Chapter 18
Wala siyang imik hanggang makauwi kami. Kung pwede ko lang hilingin na kainin na ako ng lupa, ginawa ko na. Ramdam ko ang galit niya, pero hindi siya nagsasalita.
Hindi rin ako makapagsalita dahil sa pagkabingi ko sa lakas ng kabog ng sarili kong dibdib. Kinakabahan ako sa iniisip niya. Seryoso siya habang nagmamaneho at panaka-naka kong napapansin ang pagtunog ng mga buto niya sa kamao at pagtatagis ng kanyang mga ngipin.
Nakakatakot siya dahil hindi siya nag-aalinlangan na manakit kapag galit siya. Binaril niya si King! Wala siyang pag-aalinlangan ng gawin niya iyon. Binaril niya nang dalawang beses, pati ang kasama nito!
Natatakot ako sa pwede niya pang gawin at kaya niya pang gawin. Hindi sana madamay si Calder. Hindi ko alam ang pwede niyang gawin ngayon na alam niya na ang nangyari.
Bakit kasi ang daldal ko? Bakit hindi ko muna sinigurado kung sino ang kasama ko?
Baka anong gawin niya kay Calder...
Pagkahinto ng kotse sa garahe ay nauna siyang bumaba. Umikot siya papunta sa passenger's side at pinagbuksan ako ng pinto.
"S-salamat..." Hindi ako makatingin sa kanya nang diretso.
Hinawakan niya ako sa siko at inalalayang makababa. Nasamyo ko pa ang amoy ng mamahalin niyang pabango. Pumikit ako nang mariin saka nagpakawala ng buntong-hininga dahil sa abot-abot na kaba.
Hanggang sa pinto ng mansiyon ay hindi niya ako binitawan. Sana lang ay hindi niya mapansin ang panginginig ko dahil sa pagkakahawak ng mainit niyang palad sa balat ko.
"Hi, Ganda!" Lumabas mula sa kusina si Ate Minda. Natigilan ang babae ng makitang kasama ko si Uncle Jackson. "Ay, Sir! Nandito na po pala kayo!"
"Get her a first aid kit."
"Po?" Napatingin sa akin si Ate Minda. At agad na bumaba ang paningin niya sa braso ko na hawak pa rin ni Uncle Jackson.
"Treat her bruises." Saka palang niya ako binitawan.
Nang makaalis si Ate Minda para kumuha ng ipinapakuha niya ay lakas loob na tiningala ko siya. "K-kaunti lang n-naman ang mga gasgas... H-hindi rin naman malala..."
Hindi ako pinansin ni Uncle Jackson. Blangko ang mga mata niya at ni hindi siya tumitingin sa akin.
"Ito na po, Sir!" Bumalik si Ate Minda at agad na lumapit. "Bakit may gasgas ka, Ganda? Anyare sa 'yo?"
Nanlulumong tiningnan ko si Ate Minda. "Okay lang po ako, 'te. Sorry po. Aakyat na ako sa kuwarto ko..."
"Hindi ka ba muna kakain? Tumawag ang uncle mo kanina e, nagpaluto ng marami kasi magdidinner kayo pag-uwi niyo. E teka, bat umalis nga pala iyon? Akala ko sabay kayong kakain ngayon?"
Umiling ako. Limot ko ang pagod at gutom nang umakyat ako sa hagdan patungo sa second floor. Nanginginig ako sa bawat hakbang ko at kusa ring tumutulo ang mga luha ko kahit anong pigil ang gawin ko.
Sino ba ang hindi magagalit? Nagsinungaling ako kahit nangako ako na hindi ako maglilihim sa kanya. Hindi counted na ayoko lang ng gulo kaya hindi ko sinabi sa kanya ang totoo. Ang counted dito ay kahit bali-baliktarin ang mundo, naglihim at nagsinungaling pa rin ako.
Pagkapasok sa kuwarto ay malungkot kong tinitigan ang phone ko. Nanlaki ang mga mata ko nang maalala ko ang iba kong sinabi bago ko marealize na si Uncle Jackson ang kasama ko kanina.
Natutop ko ang aking bibig. Alam niya na. Alam niya nang may feelings ako kay Calder. Kahit pa sabihing one sided lang iyon, natatakot pa rin ako na baka pag-isipan niya nang masama ang aking bodyguard. Madadamay pa si Calder dahil sa kapusukan ko!
Agad akong nag-type sa screen ng cell phone ko. Nagpa-panic na isinend ko agad ang message kay Calder. Maigi nang malaman niya ang nangyari, para maging handa siya sa kung ano man. Gusto ko ring humingi ng sorry sa kanya.
ME:
We need to talk. Si Uncle Jackson ang sumundo sa akin kanina at may nangyari sa school. Kinakabahan ako dahil binaril niya sa magkabilang tuhod ang dalawang schoolmates ko.
Sinubukan ko na siyang tawagan para lang marinig ang boses ng operator. Patay ang phone niya. Bagsak ang balikat na napaupo ako sa gilid ng kama.
