ZingTruyen.Xyz

Serial Charmer

Chapter 39

JFstories

KAHIT WALANG TULONG MO, MAKAKAIN MAG-ISA ANG ANAK KO.


Alam ko naman iyon. Binitiwan ko ang kutsara at nanliliit ang pakiramdam na napayuko ako. Alam ko na ilang taon na si Vien, marunong na itong mag-isa na kumilos at kumain. 


Pormal ang mukha ni Isaiah na nagbawi na sa akin ng tingin. He started eating as if I was not in front of him.


Vien who was sitting next to me also started eating. Nagpapakitang gilas na kaya na talagang kumain mag-isa. Ako sa kinauupuan ay hindi malaman ang gagawin. Para akong display lang sa tabi nila na hindi gumagalaw.


Mga tatlong minuto ang nagdaan nang biglang kumalam ang tiyan ko. Hindi pa nga pala ako kumakain. Sa excitement ko na makapunta ay rito ay umalis agad ako sa bahay kanina. Hindi ko na naisip na sumubo muna ng kahit ano.


I wanted to eat, too. Kumakalam na ang tiyan ko.Maski tubig ay hindi pa ako umiinom mula kanina. Nakadagdag pa sa gutom ko ang amoy ng ulam nilang escabeche. Paborito ko ang lutong iyon ni Mama Anya. But what should I do? Alangan naman basta ako kumain dito.


Sana ay bumalik na si Mama Anya at utusan ulit ako na kumain. Sana magalit ito na hindi pa ako kumakain, para may dahilan ako na mapilitan kumain.


Patuloy naman sa pagkain ang mag-ama. May sounds pa ang pagkain ni Vien. "Umn, yummy!"


Napalunok ako at sakto pa na tumingin si Isaiah sa akin. Tumaas ang isa niyang kilay. Napaiwas naman ako ng tingin.


Kunwari ay inasikaso ko na lang si Vien. "Baby, dahan-dahan. Gusto mong tubig?"


"Mommy!" puno pa ang bibig nito nang magsalita. "Bat di pala pow ikaw nakaen?" Ngayon lang nito napansin.


Ngumiti ako. "Busog na kasi ako basta makita kitang kumakain..."


"Pow? Puwede ba 'yon? Nakain aku pero ikaw mabubusog? Luh, magic!" Namimilog ang mga mata ng bata, namumualan ang bibig.


"Kulitis, hindi dapat nagsasalita pag may laman ang bibig," saway ni Isaiah rito sa patag na boses.


Nag-thumbs up si Vien sa ama at bumalik na ulit sa pagkain.


Nang maghinang muli ang mga mata namin ni Isaiah ay ang lalaki na ang naunang mag-iwas ng tingin.


Pagkatapos nilang kumain ay nanguna ako na magligpit ng mesa. Pagpapatungin ko na sana ang mga plato nang kunin ni Isaiah ang plato niya at dalhin iyon sa lababo.


Pagbalik niya ay kinuha niya ang pitsel para ibalik sa ref. Lumapit ako sa kanya at alanganin na nagsalita, "Isaiah, a-ako na. Magbihis ka na muna..."


Hindi siya sumagot. Inilapag niya lang pabalik ang pitsel sa mesa imbes na sa akin iabot. But at least, para na rin niya akong pinayagan na magligpit ng pinagkainan.


Pumasok si Mama Anya sa pinto. May bitbit itong maliit na aso sa braso. Isa sa mga alaga nila. Tumingin ito sa amin ni Isaiah. "O tapos na kayo?"


Sasagutin ko na ito nang unahan ako ni Isaiah, "Tapos na kami."


Umingos naman si Mama Anya. "O? Tapos na talaga kayo? Sura na? Ayaw niyo na talaga?"


Nakagat ko ang aking ibabang labi. Natawa naman si Mama Anya.


Binitiwan ng ginang ang aso sa sahig. "O Balmond, dito ka muna sa loob. Palagi mo na lang inaaway sa labas sina Chou at Gusion."


Maliit na ngumiti ako sa ginang. "Kain na rin po kayo, Mama..."


Nag-init ang aking pisngi dahil nakatingin si Isaiah. Nakita ko ang pagtaas ng isang kilay niya dahil sa tawag ko sa mama niya.


Mama... I was still calling his mother 'mama'. Nakasanayan ko na kasi iyon. Napayuko ako sa hiya.


Umakyat na si Isaiah sa itaas para magbihis. O kung magpapahinga rin siya ay hindi ko masabi. Basta hindi na siya ulit bumaba.


