ZingTruyen.Xyz

Serial Charmer

Chapter 10

JFstories

SABADO.


Hawak-hawak ko ang ticket na bigay ni Isaiah sa akin. Para ito sa battle of the bands mamayang 9:00 PM sa plaza ng Malabon. Kapag may ticket ka ay makakaupo ka sa mga upuan na para sa mga sumusuporta sa mga banda. Dahil VIP ticket pa ang ibinigay sa akin ni Isaiah ay doon mismo ako makakaupo sa pinakaunahan. Nagsimulang magrigodon sa kaba at excitement ang dibdib ko. Ito ang kauna-unahang pag-attend ko sa ganoong event.


"Vi, tagal mo!" sigaw ni Kuya Vien.


Nagmamadaling itinago ko ang ticket at bumaba na ako sa baba ng bahay namin. May problema pa dahil hindi ko alam kung paano makakatakas mamayang gabi. Makakapunta nga ba ako? Pero nagbitiw na ako ng salita kay Isaiah na pupunta ako at ayaw ko namang bumawi ng pangako.


Isa pa, P250 ang VIP ticket. Masasayang kung di ko pupuntahan...


Napansin ni Kuya Vien ang pagiging balisa ko dahil magkasama kami na nag-ge-general cleaning sa bahay. Siya ang nagkukuskos ng sahig gamit ang bunot at ako naman ay nagpupunas ng mga gamit. "Hoy, in love ka, ano?" pabulong na sita niya sa akin. "Sino? Kay 'Eli Bantay-Salakay'?"


Nagusot ang ekspresyon ko. "Kuya naman! Palagi mo na lang akong inaasar kay Eli, ikaw siguro me gusto roon!"


Ngumisi siya. "Kung di pala si Eli, e kanino?"


Inirapan ko si Kuya Vien. "Maglinis na lang tayo dahil maluluto na ang tanghalian. Pagagalitan tayo ni Daddy kapag hindi pa tayo tapos maglinis."


"Vi, alam mo? Gusto ko namang matuwa kasi ngayon lang kita nakitang ganyan, iyong may buhay ang mata. Ang kaso, kinakabahan ako sa 'yo dahil parang in love ka talaga." Patingin-tingin siya sa akin. Alam ko namang concerned lang siya.


"Kuya, di ba normal lang naman sa edad ko ang magkagusto?" Hindi ko binanggit ang salitang 'boyfriend' kahit pa iyon talaga ang gusto kong sabihin.


Sumeryoso ang mukha ni Kuya Vien. "Hindi naman masama ang magkagusto. Tama ka naman na normal lang iyon lalo sa edad mo. Kaya lang, alam mo naman si Daddy di ba? Siguro kung kay Eli ka magkakagusto ay puwede pang maging okay sa kanya, pero kung sa iba..." Napailing-iling siya. "Naku Vi, wag na."


Lumabi lang ako at nagpatuloy na lang sa paglilinis.


Sa isip ko ay nababahala rin ako. Kahit pa sabihing ngayong buwan ay 18 na ako, bawal pa rin kahit ang magkagusto. Maski nga makipagkaibigan sa mga lalaki ay bawal.


Si Eli lang talaga ang hinahayaan ni Daddy na lalaking maging close sa akin maliban sa kanila ni Kuya Vien. Si Eli na nag-iisang anak ng namatay na matalik na kaibigan ni Daddy at inaanak din nito. Bukod doon ay nasubaybayan kasi ni Daddy ang paglaki ni Eli dahil nasa iisang lupa lang kami. Ang kinatitirikan ng bahay namin ay ang kalahati ng lupa ng namatay na papa ni Eli na binili noon ni Daddy. Hindi pa nga lang namin natatapos hulugan ang lupa sa mama ni Eli hanggang ngayon.



PAGSAPIT ng gabi ay handa na ako. Nakaligo na kanina pang 6:00pm. Nakapag-blower na rin ng buhok. Simple lang ang suot ko. Skinny jeans at pulang t-shirt, dahil sabi ni Isaiah ay magpula raw. Hindi ako nag-make up maliban sa manipis na lip tint sa labi. Hindi pa rin kasi ako sigurado kung makakatakas nga ako.


