Chapter 24
NAKAYAKAP PA RIN SI ASHER SA AKIN.
Parang sawa na nakalingkis sa bewang ko habang matalim ang mga mata kay Rio. Pero lumalambing at umaamo ulit ang kislap ng mga mata kapag muling tumitingin sa akin.
"Alis na, Rio," utos ko sa lalaking pabangon na mula sa pagkakalugmok sa sahig. Gusto ko na magsilbing aral dito ang nangyari.
Duguan pa ang bibig ni Rio nang pagewang na tumayo. Ang mga mata ay puno ng pait habang nakatingin sa amin ni Asher. Lumabas ito ng aking kuwarto na hindi ko inaalala kung magsusumbong ito. Kilala ko ito. He would never do that.
Nang kami na lang ni Asher ay hinaplos ko ang kanyang ulo. "Good job." Nakangiti naman siya sa akin.
Gusto ko sana siyang pagalitan dahil nasobrahan ang ginawa niya kay Rio, pero hindi na lang. Huminto naman din siya agad nang pahintuin ko siya.
Humiwalay na ako sa kanya dahil kailangan kong punasan ng wipes ang dugo na nasa sahig. Galing iyon kay Rio nang mapadura ito ng dugo kanina matapos niyang sapakin. Habang nagpupunas ako sa sahig ay gumagala naman ang mga mata ni Asher sa kuwarto ko. Nang aking tingalain siya ay kitang-kita ko ang pagka-amaze sa inosenteng mukha niya.
"Wow, Lai, ito pala ang kuwarto mo!" bulalas niya na sa amazement, e akala mo namang napakalaki ng kuwarto ko.
Kumpara sa kuwarto niya, mas maliit pa nga ang kuwarto ko. Pero hangang-hanga na siya. Akala mo ay nasa museum siya dahil ingat na ingat pa siyang makatabig ng kahit ano.
"Wow, Lai, may relo ka sa pader o! Wow, may electricfan ka! Wow, Lai, may aircon ka rin! Wow, Lai, may basurahan ka rito sa gilid! Wow, Lai, meron ka ring cabinet!"
Seryoso talaga ang amazement ni Asher. Hindi pakita lang o gawa-gawa. Ganoon siya ka-transparent. Napahilamos pa siya sa kanyang mukha gamit ang malalaking palad na animo di pa rin makapaniwala.
"Dito ka natutulog at gumigising! Wow!" Sumunod siyang tiningnan ang kama ko. "Lai, kama mo ito, di ba? Dito ka humihiga! Tapos ito iyong unan mo! Ito iyong kumot mo pag nilalamig ka!"
Pati lights ko ay napansin niya. Bakit daw may Christmas lights ako kahit hindi Pasko. Magpapabili rin daw siya ng ganoon sa kanyang nanay para sa kuwarto niya.
Nang mag-ikot ulit siya ng paningin ay napatuon siya sa pader ko na may nakatakip na kurtina. "Bakit may kurtina ka sa pader? Uso ba iyan? Maglalagay rin ako sa kuwarto ko ng ganyan!"
"Ah, Asher, sandali—" Hindi ko na siya nahabol. Nahawi niya na ang kurtina sa aking pader!
Natigagal siya nang lumantad sa kanyang paningin ang mga nasa pader. Nahinto siya sa pagsasalita habang nakaharap sa mga photos na nakadikit doon. Mga photos na karamihan ay stolen niya mula pa noon!
Nanigas naman ako sa aking pagkakatayo. Bumaha ang takot sa dibdib ko. Nakita na ni Asher ang hindi niya dapat makita. Ano ang iisipin niya sa akin ngayon? Would he think of me as a creep?! Would he hate me for it?!
"A-ako itong mga ito..." nanulas sa mga labi niya sa napakahinang boses pero buo. "Ako ito, di ba? Dati pa. Dati mo pa pala ako kinukuhanan ng litrato nang di ko alam?"
It was obvious that I was a crazed stalker. He must have come to his senses by now, and his feelings had shifted to disgust. "A-Asher, magpapaliwanag ako—"
"Wow, ibig sabihin ay dati mo pa ako gusto!"
"Ha?" I was surprised when he turned to face me as his reaction was not what I had expected. Walang galit, pandidiri, o kahit katiting na disgusto na matatagpuan sa mga mata niya. Instead, he was beaming. He was so happy as if he had found a national treasure on my wall!
