ZingTruyen.Xyz

Serial Charmer

Chapter 11

JFstories

"SINASAGOT NA KITA."


Ang pagsusuot ni Isaiah ng helmet sa ulo ay sumala. Nakita ko na lang na gumugulong na ang helmet niya sa lupa. Natulala siya sa akin. Napakurap-kurap. "Ano? Paulit nga, Vi!"


"'Sabi ko sinasagot na kita."


Bumaba siya sa motor. "Ano? Pakiulit!"


"'Sabi ko sinasagot na kita. Tayo na."


"Ano ulit?!"


"Tayo na nga."


"Ha? Ano, Vi? Please, ulitin mo!"


"Sabi ko, inaantok na ako. Uwi ka na!"


"Vi..." Hinawakan niya ang kamay ko. "Vi, mamamatay na ako..."


Napangiti ako at tiningala siya. "Makinig kang mabuti, hindi ko nauulitin. Isaiah, tayo na. Sinasagot na kita. Pag pinaulit mo pa sa akin, babawiin ko. Sige ka."


"Bakit ko papaulit? Hindi ko pinaulit! Ikaw nag-ulit. Bakit mo inulit?! Sheeet!" Napatalikod siya. Nang humarap ay ngiting-ngiti. "Wala nang bawian, Vi. Pag binawi mo, hindi mo na mababawi. Bawal bawiin!"


Nangingiting tumango ako. Pagkasabi'y iniwan ko na siya sa kanto. Nakangiti ang aking mga labi dahil alam ko na kahit iniwan kong nakatulala si Isaiah ay masaya ang gabi niya. At maging ang gabi ko rin.


Sa kuwarto ay sumubsob agad ako sa kama at impit na napatili. May boyfriend na ako. May boyfriend na ako!



LINGGO ng umaga kinabukasan. Pagmulat ay hinagilap ko agad ang aking phone na dati rati'y hindi ko naman ginagawa. Ngayon ay nagising ako na naghahalo ang kaba at excitement. Pagtingin ko sa screen ng phone ay muntik pa akong mahulog sa kama nang makitang may 1 text unread message doon.


Sa kauna-unahang beses sa paggising ko, may message ako na natanggap sa umaga. Sabik na binuksan ko agad.


Isaiah Gideon:

Good morning! *heart emoticon*


Gusto ko sanang i-reply, ang kaso ay wala na akong load. Hindi naman kasi ako nag-lo-load dahil wala naman akong itini-text at wala ring extra budget. Pasa load lang mula sa phone ni Kuya Vien ang ginamit ko kahapon.


Masigla ako na tumayo. Pakanta-kanta ako habang papasok sa banyo. Magaan ang pakiramdam ko ngayon. Hindi katulad nang mga nakaraan na bagot na bagot ako. Pagkahilamos ay naglagay na ako ng sunscreen sa mukha. Kahit nasa bahay lang ay importante ang sunscreen sa skincare routine ko. Dapat daw kasi na palaging protektado ang balat sa init, polusyon at radiation.


Paglabas sa banyo ay nag-beep ulit ang phone ko. Kandadulas ako sa paglapit at pagdampot dito.


Isaiah Gideon:

Vi, puwede ba akong uminom mamayang hapon?


Iinom? Bakit nagpapaalam siya sa akin? Nag-beep ulit ang phone ko. Siya ulit.


Isaiah Gideon:

Nagyaya tropa ng inuman sa kanila. Pero kung hindi mo ko papayagan, hindi ako pupunta.


Naupo ako sa gilid ng kama habang nakatitig sa text message ni Isaiah.


Nag-beep ang phone ko. May pumasok na regular load 100. Namilog ang mga mata ko. Saan galing ito?


Isaiah Gideon:

Niloadan kita. Text mo ko kahit kailan mo gusto.


Nagtipa ako ng reply. Sasabihin ko sana na babayaran ko ang load, kaya lang ay ano ang ibabayad ko? Maliit lang ang baon ko at mas maliit kapag may baon akong lunchbox. Napabuga ako ng hangin at binura ang text para palitan.


Me:

Thank you. Bakit mo ako ni-loadan? Wala akong pambayad...


Isaiag Gideon:

Bakit pinagbabayad ba kita?


Kahit hindi ko kaharap si Isaiah ay parang narinig ko ang boses at tono niya sa text na ito.


