ZingTruyen.Xyz

Reckless Love

Chapter 36

greatfairy

CHAPTER 36

NAKAKABINGI ang katahimikang lumulukob sa buong bahay. Napatulala ako habang nagtitimpla si Mama ng kape. Walang ni isa sa amin ang nagsasalita. Sa Lunes ay papasok na sa eskuwelahan sina Zabelle at Zac. Abala silang dalawa sa kakadutdot ng cellphone. Hinayaan ko na lang na libangin nila ang kanilang mga sarili. Kahit sa gano'ng paraan ay mabawasan ang bigat na kanilang nararamdaman.

Napagtanto kong walang sino man ang may hawak ng buhay. Kapag oras mo na ay oras mo na talaga. Ang masakit lang ay kung kailan nabuo ang isang magandang pagsasamahan, saka naman kami nalagasan ng haligi.

Inilibing na si Papa kahapon. Hindi na namin pinatagal ang lamay. Apat na araw matapos siyang maiuwi rito sa Iloilo ay inihatid na namin siya sa sementeryo. Pumunta ang mga kamag-anak namin mula sa kabilang bayan at ilan sa mga kaibigan ni Papa. May mga pumunta ring ka-baranggay, ngunit hindi pumunta ang mga magulang ni Patrick na dating kaibigan ng aming pamilya. Siguro'y hanggang ngayon namumuhi pa rin sila sa amin dahil sa kasalanang hindi naman namin nagawa.

Nasundan ko ng tingin si Mama nang dinala niya ang dalawang mug ng kape saka nagtungo sa sofa.

"Magkape ka muna, Rosendo."

Napaangat ng tingin sina Zabelle at Zac dahil sa sinabi ni Mama. Saglit rin akong natulala sa kanya bago pasimpleng pinahid ang tumulong luha. Maging siya ay natigilan sa kanyang sinabi. Matagal niyang tinitigan ang kapeng itinimpla niya sana para kay Papa.

Kumurap siya't tumayo para sana ilagay iyon sa lababo.

"Akin na lang 'yan, Ma." Kinuha ko iyon sa kanyang kamay. Ngumiti siya nang pilit.

"Pasensya na kayo, mga anak. Nasanay lang ako na ganitong mga oras ay ipinagtitimpla ko ng kape ang Papa ninyo," ani Mama. Itinago ko ang lungkot sa aking mukha. I plastered a smiling face.

"Tiyak akong natatawa ngayon si Papa kung nasaan man siya, Ma. Medyo ulyanin ka na raw." Sinubukan kong pagaanin ang bigat ng katahimikan sa bahay.

Tumawa si Mama, pero hindi iyon umabot sa kanyang mga mata. "Atleast mas kaunti ang uban ko kaysa Papa ninyo."

Pilit na tumawa si Zabelle. Iyong tawang nang-aasar kay Mama. Nakitawa rin ako kahit na may bumibikig sa aking lalamunan.

Batid kong katulad ng nararamdaman ko'y tila nasa isa kaming masamang panaginip. Na kahit anong gawin namin ay malayo sa katotohanan na magigising pa kami. Siguro'y nagampanan na ni Papa ang kanyang misyon sa mundong ito. Iyon ay ang hubugin kami na maging mabuting tao. Hindi man naging perpekto ang relasyon ng aming pamilya ngunit sa kahuli-hulihang sandali ay naramdaman kong mahal kami ni Papa.

"Nga pala, anak. Kailan ka babalik sa Negros?" biglang tanong ni Mama na siyang nagpatahimik sa akin. Hindi agad ako nakasagot kaya't napaiwas ako ng tingin. Napabaling na rin sa akin ang dalawa kong kapatid, na tila naghihintay ng aking isasagot.

"Dito na ulit ako magtatrabaho sa Iloilo, Ma. Para naman may kasama kayo rito."

Napanganga sila sa aking sinabi. Napatigil sa paghigop ng kape si Mama. Nilukob ako ng habag nang makita ang pangingitim ng ilalim ng kanyang mga mata.

"Sigurado ka? Paano si Timothy?"

Nahugot ko ang aking hininga. Diretso kong nilagok ang kape kahit mainit pa kaya't naibaba ko kaagad ang baso.

"Dahan-dahan kasi sa pag-inom, mainit pa 'yan," untag ni Mama.