Pabalik-balik ako sa paglalakad sa kuwarto ko. Kinakabahan ako. Tulog na kaya sina Mommy at Daddy? Si Kuya Vien kaya ay pupunta rito mamaya sa kuwarto ko? Tumingin ako sa oras, 7:30 PM na. Bandang 8:00 PM ang simula ng program para sa battle of the bands.


Kinuha ko ang phone ko. Huminga ako nang malalim bago pumunta sa contacts. Sa kauna-unahang pagkakataon ay mag-ti-text ako sa ibang tao maliban kina Mommy, Daddy, Kuya Vien, at Eli—si Isaiah Gideon del Valle.


Me:

Papunta na ako.


Hindi pala ako nakapagpakilala. Baka hindi alam ni Isaiah na ako ang nag-text. Baka isipin niya na kung sino—


Biglang nag-beep ang phone ko. Muntik ko na iyong mabitiwan nang makita na kay Isaiah galing ang text message. Nag-reply siya sa text ko!


Isaiah Gideon:

Sunduin ba kita?


Napanganga ako. Alam niya ba na ako ang nag-text sa kanya?


Nag-beep ulit. Panibagong message ang pumasok.


Isaiag Gideon:

Puwede ka bang tawagan?


Ha? Alam niya ba na ako ang may ari ng number na nag-text sa kanya? Siguro naman ay maraming unknown numbers ang nag-ti-text sa kanya dahil popular siya, di ba? O baka ibang tao ang iniisip niya?


Nang mag-ring ang phone ay nabitiwan ko na talaga. Mabuti na lang at nakaharap ako sa kama kaya sa foam ng kama iyon bumagsak. Hindi nakalikha ng lagabog. Nakatingin lang ako roon habang patuloy iyon sa mahinang pag-ri-ring. Hindi ako makapag-decide kung akin bang sasagutin.


Hindi pa ako nagkaroon ng kausap sa phone na ibang tao. Ano bang sasabihin niya? Bakit kasi hindi na lang niya i-text? Bakit kailangang tumawag pa?


Nang ayaw tumigil sa pag-ri-ring ay nanginginig ang kamay na dinampot ko ang phone. Nakailang lunok ako bago i-tap ang 'answer', narinig ko agad ang buo at maaligasgas na boses ni Isaiah sa kabilang linya.


[ Vivi... ]


Natutop ko ang aking bibig. Alam nga niyang ako ito.


[ Hello, Vi. Ikaw ito, di ba? Alam ko ikaw 'to... ]


Nakatitig pa rin ako sa screen ng phone at pinakikinggan lang siya. Hindi ko pa mahanap ang lakas ng loob na magsalita.


[ Vivi, sagot naman diyan... ] Ang lambing ng boses niya na para bang kapag kaharap ko lang siya.


Marahan kong idikinit sa aking tainga ang phone. Nauulinigan ko sa background ang mahihinang ingay mula ng maraming tao at ang pinapatugtog na kanta. Nasa plaza na nga siya. Malamang na nag-re-ready na siya dahil sandali na lang ay magsisimula na silang tumugtog ng banda niya. "H-hello..."


[ 'Yown. ]


"P-pupunta ako," mahinang sabi ko. "K-kaya lang, hindi pa ako nakakaalis dito sa amin." Hindi ko masabi na wala akong pamasahe. Wala naman kasi akong pera. Kinukuha ni Daddy ang mga tira kong baon na pera pagkagaling sa school. Hindi ko alam kung makakakuha ako ng pera ngayon. Hindi ko iyon masabi kay Isaiah dahil nakakahiya.


[ Gusto mo bang sunduin kita? ]


"Ha?" Napakurap ako. Paano niya ako susunduin? Magsisimula na ang program. Baka hanapin siya. Saka malamang na naghahanda na ang banda niya.


At bakit niya ako susunduin? Pa-motor? O sasakay kami ng tricycle? Magkakasama kami? Magkakadikit sa upuan? Nakagat ko ang aking ibabang labi.


[ Vi, text mo sa akin address niyo riyan sa Buenavista, hahanapin ko. Papunta na ako. ] Pagkatapos ay namatay na ang tawag.


