Chapter 38
CHAPTER 38
BUMAGSAK ang aking mga kamay. Napayuko ako dulot ng sobrang pagkapahiya. Maging ang tatlong Maria na nakasunod sa akin ay biglang natahimik sa pagtitili.
"Uhm. . ." I struggled for words.
Nakagat ko ang aking ibabang labi; hindi malaman ang gagawin. Bumulusok ang kaninang tuwang naramdaman ko. Blangko ang kanyang mukha at tila hindi niya ako nakikita.
Kumirot ang gitna ng aking puso. Hindi ko kayang tagalan ang panlalamig niya. Napaatras ako habang nakayuko pa rin. Pinagsalikop ko ang aking mga kamay saka nilaro ang kuko ng isa sa mga daliri ko.
"Hijo! Hindi ka pa rin talaga nagbabago. Lagi mo na lang kaming sinosorpresa sa biglaang pagdating mo."
Si Nanay Sol na naglalakad papalapit sa foyer ang nagbasag ng katahimikan. Nakita ko sa gilid ng aking mga mata na sumenyas sina Kuya Ramon na lalabas na sila.
Hindi ko alam kung ngumiti ba si Timothy dahil sa sinabi ni Nanay Sol dahil nakayuko ako para maiwasang magkasalubong ang aming mga mata. Batid kong nakita rin ni Nanay Sol ang nangyari kaya siguradong maging siya ay nagtataka sa inasta ng aming amo.
"Kumain ka na ba? Ipahahanda ko ang komedor. Dionesa, Susana, pakihanda ang-"
"Don't bother, Nay Sol. I'm full. Besides, I'm tired. Please excuse me."
Iyon lang ang sinabi niya saka iniwan kaming nakatulala sa foyer. Nag-angat ako ng ulo saka sinundan ng tingin ang kanyang likod na naglalakad papuntang hagdan. Marahil ay papanhik na siya sa kuwarto niya para magpahinga.
Narinig ko ang sabay-sabay na pagsinghap ng tatlong Maria nang tuluyan nang makaakyat si Timothy sa taas. Tumingala ako para pigilan ang pagtulo ng aking mga luha. Hindi dapat ako mag-isip ng kung anu-ano. Baka pagod lang siya kaya ayaw niya muna ng kausap. Marahil ay marami siyang inasikaso sa kanilang negosyo, lalo na at ilang araw siyang nagbabantay sa akin noong lamay ni Papa.
"Anong nangyari kay Senyorito? Ba't parang galit siya sa mundo?" untag ni Milagros.
"Parang hindi naman siya galit, parang wala lang siyang ganang makipag-usap." Si Dionesa.
"Baka pagod siya at inaantok. Nakita n'yo 'yong ilalim ng mga mata niya? Para na siyang zombie. Guwapong zombie!" sabat naman ni Susana.
Napangiwi ako sa kanilang mga tinuran. Nais ko man isipin na baka pagod nga lang siya pero iba ang nararamdaman ng puso ko. Dati naman kahit pagod na pagod siya, malambing pa rin siya sa 'kin. Malakas ang hinala kong may sama nga siya ng loob sa akin. Lalo na at mahigit dalawang linggo rin siyang hindi nagparamdam sa akin.
"Pero kung pagod lang siya, bakit dedmatology lang niya ang beauty ni Senyorita Zia Lynn?" usisa ni Milagros. Napaiwas ako ng tingin nang maramdaman kong nabaling sa akin ang kanilang mga mata.
"Tumigil na kayong tatlo! Pagod lang si Timothy Hugh kaya hayaan natin siyang magpahinga muna. Ang mabuti pa, Milagros, tulungan mo na lang akong maghanda ng meryenda," awat ni Nanay Sol. Batid kong may ideya na siya kung bakit gano'n ang inakto ni Timothy dahil naikuwento ko sa kanya ang lahat. Hindi lang niya siguro inasahan na aabot sa puntong hindi ako papansin nito.
