ZingTruyen.Xyz

It Started in the Elevator✔️

Chapter 20

JFstories


Chapter 20


HINDI LANG BASTA nasira ang papausbong pa lang na career ni Odessa bilang isang aktres, nakulong din ito dahil sinampahan ito ng kaso ni Leo dahil sa ginawa nito kanya. Tinangka rin daw ni Odessa na magsampa ng kaso laban kay Leo, pero sino ba ang testigo niya? At ang binabangga lang niya ay isang makapangyarihang Montemayor-Saavedra.


Ang pinangyarihan ng insidente ay parte ng mall na walang CCTV. Wala ring kumuha ng video sa nangyari, at wala na rin ang mga taong nakasaksi, pero hawak ng mga Montemayor-Saavedra ang balita. Pinalantad din ang mga iba pang pinagkaka-atrasuhan ni Odessa. Mahilig pala itong mag-bar, tumikim ng ecstasy, kaya palagi itong napapaaway. 


Nalaman din ni Cynthia na baon sa utang si Odessa, dahil sa pagkalulong nito sa sugal. Iyon ang dahilan kaya ito humahabol kay Leo. Ito naman pala kasing si Leo ay ugali na noon pa ang maging galante sa mga nagiging fling nito. E nataong, nakukulangan si Odessa  sa "goodbye compensation" ni Leo. Ang gusto ng babae ay si Leo mismo, dahil ayaw nito ng ginto. Ang gusto ay iyong mismong minahan ng ginto, para hindi nga naman nauubos. 


Todo sorry sa kanya si Leo. Inamin nito ang mga kalokohan nito noong hindi pa siya nakikilala. Inamin din nito ang panggagamit nito kay Odessa para pagselosin siya. Akala raw nito ay sapat na ang bayad nito rito na dalawang milyong pambili ng kotse, hindi nito alam na babalik pa ang babae. Hindi niya naman alam kung kakaltukan niya ito o hahalikan. Naghahalo ang panggigil niya rito at asar. 


Ang cute lang na naisipan siya nitong pagselosin, pero sarap din nitong sipain pag naaalala niya kung gaano niya ininda iyong sakit na dulot ng pagpapaselos na iyon. Pinatawad na lang din niya agad ito, kasi bukod sa mukha itong tuta na pagkalungkot-lungkot habang nasa tabi niya, ay ayaw ring ma-spoil ang araw na ito-- dahil ngayong araw na ito ang birthday niya.


Si Camilla na best friend niya ang unang bumati sa kanya ng happy birthday. Ito lang din ang laging bumabati sa kanya, kahit madalang pa sa bluemoon sila magkita. Busy ito sa pagbabanat ng buto. Ang importante ay never itong nakalimot, kahit gaano pa ito ka-busy.


Maya-maya'y narinig nyang bumukas ang pinto ng kwarto. Agad syang napatayo. Si Leo. Naka-bathrobe ito na puti. Bagong ligo. Hawak ang phone, at mukhang may kino-contact.


"May meeting ka ngayon?"


Napahinto ang binata pagda-dial. "Yup. Why?"


Napasimangot siya.


Napangiti ito at napamewang. "And why is that?"


Para syang batang may nais sabihin sa magulang ngunit nahihiyang magsabi.


"Come on..." lumapit ito sa kanya at saka siya hinagkan sa noo. "Tell me..."


"Yayayain sana kita mag-date."


Napahalakhak ito. "Anong meron?"


Pinilit nyang hindi magpahalata. "Wala lang..." tumungo siya. "'Di ba sabi ko sa'yo dati na – ililibre kita sa unang sweldo ko, naaalala mo pa?"


Lalo itong natawa. "Pero naka-ilang sweldo ka na... okay lang kahit hindi na..." pinisil nito ang magkabila nyang pisngi.


Nagpapadyak siya. "Gusto ko pa ring ilibre ka. Sobrang importante ba ng meeting mo ngayon? Gaano ba katagal? Gusto mo ba, hintayin na lang kita? Sige na, Leo. Hihintayin na lang kita o?"


Bahagyang napaisip ang lalaki. Pagkatapos ay humugot ito nang malalim na paghinga. "Okay... I'll cancel my meeting..."


