Chapter 14
WALA NA KAMI.
Basta na lang akong nakipag-break kay Isaiah kanina. Hindi ko man lang siya binigyan ng pagkakataon na makapagtanong. Tinalikuran ko na siya agad dahil sa aking kaduwagan na makita ang kanyang reaksyon.
Nanakbo ako papasok sa bahay pagkatapos. Nanginginig ako nang mag-send ng mabilis at maiksing paliwanag. Sinabi ko na alam na ni daddy ang tungkol sa kanya, kahit hindi pa naman talaga. Nakokonsensiya ako pero pero kailangan ko siyang tiisin dahil iyon ang nararapat gawin.
Lumipas ang magdamag na wala siyang reply. Sinayang ko ang panahon at oras niya, kaya malamang na galit siya. Hanggang umaga yata ay umiiyak ako, pero wala na akong magagawa. Nangyari na. Break na kaming dalawa.
Namumugto ang aking mga mata kinabukasan, kaya nang pumasok sa school ay nag-eyeliner at eyeshadow ako. Mag-isa pa rin akong pumasok dahil iniwan na naman ako ni Eli. Nauna na namang umalis at hindi na naman ako hinintay.
Pagpasok sa gate ay dere-deretso ang lakad ko. Natatakot ako na magkita kami ni Isaiah. Alam ko na hindi maiiwasan na hindi kami magkita dahil nasa iisang school lang kaming dalawa, nasa iisang building at floor din. Pero hindi ko pa talaga siyang kayang harapin.
Hindi naman kami nagkita dahil mukhang wala pa siya. Late ba siya? Hindi ako mapakali. Ang totoo ay nag-aalala ako dahil baka hindi siya nakatulog nang maayos kagabi. Marahan kong hinampas ang aking dibdib. Break na kami at hindi ko na siya dapat iniisip.
Hindi na ako lumabas pagpasok ko sa room. Sinikap kong wag nang lumabas hanggang sa dumating ang first subject teacher, ang second, ang 15-minute break, third subject at sumunod pa. Nasa upuan lang ako. Tahimik na tulala habang pigil-pigil ang sarili na wag na wag mapapasulyap sa bintana.
Hindi rin ako nagtanga na lumabas ng room sa lunchbreak, dahil wala rin naman akong gagawin sa labas. Tapos na iyong mga araw na nakakasabik ang bawat lunchbreak.
Kinain ko na lang ang aking baong yogurt. Inubos ko kahit pa sukang-suka ako sa amoy at lasa nito. Hindi kasi talaga ako mahilig sa yogurt. Si Mommy lang ang pumilit sa akin kanina na magbaon nito. Mahal daw kasi ito at naka-sale lang kaya dapat ay sulitin ko.
Parang mas maasim at mabaho lang ang lasa ng yogurt ngayon. Chineck ko ang flavor. Mukha namang okay pero bakit kaya ang pangit ng lasa? Pati ang pakiramdam ko ay parang bigla na rin tuloy sumama. Namilog ang aking mga mata nang makita ang expiration date ng yogurt na kinain ko. Almost 3 months expired na!
Humilab nang matindi ang aking tiyan. Napakapit ako sa armchair kasabay ng pamimilog ng aking mga mata. CR. Kailangan kong pumunta sa CR!
Masama ito. Hindi ko kayang tiisin. Nagmamadali akong nagkalkal sa bag ko. Kinuha ko ang feminine wipes at maliit na alcohol spray. Inilagay ko iyon sa bulsa ng aking suot na palda saka ako tumayo.
Paglabas ng room ay kinabahan ako dahil baka magkita kami ni Isaiah. Kung hindi lang masakit ang tiyan ko ay hinding-hindi talaga ako lalabas, pero masakit talaga. Alam ko na ang kasunod nito kaya kailangan ko nang makarating sa CR bago ang lahat.
Pagdaan ko sa tapat ng room ng Grade 11 Narra ay namawis ang mga palad ko nang makitang nakatambay sa may terrace ang tropa ni Isaiah na sina Asher at Miko. Hindi nila kasama si Isaiah pero kinakabahan pa rin ako.
Binilisan ko na ang paglalakad para makalampas na, nang biglang may babaeng bumangga sa likod ko. "Ano ba 'yan?! Paharang-harang! Bulag ka, bhe?"