"Zia Lynn, bakit hindi ka-"
"Susana! Halika na!" bulalas ni Nanay Sol.
"Zia Lynn, ipapatawag na lang kita kapag nakahanda na ang lamesa."
Wala sa sariling tumango ako kay Nay Sol. Nakahinga ako nang maluwag nang hinila niya ang tatlong Maria papuntang kusina. Ngunit si Milagros ay nilingon pa at puno ng katanungan ang kanyang mga mata.
Nakakatawang isipin na maging ako ay walang kasagutan sa kanilang mga tanong.
Nang mawala sila ay dahan-dahan akong naglakad papuntang hagdan. Lumunok pa ako ng ilang beses bago inihakbang ang aking paa sa unang baitang. Ang kaninang gutom na nararamdaman ko'y biglang nawala. Mas nangingibabaw sa akin ngayon ang kirot sa aking dibdib.
A fresh batch of tears left my eyes. Napasandal ako sa handrail ng hagdan nang marating ko ang pangalawang palapag ng mansyon. Lumipad ang aking mga mata sa pinto ng kuwarto ni Timothy Hugh. Nangangati ang mga kamay kong katukin iyon ngunit natakot akong baka bulyawan niya ako kaya't natagpuan ko na lamang ang aking sarili na pumasok sa aking kuwarto.
Ibinagsak ko sa sahig ang shoulder bag saka humiga sa kama. Inilubog ko ang aking mukha sa unan at doon ibinuhos ang aking mga luha. Hindi ko na maintindihan ang aking sarili. Bakit kay dali kong maapektuhan? Bakit ang taklesa ko? Dahil doon ay nasaktan ko na naman ang taong mahal ko.
I shouted my frustration on the pillow. Alam kong walang makaririnig sa akin dahil soundproofed ang kuwarto.
Bumigat ang aking mga mata dulot ng pag-iyak. Namalayan ko na lang nakatulog na pala ako.
NAGISING ako na madilim na sa kuwarto. Gabi na pala. Tanging ang ilaw sa hardin na tumatagos sa kurtina ang tanglaw ng silid ko. Marahan akong bumangon ngunit agad ding napahiga nang maramdaman ko ang matinding pagsakit ng aking ulo.
Napaigik ako't napapikit. Marahil ay dahil nakatulugan ko ang pag-iyak.
Nang kumalma na ang aking ulo ay pinakiramdaman ko ang aking sarili saka dahan-dahang bumangon. Muntik pa akong matumba nang mahilo ako. Lumapit ako sa gilid ng pinto saka kinapa ang ilaw.
Agad kong tiningnan ang oras nang kumalat na ang liwanag sa kuwarto. Kinse minutos na lang pala at mag-a-alas siyete na ng gabi. Kung gano'n ay mahigit tatlong oras din akong nakatulog.
Hindi ko alam kung may kumatok ba kanina rito dahil wala akong naulinigan. Siguro'y hindi na nila ako ginising no'ng nakatulog ako. Nanikip ang aking dibdib nang maalala ang nangyari kaninang hapon bago ako pumanhik dito sa kuwarto.
Si Timothy.
Pinuntahan niya kaya ako rito sa kuwarto gaya ng nakagawian niya?
Tiningnan ko ang buong silid. Walang pagbabago. Nakasara ang pinto papuntang terasa. Maging ang mga kurtina ay nakapinid. Ibig sabihin hindi siya pumasok dito.
Bumuga ako ng hangin saka pinulot ang bag ko sa sahig nang maapakan ko iyon. Kinuha ko ang cellphone ko't tiningnan, ngunit dead bat na. Kinuha ko na lamang ang charger saka isinaksak iyon sa outlet na nasa gilid ng vanity table.
Hihintayin ko pa sanang magkaroon ng baterya ang cellphone para tingnan kung may tawag galing sa Iloilo, ngunit naunang tumunog ang aking tiyan. Gutom na gutom na ako. Naalala kong hindi pa pala ako nakapagpananghalian.