"Oo nga, Ate. Paano si Kuya Tim? Ayaw mo na bang magtrabaho sa mansyon nila?" usisa ni Zabelle. Batid kong nagulat sila sa aking sinabi.

"Ayaw ko nang bumalik sa lugar na magpapaalala lang sa akin ng masakit na sinapit ni Papa, Ma. Huwag kayong mag-alala, maghahanap ako ng magandang trabaho. Kung wala akong mahanap ay luluwas ako ng Maynila."

Napangiwi si Mama sa sinabi ko. Mahigit dalawang oras nang nakaalis si Timothy, ngunit hindi ko na siya tinanong kung uuwi ba siya sa Negros o babalik sa hotel na tinutuluyan niya. Ayaw ko muna siyang kausapin dahil gulong-gulo pa ang aking utak.

"Kaya ba hindi ka sumama kay Timothy kanina?" untag ni Mama. Marahan akong tumango.

"Anak, huwag ka sanang magpadalos-dalos sa desisyon mo. Isa pa, wala namang kasalanan si Timothy sa nangyari sa Papa mo, o sinuman sa mansyon."

Napangiti ako nang mapait. Alam kong tama si Mama. Hindi ko lang talaga maiwasan isipin na kung sakaling iba ang naging takbo ng mga pangyayari, marahil ay buhay pa si Papa. Sa tuwing naiisip ko ang hacienda ay hindi na masasayang alala ang pumapasok sa aking isip, kundi ang masasakit na sandaling sinapit ni Papa.

"Ayaw ko muna pag-usapan ang anuman tungkol sa mga Bustamante o sa hacienda, Ma."

Napaawang si Mama dahil sa aking sinabi ngunit hindi na ito nagsalita. Tiningnan niya lang ako sabay hinga nang malalim.

"Ang lalim naman no'n, Aling Veronica!"

Sabay-sabay kaming napalingon sa pintuan nang bumungad doon si Divina. May bitbit siyang supot na tila pagkain ang laman. Kung hindi ako nagkakamali ay banana cue iyon.

"Oh, Divina! Buti napadalaw ka ulit dito." Si Mama.

"Pumasok na ako kasi nakabukas naman ang pinto ninyo," ani Divina.

Tumayo ako't sinalubong siya ng yakap.

"I'm sorry, besh. Hindi ako nakapunta sa libing kahapon. Ma—may nangyari kasi," alanganing untag ni Divina. Ngumiti ako nang pilit.

"Ayos lang. Nandito naman halos lahat ng kamag-anak mo kahapon. Isa pa, halos araw-araw nandito ka noong lamay. Ako nga ang dapat humingi ng dispensa dahil masyado ka naming naabala."

"Ang drama mo, besh. Siyempre, alangan namang pabayaan kita, 'di ba?" Nanubig ang kanyang mga mata matapos naming humiwalay ng yakap.

"Salamat dito," untag ko matapos abutin sa kanya ang supot. Ipinatong ko iyon sa lamesa saka itinuro kina Zabelle na kunin at kainin.

I gestured Divina to sit. Nagpasalamat naman si Mama saka kumuha ng isang stick ng banana cue. Kahit paborito namin iyon ni Divina ay hindi ko nagawang kumuha. Hindi ko alam kung bakit.

"Uhm, maraming salamat ulit sa lahat ng naitulong mo, Divina."

Mahina niyang tinampal ang aking kamay. "Ayan ka naman sa pasasalamat mo."

Pareho kaming bumuntonghininga. "Ang totoo niyan, kaya ako pumunta rito kasi gusto ko sanang magpaalam."

Natigilan ako. I stared at her questioningly. Mababanaag ang lungkot sa kanyang mukha. "Sa Maynila na ako magtuturo, besh."

"Sigurado ka na ba sa desisyon mong 'yan? Baka mahirapan ka—"

"Huwag kang mag-alala may mga nakausap na ako na tutuluyan ko roon," putol niya sa sasabihin ko. Tumango na lamang ako bilang pagsang-ayon.

"Kuya Tim!"

Kumabog ang puso ko nang biglang tumayo si Zac. Sinalubong niya ang lalaking kanina lang ay laman ng aking isip. He's wearing a pair of white polo shirt and denim tattered shorts. Kumikinang pa ang mamahaling relo na nakasuot sa kanyang kamay.