"Yey!" Napatalon siya sa tuwa at napayakap dito. At least, hindi man nito alam na birthday niya ngayon, makakasama naman niya ito sa buong araw.


"Magbibihis lang ako." Kumalas ito sa kanya.


"Gusto ko – simple lang ang porma mo, ah..."


Nangunot ang noo nito.


"Ako ang manlilibre kaya ako ang masusunod."


Napailing na lang ito. Nang matapos na itong maligo, siya ang namili ng isusuot nito. Simpleng V-neck T-shirt lang at cargo short na maroon ang ibinigay niya rito paglabas nito ng banyo.


Sa paahan ay itim na slides na Adidas lang ang suot ni Leo. Napangiti siya kasi ang hahaba ng malilinis nitong daliri sa paa.

Simple lang ang ayos nito, normal na porma pagmagmo-mall, pero bakit ang lakas pa rin ng dating? Kakainis naman. Ang tangkad kasi kaya kahit anong isuot, parang rarampa sa catwalk. Bago sila lumabas ng pinto ay kinakapkapan niya ito.


"Para saan naman yang frisking mo?"


Nakapa niya sa bulsa nito ang wallet nitong makapal na may laman ng mga credit cards. "Bawal 'to. 'Di ba sabi ko sa'yo na sagot ko." Nakaarko ang kilay niya.


Napakibit-balikat na lang ang lalaki. Sunod nyang nakapa ang susi ng kotse nito. "Bawal din 'to."


"Ha? Paano tayo makakaalis kung wala tayong sasakyan?"


"Jeep."


Napakamot sa ulo si Leo. Kakapkapan niya pa sana ang likuran nitong bulsa nang umiwas na ito. "Hey! Cellphone ko lang ang laman nyan." Lumayo ito sa kanya. "Isa pa, malakas ang kiliti ko dyan."


"Siguraduhin mo lang na wala ka ng ibang bitbit kundi ang sarili mo at yang cellphone mo ha..."


"Wala na po." Umakto pa ito na parang nanunumpa.


Bumaba na sila ng building. Naglakad pa sila nang kaunti para makapunta sa sakayan ng jeep. Pumara siya.


Inawat naman siya nito. "'Wag dyan, masikip."


"'Wag ka ng maarte! Halika na na!" hinila na niya ito.


Halos mamaluktot si Leo nang makapasok sila sa loob ng sasakyan dahil sa height nito. Tagaktak din ang pawis nito sa mukha. Nangingiti na lang siya dahil alam nyang ito ang unang pagkakataong nakasakay ito ng jeep. Ngayon ay ipaparanas niya rito kung paano mag-date ang mga katulad nyang hindi angat sa buhay. Ganito niya kasi gustong i-celebrate ang birthday niya.


Nakakatuwa lang na parang isang artista ang binata kung pagtinginan ito ng mga tao. Proud na proud siya dahil ang guwapo naman talaga nito. Hindi puwede rito ang isang tingin lang.


Kumapit siya sa braso nito. "Ang cute-cute mo!" sabay kurot niya sa makinis nitong pisngi.


Pagkababa sa jeep ay lumipat sila sa ordinary bus. Iyong bukas ang bintana. Nasakto pa sila doon sa humahagibis ang takbo. Natatawa na lang siya sa reaksyon ni Leo. Nakapikit ito buong biyahe, kaya di na nito namalayan nang magbayad siya sa konduktor at magsabi kung saan sila papababa.


Hapon na nang makarating sila. Nagkakangitian pa sila habang magka-holding hands na naglalakad. Pero napalis ang ngiti nito nang ma-realize kung nasaan sila. Sa isang malaking open carnaval o full-fledged amusement park. Isa sa mga lugar na pangarap niyang puntahan noong bata pa siya, pero hindi niya nagawang puntahan. Ngayong malaki na siya, gusto niya pa ring pumunta rito. Pero kasama si Leo!


Humawak siya sa kamay nito. "Dito tayo magde-date!"


Napakamot na lang muli sa ulo ang binata. Pagkatapos ay nag-dial ulit ito sa cellphone at may tinawagan ito. Nakakapagtaka lang na kailangan pa itong lumayo sa kanya. Siguro may kinalaman iyon sa meeting nito.