Pumasok na lang ako sa walk-in closet saka nagpalit ng damit. Mamaya ko na lang tawagan sina Mama sa Iloilo. Ang paalam ko kasi ay babalik lang ako para magpaalam na aalis na ako rito, at para kunin na rin ang aking mga gamit.
Ilang araw ko na ring kinokontak si Divina para tanungin kung kailan siya luluwas ng Maynila ngunit hindi siya makontak. No'ng pinuntahan ko sa bahay nila ay wala raw siya roon. Pero lagi ko siyang hindi naaabutan. Marahil ay abala siya sa pag-aasikaso ng mga papeles na kakailangan niya sa paghahanap ng trabaho sa Maynila. Magbabakasakali kasi sana akong sumabay na lang sa kanya.
Pero ngayong nandito na ako ulit ay tila umurong ang katapangan ko sa mga naisip kong plano. Ngayon ko lang napagtanto na naging padalos-dalos nga ako. Tama si Mama. Marahil ay naunahan lang ako ng aking emosyon.
Rumihestro sa aking isip ang mukha ni Timothy kanina. Ngayon ay nakatitiyak na akong dinamdam nga niya ang huling pag-uusap namin. Aminin ko man o hindi ay nasaktan ko siya. Kaya kailangan kong bumawi sa kanya.
Tumango ako sa sariling naisip. A determined smile from my lips reflected on the full length mirror.
Nang makuntento na ako'y lumabas na ako ng kuwarto. Isinuot ko rin ang kuwintas na ibinigay niya sa akin kasama ang promise ring.
Dagli akong napaatras nang magulat ako. Pagkabukas ko kasi ng pinto ng kuwarto ay bumulaga sa akin si Nanay Sol na mukhang kakatok sana sa kuwarto ko.
"Oh, buti gising ka na, hija. Kanina ka pa namin hinihintay, e. Pinaakyat kita rito kay Milagros, hindi ka raw sumasagot."
I smiled at her apologetically. "Pasensya na, Nay, napasarap yata ang tulog ko kaya hindi ko narinig na may kumakatok pala sa kuwarto."
"Iyon nga ang sabi ko. Baka kako napagod ka sa biyahe."
Hinagod ako ni Nanay Sol ng tingin. Tumigil ang kanyang mga mata sa may bandang leeg ko pero wala siyang komento. "O siya, halika na sa baba nang makapaghapunan na tayo."
Sumunod ako sa kanya pababa pero bahagyang bumagal ang aking paglalakad nang makita ko ang pinto ng kuwarto ni Timothy. Nasa loob kaya siya? O nasa baba na?
"Nasa baba si Senyorito Timothy."
Napangiwi ako. Marahil ay nabasa ni Nanay Sol ang nasa isip ko. Binilisan ko ang paglalakad pababa habang nakasunod sa kanya.
Naabutan naming nakapuwesto na sa kani-kanilang upuan sa komedor ang tatlong Maria. Sa kabisera ay nakaupo na ang aming amo. Parang kinurot na naman ang puso ko nang maisip na hindi man lang siya ang gumising sa akin sa itaas gayong nandito naman siya. Si Nanay Sol pa talaga ang pumanhik para gisingin ako.
I chastised myself inwardly. Naisip ko pa talaga 'yong mga walang kuwentang bagay.
Nakalimutan mo na bang galit siya sa 'yo?
Napailing ako. Kailangan ko na talagang salain ang utak ko dahil hindi nagiging maganda ang kinalalabasan kapag naibulalas ko ang mga nasa isip ko.
"Nay Sol, ako na po," awat ko sa mayordoma nang ipinaghila pa niya ako ng upuan sa tabi ng senyorito.
