ZingTruyen.Xyz

Reckless Love

Chapter 11

greatfairy

CHAPTER 11

"ANG aga mo namang nagising, Zia Lynn..." puna ni Nay Soledad nang makita niya akong papalapit sa kanya. Naupo ako sa katabi niyang upuan na nakaharap sa pabilog na lamesa.

"Namamahay ka ba?" aniya.

"Parang gano'n na nga ho. First time ko kasing matulog sa ibang bahay," tugon ko.

"Gano'n din ako noong una. Pero pasasaan ba't masasanay ka rin."

"Eh, kayo ho? Bakit gising na kayo gayong alas singko pa lang?"

"Naku, sanay na kasi akong nagigising nang ganitong oras. Minsan nga'y mas maaga pa, lalo na kapag oras ng anihan ng mga prutas. Madalas ako ang naghahanda ng kape para sa trabahador."

Napangiti ako. Hindi ko pa nalilibot ang buong mansyon dahil sa pagod ko kahapon nakatulog kaagad ako pagkarating namin dito. Sa laki nitong mansyon ay medyo naliligaw pa ako kung nasaan ang kusina.

"Ayan, kumukulo na yata ang tubig na iniinit ko. Tara't magkape ka muna. Nagkakape ka ba?" ani Nanay Sol bago tumayo sa upuan saka nilapitan ang heater.

"Paminsan-minsan po. Lalo na noong nag-re-review ako kapag may major exams."

Hanggang ngayon nalulula pa rin ako sa laki ng kusina. Parang katumbas na ng buong bahay namin sa Iloilo.

"Ako nga'y paminsan-minsan na lang din. Alam mo na, tumatanda na ako."

"Pero malakas pa rin naman ho," nakangiting tugon ko.

"Oo nga, pero pinagreretiro na nga ako ng mga kapatid ko kaya lang nakasanayan ko na. Wala naman akong gagawin doon sa atin. Isa pa, pamilya na rin ang turing ko sa mga tao rito."

Kahapon ay ipinakilala sa akin ni Nanay Sol ang mga kasamahan kong kasambahay. Ang akala ko nga noong una ay all-around ang trabaho. Kaya pala madami silang kasambahay dahil bawat isa ay may nakatoka na gawain. Ako iyong naatasang maglinis ng mga kuwarto sa taas. Anim lahat iyon. Every other day ko lang daw lilinisan dahil wala naman ang mga gumagamit ng mga silid na iyon, liban na lang kung umuwi sila rito.

"Sabagay ho, sa tagal ninyong nanilbihan dito. Pero mawalang-galang na ho, Nay Sol. Pero bakit ho puro kasambahay lang at guwardiya ang naririto? Nasaan na ho ang mga amo natin?"

Tumayo ako saka nagtimpla ng kape habang kausap si Nanay Sol.

"Iyon na nga, e. Minsan na lang sila magawi rito. Isa iyan sa dahilan kaya hindi ko maiwan-iwan itong bahay na ito. Kasi nakiusap sila na ako muna ang mamahala habang wala sila. Pero alam mo na, lahat sila madalas sa Maynila, minsan sa Iloilo, minsan naman ay sa Cebu. Nag-aasikaso ng mga negosyo."

"Grabe talaga ang mga mayayaman, 'no? Paikot-ikot lang ho sila sa Pilipinas," untag ko na ikinatawa nang mahina ni Nanay Sol.

"Naku, sinabi mo pa. Napakalaki ng mansyon na ito pero hindi maitatangging napakalungkot. Kasi halos araw-araw na wala ang mga nakatira rito maliban sa mga kasambahay. Lalo na at puro mga lalaki ang mga anak ng namayapang mag-asawa."

"Namayapa ho?"

Namilog ang aking mga mata.

"Oo, tatlong taon nang namayapa ang Don at Donya. Ang ama at ina ng mga amo natin. Kaya nagdesisyon ang tatlong magkapatid na hatiin ang pamamahala nila sa mga negosyong naiwan ng kanilang mga magulang. Iyong panganay ay nasa Maynila madalas o sa ibang bansa. 'Yong pangalawa naman ay minsan nasa Iloilo o minsan naman sa Cebu at Maynila rin. Iyong bunso nilang si David, nasa Maynila rin, nag-aaral pa, pero magtatapos na nitong taon."

