ZingTruyen.Xyz

Serial Charmer

Chapter 31

JFstories

"ISAIAH, BUNTIS AKO."


Nanlaki ang mga mata ni Isaiah sa akin. Ang mga magulang naman niya ay kapwa natigagal. Alam ko na masisira ng sinabi ko ang dapat sana ay masayang gabi nila. Kaya lang, kailangan na nilang malaman, bago pa maunang malaman ni Daddy na umalis ako ngayon papunta rito.


"Isaiah?!" Hinarap ni Tita Anya si Isaiah at kwinelyuhan. "Anong sinasabi ni Vivi?! Totoo ba na nabuntis mo siya?!" Pulang-pula ang mukha ng ginang. "Totoo ba, ha?! Sumagot kang punyeta ka!"


Si Isaiah ay nanlalaki pa rin ang mga mata. Hindi siya makasagot dahil sa gulat.


"S-sorry po..." garalgal ang boses na sabi ko. "Sorry po, h-hindi naman po namin sinasadya... Sorry po..."


Napahiyaw si Tita Anya nang biglang undayan ng suntok ni Tito Gideon si Isaiah sa panga. Napasubsob si Isaiah sa gate nila.


"Tarantado kang bata ka!" Ang itsura ng papa ni Isaiah ngayon ay malayo sa pagiging maamo, palangiti at mabait. Ang buong mukha ay namumula at ang mga mata ay nanlilisik sa galit. Ito ang unang beses na nakita ko itong ganito.


May dumating na tricycle. Sakay niyon ang papa ni Arkanghel na kapatid ng papa ni Isaiah. Pinapasok kami nito sa loob ng compound para hindi makakuha ng atensyon ng mga kapitbahay.


Pakaladkad na hinila ni Tito Gideon sa kwelyo ng suot na polo si Isaiah papasok sa sala nila. Nagkakahulan ang mga aso nila at napalabas na rin sa kabilang bahay ang mama ng pinsan niya na si Arkanghel.


Paharabas na itinulak ni Tito Gideon sa pader si Isaiah. Duguan ang bibig na nagsalita si Isaiah sa basag na boses, "Pa, sorry. Sorry, mahal ko si Vivi—"


"Mahal mo?!" Sinapak siya ulit ng papa niya. "Mahal mo pero sinira mo ang buhay!"


"Gideon, tama na! Nasasaktan mo na ang anak mo!" awat dito ng papa ni Arkanghel na Kier pala ang pangalan. Kasunod din nito ang asawa.


Halos maglabasan ang litid sa leeg ni Tito Gideon sa galit. "'Wag mo akong pigilan, Kier! Babasagin ko ang bungo ng tarantadong ito!"


Ang mga handa para sa graduation celebration sana ni Isaiah ay dinala na lang ng mama ni Arkanghel sa kabila. Pagkahakot ng handa ay bumalik ang ginang para hilahin na ang asawa. Hindi pa raw pala umuuwi si Arkanghel mula pa nang matapos ang graduation, kaya tatawagan ng mga ito sa cellphone.


Isinara na ni Tita Anya ang pinto at ini-lock pag-alis ng isang mag-asawa, pagkuwan ay hinarap si Tito Gideon. Galit pa rin ito pero nasa mukha ang pag-aalala sa anak na duguan na pati ang ilong. "Gideon, tama na. Baka mapuruhan mo na ang anak mo!"


Hindi pa rin naman tapos si Tito Gideon. Sinapak pa ulit ng isa si Isaiah. Sa kahit ano namang hatak at sapak ng papa niya kay Isaiah ay hindi siya lumalaban o kahit sumagot man lang. Maski sumalag ay hindi niya ginagawa. Tinatanggap niya ang lahat.


Sa lahat naman ng ito ay nasa isang sulok lang ako. Pinanginginigan ako ng katawan sa pagsisisi at takot. 


"Anong pumasok sa kukote mo, Isaiah?! Akala ko ba matalino ka?! Bakit hindi ka nag-iisip?! Ang babata niyo pa! Nag-aaral pa kayo pareho! Mga wala pa kayong trabaho! Anong ipapakain niyo sa anak niyo?!"


Halos maglabasan na ang litid sa leeg ni Tito Gideon. Hinablot nito ang manggas ng polo niya hanggang sa tuluyan nang mawasak.