"Sorry!" hingi ko agad ng pasensiya sa babaeng bumangga sa akin. Tropa rin nina Isaiah, iyong Nelly ang pangalan.
"Hoy, buang, ikaw ang nambangga," sita ni Asher sa babae.
Ngumuso naman si Nelly. Ang kintab ng lip gloss na gamit. "E mababangga ko ba siya kung di siya nakaharang?!"
"Sorry, kasalanan ko," sabi ko para lang matapos na. Gusto ko na talagang makalampas sa tapat ng room nila. "Sorry talaga, Nelly," hingi ko ulit ng pasensiya habang nakayuko ang ulo. Sa ibaba ay namimilipit na ang mga binti ko.
"Ay it's Vivi pala. Sige, okay lang naman, it's fine."
"Okay lang may it's fine pa," ani Miko sa tonong mapang-asar.
Palampas na ako nang mamewang si Nelly, naharangan tuloy ng braso niya ang daan. "Hoy, pinagsabihan na kayo ni Carlyn na bawal niyo na akong asarin ngayon, di ba?! Pag talaga naging kamukha niyo ang baby ko, ipapakulam ko kayo!"
Ngumisi si Asher. "Kung maging kamukha namin baby mo, aba swerte naman ng lahi niyo!"
Hindi pa rin ako makadaan dahil bawat hakbang ko ay gumagalaw din si Nelly. Umabante siya at dinuro sina Asher kaya naitulak niya ako paatras. Para kaming nagpapatintero.
"E-excuse me..." impit na pakiusap ko dahil tumitindi na ang hilab ng aking tiyan. Kailangan ko na talagang makarating sa CR sa lalong madaling panahon.
Imbes paraanin ay hinarangan pa ako lalo ni Nelly. "Wait, I'm talking to you pa, ha? You stay, Vivi, ha? Stay!"
Humagikhik si Miko. "Naka ng, Mareng Nelly! Na-jontis lang, naging englisher na."
Inirapan ito ni Nelly. "Syempre no, para tumalino ang junakis ko!"
Humilab na naman ang tiyan ko. Doble pa sa hilab kanina. Kailangan ko na talagang makaalis. Wala na akong pakialam kahit mabastusan si Nelly sa akin, walang pasabi na lalampasan ko na sana siya kaya lang ay pinigilan niya ako sa braso.
"Hindi ka talaga makapag-stay kasama kami?" mataray na tanong nito. "Tropa kami ng jowa mo! Ano, wala kang pakikisama?!"
"H-hindi naman sa ganoon." Hindi ko masabi na masakit na kasi talaga ang tiyan ko. Hindi ko na talaga kaya!
Tuloy pa rin sa pagtataray si Nelly sa akin. "E bakit nga alis na alis ka na? Hindi pa naman bell, ah! Aba, alam kong maarte at suplada ka, pero matuto kang makisama—"
Mahaba-haba pa dapat ang talak ni Nelly nang bigla itong matigilan, dahil kasabay ng paghilab ulit ng aking tiyan ay ang pagtirik ng mga mata ko. Lumaganap ang amoy ng masamang hangin sa paligid namin.
Nalukot ang mukha ni Nelly. Sina Asher at Miko naman ay sabay na napangiwi at napatakip ng ilong.
Kahit iyong dumaan na ibang estudyante ay mga napatigil at napatakip sa kani-kanilang ilong. "Gago, ano iyon? Ambaho!"
Nanlaki ang mga mata ni Nelly sa akin. "Vivi, ikaw ba iyon—"
Papaiyak na ako dahil sa kahihiyan nang biglang mula sa aking likuran ay may matigas at malamig na boses na nagsalita.
"Ako iyon."
Nanigas ang katawan ko nang makilala ang may ari ng boses.
Napatingin sina Nelly, Miko at Asher sa nagsalita sa likod ko. Napatingin din maging ang mga estudyante na huminto.
"Ako iyon. Masama kasi talaga tiyan ko kanina pa. Sorry. Di ko sinasadya. Pakisinghot na lang muna."
Napapikit ako nang mariin. Parang bigla ay gusto kong hilingin na sana ay lamunin na lang ako ng lupa.
