Chapter 33
FIRST PHOTO TOGETHER?
Ang picture ay si Isaiah kasama ang isang magandang babae na nakangiti. Dikit na dikit sila sa isa't isa at makikitang ang may hawak sa phone at kumuha ng picture ay ang babae, habang si Isaiah ay parang nabigla ang itsura.
Sino ang babaeng ito? Sino itong Aera Mae Chua na ito?! Nangati ang mga kamay ko na puntahan ang profile ng babae. Hindi sila friends ni Isaiah pero dahil naka-public ang profile nito ay nakikita ko ang mga posts doon.
Ang profile photo ni Aera Mae Chua ay ang kanyang high school graduation. Magandang-maganda ito, naka-toga at may suot na medal. Lalo akong nakaramdam ng panghihina nang malamang matalino pala ito.
May mga photos din si Aera Mae Chua sa ibang bansa. Galing ito noong April sa Hong Kong Disneyland. Sa caption ay nagpapasalamat ang babae sa daddy nito dahil sa regalong travel vacation na iyon.
Ilang saglit lang ay nagkaroon ng bagong tagged na album sa wall nito. Mga pictures na kuha sa Lyceum kaya kaklase nito siguro ang nag-upload. Marami ang pictures pero natukso ako na tingnan isa-isa, hanggang sa umabot ako sa pang-siyam na picture. Parang nanlaki ang ulo ko sa nakita na marami itong pictures na kasama si Isaiah.
Ang unang picture ay sa isang classroom. Stolen ang kuha. May sinusulat si Isaiah sa notebook at si Aera Mae ay nakadikit sa kanya habang binabasa kung ano man ang isinusulat niya.
Sa pangalawang picture naman ay tulog si Isaiah sa armchair at tulog din ang Aera Mae Chua na ito sa katabi, habang ang kamay ng babae ay nakapatong sa ulo ni Isaiah. Humigpit ang pagkakahawak ko sa cellphone.
At sa pangatlong picture ay gising na sila at may pinag-uusapan na kung ano. Ang lagkit ng titig ng babae kay Isaiah habang nakangiti ito sa kanya.
Sa sumunod pang mga pictures ay kasama na ulit ang ibang kaklase nila, pero magkatabi pa rin silang dalawa. Sobrang dikit na dikit sa isa't isa. May kuha pa na tawang-tawa ang babaeng ito habang nakatingala kay Isaiah.
Iyon lang ang nasa mga pictures, pero ano pa kaya ang nangyayari kapag walang camera? Saka bakit parang sobrang dikit naman yata nila sa isa't isa?
Ang ganda-ganda ng babaeng ito, mukhang may kaya sa buhay, at matalino pa. Mukhang mabait at malambing. Kahit saang anggulo tingnan, alam ko na may gusto ito kay Isaiah. Ito na ang lumalapit, ito na ang lantarang napapakita ng motibo. Paano kung magustuhan din ito ni Isaiah?
Ipinilig ko ang ulo dahil kung anu-ano na ang pumapasok sa isip ko. May tiwala ako kay Isaiah.
Pero ang hirap na hindi mag-isip. Anong oras na pero hindi pa siya nagti-text. Nitong mga nakaraan ay palaging pagod na umuuwi si Isaiah.
Minsan nga lampas na siya ng 7:00 p.m. siya nakakauwi. Kakain lang siya at makikipagkuwentuhan sa akin sandali, pagkatapos ay antok na siya agad. Sa umaga naman ay maaga siyang umaalis at palagi pang nagmamadali.
Mali ba na mag-isip? Ang guwapo-guwapo ni Isaiah, mabango, at matalino. Natural lang naman na may nagkakagusto sa kanya. At ang ikinakatakot ko... ay paano nga kung magkagusto na rin siya iba?
Paano kung hindi lang pala sinasabi sa akin ni Isaiah pero may girlfriend na pala siya sa school nila? At paano kung ang babaeng iyon ay ang magandang kaklase niya na si Aera Mae Chua?
KINAGABIHAN. Unang beses na hindi ko sinalubong si Isaiah sa pag-uwi niya. Dumating siya at mukhang pagod na naman. Naghahanap siya ng pagkain pero hindi ko siya pinansin.
