ZingTruyen.Xyz

Reckless Love

Chapter 10

greatfairy

 CHAPTER 10

"SIGURADO ka na ba sa desisyon mong ito? I mean, paano kapag nalaman ni Tito Rosendo na taga-Negros talaga si Hugh? Paano kapag nagalit siya sa 'yo?"

"Hindi naman siya magagalit dahil hindi naman niya malalaman," mabilis kong tugon sa sinabi ni Divina. She was pacing back and forth while combing her hair. Nandito kami sa bahay ng tiyahin niyang si Aling Sol para kausapin siya.

"Isa pa, sa laki ng Negros tingin mo e magkikita kami?"

Ang totoo'y nabuhayan ako ng loob nang malaman ko ang tungkol sa trabaho dahil may paraan na ako para mahanap ko si Hugh.

"Sabagay," sang-ayon ni Divina.

"Pero hindi na talaga magbabago ang isip mo? Baka naman hindi ka makapagtrabaho nang maayos niyan dahil mas uunahin mo pang hanapin si Hugh."

Agad kong tinakpan ang bunganga ng bestfriend ko. "Hinaan mo ang boses mo, baka marinig ka ni Aling Sol."

"Ikaw naman kasi naloloka ako sa mga desisyon mo. Masyado kang impulsive. Baka pagsisisihan mo ang desisyon mong ito."

"Kailan man ay hindi ko pagsisisihan ang mga bagay na may kinalaman sa kanya, Divina. Dahil kahit mahirap basta para sa kanya ay kakayanin ko."

Alam kong napakahirap ng hakbang na gagawin ko dahil hindi ko alam kung saan ako magsisimula sa paghahanap kay Hugh. Hindi rin naman ako sigurado kung nando'n nga siya sa Negros. Ang mahalaga sa akin ngayon ay makaapak ako sa lugar kung saan siya ipinanganak.

I may not be able to see him, atleast I would be able to breathe the same air he breathes.

"Whatever, Zia Lynn! Reyna ka ng karupukan!" mahinang bulong ni Divina.

"Siyempre, priority ko pa rin ang pagtatrabaho para may maipadala ako kina Mama. Kung may pagkakataon na ako para mahanap siya ay saka na ako kikilos. Ang mahalaga ngayon ay makapunta ako sa kanilang lugar."

"Okay, fine!" Divina rolled her eyes.

"Ito na ba ang kaibigan mong sinasabi mo, Divina?" untag ni Aling Sol pagkapasok niya ng pinto. Agad kaming napatayo.

"Tiyang!" Humalik sa kanya ang bestfriend ko.

"Aling Sol, kumusta po?" Ngumiti ako sa kanya.

"Maayos naman. Aba'y lalo kang gumanda, Zia Lynn!" Sumimangot si Divina dahil sa narinig niya mula sa kanyang tiyahin.

"Grabe, Tiyang! Hindi mo ako sinabihan ng ganyan noong umuwi ka rito," reklamo. Natawa kami.

Tiningnan ako ni Aling Sol mula ulo hanggang paa.

"Sigurado ka ba na mamamasukan ka, hija?"

Napangiwi ako. Nagsikuhan kami ni Divina.

"Kailangan na kailangan ko ho kasi ng trabaho dahil may mga gamot na iniinom si Papa at ang mamahal pa. Tapos hindi na sapat sa amin ang kinikita ni Mama sa pagtitinda."

Napabuntonghininga ang matanda.

"Naikuwento kasi sa akin ng pamangkin ko ang tungkol sa resulta ng LET mo. Pero siyempre gusto ko rin naman siguraduhin na buo na ang loob mong mamasukan. Pasintabi, hija, alam ko kasing college graduate ka. Kaya parang sayang naman kung hindi mo gagamitin ang kurso mo."

Nawala ang ngiti sa aking mga labi. I took a deep breath.

"Wala na ho kasi akong pamimilian, Aling Sol. Ang mahalaga na lang sa akin ngayon ay may maibili kami ng pang-maintenance ni Papa at hindi matigil ang pag-aaral ng mga kapatid ko. Saka ko na ho iisipin ang tungkol sa sarili kong mga pangarap."

