ZingTruyen.Xyz

Reckless Love

Chapter 9

greatfairy

CHAPTER 9

"Congratulations, besh!"

Saglit kong niyakap si Divina pagkatapos naming lumabas ng computer shop kung saan namin tiningnan ang resulta ng Licensure Exam for Teachers.

"Salamat, besh! Sa wakas!"

Idinipa niya ang kanyang magkabilang braso saka nakapikit na tumingala sa kalangitan. Ang bilis lang tumakbo ng mga araw. Noong isang buwan lang ay namomroblema pa kami ng tambak na reviewers, ngayon ay certified LET passer na si Divina.

"Sa wakas, natupad na rin ang pangarap mo. Masaya ako para sa 'yo, Divina." Hinawakan ko siya sa kamay saka muling niyakap. Natigilan siya't sinuri ako.

"May masaya bang umiiyak?" aniya. Tiningnan niya ako diretso sa mga mata.

"Masaya naman talaga ako. Ano ka ba?" Pasimple kong pinahid ang aking mga luha ngunit tuloy-tuloy lang ang mga ito sa pag-agos. Naramdaman ko ang kamay ni Divina na humahaplos sa aking likod.

"Zia Lynn..."

Divina stared at me with tears in her eyes as well. Para kaming baliw sa gilid ng kalye.

"Ayos lang, Divina. Huwag mo akong intindihin. Ang mahalaga ay naabot mo na rin ang mga pangarap mo. Dapat nga mag-celebrate tayo, 'di ba? Tara, libre kita ng banana cue."

Hinila ko siya sa braso saka nagpatiuna ngunit hinila niya ako pabalik saka pinaharap sa kanya.

"Besh, sa tingin mo ba masisikmura kong magsaya nang ganyan ka?" Nagsilaglagan ang mga butil sa kanyang pisngi.

"Marami pa namang pagkakataon, 'di ba? Huwag kang titigil dahil kahit anong mangyari, nandito lang ako para sa 'yo, Zia Lynn."

Hinigit niya ako't niyakap. Doon na bumuhos ang aking mga luha. I just realized that I've been carrying a heavy load in my chest for quite some time. Kahit na inaasahan ko na ito'y masakit pa rin pala kapag isinampal na sa 'yo nang harap-harapan ang katotohanan.

I failed the board exam.

Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko ngayon. Sari-saring imahe ang naglalaro sa aking utak. Pakiramdam ko'y sa isang iglap nawala lahat ng pag-asang kinakapitan ko para matupad ang aming mga pangarap. At kahit pa inaasahan ko nang hindi talaga ako papasa, hindi ko inasahan na ganito pala kasakit. Pakiramdam ko'y isang pagkakamali na isinilang pa ako sa mundo.

"Tahan na, besh. Huwag kang mag-alala, sasamahan pa rin naman kita kapag magre-review ka ulit at sasamahan din kita sa pag-retake. Kaya ngiti na, hindi bagay sa 'yo ang umiiyak, pumapangit ka."

I took a very long and deep breath before wiping the tears off my cheeks.

"Maraming salamat, Divina. Pero huwag mo na akong alalahanin. Kaya ko ito. Kakayanin ko. Ang mahalaga ngayon ay mai-celebrate natin ang tagumpay mo. Tara na?"

Ako na mismo ang humila sa kanya palapit sa food cart na nagbebenta ng banana cue. Kumukuha pa lang ng pambayad si Divina sa kanyang coin purse ay naiabot ko na sa nagtitinda ang thirty pesos.

"Ako na nga, 'di ba?" asik ko. Inikutan niya ako ng mga mata.

"Sigurado ka diyan? Baka wala ka nang pera, ha?"

"Hindi, ah. Ayos lang. Ano ka ba? Itinabi ko talaga 'yon pambili ng banana cue natin."