Ang tagal ko na nakatitig sa phone bago pikit ang isang mata na nag-type ng address. Bahala na. Sinabi ko kay Isaiah ang street at house number ng bahay namin. Pagka-send ko ay naghanap na ako ng sandals na ipapareha sa suot ko.


Sumilip ako sa labas ng kuwarto. Ang aga pa pero tahimik na ang bahay namin. Lumabas ako bitbit ang aking sandals.


Maingat na pinihit ko ang doorknob ng kuwarto ni Kuya Vien. I-chi-check ko lang kung ano ang ginagawa niya. Pagsilip ko ay patay ang ilaw sa loob. Nasa kama si Kuya Vien at nakatalukbong ng kumot. May maliit na liwanag na mula sa phone niya. Mukhang pinapanood siya habang nakatalukbong. 


Marahan ko na ulit isinara ang pinto ng kuwarto ni Kuya Vien. Sa kuwarto nina Mommy at Daddy ako sunod na pumunta. Naka-lock ang pinto kaya idinikit ko na ang aking tainga sa pinto. Napakatahimik sa loob. Mukhang maaga silang natulog.


Bumaba na ako sa hagdan. Sobrang dahan-dahan ang aking hakbang para makaiwas lumikha kahit kaunting ingay. Paglabas ko ay sinenyasan ko agad ang aso namin sa labas na si General para wag itong tumahol. Mabuti at wala rin sa mood tumahol ang aso kaya tiningnan lang ako nito.


Madilim sa bandang gate kaya hindi ako kita nang pumunta roon. Hindi na ako nag-abalang buksan ang gate dahil malamang na kahit anong ingat ay tutunog ang bakal. Mababa lang naman ang aming bakod at naka-pants naman ako kaya inakyat ko na lang.


Madilim sa labas dahil malayo kami sa poste ng ilaw. Kinabahan ako dahil baka napaaga ang labas ko at wala pa si Isaiah. Puwede ring baka hindi niya pa makita kung saan banda itong amin. Nag-pa-panic ako sa pag-iisip nang mula sa kanto ay may lumiwag. Ilaw ng headlights ng motor.


Kumurap-kurap ako. May nakaparadang motor sa gilid ng kalsada. May nakasandal doon na matangkad na lalaki na kahit bahagyang madilim ay nakilala ko pa rin. Nagsimula siyang humakbang patungo sa akin.


Isaiah...


T-shirt at jeans ang suot niya. Nakasombrelo. Sa dilim ay kumikinang ang silver niyang hikaw sa kaliwang tainga. Narinig ko ang masuyong boses niya, "Halika na?"


Napatingin ako sa motor niya. Aangkas ako roon? Okay lang ba? Naghihintay naman si Isaiah sa akin. Natatakot ako na magtagal pa kami rito at may makakita pa sa kanya na kapitbahay.


Atubili ako pero sa huli ay wala namang ibang pagpipilian kaya marahang tumango na ako. Ang helmet na nasa upuan ng motor ay maingat na ikinabit niya sa akin. Sa umpisa ay nag-aalangan pa ako na isuot niya iyon sa akin. Hindi naman amoy pawis ang helmet kundi amoy shampoo. Mabango...


"Ikaw?" mahinang tanong ko. Iisa lang kasi ang dala niyang helmet. 


"Okay na 'to," tukoy niya sa suot na sombrelo. "Pero next time, magbabaon na ako ng extra helmet."


Next time? May next time ba?


Pagsakay ko sa motor ay kandalunok ako. Sa motor lang ni Daddy pa lang ako nakakaangkas. Ito ang unang beses kay Isaiah. 


"Vi, hawak ka mabuti."


Humawak naman ako sa matigas na balikat niya. Napaigtad siya.


"Wag diyan, me kiliti ako diyan. Bewang na lang."  


"Ah, s-sorry..." Inilipat ko ang kamay ko sa bewang niya. 


Inayos niya ang kamay ko patungo sa kanyang may bandang sinturon. Siguro para hindi direktang sa katawan niya ako mapahawak. Umusod din siya bandang unahan para magkaroon kami ng espasyo sa pagitan. Balewala sa kanya kahit parang hirap siya sa posisyon.

"Vi?" Bahagya niya akong nilingon bago ini-start ang motor. "First time mo ba? Wag kang matakot, dadahan-dahanin ko para di ka mabigla."