Naisip ko, hindi pala lahat ng may pera masaya. Katulad nitong napakalaking bahay na ito. Marangya nga at malambot na kama ang hinihigaan nila pero masyado silang abala sa pagpapalago ng kanilang mga kayamanan para atupagin ang mga simpleng pagtitipon ng pamilya na siyang totoong nakapagbibigay ng kaligayahan.

"Kung gano'n ho, kahit silang tatlong magkakapatid e hindi na rin nagkikita-kita?"

Napabuntonghininga si Nanay Sol saka napatingin sa kawalan.

"Parang gano'n na nga. Suwerte na lang kung pare-pareho silang bakante ng oras. Minsan umuuwi si Senyorito Gaston at Timothy rito."

"Timothy ho?" Namilog ang aking mga mata.

"Oo, iyong pangalawa sa magkakapatid. Alam mo iyon nga ang medyo abala madalas. Ang bunso kasi nilang si Senyorito David parang walang balak mamahala ng negosyo nila. Abala siya sa pag-aaral ng pangalawang kurso. Mukhang hindi niya hilig ang pagnenegosyo kaya walang magawa si Senyorito Timothy kundi akuin na lang muna itong hacienda."

"W-wala pa ho ba silang mga pamilya? I mean ho, mga asawa at anak?"

"Naku, isa iyan sa ipinagdadasal ko, lalo na at nasa tamang edad na rin naman una at pangalawa."

Napangiti ako. Halatang malapit nga ang loob ni Nanay Sol sa mga amo namin. Mukha siyang ina ng tatlong magkakapatid. Kaya napagtanto ko na kung bakit kahit kasambahay lang ako ay malaki ang sahod. Dahil bukod sa mukhang mabait ang kanilang pamilya, napakayaman pala nila.

"Masuwerte pala ho tayo kasi dito tayo napadpad sa kanilang pamilya," naimutawi ko.

"Sinabi mo ba. Mamayang hapon siguro'y uuwi si Senyorito Gaston. Nagpasabi kay Ramon. Sana nga ay matuloy ang pag-uwi niya at medyo matagal nang hindi nakakauwi iyon dito. Mga tatlong buwan na yata."

Nakilala ko na rin si Mang Ramon kahapon, isa sa mga guwardiya rito sa mansyon. Kung si Nanay Sol ang mayordoma ng mga kasambahay. Si Mang Ramon naman ang namamahala sa mga guwardiyang nakakalat sa buong mansyon at hacienda. Tingin ko'y hindi sapat ang isang araw para libutin ko ang buong hacienda. Sabi kasi ni Nanay Sol ay napakalawak nito. Lalo na at may mga parte kung saan nakatanim ang mga mangga na iniluluwas pa sa siyudad. May mga bahagi ring taniman ng tubo.

"Ang tagal na rin ho pala, Nay Sol."

"Oo. Kapag natuloy siya mamaya ipapakilala kaagad kita sa kanya. Mabait na bata iyon. Nasasabik na nga rin akong makita ang batang iyon."

Nilukob ng tuwa ang aking puso. Gusto ko rin personal na magpasalamat sa kanila dahil pinagkatiwalaan nila si Nanay Sol sa pagkuha sa akin.

"Wow! Ang aga mo naman nagising, Zia Lynn."

Napalingon ako sa bukana ng komedor. Humihikab na pumasok sa kusina si Dionesa. Siya ang unang nakapagpalagayan ko ng loob dahil magkasama kami sa kuwarto. Magkatapat lang ang kama namin.

"Sanay lang akong gumising nang maaga," nakangiting sabi ko.

"Good morning, Nay Sol..." bati ni Dionesa sa mayordoma. Tantiya ko'y kaedaran ko lang si Dionesa.

"Magandang umaga rin. Ikaw na muna bahala rito. Ilalabas ko lang itong kape nina Ramon."

Agad akong napatayo para sana tulungan si Nay Sol ngunit umiling siya.

"Ako na rito, Zia Lynn."

Alanganing tumango ako at hinayaan na lamang siya.

"Sina Manang Inday, Susana at Milagros?" tanong ko kay Dionesa.

"Ayun, nakahilata pa. Gabi na kasi nagsipagtulog kanonood ng teleserye."

Natawa ako. Huling araw na ngayon ni Manang Inday dahil uuwi na muna siya sa kanila. Limang buwan pa lang anak niya ngunit iniutos daw ng amo namin na tumigil muna siya sa pagtatrabaho at baka mapano siya. Nagulat nga ako dahil sagot daw ng amo namin ang kanyang panganganak. Pati na rin ang mga pangangailangan ng bata kapag nanganak na siya.