Nagtataka ang mga tingin niya sa akin dahil hindi ko siya nilalapitan. Hindi naman siya lumapit sa akin para tanungin ako o suyuin katulad ng palagi niyang ginagawa. Siguro nga ay pagod talaga siya at gutom dahil siya na lang ang nag-asikaso sa sarili niya.
Nauna na akong umakyat sa kuwarto namin. Nahiga na ako sa kama patalikod sa puwesto niya. Ilang minuto ang dumaan bago siya sumunod. Napuno ng pag-aasam ang aking dibdib nang maramdaman na nahiga na siya sa tabi ko.
Ang ganitong oras ay mag-uusap pa kami dapat. Tatanungin niya ako kung kumusta ang araw ko at ganoon din ako sa kanya. Pero walang ganoong nangyari. Katulad nang nakaraang mga gabi, hinalikan niya lang ako sa ulo at pagkatapos ay natulog na siya.
Sa kabila ng hindi ko pagpansin sa kanya ay nakuha niya pa rin na payapang matulog. Tahimik na umiyak na lang ako dahil sa sama ng loob.
Ngayon ko naisip, ang huling beses na hinalikan niya ako ay noon pang bago magpasukan. Hindi na pala iyon naulit pa. Halik na lang sa ulo, sa noo o minsan ay wala kahit ano.
Nagtatabi kami ni Isaiah sa kama pero balewala lang sa kanya. Daig pa iyong dati na hindi pa ako buntis. Noon ay mas nararamdaman ko pa ang pananabik niya. Ngayon ay talagang wala na.
Nagbago na siya. Hindi na siya katulad nang dati. Masakit ang dibdib ko nang makatulog.
Dahil sa puyat sa pag-iisip ay anong oras na ako nagising kinabukasan. Pagdilat ko ay nagsusuot na ng polo si Isaiah. Nakaligo na siya at naghahanda na sa pagpasok.
Hindi naman niya ako napapansin na gising na. Busy siya sa pag-aayos ng sarili. Sumisipol-sipol pa siya habang nagsusuklay ng buhok. Pagkatapos ay nagpabango siya at tumingin ulit sa salamin.
Gusto ko sanang sabihin sa kanya na guwapo na siya kaya hindi niya na kailangang magpabalik-balik sa salamin. Pero nanatili lang ako sa kama habang tahimik na nakamasid sa kanya.
Papasok na naman siya sa school at maghapon na wala. Gabi na siya uuwi. Pagkauwi niya ay pagod siya at matutulog na. Paggising naman sa umaga ay papasok na naman ulit siya.
Nagsuklay pa ulit siya bago dinampot ang bag niya. Saka niya lang napansin na gising na ako. Akma siyang ngingiti sa akin nang mag-iwas ako ng paningin. Nahiga na ulit ako sa kama.
"Pasok na ako," paalam niya. Lumapit siya at hinalikan ako sa noo. "May almusal na sa ibaba. Bumili ako ng pandesal kanina. Kumain ka, ha?"
Hindi ako sumagot. Katulad kagabi ay hindi siya nag-usisa. Kung noon ay mabilis siyang makaramdam, ngayon ay parang wala siyang kaalam-alam. O baka kasi wala na talaga siyang pakialam?
Nang lumabas na siya ng kuwarto ay doon ako napaluha.
Lumipas ang maghapon na naghihintay lang ulit ako sa kanya. Nakakabaliw maghintay at mangapa kung kailan siya magpaparamdam o kung magpaparamdam ba siya. Pinipilit ko na lang na abalahin ang sarili. Tumutulong ako sa gawaing bahay kay Mama Anya.
HANGGANG LUMIPAS ANG MGA ORAS. Hindi nag-text kahit isa sa akin si Isaiah. Wala siyang paramdam sa maghapong paghihintay ko sa kanya.
Wala pang 7:00pm nang sumilip ako sa bintana ng kuwarto, nakita ko na papasok si Isaiah sa gate. Bigla akong nasabik sa isiping maaga siyang nakauwi ngayon.
Nagmamadali akong lumabas ng kuwarto. Nakalimutan ko na ang aking pagtatampo dahil sa pagkasabik ko. Maaga siya ngayon kaya ibig sabihin ay hindi pa siya matutulog. Puwede pa kaming mag-usap.