"Itong girlfriend mo ay wala pa nga yatang beinte anyos, binuntis mo na agad! Nasaan doon ang sinasabi mong pagmamahal?! Ni hindi mo inisip ang kinabukasan ng taong mahal mo, 'tapos sasabihin mo na mahal mo?!"


Itinuro ako nito.


"Ni hindi pa nakakapagtapos ng pag-aaral niya 'yan, hindi pa nararanasan makapagtrabaho, hindi pa nakakatulong sa pamilya niya. Ni hindi niya pa kabisado ang kalakaran ng mundo, hindi pa niya nararanasang makapagsaya nang malaya, o kahit i-enjoy ang pagkadalaga niya. Pero anong ginawa mo? Ginawa mo na agad siyang nanay! Binigyan mo na agad siya ng responsibilidad sa buhay!"


Nakayuko lang si Isaiah habang pinapahiran ng likod ng palad niya ang dugo na tumutulo mula sa kanyang ilong.


Isinara na ni Tita Anya ang pinto nila at kinandado saka nilapitan ang asawa. "Tama na, Gideon. Nahihirapan ka nang huminga, tama na!"


"Nagkulang ba ako sa pamilyang ito, Anya?" Pagak na tumawa si Tito Gideon. "Nagkulang ba ako bilang tatay? Dahil ba lumaki ang anak natin na palagi akong nasa ibang bansa kaya siya nagkaganyan? Lumaking tarantado! Pero kaya lang naman ako nagtitiis sa abroad ay para mabigyan siya ng magandang buhay!"


Napahagulhol na sa palad nito si Tito Gideon. Niyakap naman ito ni Tita Anya.


Si Isaiah ay may luha sa mga mata. "Pa, Ma, sorry..." 


"Gusto ko lang ng magandang buhay para sa 'yo!" kandapiyok na ang boses ni Tito Gideon. "Hindi naman para sa amin ng mama mo ito, kundi para sa 'yo! Nagtitiis ako na mag-isa sa abroad at malayo sa inyo, para lang magkaroon ka ng magandang buhay!"


"Tama na, Gideon," paos na ang boses ni Tita Anya na inalalayan ang asawa papunta sa hagdan. "Hindi ka nagkulang!" Nilingon ako nito. "Vivi, dalhin mo na muna sa kuwarto niya si Isaiah!"


Nang nasa hagdan na ang mga magulang ni Isaiah ay doon lang parang binalikan ng lakas ang mga binti ko. Nilapitan ko si Isaiah. Dumausdos siya paupo sa sahig ng sala nila. Kuyom ang mga kamao niya at nagtatagis ang mga ngipin habang luhaan.


"Isaiah..." Nangangatal ang aking mga kamay nang hawakan ko siya sa mukha. Duguan ang ilong niya at mga labi. May sugat din sa gilid ng pisngi niya. "Isaiah, sorry..." luhaan kong sabi. "Sorry... sorry..."


Kinuha niya ang kamay ko at kahit duguan ang mga labi niya ay nagsikap siyang ngumiti. "'Wag kang umiyak. Baka makasama kay baby 'yan."


Nang maalala ang tungkol sa baby namin ay lalo lang naman akong napaiyak. "Sorry, Isaiah..." Wala akong ibang masabi kundi sorry. Kung kaya ko lang maglaho na sa mundo para maglaho na rin ang problema niya ay ginawa ko na. "Sorry, Isaiah... Sorry talaga..."


"Tahan na nga," nakangiting sabi niya kahit pa napangiwi siya dahil sa masakit na labi. "Baka umiyak din si baby." Hinawakan niya ang tiyan ko. "Sige ka, iiyak din ito sa loob kasi umiiyak ka..."


Hinubad ni Isaiah ang suot niyang punit na polo at sumunod ay ang t-shirt niya sa loob. Maingat na ipinunas niya ang shirt sa mukha ko na basa ng luha.


Magkasabay kaming tumayo. Mas inalalayan niya pa ako kaysa inalalayan ko siya. "Okay ka lang? Natakot ka ba?"


Ikinuha niya ako ng tubig para painumin. "Isaiah, ikaw dapat ang inaasikaso ko. Iyong mga sugat mo..." nag-aalalang sabi ko. Ako pa kasi ang inaalala niya eh siya nga ito riyang nabugbog.


"Okay lang ako. Malayo sa bituka. Saka matigas bungo ko."