"Buti hindi sila tinatanghali ng gising," komento ko.

"Naku kung dito ka, masanay ka nang magising nang alas sais o 'di kaya alas siyete kasi wala naman ang mga amo natin. Halos tayo lang dito araw-araw," ani Dionesa. Kumuha rin siya ng tasa at nagtimpla ng sariling kape. Lalagok pa sana ako sa kape nang mapansin kong wala na palang laman ang tasa ko kaya't ibinaba ko ito.

"Nasabi nga ni Nanay Sol."

Nakahinga ako nang maluwag dahil hindi ako nahirapang pakisamahan ang mga kasambahay rito. Tunay nga ang sinabi ni Nanay Sol na mababait sila.

"Good morning, Medem Dionesa!" inaantok na untag ni Milagros pagkapasok niya ng kusina. Sabog pa ang buhok nito. Kasunod niyang pumasok si Susana.

"Good morning din sa 'yo, Zia Lynn."

Ngumiti ako nang magiliw kay Milagros. Sa kanilang lahat ay pansin kong siya ang pinakamadaldal.

"Good morning!" bati ko pabalik.

"Ay! Wagi ang ngiti mo, day! Napakaganda!" tumitiling bulalas ni Milagros. Bahagya pa niyang hinaplos ang aking buhok.

"Kahit hindi naman ngumiti si Zia Lynn maganda pa rin naman siya, ah..." sabat ni Susana. Alanganing napangiti ulit ako sa kanila.

"S-salamat." Tumayo ako't inilagay sa lababo ang tasa. Isasabay ko na lang sa paghugas mamaya kapag tapos nang magkape sina Dionesa.

"Alam mo, Zia Lynn, sang-ayon ako kay Milagros at Susana. Napakaganda mo. May lahi ba kayong Kastila? Parang hindi taga-probinsya ang balat mo. Ang kinis at ang puti. Tapos nakakainggit ang tangos ng ilong mo at ang hugis ng mga mata, shet! Sana kasingganda mo ako. Saan ka kaya ipinaglihi ng nanay mo at ang haba ng pilik-mata mo?" bulalas ni Dionesa.

Bahagya akong napangiwi saka alanganing ngumiti sa kanila. Sa totoo lang kahapon ay hindi sila makapaniwala nang ipinakilala ako ni Nanay Sol sa kanila na magiging kapalit ako ni Manang Inday.

"Oo nga, kaya nagtataka talaga ako kung bakit dito ka nagtrabaho. Bakit hindi ka lumuwas ng Maynila? Tapos mag-artista ka. Sa ganda mong iyan, hindi malayong madidiskubre ka," dagdag pa ni Susana. Agad akong napailing.

"Wala akong talento sa pag-arte. At saka, kailanman ay hindi ko pinangarap na maging artista. Kahit na mahirap lang kami, mas gusto ko pa rin ng simpleng buhay, iyong malayo sa mga lente."

Tumango-tango si Milagros. "Sabagay, kung dito ka naman magtatrabaho, makakaipon ka pa rin kahit papaano. At saka napakabait pa ng mga amo natin."

"Siyang tunay," nasabi ko.

"Sige, ha? Maliligo na muna ako para makapagsimula na akong maglinis sa taas," paalam ko. Lagpas alas sais na kaya kumakalat na ang liwanag sa paligid.

"Ay, sabi ni Manang Inday pala kagabi iyong kuwarto na lang muna ni Senyorito Gaston ang lilinisin mo kahit na malinis na talaga iyon. Palitan mo raw ang kobre kama at mga kurtina. Tulungan mo na lang ako mamaya sa hardin," sabi ni Susana. Tumango ako at nagpaalam na.

Tinunton ko ang banyo katabi ng maid's quarter. Ngunit dumaan muna ako sa kuwarto para kumuha ng tuwalya.

Halos ayaw ko nang umalis sa ilalim ng shower dahil sobrang sarap sa pakiramdam ng tubig. Mamayang hapon ay maliligo ako ulit pagkatapos kong maglinis. Pero magpapahinga muna ako saglit bago maligo. Tumawag kaagad ako kina Mama pagkarating ko kahapon. Ikinuwento ko sa kanila ang tungkol sa napakalaling mansyon na pinagtatrabahuhan. Humirit pa si Zabelle na sana raw ay dalhin ko rin siya rito kahit minsan para makakita naman siya ng hacienda. Kapag maayos na ang lahat ay magpapaalam ako sa aming amo kung puwede kong pabisitahin dito ang kapatid ko.