Hinila ko na siya paupo sa damuhan saka sinimulang kainin ang dalawang tuhog ng sahig. Divina has been my constant companion through ups and down. Naalala ko pa sa tuwing pasado ang grades namin sa baat semester ay nag-se-celebrate kami.

"Ang sarap talaga nito. Kapag ako nagkaipon, bibili ako ng maraming saging tapos magbibenta rin ako ng banana cue," Divina said dreamily. Natawa ako nang mahina.

"Baka wala kang kikitain dahil sa tiyan mo lang lahat mapupunta," kontra ko. Napangisi siya.

"Bibilhin ko rin naman ang kakainin ko para may kita. Ano ka ba?"

Napailing ako.

Tahimik sa bahay pagkarating ko. Nasa eskuwelahan pa marahil sina Zabelle at Zac. Naabutan ko si Mama na nag-iinit ng tubig sa takure. Si Papa nasa upuang kawayan, kaharap ang kaunting mais na kanyang binabalatan. Agad akong lumapit sa kanya at nagmano.

Parang kinurot na naman ang aking puso habang tinitingnan si Papa. Ang laki ng ipinagbago ng kanyang katawan. Hindi na siya kagaya ng dati na malakas at ma-awtoridad ang mukha.

"Nandito ka na pala, Zia Lynn. Kumusta ang lakad mo?"

Lumapit na rin si Mama sa akin habang nagpapahid ng kanyang basang kamay sa towel.

Napahugot ako ng malalim na hininga. Nagsimula naman manubig ang aking mga mata. Nahihiya ako sa aking mga magulang, lalo na kay Papa. Tanggap ko na sa sarili ko na hindi talaga ako pumasa ngunit hindi ako handa sa anumang reaksyon nila.

"Zia Lynn..." mahinahong sabi ni Mama.

Sunod-sunod akong umiling.

"Patawarin ninyo ako, Ma, Pa... Patawarin n'yo ho ako." Napahagulgol ako.

I may have experienced multiple heartaches in the past years but failing my parents is the hardest one. Nasasaktan akong nakikitang nasasaktan sila dahil sa akin.

"Papa..."

Hinaplos ni Mama ang aking likod. Si Papa naman ay humugot lang ng isang malalim na hininga.

"Wala na tayong magagawa kung gano'n talaga ang resulta. Hindi iyon magbabago kahit magmukmok ka pa, Zia Lynn. Kaya tatagan mo ang iyong loob. Hindi ito ang tamang panahon para magpakahina ka dahil kukutyain ka lang ng mga tao."

Lalo akong napahagulgol nang marinig ko iyon mula kay Papa. Ngunit kahit itago niya'y klaro pa rin sa akin ang nakikita ko sa kanyang mga mata. Dismayado siya.

"Pa, I'm sorry."

Hindi siya umimik bagkus ay tumango lang siya.

"Magpalit ka na ng pambahay at tulungan mong magluto ang nanay mo ng hapunan," aniya.

I nodded. Tumayo ako't nagtungo sa kuwarto.

Tumingala ako sa aming bubong. Patawarin sana Niya ako, ngunit bakit pakiramdam ko'y pinapabayaan na kami ng nasa Itaas. Bakit sunod-sunod na dagok ang dumadating sa amin?

Noong araw ng exam ay muntik na akong ma-late dahil isinugod namin si Papa sa ospital. I lost my focus on that day. Lumilipad ang isip ko tungkol sa kalagayan ni Papa kaya't hindi ko naubos sagutan ang mga tanong.

Isang linggo ring nakaratay lang si Papa noon sa bahay dahil nanghihina siya. Inatake siya sa puso. Lagi rin naming binabantayan ang blood pressure niya. Kaya hindi agad ako nakahanap ng trabaho.

Bukas na bukas din ay maghahanap ako ng trabaho. Siguro'y ipagpaliban ko muna ang tungkol sa pagre-review dahil bukod sa wala na kaming budget ay kailangan din namin ng pera para sa maintenance na gamot ni Papa.