Bago sila sumakay at mag-enjoy sa mga rides, kumain muna sila sa isang booth sa loob. Ang menu ay mga usual na kanin combo. Hotsilog ang in-order niya para sa kanya at kay Leo naman ay cornsilog.


"Oh... wag mong sabihin sa aking hindi ka kumakain nyan."


"Bakit naman ako hindi kakain nito eh paborito ko nga ito." Ngunit napalunok muna ito bago ito sumubo. "Malinis ba ito?"


Sumubo na rin siya ng hotdog habang nakatingin siya lalaki. "Oo naman! Okay rito ang mga food!"


Nang mapatingin ito sa kanya ay pilyo itong ngumisi habang pinapanood ang pagsubo niya ng hotdog.


"Ang cute mo naman sumubo ng hotdog..."


Bigla tuloy syang nailang. "Tigilan mo ko, ah. Kukurutin ko yang itlog mo..."


Napatingin tuloy sa kanila ang ibang kumakain.


"Ah, eh..." kinurot nga niya ang itlog na nasa pinggan ni Leo. Porksilog kasi 'di ba? "Oh hayan – kinurot ko na..."


Natatawa na lang ang binata. Pagkakain nila ay naglakad-lakad muna sila para matunawan. Nang matanaw niya ang carousel ay hinila niya si Leo. "Tara, sakay tayo roon!"


"Ano ba yan, ito lang ang sasakyan natin? Gusto ko yung mga hardcore!"


"Wow! Ang tapang mo pala."


Taas-noo naman ito. "Actually, adventurer kasi ako. Kaya mahilig ako sa mga delikadong rides."


"Taray oh! halika na bago pa ko hanginin ng kayabangan mo." Hinila na niya ito at dinala sa Octopus Ride. Napakabilis ng ikot niyon na parang mawawalan ng ulirat kung sino man ang sumakay doon.


Napalunok si Leo sabay kapit sa braso niya. "Ah, CT... unahin na lang natin dun sa carousel."


"O? Akala ko gusto mo ng delikadong rides? Warm up na ito."


"Haba kasi ng pila dyan doon wala..." pawisan ito.


"Okay sige, i-next na lang natin ito."


Dahil walang pila roon, mabilis silang nakasakay sa Karosa. Iyon nga lang, nagmumukha silang bata dahil pambata ang ride na yun. Nakakatawa pa dahil kapit na kapit si Leo sa sinasakyan nitong kahoy na kabayo habang umiikot ito.


"Leo, okay ka lang?"


Hindi ito umiimik, namumutla lang ito.


Natagpuan na lang niya ang sarili na hinihimas sa likuran ang binata habang sumusuka ito pagkababa nila sa Karosa.


"Tsk. Adventurer pala, ah... eh daig ka pa nong mga bata, oh..."


Tuloy lang sa pagsusuka ang binata. Isinuka yata nito ang lahat ng kinain nila. Sabagay, nakakahilo nga naman sa carousel, ang bagal ng ikot 'tapos nakaka-antok pa ang tugtog.


"Oh, ano... tuloy ba tayo dun sa Octopus?"


Todo iling naman ito. "Wala bang ride dito na – iyong umuuga lang..."


Tinakpan na lang niya ang kanyang mga labi upang pigilin ang pagtawa niya. "Okay, dun tayo sa ferris wheel..."


Inakay na niya ang binatang pagewang-gewang na parang lasing.


Maya-maya nga ay naroon na sila sa loob ng Ferris Wheel. Malawak ang loob nun kahit na pandalawang tao lang iyon at open ang bintana kaya mahangin. Kahit paano siguro ay mahihimasmasan si Leo sa pagsakay nila rito. At ganoon nga ang nangyari nang umandar na iyon.


"Okay ka na?" tanong niya rito.


Hindi ito tumugon bagkus pinamulahan ito ng mukha. Hindi na lang muna niya ito aasarin, baka mamaya mapikon na sa kanya. Malungkot nyang tinanaw ang nasa ibaba nang marating ng sinasakyan nila ang tuktok.


Ang malakas na hangin na dumadampi sa kanyang mukha ang lalong nakakapagpalungkot sa kanya.