"Ganito mo ako kagusto, Lai!" Muli niyang ibinalik ang paningin sa pader. Inisa-isa ng tingin ang mga photo niya roon. Amaze na amaze at minsan ay napapahawak pa sa kanyang bibig.
Tulala naman ako sa kanya. Hindi kasi talaga ganito ang inaasahan ko.
He pointed to a stolen photo from when he was in seventh grade. He looked like a handsome fool there looking for something. "Hala, Lai! Ang pangit ko rito!" Pero hindi naman. Para sa akin ay walang kuha niya ang hindi guwapo. Kahit pa karamihan talaga sa kuha niya ay mukha siyang tanga.
Tinabihan ko siya roon at nakitingin na rin sa mga photo sa pader. Pasulyap-sulyap ako sa kanya. Naroon ang mangingiti siya, mapapangiwi, at mamumula. Napakalayo talaga sa ini-expect ko na mga magiging reaksyon niya.
Then his eyes lingered on the photos of the two of us together. Nang lumingon siya sa akin ay may kung anong init na sa mga mata niya. "Lai..."
May kaba na gustong umahon mula sa aking dibdib pero mas ang pananabik sa gusto niyang sabihin ang mas nanaig.
"Lai, ayaw ko nang mag-aral. Magpakasal na tayo at sa amin ka na tumira!"
"Suntok, gusto mo?"
Napakamot siya ng pisngi. "Joke lang, baka lang naman makalusot."
"Mag-aaral ka, magtatapos, maghahanap ng magandang trabaho na may matinong sweldo, at mag-iipon sa bangko. Tutulong ka sa mga magulang mo bilang pagbawi sa kanila. Ipakita mo sa kanila na sila muna ang priority mo. Give back, treat your family to some fancy restaurants, buy some assets for your parents."
Masusi naman siyang nakinig.
"After that, habang bata ka pa ay maglo-loan ka na ng sariling lupa at bahay mo. Bubukod ka na as an independent adult, kukuha ng private insurance, at mag-i-invest for emergency and retirement funds. Saka mo ako ulit aalukin ng kasal. Naiintindihan mo? Dahil kung talagang gusto mo ako, ibibigay mo sa akin ang buhay na deserve ko."
Seryosong tumango siya. "Sige, Lai! Gagawin ko lahat iyan! Hintayin mo lang ako. 'Wag kang maiinip. Gagawin ko lahat iyan hindi dahil sinabi mo, kundi dahil gusto kong ibigay sa 'yo ang buhay na deserve mo!" desididong sabi niya.
Napangiti na ako. "Halika nga..." Lumapit naman siya. Niyakap ko siya na agad naman niyang ginanti. Yumakap din siya sa akin.
"Lai..." Humiwalay siya sa pagkakayakap sa akin. Malamlam ang mga mata na tumingin sa mga mata ko. "Gagawin ko lahat ng gusto mo nang walang tanong o reklamo... Basta, ipangako mo rin na hindi tayo maghihiwalay."
I just replied thim with a smile. And I kissed him before he could speak again.
ABSENT.
I skipped class for the sixth time this semester. I was already on my way home to Cavite on Friday afternoon. Nandito na naman. Hindi sa Pascam, kundi dito sa isang lugar sa Bacao. Lampas kalahating oras na akong nakatanaw sa katapat na kalsada ng eskinitang papasok sa looban. Wala akong natatanaw na palabas o papasok doon. Wala ang batang si Betchay o kahit si Linda.
Sampung minuto pa nang maglakad na ako papunta roon. Sa una ay sa bukana lang ako ng eskinita hanggang sa nakita ko na lang ang sarili na nakapasok na hanggang sa loob. Papadilim na kaya napakadilim ng bahay na nasa gitna. Hindi nakabukas ang nag-iisang bombilya sa sala. Ang nag-iisang katiting na liwanag sa loob ay galing lang sa natatanaw kong gasera sa bintana.
A woman in her fifties came out from the door. The mother of the family, Lydia Punzalan. Lumang duster ang suot, de sipit na tsinelas at ang itsura ay nasa mid fifties, payat na payat, at dry ang buhok. Inuubo na halos ikawasak na ng manipis nitong likod.
