Chapter 15
TRIGGER WARNING: This chapter contains strong implications for the following: anger, abuse, and domestic violence, which may trigger memories and emotions from traumatic events.
--------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------
"TAYO NA BA ULIT?"
Napakagat labi ako, "Tatanggapin mo ba ako ulit?"
"Oo naman, marupok ako sa 'yo e."
Napangiti na ako. "Sorry, Isaiah. Sorry kasi ang gulo-gulo ko."
Hinawakan niya ako sa ulo. "Wag mo nang uulitin iyon. Sira ka, makikipag-break sabay tatalikod. Ni hindi mo man lang ako pinag-speech. Hindi ako nakatulog magdamag, baka di mo alam."
Nag-peace sign ako sa kanya. "Sorry."
Nang first break at lunchbreak ay ganoon ulit kami ni Isaiah. Balik sa dati. Parang walang nangyari. Parang hindi kami nag-break. Madalas sa bench kami, nakasandig sa balikat ko ang ulo niya habang hinahaplos ko ng aking mga daliri ang malambot na buhok niya.
Sa last break naman ay pinadala niya sa akin ang notes ko sa Filipino dahil may quiz kami bukas. Habang nagkakabisado ako ay tahimik lang siya sa tabi ko. Nakikinig lang siya, tapos kapag noong matatapos na ay tinanong niya ako sa mga nakabisado ko.
"Galing naman," nakangising puri niya sa akin. "In ten minutes, nakakabisado ka na ng dalawang pangalan."
Lumabi ako. "Dalawa nga lang."
"Kaysa wala. O di ba, sa 1-10 na quiz bukas, may sure 2 score ka na."
Mahina ko siyang tinampal sa pisngi. Hinuli naman niya ang kamay ko at nakangiting dinala niya sa kanyang mga labi.
Napapitlag naman ako dahil doon. Nahila ko ang kamay ko palayo sa kanya. "M-mag-reviw na nga lang ulit ako. May 2 minutes pa."
"Pag-pi-pray na lang kita sa quiz niyo."
"Baliw..." Inirapan ko siya bagamat nakangiti.
Inubos ko nga ang huling mga minuto sa pagbabasa na kasama si Isaiah. Effective pala mag-review na kasama siya. Feeling ko ay makakakuha ako ng 8 sa up to 10 na quiz bukas ng umaga.
PAGTUNOG ng bell ay excited akong tumayo. Bumalik ang sigla ko na nawala kahapon. Naunang pinalabas ang section namin kaysa sa section nila. Kanina ay siya ang sumusundo sa akin tuwing break, ngayon ay ako naman ang susundo sa kanya.
Nakatindig ako sa labas ng pinto nila habang hinihintay siyang lumabas. Nang makita ako ay hindi na siya mapakali sa upuan niya. Patingin-tingin siya sa akin. Sa loob-loob ko ay gusto kong matawa, ang cute-cute kasi niya.
Paglabas niya ng room ay napakamot siya ng pisngi habang pinamumulahan. "Bakit mo ko sinundo?"
"Hindi kaya. Dito naman talaga ang daanan papunta sa hagdan, di ba?"
"Echosera."
Maliit na ngumisi ako. "Tara na?"
Inabot niya sa akin ang dala niyang bag. "O ikaw naman magdala!"
Kinuha ko naman. Hindi naman mabigat bag niya. Wala nga yatang laman. Isinukbit ko iyon kapatong ng dala kong shoulder bag. "Ako rin ba mag-da-drive ngayon ng motor mo at ikaw ang angkas ko?"
Pinisil niya ang pisngi ko. "Tigilan mo 'yan. Nakakagigil ka."
Binawi na rin niya sa akin ang bag niya, isinama na rin niya ang bag ko. Maingat at magaan na inakbayan niya ako pababa ng hagdan.
Ang mga nadadaanan naming estudyante ay napapangiti sa amin. May iba na nagpaparinig kung gaano sila kinikilig. May iba rin naman, mga iilang babae na alam kong may gusto kay Isaiah, ang hindi masaya. Nasa mata nila ang inggit. Naiintindihan ko naman.
Tiningala ko si Isaiah na nasa aking tabi. Nang tumingin siya sa akin ay nginitian ko siya. Napapikit naman siya at OA na napahawak sa kanyang dibdib.