"Omaygad ka, Isaiah!" bulalas ni Nelly nang makabawi. "Ambaho ng utot mo, kadiri ka!"
Natawa si Miko. "Bakit utot mo, mabango?"
Nakaraan na ang mga estudyante, tinawanan lang ng mga ito ang nangyari. Parang wala lang. Ang baho kaya di ba dapat ay may magalit, mandiri at manlait. Bakit wala? Saka bakit tawang-tawa pa sila?
Paanong nangyari na parang cool lang ang lahat? Kung malalaman kaya nila na sa akin talaga nagmula ang masamang hangin, ganito pa rin kaya ang mangyayari?
Yukong-yuko ako habang nakapikit. Saglit kong nakalimutan ang tungkol sa pagwawala ng aking tiyan. Hindi ko magawang kumilos dahil sa hiya. Mabuti na lang at nag-bell na. Nagpulasan na ang mga estudyante sa paligid.
Dumating na si Carlyn na isa sa tropa nila. Nang makita ito ni Nelly ay tinakbo ito ng babae. "Carlyn, inaaway nila ako! Tapos sinusungitan ako ni Vivi!"
Sina Miko at Asher ay sumunod na rin dito. Pumasok na sa room. Paubos na ang mga estudyante sa paligid pero ako ay nakatayo pa rin. Maging ang taong gusto kong iwasan dahil sa hiya ay nararamdaman ko na hindi pa rin umaalis sa likod ko.
Sobrang lakas ng lagabog ng dibdib ko. Sinubukan kong ihakbang ang aking paa nang bigla na namang humilab ang tiyan ko.
"Ayos ka lang?"
Mainit sa hiya ang pisngi na marahan akong tumango. Itinaas ko ang isang kamay ko bilang senyas na okay lang ako.
Ano ba 'yan?! Bakit kailangan niya pa kasi akong tanungin? Hindi ba niya nakikita na parang mamamatay na ako sa kahihiyan?! Mas lalo na tuloy akong walang mukha na maihaharap sa kanya!
Inihakbang ko ang aking paa at iniwanan na siya. Hindi naman siguro siya susunod. Hindi ko naman na siya naramdaman na sumunod pa. Nakaramdam ako ng lungkot sa naisip pero aking inignora .
Sa hagdan ay nakasalubong ko ang subject sa section ko. Tinanong ako nito kung saan ako pupunta, nang sabihin kong sa CR dahil sira ang tiyan ko ay agad naman itong naniwala.
Nagmamadali na ako na pumunta sa CR para lang malumbay, dahil ang CR sa building namin ay naka-lock. May paskil sa pinto. Ipinasara pala ng student council dahil pipinturahan ang pader para matakpan ang mga vandalism.
"Aw..." Napayakap ako sa tiyan ko nang humilab na naman. Malala na. Hindi ko na kaya, lalabas na. Hindi na ako nakapag-isip pa, tinungo ko ang sumunod na malapit na CR. Ang lumang CR na nasa gilid ng canteen.
Wala na talagang katao-tao pagkarating ko sa tapat ng CR. Okay na sana kung di lang may tali ang sirang doorknob ng pinto. Naalala ko na nadaan ako rito kaninang umaga at nakita ko na nauna nga pala itong pinturahan.
Sumilip ako sa butas na lalagyan ng doorknob. Mukhang tuyo naman na ang pintura sa pader, kaya lang ay hindi pa naaalis ang tali sa pinto. Sinubukan kong kalasin pero hindi ko kaya. Wala na rin akong lakas dahil halos mamilipit na ako sa paghilab ng tiyan.
Naiiyak na ako habang hinihila ang tali nang mapatingin ako sa aking likuran. Napalunok ako nang makita ang isang matangkad na lalaking parating. Nakapamulsa ang mga kamay niya sa bulsa ng slacks uniform habang kalmado ang ekspresyon na naglalakad palapit sa akin.
Inisip ko pa na baka hindi naman siya rito pupunta, pero dito siya pumunta. Sa mismong tabi ko tumigil mismo. Napasinghap ako nang kunin niya ang kamay ko na nakapatong sa tali ng pinto.
Napausod ako palayo at nakatingin na lang sa kanya habang kinakalas niya ang tali. Tatlong beses niya ring hinatak nang buong pwersa bago bumigay ang tali. Nang bumukas ang pinto ay mahina siyang mahinang nagsalita. "Pasok na."
