ZingTruyen.Xyz

Serial Charmer

Chapter 55

JFstories

MATULOG KA, MAG-IPON KA NG LAKAS. TAPOS BUKAS, PAG NAKAPAGPAHINGA KA NA, MAG-UUSAP TAYO.


Anong ibig sabihin ni Isaiah sa sinabi niya? Ano ang pag-uusapan namin? Akala ko ay nagkaintindihan na kami?


Tinalikuran niya ako pagkatapos. Sumakay na siya sa kotse, at binuksan ang headlights. Napapikit ako sa pagkasilaw. Akala ko ay aalis na siya pero hindi pa pala. Ilang minuto na nakatayo ako rito at ang kotse ay naroon pa rin sa puwesto nito.


Ang tagal pa bago ko nakuha ang gusto niyang iparating. Pumasok na ako sa gate. Sa pagsara ko ay saka pa lang umandar paalis ang Lambo.


Iyong pagtulog at pahinga na sinasabi niya ay hindi rin nangyari. Anong oras na ako tinamaan ng antok. Maaga rin ako na nagising kinabukasan. Nagtahi na lang ako. Tinaasan ako ni Tita Hannah ng dos kada short kaya talagang sinipagan ko lalo. 


Gusto ko na rin kasing makapagtuloy sa paghuhulog dito sa bahay. Ilang taon na kasi kaming walang hulog kay Tita Hannah. Sa ngayon ang naiipon ko pa lang ay pangkuryente at tubig ngayong buwan. Kailangang magsipag pa. 


Iyong huling sahod ko sa Epza ay napakaliit lang. Kailangan ko rin iyong dagdagan dahil gagamitin ko sa parating na birthday ni Vien. Doble kayod talaga ang dapat kong gawin. Balak ko ring mag-online selling para dagdag sideline.


Bandang 2:00 p.m. ay tumigil na ako sa pananahi. Nag-text na rin ang lola ni Vien. Luto na raw ang pansit. Nakagat ko ang aking ibabang labi. Pupunta nga ba ako? Nandoon kaya si Isaiah? At mag-uusap pa ba talaga kaming dalawa?


Naligo ako matapos magpahinga sandali. Simpleng white blouse at faded jeans ang bihis ko. Sa paahan ay sandals. Ayaw kong biguin ang lola ni Vien kaya pupunta ako sa PK2. Bahala na.


Nag-tricycle ako papunta ng PK2. Bukas na bukas ang gate ng compound pagdating ko. Sa garahe ay nandoon ulit ang itim na Lambo. Mukhang hindi na talaga iyon kay Arkanghel. At malamang na ang bagong may ari niyon ay nandito.


Tumuloy na ako sa bahay sa dulo. Nagkahulan ang mga aso sa kulungan. Ang tatlong aso na hindi nakakulong ay nilapitan ako. Sina Chou, Balmond, at Brody. 


Napasilip sa screendoor ang lolo ni Vien. Napangiti ito nang makita ako. "Nandito ka na pala, Vivi. Halika, handa na ang meryenda!"


Pagpasok ko ay saktong baba ni Isaiah sa hagdan. Shirt na light pink ang suot niya na nagpalitaw sa makinis niyang balat sa leeg at sa mga braso. cargo shorts na white naman sa ibaba. Ang linis-linis tingnan, lalo pa at basa ang kanyang buhok; halatang bagong paligo.


Napakurap lang ako nang yakapin ako ni Vien sa bewang. "Mommy ku, happy birthday part 2!"


Yumuko ako kay Vien at tinanggap ang matunog na kiss nito sa aking pisngi. Ang nguso nito ay malagkit dahil sa kinakaing ice cream.


"Kulitis, ano ka ba?" saway rito ng lola nito. "Hindi ka man lang muna nagpunas ng nguso mo. Hayan, may icecream na sa pisngi ang mommy mo, paano kung langgamin iyan? E di wala ka ng mommy!"


Napalabi naman ang bata. "Mommy ku, sowrry!"


Ginulo ko ang buhok nito at binulungan ito, "Okay lang, cute ka naman, baby ko."


Doon ito ulit napabungisngis ang paslit. Hinila na ako nito sa kusina para ipagmalaki ang mga pagkain na naroon. Nagtataka naman ako na sumunod. Ang alam ko kasi ay pansit lang naman ang niluto. Pero sa mesa ay hindi lang pansit ang aking nakita. May carbonara, cake, menudo, shanghai, fried chicken, bibingka, pizza, at puto. Mukhang ang pansit lang at ang menudo ang lutong bahay, the rest ay in-order sa restaurant. May mga box pa ng pizza sa Yellow Cab.