Ako ay naiwan sa ibaba. Niyaya ako ni Mama Anya na kumain. Sabay kami nitong nananghalian. Si Vien naman ay nasa sala na tanaw namin.


Hindi pa nagtu-toothbrush ang bata dahil pagkakain ng tanghalian ay naghimagas agad ito ng chocolates. Punong-puno ang bibig nito habang nakabulagta sa sofa at nanonood ng TV. Hawak ang remote at palipat-lipat ito ng channel.


Habang kumakain kami ni Mama Anya ay kinukumusta ako nito. Nakiramay tungkol sa nangyari kay Mommy. At pinuna nito ang pamamayat ko.


"Pinababayaan mo ang sarili mo sa Australia. Bumawi ka rito sa Pilipinas. Kainin mo lahat ng gusto mong kainin."


"Salamat, Mama..." Nag-init ang gilid ng mga mata ko. Ang pagluluto niya ng escabeche ngayon ay dahil sa alam niya na pupunta ako. Alam niya ang paborito kong luto niya.


"Siya nga pala, hindi ko pa nasasabi kay Isaiah ang tungkol sa ginawa mo," mayamaya ay mahinang sabi ni Mama Anya.


Napaangat ang mukha ko kasabay ng paghigpit ng aking hawak sa kubyertos.


Bumuga ng hangin ang ginang. "Malamang na masama loob niyan. Aangasan ka niyan. Pero kung sana ay—"


"Ma!" putol ko sa pagsasalita niya. "Hayaan na po natin iyon."


Muling bumuga ng hangin si Mama Anya. "Basta kapag may ginawa 'yang kagaguhan sa 'yo, sabihin mo lang sa akin. Uumbagin ko agad."


Napangiti ako at hindi na kumibo. Nakangiti na rin si Mama Anya.


"Okay naman na kami rito, Vi. Pagkaalis mo noon, napaayos na rin namin ang van at naparentahan."


Malaking tulong daw na naparentahan na ulit ang van noon, dahil hindi na kinakailangan pa ni Mama Anya na lumabas para mag-ahente. Kailangan niya kasing manatili na lang sa bahay para alagaan si Vien.


Nakuwento rin ni Mama Anya na dalawang taon pagkaalis ko noon ay nakabalik na rin si Papa Gideon sa Dubai. At last year lang ay nakatapos na sila sa pagbabayad ng mga utang. Nabawi na rin nila ang naisangla nilang lupa sa Tanza.


"Ilang taong pag-iipon din kasi nag-back to zero kami," ani Mama Anya. "Pero last year ay nakaahon na kami nang tuluyan. Naka-graduate si Isaiah, napaayos ang bahay, at nakabili ng ilang appliances."


I was glad to hear that.


Napapalatak si Mama Anya nang makitang naghihilik na si Vien sa sofa. Nakalaylay ang isang paa at isang kamay.


"Iaakyat po ba siya sa kuwarto?" tanong ko. Dinidilaan na ng maliit na aso na si Balmond ang kamay ng bata na may chocolate.


"Isaiah!" sigaw ni Mama Anya.


"Mama, baka nagpapahinga po si Isaiah. Ako na lang po ang mag-aakyat kay Vien."


"'Di mo kaya 'yan. Mabigat 'yan." Muli itong sumigaw, "Isaiah! Bumaba ka muna, kunin mo itong anak mo rito!"


Napalunok ako nang mayamaya lang ay bumababa na sa hagdan si Isaiah. Nakapagbihis na. Shorts na jersey at shirt na plain white. Magulo ang kanyang buhok na mukhang kababangon lang sa kama.


Pagod ba siya? Sabagay, kagabi pagkagaling sa bahay ay umalis pa pala siya papuntang Manila, at ngayong umaga ay bumalik din dito sa Cavite. Wala pa yata siyang tulog at pahinga.


"Iakyat mo muna 'yan sa itaas. Doon mo na sa 'yo para magtagal kaunti ang tulog."


Kinarga ni Isaiah si Vien. "Ma, may Zoom meeting ako mayamaya. Magigising lang ito lalo pag sa kuwarto ko."


"Ako na ang sasama kay Vien sa kuwarto niya," presinta ko.


Tiningnan lang ako ni Isaiah at pagkuwa'y naglakad na siya sa hagdan habang karga-karga ang natutulog na bata. Sumunod naman ako.


Pagkahiga ni Isaiah kay Vien sa kama, ay pinunasan ko agad ng wipes ang may mantsa pa ng chocolate sa gilid ng mga labi ng bata. Pinunasan ko rin ang pawis nito sa likod dahil nainitan ito kanina sa ibaba.


