ZingTruyen.Xyz

Bad Lover

Chapter 51

JFstories

IT WAS NOT FRANCIS, BUT MICHAEL JONAS PANGILINAN!

Napaatras ang mga paa ko. Narinig niya ba lahat ng sinabi ko?

"The Francis you were talking about just now..." His weak and flat voice was as cold as his eyes when he spoke. "Tama ba ako na ang Francis na iyan ay Francis na kilala ko?"

Hindi naman dapat pero bigla na lang akong nataranta. Daig ko pa iyong nahuli ng karelasyon na merong iba. "S-si Francis... Na-confine siya rito sa ospital kaya nagkita kami... A-ako iyong na-assign na nurse, tapos..."

I hadn't finished speaking when he turned his eyes to his phone. Parang sinabi niyang 'okay na, wag na akong magpaliwanag dahil di siya interesado'.

"Gusto mong kumain, di ba?" Nang tumingin siya sa akin ulit ay malamlam na ang mga mata niya. "O ayaw mo na?"

Nagtalo pa ako sa isip kung ano ang sasabihin, nang siya na ang muling mag-ring ang phone ko. Tumatawag si Mommy na bihira nitong gawin kapag nasa duty o pagkatapos ng duty ko. Sinagot ko ito. "Hello, Mommy, bakit po?"

[ Hello, Zandra? ] May pagpa-panic sa boses ni Mommy. [ Di sana kita tatawagan kasi nasa trabaho ka, kaya lang itong anak mo, kanina pa iyak nang iyak. Ni hindi pa rin kumakain at dumedede mula kanina. Hindi makahinga sa sipon at ubo niya. ]

"Po?" Nag-panic na rin ako. "Sige po, pauwi na po ako. Ihanda niyo po si Baby Mateo. Baka dalhin na po natin siya sa ospital."

Nang ibaba ko ang phone ay nakalapit na pala sa akin si Miko. Nasa mga mata mata niya ang pag-aalala. "Anong nangyari?"

"S-si Baby Mateo..." Hindi ko na siya nasagot nang maayos. Naiiyak na lang ako. Nang may dumaang baby bus ay pinara ko na agad. Gusto ko nang makauwi agad-agad!

Pagkasakay ko ay sumakay rin si Miko. Sa dulo kami napaupo dahil iyon lang ang may bakante. Magkatabi kami at ako ang sa tabi ng bintana. I was getting anxious. Isip na ako nang isip sa pag-aalala. Pero iyong pamasahe rito sa baby bus ay nakalimutan ko na.

Nang dumating ang konduktor para maningil ay si Miko ang nagbayad para sa aming dalawa. "Boss, Tejero. Dalawa."

Malakas ang hangin sa biyahe, nililipad ang ilang hibla ng aking buhok na kumawala mula sa pagkakaipit ko. Hindi ko na iyon maasikaso dahil sa aking pag-aalala kay Baby Mateo. Iyong baby ko, baka anong mangyari sa baby ko. Si Miko ang umabante padukwang sa tabi ko. Itinaas niya pasara iyong takip ng bintana.

Pagbaba namin sa Tejero ay namomroblema pa ako dahil pipila pa sa jeep at magpupuno pa iyon ng pasahero bago umandar, nang hawakan ako ni Miko sa pulso. "May binook akong Grab. Nandito na."

Hindi na ako umarte, sumunod ako sa kanya papunta sa nakaparadang pulang Mirage. Magkatabi kami sa backseat. Dapat mailang ako kasi ngayon ko na lang siya nakasama nang ganito, iyong halos solo namin dahil dalawa lang kami sa backseat, pero kasi iyong isip ko ay puro ngayon si Baby Mateo. I didn't even realize that Miko was already holding my hand to calm me down.

Pagbaba na pagbaba sa amin ay nanakbo ako agad papunta sa gate. Si Miko ay kinausap ang driver. Parang kinontrata niya yata na wag munang umalis. Wala na akong pakialam, pumasok na ako sa loob.

Si Mommy ay naabutan ko sa sala na hindi magkandaugaga sa pagkarga sa batang lalaki nasa isang taong gulang. Gula-gulanit na ang buhok ni Mommy, ang suot na duster ay tabingi, at nanlalalim na ang ilalim ng kanyang mga mata. Nang makita ako ay saka lang siya nabuhayan. "Zandra, mabuti nakauwi ka agad!"