Hindi na ako nagpatagal pa dahil lalabas na talaga. Nagmamadali akong pumasok sa loob. Sa pagmamadali ay hindi ko na naisara ang pinto ng CR. Sa tatlong cubicle sa loob ay sa pinakauna ako halos magkandarapang pumasok.
Pagsarang-pagsara ko ng pinto ng cubicle, itinaas ko agad ang palda at ibinaba ang dapat ibaba saka ako naupo sa bowl. Hindi ko lang inaasahan ang sumunod. Nag-echo agad sa paligid ang karima-rimarim na ebidensiya ng pagwawala ng tiyan ko.
Napatakip ako ng aking mukha dahil malamang na narinig iyon ni Isaiah. Ilang kahihiyan pa ba ang makakamit ko ngayong araw na ito?!
Pagkatapos kong magbawas ay nag-flush agad ako. Inilabas ko ang ang wipes at agad nilinis ang sarili. Limang leaves na lang ang laman ng wipes ko at inubos ko iyon lahat. Akmang tatayo na ako nang humilab ulit ang aking tiyan.
Hala! Hindi ako handa na may second wave pa. Ang masaklap ay may pang third pa. At mukhang meron pa yatang pang-fourth. Wala na akong wipes!
Huminga ako nang malalim. Pinagana ko ang isip. Walang tissue sa paligid, wala ring timba, tabo o maski gripo. Mas lalong walang bidet. Sa labas ng cubicle ang lababo at gripo. Nandoon din sa ibabaw ng lababo ang nakita kong tabo. Anong gagawin ko?
Naubos na yata lahat ng laman ng tiyan ko pero hindi pa rin ako nakakaisip ng solusyon. Nakailang flush na rin ako habang nag-iisip. Malas lang dahil kahit panyo ay wala akong nadala. Paiyak na ako nang may maalala. Napatingin ako sa pinto ng cubicle.
Posible kaya na nasa labas pa si Isaiah? Hindi lang ako basta nagdalawang isip, naglimang isip pa kung tatawagin ko ba siya. Sa kaso ko ngayon ay meron bang ibang option?
Wala akong pagpipilian, maliban na lang kung gusto kong langawin ako rito. Pikit-matang isinantabi ko muna ang dignidad at kahihiyan. Inipon ko ang lakas ng loob para tawagin siya, "Isaiah?"
Wala na siguro siya sa labas? Kasi ang tagal ko na rito. Hindi naman siguro maghihintay pa roon at—
"Bakit?" sagot na nagpatalon yata sa puso ko.
Para akong biglang nakakita ng stars. "Uhm, nandiyan ka pa ba?"
"Wala na. Multo itong kausap mo."
Napalabi ako.
"Bakit? Ano nang nangyari sa 'yo riyan?"
"W-walang tabo at tubig..."
Halos hindi ko na masabi ang salita sa panliliit. Hinanda ko na ang sarili na makarinig ng pamamahiya o kaya naman ay mapagtawanan, pero wala akong narinig na anuman.
Tahimik ang paligid nang bumukas ang gripo sa may lababo. Napakapit ako sa aking palda sa isiping pumasok si Isaiah sa loob ng CR. May amoy pa sa paligid at tiyak maaamoy niya iyon. Nag-flush ulit ako kahit katatapos lang mag-flush. Pagkatapos ay nag-flush pa ulit.
Pinalubag ko na lang aking loob. Break naman na kami kaya siguro hindi naman na gaanong nakakahiya? Ma-turn off man siya e hindi naman na kami. Ahg! Kahit na! Nakakahiya pa rin!
Sa ibaba ng pinto ng cubicle ay may dumungaw na tabo na may lamang tubig. Umusod pa iyon papasok. "Okay na ba ito?"
"O-okay na," nauutal na sagot ko.
"Sumigaw ka lang kapag kinulang." Naulinigan ko na ang mga hakbang niya palabas ng CR.
"A-anong sigaw?"
"Gusto mo 'Darna'."
Muli akong napalabi. Nang alam ko na nakalabas na siya sa banyo ay dali-dali na akong naghugas. Pinagkasya ko ang isang tabo. Marami-rami naman ang tubig kaya kinaya. Pagkatapos ay nag-ayos ako ng palda at nag-spray ng alcohol sa kamay.