Isaiah Gideon:

Ano, payag ka ba uminom ako mamaya? Onti lang naman. Kilala mo naman na mga tropa ko. Saka kami-kami lang. Walang babae. Puro lalaki kami.


Nakagat ko ang aking ibabang labi. Nagtipa ako ng reply sa kanya.


Me:

Okay lang. Basta wag ka lang magpapakalasing dahil delikado mag-drive ng motor kapag nakainom.


Pag-send ko ng message ay nag-init nang matindi ang magkabilang pisngi ko. Totoo ba talaga ito? Itinext ko talaga iyon kay Isaiah? Napasubsob ako sa kama at impit na namang tumili. Totoo na nga talaga ito, may boyfriend na talaga ako!



HAPON. Ang huling text ni Isaiah kaninang 3:00 PM ay naligo na siya at paalis na para pumunta sa bahay nina Asher na tropa niya. Tumingin ako sa orasan, 6:30 PM na. Nag-iinom na malamang sila ngayon.


Naghahain ako sa mesa para sa hapunan namin habang lumilipad ang isip ko. Lasing na kaya si Isaiah? Sino-sino kaya ang kasama nila? Talaga bang puro lalaki lang sila?


Pumasok si Kuya Vien sa kusina. "Vi, kakain na ba? Gutom na ako."


"Kaluluto lang ng sinaing. Patawag na sina Mommy sa sala."


Tatawagin na ni Kuya Vien sina Mommy at Daddy sa sala nang tumahol ang aso namin sa labas. May kumatok sa pinto. Iisa lang naman ang dumideretso sa pinto namin kahit naka-lock ang gate sa labas, walang iba kundi si Eli. Nag-o-over the bakod siya sa mababang pader na pagitan ng mga bahay namin.


Sumilip ako sa sala. Nasa loob na si Eli. Sabi ko na nga ba siya. Kaharap niya na si Mommy. May inaabot siyang malaking mangkok. "Ninang Veron, nagluto po si Mama ng sinigang na hipon."


"Ay, naku nag-abala pa si Kumareng Hana. Salamat, Eli!"


Bumaling si Eli kay Daddy. "Ninong Robert, pinapasabi rin pala ni Mama na kung makakapagbigay raw po kayo ng hulog sa lupa."


Napailing si Daddy. "Eli, birthday ni Vivi sa Biyernes e. Sasabay sa bayaran. Hindi naman puwede na di ko handaan ang aking unica hija sa 18th birthday niya. Mabuti sana kung may benta ako sa pag-aahente sa ngayon, ang kaso naman ay matumal."


Magalang na tumango naman si Eli. "Ah, sige po, Ninong. Sabihin ko na lang po kay Mama na hindi kayo makakabayad."


"Pasabi rin sa mama mo na kasali kamo siya sa 18 Blue Bills ni Vivi!" ani Mommy. "'Tapos ikaw, Eli, kasali ka sa 18 Roses, ha!"


Tila nangislap ang mga mata ni Eli. "Opo, Ninang, salamat po!" Nagpaalam na si Eli. Bago umalis ay tumingin pa sa akin.


"May pagtingin pang nalalaman," bulong ni Kuya Vien na nasa tabi ko. "Malamang iyon di naman inutusan maghatid ng ulam. Kumupit lang sa ulam nila para may madala rito. Tsk! Galawan ni Elias Angelo!"


Nangingiti naman ako dahil may dagdag ulam kami. Nauumay na kasi ako sa nilagang gulay na wala man lang sahog. Ang dami kasi naming binayaran sa Avon at Personal Collection last week kaya tuloy wala kaming budget sa masarap na ulam.


Pagkaalis ni Eli ay hinarap ni Daddy si Mommy at dinuro. "Anong 18 Roses ang pinagsasabi mo diyan, Veronica? Ipapasayaw mo sa mga lalaki ang anak ko?!"


"Robert, ganoon talaga kapag debut," malumanay namang paliwanag ni Mommy. "Wala namang malisya ang ganoon."


"Anong walang malisya?!" singhal ni Daddy sabay tulak kay Mommy. "Sige, sino-sino 'yang mga lalaking iimbitahin mo, aber?"