I was about to leave when I saw her suddenly fall to the ground. I was at a loss as to what to do. I wanted to just ignore her, but my legs refused to move.
The woman tried to get up but fell again. Tila ba hinang-hina. Napapikit ako nang mariin, pagkuwa'y tikom ang mga palad na lumapit na rito upang tulungan itong makatayo. "Salamat, ineng—" Natigilan ito sa pagsasalita at nagitla nang makita ako.
"Wala ba kayong kasama?" tanong ko rito sa patag na tono.
Napalunok muna ito bago nakasagot. "W-wala. Parating pa lang ang mga kasama ko..."
Nang makatayo na ito nang maayos ay natuon ang aking mga mata sa hawak nitong lumang mangkok. Nang mapansin nito kung saan nakatingin ang aking mga mata ay nahihiya itong ngumiti. "Pupunta sana ako riyan sa kapitbahay naming si Aling Ibyang. Hihiram sana ng bigas na dalawang gatang. Papalitan ko rin pag-uwi ng aking pangatlong anak na si Linda."
Nangunot ang noo ko. "Hindi pa kayo kumakain?"
"Noong agahan pa ang huli. Naubusan kasi ng bigas, e. Nataon pa na may sakit ang isang apo ko sa aking panganay na si Laura, kaya nagalaw ang iniwang isang daang piso ni Linda kanina."
Nang matiyak ko na hindi na ito matutumba ay iniwan ko ito. Nagtataka naman ito na nakasunod sa akin ng mga mata.
Nanakbo ako patungo sa labasan. Pumunta ako sa grocery store. Namili ako ng maabot ng aking pera. Hindi ko na inisip na aking allowance na ang ginagalaw ko. I bought five kilos of rice, canned goods, noodles, biscuits, condiments, and toiletries.
Tulala si Lydia Punzalan sa pagbalik ko an bitbit ang lahat ng pinamili. Nang mahimasmasan ay agad ako nitong tinulungan. Nauuna pa ako na pumasok sa munti nilang bahay na kalahati lang ang hollowblocks at kalahati ay yari na sa pinagtagpi-tagping yero at tabla.
Sa loob ay hindi maalinsangan dahil pagabi na, pero dahil walang kisame ay tiyak na parang pugon dito tuwing tanghalian. Inilapag ko ang mga pinamili sa mesa. Nakasunod naman sa akin ang babae na manghang-mangha habang inilalabas ko na ang mga laman ng plastic na pinamili sa grocery.
Hindi na rin nakatiis ito at nakikalkal na. Nagniningning ang mga mata nito nang isa-isahin ang mga delatas, noodles, biscuits. "Ang dami nito! May spam pa. Aba'y mahal ito!"
Ako naman ay gumagala ang paningin sa paligid. Walang masyadong gamit maliban sa kahoy na sofa, bilog na lumang mesa, at mga luma ring monobloc na upuan. Walang pintura ang pader at linoleum ang sahig.
"Magkano ang bayarin niyo sa kuryente?"
Napamata ito sa akin at pagkuwa'y muling maliit na ngumiti. "Nakikikabit lang kami sa kuntador ng kapitbahay, bale ang kapitbahay namin ang nagputol sa amin ng kuryente dahil delay kami sa bayad."
"Magkano nga?"
"Dalawang libo."
Dalawang libo? Pero wala naman silang gaanong appliances dito? TV nila ay maliit lang at iyong electricfan ay iisa lang, iisang ilaw lang sa sala, tapos iyong iba ay clip fan na lang.
Natumbok nito ang naglalaro sa isip ko. Tumukhim ito. "Iyon nga rin ang nirereklamo ni Linda ko. Bakit ang laki ng singil sa amin, e kakaunti lang ang aming kagamitan dito."
"Wala kayong magagawa dahil nakikikabit lang kayo."
Napayuko ito. "Meron naman kaming sariling kuntador. Ang kaso ay nabaklas matapos ilang ulit ibaliktad. Hindi kasi nababayaran. Lumaki kasi dahil nagpatong-patong ang utang."
"Magkano para maibalik ulit?"
Napaangat ng mukha ito. Ang mga mata ay nagkaroon ng kislap na tila mas maliwanag pa sa apoy ng nakasinding gasera. "Limang libo!"