Ang lola ni Vien ay inasikaso ako. "Kain na, Vivi. Parating na rin sina Roda. Naliligo lang ang Tito Kiel mo, pero papunta na iyon dito."


"Kain na rin po kayo." Nahihiya kasi ako dahil pinagsandok pa ako nito ng pagkain sa plato. Alam na alam nito na hindi ako kukuha ng marami kaya ito na ang kumuha para sa akin.


Kumain na rin sila. Nakakahiya dahil hinintay talaga nila ako. Sa sala pumuwesto ang mag-asawa. Si Vien ay sa mesa kaya sa mesa na rin ako para maasikaso ito. Hindi pa rin daw kasi kumakain dahil hinihintay ako.


Habang kumakain kami ay biglang naupo rin si Isaiah sa kaharap namin. Sa mesa rin siya. Kumuha siya ng plato at nagsandok din ng pagkain niya. Pinagsama-sama niya sa kanyang plato ang carbonara, pansit, at shanghai. Tapos sa taas ay magkapatong ang dalawang pizza.


Ikiniling naman ni Vien ang mukha sa daddy nito. "Ow, Daddy ku! Di ba kanina nipapakain ka ni Wowa, sabe mu busowg ka?"


"Gutom na ako ngayon," sagot niya sa bata at saka nilantakan ang pagkain.


Kumain na rin ako. Hindi nga lang talaga maiwasang hindi ako mapasulyap kay Isaiah. Focus naman siya sa pagkain niya. Mukhang kanina pa siya gutom, at hindi ngayon lang nagutom.


Nang minsang magkasabay ang tingin namin sa isa't isa ay para akong napapaso na agad na napabawi ng mata. Naulinigan ko ang mahinang tawa niya. Nakagat ko na lang ang aking ibabang labi.


Inasikaso ko na lang ulit si Vien. Habang ngumangabngab ng fried chicken si Vien ay napuno ng mantika ang bibig nito, kaya naglabas ako ng wipes mula sa aking shoulder bag. Parang biglang nawalan naman ng gana sa pagkain ang bata.


"Baby, bakit di mo kinakain food mo?" Nag-alala naman ako. "Ayaw mo ba niyan?"


Nangalumbaba ang bata. Ang matambok nitong pisngi ay ipinatong sa munti nitong palad. "Nag-iisep pow kase ku e!"


"Ano na naman iniisip mo?" tanong ni Isaiah rito bago kumagat sa hawak na pizza. "Yayaman ba tayo riyan?"


Napanguso si Vien. "Si Ninang ku kase e, sabi galing daw aku sa pepe ni Mommy!"


Nasamid naman si Isaiah at napaubo. "Ano?!"


Pati yata ako ay nasamid kahit walang laman ang aking bibig. Malamang na ang ninang na tinutukoy ni Vien ay walang iba kundi si Carlyn. Ang babae kasi ay ang madalas na napag-iiwanan noon sa bata.


Nagpapadyak sa ilalim ng mesa ang binti ni Vien. "Daddy ku, yoko galing sa pepe! 'Di ba sabi mu paglaki ku, iwasan ku 'yon, kase bad for the health yun?!!"


Nasubuan ko si Vien ng isang buong shanghai nang hindi sinasadya. Mabuti at hindi nabulunan. Magaling itong ngumuya, nagiling agad sa bibig nito iyong lumpia. Siguro kasi matutulis ang natitira nitong mga ngipin.


Mainit na mainit ang aking pisngi sa hiya. Nakayuko na lang ako sa pagkain. Sa harapan ko naman ay ramdam ko ang mga mata na nakatingin sa akin.


Matapos kumain ay bumalik sa kusina ang lola at lolo ni Vien. Tinanong kami ni Isaiah kung ano ang plano namin sa paparating na birthday ng bata. Napatingin naman ako kay Isaiah. Ayaw kong pangunahan siya.


Ngumunguya siya ng kinagat na pizza habang nakatingin din sa akin. Tinaasan niya ako ng kilay. "Plano raw," sabi niya na ikinagulat ko.  


Napalunok ako bago mahinang nagsalita, "Uhm, tinanong ko po si Vien noong nasa SM kami. Ang sabi niya, okay lang daw po kahit kaunting handa, basta maraming ice cream. Pero gusto ko po sana na handaan siya..."