Hindi naman daw siya masyadong nasaktan sa bugbog ng papa niya. Sisiw lang daw iyon kumpara kapag nakikipagbasag-ulo siya. Alam ko naman na hindi siya gaanong nasaktan sa pisikal. Pero alam ko rin na sa loob-loob niya ay naroon ang masakit.


Hinawakan niya ako sa ulo. "Sorry, Vi. Kasalanan ko talaga ito kasi gago ako. Pasensiya ka na."


Mabait ang papa ni Isaiah. Kahit nang bata pa raw siya ay hindi siya napapalo. Mas napapalo pa siya ng mama niya. Ngayon lang daw siya napagbuhatan ng kamay.


"Pero nandiyan na 'yan, eh. Baby natin 'yan. Aalagaan natin 'yan."


Napatingin siya sa mesa nila. Wala na roon ang nakahanda kaninang litson manok, cake, bilao ng pansit at palabok. Dinala ng mama ni Arkanghel, na Roda ang pangalan. Pati ang dalawang bote ng softdrinks doon ay wala na rin. Hindi ko na napansin kung ilang balik sa paghahakot ang tita Roda niya kanina.


"Kakain sana muna tayo kaya lang, naiuwi na pala ng tita ko sa kanila iyong mga handa namin. Tsk! Si Arkanghel na lang makikinabang niyon!"


Hindi naman ako gutom. Sino ba ang magugutom sa nangyari ngayong gabi? Nang alukin ako ni Isaiah na ipagluluto ng noodles ay tumanggi ako. Nakikita ko rin kasi sa kanya na pagod na siya at kailangan niya nang magpahinga.


Naghilamos muna siya sa lababo nila at nagmumog bago kami umakyat sa itaas ng bahay nila. Sa kuwarto niya ay imbes na mga sugat niya ang aking asikasuhin ay ako pa ang inalala niya. Nilagyan niya ng band aid ang sugat sa noo ko na gawa naman ng saktan ako ni Daddy kanina.


"Hindi ba niya sinaktan ang baby natin?" tanong niya na puno ang boses ng pag-aalala.


Umiling ako. "Nakaalis ako agad." Kinuwento ko sa kanya ang tungkol sa pagtulong nina Tita Hannah at Eli sa akin para makaalis. Pero hindi ko na dinetalye kung paano.


Sumubsob si Isaiah sa balikat ko. Hinaplos ko ang ulo niya nang maramdaman na nanginginig siya. Hilam ang luha ko sa kaalamang umiiyak siya. Hinayaan ko siya na ilabas iyong lahat ng mabigat sa dibdib niya.


Yumapos sa bewang ko ang kanyang mga braso habang walang tunog siyang umiiyak. Basa na ang balikat ko sa mga luha niya pero nanatili akong tahimik. Masuyong hinagod ko siya sa likod, para sa kahit ganitong paraan lang ay mapagaan ko ang kanyang loob.


Sa pagod namin pareho ay hindi na namin namalayan kung anong oras kami nakatulog. Nagising kami kinabukasan na maingay sa ibaba ng bahay nila.



"DITO KA LANG." Nagsuot ng t-shirt si Isaiah bago bumaba. Iniwan niya ako sa kuwarto.


Sumilip ako sa bintana dahil hindi ako mapakali. Nag-aalala ako kung ano ba ang nangyayari. Nakita ko na palabas ang dalawang tanod sa gate ng compound nila. Kasama ng mga iyon ang papa ni Arkanghel na si Tito Kier.


Pagbalik ng kuwarto ni Isaiah ay seryosong-seryoso ang mukha niya. "Dumating pala kaninang madaling araw ang daddy mo at nagwala rito. Pinabaranggay siya ng tito ko."


"Ha?" Sa sobrang pagod ay hindi namin namalayan na nagkakagulo pala kanina. "Nasaan si Daddy ngayon?"


"Nakauwi na sa inyo. Nagbasag siya sa labas namin at nagbanta. Nakunan lahat iyon ng CCTV. Dumeretso sina Mama sa pulis dala ang ebidensiya. Pero dumating ang mommy mo at nakiusap na 'wag na ituloy ang demanda."


Pumunta si Mommy? Nag-alala agad ako rito dahil alam kong nanghihina ito at hirap makalakad. 