Paglabas ko sa cubicle ay nakita ko na hindi pa rin pala umaalis si Isaiah. Naroon pa rin siya sa labas ng pinto ng CR. Nakatayo siya patalikod. Nakapamulsa sa school pants.
Mahina akong tumikhim. Hindi siya lumingon. Sa halip ay nauna na siyang maglakad paalis.
Lumakad na rin ako. Gusto ko mang magpasalamat sa kanya ay hindi ko magawa dahil sa hiya. Pakiramdam ko ay wala nang natira pa sa aking kahihiyan. Ubos na ubos na ngayong araw na ito.
Nang nasa bench na kami ay narinig ko ang kalmadong boses niya. "Hintayin mo ako rito." Pagkuwa'y umalis siya.
Nagtataka na nakahabol lang naman ako sa kanya ng tingin. Pumunta siya sa may gate at nakipag-usap sa guard. Mayamaya ay lumalabas na siya. Saan siya pupunta?
Saglit lang ay pabalik na rin si Isaiah. May pawis pa sa gilid ng kanyang sentido nang huminto siya sa harapan ko. May inabot siya sa akin.
"Ano ito?" Pagbaba ng tingin ko sa inilapag niya sa aking palad ay napanganga ako. Capsule. Loperamide Imodium.
"Gamot sa diarrhea." Pagkasabi ay naglakad na siya ulit pauna sa akin.
Nakayuko na sumunod naman na rin ako. Hanggang makarating kami sa building ng Grade 11. Nauna siyang pumasok sa room nila na unang madadaanan. Hindi na siya lumingon at wala na rin siyang sinabi na ano pa man.
Pagdating ng uwian ay ako yata ang pinakahuli na lumabas sa mga kaklase ko. Pagbaba ko ay saktong lumabas si Eli ng pinto ng room. Nagkatinginan kami at huli na para makaiwas siya. Oo, alam ko nang umiiwas siya. Iyong dahilan na lang kung bakit ang hindi ko pa alam.
Nilapitan ko siya. "Eli, bakit ka galit?"
"Ha?" Kumurap siya at napaiwas ng mata. "Pinagsasabi mo? Hindi ako galit."
Sinabayan ko siya sa paglalakad. Wala rin naman siyang kasabay tuwing umuuwi. Iisa lang naman ang inuuwian namin. Saka hindi lang naman kami magkaibigan, para na kaming magkapatid bago niya ako iwasan.
Huminto siya sa paglalakad. "Bakit ka sasabay sa akin?" mahinang tanong niya na muntikan ko pang hindi marinig.
"Masama ba akong sumabay sa 'yo? Palagi naman tayong nagsasabay dati, ah."
Natigilan ako nang malamig siyang sumagot, "Dati iyon, Vi."
Hindi ko alam bakit ganito siya. Wala naman akong matandaan na nagawa ako sa kanyang kasalanan. Wala akong ideya dahil matagal ko na siyang nakakakasama, pero ito ang unang beses na naging ganito siya sa akin.
Kilala na suplado si Eli sa mga babae, pero sa akin ay mabait siya. Palagi ring mahaba ang pasensiya niya sa akin. Ayaw ko naman siyang tanungin dahil alam ko na hindi rin naman niya sasagutin. Ang sakit lang dahil ngayon lang siya naging ganito sa akin.
Napayuko ako. "Sorry, Eli. Sige, hindi na ako sasabay..." Akmang iiba na ako ng daan nang pigilan niya ako sa kamay.
Napatingin ako sa pagkakahawak niya sa akin at pagkatapos ay sa kanyang mukha. Malamlam ang ekspresyon niya na hindi katulad kanina na nakasimangot siya.
"Nasaan ang boyfriend mo? Absent ba siya?" mababa ang tono na tanong niya.
Matagal bago ako nakasagot. "W-wala na kami..."
Ilang segundo rin siya na nakatitig lang sa akin bago ibinato sa ibang direksyon ang paningin. Tumango-tango siya at napahawak sa kanyang bibig bago nagbalik ng tingin sa akin. Bahagyang ngumiti siya. "Tara na?"