Ilang taon kasi na wala ako sa birthday ng bata. Gusto ko sanang bumawi. Gusto kong ipaghanda ito. Pero nakasalalay pa rin sa lola at lolo nito, at kay Isaiah ang huling pasya. Ayaw kong manguna.


Matapos lumaklak ng Coke sa baso ay saka nagsalita si Isaiah. Kabado pa ako dahil ang tagal pa bago ko narinig ang boses niya. "Sige, handaan si Vien. Vi, ikaw na ang bahala. Sabihan mo na lang ako."


Napakurap ako dahil parang gustong mamasa sa luha ng mga mata ko. Sa huli ay napangiti ako kay Isaiah. "S-sige, salamat..."


Tumango siya at ginulo ang buhok ng bata. "Narinig mo? Magbi-birthday party ka, kaya magpakabait ka kung ayaw mong sa sarili mong birthday, ay hindi ka invited!"


Napanguso naman si Vien. "Good boy naman aku, Daddy ku!"


"Oo, sa sobrang good boy mo nga, kinalat mo na naman kanina ang cutics ni Madam Anya. Ayan, may bayarin na naman tuloy ako. Times ten pa naman lagi magpresyo 'yang lola mo!"


Ang lolo ni Vien ay excited naman sa plano. "Maganda iyan. Ilang taon din kasi ako sa abroad kaya wala ako sa mag nagdaang birthday nitong si Kulit."


Tinapos namin ang pagpaplano. Ako ang bahala na maghanap ng party coordinator. Kapag plantsado na ay saka ako magsasabi kay Isaiah. Hindi pa man namin napag-uusapan ang tungkol sa gastos, ay awtomatiko na iyon na hati kami.


Dumating na mayamaya sina Tita Roda at Tito Kiel. Ako ay nasa kusina dahil ako ang naghugas ng kinainan. Si Isaiah naman ay nasa mesa pa rin at kaaway si Vien. Paano'y gusto pa ng bata ng ice cream pero nakatatlo na pala ito mula kanina.


Pagbukas ko ng ref para ibalik ang bote ng softdrinks ay napamaang ako dahil may cake pa roon. Kalahati na lang ang cake at matigas na. Mukhang kahapon pa yata. May mga tupperware din doon na may lamang carbonara, spaghetti, at mga pizza na parang kagabi pa. 


Isinara ko na ulit ang ref. Pagtingin ko kay Isaiah ay nakatingin siya sa akin. Wala naman siyang sinasabi. Kaswal na kami ngayon, at okay ako sa ganoon.


Nauulinigan ko ang kuwentuhan sa sala dahil doon kumakain ngayon sina Tita Roda at Tito Kiel. Ang nagsasalita ay ang lola ni Vien. "Aba'y magkakaapo na pala kayo kay Arkanghel! Kailan naman daw ba ang kasal?!"


Napasimangot si Tita Roda. "Naku, ayan nga ang problema! Ayaw raw siyang pakasalan nong babae!"


Si Tito Kiel naman ay malungkot. "Naaawa ako kay Arkanghel. Buntis na pero ayaw siyang pakasalan. Aba'y paano naman ang anak namin niyan?! Magiging single father?!"


Bigla na namang naubo si Isaiah. Pagtingin ko sa kanya ay namumula ang mukha niya.


"Teka, teka nga!" Itinaas ng lola ni Vien ang kamay nito sa ere para awatin ang mag-asawa. "Si Arkanghel ba ang nabuntis? Kung magsalita kayo, parang iyong anak niyong barako ang binuntis at ayaw panagutan, e."


"Hmp!" Umismid si Tita Roda. "Ano ngayon kung lalaki ang anak namin? Ang punto rito, ayaw siyang pakasalan! Ano iyon? Ginamit lang? Pero walang balak panagutan? Aba, kung hindi lang ako pinipigilan ni Arkanghel, susugod talaga ako roon sa bahay ng babae!"


Inawat na ito ni Tito Kiel. "Hayaan na natin, Roda. Magtiwala na lang muna tayo kay Arkanghel. Hindi naman siguro siya papayag na maapi siya roon."


Nang makita nila ako nagbago na ang kanilang mood. Unang bumati sa akin si Tito Kiel. Si Tita Roda ay sumunod. Ang masungit na mukha nito ay umamo.


Niyakap ako nito. "Happy birthday, Vivi. Salamat sa sunod-sunod na libreng meryenda."