Todo asikaso ako sa bata. Inayos ko ito sa pagkakatagilid ng higa at nilagyan ko pa ng dantayan na unan. Sa lahat ay nakatingin lang si Isaiah habang nakatayo siya.


Atubili ko siyang nilingon. Blangko ang mga mata niya. "Uhm, naiinitan yata si Vien. Puwede bang buksan ang aircon?" mahina kong tanong.


Hindi siya sumagot pero naglakad siya papunta sa may aircon. In-on niya iyon.


"Thank you..."


Hindi pa rin siya sumagot. Walang salita na lumabas siya ng kuwarto. Nang wala na siya ay napabuntong-hininga na lang ako.


Naiintindihan ko naman si Isaiah. Hindi na kami katulad nang dati. Para na kaming estranghero sa isa't isa kaya naman awkward na talaga kahit ang pagkausap ko sa kanya.


Binalikan ko ng tingin ang natutulog na si Vien. Napangiti ako sa bata at masuyong hinaplos ang buhok nito. Ito na lang ang nag-uugnay sa amin ni Isaiah, ang bukod tanging dahilan kaya kailangan pa rin naming harapin ang isa't isa.


Buong sandali na tulog si Vien ay nakamasid lang ako. Pinagsawa ko ang aking mga mata sa pagmamasid dito.


Kulitis... iyon ang tawag nila sa bata. Makulit daw kasi ito. Ang cute.


Sa kakatitig sa bata ay hindi ko na maalala kung kailan ako napapikit. Nakaidlip na pala ako.


Naalimpungatan ako na may pumipisil ng aking pisngi. Pagmulat ko ng aking mga mata ay ang nakabungisngis na mukha ni Vien ang sumalubong sa akin.


"Low, Mommy!" Amoy chocolate ang hininga nito nang magsalita.


Nakangiti na niyakap ko ang bata. "Hello. Kanina ka pa ba gising?"


"Opu. Bawal aku matulog nang sobra matagal sa tanghali, kasi mahihirapan daw pow aku makatulog sa gabi!"


Lalo akong napangiti. "Gumising ka mag-isa?"


Umiling si Vien. "Ginising aku ni Daddy!"


Ang pagkakangiti ko ay nauwi sa pagnganga. "Ha?"


"Gising nga aku ni Daddy!"


Ginising ni Isaiah si Vien? Pumasok ulit dito sa kuwarto si Isaiah? Kung ganoon ay nakita niya akong natutulog?!


Bigla akong na-conscious sa itsura ko. Naghihilik ba ako kanina? Mula kasi nang maranasan kong mapagod sa pagtatrabaho ay madalas na akong humihilik kapag natutulog. Nakakahiya, baka may panis na laway pa ako.


Bumangon si Vien. "Mommy, masarap pow ba sa Australia? Di ba, Mommy, merown dong kangaroo?!"


Bumangon na rin ako. "Yup, meron doong kangaroo. Di ba kasama ng pinadala ko noong Pasko na laruan na kangaroo iyong picture ko na may katabi akong tunay na kangaroo?"


Hiling kasi ni Vien iyon na magpa-picture daw ako sa tunay na kangaroo, kaya naman nag-ipon ako ng pera at talagang naghanap ako ng oras para makapunta kung saan may kangaroo. Kahit pa may kalayuan iyon sa lugar ko.


"Opu!" masayang sagot ni Vien. "Saka Mommy, dami mu rin pictures pow na nasa snow! Mommy, masarap ba may snow?!"


Napangiti ako dahil paulit-ulit nito iyong tanong. Tuwing kausap ko ito sa phone ay palagi ako nitong pinagkukuwento tungkol sa snow.


Ang isa sa mga naging amo ko noong nagbi-babysit ako, ay isinama ako sa pagbabakasyon ng pamilya nito. Pumunta kami sa Charlotte Pass na isang ski resort. Marami akong naging pictures doon na aakalain mo talaga na isa akong turista.


Isa rin sa naging sideline ko ay ang pagganap na Elsa ng Frozen sa isang amusement park sa Australia. Tuwang-tuwa si Vien kapag nagpapadala ako ng pictures.


"Oo masaya na may snow, anak," sagot ko. "Namamasyal ako roon sa may snow kasama ang mga kaibigan ko." Iyon ang palagi kong kuwento, kahit ang totoo ay wala naman talaga akong masasabi na naging kaibigan sa Australia.