Natawa ako at nailing na lang dahil nasanay na ako sa mga kalokohan niya. Pero kahit gaano pa ako kasanay, hinding-hindi ko pagsasawaan ang side niya na ganito.
Sa first floor ng Grade 11 building ay nagmamadali si Eli sa paglalakad. Ang tinatahak niyang daan ay ang papunta sa binabaan namin ni Isaiah na hagdan. Nang makita ako at si Isaiah na magkasama ay natigilan siya sa paghakbang.
"Vi, susunduin sana kita sa itaas..." Ang mga mata niya ay bumaba sa kamay ni Isaiah na nakapatong sa balikat ko.
Hinila na ako ni Isaiah kaya mabilisan na lang ang naging pagpapaalam na nagawa ko. "Eli, sorry pero kay Isaiah na ulit ako sasabay. Sa umaga na lang tayo, ha? Ba-bye!"
Hindi muna ako ideneretso ni Isaiah pauwi sa amin. Nakauwi na raw kasi ang papa niya galing sa abroad at ipakikilala niya ako. Sumama naman ako dahil alam ko na may bentahan ng lupa ngayon si Daddy sa Tanza.
Sa Barangay Pasong Kawayan Dos kami. Inihinto niya ang motor sa gilid ng kalsada dahil nag-text ang mama niya. "Nagpapabili ng tinapay si Mama. Daan muna tayo sa bakery."
Malapit lang ang bakery. Pag-park niya ng motor ay sumama ako sa kanya sa pagbili. Limang Spanish bread, limang putok at limang ensaymada ang binili niya.
Habang kinukunan siya ng sukli ng tindera na nasa mid 60s yata ang edad ay pasimple siya nitong sinisipat. "Ikaw ba iyong anak ni Gideon?"
"Opo," magalang na sagot niya. "Isaiah po."
Tumango-tango ang tindera. "Aba'y akalain mo, ang bilis ng panahon, ano? Binata ka na Isaiah, ah. Dati-rati'y uhugin ka pa. Nabili ka pa nga ng tinapay rito kasama ang pinsan mo habang brief lang ang mga suot niyo."
Napangiwi si Isaiah. "Ate naman, kasama ko GF ko o."
Pigil naman ang ngiti ko.
"Aba'y gerlpren mo ba iyan?" Ako naman ang sinipat nito. "Maganda, ah. Matutuwa si Anya niyan, maganda ang mamanugangin niya sa 'yo. Bigyan mo ng babaeng apo dahil sabik sa anak na babae ang mama mo."
"Senior high pa lang po kami, 'Te," natatawang ani Isaiah rito. "Ang advanced mo masyado."
Pagkakuha ng sukli ay nagmamadali na siya na niyakag ako paalis, baka raw ano pa ang masabi ng tindera. Pagpasok sa looban ng street nila ay mabagal na ang paandar niya ng motor. Nadaanan namin ang computer shop kung saan may ilang kabataan na nakatambay. May mga binata rin na ang iba ay naka-uniform pa.
Ang nakasuot ng uniform ng CVSU ay sinipulan si Isaiah. "Oy, repa! Parang iba 'yan sa kasama mo kahapon, ah!"
"Gago, baka maniwala ito!"
Sinaluduhan ako ng lalaki. "Joke lang, Miss! Daming nagpapapansin na girls diyan kay Isaiah pero snob yan sa totoong buhay!"
Mainit sa hiya ang pisngi na napayuko lang ako sa likod ni Isaiah. Hanggang sa makarating na kami sa kanila. Isang kulay pulang gate ang pinasok namin. Dito sila nakatira sa iisang compound. May bahay sa unahan na may screen ang pinto. Doon daw nakatira ang pinsan niya na si Arkanghel.
Dumaan kami sa garage na lona ang nagsisilbing bubong. May nakaparada roong van. Van daw nila iyon. Sa bandang likod naman ang bahay nila. Walang gate pero pati ang harapan ay naka-tiles. May malaking kulungan sa gilid kung saan may apat na asong tulog. Tatlo yata ang may lahi at isa ay aspin.
May screen din ang pinto nila. Niyaya niya na ako na pumasok sa loob. Naghubad kami ng sapatos bago pumasok sa sala. Pagpasok ay sinalubong siya ng isang punggok na aso. Binuhat niya iyon at nagpadila siya sa mukha. "Nasaan si Madam Anya?" malambing na tanong niya rito.