 

Totoo naman ang sinabi ni Isaiah. Dahan-dahan nga ang pagpapatakbo niya sa motor. Hindi niya inintindi na mali-late siya sa program. May espasyo pa rin sa pagitan namin kahit pa siksik na siya sa unahan. Ang inakala kong nakakailang na biyahe ay komportable naman ang kinalabasan.


Habang nag-da-drive ay panay ang pangungumusta niya sa akin kung okay lang ba ako. Hiyang-hiya ako kasi kulang na lang ay huminto pa kami para lang ma-i-check niya ako. 


Pagkarating namin sa Malabon ay ipinarada niya ang kanyang motor sa tapat ng simbahan. Ibinulsa niya ang susi sa suot na pantalon. Ngayon ko lang nabistahan ang suot niya, nakapula rin pala siya. Plain red shirt at jeans. White sneakers sa paahan. Ang sombrelo niya ay itim. Ang tanging accessory niya ay ang makinang na silver earring.


"Oks ka lang?" tanong niya na naman. 

 

Tumango ako. "Oo..."


"Very good!" Niyaya niya ako sa tindahan muna. Naglabas siya ng purse mula sa bulsa.


Ibinili niya ako ng mineral water. Kaunti lang naman ang nainom ko dahil hindi naman ako nauuhaw. Ang tira ko ay siya ang umubos. Nilaklak niya. Bumili rin siya ng mint chewing gum.


Sa may tent ng mga kasali sa battle of the bands ako dinala ni Isaiah. Nandoon ang mga kaibigan niya at kabanda. Mga nakaitim na t-shirt ang mga ito kaya nagtataka ako. Bakit siya lang ang nakapula? Dahil ba siya ang leader nila?


Ang isa sa kaibigan niya na si Miko ay gigil sa hawak na phone nang lapitan kami. "Isaiah, iyong pinsan mo, wala pa! Text kanina OTW, nakabalik ka na rito pero wala pa rin, pota!"


Sakto na pumasok sa tent ang isang lalaki at isang babae. Ang lalaki ay ang pinsan ni Isaiah na si Arkanghel at ang kasama nito ay si Zandra. Si Zandra ay may dala-dalang paperbag ng mga chips. "Hello, guys! Dito na kami ni Arki and we have pasalubong for ya'll!"


Nakasimangot pa rin naman si Miko nang salubungin si Arkanghel. "Sabi mo OTW ka na kanina, tangina neto bokter!"


Si Arkanghel ay kalmado lang, "OTW naman talaga. On the water."


Akmang may sasabihin pa si Miko kay Arkanghel nang paghahampasin ito ni Zandra sa likod. 


Kandaungol naman si Miko, "Ahhh, harder!!!" 


"Bastos ka talaga, Miko!" sigaw ni Zandra dito. "You're sooo kadiri! Ew! Yuck!"


"Sorry, ang gulo ng tropa ko," hingi ng pasensiya naman ni Isaiah sa akin. Makikita sa kanya na nahihiya siya. 


Tipid na ngumiti ako para mapagaan ang loob niya. "Okay lang..." Kahit ang totoo ay nawiwindang ako sa klase ng biruan nila. Hindi naman kasi ako sanay na makisalamuha sa ibang tao, lalo sa mga lalaki. Sinikap ko pa rin na maging normal lang ang ekspresyon para hindi naman sila sa akin mailang.


Ipinatawag sila para sa meeting. Nauna nang lumabas ang mga kaibigan ni Isaiah.


"Sandali lang, meeting lang kami, ah?" paalam niya sa akin. Parang ayaw niya pa akong iwan.


Naiwan ako na kasama si Zandra sa tent. Mukha sosyal at mataray ang babae pero kinakausap ako nito, "Viviane Chanel, right? Vivi for short? You have a cute name. By the way, I am Zandra. Kayo na ba ni Isaiah? Alam mo, mabait iyon. Parang pinsan niyang si Arkanghel, mabait din."


Tipid na ngiti lang ang naisagot ko sa kanya.


Madaldal siya at patuloy pa rin sa pagkausap sa akin, "Ilang taon ka na pala, Vivi? Matanda ako sa inyo ng 1 year pero kaedad ko si Arkanghel."


