Chapter 37
CHAPTER 37
ANG buong akala ko ay napatawad ko na siya sa kanyang ginawa. Ngunit nang makaharap ko siya ay muling nabuhay ang poot sa aking puso. Nanginginig ang mga kamay kong ginawaran siya ng malakas na sampal.
Pumaling ang kanyang ulo. Agad naman na lumapit ang babaeng pulis na nagbabantay. Ikinumpas ko ang aking kamay para pigilan siya sa paglapit sa amin.
Tumigas ang kanyang mukha saka sinalubong ang aking tingin. Sabog ang kanyang buhok na tila ilang araw nang hindi nakakita ng suklay. Nangingitim din ang ilalim ng kanyang mga mata. At ang kanyang mga labi ay maputla. Ngunit ni katiting na awa ay wala akong maramdaman para sa kanya. Marahil ay naubos na iyong amor ko sa kanya bilang tao.
"Kulang pa 'yan sa ginawa ninyo ng pinsan mo, Raquel. At kahit mabulok pa kayo sa kulungan, hinding-hindi ko kailanman mapapatawad ang ginawa ninyo!"
"Hindi ko naman hinihingi ang kapatawaran mo, Zia Lynn. Pinagdudusahan ko na ang nagawa ko. Ang mahalaga sa akin ngayon ay patas na tayo. Nawalan ka man pero nawalan din ako ng taong pinahalagahan ko buong buhay ko," walang buhay niyang tugon.
Hinamon ko siya ng tingin.
"Alam mo, Raquel, sa totoo lang hanggang ngayon hindi ko pa rin lubos maisip kung paano mo nagawa iyon. Wala kang kaluluwa katulad ng pinsan mo. Kung totoong mahalaga sa iyo si Timothy, hindi mo dapat ginawa iyon!"
"Dahil gano'n ako magmahal, Zia Lynn. Gagawin ko ang lahat para hindi siya mawala sa akin. Wala akong pakialam sa paniniwala mo dahil si Timothy lang ang mahalaga sa 'kin. Kung wala ka nang sasabihin, makakaalis ka na."
Kumuyom ang aking kamao sa ibabaw ng lamesa. Pakiramdam ko'y sasabog ako sa galit na aking nararamdaman. Mamanhid man ang kamay ko sa kasasampal sa kanya'y hindi mapapawi ang sakit na nararamdaman ko dahil sa pagkawala ni Papa, kaya't pinili ko na lang na tumayo.
"Sana'y hindi dumating ang araw na nakawin din ng iba ang buhay ng mga magulang mo, Raquel. Dahil sinasabi ko sa 'yo, hindi mo maaarok ang lalim ng magiging sugat mo."
Tinalikuran ko na siya't umalis sa lugar na iyon. Hindi ko alam kung bakit dinala ako ng aking mga paa sa kulungan pagkababa ko pa lang kanina ng barko. Gusto kong tulungan ang aking sarili na makalimot ngunit pakiramdam ko'y lalo lamang nadadagdagan ang mga sugat sa puso ko kapag nakikita ko ang mga taong anging dahilan ng masalimoot na sinapit ng pamilya ko.
Magdadalawang linggo nang hindi nagpapakita sa bahay si Timothy, na siyang ipinagtataka ko. Hindi rin siya tumawag o nagpadala man lang ng mensahe kung umuwi ba siya ng Negros o nasa Iloilo pa rin. Hindi ko maiwasang mag-alala. Sinubukan kong kontakin ang numero niya ngunit nakapatay ang kanyang cellphone.
Pinahid ko ang mga luha sa aking mga mata pagkatapos ay tumawid para makaabang ng dyip. Nakatatawang isipin na muli akong napadpad sa lugar na isinumpa ko nang hindi ko na kailanman pupuntahan pagkatapos ng nangyari.
Bumiyahe ako papuntang Murcia. Mahigit dalawang oras din bago ko narating ang hacienda. Medyo natagalan kasi ako sa kahihintay ng masakyan.