Kinuha ko sa kanya si Baby Mateo. "Hush, baby, andito na si Mama."

"Iyak nang iyak iyan. Hindi ko mapadede, ayaw rin kumain ng lugaw kasi iritable sa sipon at ubo. Ginamitan ko na ng saline drops gaya ng utos mo, pinausukan ko na rin, at ginamitan ng nose suction ang sipon, wala pa rin. Ngayon ay mainit na."

Mainit na nga si Baby Mateo. Hindi na ako nagtanong ng temperature dahil ang itsura ng bata ay maputla na, kaya nagpasya na ako. "Dadalhin ko na sa ospital, Mommy. Pakihanda mga gamit."

"Ito na, nahanda ko na." May bag si Mommy na ipinasa sa akin. Naroon ang ilang damit, diaper, at gatas ni Baby Mateo. "Pero paano iyan? Magbibihis muna ako? O tatawag na ng tricycle?"

Hindi ko na siya nasagot. Binalot ko ang katawan ng bata ng baby jacket nito at tinakpan ang ulo ng hood. Paglabas namin ay nasa gate pa nakatayo si Miko. Naroon pa rin iyong sinakyan naming Grab car na tila naka-stand by.

Napaangat ng tingin sa amin si Miko. Nagulat pa siya nang makita na karga-karga ko ang bata. Ilang ulit yatang umalon ang lalamunan niya.

Si Mommy na nakasunod ay napatigil nang makita si Miko. Nang makabawi ay nagsalita, "Maiwan na ako rito sa bahay, Zandra, para kung may kailanganin ka. I-text mo na lang ako. Susunod ako agad."

Pinagkakatiwala kami ni Mommy kay Miko? Kung ibang pagkakataon ay nagtataka na siguro ako, pero wala akong panahon ngayon na magtaka. I needed to bring my son to the hospital as soon as possible.

Miko opened the backseat for us and he sat next to the driver in the front. Umaandar na kami ay iyak pa rin nang iyak si Baby Mateo. Naiiyak na rin ako kakaalo rito. Si Miko ay panay ang lingon sa amin mula sa harapan. Namumutla na siya at kung puwede lang siguro ay inagaw niya na sa driver iyong manibela.

Doon kami pumunta sa ospital na pinagtatrabahuan ko. Iyong mga co-nurse ko na kilala ako ay nagulat pa nang makita ako. "Anak mo, Zandra?"

"Anak ni Zandra?" Mga lalaking co-nurse ko na nataong nasa Emergency rin.

"Hala, Zandra, may anak ka na?" Pati iyong co-nurse ko na schoolmate ko sa DLSU-Dasma ay gulat na gulat. Kailan lang kasi kami naka-graduate at nakapasa sa board exam.

Tango na lang ang sagot ko dahil sa aking pagkataranta. Si Miko naman ay kasunod ko lang, dala niya ang baby bag ni Baby Mateo, siya rin ang kumausap sa staff sa Emergency. Pinagtitinginan siya ng mga co-nurse ko, lalo mga babae.

"Daddy po kayo ng bata, sir?" tanong sa kanya ng staff.

Lumingon pa ako at sandaling parang may mainit na dumapyo sa aking dibdib nang marinig ang tuwid na sagot niya. "Oo, boss. Ako iyong daddy."

"Sir, pa-fill out na lang po." Tinulungan siya ng staff. I paused because he might not know Baby Mateo's whole name, exact age, or other information, but he didn't ask me. Tuloy lang siya sa pagpi-fill out ng form.

Ang doktora na assigned ngayon ay ang nasa 50 plus na si Dra. Harriete Saria. Kilala ako nito. Natuwa rin ako na ito ang nandito ngayon, dahil iyong ibang doktor ay baka sabihan agad na tubuhan si Baby Mateo. Chineck nito ang vitals ng bata, pinainom ng Ibuprofen for children, saka inutusan ang nurse na nandito para ihanda ang nebulizer machine.

Baby Mateo was also given dextrose because he was in a weak state caused by dehydration. Walang kain kasi at dede maghapon. Napaiyak pa ako nang hindi mahanapan ng ugat ang munting kamay nito. Nakadalawang turok tuloy ng injection. Iyak na nang iyak lalo ito. Kung puwede lang ay inagaw ko na iyong dextrose para ako na ang gagawa.