"Mag 18..." mahina kong sagot.


Maarteng kumurap-kurap ito. "Ohhh, really, Vivi? When?"


"N-next week..."


"Wow! Really?!" Pagbalik nina Isaiah ay ipinamalita agad ni Zandra. "Guys, OMG! Mag-de-debut pala itong GF mo Isaiah! Invited ba kami?!"


Si Miko ang sumagot kay Zandra, "Oo kasali ka raw sa 18 Dishes. Dala ka saliri mong Joy Ultra."


Sumabat din si Asher, "Sali ko, 18 Guns Salute!"


"Mga gago. Tumigil nga kayo," saway ni Isaiah sa mga kaibigan at pagkatapos ay nilapitan ako. "Wag mo na lang pansinin. Maloloko lang talaga mga 'yan, pero mababait 'yan."


Tipid na ngumiti lang ulit ako. Unti-unti ay nasasanay naman na ako. Mukha naman talagang mababait ang mga kaibigan niya. Parang siya...


Bago mag-start ang program ay ibinili ako ni Isaiah ng bagong mineral water at tatlong pirasong Fudgee bar dahil baka gutumin daw ako. Nasa paper bag ang mga iyon. Pawisan na siya sa kakabalik-balik pero parang balewala lang iyon sa kanya.


Pinapunta na ako ni Isaiah sa audience. Doon daw ako sa may harapan kasi reserved iyon para sa mga in-invite ng mga kasali sa tugtugan. Ipakita ko lang daw ang ticket ko. Sila naman ay pupunta na sa backstage.


Sa unang linya ng mga upuan ay natanaw ko ang babaeng nakakulay pula na maiksing jumper. Sa loob ng jumper ay itim na sleeveless. Pula rin ang high cut na sapatos. Para itong manika. Si Carlyn na kaibigan ni Isaiah. Boo ito nang boo sa unang banda na ngayon ay tumutugtog.


Lumapit ako at sa tabi niya naupo. "Puwede bang umupo rito?"


Inismiran niya ako. "Nakaupo ka na, nagpapaalam ka pa?"


Nagulat ako pero sandali lang. Habang tumatagal ay nasasanay na ako kay Carlyn. Sa tingin ko ay mabait naman siya kahit pa sinisikap niya na pangatawanan ang pagiging suplada. Hindi ko rin mapigilan ang simpleng paghanga sa kanya. Ang ganda-ganda niya kasi talaga. Nakakainggit din ang taglay niyang kumpyansa sa sarili.


Nang tawagin na ang banda nina Isaiah ay pumalakpak at nagsisisigaw si Carlyn sa kinauupuan, "Whooo! Ang guguwapo!"


Lihim akong napangiti. Nakakainggit talaga siya sa lahat ng aspeto. Kung siguro ay mayroon din akong lakas ng loob na katulad ng kanya ay gusto ko rin sanang i-cheer ang banda ni Isaiah.


Marami rin iba pang nag-cheer. Karamihan ay mga kababaihan. Mga schoolmates namin at ang iba ay mga taga ibang school. Napakaingay ng lahat. Masasaya at excited lahat habang ako ay tila tuod dito na sinasarili sa loob ang kaba at excitement.


Sa bandang gilid ng baba ng stage ay naroon si Zandra. Kumukuha siya ng pictures nina Isaiah gamit ang dala niyang camera. Sumisigaw rin siya minsan, "Go guys! Go, Arkanghel baby!"


Si Isaiah ang pumuwesto sa gitna dahil siya ang vocalista ng banda nila. Humawak siya sa microphone. "Mic test..." malamig at buo ang boses na sambit niya na nagdulot ng init sa aking dibdib.


Lalong lumakas ang tilian ng audience. May sumigaw pa sa likuran namin, "Isaiah, anakan mo ko lima!"


Gigil na nilingon ito ni Carlyn. "Mabaog ka sana, malandi ka!"


Natigil nang kaunti ang ingay nang magsalita si Isaiah sa microphone. "Hi! Good evening, Malabon, General Trias, Cavite! We are the Backslide Band from Barangay Pasong Kawayan Dos. Bago ang lahat, gusto kong i-dedicate ang kanta ng banda ko sa napakaimportanteng babae na ngayon ay naririto."


