ZingTruyen.Xyz

Serial Charmer

Chapter 38

JFstories

"MAGHAPON KA NA LANG NAKAHIGA."


I was about to get up from the bed when I heard a familiar voice. Buong-buo pero malambing na boses. Pupungas-pungas na napalingon ako sa pinto, at doon ay nakita ko ang isang matangkad na lalaki na nakatingin sa akin.


Ang maamo nitong mukha ay sumimangot. "Ano? Puro ka na lang tulog. Ako na naman ang naghugas ng mga plato."


Namasa ang mga mata ko nang makilala siya. "K-kuya Vien..."


Lumapit siya at naupo sa gilid ng kama. Tinitigan niya ako at pagkuwa'y napailing siya. "Nanghihina ka? Siguro hindi ka na naman nagkakakain. Ginugutom mo na naman ang sarili mo."


Napahikbi ako habang nakatingin sa kanya. "K-kuya..."


"'Wag ka nang umiyak. Hayaan mo, ibibili kita mamaya ng buy one take one na burger diyan sa labasan. Dadalhin ko rito mamaya sa kuwarto mo."


Mas sumargo ang masaganang luha sa aking mga mata. Hindi ko na natiis ang titigan lang siya. Dinaluhong ko siya ng yakap habang patuloy ako sa pag-iyak. "Kuya... Kuya ko...!"


Natawa naman siya bamagan gumanti ng yakap sa akin. "Tahan na, Vivi. Bakit ka ba umiiyak? Hindi naman na kita inaasar, di ba? Ikaw talaga, iyakin ka pa rin hanggang ngayon."


Wala akong pakialam sa panunukso niya. Iyak pa rin ako nang iyak. Miss na miss ko na siya. "Kuya... Kuya, mahal na mahal din kita. Kuya, miss na kita... Kuya..."


Humiwalay siya sa akin at hinaplos niya ang aking luhaang pisngi. "Paano mo ako nami-miss? Hindi naman ako nawala, ah? Nandito pa rin ako sa tabi mo. Di ba nangako ako? Hindi kita iiwan. Hindi ako aalis. Nasa tabi mo lang ako palagi."


Napalakas ang palahaw ko ng iyak.


Kahit may luha na rin sa mga mata ni Kuya Vien ay ngumiti siya sa akin. "Ang laki na talaga ng baby ko. Ang ganda-ganda, ang bait-bait pa rin. At hindi ako nagkamali sa paniniwalang kaya mo ring maging matatag at matapang. Sobrang proud ako sa 'yo."


"Kuya si Mommy..." iyak ko.


Mula sa labas ng pinto ng aking kuwarto ay nakarinig kami ng malamyos na boses, "Vien, gising na ba ang kapatid mo?"


Namilog ang luhaan kong mga mata nang mula roon ay dumungaw ang isang magandang babae. Naka-make up, ayos na ayos ang buhok, na akala mo ay may pupuntahan, pero may suot namang apron na pangkusina. Ang itsura niya ay ang itsura na nakatatak sa aking alaala.


Matamis na ngumiti siya nang makita ako. "Gising na pala ang maganda kong anak. Vivi, nagluto ako ng masarap na ulam. Puwede ka nang kumain ngayon ng kanin kasi tayo-tayo lang."


Nangatal ang mga labi ko sa paghikbi. "M-Mommy..."


Kaytamis-tamis ng ngiti ni Mommy na katulad na katulad ng naaalala ko. "Kumain ka nang marami, Vivi. Puwede na tayong kumain ngayon kahit gaano karami at kahit kailan natin gusto!"


Si Kuya Vien at pinisil ang aking pisngi. "'Wag ka nang umiyak, Vi. Tingnan mo, ang saya ni Mommy."


I stood up and rushed to hug Mommy. The woman laughed and hugged me back.


"Thank you, prinsesa ko," sabi ni Mommy habang hinahaplos niya ang likod ko. "Thank you sa pagtulong mo sa akin sa gawaing bahay, thank you kasi ang lambing-lambing mo, at thank you dahil kasing ganda kita."


Luhaan man ay napangiti na ako. "Mommy, mahal na mahal kita... Mommy, miss na miss na kita..." garalgal ang boses ko habang pinagmamasdan si Mommy.


Napakaganda ni Mommy katulad noon. Pustoryosang-pustoryosa kahit nasa bahay lang. Fresh na fresh at buhay na buhay. Ito iyong mukha na sabi niyang 'wag kong kakalimutan. Na dapat iyong magandang mukha lang daw niya ang maalala ko, at hindi iyong panahon na payat na payat na siya at nanghihina.