My baby's hand was now wrapped in a diaper due to swelling. Karga-karga ko lang ito habang itinatapat sa usok ng nebulizer. Iyak ito nang iyak sa sakit ng turok at kumakawag din dahil naiwas sa usok. "Baby, kailangan mo iyan para makahinga ka," makaawa ko sa bata. "Please, baby..."

Ngawit na ngawit na ako dahil mabigat na si Baby Mateo, malusog kasi ito, tapos kawag pa nang kawag kaya parang bibigay na ang aking mga braso. Ang aking buhok din ay gulo-gulo na at hindi ko man lang maayos dahil nga sa may karga-karga ako, tapos kailangan pa naming tumapat doon sa machine nebulizer.

Si Miko na nakatingin lang at di malaman ang gagawin noong una, ay naglakas-loob nang lapitan kami. "If it's okay, ako naman, Zandra..."

Napatingin ako sa kanya. Iyong mga mata niya ay nagsusumamo sa akin na parang sinasabi na kahit ngayon lang, wag muna akong magalit sa kanya. I did. I had no pride when it came to my son. I handed him baby Mateo.

I helped him with how to hold the kid as he looked worried that he might do it wrong. Nang dumampi nga ang kamay ko sa braso niya ay bukod sa bahagya siyang nanginginig ay nilalamig pa siya. Natetensiyon siya. "Kargahin mo lang," pagpapalakas ko ng loob niya.

Kinarga niya na patayo si Baby Mateo, nakasubsob ang bata sa kanyang balikat habang marahan niyang hinahagod ang likod nito. Noong una ay kita ko pa ang nerbiyos niya, kalaunan ay hinehele niya na ito. "Shhh..." alo niya sa batang umiiyak.

Nang tawagin ako ni Dra. Saria ay iniwan ko muna sila. Binili ko iyong mga reseta sa botika dito rin sa ospital. Sa bukana pa lang ay wala na akong naririnig na umiiyak na baby kaya bumuhos ang aking pag-aalala. Pero agad din iyong nabura nang matanaw ang ward namin dito sa Emergency. I saw Miko still holding Baby Mateo who had now fallen asleep in his arms.

Ang mga hakbang ko na mabilis ay biglang bumagal habang nakatingin ako sa kanila. Karga-karga niya ang anak namin na parang at nakatitig siya sa natutulog na bata. Iyong pag-aalala ko ay ngayo'y napalitan na ng naghahalong init at pait sa loob ng aking dibdib.

Iyong emosyon sa mukha ngayon ni Miko ay ngayon ko lang nakita. Na hindi ko akalang makikita ko sa kanya. Ni hindi ko nga naisip na darating pa iyong araw na makikita ko siyang karga si Baby Mateo nang ganito. Iyong parang hindi niya hahayaang maagaw ito sa kanya kahit pa gumuho ngayon mismo ang mundo.

Nang tumingin sa akin si Miko ay napaiwas ako ng paningin. Lumapit ako sa kanila. Nag-focus ako sa pag-check ng dextrose ni Baby Mateo. Pinalitan ko iyong diaper sa kamay ng bata.

Ipahihiga ko na sana kay Miko ito sa hospital bed, kaya lang ay ibababa pa lang niya, umingit na at kumapit ang munting kamay sa kuwelyo ng shirt niya. Napatingin siya sa akin.

"S-sige, kargahin mo muna."

Siya na lang ang naupo sa stool na upuan na katabi ng hospital bed. Dumating si Dra. Saria. Ginamitan ulit ng babaeng doktor ng stethoscope at thermometer si Baby Mateo. "Okay na ang paghinga niya, Mommy, Daddy," anito sa amin.

Nakatingin sa akin si Miko kaya umiwas na naman ako.

"Hindi na iko-confine, pero under observation pa tayo hanggang mamaya. Paubusin din muna ang dextrose. Tapos kung puwede mamaya, give him a lot of fluids. He needs fluids to thin down mucus in his airways, to allow him to cough up and get rid of congestion more quickly. Avoid natin ang dehydration, which can worsen his cough, para gumaling na si baby."