Kumahol lang ang aso.
Pinaupo ako ni Isaiah sa sofa. "Diyan ka lang. Bihis lang ako."
Tumango ako. Habang wala siya ay pasimpleng gumagala ang paningin ko sa paligid. Ito ang unang beses na nakarating ako sa kanila.
Malinis ang bahay nila Isaiah. Maaliwalas. Puti ang pintura, mataas ang kisame ng second floor, at hindi tanaw ang kusina sa loob. Sa mga gamit naman ay masinop din. Ang sofa nila ay leather na may mga kalmot, understandable naman dahil may nakita akong tatlong alagang pusa na pagala-gala.
Ilang sandali lang ay pumasok sa pinto. Isang ginang na maputi, maganda kahit matapang ang mukha, kahawig ni Isaiah ang mga mata. Kumikinang na ginto ang hikaw, rebonded ang maiksing buhok, plakado ang kilay, pero ang damit ay oversized t-shirt na may mukha ni Tupac Shakur. Napatingin ito sa akin. "O sino ka naman?"
Napatayo ako agad. "H-hello po. Good afternoon po..."
"Pangalan mo, ineng?" tanong nito sabay sigaw sa labas ng pinto. "Gideon, bilisan mo! Napakakupad mo!"
"Sandali lang, mahal!" sagot ng sinigawan nito mula sa labas. Mukhang iyon ang papa ni Isaiah. Dito pala kinuha ang Gideon sa kanyang pangalan.
"Viviane Chanel po," sabi ko sa aking pangalan dahil tinatanong niya.
Bumaling ulit sa akin ang mama ni Isaiah. Tinaasan ako ng kilay. "Vivian Chanel? Ay, ikaw iyong sinasabi ni Isaiah?"
Pumasok na sa pinto ang isang matangkad at guwapong lalaki. Nasa early 50s siguro ang edad. Kabaliktaran ng mama ni Isaiah na matapang ang mukha, ito ay mukhang napakabait. "Sino 'yan? May bisita tayo, mahal?"
"Iyong anak mo may inuwing girlfriend. Branded."
Nginitian ako ng lalaki. "Aba, maganda, ah. Galing pumili ng binata ko."
Nahihiyang gumanti ako ng maliit na ngiti. Ang mukha ni Isaiah ay pinaghalong features ng mga magulang niya. Ang dating lang ang hindi niya nakuha sa mga ito. Ang papa niya kasi ay napakaamo ng mukha at tila napakabait, habang ang mama niya ay parang tila laging galit. Iba ang dating ng kay Isaiah, naghahalong seryoso at pilyo.
Dinampot ng mama ni Isaiah ang binili naming tinapay na nasa ibabaw ng center table. "Ano ba ito? Ang titigas. Nagbenta na naman ng lumang tinapay si Adoracion!"
Siyang baba ni Isaiah sa hagdan. T-shirt na kulay puti at itim na jersey shorts na lang ang suot niya habang nakayapak ang mga paa. "Bagong luto raw 'yan, Ma."
"Anong bago? E ang titigas na ng mga ito. Pero mas matigas pa rin ulo niyong mag-ama."
"Saan ba kayo galing ni Papa? Nangapit-bahay kayo kina Tita Roda?" Nang mapatitig si Isaiah sa suot na oversized shirt ng ina ay napaungol siya. "Ma, naman! Ginamit mo na naman damit ko!"
"Ang laki. Presko e. Kadamutan mo, ah! Baka di mo alam, dahil sa 'yo kaya puro kamot ang tiyan ko!"
Natatawa lang naman ang papa ni Isaiah sa bangayan ng mag-ina nito.
Nilapitan ako ni Isaiah. "Okay ka lang? Pasensiya ka na kay Mama, ang ingay. Pero mabait naman iyon, lalo pag tulog."
"Isaiah, bigyan mo ng chocolates ang girlfriend mo," utos sa kanya ng papa niya.
Kumuha naman ng chocolates sa ref nila si Isaiah. Ang daming Toblerone na inilagay niya sa plastic. Binatukan siya ng mama niya. "Bigyan mo, pero wag mo ibigay lahat! Pasikat ka!"
"E wala naman nakain nito, Ma. Di ba diet ka? Si Arkanghel lang natira nito, minamaya't-maya!"
