi ko na iyon tinatanggap. Alam ko kasi na marami rin siyang gastusin sa school.
Pagkatapos kong ihatid si Isaiah sa gate pagpasok niya ay hindi pa agad ako bumalik sa loob. Nakamasid ako sa ibang kabataan na dumaraan. Ang iba ay mga naka-uniform ng high school at iyong iba ay pang-college. Nakakainggit kasi ako ay maghapon na nasa bahay lang.
Naghihintay lang ako kapag may text galing kay Isaiah tuwing wala siyang klase. Dahil iniiwan niya sa akin ang phone niya ay naghahanap lang siya sa school kung kanino siya puwedeng maki-text. Naghihintay lang ako buong araw kung kailan siya makakapagparamdam.
Sa hapon ay kasama ko si Mama Anya sa sala na nanonood ng mga TV drama. Minsan naman ay sa kuwarto lang ako namin ni Isaiah, nakahiga hanggang sa oras na para maghanda ng hapunan.
At syempre, ang pinakapaborito kong oras ay kapag pauwi na si Isaiah. Bago mag 7:00 p.m. siya nakakauwi kapag walang ginagawa masyado sa school. Excited ako palagi na salubungin siya. Kaya lang ay madalas na pagod na siya kapag umuuwi.
Napabuntong hininga ako. Nakakainip talaga kapag nasa bahay lang. Ano kaya ang pakiramdam ng pumapasok sa college? Parang high school din kaya? O mas mahirap doon?
Malungkot na isinara ko na ang gate ng compound. Dumaan ako sa nakasaradong bahay nina Arkanghel. Isa pa ito sa nakakalungkot. Wala na kasi si Arkanghel dito sa compound. Mula nang maglayas ito ay hindi na ito bumalik.
Ang balita ko kay Isaiah ay nagkita na raw si Arkanghel at ang tunay nitong mga magulang sa Manila. Mula noong hindi na talaga bumalik si Arkanghel dito sa compound ay hindi na naglalalabas pa ng bahay si Tita Roda. Si Tito Kier naman ay palaging wala dahil nagtatrabaho ito sa Epza.
BANDANG HAPON. Pabalik na ako sa bahay pagkatapos kong bumili ng sabong panlaba sa tindahan. Tatlong sachet ng fabric powder.
Wala akong magawa kaya maglalaba na lang ako ng mga damit namin ni Isaiah. Ayaw ko kasing paglabahin pa siya sa Linggo dahil pagod na siya masyado. Umi-extra pa kasi siya sa talyer tuwing Sabado.
Pag-alis ko sa tindahan ay may tumawag sakin mula sa kabilang kalsada. "Hoy, Vivi!"
Paglingon ko ay si Rosethel ang aking nakita. Kasama niya si Doralyn. Sabay silang tumawid papunta sa akin.
"Oy, si Vivi nga!" maligayang sabi ni Doralyn. "Hi, Vivi! Galing kami sa boyfriend ko na tagarito rin sa PK2! Akalain mo iyon, nakita ka pa namin. Nandito ka na pala talaga nakatira?!"
Naka-civilian sila, pormang-porma. Si Rosethel ay nakamaiksi na shorts at crop top knitted blouse. Si Doralyn naman ay naka-ripped jeans at chalis sleeveless ruffled strap na blouse. Ang mga buhok nila at tuwid na tuwid na halatang bagong salon.
Parehong maputi ang mukha nina Rosethel at Doralyn sa foundation, namumula sa blush on ang pisngi at makintab sa lip gloss ang kanilang mga labi. Mababango rin sila.
"Totoo bang buntis ka?" Tiningnan ni Rosethel ang aking tiyan na hindi pa halata, lalo at malaking t-shirt ni Isaiah ang suot ko.
Hinampas ako ni Doralyn sa balikat. "Akala namin, chismis lang na jontis ka! Truth pala, beh!"
Tumawa naman si Rosethel. "'Di ba? Kung sino pa talaga mahinhin at tahimik ay siya pa ang unang nabuntis!"
Nakitawa na rin si Doralyn. "Hindi pa malaki tiyan mo, Vivi, pero parang chubby mo na, beh! Naku, lalo kang mananaba niyan kapag lumaki na tiyan mo. Magmumukha ka nang butete!"