Kahit naman kasi sa public school nag-aaral ang mga kapatid at libre ang kanilang tuition ay marami pa ring miscellaneous fees na kailangan bayaran. Idagdag mo pa ang baon nila sa pang-araw-araw. Kaya naaawa na ako kay Mama.

"Napakabuti mong anak sa mga magulang mo, Zia Lynn. Bueno, kung sigurado ka na talaga, kausapin mo na ang mga magulang mo. Tapos sabay na tayong lumuwas sa Negros sa Sabado. Umuwi talaga ako rito para dito maghanap ng kasambahay kasi ayaw ng mga amo namin na tumanggap ng kung sinu-sino lang. Mas maganda kasing kilala ko o ng kahit na sinong mga kasamahan namin sa mansyon. Nang sa gano'n ay mapagkakatiwalaan namin."

Halos mapatalon ako sa tuwa. Hinawakan ko sa kamay si Aling Soledad.

"Maraming salamat po talaga, Aling Sol. Tatanawin ko itong napakalaking utang na loob sa inyo!"

Napangiti rin ang matanda. "Naku, huwag mo na akong tawaging Aling Sol, mas magandang Nanay Sol na lang," aniya.

"Sige ho, Nay Sol. Maraming salamat po ulit!"

Ramdam ko ang makahulugang tingin ni Divina sa akin na ipinagkibit ko na lamang balikat. Batid ko kung ano ang tumatakbo sa kanyang utak, ngunit alam ko naman sa sarili ko ang trabaho ang pangunahing pakay ko sa Negros Occidental. Hindi lang ako nawawalan ng pag-asa na isang araw ay muling magku-krus ang landas namin ni Hugh. At kung mangyari man iyon, gagawin ko ang lahat mapatawad lang niya ako sa aking nagawa.

Tama si Divina, naging duwag nga ako noon. Ngunit kung mauulit man ang mga pangyayari, gano'n pa rin siguro ang pipiliin ko. Sapagkat nang mga panahong iyon ay maling laban ang sinuong naming dalawa.

Mataman akong tinitigan ni Papa pagkatapos kong sabihin sa kanila ang tungkol sa balak kong pagluwas sa Negros. Naibaba niya sa ibabaw ng lamesa ang basong hawak niya. Nasa harap kami ng hapag at sabay-sabay na kumakain ng hapunan.

"Tama ba ang pagkakarinig ko, Zia Lynn? Mamamasukan ka? Sa Negros pa?"

Saglit akong natameme. Humugot ako nang malalim na hininga.

"P—pansamantala lang naman po ito, Papa. Malaki ho kasi ang sasahurin ko at stay-in pa kaya wala nang mababawas. Kaysa naman po magtiis ako sa provincial rate na sahod dito sa atin. Parang sakto lang din sa pamasahe at pagkain ko araw-araw ang sasahurin ko."

Nagkatinginan sila ni Mama.

"Pero paano ang pagre-review mo, Ate? Hindi ka ba mag-re-retake sa susunod na LET?" sabat ni Zabelle. Ngumiti lang ako nang tipid.

"Papa, kung maaari sana ipagpaliban ko muna ang pag-re-review ulit. Mag-iipon ho muna ako ulit para sa gamot ninyo at para madagdagan ang puhunan ni Mama sa pagtitinda."

Kinabahan ako seryosong mukha. Sana pala hindi ko na lang sinabi na mamamasukan ako. Pero hindi ko naman na kayang magsinungaling pa sa kanila.

"Hindi ka namin pinag-aral ng Mama mo para lang magpaalila sa mga mayayaman, Zia Lynn."

Napalunok ako nang wala sa oras. Nagsusumamong tiningnan ko si Mama para humingi ng saklolo. Napatikhim naman siya.

"Alam mo ba ang pinagsasabi mo, Zia Lynn? Hindi biro ang maging katulong ng mga mayayaman. Sigurado ka ba sa desisyon mong 'yan?" ani Mama.

Sunod-sunod akong tumango.