Bumilis ang tibok ng puso ko nang matanaw ko na ang matayog na pader ng hacienda. Mga ilang minuto akong nabato sa aking kinatatayuan.
Nagulat ang guard nang makita ako. Agad itong may tinawag. Napatigil ako sa paglalakad nang makitang papalapit si Kuya Ramon. Ang alam ko'y mansyon siya nagbabantay.
"Ma'am Zia!"
I forced a smile. Mag-a-alas dos pa lang ng hapon kaya't tirik na tirik pa ang araw. Mabuti na lamang at malamig ang samyo ng hangin. Nakasuot lang ako ng itim na blouse na pinaresan ko ng puting skinny jeans at sneakers.
"Kuya Ramon, dito na kayo nagbabantay?"
Napatingin ito sa gawi ng mansyon bago ako sinagot. "Tiningnan ko lang sila rito, pero pabalik na sana ako ng mansyon. Saktong dumating ka. Sumabay ka na sa 'kin."
Tumango ako. Nginitian ko lang iyong ibang guwardiya na sumaludo sa akin. Kilala na nila akong lahat dito dahil ipinasyal ako nina Milagros noon.
"Sige ho, Kuya Ramon."
"Ay, teka ipapasundo na lang kita kay Ismael ng sasakyan—"
"Huwag na ho, maglalakad na lang ho ako. Malapit lang naman," putol ko sa kanya. Isa pa, ayaw kong makuha ang atensyon ng mga tao sa bahay na nandito na ako.
Alanganing tumango si Kuya Ramon. Iminuwestra niya na mauna akong maglakad. Nagpatiuna naman ako, ngunit nasabayan niya ako. Kapansin-pansin ang pagtataka sa kanyang mukha.
"Nakauwi na pala kayo rito, Kuya Ramon. Akala ko ho kasi sa Iloilo pa kayo. Maraming salamat ho pala sa pag-asikaso ng mga pangangailangan namin noong lamay ni Papa."
"Wala 'yon, Ma'am. Ginawa lang namin ang nararapat. At saka umuwi rin kami kaagad kinahapunan pagkatapos ng libing. Pinaunan kami ni Senyorito, eh."
Bahagyang bumagal ang paglalakad ko't napabaling kay Kuya Ramon. Maraming nahuhulog na dahoon ng mangga sa dinadaanan namin kaya't naglilikha iyon ng ingay sa tuwing naaapakan.
"Pinauna ho? Ibig ninyong sabihin e nasa Iloilo pa si Timothy Hugh?"
Takhang tumango naman ang pobreng guwardiya. Marahil ay wala siyang kaalam-alam na ilang araw na kaming hindi nag-uusap ng kanyang amo.
"Hindi mo alam na nasa Iloilo pa si Senyorito? Kaya pala mag-isa kang umuwi dito."
Napangiwi ako at itinuloy ang paglalakad. Para akong pinagbagsakan ng langit dahil sa nalaman ko. Kung nasa Iloilo lang siya, bakit hindi ko siya makontak? At bakit hindi man lang siya nagparamdam? Galit nga kaya siya sa akin?
"Ang totoo ho niyan, akala ko nandito siya kaya lumuwas ako. Hindi ko alam na hindi pa pala siya umuuwi dito."
"Sinubukan mo na bang tawagan o i-text siya?"
Malungkot akong tumango sa tanong ni Kuya Ramon. He smiled at me awkwardly. Ngayon ko mas napatunayan na iniiwasan nga ako ni Timothy Hugh.
Napahawak ako sa aking dibdib nang kumirot ito. Tumingala ako sa kulay asul na kalangitan para pigilin ang pagtulo ng aking mga luha. I even bit my lower lip to suppress a sob.
Nang marating namin ang mansyon ay isang nakabibinging katahimikan ang sumalubong sa akin. Mabuti na lamang at binati ako ng mga nagkalat na security guards.