Napalunok ako sa kinauupuan.


"This is for you..." Ang mga mata ni Isaiah ay humanap sa mga audience at huminto sa aking kinaroroonan na naging dahilan ng pagkahugot ko sa aking paghinga. "I love you. Please be my girl... Viviane Chanel."


Umugong ang sigawan at tilian sa paligid pero hindi naibaon ng ingay ang ingay sa loob ng dibdib ko. Nang magsimula na silang tumugtog ay nakatitig na lamang ako sa stage.


Dumilim na ang paligid at nagsimula nang paluin ng drummer nila na si Arkanghel ang drums at nagtipa sa hawak na electric guitar sina Miko at Asher.


Pumailanlang na ang malamig at masuyong boses ni Isaiah sa buong plaza, "'Di ko maintindihan ang nilalaman ng puso. Sa tuwing magkahawak ang ating kamay, pinapanalangin lagi tayong magkasama. Hinihiling bawat oras kapiling ka..."


Kumakanta rin si Miko pero mas nangingibabaw sa akin ang boses niya. Maging ang mga titig niya na tumatagos sa kaluluwa. 


Sa lahat ng aking ginagawa, ikaw lamang ang nasa isip ko, sinta... Sana'y di na tayo magkahiwalay kahit kailan pa man...

Nakahawak ako sa aking dibdib habang nakatingala kay Isaiah. Mainit na mainit ang aking pisngi sa buong sandali.


"Ikaw lamang ang aking minamahal... Ikaw lamang ang tangi kong inaasam..." Habang kumakanta siya ay sa akin lang siya nakatingin. "Makapiling ka habang buhay, ikaw lamang, sinta. Wala na kong hihingin pa. Walaaa naaa..."


Natapos na ang kanta nila pero parang ayaw pang umalis ni Isaiah sa stage. Nakatingin pa rin siya sa akin na para bang ako lang ang tao rito. Kung di pa siya hinila ni Arkanghel sa kwelyo ay di pa siya aalis sa harapan ng microphone. 


Nang mag-announce na ng winners ay first runner up ang banda nila Isaiah. Hindi masaya ang mga kaibigan niya na hindi sila ang champion. Nasa baba na sila ng stage at nagsisialisan na rin ang mga tao dahil tapos na ang program.


"Olats!" OA na sambit ni Miko. "Kasalanan ito ni Zandra! May balat sa pwet! Ba't kasi sinama mo pa 'yan, Arkanghel e!"


"Excuse me! Wala akong balat sa butt!" Binato ito ni Zandra ng takip ng bote ng mineral. "At wag mo ngang laging inaaway si Arki baby ko!"  


Si Asher ay gusto pang sumugod sa kabilang banda, "Tangina e ano kung talo? Paguwapuhan na lang o!"


Napigilan ito ni Arkanghel at hinila para kutusan. "Nagrereklamo ka pa, bakit noong practice ba um-attend ka?!"


Napamaang naman si Miko. Sabu-sabunot ito ngayon ni Zandra. "Hala, may practice ba?"


"Wala," si Isaiah ang sumagot.


"E wala naman pala!" Gumanti ng kutos si Asher kay Arkanghel.


Kinatok ni Arkanghel ang baba niya matapos siyang makutusan. "Iyon nga, wala tayong practice kaya wag tayo magreklamo."


"Si Mayora Carlyn, nasaan na?" tanong ni Miko nang mapansin na wala ang kaibigan nilang babae. Hinanap nila si Carlyn. "Nandiyan iyon kanina, ah! Luh, gago! Baka nadaanan ng nangunguha na van!"


Wala na nga si Carlyn. Sa sobrang pagkahulog ko sa pagkakatulala kanina ay hindi ko napansin kung kailan umalis ang babae.


"Gutom ka?" tanong ni Isaiah sa akin nang maiwan kaming dalawa. Naglalakad kami palayo sa stage.


Umiling ako. "Ikaw, gutom ka na ba?" tanong ko rin. Baka kasi napagod siya sa pagtugtog nila.


Natigilan siya sandali sa tanong ko pero pagkuwa'y napangiti. Gayunman, hindi naman sumagot.