Nagpakuwento pa nang nagpakuwento si Vien. Masaya ko namang ikinuwento ang magagandang lugar at pasyalan na itinatanong ng bata. Ang bawat kuwento ko ay may mga bawas at kaunting dagdag. Hindi ko naman kasi puwedeng sabihin na hindi naman pamamasyal at pagsasaya ang buhay ko sa Australia.


Tikhim sa may pinto ang nagpatigil sa masaya kong pagkukuwento. Ang malawak kong ngiti ay naglaho nang makita ko na nakatayo roon si Isaiah.


"Daddy!" Patalon na bumaba si Vien sa kama. "Dame kuwento ni Mommy sa 'ken! Daddy, ang saya-saya sa Australia!"


Napalunok ako nang dumilim ang ekspresyon ni Isaiah.


Napaalis ako sa kama dahil sa pagkailang. "V-Vien, g-gusto mo na bang magmeryenda?"


Mabuti at nabaling na sa iba ang atensyon ng bata. Naalala na naman ang mga chocolates. Iyon daw ang memeryendahin nito.



KINAGABIHAN ay tinulungan ko si Mama Anya na maghanda ng hapunan. Si Vien naman ay kabuntot ni Isaiah kahit saan siya magpunta.


Habang naghahain sa mesa ay panay ang pasimpleng sulyap ko sa kanila. Naaaliw ako na masdan ang mag-ama. Kapag uupo si Isaiah sa sofa ay uupo rin si Vien. Pag tatayo si Isaiah ay tatayo rin si Vien. Ang cute lang.


"Kapag nandito talaga si Isaiah ay hindi mapakali 'yang anak niyo. Gusto laging nakabuntot sa ama," sabi ni Mama Anya.


A warm feeling crept inside my heart after hearing that. Nai-imagine ko tuloy nang mga panahong baby pa si Vien, malamang na habol ito kay Isaiah. Na habang nagre-review siya ay kalong pa niya ang bata.


I could imagine how Isaiah would stay up late at night to take care of Vien, even though he had to go to the university early the next day. I also imagined how proud and happy Isaiah must have been when Vien said his first words, and when the kid learned how to walk for the first time.


Alam ko na magiging mabuting daddy si Isaiah kay Vien, kaya kahit na nasa malayo ako ay palagay ang loob ko. Alam ko kasi na mahal na mahal niya at hinding-hindi niya pababayaan ang anak namin.


Nanonood na ngayon ang dalawa ng TV. Nakahiga na si Vien habang ang mga binti ay nakapatong sa hita ni Isaiah.


Tinawag na sila ni Mama Anya. Sabay-sabay kaming kumain ng dinner. Para hindi mailang ay ibinuhos ko ang aking atensyon kay Vien. Hindi ko man ito masubuan ay inaasikaso ko na lamang.


Pagkatapos kumain ay si Mama Anya ang naghugas ng pinagkainan at ako naman ang naglinis ng mesa.


Nilapitan ako ni Vien. "Mommy, ditu ka pow ba tutulog, ha?!"


"Vivi, sino ang kasama mo sa bahay niyo? May kuryente ba roon ngayon?" tanong ni Mama Anya mula sa kusina.


"Wala po akong kasama. Sa kuryente naman po ay nakikikabit ako pansamantala. Pero balak ko na pong asikasuhin ang pagpapabalik ng kuntador."


"Wala ka palang kasama roon at wala pang sarili kamong kuryente, dito ka na muna."


Napairit sa tuwa si Vien. "Yehey, ditu si Mommy ku!"


Umawang ang mga labi ko. Nang tumingin ako kay Isaiah ay tinaasan lang niya na naman ako ng isang kilay.


"Sige na, Vi," ani Mama Anya. "Doon ka na muna sa kuwarto ni Kulitis. May mga damit ka pa namang naiwan dito, malilinis iyon dahil nilabhan ko pag-alis mo. Naka-plastic lang sa cabinet."


Yumakap si Vien sa bewang ko. "Yehey, tabi kita, Mommy!" Nangingislap sa tuwa ang mga mata ng bata. Hindi ko magawang sirain ang saya at excitement nito.


Sumulyap muli ako kay Isaiah, pero hindi na sa akin nakatingin ang lalaki, kundi sa TV. Seryoso ang mukha niya habang nanonood ng teleserye kung saan doon ay pinagbababaril ang bidang karakter, pero ni isang bala ng barin ay hindi ito natamaan kahit daplis lang.


Nanakbo si Vien kay Isaiah at kumalong sa ama. "Oy, Daddy, ditu matutulog si Mommy! Tabi ku si Mommy!" pagyayabang ng anak namin sa kanya.