"Po?" Sunod-sunod? "Ah, hindi po ako ang gumastos. At saka—"


Tumikhim si Isaiah sa likod ko. "Tita, nagkabati na sina Arkanghel at Sussie. Kumalma ka na."


"Ay, nagkabati na ba?" Nabaling na ang atensyon ni Tita Roda kay Isaiah. "Ibig sabihin ba ay pakakasalaan na ng Sussie na iyan si Arkanghel?!"


Nag-uusap-usap na ulit sila sa sala. Tumawag si Tita Roda kay Arkanghel. Naka-loudspeak ang phone kaya nakausap na rin nila si Sussie na mapapangasawa ng lalaki.


Bandang 5:00 p.m. ay nagpaalam na ako. Pinipigilan pa ako nina Mama Anya kaya lang ay kailangan ko na talagang umuwi. Niyakap at hinalikan ko na si Vien sa pisngi.


Si Isaiah ay nasa mesa pa rin. Nilingon ko siya. "Isaiah, aalis na ako."


Hindi siya tumingin sa akin pero tumayo. Bitbit niya ang susi ng kotse na naunang lumabas sa akin sa pinto. Patay malisya naman sa sala ang mga tao.


Bantulot ako na lumabas. Nandoon na si Isaiah. Hinihintay ako. Inginuso niya ang sasakyan. "May pupuntahan akong tropa sa Buenavista. Sumabay ka na."


"Hindi na—" Nakatalikod na siya sa akin bago ko pa makompleto ang sinasabi. Napatikom na lang ang aking bibig kahit gusto kong mapikon. Kaswal na kami ngayon, at ayaw ko iyong sirain.


Bago makarating sa kotse ay hindi sinasadya na napatingin ako sa may drum sa gilid. Basurahan iyon at katabi ay ang lalagyanan ng kanin-baboy, mga tirang pagkain. Napakunot ang aking noo nang makita ang mga box ng Yellow Cab doon. Bukod pa ay may box din ng cake.


Kumiling ang aking ulo habang nakatingin doon. Parang iyon ang cake na nakita ko kanina sa ref nila. Saka iyong malaking alumin food tray ng carbonara at spaghetti ay nandoon din. May iba pa bang dumaan na handaan? At kailan? Kahapon?


Biglang humarang ang katawan ni Isaiah sa harapan ko. "Sakay na."


Napakurap ako at ibinalik ang tingin sa kotse niya. Sumakay na ako nang ipagbukas niya ako ng pinto. Sa loob ay nalanghap ko agad ang preskong men's cologne na gamit niya. Nakakapit na iyon sa mga leather na upuan. Parang ang sarap-sarap singhutin; nakakahibang.


Habang nagda-drive ay tahimik lang si Isaiah. Nakikiramdam lang naman ako habang pasulyap-sulyap sa kanya. Ngayon ko lang siya nakitang nag-drive ng four wheels. Ang bawat hawak ng malaking kamay niya, ang mahahabang daliri sa manibela, ay napapasunod ako. Smooth siyang magmaneho.


"Kotse mo na ba ito?" tanong ko para pambasag sa katahimikang nakakailang. Gusto ko na magtuloy-tuloy na ang pagiging kaswal namin sa isa't isa.


"Oo. Nag-swap kami ni Arkanghel sa motor ko. Pero balak ko pa ring bayaran ito sa kanya. Huhulugan ko kahit ayaw niya." 


Tumango-tango ako. Kahit close sila ng kinilala niyang pinsan, ma-pride pa rin siya. Nabura lang ang aking ngiti nang mapansin na lumampas kami sa Buenavista. Dere-deretso ang kotse.


Nagsalita siya bago ako makapagtanong, "Nag-text ang tropa ko, wala raw siya. Stroll muna tayo."


"Ha?" Nilingon ko ulit siya. "Uuwi na ako. Ikaw na lang ang mag-stroll, may gagawin pa ako sa bahay—"


Chill na sumulyap siya sa akin. "Anong gagawin? Mananahi ka? Maga-gabi na, matusok ka pa ng karayom."


Kumuyom na lang aking mga palad. Ayaw niya akong pauwiin, at wala akong magagawa. Unless makikipag-agawan ako ng manibela sa kanya.


Humalukipkip na lang ako sa passenger's seat. Mukhang mangyayari pa rin talaga ang sinabi niya sa akin kagabi, na mag-uusap kami. Kung ito na iyon, okay, sige.