Nagsimula nang patayin ang mga ilaw sa paligid. Nagliligpit na rin ng mga upuan. Dinala ako ni Isaiah sa gilid ng plaza at naupo muna kaming dalawa sa bakal na bench na naroon. Pagkaupo namin ay humangin. Napapikit ako at napahawak sa aking kaliwang mata. "Ah!"


"Bakit, bakit?" alalang tanong naman niya. Yumuko siya agad sa akin.


"W-wala." Hindi ko maidilat ang isang mata ko dahil napuwing.


"Gagi, anong wala? Patingin!" Hinawakan niya ang mukha ko at iniharap ako sa kanya.


"O-okay lang ako. Napuwing lang," nahihiyang sabi ko kasi ang lapit-lapit namin sa isa't isa. Nalalanghap ko na mainit at amoy mint niyang hininga.


"Anong okay? Paano kung mabulag ka? Shet, 'di mo na ako makikita!" Pinalis niya ang kamay ko.


Hiyang-hiya ako pero hindi ko naman siya mapigilan. Hinihipan niya ang mata ko kung saan napuwing. Kung nasa malayo ang makakakita sa amin ay iisipin na kung ano ang aming ginagawa rito, lalo pa't hindi naman niya ako agad binitiwan.


"Okay na, Vi? Masakit pa?"


Umiling ako. "Okay na. S-salamat..." Ramdam ko ang pagapang ng pamumula sa aking mukha at leeg. 


"NP."


"Ha?"


Bumungisngis siya. "No problem."


Palapit sa amin ang mga kaibigan niya. Exagerated ang reaksyon ng mga ito nang makitang hawak ni Isaiah ang kamay ko. Si Miko ay napatakip pa ng mata. "Ew, porn!"


"Una na kami," paalam ni Arkanghel. "Tumawag si Mama e, pinapahatid si Zandra sa kanila."


Nag-fist bump sina Isaiah at si Arkanghel pagkatapos ay umalis na ang huli. Nakabuntot dito si Zandra. Naiwan naman sina Miko at Asher.


"Wala si Mayora. Di namin makita." Ang tinutukoy ni Asher na mayora ay si Carlyn. "Tinatawagan ko kaya lang patay naman ang CP. Tangina, nagpa-load pa man din ako pangtawag." 


Sandali na tumambay muna ang mga ito. Si Miko ay nag-vape sa gilid. Nakatitig ako sa usok na lumalabas sa bibig nito. Ang ini-expect ko na mararamdaman ay pandidiri at pagkairita, pero walang ganoon. 


Si Asher naman ay ginamit na lang ang load sa pagtawag sa kung sino mang kausap nito ngayon. Naka-squat ito sa harapan namin habang masaya sa katawagan sa phone. 


Habang nakamasid sa kanila ay hindi ko namalayan na nalilibang na pala ako. Lumilipas na ang mga minuto. 


Si Miko ay napatingin kay Isaiah na sa sandaling ito ay sa akin pala nakatingin. "Saya ni Boss Isaiah, ah?"


Ibinulsa ni Asher ang hawak na phone. "Pero Vi, ang lungkot niyan kanina. Akala mo namatayan. Parang ayaw na nga tumugtog kanina."


Nilingon ko si Isaiah. 


"Oo, di 'yan mapakali kanina. Akala kasi di ka na pupunt—" Tiningnan ito ni Isaiah. Nagbawi agad ng statement si Miko. "Malungkot siya kasi nalampasan siya ng taho kaninang umaga."


Pigil ang ngiti na yumuko ako.


"Alis na rin pala ako," paalam ni Miko nang mag-beep ang phone nito. "Pauwi na pala mommy ko. Pagod iyon sa work pero hindi makakatulog kapag wala pa ako sa bahay namin."


Nagpaalam na rin si Asher dahil hahanapin daw si Carlyn. Pag daw hindi nakita ay pupunta ito sa mismong bahay ng babae para i-check kung bukas na ang ilaw sa kuwarto nito.