"Si Vivi ang mag-iimbita at hindi naman ako. Syempre, mga kaibigan niya sa school—"


"Kailan pa nagkaroon ng kaibigang lalaki si Vivi sa school maliban kay Eli?! Magtigil ka sa mga pinagsasabi mo, Veronica. Nabubuwiset ako sa 'yo!"


Sinenyasan ako ni Kuya Vien na bumalik na sa kusina. Tahimik na si Mommy at humingi na ng pasensiya kaya lang ay badtrip pa rin si Daddy.


Binulungan ako ni Kuya Vien. "Hayaan mo, Vi. Si kuya na lang magsasayaw sa 'yo sa birthday mo. Isasayaw kita ng 18 times!"


Nakangisi na bumulong din ako. "Thank you, Kuya. Pero gawin mo 'yan sa loob ng kuwarto ko dahil baka makita ni Daddy, sabay pa tayong magulpi."


Napakamot siya ng ulo. "'Yan talagang tatay natin, madalas ang sarap isako."


"Hoy, 'wag! Love ni Mommy 'yan!"


"Ewan ko ba! Isa pa 'yan si Mommy. Wag mo talagang gagayahin iyan! Dapat ang hanapin mo ay iyong katulad ko. Hindi lang guwapo, saksakan pa ng bait at sweet!"


"Yes, sir!" Sumaludo ako sa kanya.


"Puwede na siguro si Eli. Kung love mo naman, wala naman akong magagawa." Ngumisi siya. "Saka okay rin naman talaga si Eli, laging may palibreng ulam."


"Kuya!" Pinaghahampas ko siya sa balikat niya. Tawa lang naman siya nang tawa. Pumormal lang ulit nang pumasok na sina Daddy sa kusina.



NAUNANG pumasok si Kuya Vien kinabukasan nang Lunes. Si Eli ang kasabay ko sa jeep. Iilan lang kami na pasahero. Habang nagbabiyahe ay nanalamin ako sa hawak na compact mirror.


"Kanina ka pa riyan, ah? Baka naman pumasok na ang mukha mo diyan sa salamin," sabi ni Eli.


Inirapan ko siya. "Inggit ka, manalamin ka rin!"


"Kahit naman di na ako manalamin, alam ko namang guwapo ako."


Binelatan ko siya. "E di wow, Eli!"


Nagkaroon ng traffic dahil may ginagawang kalsada. Sinamantala ko iyon para mag-lip tint ulit. Feeling ko kasi ay nabura na iyong inilagay ko kanina.


Inilapit ni Eli ang mukha sa akin. "Hoy, Viviane Chanel, bakit parang kakaiba ka ngayon, ha?"


Bigla akong kinabahan. "A-anong kakaiba ka riyan?" patay-malisya ko. Ibinalik ko ang lip tint at salamin sa shoulder bag ko at hinarap siya.


"Basta kakaiba!" Humalukipkip siya. "Mahilig ka namang magpaganda pero nasobrahan ka yata ngayon. Hindi ka mapakali. Mula nang sumakay tayo sa jeep, 20 times kang nagsuklay, 10 times nanalamin, at naka tatlong patong ka na ng lip tint sa labi mo."


"Binilang mo?!"


Ngumisi siya. "Ano ngayon kung oo? So, ano ngang meron, ha?!"


"Wala, 'no!" Inirapan ko siya ulit.


"Ano nga kasi?" Lumambot ang ekspresyon niya. "Vivi, kapag ako naman ang mag sekreto, sinasabi ko rin naman sa 'yo, ah? Nagagalit ka pag di ko sinasabi, 'tapos naglilihim ka sa akin diyan."


Totoo naman na wala halos kaming sekreto ni Eli sa isa't isa. Magkababata kami at siya lang ang masasabi ko na talagang kaibigan ko.


Napanguso ako. "Kapag ba sinabi ko sa 'yo ang sekreto ko ay hindi mo ipagsasabi?"


"Kailangan mo pa ba talagang itanong iyan? Di ba hindi nga kita isinusumbong sa Daddy mo kahit nagpapabili ka ng junkfood at kinakain mo sa bahay namin, hindi rin kita sinumbong nang mapagkamalan mong candy na Mentos ang napulot mong mothballs sa kuwarto ko, at muntik mo nang isubo, lalong di rin kita isinusumbong na nakikiinom ka sa amin ng softdrinks tuwing hapon."