Inabot ni Isaiah sa akin ang plastic na may mga chocolates. Natakam ako dahil hindi talaga ako nakakakain ng chocolates. Mahigpit na ipinagbabawal kasi ng mga magulang ko ang pagkain ng chocolate. At hindi ko alam ngayon kung paano iyon maiuuwi na di makikita sa amin. Siguro ay itatago ko na lang. Hindi naman siguro matutunaw dahil naka-aircon naman ang kuwarto ko.
Inabutan din ako ng tinapay at kinuhanan ng isang baso ng tubig. "Meryenda ka muna, Vi. Hatid kita sa inyo mayamaya."
Iyong mamaya ni Isaiah ay inabot ng isang oras. Napasarap ang panonood namin ng TV habang kumakain ng tinapay. Nakakalibang din ang pag-aasikaso niya sa akin.
Nalibang din pati ako sa pasimpleng pakikinig sa bangayan at lambingan ng mama at papa niya. Ang bait-bait talaga ng papa ni Isaiah at napakalambing sa asawa. Ang mama naman niya ay masungit pero mabait din. Nawawala ang tapang nito kapag pinupuri na at nilalambing. Isa ang nakikita ko sa kanila, napakasaya ng pamilya nila.
Lumabas ang mama niya sa kusina. "Isaiah, ihatid mo na 'yang girlfriend mo at magagabi na. Aba, mahiya ka sa mga magulang niyan."
Ang papa niya ay sumang-ayon na rin. "Mag-ingat sa pagmo-motor, ha!"
Nagpaalam na ako sa mga magulang ni Isaiah. Inihatid niya ako hanggang sa kanto ng street namin. Hindi niya ako inihatid hanggang sa gate dahil mahirap na. May mga tao pa sa daan at baka may makakita sa kanya.
Pagbaba ko ay nagtanong siya, "Kumusta ang mama at papa ko?"
"Mababait sila. Nakakatakot lang ng kaunti ang mama mo, pero mabait din siya."
Ngumiti siya. "Mabait din ako."
"Alam ko naman iyon." Nakangiting inirapan ko siya bago ako naglakad nang paalis.
Malapit na ako sa gate ng bahay nang matanaw ko si Eli na nakatayo sa labas. Pajama na itim at navy blue na shirt ang suot niya. Kitang-kita ang kaputian ng balat niya sa ilalim ng liwanag ng lamp post. Tumingin siya sa akin. "Ginabi ka na."
"Isinama kasi ako ni Isaiah sa kanila. Pinakilala niya ako sa mama at papa niya."
Hindi siya kumibo.
"Eli, mabait naman si Isaiah."
"Mabait? Mabait ba iyong kung saan-saan ka dinadala? Tapos nang nakaraan ay madaling araw ka na inuwi?"
Natigilan ako. "P-paano mo nalaman?" Paano niya nalaman ang isang beses na madaling araw ako umuwi?
Umiwas ng paningin sa akin si Eli.
"Umuwi ka na. Kanina ka pa hinihintay ni Ninong Robert. Wala ka bang natatanggap na text mula sa mama mo?"
"Ha?" Kinuha ko ang phone sa bulsa. Hindi ko napansin na may text message pala si Mama. Tatlo. Binasa ko muna sa una.
Mama ( 6:30 PM ) :
Vivi, nasaan ka? Hindi kami natuloy ng daddy mo sa Tanza.
Mama ( 7: 01 PM ) :
Vi, umuwi ka! Emergencie!
Mama ( 7:05 PM ) :
Emergency pala. Basta umuwi ka!
May 5 missed calls din si Kuya Vien na dahil sa naka-silent ang aking phone ay hindi ko napansin. Kinabahan na ako. Iniwan ko na si Eli sa labas ng gate, pumasok na ako at dumeretso sa pinto. Hindi ko inintindi kahit sumunod si Eli sa akin hanggang sa loob.
Pagpihit ko sa doorknob ay sumalubong agad sa akin ang malakas na boses ni Daddy habang sinisigawan niya sina Mama at Kuya Vien. "Putangina niyo, wala kayong alam, ha?! Mga wala kayong silbi!"
Napalingon silang tatlo sa akin nang mabitiwan ko ang aking bag sa sahig.
"Vivi," halos sabay na sambit nina Mommy at Kuya Vien.