Pababa ako ng hagdan nang makitang naghahain na sa mesa si Mama Anya. Lumingon ito sa akin. "O ayan ka na pala, Vivi. Halika na, sumabay na tayo kay Isaiah sa pagkain. Pupunta pa raw siya sa resto bar nina Zandra ngayon."
Pupunta sa resto bar? Aalis siya?
Pumasok si Papa Gideon sa pinto. Narinig nito ang usapan. "Isaiah, tutugtog ka ulit sa Kiss Bar?" Ang pangalan ng resto bar nina Zandra sa Pinagtipunan.
"Limang kanta lang, Pa. Babalik din ako agad kasi maaga ang pasok ko bukas."
Hindi pa nakakabalik si Tito Gideon sa abroad dahil nagkaproblema ang employer nito. Umi-extra lang ang lalaki ngayon sa isang maliit na kompanya na pag-aari ng kaibigan nito sa Manila. Ang sinasahod nito ay napupunta lang sa stocks at allowance ng anak.
Si Mama Anya ay nag-aahente ng mga bahay sa subdivision, pero hindi naman palagi ay may benta ito. Hindi pa rin ayos ang van nila kaya walang extra income. Ang natatabi na ipon ng mga magulang ni Isaiah ay nagagalaw pa.
Madaming bills at dumagdag pa ako sa gastusin. Hindi lang ako basta pakainin dito sa bahay nila, ipinapa-check up din nila at ibinibili ng vitamins.
Pagkakain ay nagpaalam na si Isaiah. Naghuhugas ako ng plato nang lapitan niya ako. "Alis muna ako. May gusto kang ipabili?"
Nakayuko na umiling ako. Hindi naman na siya nagtanong pa. Hinalikan niya lang ako sa ulo saka siya umalis na.
Hindi ko na nahintay si Isaiah na makauwi dahil 11:00pm pa lang ay inantok na ako. Siguro dahil umiiyak ako kaya ang bilis humapdi ng mga mata ko. Hindi ko na namalayan kung anong oras siya nakauwi.
PAGGISING KO AY WALA NA SI ISAIAH. Mag-isa na lang ako sa kama. Ni hindi ko man lang naramdaman na nagkatabi kami. Mabigat ang pakiramdam na bumangon na ako at bumaba.
"Hindi ka na raw ginising ni Isaiah dahil baka inaantok ka pa," sabi ni Mama Anya sa akin. "Mag-almusal ka na. Nagluto ako ng champorado. Nasa kaldero."
"Sige po," magalang na sagot ko. "Salamat po, Mama."
Hindi rin ako nakakain nang marami. Ang bigat talaga ng pakiramdam ko. Parang ang lungkot ng paligid. Kahit gutom ako ay wala akong gana.
Sinabi ni Mama Anya kung anong oras umuwi si Isaiah kagabi. Alas tres na pala ng madaling araw. Bakit siya inabot ng ganoong oras kung limang kanta lang ang ginawa niya?
Wala naman na roon ang tropa niya. Sa pagkakaalam ko, mga busy na sa pag-aaral sina Asher at Miko. Parang biglang nagseryoso ang mga ito nang magsipasukan na sa college.
Si Miko ay nasa daddy nito sa Sampaloc, Manila na tumutuloy. Sa Far Eastern University ito kumukuha ngayon ng Bachelor of Arts in Political Science. Si Asher naman ay nasa isang maritime school sa Dasma. Bachelor of Science in Marine Engineering naman ang course. Magsi-seaman daw ito.
Si Nelly naman ay abala sa pag-aalaga sa anak. At si Carlyn naman ay deactivated ang social media accounts. Nasa ibang bansa na ito ngayon kasama ang ate at lolo nito.
11:00 a.m. Wala na namang text kahit isa si Isaiah. Lumipas na ang vacant niya kanina pero wala siyang paramdam. Siguro ay busy siya. Siguro din ay wala siyang mahiraman ng cellphone o baka wala na siyang panahon?
Parang tukso na bumalik sa isip ko ang babaeng nag-message sa kanya. Iyong magandang babae na kasama niya sa picture, iyong Aera Mae Chua.
Siguro magkasama sila ngayon. Malamang na magkasama talaga sila dahil iisa ang school nila at ang course. Palaging magkasama mula pagpasok, sa breaktime at pati sa pag-uwi. Parang kami noon ni Isaiah noong high school kami.