Bukod sa bumili ako ng Pedialyte, may mga baon din akong feeding bottles na lahat ay may lamang tubig para kung titimplahan ng formula.

"Breastfeed ba siya, Mommy?" tanong sa akin ni Dra. Saria.

"Y-yes, Doc..." For emergency lang talaga iyong formula milk. Palagi akong nagpa-pump sa bahay at inilalagay iyon sa ref. Iniinit na lang ni Mommy kapag humihingi ang anak ko.

"Good. Water and unsweetened juice will help his body naturally fight off the infection causing his cough, but much better if you give him breastmilk. Padede mo siya, ha?"

Pagkaalis ni Dra. Saria ay namroblema ako. Wala akong dalang breastmilk. Kung magpa-pump naman ako rito ay walang mapaglalagyan, wala rin akong dalang pang-pump.

Umungot si Baby Mateo. Nagigising na. "Dedeee...!" ungot nito.

"A-akina..." nauutal na sabi ko kay Miko. "Padededehin ko..."

Napanganga siya sa akin at hindi agad nakakilos. Kung hindi pa siya nasapok ni Baby Mateo sa pisngi ay hindi pa yata siya magigising.

Ibinigay niya sa akin ang bata at itinapat ko naman ito sa aking bandang dibdib. Napatayo siya at hindi na naman malaman ang gagawin. Isinara niya muna ang kurtina na privacy screen namin, pagkatapos ay hindi niya malaman kung lalabas din ba siya o mag-i-stay.

Si Baby Mateo naman ay todo ngabngab na sa dibdib ko. Nasa ilalim ito ng aking suot na scrub blouse. "Baby, dahan-dahan..." bulong ko rito habang hinihimas ito sa ulo. Napapangiwi ako kapag sumasagi ang maliliit nitong ngipin sa harapan.

Kabado ako. Kahit kasi naka-breastmilk pa rin ay hindi na ito sanay na dumede sa akin. Mas sanay na ito tsupon dahil nga sa may trabaho ako. Sinasanay ko na rin talaga sa tsupon dahil may maliliit na ngipin na ito. Todo ang dasal ko na wag sana akong kagatin, wag sana ngayon, kahit sa ibang araw na lang. Ang kaso, para itong nagpapasikat— bigla akong kinagat!

"Ouch!" Hindi ko na napigil ang impit na pagsigaw. Ang sakit dahil ang diin!

Napalingon sa amin si Miko. "Anong nangyari?!"

Umiyak si Baby Mateo nang akma kong ibababa. Sumipsip ulit sa dibdib ko, pero hindi maalis iyong kirot sa kagat ng ngipin nito sa nipple ko!

Maluha-luha ako nang lumapit si Miko. "Hey, okay ka lang?" nag-aalalang tanong niya.

Hindi ako makasagot. Basta naluluha lang ako. Na-gets niya agad ang nangyari. Napahawak siya sa kanyang bibig. Narinig ko siyang mahinang napamura.

"Wag kang magmura," kahit hirap magsalita ay saway ko sa kanya.

"Sorry. Shit, sorry."

Si Baby Mateo ay patuloy pa rin sa pagsipsip sa dibdib ko. Mukhang ngayon ito bumawi dahil maghapon daw na hindi kumain at dumede. Nakaaawa namang pigilan. Tiniis ko na lang kahit makirot.

Panay hikbi ko habang si Miko naman ay kinakausap ito na para itong nakakaintindi. "Baby, wag mong kagatin mama mo. Sige ka, pag natanggal iyan, hindi ka na makakaulit."

"Gago."

Tumingin siya sa akin at tinaasan ako ng isa sa makakapal niyang kilay. "Akala ko ba, bawal magmura?"

Tinaliman ko siya ng tingin.

Napayuko na siya ulit sa bata. "Sabi ko nga, sorry."

Naramdaman ko na naman ang ngipin ni Baby Mateo. Isinubsob ko nang bahagya ang bata sa aking dibdib kaya ito saglit na lumayo. Hindi na ako kinagat pa pero nandoon pa rin iyong kirot. Si Miko ay inayos ang buhok ko, hinawi niya ang mga naglalaglagang hilbla sa aking mukha, pinunasan niya rin ng kanyang panyo ang pawis ko.