"Ang drama naman," ani Kuya Vien pero naluluha rin siya.


"KJ ka naman!" nakaingos na sabi naman ni Mommy kay Kuya Vien, sabay hila sa kanya. "Halinga kayo, mga baby ko. Yakapin niyo ang mommy niyong maganda!"


Nagyakap-yakap kami. Niyakap ko sila nang mahigpit. Yakap na hinihiling ko na sana 'wag munang matapos. 


Oh, God... It had been so long since I last saw them. Napakatagal na nang huling beses ko silang nakausap at nayakap. Miss na miss ko na sila. Sobrang miss na miss ko na sila.


Tandang-tanda ko pa kung paano ako masaktan nang iwan nila ako. Ilang beses ko silang iniyakan, ilang beses na gusto ko na silang sundan. Pero hindi puwede. Hindi pa puwede.


I was sobbing as I woke up. Ang labo ng paligid dahil sa punong-puno ng luha ang mga mata ko. Hindi ako makahinga sa pag-iyak.


"Mommy... Kuya..." 


Iginala ko ang paningin sa paligid ng kuwarto ni Kuya Vien. Sa pagitan ng aking pag-iyak ay napangiti ako. Even for a moment, even for a very short time, the people I loved and missed so much visited me.


I remembered what Kuya Vien told me. Hindi siya nawala. They never left my side. They never really left me. Nandito lang sila palagi.


Hawak ko ang aking dibdib kung saan naroon ang hindi malilimutang mga alaala namin. Nagdasal ako, nagpasalamat, at saka nakangiti nang umalis sa kama.


Masigla ako na naligo at nagpalit ng damit. Ngayong araw ay pupunta ako sa Pasong Kawayan Dos. Ngayong araw ay makikita ko na ulit ang anak ko. Ang isa sa mga dahilan kaya lumalaban pa ako. 


"Mommy, kuya, aalis muna po ako." Ini-lock ko ang pinto at lumabas na.


Hindi na ako nakadaan kina Tita Hannah dahil sarado pa sa kabila. Maaga na lumuwas si Eli sa Manila. May pasok kasi ito. Nag-tricycle na ako papunta sa PK2.


Ang lakas ng kabog ng aking dibdib habang nasa tricycle. When I got off in front of the familiar gate, I was overwhelmed with different emotions that I couldn't name.


My knees felt weak but I did my hardest to straighten up. Sinikap kong maglakad nang tuwid patungo sa nakabukas na gate ng compound. Nang pumasok ako sa loob ay parang gusto kong bumunghalit ng iyak.


This place used to be my second home. Dito ako muling nakabangon. Dito rin ako muling nadurog nang kinailangan kong lumisan.


My eyes wandered around the place. Marami nang nagbago sa dating naging tahanan ko. Ang pader ng compound ay makinis na at hindi na kita ang bakat ng mga hallow blocks. May mga halaman na rin na nadagdag sa paligid.


Ang unang bahay sa compound na bahay nina Tita Roda at Tito Kiel ay bagong pintura at bago na ang screen door. Naka-grills na rin at may natatanaw na akong aircon sa second floor.


Tumuloy ako sa bahay sa dulo, ang bahay nina Isaiah. Mas maraming nagbago roon. Ang dating hanggang second floor lang ay may rooftop na. Bago rin ang pintura, pinto at mga bintana. Gayunpaman, nakikita ko pa rin ang lugar. Kilalang-kilala pa rin ito ng puso ko.


Bumukas ang screen door at may lumabas na isang batang maliit. Isang guwapong batang lalaki na nakasuot ng sando na puti at jersey shorts na may print na Sesame Street. Bumukas ang bibig nito na kung saan makikita ang mga ngiping bungi. "Mommy?!"


Ang aking mga bitbit na pasalubong ay nabitiwan ko. I felt like the world stopped when I saw the kid.


Ilang taon ang masasakit na nagdaan, at ngayon ko lang ito personal na nasilayan. My heart, which seemed to have stopped beating for a long time, suddenly came back to life.


Lumawak lalo ang pagkakabungisngis ng bata. "Hala, mommy ku nga!"


The kid ran to me, and I fell to my knees as his small arms wrapped around my neck. Ang puso ko na muling nabuhay ay parang gustong sumabog sa ligaya.


"B-baby ko..." garalgal na sambit ko. Ginanti ko nang mahigpit na yakap ang munti nitong katawan. "Baby ko... Ang baby ko..."