Sa haba ng biyahe, sa Tagaytay kami nakarating. Sa bandang Twin Lakes. Dito niya nga siguro talaga gustong tapusin ang usapan namin. Nang bumaba siya at buksan ako ng pinto sa passenger's seat ay bumaba rin ako.


Bumaba kami sa may overlooking veranda . Nag-aagaw na ang dilim at liwanag sa kalangitan. Malamig ang simoy ng hangin kaya nayakap ko ang sarili. Si Isaiah naman ay nakatingin lang sa malayo habang nakapamulsa sa cargo shorts na suot niya.


I waited for him to talk, and it took ten minutes before I finally heard his voice. "Gusto mong magkape?"


"Hindi na. Mag-usap na lang tayo para makauawi na rin—" Hindi niya ako pinatapos. Umalis na siya. Napahingal na lang ako habang nakatanaw sa kanya. Pumunta siya sa may café na nasa bandang likuran.


Pagbalik niya ay may dala na siyang dalawang iced coffee at dalawang muffin na nasa maliit na paper bag. Ibinigay niya ang isang iced cofee at isang muffin sa akin. Tinanggap ko na lang. Nagsimula siyang kumain habang nakatanaw pa rin sa malayo.


Pumunta lang ba siya rito para mag-foodtrip? Hindi na ako nakatiis. "Isaiah, ano ba iyong pag-uusapan? Di ba, tapos naman na—"


"Kung wala si Kulitis parang wala ka nang balak magpakita," biglang sabi niya at lumingon sa akin.


Ibinaba niya ang iced coffee at hinarap ako. Napaso ako sa klase ng titig ng mga mata niya na parang lumalagos sa kaluluwa ko.


"Sagutin mo ako. Kung wala ka bang anak na naiwan dito sa Pilipinas, babalik ka pa ba?"


"M-may mga nangyari na alam ko na puwede kong iwasan, pero hindi ko nagawa," sabi ko habang nilalabanan ang mga nakakapanghinang titig niya. "Isaiah, alam ko na sobrang dami kong maling desisyon. Hindi ko na iyon mababago. At kung mauulit ang panahon, wala pa rin akong balak baguhin alin man doon."


Sorry, pero iyon ang totoo. Umigting ang panga ni Isaiah.


"Iiwan ko ulit kayo ni Vien. Aalis ulit ako kahit dapat kayo ang priority ko. Kahit dapat na kayo na ang uunahin ko dahil kayo na ang bagong pamilya ko, hindi ko pa rin kayo pipiliin. Sorry dahil hindi ko kayang tiisin si Mommy..."


Nagsimulang manginig ang boses ko pero nagpakatatag ako. Tutal binuksan niya ang topic na ito, sisikapin ko na magpakatotoo.


"Aalis pa rin ako at iiwan kayo. Magalit ka na, pero iyon pa rin ang paulit-ulit kong gagawin. Naniniwala ako na magiging okay kayo kahit wala ako. Alam ko na hindi kayo pababayaan ng mama at papa mo. Pero si Mommy sa ibang bansa, mag-isa lang. Nangako ako kay Kuya Vien na hindi ko siya pababayaan."


"Inintindi ko iyon. Pero nang mamatay na si Mama Veron, hindi ka pa rin umuwi. Nagkaroon ka na naman ng bagong dahilan. Valid naman dahil tita mo iyong sunod na nangailangan."


Napahaplos siya sa kanyang buhok. Sumipsip muna siya ng isa sa straw ng iced cofee.


"Pero Vi, for example lang, ah? Paano kung isang daan ang kamaganak mo sa Australia? Paano kung pagkatapos ng mommy mo, ng tita mo, may isa pa ulit na mangailangan sa 'yo? Paano kung wala nang katapusan at maging cycle na? Kailan ka pa sa tingin mo makakauwi?"


Alam ko kung ano punto niya. That they were not my top priority. "K-kaya nga ang kapal ng mukha ko na mag-isip na may uuwian pa ako, di ba?"


Pagak siyang tumawa at tumanaw sa madilim na kalangitan ng Tagaytay. "Alam mo, okay lang namang maging mabuting tao, e. Pero dapat mabuti ka rin sa sarili mo."


Naalala ko ang sinabi sa akin ng isa sa mga naging katrabaho ko sa Australia bago ito naglaro na parang bula. Na masamang kombinasyon sa isang tao ang pagiging mabuti at pagiging tanga. 


Ang malamig na boses ni Isaiah ay muli kong narinig. Mababa ang tono. "Vi, hindi lang ang pag-aalaga sa mommy mo ang bilin ng kuya mo sa 'yo. I think you forgot the most important thing."