Napakurap naman ako. Ganoon lang? Okay na ulit?
"Ano, tara na?" Inagaw niya ang bag ko bago pa ako makabawi.
Napangiti na rin ako dahil mukhang okay na nga kami ulit. Okay na si Eli. Siguro ano man ang naging kasalanan ko sa kanya ay napatawad niya na.
Huminto siya sa paglalakad at lumingon. "Ang tagal mo talaga maglakad." Hinintay niya akong makalapit at sabay na kaming naglakad.
Patingin-tingin ako sa kanya dahil ngayon na lang ulit kami nagkasabay at nagkausap. Nasanay na kasi ako na mula pa kinder kami ay palagi nang magkasama. Siya lang ang nag-iisang kaibigan at halos kapatid ko na. Kaya kahit ilang araw lang ay na-miss ko siya.
Mabait naman talaga si Eli. Sayang lang talaga at hindi sila naging magkaibigan ni Isaiah. Sa tingin ko ay kung nagkaroon pa ng maraming pagkakataon, puwede rin silang maging magkaibigang dalawa.
Bumagsak ang balikat ko nang maisip si Isaiah. Matapos kasi naming bumalik sa building kanina ay hindi na ulit kami nagkita. Hindi man lang ako nakapagpasalamat sa kanya.
Sa bahay ay napakatahimik pagkauwi ko. May pinutahan yata sina Mommy at Daddy. Nagugutom ako kaya dumaan ako sa kusina. Naka-lock ang ref. Ang meron lang sa mesa ay isang Jollibee value meal na malamang ay para kay Kuya Vien. May mangkok din sa mesa na ang laman ay dalawang pirasong nilagang itlog na malamang naman ay para sa akin.
Nitong mga nakaraang araw ay okay lang sa akin kahit puro ganito ang pagkain ko, pero ngayon ay wala akong gana. Mabigat ang pakiramdam ko dahil wala na iyong saya na baon ko tuwing galing ako sa school.
Pagpanhik sa taas ay narinig ko ang boses ni Kuya Vien. Nakauwi na pala ang kapatid ko. Nakabukas ang pinto ng kuwarto niya kaya nakita ko siya na nakatayo patalikod sa akin. Wala nang suot na pang-itaas dahil kahuhubad lang ng uniform polo at t-shirt. Slacks school pants na lang ang suot.
Sinilip ko kung ano ang ginagawa niya. May kausap siya sa cellphone kaya hindi niya napansin na hindi niya pa naisasara ang pinto. "No. It's not like that. Di ba pinaliwanag ko naman? Pag-aaral ang priority ko."
Sino ang kausap ni Kuya Vien at seryosong-seryoso siya?
"Kapag nakatapos na ako, nakatulong na kina Mommy at Daddy saka alam kong okay na rin ang kinabukasan ng kapatid ko, at kapag puwede ka pa, hindi na kita pakakawalan pa. Pero sorry, dahil ngayon ay hindi pa talaga muna..."
Napahawak ako sa aking bibig.
Pinatay niya na ang phone saka at pabato na binitiwan sa kama. Napahilamos siya ng palad sa kanyang mukha at sa kauna-unahang pagkakataon ay narinig ko siyang nagmura, "Putangina!"
"K-Kuya..." Nagtama ang mga mata namin nang mapatingin siya sa pinto.
"Vi!" gulat na bulalas niya.
"Sorry, hindi ko sinasadya na mapakinggan..."
"Okay lang." Pasimple siyang nagkusot ng kanyang mata. "Wag mo na lang sanang mabanggit kina Mommy."
Pumasok na ako sa kuwarto niya dahil nag-aalala ako sa kanya. "Kuya Vien, girlfriend mo ba ang kausap mo?"
Malungkot siyang umiling. "Alam mo na bawal iyon. Saka kailangan kong makapagtapos para makatulong sa pamilya natin."
Pumait ang pakiramdam ko sa sinabi niya. Lagi na lang kasing pamilya ang iniisip niya, hindi niya iniisip ang sarili niya. Kahit nga pati sa galit ni Daddy ay siya ang sumasalo. Siya ang tagasagip naming dalawa ni Mommy.