5K? Napaisip ako. Naubos na ang school allowance ko sa kakabalik-balik ng Cavite at dito sa dalawang ulit na pagbili ng groceries nila.
Mula sa pinto ay may pumasok na babae. Si Linda na mula sa trabaho. "Nay, kumain na ho ba kayo—" Nahinto ito sa pagkagulat nang makita ako. "A-anong ginagawa mo rito?!"
Agad namang pumagitna sa amin ang tinawag nitong nanay. "Ah, Linda... M-may bisita tayo!"
Tumigas ang anyo ni Linda habang sa akin nakatingin. "Alam ko. Nakikita ko kaya nga ako nagtatanong. Anong ginagawa niyan dito?!"
Hindi ko alam ang sasabihin dito nang sumunod namang dumating ang padre de familia ng mga Punzalan. Mukhang galing pa sa inuman dahil gumegewang. "Lydia, ano, may sinaing na ba?" agad na sigaw nito sa asawa.
Sinalubong agad ito ni Lydia at mahinang hinampas sa balikat. "Nonoy, ano ka ba? 'Wag ka nga munang ganyan! Umayos ka dahil may bisita tayo!"
"Bisita? Sino namang bisita?" Nang makita ako nito ay bigla itong umayos sa pagkakatayo. "Ay, may bisita nga!" bulalas nito nang may malawak na ngiti.
"Sa kanya iyang mga grocery." Itinuro ni Lydia ang mga pinamili ko na nasa mesa. "Ibinili niya sa atin lahat iyon, Nonoy!" May makakapang pagmamalaki sa boses.
"Siya nga, mahal?" Nangalkal ang lalaki sa mga plastic na may groceries. "Aba, may spam! May biscuit, chichirya at ketchup pa o!"
"Oo nga, pauwi na iyon dito dahil pinaalis na naman ng biyenan si Laura. Sina Lenlen din ay uuwi rito bukas. Dito sila lahat. Sakto, ang dami nating pagkain!"
Napatapik ng noo naman ang dalagang si Linda sa kaguluhan ng mga magulang. Sinenyasan ako na sumunod sa isang kuwarto. Sumunod naman ako.
Sa loob ay isinara ni Linda ang gawa sa tabla na kahoy na pinto. Seryoso na hinarap niya ako. "Ano sa tingin mo ang ginagawa mo? 'Di ba sinabihan na kita na 'wag ka nang babalik at magpapakita pa rito?"
"Nakita ko ang nanay mo kanina na nanghihina. Nangudngod siya sa lupa—"
"At naniwala ka naman?!"
My teeth chattered. "Ang payat-payat ng nanay mo. Inuubo. Wala ba siyang gamot?! Hindi man lang ba siya maipa-check up kahit sa center o anumang sa public clinic?!"
"Kahit ipa-check up iyon o gamutin, may mababago ba? Parehong sunog-baga ang tatay at kapatid ko! Magsasayang lang ako ng pera!"
"Kahit na! Ibili mo siya ng gamot!" Napasigaw na ako.
"Bakit hindi ikaw ang bumili?!" mas malakas na sigaw niya sa akin. "Tutal andito ka na, bida-bida ka, ikaw na ang bumili! Marami kang pera, di ba? Magyabang ka pa, ibili mo ang nanay mo ng gamot para gumaling siya!"
Napahingal ako sa paninikip ng dibdib nang may kumalabog sa pinto. "Linda, ano ba?" Boses ng tatay na si Nonoy. "Ano ang ginagawa mo? Bakit mo inaaway si Laila?! Lumabas kayo riyan!"
Matalim ang mga mata ko nang iwan si Linda sa kuwarto. Ako na ang nagbukas ng pinto. "Uuwi na ako."
Sinalubong naman ako ng nanay na si Lydia. "Ineng, pasensiya ka na kay Linda. Mainitin talaga ang ulo niyan dahil laging pagod sa trabaho."
Tumango ako. Paglabas ko ng pinto ay hinabol ako ng tatay na si Nonoy. Nagtataka naman ako rito kung ano ang kailangan nito.
Napakamot ito ng ulo. "Kuwan kasi, nakakahiya man, pero baka meron ka pa riyan na kahit magkano."
Nangunot dito ang noo ko.