Umalog ang balikat ng bata na senyales na umiiyak na rin ito. "Mommy! Mommy, miss kita, Mommy ku!"


"Sorry, baby ko. Sorry dahil ngayon lang kita nabalikan." Sargo ang luha ko habang yakap-yakap ito. "Sorry, sorry. Mahal na mahal ka ng mommy. Sobrang mahal ka ng mommy. Hindi kina kinalimutan kahit kailan. Hindi ka nawala sa puso ko. Mahal na mahal ka ng mommy..."


Nang humiwalay ang bata ay sumisinok ito habang basang-basa ng luha ang namumulang pisngi. Ang matangos na ilong ay may sipon, nangangatal ang mapulang mga labi, at bumubula ang laway sa pag-iyak.


Pinunasan ko ng aking mga palad ang luha nito. Ang sipon ay panyo ko ang aking ipinamunas. Pinaghahalikan ko ito sa mukha, sa maliliit nitong mga kamay. "I love you, baby. Mommy missed you so much..."


Hikbi lang ito nang hikbi at nanginginig ang maliit na katawan.


Hinaplos ko ang buhok nito. Pinagsawa ang aking mga mata sa itsura nito. Ang magagandang mga mata, ang munti at matangos na ilong, at ang maninipis na mapulang mga labi. Hindi yata ako magsasawa na titigan ito.


Habang lumalaki si Vien ay naghahalo na ang itsura nito. Kamukha ng ama pero may anggulo na parang ang aking nakatatandang kapatid ang nakikita ko. Para bang nagkaanak sina Isaiah at Kuya Vien.


Habang humihikbi ang bata ay nagsalita ito, "Mommy, mas maganda pow pala ikaw sa personal."


Napangiti ako at nagpunas ng luha. "Syempre, pogi ang baby ko, kaya dapat maganda ang mommy."


"Mommy, pogi rin po si Daddy ku!" 


Nabura ang aking pagkakangiti. Malamlam ang mga mata na pinisil ko ang matangos na ilong ng bata. "Oo, baby. Pogi ang daddy mo..."


Ngumisi muli ito at ipinakita ang mga ngiping bungi. Muli ko itong piniga sa yakap at pinanggigilan ng halik, kahit pa ang asim nito. Naghahalo ang amoy ng pawis at amoy ketchup.


Bumukas ang screendoor ng bahay at lumabas doon ang isang malaking babae, na bagaman maganda ay napakatapang ng mukha. Malaking t-shirt ang suot nito at maiksing shorts. Ang tainga ay may hikaw na gold. "Nandito ka na pala, Vivi. Aga mo."


Tumayo ako habang hawak ang munting kamay ni Vien. "Magandang araw po, Mama." Ang usapan ay tanghali ako pupunta pero hindi ko na kayang magpatanghali pa. Gusto ko nang makita si Vien.


Pinapasok na kami ni Mama Anya sa loob. Tinulungan ako nito na bitbitin ang mga dala ko. Ibinigay ko rin ang mga pasalubong ko kay Mama Anya na mga blouse at pabango. Meron din sina Tito Gideon, Tita Roda, at Tito Kiel.


Si Vien ay hindi magkandaugaga sa pagbitbit ng mga paper bags na may lamang laruan patungo sa hagdan. Doon daw nito iyon sa kuwarto nito bubuksan.


"Hoy, hindi ka pa naliligo!" tawag ni Mama Anya rito. "Hindi ka na nahiya sa mommy mo, sana naligo ka man lang muna!"


"Mamaya nga pow, Wowa!"


Si Mama Anya ay tumingin sa akin. "Salamat sa mga pasalubong, Vivi. Pero hindi ka na sana nag-abala. Napakarami nito, mukhang mahal ang nagastos mo."


"Walang anuman po, Mama. Maliit na bagay lang naman po ang mga 'yan..." Maliit na bagay lang talaga ang mga dala ko kumpara sa mga naitulong nila sa akin.


"Ang dami mong biniling laruan kay Kulitis. Tambak ang laruan niyan. Kinakalat lang." Kapag kasi nakakaipon ako sa Australia ay nagpapadala ako ng package sa Pilipinas. Karamihan ay mga laruan at damit ni Vien.


Bumaba si Vien mula sa hagdan. Nadala na nito sa itaas ang mga laruan. "Wowa, peram selpown! May Bibidyo call aku, Wowa!"