"Hindi ko naman ho nakakalimutan ang pangaral ninyo ni Papa. At hindi ko pa rin po nakakalimutan ang mga pangarap natin para sa pamilya. Pero sa ngayon ay ito lang ang naisip kong paraan para makapagsimula tayo ng panibagong buhay. Ma, Pa, payagan n'yo na ho ako. Ipinapangako kong darating din ang araw na giginhawa ang buhay natin."

Tiningnan ko ang aking mga kapatid.

"At isa pa, ayaw kong maapektuhan ang pag-aaral nina Zabelle at Zac. Kahit gaano kahirap, kakayanin ko para sa pamilya natin, Mama, Papa. Marami na kayong naisakripisyo para aming tatlo, sana ho hayaan ninyong ako naman ngayon."

Umiwas ng tingin si Papa. Si Mama ay nanubig ang kanyang mga mata.

"Papa..." mahinang tawag ko. Nagsusumamo.

"Pero ngayon ka lang mahihiwalay sa amin, Ate. Kakayanin mo ba?" mahinang tanong ni Zabelle. Maging siya'y nag-aalangan din.

"Mas hindi ko kakayaning makitang naghihirap ang pamilya natin. Na kahit isang kilo ng karne ay hindi kayang bilhin."

Nakita ko ang pagdaan ng sakit sa mga mata ni Papa. Alam kong kahit itago niya sa amin ay nahihirapan na siya sa kanyang kalagayan. Isa iyan sa iniisip ko. Gusto kong ipa-check ulit siya sa doktor. Minsan kasi'y pinipilit pa rin niyang maghanap ng pagkakakitaan kahit hirap na siya.

Magmula nang binawi ng pamilya ni Patrick nag bangka na ginagamit ni Papa ay naputol na rin ang kanilang pagkakaibigan. Maging ang puwesto ni Mama sa talipapa ay kinuha. Mabuti na lang at may nahanap si Mama na kahit maliit ay nakapagtitinda pa rin siya.

Marahas na bumuntonghininga si Papa. Nilukob ako ng takot ngunit agad din na nagliwanag ang aking mukha pagkatapos ng kanyang sinabi.

"Siguraduhin mo lang na hindi ka mapapahamak doon, Zia Lynn. At lagi kang tumawag sa amin dito."

Napaluha ako sa tuwa.

"Nangangako ako, Papa."

Kahit na maraming pinagdaanan na dagok ang pamilya ko'y natutuwa ako na unti-unti nang nagiging malambot si Papa. Bagama't may mga pagkakataon pa rin na estrikto siya, ramdam ko na unti-unti na niya akong binibigyan ng kalayaan na magdesisyon para sa sarili ko.

Ito ang dahilan kung kaya't kahit masakit ay hindi ko magawang sumuway noon sa utos ni Papa. Dahil kahit napakahigpit niya sa amin ay napakaresponsable niyang ama sa aming mga magkakapatid.

Napahawak ako sa palasingsingan ko. Matagal ko nang hinubad ang singsing na ibinigay sa akin noon ni Hugh. Maging ang kuwintas na ibinigay niya noong second anniversary namin ay itinago ko para hindi mawala. Hindi ko akalaing darating din talaga ang araw na muli kong susuutin iyon.

"Ate? Bakit hindi ka pa natutulog?" mahinang tanong ni Zabelle.

Malalim na ang gabi at magkatabi pa rin kami natutulog kagaya ng dati.

"Hindi pa kasi ako inaantok." Napahikab siya.

"Bakit? Excited ka na bang umalis samakalawa? Ni hindi ka pa nga nakapag-empake," aniya.

Hinila ko ang kumot saka itinakip hanggang sa aking dibdib.

"Iniisip ko lang kasi kung anong klaseng buhay ang naghihintay sa akin sa Negros. Sana totoo ang sinabi ni Nay Sol na mababait ang magiging amo namin."

"Mabait man o hindi, kailangan mo pa ring mag-ingat, Ate. Hindi mo sila kilala. At saka umuwi ka rito kahit isang beses lang sa isang buwan, ha?"

"Oo naman. Hindi ko naman kakayanin na hindi kayo makita nang matagal. Gagawa ako ng paraan."