Pagkapasok ko sa foyer ng mansyon ay walang katao-tao. Marahil ay nasa kani-kanilang mga kuwarto at nagpapahinga sila. Himalang wala si Nanay Sol sa harap ng TV para manood ng telenobelang pinapanood niya tuwing hapon.
Mabibigat ang aking mga hakbang na naglakad sa gitna ng sala saka tumititig sa hagdan paakyat sa ikalawang palapag ng bahay. Natanggal na nila ang lahat ng mga Christmas decoration na nakasabit doon. Maging ang Christmas tree ay wala na rin. Marahil ay nilinis nila noong umalis kami pauwi ng Iloilo.
Saglit na nanumbalik sa isip ko ang mga maliligayang sandali ng aking pamilya sa magarang bahay na ito.
"Zia Lynn?"
Agad akong pumihit para tingnan ang tumawag sa aking pangalan. Mabilis kong pinahid ang aking mga luha saka sinalubong si Nay Sol na mukhang galing sa kusina.
"Nay Sol!" Sinalubong ko siya ng maikling yakap.
"Wala kayong pasabi na ngayon pala ang uwi n'yo rito. Hindi kasi sumasagot si Timothy noong pinatatawagan ko kay Dionesa."
Ngumit ako nang pilit. "Ako lang ho mag-isa, Nay."
Agad na nanlaki ang mga mata ng matanda dahil sa aking sinabi. Napaiwas ako ng tingin. Sinupil ko ang panibagong luha sa aking mga mata nang maalalang hindi man lang siya nagpakita gayong nasa Iloilo pa rin pala siya.
"Teka nga, bakit?" Hinila niya ako paupo sa pahabang sofa. Nagpalinga-linga ako sakaling makita ang tatlong Maria, ngunit agad akong sinagot ni Nanay Sol.
"Natutulog pa ang tatlo. Alam mo naman kapag wala ang mga amo hayahay ang mga buhay ng tatlong 'yon."
Umilap ang aking mga mata nang sinuri ako ni Nanay Sol mula ulo hanggang paa. Marahil ay nagtataka siya kung bakit mag-isa akong umuwi dito.
"Maraming salamat po pala sa pagtulong sa amin noong lamay ni Papa, Nay Sol."
I tried changing the topic. Totoong nando'n din siya sa lamay ngunit bumalik din siya kaagad dito sa Negros. Marahil ay kasama nina Kuya Ramon.
"Zia Lynn, magpakatatag ka para sa nanay mo at sa mga kapatid mo. Ngayong wala na si Rosendo, higit kaninuman, sa iyo humuhugot ng lakas ang Mama mo, kaya huwag kang susuko."
Napaluha ako nang maalala na naman ang pamilya. Pinisil ni Nanay Sol ang aking kamay.
"Salamat ho."
Sabay kaming bumuntonghininga ni Nanay Sol. Saganang tumulo ang mga luha ko. Kung ako lang ang masusunod ay ayaw ko na talagang bumalik dito dahil sa mapait na mga alaala. Ngunit wala akong pamimilian kundi labanan ang sarili kong panibugho at kalungkutan.
"Pero bakit mag-isa ka lang? Bakit hindi kayo magkasama ng senyorito?"
Napangiti ako nang mapait sa gitna ng pagluha. Lumalabo na ang aking paningin, kasinglabo ng mga nangyayari sa amin ngayon. Nilukob ng takot ang puso ito. This is exactly what happened before.
"Anak, nag-away ba kayo?"
Doon na ako napahagulgol saka yumakap kay Nanay Sol.
Ikinuwento ko sa kanya ang lahat ng nangyari. Simula nang umalis kami rito sa hacienda hanggang sa pag-uwi. Wala akong itinago, dahil wala na akong mapagsabihan na iba. Isa pa, ayaw kong dumagdag pa sa iniisip ni Mama. Si Divina ay hindi ko rin makontak magmula nang mag-walk out siya sa bahay.