Masyadong mahaba ang gabi kahit pa kulang na kulang ang tulog ko dahil sa pag-aalala. Maaga akong bumangon at naghanda sa pagpasok sa school. Kinakabahan ako sa dadatnan ko sa school pero mas gusto kong pumasok kaysa nandito ako sa bahay at clueless sa mga mangyayari. Isa pa, natatakot pa akong magkaharap kami ni Uncle Jackson. At kailangan ko rin talagang makausap si Calder. Kailangang-kailangan!
Si King, kumusta na kaya? Buhay pa ba?
Nanlamig ako sa pag-alala sa nangyari kagabi. Sa tuhod lang yata o sa hita siya binaril, hindi naman siguro siya mamamatay agad. Sana lang ay hindi siya maubusan ng dugo. Kahit galit ako sa kanya, hindi ko rin naman gustong tuluyang may mangyaring masama sa kanya.
"Si Olly? Alam niya na kaya ang nangyari kina King?" Agad kong ichineck ang Facebook ni Olly.
Wala namang kakaibang post nong puntahan ko ang timeline niya. Wala rin siyang message sa akin sa inbox ko. Sunod kong binisita ang timeline ni King, wala rin. Bakit ganon?
Tumunog ang phone ko. Nag-text si Ate Minda.
ATE MINDA:
Goodmorning! Gising ka na? Baba ka na, Ganda.
Dahil hindi ako naghapunan kagabi ay gutom na gutom ako pagbaba ko sa hagdan. Hindi na ako umaasa na may dadatnan akong pagkain dahil malamang na wala. Siguro walang almusal. Siguro walang pagkain hanggang mamayang gabi. Possible din na ipa-cut niya ang mga cards ko.
Nagti-think negative na ako para hindi ako mabigla sa mga parusa na pwede niyang ipataw sa akin na alam ko namang deserve ko.
Mabuti na lang at may kakaunti akong tirang cash, pwede na siguro iyon para makakain ako sa school. O kaya ay uutang na lang ako kay Calder.
"Hi, Ganda!" Sinalubong ako ng naka apron na si Ate Minda. "Tara na sa hapag, kakain na."
"Ha?" Biglang kumalam ang tiyan ko pagkarinig ko sa salitang "pagkain".
Wala sa sarili na sumunod ako sa kanya dahil may naaamoy rin akong mabango na nagmumula sa dining room.
"Tsaran!" Huminto si Ate Minda at namewang sa gilid ng mahabang dining table. "Fiesta na naman!"
Napatunganga ako sa dami ng pagkain sa mesa nang makarating kami sa dining table. Ang daming klase ng ulam, pastries, prutas at desserts.
"At syempre, puyat na naman ang sangkabahayan sa paghahanda."
Naluluhang nilapitan ko ang mesa na puno ng pagkain. "B-bakit maraming pagkain, 'Te Minda?"
"Bago umalis ang uncle mo, pinaluto niya lahat iyan. Kumain ka nang marami dahil para sa 'yo lahat 'yan. 'Wag kang mag-alala sa tira, marami kaming nakaabang."
"Minda!"
"Ay, Mrs. Cruz!" Napatiklop si Ate Minda nang dumating ang masungit na mayordoma.
"Napakadaldal mo," sita sa kanya ni Mrs. Cruz pagkuwan ako na ang hinarap ng babae. "Kumain ka nang hindi masayang ang pagod ng mga naghanda niyan."
"Opo..."
"Sige, Ganda." Umusod siya sa akin at simpleng bumulong. "Saka palike pala nong profile picture ko pag mag-online ka, ha? Nagpalit kasi ako kagabi."
"Okay." Naupo na ako pag-alis nila.
Mag-isa lang ako sa hapag habang kumakain. Puno ng tanong ang mga isip ko habangko habang ngumunguya; gaya ng bakit imbes na parusahan ako ni Uncle Jackson ay ganito pa ang nadatnan ko? Ayoko sanang mapraning pero nakakapagtaka lang talaga.
Baka naman para akong bihag na pinapataba lang dahil sa huli ay kakatayin pala?
Muli akong sumandok ng kanin at dalawang klase ng ulam. Inabala ko ang sarili sa pagkain habang patingin-tingin sa screen ng aking phone. Wala pa ring reply si Calder sa mga messages ko, pero sigurado namang nandon na iyon ngayon sa garahe at naghihintay sa akin.
Binilisan ko ang pag-ubos ng pagkain sa aking plato saka ako tumayo. Saktong balik ni Ate Minda na may dalang tray na may bandehado ng umuusok na tila soup. "O tapos ka na?"
Tumango ako at tumingin sa wall clock. "Mali-late na e."
"Ah, sige. Sayang lang di mo na matitikman itong soup. Gawa 'to ni Mrs. Cruz e, baka magtampo ang majonda sa 'yo."
Nginisihan ko siya. "Initin na lang mamayang gabi."
"Siya, sige. Mukhang hindi rin naman to yummy!" Bumungisngis siya. "Ingat at goodluck sa eskwela. Hi mo na lang ako kay Calder!" pahabol niya pa.