Pagkatapos kong mapatuyo ang aking buhok gamit ang tuwalya ay sinuklay ko na ito. Suot ko na ang uniporme naming kulay asul. Para itong palda-shorts pero abot hanggang tuhod. Buti na lang nagkasya sa akin iyong ibinigay ni Nanay Sol kahapon.

"Ang aga mo naman, Zia Lynn," puna ni Manang Inday pagkalabas na pagkalabas ko ng kuwarto. Magkatabi lang kasi ang aming mga silid.

"Eh, nasanay lang ho, Manang Inday. Nasa kusina ho sila Susana, nagkakape. Maglilinis na ho ako sa itaas."

Tiningnan niya ako mula ulo hanggang pa.

"Ang kinis mo talaga, day!" namamanghang bulalas niya. Kita kasi ang aking binti dahil sa suot kong uniporme. Alanganing napangiti ako. Kahapon pa niya iyan sinasabi.

"Namana lang ho sa Mama ko," nasabi ko na lang.

"Naku, sana maging kasingkinis mo ang magiging baby ko!" aniya. Napangiti na lang ako.

"Naku, tiyak na magmamana sa kagandahan n'yo ang anak n'yo, Manang Inday. Baka magiging artista 'yan paglaki niya."

"Naku, wish ko lang, day!"

Humalakhak si Manang Inday. Nakipag-high five pa siya sa akin. Nagpaalam na akong papanhik na ako sa itaas. Ang totoo'y hindi pa ako nakaakyat doon kahapon.

Napatingin ako sa pader na paakyat sa itaas. May mga nakasabit na painting doon na nagsisilakihan. Halos antique ang mga kagamitan na na narito. Maging ang marmol na sahig ay halos kumikintab sa linis. Kaya hindi na ako nagtataka kung halos tanghali nang nagigising ang mga kasambahay. Halos kasi wala namang lilinisin dito. Nahiya yata ang mga alikabok.

Isang malaking hallway ang nadatnan ko pagdating sa taas. May veranda sa magkabilang dulo. At may malaking altar sa katabi ng kuwartong pinakamalaki. Iyon siguro ang master's bedroom. Ang sabi ni Manang Inday ay ang katapat ng master's bedroom ang lilinisin ko at papalitan ang mga kurtina ng kulay abo. Iyon daw kasi ang paboritong kulay ni Senyorito Gaston.

Sa kaliwa ang master's bedroom. Mayroon ding malaking kuwarto sa kanan. Iyon siguro ang library.

Itinulak ko ang pinto pagkatapos kong buksan iyon. Tumambad sa akin ang napakalinis at napakaayos na silid. Napangiwi ako. Ano pa ang lilinisin ko rito gayong mukha namang malinis? Pakiramdam ko'y maloloka ako rito kapag nagtagal.

Pero wala naman akong magagawa kundi sundin ang utos. Isa pa ito ang trabaho ko. Puro kulay abo ang naroon. May couch na nasa paanan ng kama. Napatingin ako sa kanan. Binuksan ko ang pinto. Banyo pala iyon.

Inuna kong pinalitan ang mga kurtina. Pagkatapos ay ang kobre kama. Sa totoo lang kahit ang kobre kama ay malinis pa at mabango. Gano'n pa man ay pinalitan ko na rin. Bumalik ako sa banyo. Kahit malinis na ang toilet bowl ay kiniskis ko pa iyon para lalong kumintab. Pati ang shower hose ay tiniyak kong kumikintab sa linis.

Hindi ko akalaing nakaka-inspire palang maglinis ng mga bagay na dati nang malinis.

Siguro'y mahigit isang oras ako roon. Pagkababa ko'y mag-a-alas otso y media na ng umaga. Saktong paakyat na rin si Susana para daw tawagin ako at mag-a-almusal na kami.

Naabutan ko sa kusina sina Nanay Sol, kasama nila si Mang Ramon at ang isa pang guwardiya. Pansin kong wala si Kuya Ismael. Ngunit naagaw ang aking pansin ng isang babae na katabi ni Nanay Sol.