Kahit hindi ako sigurado sa pinagsasabi ko'y gagawin ko ang lahat para makabisita pa rin ako sa pamilya ko. Siguro naman papayagan ako ng magiging amo ko dahil si Nanay Sol nga ay nagawang umuwi rito. Kahit papaano'y panatag ang aking loob.

Tinulungan ako ni Mama na mag-empake ng gamit noong kasunod na araw. Si Papa naman ay wala lang imik. Ramdam kong nag-aalangan siya ngunit nakapagbitaw na siya ng salita. Hindi na lamang ako nagbubukas ng mga usapin na maaaring makapagpalit ng isip niya. Batid kong sa gagawing kong ito ay nabali ko ang prinsipyo ni Papa.

Si Divina naman ay panay pa rin ang pangungulit sa akin. Ang sabi niya'y baka hindi ko kakayanin ang tatahakin kong landas. Inaasar ko na lamang siya dahil alam kong hindi lang siya sanay na magkakahiwalay kami. Paano ba naman kasi mula elementarya ay magkakambal-tuko na kaming dalawa. Kaya nga pareho kami ng kursong kinuha. Nasanay rin siyang ako palagi ang kasama niya sa lahat ng kanyang lakad.

"Ate, mag-text ka kaagad kapag nakarating na kayo roon, ha?" bilin ni Zabelle.

Nasa pier na kami. Inihatid ako nina Zabelle, Mama, at Divina. Hindi na sumama sina Zac at Papa.

"Ikaw rin, ang bilin ko sa'yo, ha? Huwag kang pasaway kina Papa at Mama," tugon ko.

Niyakap ko saglit si Zabelle. Si Mama ay halos nakatulala lang sa akin. Malungkot ang kanyang mukha.

"Besh, ha? Balitaan mo agad ako, ha? Naku, kapag hindi ka nag-reply susundan kita ro'n!" bulalas ni Divina. I just rolled my eyes at her.

"Para naman akong mag-a-abroad kung makabilin ka," puna ko. Hinarap ko si Mama saka niyakap siya patagilid.

"Mag-iingat ka palagi, Mama."

"Ikaw ang mag-iingat, Zia Lynn. Ingatan mo lagi ang kalusugan mo."

Nakangiting tumango ako kay Mama. "Oo naman, Ma. Huwag kayong mag-alala sa akin. Basta ho huwag kayong magpapagod. Hayaan n'yo ako ang magtrabaho para sa atin."

Inihatid nila ako sa departure area kung saan kami maghihintay ng barkong susundo sa amin papuntang Bacolod.

"Huwag kayong mag-aalala, ipapasundo naman kami sa driver sa pantalan kaya pagkababa namin mamaya ng barko ay diretso na kami sa mansyon," sabi ni Nanay Sol. Saglit silang nag-usap bago kami tuluyang nagpaalam sa isa't isa.

Mahabang yakapan at pagpapaalam ang nangyari bago sila tuluyang nagpaalam. Nakita ko pa ang malaking butil ng luha na nahulog mula sa mga mata ni Mama. Dumaan ang kirot sa aking dibdib. Sinenyasan ko si Divina na siya na ang bahala sa kanila.

Mga mahigit kalahating oras kaming naupo ni Nanay Sol bago dumating ang barko. May malaking pangalan nakasulat doon— Ocean Jet.

Tinulungan kami ng mga dispatcher sa pag-aakyat ng gamit sa barko. Si Nanay Sol ay iisang maliit na bag lang ang kanyang dala samantalang iyong akin ay isnag maleta at isang malaking bag.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na sumakay ako ng barko kaya't hindi ko napaghandaan. Halos masuka ako sa sobrang hilo. Pagdating kasi sa kalagitnaan ng byahe ay medyo lumaki ang alon. Kahit may aircon sa loob ay tagatak ang aking pawis sa takot.

Diyos ko!

Agad akong naghanap ng plastic sa loob ng bag. Mabuti na lang at hindi ko naitapon ang plastic bag na nilagyan ko kanina ng binili kong kakanin. Agad ko itong itinapat sa aking bunganga. Ramdam ko talaga na parang hinahalukay ang aking tiyan.