Nalulungkot siya? 


Pagkatapos ay humarap siya sa binata. Hayun ito at nakaupo, nakatanaw sa kawalan. Ngayon alam na niya kung bakit siya malungkot. Hindi kasi alam ni Leo na kaarawan niya ngayon. Ni hindi nga ito nagtanong kung kailan iyon nung binanggit niya ito rito. Naramdaman na lang niya ang munting luha na umagos sa kanyang pisngi.


Nanlaki ang mga mata nito nang makita syang umiiyak. "Oh, baby! Is everything all right?"


Tuluyan na syang napaiyak.


Nakakainis, bakit ba siya umiiyak? Malungkot man siya pero hindi naman sobra. Malungkot lang siya dahil hindi naalala ni Leo ang birthday niya, pero masaya naman ang puso niya dahil kasama niya ito ngayong araw. Sapat na iyon. Okay na siya sa ganoon.


Hinalikan siya nito sa noo. "What happened? Bakit ka ba umiiyak?" hinila siya nito palapit dito at saka siya niyakap.


"Leo... kasi..." Gumanti siya ng yakap dito. Okay, sasabihin niya na rin dito. Kahit simpleng bagay na katulad nito, hindi na siya maglilihim o mangkikimkim. Palagi siya ritong magiging tapat. "Sorry kung nalulungkot ako. Dapat masaya ako ngayong araw na ito, pero hindi ko lang mapigilan. Wala kasing ibang nakakaalaala sa birthday ko kundi ang best friend ko. Siya lang ang bumabati sa akin taon-taon... Wala nang iba... Kaya ako nalulungkot... Wala nang ibang taong nakakaalam ng birthday ko..."


Bumulong si Leo sa kanyang tainga. "That's not true."


Not true? Bakit? Sino pa ba ang nakakaalam sa birthday niya? Kahit nga ito ay di naaalala na ang birthday niya ay ngayon.


Kumalas ito sa kanya. "Maraming nakakaalam ng birthday mo." dumungaw ito sa ibaba. "Tingnan mo..."


Dumungaw din siya. Naroon ang napakaraming tao sa baba na bigla na lang nagkumpulan.


Sumikdo ang dibdib niya habang nakadungaw. Sa ibaba ay nasa dalawang daang kataong tantiya niya ang may hawak na board kada isa. At nang ang bawat isang ito ay inangat ang kanya-kanyang hawak na board, may nabuong mga letra. Mga letra na noong nagdikit-dikit ay nakabuo ng mga salita. Mga salita na ang basa ay:


'HAPPY BIRTHDAY CT'


Pagkatapos, sa gilid ay narinig niya ang tinig ni Leo. "Happy birthday, CT."


Marahan niya itong nilingon. Nakangiti ito sa kanya at may hawak itong bracelet na hinugot nito sa likod ng sarili nitong bulsa. Iyon pala ang dahilan kung bakit hindi ito pumayag na magpakapa sa likuran nitong bulsa kanina ng paalis na sila sa condo.


Sunud-sunod pa nyang kinusot ang luhaan nyang mga mata. Para siyang nakalutang. Hindi siya makapaniwala. Ang puso niya ay parang sasabog sa masarap na emosyon. "Leo..."


"You think I didn't know?"


"Akala ko..." hikbi niya. Lalo pang umagos ang mga luha niya. 


"CT, okay ka lang ba? Sorry kung –" hindi na nito natapos ang nais nitong sabihin nang yapusin niya ito ulit.


"Tangina naman, Leo! Grabe ka naman magpakilig!" nag-uunuhan ang luha niya sa pagbagsak.


Ngunit hindi na dahil sa lungkot na nararamdaman, kundi dahil sa nag-uumapaw nyang kaligayan. Ito ang unang pagkakataon na may ibang taong nagpahalaga sa kaarawan niya bukod kay Camilla.


Umangat ang binata at hinagkan nito ang kanyang mga labi. Pagkatapos ay bumulong ito.


"'Wag ka munang kiligin. Nagsisimula pa lang ako..."


JAMILLEFUMAH

@JFstories 

Bạn đang đọc truyện trên: ZingTruyen.Xyz