At dito sa bahay namin ay kung meron mang pinaka-pressured ay si Kuya Vien iyon. Lalaki kasi siya kaya ang gusto ni Daddy ay maka-graduate siya na matataas lahat ang grades niya.
"Kuya Vien, hindi naman porke't may girlfriend ka ay hindi na makakapagtapos sa pag-aaral, e. Responsable ka naman at alam mo ang limitasyon. Hindi makakasagabal sa iyo ang magmahal, sa halip ay imbes na maging sagabal ay puwede mo iyong maging inspirasyon. Saka kahit may girlfriend ka na, may tiwala naman ako na hindi mo pa rin kami pababayaan ni Mommy, di ba?"
Ang gulat sa mukha ni Kuya Vien ay nauwi sa isang malamlam na ngiti. "Salamat sa tiwala, Vivi."
Ngumiti na rin ako. "Kilala kasi kita e. Matino at mabait ka. Deserve mo na kahit minsan lang ay maging masaya ka."
Ginulo niya ang buhok ko. "Wag mong kakalimutan, Vi. Deserve mo rin. Lahat ng puwede mong gawin para maging masaya ka, as long na hindi ka naman nananakit ng ibang tao, gawin mo."
Pagkatapos naming mag-usap ni Kuya Vien ay hindi na naalis sa isip ko ang huling sinabi niya. Hindi ako kasing perpektong anak ng kuya ko, hindi rin ako matalino, kaya deserve ko rin ba talaga?
Marami pa rin akong pag-aalinlangan pero sa huli ay natalo rin ako ng kagustuhan ko na sumaya. Pero hindi pa ba huli ang lahat?
KINABUKASAN sa school ay inagahan ko ang pasok. Sobrang aga na hindi ko na nahintay pa si Eli. Ang aga ko na halos ako na ang magbukas ng gate ng school namin. Kabadong-kabado ako habang nakatayo sa hagdan ng Grade 11 building.
Nakailang beses na akong naglabas ng compact powder para i-check ang aking mukha. Nakailang suklay na rin ako sa buhok. Sa ganitong paraan ko na lang kinakalma ang sarili ko.
Hindi ko sigurado ang kahihinatnan pero ang importante ay sumubok ako. Bahala na. Kota naman na ako sa kahihiyan kaya wala na lang itong gagawin ko ngayon.
Unti-unti nang nagdatingan ang mga estudyante. Hindi pa naman ganoon karami dahil maaga pa. Mayamaya lang ng kaunti ay nakita ko nang paakyat sa hagdan ang inaabangan ko—si Isaiah Gideon del Valle.
Maaga siya palaging pumapasok at alam ko iyon. Inabangan ko talaga siya ngayon. Paakyat siya hagdan. Magulo pa ang basa niyang buhok, halata na kaliligo lang, naka t-shirt lang siya na white at nakasampay sa kaliwang balikat niya ang kanyang white polo. May dala siyang bag ngayon, itim na backpack pero mukhang kaunti lang ang laman.
Naghihikab pa siya. Nang mag-angat siya ng paningin ay natigilan siya nang makita ako sa itaas ng hagdan. Saglit lang ay pumormal na ulit ang kanyang ekspresyon, bagaman hindi naman siya nagbawi ng tingin sa akin.
Tinaasan niya ako ng kilay. Parang gusto ko na agad umatras. Pero nagpakatatag ako. Kung kinakailangang harapin ko ang galit niya, gagawin ko. Kasalanan ko naman lahat kaya kahit sumbatan niya ako ay okay lang.
Inipon ko ang lahat ng lakas ng loob at kapal ng mukha para salubungin siya. Nakatingala ako sa kanya habang malakas ang kabog ng aking dibdib. "Isaiah, puwede ba tayong mag-usap?
"Hindi. Pero puwede kung makikipagbalikan ka."
Napatanga ako sa sagot niya dahil hindi iyon ang inaasahan ko. Hindi ako makapaniwala dahil ang inaasahan ko ay galit at sumbat.
"Isaiah, hindi ka ba nagagalit? Basta na lang kita hiniwalayan, di ba..."
Napasinghap ako nang mula sa kaswal niyang ekspresyon ay bigla siyang ngumisi. "Hindi. Kaya balikan mo na ako habang di pa ako galit."
JF
Bạn đang đọc truyện trên: ZingTruyen.Xyz