Nanlilisik ang mga mata ni Daddy nang lumapit sa akin. Walang sabi-sabi, isang malakas na sampal ang iginawad niya sa aking pisngi. Pakiramdam ko ay dumilim ang paligid, namaga ang aking pisngi at sandali akong nabingi.
Si Eli ay tila itinulos sa labas ng aming pinto. Tigagal siya sa gulat.
Hindi pa ako nakakahinga nang pumutok ang aking labi dahil sinampal ulit ako ni Daddy. "Akala mo ba hindi ko malalaman, ha?! May nakakita na mga kapitbahay sa 'yo! May naghahatid daw sa 'yo tuwing uwian! Pinagmamalaki pa man din kita sa mga tao na hindi ka malandi, iyon pala ay makati ka ring tangina ka!"
Duguan ang bibig na napahagulhol ako. "D-Daddy, sorry, daddy!" Dumating na ang aking kinatatakutan, alam na ni Daddy ang tungkol sa pag-bo-boyfriend ko.
"Anong sorry?! Ang kapal ng mukha mo!" Talsikan ang laway ni Daddy sa mukha ko. "Sino ang nagbigay ng permiso sa 'yo na makipagrelasyon sa kung sinong gago sa school niyo?! Sino?!"
"Daddy, wag niyong saktan si Vivi," makaawa ni Kuya Vien. Nang sumubok siyang lumapit siya ay tinadyakan siya ni Daddy sa sikmura.
Sa pagkabigla at sa lakas ng tadyak ay napaluhod si Kuya Vien sa sahig. Malaking lalaki at solido ang katawan ni Daddy kaya gasino lang na mamilipit sa tadyak niya ang kuya ko.
Si Eli kulay papel na sa kaputlaan ang mukha. Hindi makagalaw sa sobrang gulat sa mga nakikita. Hindi lihim sa kanya ang pagiging istrikto si Daddy, pero iyon ang unang beses na nakita niya na nanakit ito nang ganito katindi.
Hinila ni Daddy ang braso ko at dinaklot ang aking buhok. "Inalam ko kung totoo ang tsismis ng mga kapitbahay tungkol sa 'yo. Tinanong ko nang direkta si Eli kung may alam ba siya, sinabi niya na totoo ngang nakikipag-boyfriend ka na sa school niyo!"
Sa pangatlong sampal ni Daddy sa akin ay sumadsad na ako sa sahig. Halos umikot ang paningin ko sa hilo.
"Robert!" Napahiyaw si Mommy at akma ring lalapitan nang tabihigin siya ni Daddy. Nasiko siya at sa kanyang kaliwang dibdib siya natamaan.
"Vi..." basag at mahina ang boses na nagpalingon sa akin may pinto. Naroon pa rin si Eli. Tigagal pa rin habang nakabadha sa namumutlang mukha ang matinding pagsisisi. "S-sorry, Vi..."
Habang nakasadlak sa sahig ay lumuluha ako. Galit ako sa kanya dahil trinaidor niya ako. Nangako siya na hindi niya ipagsasabi ang tungkol sa amin ni Isaiah, pero sa dinami-dami ng puwede niyang sabihan ay kay Daddy pa talaga.
Alam ko naman na may dahilan si Eli kung bakit niya sinabi. May ideya na rin siya sa kahihinatnan, pero hindi niya lang naisip na aabot sa ganito. Akala niya siguro ay pagagalitan lang ako, iga-grounded at ihahatid-sundo ni Daddy sa school. Kaya nagulat siya na aabot sa ganito na sasaktan ako ni Daddy at madadamay pa ang sina Mama at Kuya Vien.
Nanlaki ang mga mata ni Eli nang tadyakan ako ni Daddy sa balikat. Hindi na niya napigilan na hindi pumasok at makiawat. "Ninong, please tama na po!"
"Wag kang makisali rito, Eli!" asik ni Daddy.
"Please, tama na po!" Niyakap ako ni Eli sa sahig kaya nang muling tatadyakan ako ni Daddy ay siya ang tinamaan sa likod. Napaubo siya. "Tama na, wag niyo nang saktan si Vivi!"
Doon tumigil si Daddy. Niyakap ito ni Mommy. Kahit masakit ang dibdib ni Mommy dahil nasiko kanina ay sinikap pa rin nitong lapitan si Daddy. "Robert, tama na! Nasaktan mo si Eli! Pag nalaman ito ni Hana ay malilintikan ka!" Si Tita Hana ay ang mama ni Eli. "Tama na, Robert! Parang awa mo na, tama na..." Nanginginig na sa paghagulhol si Mommy.