Bagama't nagmumura ang kanyang matipunong katawan. Ang kanyang matangos na ilong na tila nililok; at ang kanyang mapupulang labi, hindi maitatangging kulang siya sa tulog. Malalim at namumula pa ang kanyang mga mata. Alam kong ilang araw na siyang walang matinong tulog sa kababantay sa amin—sa akin. Sa kakaparoon at parito.

I looked away. Lumipad ang aking mga mata sa kasunod niyang pumasok. Ang kuya niya, si Señorito Gaston. Batid ko naman na kahit anong gawin ko ay kailangan ko siyang harapin, pagkatapos ng lahat ng nangyari.

"Señorito Gaston!" Nginitian ko siya. Tumayo na rin sina Mama at binati ang bagong dating.

"Nakikiramay ako, Zia Lynn at sa pamilya mo. Pasensya ka na, hindi ako nakapunta kaagad. May nangyari kasi," aniya.

Magalang akong tumango. "Ayos lang ho. Marami naman kayong ipinadalang tulong."

Ang tinutukoy ko ay ang kapatid niya. Si Timothy lahat nag-asikaso, kasama sina Mang Ramon at Ismael. Kaya malaki rin ang utang na loob ko sa dalawang guwardiyang iyon.

Ngumiti siya pabalik ngunit agad na lumipad ang kanyang mga mata sa kaibigan ko. Napakunot ako ng noo.

"Uhm, besh, mauna na ako. Kailangan ko pa kasing mag-ayos ng gamit. Tatawagan na lang kita." Napabaling ako kay Divina nang bigla itong nagpaalam. Magtatanong pa sana ako ngunit umilap ang kanyang mga mata.

"Teka, Divina—"

Napailing ako nang tumalilis na ito palabas ng pinto ng bahay. Ang pinagtakhan ko ay kumaway lang si Señorito Gaston saka lumabas din. Naiwan ang kanyang kapatid sa loob.

"Siya nga pala, anak, ibabalik ko lang 'yong kurtinang ipinahiram ng kapitbahay na hindi naman natin nagamit," untag ni Mama saka tumayo.

"Ate, lalabas lang ako saglit, may bibilhin lang sa tindahan ni Aling Pacing." Si Zabelle.

"Sama ako, Ate Zabelle!" untag naman ni Zac.

Magpoprotesta pa sana ako ngunit nag-unahan na silang lumabas. Malalim akong bumuntonghininga. Batid ko naman na gusto lang nilang kausapin ko ang aming bisita.

Mahabang katahimikan ang namayani pagkatapos nilang umalis. Napatitig ako sa banana cue na kalahating nakagatan ni Zac.

Umiwas ako ng tingin nang maramdaman ko ang malalim niyang mga titig sa akin. Tila nabibingi ako sa malakas na tibok ng aking puso. Nahiya iyong tunog ng kawayan malapit sa bahay na sinasayaw ng hangin.

"Uhm. . ." Bumikig ang aking lalamunan. Hindi ko alam kung saan ako magsisimula.

"Hi—hindi ko na pala itutuloy ang pagre-review ko," mahinang untag ko para patayin ang katahimikang lumukob sa aming dalawa. Nakita ko sa gilid ng aking paningin ang paggalaw ng kanyang panga.

"But, you've been enrolled." Sa unang pagkakataon ay nagsalita siya. Bumalatay ang sakit sa puso ko nang mahimigan ko ang pagod sa kanyang boses.

"Puwede pa naman sigurong bawiin ang ibinayad, 'di ba? Hindi pa naman nagsisimula ang review."

Hindi siya sumagot, bagkus ay naging blangko ang kanyang mukha. Hindi ko alam kung ano ang tumatakbo sa kanyang isip.

"Is that what you really want?" he queried. Hindi na siya nakatingin sa akin. Nanubig ang aking mga mata nang mahimigan ko ang panlalamig sa kanyang boses.

Tumango ako kahit na hindi siya nakatingin sa akin. "Kung sakaling hindi ako makahanap ng magandang trabaho rito sa Iloilo, luluwas ako ng Maynila. Baka sumama na lang ako kay Divina."

His jaw clenched. I was expecting him to object, but he didn't. Nagitla ako nang marahan siyang tumango.

"Just let me know when you are leaving. Ihahatid kita," kaswal niyang tugon. Hindi siya tunog galit, ngunit hindi rin tunog masaya. I find him strange.

"Hindi na kailangan. Kaya ko na ang sarili ko." Atleast I wanted to save my pride. Pero parang nasasaktan ako na ang dali lang sa kanyang pumayag. Hindi kagaya ng dati na magpoprotesta siya kapag hindi niya nagustuhan ang sinabi ko.