"Iyon nga, nakiusap ang mommy mo. Hindi raw pala puwedeng magka-record ang daddy mo sa pulis, dahil aalis nga papuntang Australia. Pinapirma na lang ng kasunduan na bawal nang manggulo rito sa amin ang daddy mo."


Kumuha ng damit si Isaiah sa cabinet niya. T-shirt na light pink na may print ng mukha ng anime character na si Nezuko ng Demon Slayer at plain blue na jersey shorts ang inabot niya sa akin. Saka ko naalala na bukod sa marungis ang suot ko ay may punit pa, dahil sa paghila ni Daddy kagabi.


"Gamitin mo muna itong mga damit ko para makapagpalit ka." 

Bumaba na kami. Wala ang mga magulang ni Isaiah sa sala nila. Nandoon daw ang mga ito kina Arkanghel sa kabilang bahay. Sinamahan niya ako sa banyo nila. Ang tuwalya niya ang pinagamit niya sa akin. Ibinili niya rin ako ng toothbrush sa may tindahan malapit sa compound nila.


Malaki ang t-shirt ni Isaiah sa akin nang suutin ko. Pero ayos lang dahil presko. Ang jersey shorts naman ay lampas sa aking tuhod pero dahil may tali ay naisakto ko iyon sa aking bewang. Ang basa kong buhok ay basta ko na lang hinayaang nakaladlad.


Nasa labas si Isaiah ng pinto at hinitay ako hanggang sa makatapos ako sa banyo. Paglabas ko ay siya naman ang naligo. Sabay kaming dumulog sa hapag. Deretso tanghalian na dahil alanganin na ang oras.


Kumain na ang mga magulang ni Isaiah kaya amin na lang ang ulam. Iyong tira daw iyon kagabi sa handa niya. Kinuha raw ni Tita Anya kina Arkanghel. Apat na piraso pa ang natirang hiwa ng manok. Isa lang ang kinuha ni Isaiah at iyong tatlo ay inilagay niya lahat sa plato ko.


"Kumain ka nang marami." Sinandukan niya rin ako ng kanin sa plato. "Baka gutom na 'yan si baby kasi tanghali na tayo nagising."


Pagkatapos kumain ay si Isaiah rin ang naghugas ng pinagkainan. Ayaw niya akong patulungin kahit anong pilit ko. Pero hindi ako pumayag na wala akong gagawin. Ako ang nagsalansang ng mga hinugasan niya sa lalagyan. Ako rin ang nagpunas ng mesa habang siya ay nagwalis ng sahig.


Pumasok sa pinto ang mama at papa niya. Hindi na galit ang mukha ng mga ito pero parehong seryoso.


"Hindi na pupunta ang daddy mo rito," ani Tita Anya sa akin. "Pero ang sabi niya, bawal ka na rin daw na bumalik sa inyo. Kahit kunin ang mga gamit mo ay hindi puwede."


Humigpit ang pagkakakuyom ng mga palad ko. "S-si Mommy po... A-ano pong sabi niya?"


"Wala. Pero mukhang alam ng mommy mo na mas makakabuti sa 'yo na 'wag ka na ngang bumalik sa inyo, dahil baka kung ano pa ang magawa ng daddy mo sa 'yo."


"Hindi na muna ako mag-aaral, Ma, Pa," ani Isaiah. "Maghahanap ako ng trabaho para—"


Hindi na niya natapos ang sinasabi dahil binato siya ng mama niya ng throwpillow sa sofa.


"At sa tingin mo, ikasisiya namin 'yang sinasabi mo?!" Bumagsik ang mukha ni Tita Anya. "Hindi ka namin pinag-aral at pinagtapos ng high school para lang sabihin mo 'yan sa amin!"


"Papasok ka pa rin ng college sa June," sabi naman ng papa niya na si Tito Gideon. Seryoso ang ekspresyon ng mukha nito pero hindi na galit na katulad nang kagabi. "Napag-usapan na namin ito ng mama mo. Igagapang ka pa rin namin na makatapos. Doon ka pa rin sa Lyceum. "


"Kapag medyo malaki na ang anak niyo at puwede nang maiwan sa bahay, mag-aaral din si Vivi," sabi ni Tita Anya na ikinagulat ko. "Pagsisikapan namin na makatapos pa rin kayong dalawa."