Tiningnan ko si Eli. Nakatitig siya sa akin at naghihintay ng aking sasabihin. Puwede ko ba talagang sabihin sa kanya? Okay lang kaya na malaman niya?


Lumunok ako at saka mahinang nagsalita, "Eli, sasabihin ko sa 'yo pero ipangako mo na hindi mo sasabihin kahit kanino. Lalo kay Daddy..."


Natigilan siya at parang biglang kinabahan. Saglit lang naman ay tumango na siya.


"Eli kasi..." Ang hina-hina nang boses ko. "M-may boyfriend na ako..."


Walang sagot mula kay Eli.


"Eli? Narinig mo ba? 'Sabi ko may boyfriend na ako." Nilingon ko siya para tingnan ang reaksyon niya. Nakatanga siya sa akin habang nakanganga ang mga labi niya.


"A-anong sabi mo, Vivi? May ano ka na?!" halos pabulyaw na tanong niya. Napatingin tuloy sa amin iyong nasa dulo na estudyante sa jeep pati ang driver sa unahan.


Sinaway ko agad si Eli, "Hoy, hinaan mo nga boses mo!"


"Vi, anong sinasabi mo kanina? Totoo ba iyon? Niloloko mo lang ba ako? Galit ka ba sa akin kaya sinabi mo iyon? Inaasar mo lang ba ako?" sunod-sunod na tanong niya.


"Hindi kita niloloko. Hindi rin ako galit sa 'yo at mas lalong di kita inaasar." Napanguso ulit ako. "Totoo na may boyfriend na ako."


"Paano?" halos paanas na lang ang boses niya.


"E di niligawan ako 'tapos sinagot ko."


"Vi..."


"'Wag kang mag-alala. Pinag-isipan ko ito. Saka mabait naman ang boyfriend ko." Umusod ako palapit sa kanya. "Nangako ka na, hindi mo ako isusumbong, ah?!"


Umalon ang lalamunan niya.


Lumayo na ulit ako. "Hindi naman masama na magkaroon ng boyfriend. Malaki na ako. 18 na ako ngayong Friday. Gusto ko namang may mabago sa buhay ko. Gusto kong maranasan kahit kaunti ang nararanasan ng normal na teenagers na katulad ko."


"Vi, puwede mo namang maranasan ang nararanasan ng ibang teenagers. Puwede kang makipagkaibigan sa iba. Puwede ka rin magka-crush. Pero hindi naman kailangang mag-boyfriend ka agad—"


"Shh!" Itinakip ko ang daliri ko sa tapat ng mga labi niya. Namilog ang mga mata niya at napatigil naman siya.


Kukurap-kurap si Eli at nang mahimasmasan ay tinabig niya ang aking daliri na nakadikit sa kanyang mga labi. "Vi, sigurado ka ba sa desisyon mo?"


"Basta. Basta, Eli, magtiwala ka." Iyon lang at hindi na ulit ako nagsalita.


Gusto ko na magtiwala siya. Gusto ko na magtiwala rin sa sarili ko. Ito ang unang desisyon ko sa buhay kaya gusto kong malaman kung hanggang saan ako. Karapatan ko na magkamali at matuto.


Bumaba na kami sa Brgy. Pinagtipunan kung saan naroon ang school namin. Hindi na rin umiimik si Eli. Sobrang tahimik niya habang nakayuko na naglalakad kami sa daan papunta sa gate ng school namin.


"Vi, sino ang boyfriend mo?" mayamaya ay narinig ko ang napakahinang boses ni Eli.


Sasagutin ko sana siya kaya lang ay bigla siyang tinawag ng teacher na nasa may tapat ng tindahan, "Elias Angelo!"


"Ma'am!" Adviser niya ang teacher. Lumapit ito ay may inutos sa kanya na kukunin sa faculty. Parang ayaw niyang sumunod pero sa huli ay napabuntong-hininga siya. Malungkot siyang tumingin sa akin bago nauna na pumasok sa gate.


Pumasok na rin ako at naglakad. Pagdaan ko sa may tapat ng papasok sa canteen ay natanaw ko ang lalaking nakaupo isa sa mga bench na naroon. Naka-school uniform. White shirt sa loob ng white polo at slacks sa ibaba. Panay hagod siya sa kanyang buhok. Maaliwalas ang guwapong mukha na bagamay kababakasan ng pagkainip.