Sa totoo lang, cute sila. Noong una lang talaga ay parang mga estudyanteng walang alam gawin kundi magpasaway. Sina Asher at Miko ay akala ko'y masasama at walang alam gawin kundi mambabae. Sa nakikita ko ngayon ay alam naman nila ang kanilang limitasyon. Kapag kaibigan ay hindi nila tinatalo. 


Makukulit din sila pero hindi mga bastos. Solid ang pagkakaibigan nila kahit pa madala nilang pikunin ang isa't isa. Katulad ni Isaiah, hindi rin ikinakahiya ang respeto at pagmamahal nila sa kani-kanilang magulang. 


Pagkaalis nina Miko at Asher ay kami na lang ulit ni Isaiah ang naiwan. Nagtagal pa kami ng ilang minuto na magkatabi sa bakal na bench sa plaza. 


Tahimik lang kami. Hindi ako nagsasalita at hindi rin naman siya. Para bang ayos na iyong basta magkatabi kami. Patingin-tingin lang sa mga nagdaraan at sinasamyo ang malamig na hanging panggabi.


Nakakatuwa na akala ko kanina'y hindi ako mapapakali sa pag-aalala pero hindi iyon nangyari. Ni hindi ko nga naisip kahit minsan na baka nalaman na sa amin na wala ako. Wala akong takot at kaba na nararamdaman. Sa kauna-unahang pagkakataon, naramdaman ko ang kalayaan.


Nag-enjoy ako. Hindi ko rin inaasahan pero nag-enjoy ako. Ito ang unang gabi na lumabas ako pero siksik ang karanasan. Nakakagulat dahil masaya ako. Totoong masaya.


Nang lingunin ko si Isaiah ay payapa ang mukha niya habang nakasandal siya sa sandalan ng bench. May espasyo sa pagitan namin at nararamdaman ko naman sa kanya na wala siyang balak sakupin iyon. At kahit nang angkas ako sa motor niya kanina ay hindi rin siya nagtangka na mag-take advantage sa sitwasyon.

"Tara na?" yaya ni Isaiah nang palalim na ang gabi. Tumayo na siya at nakangiti na tumunghay sa akin. "Hatid na kita. Baka hinahanap ka na sa inyo."  


Ang pagganti sa ngiti niya ay naging natural na lang din sa akin. Tumayo na ako. Sabay kaming naglakad patungo sa kinapaparadahan ng motor niya.


Siya ulit ang maingat na nagkabit sa akin ng helmet. Hindi na rin ako nakipagtalo na magko-commute na lang dahil una, mas nakakahiya na mangutang sa kanya ng pamasahe kaysa umangkas sa motor niya. 


Mas magaan ang biyahe namin sa pagkakataong ito. Nakahawak ako sa bewang niya pero may espasyo pa rin. Marahan pa rin at maingat ang pagpapatakbo niya. Kinukumusta niya pa rin ako maya't maya. Ang payapa ng aking pakiramdam habang nakaangkas sa kanya. Napapapikit pa ako dahil sa malamig na haplos ng hanging panggabi.


Para bang nanghinayang pa ako nang malapit na kami sa Buenavista. Nang matanaw ko na ang bahay namin ay kakatwang bumigat ang aking pakiramdam.  


"Thank you." Bumaba na ako sa motor. "Alis ka na."


"Pumasok ka muna saka ako aalis."


"Umalis ka na nga, Isaiah..."


"Sige. Goodnight, Vi..." Ang lungkot ng mga mata niya nang itaas ang kaliwang kamay para marahang kumaway sa akin.


Tumango ako at tumalikod na. Nakikiramdam ako. Nasa likod ko pa rin si Isaiah at alam ko na may pagtatampo siya dahil pinapaalis ko na siya. Maliit akong napangiti. Kahit hindi ko siya nakikita ay na-i-imagine ko ang lamlam ng mga mata niya at ang kanyang pagkakalabi.


Papasok na ako sa gate nang humarap ulit ako sa kanya. "Isaiah..."


Palagay na siya ng helmet sa ulo nang lingunin ako. "Ow?"


Napalunok ako. Huminga ako nang malalim saka binitiwan ang mga salita na kanina ko pa pinag-isipan nang mabuti na sabihin sa kanya, "Isaiah, tayo na. Sinasagot na kita..."


JF


Bạn đang đọc truyện trên: ZingTruyen.Xyz