Namasa sa luha ang mga mata ko. "S-salamat po... P-pero okay lang po sa akin kahit hindi naman na po ako mag-aral... Puwede po na magtrabaho ako para makatulong sa gastusin ng baby namin..." Alam ko kasi na hirap sila sa ngayon. Saka kahit makabuwelo na sila ay nakakahiya na pati pag-aaral ko ay sa kanila ko pa iaasa.


"Basta, mag-aaral kayong dalawa ni Isaiah," final na sabi ni Tita Anya. "Sa ngayon, si Isaiah muna."


Nag-abot ng tatlong libo si Tito Gideon kay Isaiah. "'Yan lang ang pera ko ngayon, dahil kababayad lang natin sa mga bills at may binayaran pa akong loan. Pagkasyahin mo muna 'yan na maibili si Vivi ng kahit ilang damit lang."


Tinanggihan iyon ni Isaiah. "'Wag na, Pa. May natatabi naman po ako rito."


Tumango si Tito Gideon. "Pagkabili niyo ay bumalik agad kayo. Hindi kayo puwedeng maglalabas muna, dahil hindi tayo nakakasigurado na hindi talaga babalik ang daddy ni Vivi."


"Lalo ka, Isaiah!" Dinuro siya ni Tita Anya. "Ibigay mo sa akin ang susi ng motor mo mamaya! Ayaw ko muna na maglalalabas ka, kahit pa sa labas lang ng gate!"


Dahil kinuha ng mama ni Isaiah ang susi ng motor niya ay nag-tricycle lang kami paalis. Nasa dalawang libo lang ang pera ni Isaiah kaya hindi na ako pumayag na sa SM niya pa ako ibili ng mga damit.


"Okay lang ba talaga sa 'yo na sa palengke lang tayo?"


Tumango ako at ngumiti sa repleksyon namin sa loob ng sinasakyang tricycle. Magkatabi kasi kami sa loob. "Hindi kasi ako nakakapunta sa palengke, excited ako na makapunta roon ngayon. Saka mas marami tayong mabibili sa palengke kaysa sa mall."


Mga mumurahin lang ang hinanap kong damit pagkarating namin sa palengke. Ang nabili namin ay tatlong pirasong volleyball shorts, tatlong manipis na t-shirt, tatlong pirasong tag ninety pesos na bra, at dalawang set ng tag three for one-hundred na panty. Nakabili pa ako ng gomang tsinelas na tag one-hundred-twenty.


Ang sukli namin naipang-fishball pa namin sa kanto. Mineral water na nasa bote ang ibinili ni Isaiah sa akin na panulak. Bawal daw kasi ako sa palamig dahil buntis ako. Mabuti na raw ang nag-iingat.


Pagkauwi namin ay binulatlat niya ang laman ng mga plastic na pinamili namin sa palengke. "Okay lang ba na mumurahin iyong mga nabili natin sa 'yong gamit?"


"Oo naman, ano?! Ang cute kaya ng mga damit na binili natin, mga branded!" Ang isa kami naming nabiling t-shirt ay may tatak na SUPERME imbes na SUPREME, iyong isa naman ay LV ang logo pero ang nakasulat sa ibaba ay Lord Voldemort, at ang huling shirt ay Dolce & Banana.


Natawa naman si Isaiah. Pinisil niya ang ilong ko. "Hayaan mo, kapag mapera na ako, ibibili kita ng tunay talaga. Iyong limited edition pa."


May pumunong damdamin sa dibdib ko. May mga naging padalos-dalos akong desisyon sa buhay na dulot ng immaturity at pagrerebelde ko kay Daddy. Pero sa lahat ng nagawa ko, ang mahalin at piliin ang lalaking ito ay ang bagay na hindi ko pinagsisisihan.


Naging malamlam ang mga mata ni Isaiah habang nakatunghay sa akin. "Vi, alam mo pala, nagtampo ako sa 'yo kasi akala ko wala kang birthday gift para sa akin."


Nag-init sa luha ang mga mata ko nang makitang pinangingiliran na rin ang mga mata ni Isaiah ng luha.


Sumisinok at garalgal ang boses niya nang muling magsalita siya, "Mali ako, Vi. Meron ka palang birthday gift sa akin. Kasama pa nga pati graduation gift... Thank you, Vi..."


Kahit luhaan ay napangiti ako. "You're welcome..."


JF


Bạn đang đọc truyện trên: ZingTruyen.Xyz