Ang ibang dumaraang mga babaeng estudyante ay binabati siya. Tamang pagkaway lang naman ang iginaganti niya sa mga ito. Nang ang isa sa mga babae ay akmang tatabihan siya ay narinig ko ang sinabi niya rito, "Hinihintay ko girlfriend ko." 


Namalayan ko na lang na may maliit nang ngiti sa mga labi ko. 


Pagkaalis ng babaeng kumausap sa kanya ay tumingin siya sa suot na relo sa pulso. Ang mahaba niyang binti ay kumukuyakoy habang nakaupo siya sa bench. Mayamaya ay hahagurin na naman niya ng mahahabang daliri ang kanyang buhok. 


Nang mapatingin sa akin ay agad na napangiti. Lumabas ang magkabilang dimples at ang sungki niya na parang pangil sa kaliwa. Tumayo siya. Tumahip nang mabilis ang dibdib ko nang maglakad siya patungo sa akin. 


Nang nasa harapan ko na siya ay napasinghap ako. Ang bango niya. "Akina bag mo."


Napatingala ako sa kanya. "Ha?"


"Sabi ko, akin na bag mo." Ang ganda-ganda ng ngiti niya sa akin. 


Nang kunin niya sa akin ang shoulder bag ko ay nag-init nang malala ang pisngi ko. Isinukbit niya ang bag ko sa balikat niya at sabay kaming naglakad. 


Mapulang-mapula malamang ang buong mukha ko. Lalo nang maglakad na kami ni Isaiah papunta sa building ng Grade 11. Pinagtitinginan kami ng mga nadadaanan naming estudyante.


Pagkarating sa hagdan ay huminto siya. "Ano palang tawagan natin?"


"Ha?" parang hibang na sambit ko.


Mula sa likod ko ay may dumaang dalawang babae. Mga kaibigan niya. Sina Carlyn at iyong may pekeng braces sa ngipin.


"Ano ba 'yan, paharang-harang sa daan!" sabi ng babaeng may pekeng braces. Nang magsalita ay nakita ko na may bahid ng lip tint ang braces nito.


Si Carlyn naman ay wala namang sinabi na anuman. Lumampas lang sa amin. Sumunod na rin dito ang kasama.


Sumandal si Isaiah sa barandilya ng hagdan habang nakatingin sa akin. "Vi, anong tawagan natin? Saka ano pala favorite color mo?"


Kailangan ba iyon? Napakamot ako sa pisngi. "Fuschia ang favorite color ko..."


"Naks! Fuchsia! Spell nga niyon?"


Napangiwi ako. "Pink na lang pala..."


"Joke lang!" Hinawakan niya ako sa ulo. "Tatandaan ko, fushaaa."


Mahinay na timanpal ko siya. Hinuli naman niya ang kamay ko at hindi na binitiwan hanggang sa umakyat kami sa hagdan.


Inihatid niya ako hanggang sa room ko. Hindi na ako makapagsalita at alam ko na pulang-pula na ako.


Yumuko si Isaiah at bumulong sa tainga ko, "Kilig lang 'yan, Vi."


Tiningnan ko siya nang masama.


Ayun na naman iyong boyish niyang tawa. "Ito naman. Joke lang. Pasok ka na. Text-text, ah? Puntahan kita sa break."


Pagpasok sa room ay inulan na naman ako ng tukso ng mga kaklase ko. Hindi ako naaasar. May kaunting hiya pero lamang ang kakaibang pakiramdam. Nakangiti ako na naupo sa aking upuan. Hanggang sumapit ang recess ay ngayon lang ako naging ganito kasigla.


Nang 15 minutes first break ay pumunta nga sa room si Isaiah. Tumambay siya. Wala naman kaming pinag-usapan. Pinakain niya lang sa akin ang dala niyang cupcake pagkatapos ay nagpaalam na babalik sa room nila.


Bago lumabas ay nagbilin, "Sabay tayo sa lunch."


Nang lunchbreak ay nag-text din si Eli sa akin. Niyayaya niya ako na sabay kaming mag-lunch. Nag-reply ako dahil may load naman ako. Sinabi ko na hindi ako makakasabay sa kanya.