Pumiksi si Daddy at dinuro ako. "Vivi, sinasabi ko sa 'yo, makipag-break ka sa boyfriend mo kung ayaw mo ng gulo!" Pagkasabi'y tumalikod na si Daddy at padabog na umakyat sa hagdan. "Veron, bilhan mo ako ng Red Horse sa labas! Dalhin mo sa kuwarto, bilisan mo!"
Si Kuya Vien ay nakaupo pa rin sa sahig. Nakayuko habang nakakuyom ang mga palad at nagtatagis ang mga ngipin.
Nang wala na si Daddy ay nilapitan agad ako ni Mommy. Hindi siya magkamayaw sa pag-asikaso sa akin. "Vivi, okay ka lang? Diyos ko, may sugat ang bibig mo. Sorry, anak. Sorry." Pati si Eli ay kinumusta niya. "Eli, may masakit ba sa 'yo? Saan ka tinamaan?"
"Okay lang po ako, Ninang." Tiningnan ako ni Eli. "Si Vivi po ang asikasuhin niyo. Nasaktan po si Vivi."
Kahit nanghihina ako, nahihilo sa mga sampal at nananakit ang katawan sa bugbog ay sinikap kong makatayo. "S-sa kuwarto na ako, Mommy. Ako na lang po ang gagamot sa sarili ko..." Lumakad na ako papunta sa hagdan na hindi tinatapunan kahit sulyap lang si Eli.
Tumayo na rin si Kuya Vien. Malamig ang boses niya nang magsalita. "Elias Angelo, umuwi ka na sa inyo."
Nagkulong ako sa aking kuwarto. Hindi ako kumain dahil hindi rin ako pinababa ni Daddy. May bumato sa bintana ko bandang 10:00 PM. Alam ko na si Eli iyon. Wala akong balak pagbuksan siya at wala ring lakas ang katawan ko ngayon para bumangon sa kama.
Kinatok din ako ni Kuya Vien. Malamang na may itinakas siyang pagkain para sa akin. Hindi ko siya pinagbuksan dahil nahihiya ako. Nahihiya ako na nadamay pa sila ni Mommy dahil sa pagiging makasarili ko.
Tahimik na nakasubsob lang ako sa aking kama habang walang tigil ang mga luha ko. Bandang 11:00 PM nang mag-beep ang phone ko. Lalong sumagana ang mga luha ko.
Isaiah Gideon:
Goodnight. *Heart emoticon*
Goodnight, Isaiah... sambit ko sa isip kasabay ng isang malungkot na ngiti.
MAKAPAL ANG MAKE UP KO. Papasok ako na dalawang patong ang foundation ngayon at ilang patong ang lipstick sa mga labi.
Inabutan ako ni Kuya Vien ng fifty pesos dahil hindi ako binigyan ng baon ni Daddy. "Vi, pangkain mo."
Tumanggi ako. "Baka may project ka o kailangang bayaran sa school, sa iyo na lang 'yan."
Hindi niya pinansin ang sinabi ko. Basta niya isinuksok sa bulsa ng suot kong palda ang pera.
Sabay kaming lumabas. Nasa labas na ng gate si Eli. Nakayuko at tahimik na naghihintay. Hindi ko siya pinansin. Hindi rin siya pinansin ni Kuya Vien.
Sa jeep ay walang pansinan. Nakayuko lang naman si Eli. Alam niya sa sarili ang nagawa. Nahihiya siya. Naaawa ako pero nananaig ang aking pagtatampo. Hanggang sa makababa sa school ay hindi ko siya kinausap. Tahimik lang naman na nakasunod siya sa likod ko.
Nasa bench naghihintay sa akin si Isaiah. Katulad ng parati, ang guwapo-guwapo niya, ang ganda-ganda ng pagkakangiti at buhay na buhay ang kislap ng magagandang uri ng kanyang itim na mga mata. Parang walang kaproble-problema.
"Good morning, Vivi! Nag-almusal ka na? Tara, kain tayo."
"Busog ako, Isaiah." Tuloy-tuloy ang lakad ko habang nakayuko. Hindi kinaya ng eyeliner at eyeshadow ang pamumugto at pamumula ng aking mga mata at ayaw ko iyong mapansin niya.