Wala sa loob na napatingin ako sa salamin sa sala habang nagwawalis. Ang repleksyon ko sa salamin ay itsura ng isang babaeng walang ayos, ligo at iyong parang pinabayaan na ang sarili.
Basta lang nakatali ang gusot kong buhok, ang damit ko ay maluwag na t-shirt ni Isaiah dahil doon ako napi-preskuhan, ang shorts ko naman ay iyong mumurahing shorts na binili namin sa palengke. Ang mukha ko naman ay maputla.
Hindi naman ako mataba, pero kumpara noon ay hindi na ako payat na payat. Nagkalaman ako, lalo na sa bandang dibdib at balakang. Ang balat ko naman ay hindi na gaanong kaputian at kakinisan.
Napabuga ako ng hangin. Kung napapangitan na sa akin si Isaiah ay ano ang gagawin niya? Paaalisin niya ba ako rito sa kanila? Sa tingin niya ay papayag ba sina Mama Anya? Baka siya ang palayasin ng mama niya.
Tumapang ako sa naisip. Sandali pa lang ako rito sa kanila pero mahal na ako ng mama at papa niya. Kahit pa ayaw niya na sa akin, hindi niya ako rito mapapaalis!
Nang tanghalian na ay naghanda na ako ng makakain. Todo ang pag-aasikaso ko kay Mama Anya, na pati ang tubig niya sa baso ay ako pa ang naglagay. Nagtataka sa akin ang babae pero hindi naman nagtanong.
Pagkatapos ng tanghalian ay nakipag-unahan ako sa paghuhugas ng plato. "Ako na po rito, Mama Anya. Manood na lang po kayo ng TV. Simula na po yata iyong inaabangan niyong teledrama sa hapon."
"Ay, aalis ako, Vi," ani Mama Anya. "'Wag ka nang magkikilos dito habang wala ako. Magpahinga ka na lang."
May open house daw ngayong Biyernes sa bagong tayo na subdivision sa Pascam. Pupunta raw siya at baka makakuha ng kliyente.
Pagkaalis ni Mama Anya ay nagligpit-ligpit pa rin ako sa bahay. Ito lang ang maitutulong ko rito, kaya kahit sinasaway nila ako na 'wag magkikilos, kumikilos pa rin ako. Gusto kong magkaroon ng ambag kahit paano.
2:00 p.m. na ako natapos maglinis. Kumakalam na ang tiyan ko sa gutom kaya pinilit kahit walang gana ay kumain ako. Naligo ako pagkatapos at saka umakyat na sa kuwarto.
Habang nakaupo sa kama ay binuksan ko ang cellphone ni Isaiah. Nangunot ang noo ko nang makitang naka-logged out ang account niya sa social media. Kailan siya nag-cellphone? Kailan siya nag-log out? Kagabi ba habang tulog ako?
Kahit pa gustuhin kong makialam sa account niya, ay ngayon ko lang naisip na hindi ko nga pala alam ang password niya. Hindi katulad ng account ko na alam niya ang password.
Bakit nga ba hindi niya sinasabi sa akin ang password niya? Hindi naman sa gusto kong malaman at makialam sa account niya, pero nakakapagtaka lang na hindi niya nababanggit. Wala naman kasi kaming lihiman.
Para matigil na ako sa pag-iisip ng ikasasama ng aking loob ay nag-online na lang ako. Binuksan ko ang aking account para sandaling maglibang. Wala naman akong messages.
Meron akong notification galing kay Rosethel. Pagbukas ko ay nagulat ako nang makitang picture ko ang naka-post niya. Stolen na kuha habang papasok ako sa gate nina Isaiah. Ito iyong nakaraan na nakita nila ako ni Doralyn!
Kinuhanan pala niya ako ng picture nang hindi ko alam? T-shirt na maluwag ang suot ko at may dala akong sabon na panlaba. Naka-tag ang photo kay Paula.
Ang caption ng photo: Totoo nga, jontis si Vivi. Congrats, Vivi! Ganda yarn? *laughing emoticon*
May mga nag-like at nag-haha sa picture ko. May comment na sinasabing losyang na raw ako. Meron namang nag-congratulate kahit paano, pero meron ding nagsasabi na kesyo ang hinhin ko raw masyado, pero nauna pa akong nabuntis.
Wala akong karapatang magalit kasi totoo naman ang mga sinasabi nila. Nabuntis naman talaga ako nang maaga.