Nakagat ko ang aking ibabang labi nang hindi sumagot si Isaiah.


Kumiling naman ang mukha ni Vien sa ama. "Daddy, me nisasabi aku, di ka nasagot! Tama ba 'yan na hinde pinapansin ang bata pag nagsasalita?!"


Hinawi lang naman ito ni Isaiah. "Wag kang magulo, nanonood ako."


Nalukot naman ang cute na mukha ni Vien at umalis na sa pagkakakalong sa ama. "Panget mu ka-bonding, Daddy! Ge, geh!"


Matapos punasan ang mesa ay pinuntahan ko na si Mama Anya sa lababo para tulungan ito. Nagbabanlaw na ito ng mga plato. Pinunasan ko naman isa-isa ang mga iyon bago sinalansang sa lalagyanan.


"Tanda mo pa ba si Arkanghel?" tanong ni Mama Anya. "Ampon nina Roda at Kiel? Iyong pinsang hilaw ni Isaiah?"


"Opo, Mama." Kilalang-kilala ko ang lalaki dahil ito ang pinakamamahal na pinsan ni Isaiah. Natatandaan ko pa kung paano ito iyakan ni Isaiah nang magpunta ito sa Amerika.


"Mayaman ang tunay na pamilya ni Arkanghel. Sila ang may ari ng malaking hotel and casino na Voiré. May kompanya sila sa Makati. Doon nag-OJT si Isaiah. Pagka-graduate niya, doon din siya nagtrabaho."


Nakuwento nga ni Mama Anya sa akin minsan noong nag-usap kami sa phone.


"Si Arkanghel ang acting CEO roon ngayon. Gusto bigyan ni Arkanghel ng magandang posisyon si Isaiah pero tinanggihan niya. Ang gusto niya ay magsimula sa posisyon na mababa."


Napangiti ako. Typical Isaiah.


"Ayos iyon para sa akin, at least makaranas si Isaiah na paghirapan ang posisyon niya. Ayan at hirap na hirap nga siya. Wala ring special treatment kasi na-batrip sa kanya ang pinsan niya. Pinahihirapan siya pero enjoy naman niya. O di ba, parang mga tanga."


Lalo akong napangiti. Hindi nagbago ang closeness ng magpinsan kahit ilang taon na ang nagdaan.


"Ay, naku, Vivi! Pumunta pa rito noong nakaraan si Arkanghel. Diyos ko, nag-inuman magdamag. Kinabukan ay mga hilong talong. Ang sarap buhusan ng malamig na tubig."


Nagulat ako nang sabihin ni Mama Anya na gustong mag-uwian ni Isaiah sa Manila at dito sa Cavite. Dati naman daw ay hindi ganoon, pero hindi na raw kinakaya ni Isaiah na matagal na mapalayo kay Vien. Nami-miss nito ang bata.


Pagkatapos sa kusina ay tinawag ko na si Vien para mag-toothbrush at maglinis ng katawan. Si Mama Anya dapat ang maglilinis kay Vien pero nakipag-unahan ako. Gusto ko na maranasang asikasuhin ang bata.


"Hay, salamat at makakapaghinga rin." Humilata na si Mama Anya sa sofa. Tinadyakan nito ang nakaupo roon na si Isaiah para umalis.


"Ma, pakusot muna ng polo kong gray. Gagamitin ko bukas."


"Kay Vivi mo pakusutan," sagot ni Mama Anya at saka nanood na ng teleserye.


Pasimple akong napalunok sa narinig. Katatapos ko lang linisan at palitan ng pajama si Vien. Bumalik ang bata sa sala at nakipagsiksikan ito sa lola nito sa sofa.


Nakasimangot na umalis si Isaiah at pagbaba ay dala na ang polo nito. Papunta ito sa lababo sa kusina nang sundan ko. "Isaiah..."


Kunot ang noo na lumingon siya sa akin.


"Ako na ang magkukusot ng polo mo..."


Tumaas ang isang kilay niya.


"Kukusutan ko rin sa lababo iyong damit na ni Vien na nalagyan kanina ng chocolate. Isasabay ko na 'yang polo mo... K-kung okay lang naman sa 'yo..."


Matagal siya na nakatingin lang sa mukha ko. Nang magsalita siya ay parang biglang naubos ang lahat ng lakas ko.


"Hindi okay sa akin." At pagkuwan ay tinalikuran niya na ako para kusutan ang polo niya sa lababo.


JF

#SerialCharmerbyJFstories

Bạn đang đọc truyện trên: ZingTruyen.Xyz