Namayani ulit ang katahimikan nang ilang minuto. "Raquel agreed to testify against her cousin," pahayag niya. Saglit siyang sumulyap sa akin.

Tumango ako. "Mabuti naman kung gano'n."

Hindi ko pa nakakaharap ulit si Raquel. Hindi ko pa kaya. Baka manumbalik lang sa puso't isip ko ang lahat ng nangyari.

"Your medical result was also strong evidence against that asshole. Huwag kang mag-alala, hindi na siya makakalaya sa patung-patong na kaso."

Nanuyo ang aking lalamunan nang mahimigan ko na tila isa lamang akong ordinaryong kakilala o kaibigan kung kausapin niya. "Ma—maraming salamat sa lahat ng itinulong mo sa pamilya ko."

Hindi siya sumagot bagkus ay tumingin na naman siya sa kawalan. Tila malalim ang iniisip. Para kaming naghihintay na dumaong ang barko sa airport—malabo.

"Uhm, pa—pasensya ka na sa nasabi ko noong nakaraan. Hindi ko sinasadya." Napayuko ako pagkatapos sabihin iyon.

Ngayon ko lang napagtanto na mali ang nasabi ko sa kanya noong nakaraan. Dahil doon ay hindi ko siya kinausap hanggang sa inuwi rito si Papa. Inabala ko ang aking sarili sa pakikipag-usap sa mga kaanak na dumating at sa kakaasikaso kay Mama sa tuwing umiiyak siyang mag-isa. Hanggang sa paglibing.

Inatake ako ng hiya at konsensya. Masyado akong nilamon ng aking emosyon kaya't hindi ko agad napag-isipan ang mga nabitiwan kong mga salita.

Batid kong nasaktan ko siya kaya't hindi na ako nagtataka kung may sama siya ng loob sa akin. Kung ayaw man niyang pag-usapan ang tungkol sa aming dalawa. Isa pa ay hiyang-hiya na ako sa mga nagawa niya para sa pamilya ko.

"You don't have to apologize. You were right anyway."

Nakagat ko ang aking ibabang labi sabay iling. "Wa—wala kang kasalanan sa nangyari. Kung meron man dapat sisihin dito ay walang iba kundi ako."

Tuluyang bumigay ang aking mga luha. "Dahil nagtiwala ako sa mga taong hindi dapat pagkatiwalaan."

Doon lang siya tumingin sa akin. Dumaan ang hindi maipaliwanag na emosyon sa kanyang mga mata, ngunit agad iyong nawala pagkatapos niyang kumurap. "Everything was my fault, Zia Lynn. That's why I will do everything to get the justice that your family deserves."

Bumaling ako sa kawalan saka pinalis ang aking mga luha. "Alam kong nasaktan kita sa mga nasabi ko, pero gusto kong malaman mo na hindi kita sinisisi sa mga nangyari. Patawarin mo sana ako, Timothy."

Hindi siya sumagot kaya't nagpatuloy ako. Pakiramdam ko'y wala na akong inambag sa buhay niya kundi sama ng loob. Naiisip ko tuloy na hindi ako deserving sa pagmamahal niya.

Mahirap talagang magsalita kapag nababalot ng galit ang puso. Dahil walang ibang nakikita ang isip kundi pagkakamali ng isang tao. Pinagsisisihan ko man ang mga nasabi ko'y huli na, nasaktan ko na siya.

"Alam kong maraming beses na kitang nasaktan dahil sa mga naging desisyon ko mula pa noon. Kaya maiintindihan ko kung. . ." Napalunok ako, "napapagod ka nang mahalin ako."

"I am not mad at you, Zia Lynn. I can't and I won't be ever mad at you."

Ngunit imbis na makahinga ako nang maluwag dahil sa kanyang isinagot ay nilukob ng sakit ang aking puso. Hindi ko pa rin mawari ang emosyon sa kanyang mga mata. Pakiramdam ko'y isa siyang estranghero. Nanlalabo ang aking paningin dahil sa luha, ngunit mas malabo na kaming dalawa.

Dahil isa lang ang napagtanto ko. Oo nga't hindi siya galit pero base sa pananalita niya'y nasaid ko na ang kanyang pagmamahal.

Pagod na nga siya.

©GREATFAIRY

Bạn đang đọc truyện trên: ZingTruyen.Xyz