Bago pa nakasagot si Mama Anya ay nadampot na ni Vien ang phone at nakatakbo na ang bata sa hagdan.


Napailing na lang si Mama Anya. "Naku, ipagyayabang ang mga laruan niya. Kahambugan talaga. Manang-mana sa pinagmanahan."


Habang nakaupo sa sofa ay patingin-tingin ako sa paligid. Kung may mga nagbago sa labas ay meron din sa loob. Bago na ang pintura ng sala at mas lumawak ang nakabukas na kusina. Bago na rin ang malaking ref na natatanaw ko. Ang dining ay iyon pa rin dahil matibay iyon.


My eyes stopped at the wall near the stairs. May mga frames na nakasabit doon. The first frame was Mama Anya and Papa Gideon's old wedding photo, the second frame was Vien's baby photo from his first birthday, and the last frame... was Isaiah's college graduation.


I stared at the frame without realizing that my feet were stepping towards it. Napakaguwapo ni Isaiah sa picture na ito. Nakasuot siya ng itim na toga, hawak sa kamay ang college diploma habang nakangiti ang kanyang mga labi.


Masaya ako para sa kanya, nakatapos siya ng pag-aaral. Nakapasa siya sa board exam. Naabot niya na ang pangarap niya.


"Mommy!" tawag ni Vien mula sa itaas ng bahay ang gumising sa naglalakbay kong diwa.


Napatingala ako at nakita ko ang mukha ng bata na nakasilip sa hagdan. Sinabihan ako ni Mama Anya na sundan muna si Vien dahil magkalat ito sa itaas.


Umakyat ako sa itaas ng bahay. Mas lumawak na ang hallway dahil binili na-extend na ang likod. May hagdan na nadagdag, papunta iyon sa rooftop.


Napadaan ako sa pinto kung saan natatandaan ko na kuwarto ni Isaiah. Ang kuwarto kung saan naging kuwarto ko rin noon...


Bumukas ang katabing pinto. Nandoon si Vien. "Mommy, lika! Ditu kuwarto ku!"


Tumalima ako papasok doon. Ang kuwarto ni Vien ay hindi ganoon kalaki pero maespasyo. Parang kalahati nito ay kuwarto ni Isaiah. Ang pader ay plywood. May double bed sa gilid na ang bedsheet ay kulay asul at may print na colorful cars.


Nasa sahig ang mga laruan ni Vien na pasalubong ko. Doon ko rin inilagay ang maliit na maleta na kinalalagyan ng mga pasalubong kong damit sa kanya.


Ang bata ay naupo sa gilid ng kama. Habang hawak ang phone ay panay ang kagat nito sa hawak na chocolate. "Ayan, online na si Ninang ku!" masayang sabi nito.


Ang tinatawagan pala nito ay si Carlyn. Napangiti ako dahil close si Vien sa babae. Sa kuwento ni Mama Anya ay kakauwi lang din daw ni Carlyn dahil dahil din ito sa ibang bansa. Wala ito sa binyag ni Vien noon pero ang desisyon ni Isaiah ay kunin pa rin itong ninang.


Sumagot na ang tinatawagan ni Vien. Itinapat ng bata ang screen ng phone sa mukha. Ngumunguya ito habang nakangiti sa cam. "Low, Ninang!"


Narinig ko ang iritadong boses ng isang babae, [ So anong ipapakita mo sa akin? 'Yang chocolate mo? Marami akong pambili niyan. ]


Humagikhik si Vien at pagkatapos ay itinapat ang phone sa sahig kung saan naroon ang mga pasalubong ko ritong mga laruan.


"Ninang, o! Aken 'yan lahat! Pasalubong saken! Ditu mommy ku e! Dame pasalubong saken!"


Ibinalik ni Vien ang cam sa mukha at bumungisngis. Talaga ngang ipinagyabang sa ninang ang mga laruan at chocolates nito.


Ihinarap ni Vien ang cam sa akin. Nakita ko sa screen si Carlyn. Nag-mature lang nang kaunti ang itsura, pero maganda pa rin. Matapang ang bukas ng mukha pero nang ngumiti ay parang naging anghel. Kumaway ito sa akin.


Itinapat ulit ni Vien ang cam ng phone sa sarili. "Ganda mommy ku no?"


[ Oo kaya nga patay na patay ang ama mo. ]


May kung anong init ang dumaloy sa aking pisngi dahil sa narinig.


Pumasok si Mama Anya at kumuha ng damit sa kulay blue na orocan. "Vivi, paliguan ko muna 'yan. Mainit na ang tubig." tukoy nito kay Vien. Kapag kasi tanghali ay umiinit ang tubig sa gripo.