Binalak kong maghanap ng trabaho ngunit pinigilan ako ni Mama. Palipasin ko raw muna ang 40 days ni Papa para makapagpahinga rin ako. Isa pa, ang sabi ni Mama ay may naitabi pa naman siyang panggastos sa amin. Alam kong galing iyon kay Timothy Hugh. Hindi man sabihin ni Mama ay batid kong palihim siyang binibigyan niyon. Na siyang lalong nagpapagulo ng sistema ko.
Sa totoo lang ay hindi lang utak ko ang magulo, pati na rin ang puso ko. Naghahalo-halo na ang nararamdaman kong sakit sa pagkawala ni Papa, ang poot para kina Victor at Raquel, ang pagkahabag sa sitwasyon ng pamilya ko. Higit sa lahat ay ang huling pag-uusap namin ni Timothy Hugh.
Oo nga't sinabi niyang hindi siya galit dahil sa mga masasamang salitang nasabi ko sa kanya. Ngunit hindi man lang siya nagprotesta nang sinabi kong pagod na siyang magmahal sa akin. Para akong namulot ng tinik at isinubo sa sarili kong bunganga. Hindi ko maipaliwanag ang sakit.
"Anak, lahat naman ng bagay napag-uusapan," mahinahong untag ni Nanay Sol pagkatapos kong maikuwento lahat.
"Naiintindihan ko kung nasabi mo ang mga bagay na iyon sa kanya, Zia Lynn. Naguguluhan ka lang nang mga sandaling iyon. Natabunan ka lang ng galit kaya normal lang sigurong nasabi mo ang mga hindi mo dapat sabihin. Ang mahalaga naman ay alam mo na ngayong mali at masakit ang mga nasabi mo."
"Pero bakit hindi niya ako naintindihan, Nay Sol? Bakit pakiramdam ko iniwan niya ako sa ere dahil lang sa mga nasabi ko? Bakit hindi niya naintindihan na hindi ko iyon sinasadya?" Pumiyok ang aking boses.
Malungkot niya akong nginitian saka inipit sa likod ng tainga ko ang buhok na tumabing sa aking mukha.
"Zia Lynn, huwag mong hingin ang mga bagay na ikaw mismo ay hindi mo kayang ibigay."
Napayuko ako nang mapagtanto ko ang ibig sabihin ni Nanay Sol.
"Sa relasyon, hindi lang dapat isa ang umintindi. Dapat kayong dalawa. Isipin mo rin kung saan siya nanggagaling. Lawakan mo ang pang-unawa mo. Baka nasaktan talaga siya kaya gusto niya munang mapag-isa. Unawain mo muna ang nararamdaman niya bago ka humiling na unawain ka niya."
"Nay Sol . . ." I stuttered. Nilukob ako ng takot at pag-aalinlangan.
Nanay Sol gave me an assuring smile. "Kilala ko ang batang iyon. Huwag kang mag-alala, kahit sino pang babae ang maghubad sa harap niya ay hindi ka niya ipagpapalit. Isa pa, hindi gano'n ang pagkakakilala ko sa kanya."
Bahagya akong nabuhayan ng loob dahil sa sinabi ni Nanay Sol.
"Zia Lynn! Bumalik ka na!" tili ni Milagros na siyang nagpagulat sa amin ni Nanay Sol.
Mabilis kong pinahid ang aking mga luha saka inihanda ang aking ngiti. Ngunit nang salubungin ko siya ng tingin ay agad siyang napangiwi.
"Ay, sorry!" anas niya. Nag-peace sign pa siya. Mayamaya'y sumulpot din sina Dionesa at Susana na mukhang kagigising lang din dahil parehong sabog ang kanilang mga buhok.
"Kumusta kayo?"