Sinulyapan ko si Nanay Sol sa aking tabi. Tulog na tulog siya!

Napangiwi ako. Parang wala lang sa kanya ang laki ng alon. Hindi ko rin magawang makatayo para tumungo sa restroom dahil batid kong matutumba lang ako. Gumigewang-gewang na kasi ang barko. Napatingin ako sa mga ibang pasahero.

Bakit parang sanay na sanay sila ganito kalaking alon? Diyos ko!

Muli kong itinapat ang plastic bag sa aking bunganga nang maramdaman kong parang nasusuka ako ngunit wala namang lumabas.

Napasandal ako sa upuan.

Sana magawa ko ring makatulog katulad ni Nanay Sol.

Mahigit kalahating oras din na pagewang-gewang ang fast craft na sinasakyan namin. Medyo nawala ang pananakit ng ulo ko nang medyo steady na ang takbo nito.

Pagkatapos ng mahigit isa at kalahating oras ay natanaw ko na mula sa bintana ang pantalan ng Bacolod. Sakto rin nang pagkagising ni Nanay Sol. Agad siyang napatingin sa akin.

"Ayos ka lang ba, hija? Bakit namumutla ka?"

Pinilit kong ngumiti. "A—ayos lang ho, Nay Sol. First time lang bumiyahe sa barko."

"Naku gano'n din ako noong unang beses kong bumiyahe. Pero masasanay ka rin. Uminom ka ng tubig," aniya. Tumango lang ako't tinanggap ang bottled water na kinuha niya mula sa bag.

"Papadaong na tayo. Magpahinga ka muna pagdating natin tapos bukas na kita ipapakilala sa isang amo natin."

"Sige ho."

Nakahinga ako nang maluwag nang sa wakas ay dumaong na ang barko. Ngunit nakakaramdam pa rin ako ng kaunting hilo. Nawala na rin ang asim sa aking lalamunan. Akala ko kanina'y tuluyan na akong masusuka.

Totoo nga ang sinabi ni Aling Sol may naghihintay na sa amin sa pier dahil pagkababa namin ay agad na lumapit ang isang lalaki na sa tantiya ko'y mas matanda lang sa akin nang ilang taon.

"Ismael! Buti naman at nandito ka na," untag ni Nanay Sol.

"Manang Sol, kararating ko lang halos. Siya na ba ang papalit pansamantala kay Inday?" ani ng lalaki habang nakatingin sa akin.

Bumaling sa akin si Nanay Sol.

"Ay, oo. Siya nga pala si Zia Lynn. Kaibigan ng pamangkin ko," pagpapakilala niya. Ngumiti nang tipid sa akin ang lalaki.

"Hija, siya nga pala si Ismael. Isa sa mga guwardiya ng mansyon."

Tumango ako at nginitian din ang lalaki.

"Tara na ho, Nanay Sol."

Kinuha niya ang maleta ko at hinila. Inisang sukbit niya lang ang bag ko.

Isang Ranger ang sinakyan namin. Sa likod ang mga gamit. Magkatabi naman kami ni Nanay Sol sa likod ng driver na si Ismael. Napakabait naman pala ng magiging amo namin, ipinasundo pa talaga kami sa pantalan.

Nagkukuwentuhan sina Nay Sol at Ismael tungkol sa lagay raw ng hacienda. Ngunit dahil sa kaunting hilo na naramdaman ko'y hindi ko'y nakaidlip ako.

Nagising na lamang ako sa mahihinang tapik sa aking pisngi. Agad akong napabalikwas kaya't muntik na akong mauntog.

"Oh, dahan-dahan. Napagod ka yata kaya nakaidlip ka. Nandito na tayo," deklara ni Nanay Sol.

Naunang lumabas si Ismael at saka pinagbuksan kami ng pintong sasakyan. Agad naman akong bumaba.

Napamangha ako nang masilayan ko ang napakalaking mansyon sa aking harapan. Sa 'di malamang kadahilanan ay bigla na lamang bumilis ang tibok ng aking puso.

Diyos ko! Kakayanin ko bang maging kasambahay?

©GREATFAIRY

Bạn đang đọc truyện trên: ZingTruyen.Xyz