Sinabayan niya ako sa paglalakad. Sinilip niya ang aking mukha. "Hoy, bakit ganyan mata mo? Umiyak ka ba? May nangyari ba?"
"Napuwing lang ako."
"Anong nakapuwing sa 'yo? Isang buong hallowblocks?"
Tinitigan ko siya nang matalim.
"Sabi ko nga, baka graba lang."
Napabuga ako ng hangin at huminto sa paglalakad. Tiningala ko siya at sinalubong ang nakakapanghinang mga mata niya. "Isaiah, magagalit ka ba kapag makipag-break ulit ako?"
Natigilan siya at sandaling napanganga. "Bakit may balak ka na naman?!"
Tumango ako.
"Ano na naman?!"
Napayuko ako. "Sorry, Isaiah..."
"Vi," matigas ang tono niya. Seryoso na.
"S-sorry..." Pagkatapos ay nagmamadaling nauna na ako sa paglalakad sa kanya.
Hindi na ako lumabas ng room hanggang sa mag-bell. Kahit noong lahat ng break, hindi ako lumabas. Tiniis ko ang uhaw, gutom at kahit pagkaihi. Beep nang beep ang phone ko. Binubura ko ang mga text. Kina-cancel ko rin ang mga tawag. Hindi ako tumitingin sa bintana dahil alam ko na ilang beses na dumaan doon si Isaiah.
Sumubok siyang pumasok sa room pero hindi ko siya pinapansin. Sa huli ay malungkot na umalis siya.
Ang sikip ng dibdib ko nang lumabas ng room. Hindi ko na kinaya ang pagkaihi kaya wala kong choice kung hindi lumabas ngayon. Ginawa ko ang lahat ng pagpipigil para hindi lumingon sa room nina Isaiah, pero bigo ako. Lumingon ako at nakita ko siya na nakayukyok sa armchair ng upuan niya.
Sa hagdan ay ang naroon ay sina Miko at Nelly. Pormal ang mukha ni Miko na nakatingin sa akin habang si Nelly ay nakasimangot. Malakas ang boses nito nang magsalita, "Kapal ng mukha na paglaruan si Isaiah. Ano ngayon kung maganda siya? Boba naman daw 'yan."
Sinaway siya ni Miko sa pamamagitan ng sitsit pero wala siyang pakialam.
Pababa na ako sa hagdan ay nagpaparinig pa siya. "Eksena pa kasi e. Okay na sina Isaiah at Carlyn, umepal pa. Walang-wala naman siyang binatbat sa beshy ko. Mas maganda saka mas talented sa kanya. E siya? Maganda lang pero patay na bata!"
Nilunok ko ang lahat ng sinabi ni Nelly dahil alam ko sa sarili na tama naman siya. Tama lahat ang sinabi niya.
Pagbalik ko ay wala na sila sa hagdan. Sinadya ko iyon dahil nagtagal talaga ako sa banyo. Lumabas lang ako nang mag-bell na. Nang uwian ay nakayukyok pa rin si Isaiah sa upuan niya. Nilapitan siya ni Carlyn at tinabihan siya. Mapakla ang panlasa na nagpatuloy na ako sa pag-alis.
UWIAN. Sa bahay ay kinabahan ako dahil wala sina Mommy at Daddy. Wala rin ang motor ni Daddy sa harapan. Ang nandoon lang ay ang sira naming owner.
Nang dumating sila ay ngising-ngisi si Daddy. "Akala mo hindi ko malalaman kung saan nakatira ang gagong boyfriend mo?!"
Binundol ng kaba ang dibdib ko. Napatingin ako kay Mommy. Malungkot na tumango ito sa akin bilang pagpapatunay ng aking hinala.
"Galing ako sa school niyo at sinundan ko kung saan nakatira ang gago! Pinuntahan ko sa kanila! Ipinaalam ko lang naman sa mga magulang niya hindi ako boto sa anak nilang tarantado!"
Napaiyak na ako. "Daddy, break na po kami."
"Puwes di ako naniniwala na hindi maghahabol sa 'yo ang tarantadong iyon! Sinasabi ko sa 'yo, kapag binalikan mo iyon, hindi lang panunugod sa bahay nila ang gagawin ko! Itaga mo iyan sa kukote mo!"