Ang totoo'y inaasahan kong sisigawan ako o papagalitan ni Papa kapag nalaman niyang hindi ako pumasa kaya't nagulat akong gano'n ang naging reaksyon niya kanina. Malaki nga talaga ang ipinagbago niya.

Kinabukasan ay maaga akong nagpaalam kina Mama. Hindi na rin maatim ng konsensya kong nakikitang nahihirapan si Mama sa amin. Halos siya na ang umaako sa lahat ng pangangailangan namin at ayaw kong dumating ang araw na maging siya ay magkakasakit na rin katatrabaho.

Wala nang regular na pinagkakakitaan si Papa. Paminsan-minsan ay tumutulong siya sa mga nangingisda para kahit papaano ay may parte siya. Ang dating mga kaibigan ng pamilya ay kaaway na ang turing sa aming. Halos isang buwan din naming tiniis ang mapanghusgang mga mata ng mga tao sa tuwing lumalabas kami ng bahay. Hanggang sa masanay na kami, lalo na ako.

Para sa kanila ay kasalanan ko at ng pamilya namin ang trahedyang nangyari kay Patrick. Kaya't ipinangako ko sa aking sarili na gagawin ko ang lahat para maialis ang pamilya ko sa lugar na ito.

Dumaan muna ako sa computer shop na pinuntahan namin kahapon ni Divina saka gumawa ng resume at cover letter. Naghanap din ako ng mga job advertisements sa internet. Balak kong mag-apply sa siudad.

"May kopya ka ba nitong cover letter, Miss?" tanong ng receptionist sa akin habang sinusuri ang aking resume. Nasa isang hotel ako.

"Heto ho."

Agad kong kinuha ang isang kopya sa loob ng envelope sa inabot sa kanya. Tinatakan niya iyon ng received saka ibinalik sa akin.

"Hintayin n'yo na lang ho ang text o tawag kung kailan ang schedule ng interview," aniya. Tumango ako.

"Sige ho, maraming salamat."

Nginitian ko ang receptionist bago nagpaalam. Ikalawang hotel na itong in-apply-an ko. Mas maigi na ring maraming choices para kung saan ako unang tatanggapin e doon ako. Maraming nag-a-apply na mga fresh graduates katulad ko kaya't batid kong hindi sigurado kung makukuha ako.

Dumiretso ako sa mall kung saan kami magkikita ni Divina. Kagabi pa siya humihirit na sasamahan niya ako ngunit ayaw ko naman siyang abalahin. Marami na siyang naitulong sa akin. Lagi siya ang karamay ko sa tuwing kailangan na kailangan ko ng kausap.

Napapikit ako nang maramdaman ko ang malamig na buga ng aircon pagkapasok ko sa loob ng mall. Mainit kasi sa labas kaya't ramdam kong namamawis na ang aking likod. Sumakay ako ng escalator papunta sa food court kung saan din kami madalas noon tumambay ni Divina.

Agad ko siyang nakitang nakaupo sa isang bakanteng kuwesto habang abala sa kadudutdot ng kanyang cellphone. Sinundot ko siya tagiliran kaya't napatayo siya.

"Ay biga mo aswang!" bulalas niya't napahawak sa kanyang dibdib. Natawa ako ngunit sinamaan niya ako ng tingin.

"Grabe, kanina pa ako text nang text sa 'yo kung nasaan ka na hindi ka na nagre-reply!"

"Sorry, expired na kasi ang unlimited text ko," tugon ko bago naupo sa katapat niyang upuan. May inumin na sagot't gulaman sa kanyang harapan saka may burger.

"O, kumain ka muna." Iniusog niya iyon sa akin. Hindi na ako nag-inarte pa sapagkat gutom naman talaga ako.

"Sabi ko naman kasi sa 'yo kagabi sasamahan kitang maghanap ng trabaho, hindi mo man lang ako hinintay," naaasar niyang untag habang kumakagat sa kanyang burger.