Dahil na rin sa pagtrato ng mga tao rito sa bahay sa akin ay nakakaligtaan ko minsan na katulong pala ako rito. Dapat ko na yata ipag-seminar ang sarili ko para maisaksak ko sa kukuti ko na wala akong karapatang magdesisyon ng mga bagay na dapat ay ipinagpaalam sa amo. Napangiwi ako nang inataki na naman ako ng kahihiyan.
Diyos ko, ngayon lang napagtanto na nakakahiya pala ang mga inakto ko kay Timothy noong mga nakaraan.
"Ayaw mo ba ng pagkain, hija?"
Napaayos ako ng upo nang mapansing sa akin pala ang mga mata nilang lahat, maliban kay Timothy. Napatulala na pala ako sa harap ng pagkain nang hindi ko napapansin.
"Siyempre, gusto ko ho. Mukhang masarap ang sinigang, Nay Sol."
I flashed a smile to reduce the awkward ambiance. Tahimik lang na kumakain ang aming amo na parang hindi lang kami nag-e-exist at wala siyang kasabay na kumakain.
Nilagyan ko ng kaunting kanin ang aking plato saka naglagay rin ng ulam. Nag-usal muna ako ng dasal bago sinimulan kumain.
Ngunit napahinto ako sa pagsubo nang maamoy ko ang asim ng sinigang. Naibaba ko ang kutsara. Hindi ko alam kung anong mayroon sa amoy ngunit tila biglang hinalukay ang aking tiyan at lalamunan.
"Okay ka lang ba talaga, Zia Lynn?" Si Dionesa.
I smiled awkwardly. Pilit akong tumango. "Oo naman, ayos lang ako."
Napalunok ako't dire-diretsong sumubo. Napangiwi ako nang dumaan sa aking lalamunan ang asim. Parang gusto ko iyon iluwa. Ngunit baka magtaka sila at baka isipin nilang nag-iinarte ako. Bibinggo na talaga ako kay Timothy kapag nagkataon.
Kaya't tiniis ko ang kakaibang pang-amoy ko't panlasa. Panay rin ang inom ko ng tubig para mabawasan ang panghihilab ng aking sikmura. Tila lalabas lahat ng kinain ko. Mabuti na lamang at may iba pang ulam sa lamesa. Kumuha ako ng pork chop at iyon ang inilagay sa plato ko.
Kahit ako'y nagtataka rin sa panlasa ko nitong mga nakaraang araw. Dati naman ay paborito kong niluluto ni Nay Sol ang sinigang. Naalala ko ring hindi na ako kumain ng banana cue na minsan dinala ni Divina sa bahay.
Binilisan ko ang pagkain para makaalis na agad ako sa harap ng hapag. Halos pinipigilan ko na kasi ang paghinga ko para hindi ko masamyo ang amoy ng sinigang. I felt helpless. Marahil ay balisa lang ako dulot ng mga pangyayari nitong mga nakaraang linggo kaya pati ang appetite ko sa pagkain ay nagbabago.
"Dahan-dahan lang, hija. Baka mabilaukan ka," saway ni Nanay Sol.
I gulped. "Gutom ho kasi ako."
"Paano hindi ka nakapananghalian kanina bago natulog."
Napangiwi ako't pilit na ngumiti. Sinulyapan ko ang aming amo. Tapos na itong kumain dahil nakababa na ang kubyertos. Uminom siya ng tubig at walang sere-seremonyang umalis ng hapag.
Nasundan ko siya ng tingin, maging ng tatlong Maria at ni Nanay Sol. Hindi niya talaga ako pinapansin. At tila estranghero ako kung itrato niya.
"Hija, hindi pa ba kayo nag-uusap ni Timothy?" untag ni Nanay Sol. Malungkot akong umiling. Bumuntonghininga silang apat. Tapos na irng kumain sina Milagros pero hindi pa sila tumatayo dahil para may kasama kami ni Nanay Sol sa hapag.
"Tapos na po ako. Salamat po sa pagluluto ng pagkain."