Bitbit ang bag na lumabas ako ng mansiyon. Mabilis ang mga hakbang ko papuntang garahe, ngunit kusa iyong bumagal nang makitang ibang tao ang naroon. At ang Camaro na ginagamit ko sa pagservice sa akin sa school ay nakacover sa likuran ng lalaking naroon na may dalang mga envelope.
"Good morning, Miss Fran," bati ng tingin ko'y nasa mid 40's na lalaki. Isa ito sa mga driver dito sa mansiyon. Ipinatong nito ang dalang mga envelope sa hood ng kulay itim na SUV na naririto rin sa garahe. Inayos lang nito ang suot na jacket saka muling dinampot ang mga envelope.
"Bakit nakacover pa po iyong kotse?" Inginuso ko iyong Camaro sa likod niya.
"Ah, pinalinis po kasi 'yan ni Boss kaninang madaling araw."
"Pakialis na iyong cover kasi mali-late na po ako sa school," magalang na utos ko sa kanya. "At nasaan na po si Ca-Kuya Calder?"
"Si Knight po? Wala siya rito, Miss Fran. Kanina ko pa nga siya hindi nakikita."
"E sino pong maghahatid sa akin? Ikaw po?"
"Hindi ko po kayo mahahatid dahil may utos po sa akin si Boss. May ihahatid akong documents sa office, Miss Fran."
"Pero papasok po ako..."
"Ay, hindi ka raw muna papasok ngayon, Miss Fran."
Napalingon ako sa nagsalita. Ito iyong dating pumalit na driver kay Calder noon.
"Ano? Sino nagsabi niyan sa 'yo?"
Nagkamot ito ng batok. "Si Boss po."
Ang isang driver naman ay pumasok na sa driver's seat ng SUV, bitbit ang mga dadalhin daw nitong documents sa kompanya ni Uncle Jackson.
"Bakit hindi ako papasok?" Nanghihina ako sa sinabi niya. "Hindi pwedeng hindi ako pumasok, Kuya. Please po, ihatid niyo ako sa school."
"E ayoko pong mawalan ng trabaho, Miss Fran. Pasensiya na kayo pero ayokong suwayin ang utos ni Boss."
Uminit na ang ulo ko sa kanya. "Nasaan si Calder?!"
"Maaga pong umalis, may inutos po si Boss sa kanya."
Utos? Anong utos? Bumilis ang tibok ng puso ko sa pagka-praning. "Anong dalang sasakyan, Kuya?"
"Nakabig bike po."
Kahit kailan ay hindi umalis si Calder ng mansiyon na walang dalang kotse. Bakit siya nakabig bike? Saan siya pupunta? Anong utos ang ibinigay sa kanya ni Uncle Jackson?!
Madali akong bumalik sa mansiyon. Wala, kahit anong gawin ko, hindi na ako makakapasok sa araw na ito. Anong laban ko kung pipigilan ako ng mga guards sa labas kung magpumilit man akong umalis?
Hindi sila makikinig sa akin dahil hindi naman ako ang kanilang amo. Napaiyak na ako habang naglalakad. Kahit si Ate Minda na nakasalubong ko sa daan ay hindi ko na pinansin noong tinawag niya ako.
Pagkapasok sa kuwarto ay inilabas ko agad ang phone ko at tinawagan si Calder. Katulad kagabi ay patay pa rin ang phone niya kaya wala akong choice kundi itext na lang siya nang itext at umasang mababasa niya ang mga messages ko sa kanya.
[ Message 1 ] ME:
Calder, nasaan ka? Bakit patay ang phone mo? Kagabi pa kita hindi macontact. Pls message me.
[ Message 2 ] ME:
We need to talk. Natatakot ako dahil alam na ni Uncle ang nangyari nong gabing isinama ako ni Olly.
[ Message 3 ] ME:
Nasaan ka? Bakit hindi ka nagrereply?!
Nang biglang magring ang phone ko. Sa gulat ko ay sinagot ko agad iyon without checking kung sino ang caller.
"Hello, Fran?" Boses ni Olly. "Hello, Fran? Nandiyan ka ba?"
"Y-yes..."
"Why are you absent today? Alam mo na ba ang balita?"
"A-anong balita?"
"Nagkakagulo ang mga prof and students kanina. May kumakalat na balita kasi na magsasara na ang DEMU."
Natigilan ako at sandaling napatulala. Hindi naman niya siguro kagagawan ito... hindi naman siguro...
"Sad, right? Ang mahal-mahal ng tuition fee 'tapos hindi naman pala matibay ang school na ito." Dinig na dinig ko pa ang pag-ismid ni Olly. "'Dami palang case ng school, at lahat iyon, nireopen bigla ng kung sino. Delikado na talaga. Mukhang pababagsakin talaga ang school. What a shame, right?"
Nanginginig ako habang nakikinig kay Olly.
"So Fran, kung magsara ang Don Eusebio Mariano University, saan ka lilipat ng school? Gusto ko sana same university pa rin tayo e."
Hindi ko na siya nasagot dahil nabitawan ko na ang phone ko sa sahig. So ito? Ito ang parusa ko?
JF
Bạn đang đọc truyện trên: ZingTruyen.Xyz