Tumango ako at tinawag na ang bata. "Vien, maligo ka raw muna sabi ng wowa mo."


Kinuha ko na ang phone sa bata. Ngumiti sa akin si Carlyn sa screen, ngumiti rin ako.


[ Kumusta ka na, Vi? Saan si Isaiah? ]


"Nasa Manila pa pero pauwi na. Nandito na iyon mayamaya."


Nagkumustahan kami sandali bago ako nagpaalam. Nahihiya kasi ako rito. Hindi pa kami nakapag-usap nang ganito, tanging ngayon lang.


Niligpit ko muna ang mga ikinalat ni Vien sa kuwarto bago ako sumunod sa ibaba. May kung anong tuwa ang sumisilid sa puso ko habang nagliligpit ng kalat ng bata. Pangarap ko lang dati na gawin ito, at ngayon ay nagagawa ko na.


Pagbaba ko ay bagong paligo na si Vien. Hinas na hinas ang basang buhok at puno ng pulbo ang mukha at leeg. Mukhang napakabango. Ang suot nito ay sando na puti at shorts na kulay pula. Naka-tuck in ang sando hanggang sa kalahati ng tiyan. Nakakagigil dahil ang cute-cute.


Lalapitan ko ito nang bigla itong manakbo papunta sa pinto. "Daddy ku!"


Lumipad ang paningin ko sa pinto. A tall man in a long-sleeved black polo and jeans was standing there. Although his hair was a little messy, he was still handsome as ever.


Hindi siya nagbago.


I didn't see much of his face last night because the light from the lamppost was dim, and he was wearing a cap. Now that I could clearly see his appearance, I couldn't help but be mesmerized.


Isaiah...


Binuhat ni Isaiah ang bata at saka pinupog ng halik sa tiyan. "Aba, ang bango mo, ah. Hindi ka amoy patis ngayon."


Hagikhik naman nang hagikhik ang bata dahil nakikiliti.


Nang ibaba ni Isaiah ang bata ay nanakbo ito sa akin. "Daddy, dito na Mommy ku!"


Saka lang tumingin sa akin si Isaiah. Maliit akong ngumiti sa kanya. He froze when he saw me, but only for a moment. Hindi niya ginanti ang aking ngiti, sa halip ay tinanguan niya lang ako.


"Daddy, dami pasalubong ni Mommy sa 'ken! Dami ku laruan saka chocolate, Daddy!" Hindi mapakali ang bata sa pagmamalaki.


"Kumain na muna kayo," sabi ni Mama Anya na hawak ang phone na nagri-ring. May tumatawag dito at sinagot nito iyon sa labas.


Hindi naman ako magkandatuto sa gagawin, lalo nang humakbang na palapit si Isaiah.


Naihanda na ni Mama Anya ang pagkain sa mesa. Ipinagsandok ko ng pagkain si Vien. Kandapaso ako dahil mainit pala ang kaldero, pero tiniis ko dahil alam kong nakasunod ng tingin si Isaiah.


Naupo na si Vien sa upuan. Lalo akong nailang dahil ibig sabihin ay tatlo lang kaming kakain ng tanghalian.


Naisipan ko na pakainin na lang muna si Vien. Akma ko nang susubuan ang bata nang marinig ko na magsalita si Isaiah,


"Marunong na 'yang kumain mag-isa."


Napaangat ang mukha ko sa kanya at nasalo ko ang malamig na mga tingin niya. "Ha?"


Nakaupo siya sa katapan kong upuan. Nakahalukipkip habang nakatingin sa akin ang mga mata niyang walang emosyon. "Nakikita mo naman, ilang taon na 'yan, nag-aaral na, marunong na 'yang humawak ng kutsara at tinidor. Tinuruan ko, tinuruan ni Mama."


Pakiramdam ko'y bigla akong nanliit sa sinabi niya. "S-sorry..."


Umismid ang mapulang mga labi ni Isaiah, at nang magsalita siya muli ay daig ko pa ang binuhusan ng malamig na tubig. "Asikasuhin mo na lang ang sarili mong pagkain, dahil kahit walang tulong mo, kayang kumain mag-isa ng anak ko."


JF


This is supposed to be the update yesterday. Anyway, let us know your thoughts by supporting and commenting on this chapter!

Official hashtag: #SerialCharmerby JFstories


Bạn đang đọc truyện trên: ZingTruyen.Xyz