Tiningnan ko ang mga post ni Rosethel sa wall niya. Nag-aaral pala. Educ ang course niya. Marami siyang selfie na naka-uniform siya. Ang mga post niya ay tungkol lahat sa ginagawa niya sa university.
Sina Doralyn at Paula ay mga nag-aaral din. Si Doralyn ay sa CVSU Rosario at si Paula naman ay PUP Maragondon.
Nakakatuwa naman na nag-college pala ang mga kaibigan ko. Gusto ko ring mag-college sana. Ang sabi nina Mama Anya ay pag-aaralin din daw nila ako. Ang kaso ay nahihiya ako. Bukod sa dagdag gastos lang ay aminado ako na mahina ang utak ko.
Ang mga kaklase namin ay karamihan ay pumapasok na rin ngayon ng college. Kanya-kanyang post ang mga ito na naka-uniform. Iyong iba ay kahit walang kakayanan sa buhay ay nagsusumikap, nag-wo-working student makapasok lang. Nakakahanga silang lahat.
Pinuntahan ko ang wall ni Isaiah. Hindi ko alam kung nag-log out lang siya kagabi o nag-online pa muna. Wala namang nabago sa wall niya pero nakita ko na nadagdagan ang count ng friends niya. Nag-accept siya ng friend requests kagabi?
Nakita na rin kaya niya ang photo message sa kanya ni Aera Mae Chua?
Nag-offline na ako dahil ayoko nang tumingin pa sa newsfeed. Hindi rin pala nakatulong ang pag-o-online ko dahil nanghihina lang ang aking loob sa mga nakikita ko.
Tiningnan ko na lang ang gallery ng phone ni Isaiah. May sariling album pa ako rito na siya ang may gawa. Ang dami kong pictures noong hindi pa ako buntis dito. Iyong maganda pa ako, hindi pa losyang at hindi pa haggard.
Sumunod kong pinuntahan ang mga pictures namin ni Isaiah na magkasama. Mga pictures noon sa bench, mga wacky photos, merong kini-kiss ko siya o kaya ay kini-kiss niya ako. Hindi ko napigilan ang pagtulo ng aking mga luha habang iniisa-isa ang mga ito.
Meron din kaming pictures dito noong JS Prom namin. Lahat sweet at masasaya. Ang pinaka-latest na na dito ay iyong nakaraang buwan pa. Huling picture namin ni Isaiah noong araw na binalik ni Mama Anya ang phone niya. Nakaakbay siya sa akin at nakangiti kaming dalawa. Nabitiwan ko na ang phone dahil hindi ko na kaya.
Sumubsob ako sa aking mga palad at tuluyan nang napahagulhol. "Baby, sorry! Sorry, umiiyak si Mommy. Sorry!"
Ang sakit-sakit ng loob ng aking dibdib. Siguro nga ay nagsisisi na si Isaiah na nabuntis niya ako. Napagtanto niya nang hindi na ako maganda, hindi ako matalino, at malas ako.
Ang pag-iyak ko ay nauwi sa paghagulhol. Hindi ko narinig na may nagbukas ng pinto sa ibaba. Hindi ko rin napansin na may umakyat sa hagdan at bumukas ang pinto rito sa kuwarto.
"Baby, sorry kasi umiiyak ako. Hindi na kasi ako mahal ng daddy mo. Ayaw niya na sa akin dahil ang pangit-pangit ko na. Ang itim ko na, ang taba ko na, saka ang dry na ng balat ko."
Iyak pa rin ako nang iyak habang nakasubsob sa aking mga palad. Ang sakit-sakit ng nararamdaman ko. Nasasaktan ako, nanliliit, at naaawa sa sarili ko.
"Baby, naisip na ng daddy mo na nagkamali siya sa akin. Nagsisisi na siya kasi siguro na-realized niyang hindi na ako maganda tapos ang boba ko pa. Hindi niya na ako mahal na katulad nang dati. Sorry, baby, pero mahal kita. Sana baby, hindi ka ipanganak na bobo katulad ko."
Natigil ako sa pag-iyak nang may matigas at malamig na boses ang biglang nagsalita sa harapan ko, "Anong sinasabi mo sa baby natin?"
JF
Bạn đang đọc truyện trên: ZingTruyen.Xyz