"Ang nanay niyo—Este, si Lydia kasi, kailangan ng gamot. Hindi ko pa siya maibili dahil hindi pa nakakadelihensiya. Nahinto kasi iyong trabaho ko, pagkakarpintero sa isang bahay riyan sa labasan. Kung sana lang meron ka riyan kahit limang daan."
Naglabas ako ng purse. Ang natitira kong seven hundred pesos ay inabot ko rito. "Siguraduhin niyo pong maibibili siya ng gamot." Pagkasabi ay tinalikuran ko na ito.
PAGOD NA PAGOD NA NAMAN AKONG UTAK KO. Pag-uwi pa sa bahay ay wala na naman si Mama dahil hindi naman nito alam na uuwi ako. Mukhang nakikialaga na naman sa mga anak ni Tito Eloy sa pangalawang asawa.
I was about to go into my room when I noticed that Mama's room door was open. Something was drawing me in, so I went for it. Pumasok ako sa loob.
Matagal na. Matagal na matagal ko nang gustong makita ang laman ng kahon na aking palaging nasisilip na niyayakap ni Mama. Now was my chance so I looked for it.
Sa paghahanap ay sa ilalim ko ng kama natagpuan ang kahon. Binuksan ko agad iyon. May ideya na ako kung ano man ang laman subalit ganoon pa rin ang pagpait ng aking pakiramdam nang makita ang nasa loob— a pair of blue baby mittens and booties!
Nabitiwan ko iyon sa sahig nang may magsalita mula sa pinto na nasa likod ko. "Lai, anong ginagawa mo rito sa kuwarto ko?!"
Si Mama. Nakatayo siya sa pinto habang namimilog ang mga mata sa kahon na naibagsak ko sa sahig!
Sobrang pagkalunod ko sa pagtitig sa kahon ay hindi ko siya namalayang dumating. Nang mahimasmasan sa gulat ay nagmamadaling dinampot ni Mama ang kahon at ang nagkalat na crochet na pang baby sa sahig. "Lumabas ka. Lumabas ka muna, Laila!"
"Kanino iyan, Ma?" Pero ayaw kong lumabas. Ngayon ko lang siya makokompronta, ngayon lang ako may lakas ng loob na usisain siya. "Ma, sino ang may ari niyan? Sa dapat bang tunay na—"
"Sinabi nang lumabas ka, Laila! 'Wag matigas ang ulo mo! Wala kang kinalaman dito!" Napasigaw na si Mama. Sa kauna-unahang pagkakataon ay niya nasigawan ako.
"I'm sorry, Ma..."
Hysterical naman na si Mama. "Labas sabi!" sigaw niya. "Sinabi ko na sa 'yo, wag kang papasok sa kuwarto ko!"
Ah, I remembered. This wasn't the first time she had raised her voice at me. The first time was when I was only five or six. I had just wanted to see her room and Papa, but she had gotten so angry that she shouted at me. Gulat na gulat talaga ako noon dahil sanay ako na palagi siyang nakangiti, pero nang araw na iyon ay talagang parang ibang tao siya. Parang hindi niya ako anak kung magalit siya sa akin.
Masama ang loob na lumabas ako ng kuwarto niya. I slammed her door shut. My chest heaved as I locked myself in my own room.
1:00 A.M. Hindi ako makatulog. Kahit nakainom ng isang tab ng melatonin ay hindi pa rin ako antukin. Nang siguradong natutulog na si Mama ay bumangon ako at lumabas ng bahay namin.
Napakadilim pero balewala sa akin. Naglakad-lakad ako sa labas hanggang sa mapagdesisyunang sumakay ng tricycle papunta sa Buenavista. Wala akong balak na makipagkita kay Asher. Okay na ako na makita lang kahit ang bahay nila. Sa labas lang ako.
Nakaupo ako sa gutter ng kalsada na katapat ng gate nila nang maisipang i-dial ang number niya. Alam ko namang tulog na siya, gusto ko lang marinig ang ring back tone niya. Isang ring lang ay papatayin ko na sana nang bigla niyang sagutin, dahilan ng pagkahigit ko ng aking paghinga.
Tila nanuot sa aking pandinig ang malalim at baritonong boses niya. [ Lai. ]
Napalunok ako. Sasabihin ko na sana na nagkamali lang ako ng pindot nang biglang may tumahol na aso. Aso nilang si Honeybunch na nakatingil sa akin mula sa gate nila. Shoot!