Tumayo ako't niligpit ang mga plato ngunit agad nila akong pinigilan. "Kami na ang bahala sa mga 'to," untag ni Susana.
"Ano ba kayo? Nakakahiya na kay na nga ang naghanda tapos kayo pa ang maghuhugas ng mga 'to," protesta ko ngunit pinanlakihan din ako ni Nanay Sol.
"Sundan mo na ang nobyo mo at kausapin. Hayaan mo na kami rito."
Muli na naman akong napangiwi. Napahaplos ako sa aking noo nang maramdamang pinagpawisan ako.
"Sige na, Zia Lynn. Kami na ang bahala rito," pangungumbinsi ni Milagros. Marahil may ideya na sila sa nangyari dahil nakikita ko ang simpatya sa kanilang mga mata.
"Sa-salamat sa inyo."
Lumunok ako nang maramdaman ko na naman na tila umakyat ang pagkain sa lalaluman ko. Kaya't sumenyas na lang ako bago ko sila tinalikuran para sundan si Timothy. Nakahinga ako nang maluwag nang makalayo ako sa lamesa, kaya lang ay parang hindi ko na talaga mapipigilan.
Patakbo akong pumanhik sa hagdan para makapasok sa kuwarto ko. Agad akong dumiretso sa banyo at doon sumuka. Mariin akong napapikit nang makitang inilibas ko ang mga kinain ko kanina. Mukhang masama talaga ang timpla ng aking tiyan.
Nandilim ang aking paningin kaya't napasandal ako sa inidoro. Hinilot ko ang aking sentido. Marahil ay epekto rin ito ng pagpupuyat at ko nitong mga nakaraang linggo. Kailangan ko nga talaga ng mahabang pahinga dahil katawan ko na mismo ang bumibigay.
Pinakiramdaman ko ang aking sarili. Nang tila tumigil na ang paghalukay ng aking tiyan ay lumapit ako sa lababo saka naghilamos. Nagtagal ako roon. Patigil-tigil ako sa tuwing umiikot ang aking paningin.
Pagkatapos kong tuyuin ang aking mukha gamit ang malambot na towel ay naupo muna ako sa kama para magpahinga. I massaged my temple for the nth time. Mangiyak-ngiyak na ako dahil hindi ko maintindihan ang aking nararamdaman. Nilukob ako ng kaba. Hindi kaya may ulcer na ako dahil ilang beses akong nagpalipas ng kain?
Huwag naman sana. Kapag nakausap ko na si Timothy bukas at maayos na ang lahat ay magpapatingin ako sa doktor para makumpirma. Siguro'y pagod din siya kaya hahayaan ko muna siyang magpahinga.
Tumayo ako at binuksan ang pinto palabas sa terasa. Marahil kailangan ko lang makasagap ng preskang hangin.
Bumuga ako ng hangin sa humawak sa railings. Preska ang hangin at maraming mga bituin sa kalangitan. Naririnig ko rin ang huni ng mga kuliglig. Masyadong tahimik ang hacienda. Tila walang katao-tao. Kung hindi lang siguro ito mailaw at magarbo ay magmimistula itong abandonadong bahay.
Natigilan ako nang maramdamang tila may nakatingin sa akin. Dumungaw ako sa baba. Nando'n sina Kuya Ramon sa gilid ng pool, nag-uusap sila ni Ismael. Hindi naman sila nakatingin dito.
Nag-angat ako ng tingin. Babaling na sana ako sa kabilang terasa ngunit biglang umikot ang aking paningin. Nasapo ko ang aking ulo. Ang kabila kong kamay ay naikapit ko nang mahigpit sa railing para hindi ako matumba.
Kaya lang hindi ko na talaga kaya. Hindi ko na maalala ang sumunod na pangyayari. Tuluyan na akong iginupo ng dilim.
©GREATFAIRY
Bạn đang đọc truyện trên: ZingTruyen.Xyz