Saka lang natauhan si Milagros sa bahagyang pagkatulala sa itsura ko. Tumayo ako't sinalubong siya ng yakap. Nakisali rin sina Dionesa at Susana.
"Na-miss ka namin, sobra. Akala namin hindi ka na babalik," untag ni Susana. Tipid lang akong ngumiti pagkatapos ng yakap. Hindi na sila nakasama sa Iloilo para makilamay doon. Pero tumulong sila noong unang gabi ng lamay ni Papa rito sa Negros.
"Puwede ba naman 'yon?"
"Pumayat ka, Zia Lynn, pero blooming ka pa rin. Hindi nagbabago." Si Milagros sabay pisil na aking pinsgi.
"Tama na muna kayang kuwentuhan 'yan?" Si Nanay Sol na hinawi ang tatlong Maria na nakapalibot sa akin.
"Halika, Zia Lynn, kumain ka muna sa kusina," yaya ni Nanay Sol. Doon ko lang din naalalang kanina pa pala kumakalam ang sikmura ko kahit na ang dami ko namang kinain kaninang umaga bago umalis ng bahay.
"Sige ho, Nay Sol."
Ngunit nakaisang hakbang pa lamang ako nang bigla umikot ang aking paningin. Napapikit ako't napahawak sa aking ulo.
"Okay ka lang, Zia Lynn?" nag-aalalang tanong ni Dionesa.
Pumikit pa ulit ako saka huminga nang malalim. Marahil ay dulot lang ito ng gutom at init ng biyahe kanina.
"A—ayos lang ako." Nginitian ko sila para hindi na ako usisain pa.
"Gutom ka na talaga siguro," ani Nanay Sol. Nagpatianod na lang ako nang hinila niya ako.
Ngunit sa kalagitnaan ay napatigil ako sa paglalakad nang may maamoy akong pamilyar na pabango. Luminga-linga ako hanggang sa bumagsak ang aking paningin sa foyer.
Napasinghap ako't nanlaki ang mga mata nang mapagsino ang bagong dating.
"Senyorito Timothy!" tili ni Milagros.
Mga ilang segundo akong natuod sa aking kinatatayuan bago humakbang ang aking mga paa patakbo sa kinatatayuan niya. Kausap niya sina Kuya Ramon na tila may iniuutos, ngunit wala roon ang aking isip. Ang gusto ko na lang gawin ngayon ay yakapin siya dahil sobrang nasasabik na ako sa kanya.
"Timothy!" mangiyak-ngiyak kong bulalas saka dinamba siya ng yakap nang makalapit ako sa kanya.
Tuluyang bumigay ang mga luha ko nang sa wakas ay nayakap ko siya. Dalawang linggo ko siyang hindi nakita at walang araw na hindi ko iniisip kung umuwi na ba siya sa Negros o nasa Iloilo pa rin. Wala kasi akong ideya kung saang hotel siya tumuloy.
Narinig ko ang mahihinang hagikhik ng tatlong Maria sa likod. May kasama pang kantiyaw iyon. Marahil ay hindi nila inaasahan na yayakapin ko ang kanilang amo sa harapan nila. Hindi naman kasi ako ganito dati. Marahil ay dala na rin ng matagal naming hindi pagkikita. Idagdag pa iyong takot at ligalig sa aking isipan na baka nga ay napagod na siya sa akin.
"Salamat at umuwi ka," mahinang bulong ko saka hinigpitan ang pagkakayakap sa kanya. Hindi pa ako nakuntento, inamoy ko pa ang kanyang dibdib. Hindi siya nagprotesta o umimik man lang. Hinayaan niya ako sa aking ginagawa.
Ngunit nang may mapagtanto ako'y nanghina ang aking mga tuhod at unti-unting lumuwag ang aking pagkakayakap sa kanya.
Hindi niya ako niyakap pabalik.
©GREATFAIRY
Bạn đang đọc truyện trên: ZingTruyen.Xyz