Nag-panic ako dahil baka makilala ni Asher ang tahol. Nag-iisip ako ng puwedeng idahilan para makalusot nang magsalita siya ulit sa seryosong tono. [ 'Wag kang aalis diyan kundi yari ka sa akin. ]
Ang lakas ng kabog ng dibdib ko sa pagdaan ng mga sumunod na segundo. Walang bumukas na ilaw sa bahay ng mga Prudente, pero sandali lang ay natanaw ko na ang pagbukas ng main door nila. Isang matangkad na anino ang lumabas mula roon.
Nang tumunog ang pagbukas ng gate ay doon na ako napatayo. Lumabas ang matangkad na lalaki na nakasuot ng puting shirt, at maangas sana ang dating kundi lang sa suot na pajama na ang print ay SpongeBob.
Saglit lang ay nasa harapan ko na siya. Parang tore na kailangan ko pang tingalain dahil hanggang leeg niya lang ako. Ang maaliagsgas na boses niya ay nagdala ng lamig sa katawan ko. "At kailan ka pa rito?"
"M-mabuti nabuksan mo ang gate niyo..." sabi ko imbes sagutin ang tanong niya. Naisip kong pang-iba ng usapan ang tungkol sa pagla-lock ni Kuya Abel ng gate nila tuwing gabi.
Sumimangot si Asher. "Wala si kuya. Lumabas kanina, hindi pa nabalik kaya di niya pa nakakandado ang gate."
Napangiwi ako. Bumibili pa siguro ng yelo, o baka katulong na ito sa pagawa ng yelo, o puwede ring ito na ang ginagawang yelo.
"So kailan ka pa nga rito? Alam mo ba kung anong oras na, ha?" maangas pero hindi naman siya galit, sa halip ay ang makakapa sa seryosong boses niya ay pag-aalala.
"Naglakad-lakad lang..."
"Hindi ka okay. May nangyari." Seryoso ang mga mata niya. "Pero hindi mo masabi sa akin, 'di ba? Pero hindi ako galit, dahil ang importante, dito ka pumunta. Ako ang unang naisip mong puntahan kaysa iba."
Nakagat ko ang aking ibabang labi nang kabigin niya ako patungo sa ilalim ng kanyang mabangong leeg. "Pero, Lai, alam mo ba kung anong oras na? Delikado dito sa labas. Paano kung may nangyari sa 'yo, ha? Galit ka ba sa akin? Gusto mo ba akong patayin sa pag-aalala?"
Hinaplos niya ang likod ko. Dahil lang sa nakita ko na siya, tila ba gumaan ang lahat ng aking dinadala. Ang antok at pagod na kanina ko pa dapat ay kanina pa, ay ngayon ko lang lahat naramdaman. Pahinga. Gusto kong magpahinga...
Nang umatras si Asher ay sakto naman napahikab ako. "Inaantok ka na. Bakit hindi ka na lang muna natulog sa inyo? Puwede mo naman akong papuntahin na lang sa inyo bukas kahit gaano pa kaaga."
Napanguso ako at nahihiyang nagsalita. "Hindi ako makatulog sa amin..."
Umawang ang mga labi niya. Napahawak siya ng kamay sa kanyang bibig. Nang umayos siya ay pasimple munang tumikhim. "Uhm, Lai, tulog na sina Nanay."
"Ha?"
"Ayaw mo sa inyo, di ba? Kung gusto mo... Kung gusto mo lang naman." May kaunting pag-aalangan pa sa mga mata niya subalit may iba pa rong damdamin na lumalaban.
"Lai, gusto mo bang makitulog muna sa kuwarto ko?"
Nagulat ako sa alok niya, higit lalo sa nakikita kong kakaibang kislap ng mga mata niya sa dilim. Subalit sa dami ng umiilaw na babala sa isip ko, ay natagpuan ko pa rin sa huli ang sarili na tumatango at pumapayag sa alok niya. Gusto ko. Gusto ko rin siyang makasama... kaya bahala na.
Isang matamis na ngiti naman ang gumuhit sa mga labi niyang kahit may kadiliman ay mapupula. At sa sumunod na sandali ay hila-hila na ako ni Asher sa pulso... papasok sa loob bahay nila...
jfstories
#CrazyStrangerbyJFstories
Bạn đang đọc truyện trên: ZingTruyen.Xyz