Paglabas ko ng room ay nasa labas na agad si Isaiah at hinihintay ako. Sabay kami na bumaba. Nanlalamig ang mga palad ko sa kaba. Iniisip ko kasi na baka bigla niyang hawakan na naman ang kamay ko. Hindi naman niya ginawa. Nakapamulsa siya sa suot na pants habang pababa kami sa hagdan.


Nag-beep ang phone ko. Si Eli.


Eli:

Nasaan ka? Lumabas ka ba ng room niyo?


"Sino 'yan?" tanong ni Isaiah sa tabi ko.


"Si Eli." Kilala naman niya si Eli. Pagtingala ko sa kanya ay natigilan ako dahil seryoso ang mukha niya.


Nag-beep ulit ang phone ko. Si Eli na tinatanong pa rin kung may pupuntahan ba ako. Mamaya ko na siya ire-reply. Bago nga lang makababa ay napatigil kami ni Isaiah dahil nakasalubong namin ang paakyat na si Eli sa baba ng hagdan.


Nakaawang ang mapulang mga labi ni Eli habang nakatingala sa amin ni Isaiah. Mas natutok kay Isaiah ang nanlalaki niyang mga mata.


"Eli, bakit ka andito?" tanong ko. Humakbang ako pasalubong sa kanya. Sa likod ko ay naramdaman ko na nakasunod naman agad sa akin si Isaiah.


Ang tagal ni Eli bago nagsalita. "M-may kukunin ako sa itaas..."


"Ano?" tanong ko naman kasi ano bang kukunin niya sa itaas?


"Ah, ano..." Kanda-alon ang lalamunan ni Eli. "Libro. May kukunin ako na libro na hiniram ng teacher sa kabilang section."


"Ah..." Tumango-tango ako. Pagkuwan ay ngumiti. Itinuro ko kay Eli ang katabi ko. "Eli, siya pala ang boyfriend ko."


Muling umalon ang lalamunan ni Eli habang nakatingin kay Isaiah.


Inilahad naman ni Isaiah ang palad niya kay Eli. "Isaiah, pare."


Tinanggap ni Eli ang pakikipagkamay ni Isaiah pero hindi siya nagsasalita. Hanggang matapos silang magkamay ay para siyang natitigagal pa rin sa kinatatayuan.


"Huy, Eli," untag ko sa kanya. "May kukunin kang libro sa taas, di ba? Kunin mo na!"


Bahagyang tumigas ang ekspresyon ni Eli. "Wala na. May kumuha nang iba."


"Ha? Paano iyan? Balak mo pa namang kunin iyon, di ba?" Napailing-iling ako. "Hay, Eli. Bakit kasi ang tagal mo, naunahan ka tuloy!"


"Ayos lang." Ngumiti si Eli pero hindi siya sa akin nakatingin kundi kay Isaiah. "Hindi naman dahil sa may basta na lang kumuha ay ibig sabihin wala na akong pag-asa. In the first place, sa akin naman talaga dapat iyon mapupunta, dinaan lang niya sa bilis kaya napunta sa kanya."


Wow, ang tapang pala ni Eli. Kaya lang nakuha na nga ng iba ang libro niya kaya mahirap naman kung dahil lang doon ay makikipag-away pa siya. "Eli, baka naman may iba pang libro. Humanap ka na lang kaya ng iba?" 


"Ayoko," matigas na sagot niya. "Iyon ang gusto ko kaya maghihintay ako."


Napapitlag ako nang bigla ay marinig ang malamig na boses ni Isaiah sa aking tabi, "Paano kung wala siyang balak ibalik? Maghihintay ka pa rin?"


Ang matigas na ekspresyon ni Eli ay tila lalong tumigas. "Bakit hindi? Porket ba nasa kanya ngayon ay kanya na talaga? Marami pang puwedeng mangyari. At saka, kung kaya niyang basta na lang kumuha nang walang paalam, puwede ko rin namang subukan."


Nagulat ako nang biglang maramdaman ang pag-akbay ni Isaiah sa balikat ko. 


Pagtingala ko sa kanya ay ngayon ko lang nakita na madilim ang titig ng mga mata niya. Ngumisi siya kay Eli. "E di subukan mo."


JF

Bạn đang đọc truyện trên: ZingTruyen.Xyz