Ang mga mata ni Rosethel ay bumaba sa hawak kong sabong panlaba na aking binili sa tindahan. "Ano 'yan? Ipaglalaba mo si Isaiah? Shet, labandera ka na ngayon?!"
Napatingin din si Doralyn sa hawak kong sabon. "Uy, ipaglalaba mo si Isaiah? Sabagay, dapat lang. Mabuti nga hindi ka niya tinakbuhan nang mabuntis ka niya. Dapat lang na alaagan mo siya kasi baka bigla ka niyang iwan. Kawawa ka naman, eh balita namin tinakwil ka na sa inyo."
"Si Isaiah pala, nag-aaral pa?" usisa ni Rosethel. "O hinto na rin?"
"Hindi siya huminto," mabilis na sabi ko. "Sa Lyceum siya nag-aaral. Engineering." Bigla akong nakaramdam ng pagiging proud sa isiping nag-aaral pa rin si Isaiah.
"O?!" Namilog ang bibig ni Rosethel. "Sa Lyceum? Taray! Engineering pa! Kainis siya, ah? Pini-PM ko siya pero hindi siya nag-re-reply. Hindi yata siya nag-o-online!"
At bakit niya naman ipi-PM? Anong kailangan niya?! Bigla na lang uminit ang ulo ko. Nitong mga nakaraan pa naman ay mabilis akong mainis.
Hindi talaga siya mare-reply-an ni Isaiah dahil kababalik lang ng cellphone nito. Ako pa lagi ang may gamit. Mula rin nang tumira ako kina Isaiah ay hindi na talaga nag-o-online ito.
"Oy, Lyceum si Isaiah?" Napapalatak si Doralyn. "Naku, beh, dami yata magaganda roon."
Tumiim ang mga labi ko sa sinabi niya.
"Ang guwapo ni Isaiah, malamang maraming magkakagusto sa kanya sa college. Naku, baka wala kang kamalay-malay na lumalandi na pala sa kanya!"
Inakbayan ako ni Rosethel. "Kaya nga. 'Tapos ganyan pa itsura mo, nangingitim ka na at dry na balat mo. Wala ka na bang skincare? Paano kapag pumangit ka na nang tuluyan? Baka mamalayan mo na lang, may girlfriend na pala si Isaiah sa Lyceum."
Mabuti at nakarating na kami sa tapat ng gate ng compound nina Isaiah. Nagpaalam na ako sa kanila. Kahit gusto nila na sumama sa loob ay hindi ko sila inimbitahan. Pagpasok na pagpasok ko ay pinagsarhan ko agad sila ng gate.
Pagkauwi ay hindi na natuloy ang balak ko na paglalaba. Bigla na lang akong nawalan ng gana. Dumeretso ako sa itaas ng bahay, sa kuwarto namin ni Isaiah. Humarap ako sa salamin para lang lalong malungkot at maubusan ng pag-asa.
Tama sina Rosethel at Doralyn. Totoong ang tumataba na ako, nangitim na rin at nag-dry na ang dating makinis na balat ko. Ang pangit ko na kumpara noong nagustuhan ako ni Isaiah.
Bumalik sa isip ko ang sinabi nila na maraming babae ang malamang na may nagkakagusto ngayon kay Isaiah. Mga babaeng magaganda at nag-aaral din sa college. Hindi malabo na mangyari iyon.
Paano nga kung meron? At paano kung mapagtanto ni Isaiah na pangit na ako? Paano kung wala akong kaalam-alam na meron na pala siyang iba sa school nila?
Nadampot ko ang phone niya na nasa kama. Hindi ko ugaling makialam ng account niya pero parang lason sa puso at isip ko ang mga hinala na itinamin sa akin nina Rosethel at Doralyn. Binuksan ko ang account ni Isaiah. Marami siyang bagong friend requests at karamihan ay mga babae.
Wala na sana akong balak mag-usisa pa nang mapansin ang message request sa inbox niya. Nanginginig ang daliri na binuksan ko iyon at doon na ako tuluyang nanghina.
Isang magandang babae ang sender ng message. Photo message galing sa account na Aera Mae Chua. Parang may bumaon na matulis sa puso ko pagkakita kung ano ang nasa photo. Kuha ni Isaiah kasama ang isang magandang babae na naka-uniform din ng pang Lyceum!
Aera Mae: Our first photo together. *heart emoticon*
JF
Bạn đang đọc truyện trên: ZingTruyen.Xyz