"Sabi ko naman sa 'yo 'di ba huwag mo na akong intindihin. Masyado na kitang naaabala dahil lagi mo akong sinasamahan sa mga lakad ko," tugon ko naman. She glared at me.

"Sa akin ka pa talaga nahiya. Hindi naman issue iyon dati, eh. Lagi naman talaga kitang sinasamahan kahit sa mga pasikretong date n'yo ni Hugh," aniya.

Napatigil ako sa pagnguya. Dumaan ang pamilyar na kirot sa aking puso nang marinig ko ang pangalang iyon.

Kumusta na kaya siya? Saan na kaya siya nagtatrabaho? Umuwi nga kaya siya sa kanyang pamilya? Nakahanap kaya siya ng iba?

Napangiwi ako sa sarili kong tanong.

"Sorry na kung pinaalala ko pa, besh." Natauhan ako nang maramdaman ko ang marahang pagpisil ni Divina sa aking kamay.

"W—wala iyon. Nakalimutan ko na siya, Divina. Hindi ko lang naiwasang mag-isip kung kumusta na kaya siya ngayon. Sana kung nasaan man siya ay natupad na niya ang mga pangarap niya. Napakabuti at sipag niyang tao kaya nakatitiyak akong malayo ang mararating niya."

Tumango-tango si Divina.

"So, kumusta ang paghahanap mo ng trabaho? Nakahanap ka na ba?"

Malungkot akong umiling.

"Heto, maghihintay kung kailan tatawagan para ma-interview. Hindi rin sigurado kung papasa nga ba talaga ako sa interview kung sakali man."

"Alam mo, besh, kulang ka sa confidence. Dapat kasi positive lang ang iisipin mo para positive din ang maa-attract mong mga pangyayari sa buhay mo."

Sana ay gano'n na nga. Dati ko pang iniisip n asana makita kong muli ang lalaking pinakamamahal ngunit hindi naman natupad. Hanggang pangarap na lang iyon ngayon.

"Ayaw ko lang paasahin ang sarili ko, Divina. Alam mo naman ang dahilan ko, 'di ba?"

Nagkibit siya ng balikat saka uminom ng sago't gulaman na sa kanyang harapan.

"Ikaw? Ano bang balak mo? Hindi ka ba maghahanap ng trabaho?"pag-iiba ko ng usapan.

"Sabi ni Mama magpahinga raw muna ako. Pero magpapa-rank na ako, 'no. Ayaw kong mabakante. Nga pala, maiba tayo. Speaking of trabaho, umuwi kasi iyong tiyahin ko."

Mataman akong nakinig kay Divina habang kumakain. "Sino sa mga tiyahin mo? Marami ka namang tiyahin, ah."

"Sino pa ba? E 'di 'yong paborito kong tiyahin. Si Tiyang Soledad. Umuwi siya galing Negros."

"O, tapos?"

"'Di ba nga mayordoma siya sa isang mayamang pamilya sa Negros? Ayon, nabuntis daw kasi ang isang kasambahay kaya kailangan ng pansamantalang kapalit habang naka-maternity leave iyon."

"Huwag mong sabihing balak mong ikaw ang pumalit? Akala mo ba mas bet mong magpa-rank muna?" nakataas-kilay na tanong ko.

"Gaga, hindi. Ang akin lang naman e sayang 'yong offer. Bente mil isang buwan 'yong sahod, may kasama pang health benefits at monthly contribution iyon, ha."

Namilog ang aking mga mata.

"Seryoso? Gano'n kalaki ang sahod ng isang kasambahay?" Nagulat ako sapagkat ang posisyon na in-apply-an ko kanina sa hotel ay wala pa yatang kinse mil ang sahod.

"Kaya pala galante 'yong tiyahin mong iyon." Ang pagkakaalam ko'y si Aling Sol ang nagtutustos sa pag-aaral ni Divina mula pa noon.