"Nay Sol, nandito na po si Zia Lynn," deklara ni Susana. Napatingin naman ang lahat sa amin.

"Buti naman, halika ka na, hija. Mag-almusal na tayo."

Naupo ako sa bakanteng upuan katabi ni Manang Inday. Pansin ko ang tingin sa akin ng babae.

"Nga pala, Zia Lynn, si Raquel. Kababata ni Senyorito Timothy."

Tumayo ang babae at nakipagkamay. Nakangiting tinanggap ko iyon. Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa.

"Mabuti naman may iba na akong nakitang mukha rito," biro ko na ikinatawa ilang lahat. Naupo na kami ni Susana.

"Ikinuwento ko kasi kay Zia Lynn na madalas wala rito ang mga amo namin, Raquel. Siya ang papalit pansamantala kay Inday hanggang sa makapanganak siya," sabi ni Nay Sol. Tumango ako at muling ginawaran ng ngiti si Raquel.

May sopas at pandesal sa ibabaw ng lamesa. Ngunit may mga kakanin din na siyang ikinatakam ko.

"Galing kay Raquel 'yang mga kakanin, Zia Lynn. Lagi kasing nagluluto ang nanay niya. At madalas naghahatid sila rito sa amin."

"Ang sarap nitong suman. Salamat, Raquel," sabi ko. Ngumiti naman siya.

"Huwag kayong mag-alala, magdadala ulit ako kapag nagluto si Nanay sa makalawa," aniya. Ngunit pansin kong hindi man lang dumampot ng kakanin sina Susana. Tanging ako, si Nanay Sol at ang mga guwardiya lang ang kumain.

"Suman, oh?" yaya ko kay Susana ngunit marahan siyang umiling.

"Sige lang, kain ka lang, Zia Lynn. Ayos na ako sa pandesal at sopas."

Napapantastikuhang tiningnan ko sila.

"Sabi ko na ba, nandito kayong lahat. Amoy ko sa pinto palang ang pagkain, eh."

Sabay-sabay kaming napalingon sa bungad ng kusina nang marinig namin ang baritonong boses.

"Senyorito Gaston!" tili ni Milagros. Nalunok ko ang suman nang wala sa oras. Mabuti na lang at maliit lang ang isinubo ko. Pero ramdam ko ang pagbara niyon sa aking lalamunan.

"Diyos ko kang bata ka, bakit hindi ka man lang nagpasabi na ngayong umaga ka pala uuwi? Sinong sumundo sa 'yo sa airport?"bulalas ni Nanay Sol. Niyakap niya nnag bahagya ang bagong dating na lalaki.

"Si Ismael ho, Nay. Balak ko talaga kayong sorpresahin dahil na-miss ko kayo."

"Naku, Senyorito. Na-miss din namin kayo. Pero mas na-miss namin 'yong mga pasalunong ninyo!" bulalas ni Milagros. Natawa kaming lahat.

"Ikaw talaga, Milagros, sige na nga. Nasa kotse ang mga pasalubong ninyo. Sinabihan ko na si Ismael na ipasok."

Napangiti ako. Napakabait niyang amo sa kanyang mga kasambahay.

"Siya nga pala," sabi ni Nanay Sol sabay hila sa akin.

"Ito na iyong sinasabi kong papalit pansamantala kay Inday." Mula sa bahagyang pagkayuko ay napatingala ako sa lalaking amo namin na hindi ko alam kung saan humigop ng katangkaran.

"Oh? Siya pala ang sinasabi mong Zia Lynn, Nay?"

"M-magandang umaga, Senyorito," nauutal kong untag. Hindi ko maintindihan ngunit biglang bumilis ang tibok ng aking puso lalo na nang mapatitig ako sa kanyang mukha.

"Magandang umaga rin, Zia Lynn." He offered his hand for a handshake.

Nanginginig na kinuha ko iyon. Kumunot ang kanyang noo na siyang lalong nagpakalabog ng aking puso.

"Ayos ka lang, Zia Lynn? Nanlalamig ang kamay mo. Huwag kang matakot, ako lang ito," aniya.

Ang kanyang mga mata, ang kanyang ngiti, ang kanyang pagkunot ng noo. Ang kanyang mukha.

Sana mali ang suspetsa ko. Kamukhang-kamukha niya kasi ang lalaking minsan nang dumaan sa buhay ko.

©GREATFAIRY

Bạn đang đọc truyện trên: ZingTruyen.Xyz