Nanakbo ako sa kuwarto at nagkulong doon. Wala naman akong ibang magagawa kundi umiyak lang. Hiyang-hiya ako sa mga magulang ni Isaiah sa ginawa ni Daddy na pag-eeskandalo. Wala na akong maihaharap na mukha sa mga ito.
BANDANG 9:00 PM nang kalabugin ni Daddy ang pinto ng aking kuwarto. "Nariyan sa baba ang ex mo. Labasin mo. Sabihin mo na hindi ka na makikipagbalikan dahil sukang-suka ka na sa kanya!"
Paglabas ko ay nasa may labas nga ng gate si Isaiah. Nakasandal siya sa motor niya. Black shirt, cargo shorts, black slides, at nakasuot siya ng itim na sombrelo. Nang makita niya akong lumabas ng bahay ay sinalubong niya agad ako. "Vi!"
"Isaiah, ano bang ginagawa mo rito?" malamig na tanong ko sa kanya, kahit ang totoo ay gusto ko nang umiyak sa harapan niya. Gusto kong mag-sorry sa nagawa ni Daddy. Gusto ko ring mag-sorry dahil sasaktan ko na naman siya. Pero hindi ko magagawa dahil mas ayaw ko na magkagulo.
Malamlam ang mga mata ni Isaiah nang hulihin niya ang mga kamay ko. "Vi, please di ko kaya. Mag-usap naman tayo o."
Binawi ko sa pagkakahawak niya ang kamay ko. Sinikap kong magpakatatag. "Di ba nakipag-break na ako? Last na iyon. Ayoko na talaga."
Gumuhit ang hindi matatawarang sakit sa mga mata niya na kasing kulay ng gabi. "Vi, wala naman tayong ginagawang masama, di ba? Alam naman natin ang limitasyon natin. Kung di boto sa akin ang daddy mo, handa naman akong patunayan sa kanya ang sarili ko."
"Hindi iyon, Isaiah," masakit sa dibdib na sansala ko sa sinasabi niya. Hindi niya kasi kilala si Daddy kaya nasasabi niya ang bagay na ito. Wala siyang alam sa gulo na puwedeng mangyari kapag pinagpatuloy namin ang relasyon namin.
"Vi, naman..." Nabasag na ang boses niya.
"Isaiah, ayoka na. Maghanap ka na lang ng iba. Marami naman diyan e. O kaya iyong kaibigan mo na lang na si Carlyn." Sa kawalan ng sasabihin ay kung ano na lang ang aking nasabi.
"Anong si Carlyn?!" Tumaas ang tono niya. "Bakit nasali tropa ko rito? Kaibigan ko iyon. Mahal ko na parang tunay na kapatid ko. Pero hanggang doon lang. Wala akong gusto, kasi kung meron, e di sana dati pa naging kami. Ikaw lang, Vivi. Alam mo na ikaw lang."
"Ano ba, Isaiah?! Ayaw ko na nga!" napasigaw na ako. "Ayaw ko na kahit ano pa ang sabihin mo!"
Natigagal siya sa biglang pagsigaw ko.
"Ayaw ko na, hindi mo ba maintindihan iyon? Saka hindi ako naniniwala na mag-tropa lang kayo ng Carlyn na iyon. Oo ikaw, walang gusto. Pero siya, meron. Halata namang may gusto siya sa 'yo. Mas bagay kayong dalawa, kaya siya na lang." Bumigay na ang mga luha ko. "Siya na lang, Isaiah..."
"Sigurado ka na riyan?"
Tumango ako. "S-sa iba ka na lang, Isaiah..." Sa iba na hindi ka mahihirapan. Sa iba na mas babagay sa 'yo, sa hindi komplikado at sa mas mapapasaya ka...
Matagal siyang nakatitig sa akin habang may luha sa gilid ng mga mata niya. Napayuko siya at napailing. Ginamit niya ang laylayan ng suot na t-shirt para punasan ang kanyang mga mata, pagkatapos ay nagpakawa siya ng isang mahina at mapait na tawa.
Nang mag-angat siya ng paningin ay blangko na ang ekspresyon niya.
"Sabihin mo na lang na ayaw mo na talaga. Hindi mo na ako kailangang ipagtulakan sa iba." Pagkasabi'y tumalikod na siya. Tinalikuran niya na ako at siya na rin ang nagsara ng gate namin.
JF
Bạn đang đọc truyện trên: ZingTruyen.Xyz