"Kaya nga hindi na umalis si Tiyang doon, 'di ba? Kasi sobrang bait daw ng amo niya. At saka alam mo naman, hindi rin nakapagtapos ng pag-aaral iyon noon kaya sabi niya kami na lang na mga pamangkin niya ang bumawi. Dati pa nga namin siyang sinabihan na umuwi na rito para magpahinga pero mas gusto niya raw doon na lang siya. Nakasanayan na niya, e. Hindi niya na maiwan."

Napangiti ako. Natutuwa akong malaman na sa kabila ng paghihirap may mga pinapadala talaga nag nasa Itaas para tulungan kang makabangon at magpatuloy.

"Praning nga iyon si Tiyang, e. Kumuha na rin iyon ng Life Insurance para kung sakali raw na oras na niya wala na kaming iisipin na gastos. Paglalamayan at ililibing na lang namin siya, kaloka."

Napailing na rin ako. "Ibang klase si Aling Sol. Pero totoo ba talagang gano'n kalaki ang sasahurin ng kasambahay roon?" hindi ko napigilan na muling magtanong.

"Oo nga. Ang kulit. At saka stay-in iyon kaya buo ang sahod mo. Walang bawas. Libre rin kasi ang pagkain. Siguro mga luho na lang sa katawan ang pagkakagastusan mo."

Napaisip ako. Sumagi sa isip ko iyong pangaral ni Papa noon pa man.

Mag-aral kayo nang mabuti para pagdating ng panahon ay hindi kayo magpapaalipin sa iba para lang may makain.

Namasukan dati si Mama ko sa Maynila pero umuwi rin dito dahil hindi niya raw nakayanan ang bigat ng trabaho. All-around maid siya. Hindi rin daw sapat ang sahod niya kay nang malaman ko ang tungkol doon ay naging inspirasyon ko iyon para tapusin ang aking pag-aaral.

"Natahimik ka? Huwag mong sabihing interesado ka?" napapantastikuhang untag ni Divina. Napangiwi ako.

"Naisip ko lang kasi, kung sakaling matanggap ako sa hotel na in-apply-an ko kanina, gaano ako katagal magtitiis sa minimum wage? Tapos gagastos pa ako ng pamasahe at pagkain sa araw-araw. Kakasya kaya iyon sa gastusin sa bahay at saka sa maintenance na mga gamot ni Papa?"

"So, are you telling me na balak mong maging kasambahay?" nakataas-kilay na tanong ni Divina.

Nahihiyang tumango ako sa bestfriend ko. "Marangal naman na trabaho iyon, Divina. At saka kung gano'n kalaki ang sahod, malaki ang maitutulong niyon sa pamilya ko. Saka, pansamantala lang naman, 'di ba? Kung hindi ko siya magugustuhan, e 'di saka ako maghanap ng trabaho na pang-opisina."

"At sa tingin mo ba papayag si Tito Rosendo na pagkatapos ka niyang pag-aralin sa kolehiyo nang apat na taon e isang katulong din pala ang babagsakan mo? I mean, hindi naman sa mababa ang tingin ko sa gano'ng trabaho. Ang ibig kong sabihin ay 'yong trabaho na nararapat sa pinag-aralan mo. Sayang din naman ang kurso mo kung hindi mo magagamit, 'di ba?"

"At sa tingin mo ba magagamit ko iyon gayong ligwak naman ako sa board?" kontra ko kay Divina.

Napahawak siya sa kanyang baba bago tumango-tango.

"Alam mo, ang talino mo sa lagay na 'yon. May punto ka naman, besh. Pero ito seryosong tanong, ha?"

Tinaasan ko siya ng kilay. Desidido na ako kung sakaling pumayag si Aling Sol.

"Interesado ka ba dahil sa sahod o interesado ka dahil sa Negros ka magtatrabaho?"

Napahugot ako ng hininga. Sapol ako roon.

©GREATFAIRY

Bạn đang đọc truyện trên: ZingTruyen.Xyz