Nang mas lumamig na ang hangin ay naglakad na siya pabalik sa kinapaparadahan ng kotse niya. Napasunod naman ako. "Isaiah, hindi pa tayo tapos mag-usap. Tapusin na natin para isahang usap na lang—"


Nagtutule siya gamit ang hinliliit. "Next time na iyong Part 2."


Napanganga ako. "May Part 2 pa?"


"Oo. Hanggang tatlo iyan, trilogy." Pinagbuksan niya na ako ng passenger's seat at umikot na siya patungo sa driver's seat.


Iyong pagkakakuyom ng aking palad ay lalong napahigpit. Napabuntong-hininga ako para kumalma. Sumunod na ako sa kotse dahil bumusina na siya. Sa biyahe pabalik ng GenTri ay wala na kaming kibuang dalawa.


Nakatanaw na lang ako sa labas ng katabing salaming bintana. Nang makaramdam ako ng gutom ay saka ko pa lang kinain ang muffin na binili niya sa akin. Siya naman ay pasipsip-sipsip sa iced cofee niya habang chill na nagda-drive.


Sa mabilis na biyahe, sa kabusugan sa iced cofee at muffin, at sa pagod ko na rin, ay hindi ko na namalayan na nakaidlip na pala ako sa passenger's seat. Naalimpungatan na lang ako na nakahinto na ang sasakyan.


Pagmulat ko ay madilim ang paligid. Patay ang kahit anong ilaw sa kotse. Umayos ako sa pagkakaupo, at nakitang sa labas ay nasa tapat na pala ng gate ng bahay namin. Pero bakit hindi ako ginising ni Isaiah?


I looked at him in the driver's seat. Madilim ang loob ng kotse at kahit ang oras sa stereo ay naka-off. Naaninagan ko siya na nakasubsob sa manibela. Hindi ko sigurado kung natutulog ba siya o ano, pero naririnig ko ang panaka-nakang pagsinghot niya habang nakayuko.


Hindi ko alam kung kailan pa kami nakarating at kung bakit hindi niya ako ginising. Inabot ko siya ay marahang tinapik sa balikat. "Isaiah..."


Napapitlag siya sa pagtawag ko. Gumalaw siya pero nakayuko pa rin. "Hmn?" Parang ayaw pang mag-angat ng mukha.


"Ah, bakit hindi mo ako ginising? Nandito na pala tayo. Bababa na ako. Umuwi ka na rin para makapagpahinga ka na."


Umayos siya ng upo pero hindi lumilingon sa akin. Kahit madilim ay nakita ko na nakayuko at nagkusot ng mga mata niya. Siguro nga ay nakatulog siya. Suminghot siya ulit at iginilid papunta sa kabilang side ang kanyang mukha. Sinisipon yata siya.


Nagpaalam na ulit ako saka bumaba sa kotse. Papasok na ako sa gate nang marinig siyang magsalita. Bumaba rin siya. Paos ang boses niya, "Do you think I'll just give up just because you said so?"


Paglingon ko sa kanya ay nasa harapan ko na siya. Napatingala ako sa kanya. Kahit may kadiliman sa parte namin ay nasinag ko ang pamumula ng kanyang mga mata, gayundin ang dulo ng matangos na ilong niya. At sa tingin ko, hindi lang siya basta sinipon kanina.


"Iutos mo sa akin lahat, gagawin ko. Kahit pa paluhurin mo ako mula rito sa Buenavista hanggang PK2. Pero iyang sinasabi mong tapos na tayo. Itulog mo na lang ulit iyan, antok lang 'yan."


Siya na ang nagbukas ng gate para sa akin at saka siya bumalik sa Lambo. Katulad kagabi ay ganoon ang gagawin niya, hindi siya aalis hangga't hindi pa ako tuluyang nakakapasok sa loob. Bago siya makalayo ay kusang umabot ang kamay ko sa braso niya.


Nagtataka na napalingon siya sa akin. Nakaawang ang mapupula niyang mga labi sa dilim. "Vi..."


"Hahanapin ka ba ng mama mo sa inyo?" tanong ko sa kanya.


Naguguluhan man ay nakuha niyang umiling.


Maliit akong ngumiti. "Okay, Isaiah." Pagkuwan ay hinila ko na siya sa kamay papasok sa gate. "Bukas ka na umuwi..."


JF


#SerialCharmerbyJFstories

Bạn đang đọc truyện trên: ZingTruyen.Xyz