"Okay ka lang?" Pati leeg ko ay marahan niya nang pinunasan ng pawis. "Masakit pa?"

Hikbi lang ang aking sagot. Hinawakan niya ako sa ulo habang pinapakalma ako. Pinag-i-enhale, exhale niya ako, para makalimutan ko sandali iyong kirot. Ginawa ko naman, and it helped.

Pagkatapos kong mapadede si Baby Mateo ay bumalik sa pagtulog ang bata. Napasandal naman ako sa headboard ng hospital bed para ipahinga ang sarili. Pinanood ko lang si Miko kung paano niya ito asikasuhin. Baby Mateo's diaper had to be changed, and he was the one doing it. He was clumsy, but he was determined to do what needed to be done.

Kahit naka-aircon dito sa Emergency Ward ay butil-butil ang pawis ni Miko sa gilid ng kanyang noo. Kandahirap siyang hanapin iyong tape ng diaper kasi hindi niya alam na diaper pants iyon. Hindi ko rin sinabi. Ewan ko ba, parang nakaka-enjoy lang panoorin ang paghihirap niya.

Nang ma-realize niyang diaper pants iyon ay tumingin siya sa akin na parang nagtatanong kung bakit di ko sinabi. Tinaasan ko lang naman siya ng kilay. Napaungol na lang siya at bumalik sa ginagawa.

Nakatayo pa ang too-toot ni Baby Mateo pag-alis niya ng diaper. Mukhang iihi pa. Hindi ko rin iyon sinabi kay Miko. Bahala siya sa buhay niya.

Muli siyang napaungol pagkakita sa too-toot. "Anak ng, may ganto ka pala! Paano mo ito naitago sa amin noon sa ultrasound?"

Tapos biglang umihi. Parang fountain iyon kaya naitakip ulit ni Miko rito iyong diaper, kaya lang nabasa pa rin siya sa braso at sa harapan ng pantalon niya. Kandamura siya pero iyong umihi ay ang sarap ng hagikhik. Tuwang-tuwa sa kalokohang ginawa.

Siguro sa isip ng anak niya, bumabawi lang ito sa kanya dahil ngayon lang siya nagpalit ng diaper nito. "Lakas amats ka," sabi niya rito pero hindi naman siya galit. Malambing ang boses niya. "Paano ngayon iyan, boss? Ang panghi nating dalawa!"

Nagpabula lang ng laway bilang sagot ang bata.

Akala ko mauubos ang pasensiya niya pero hindi. Heto at matapos niyang palitan ng diaper si Baby Mateo ay hinarot-harot niya pa. "Bakit may nunal ka sa itlog? Baka habulin ka ng chicks paglaki mo. Hindi puwede marami, ha? Bawal iyon!"

Umiwas na ako ng tingin sa kanila. Nang makapagpahinga na ay inayos ko ang aking damit. Sakto rin na dumating ang nurse para alisin ang suwero ng bata.

Nagligpit na ako ng mga gamit. Nang magbabayad na ng bill ay iniwan ko sila. Ayoko ng awkward moment pa sa bayaran. May pera naman ako. Hindi ako nawawalan ng emergency fund sa anak ko. Kompleto rin ako ng mga cards. Pagkabayad ay saka lang ako nakapag-check ng phone. Marami na palang text si Mommy. Nakalimutan ko nang i-update dahil sa sobrang preoccupied ko. Nag-text ako na pauwi na kami.

May text din si Francis. Oo nga pala, nag-text ito kagabi na susunduin ako. Nakalimutan ko na rin ito. Siguro ay inakala nitong naka-overtime ako. Magre-reply na sana ako nang mamatay na ang phone ko. Sa bahay ko na lang siguro ire-reply.

Hindi ko na kinuha kay Miko si Baby Mateo hanggang papalabas na kami ng Emergency Ward. Hinayaan ko nang siya ang may karga dahil parang unggoy rin iyong bata na nakasabit sa kanya. Mukhang okay lang din naman sa kanya kahit nagpapabula ng laway ito at basa na ang shirt niya sa bandang balikat.

Papaliwanag na sa labas ng ospital. Nag-book ulit si Miko ng Grab. Hindi na ako umangal dahil mas importante na maiuwi ko na si Baby Mateo para makapagpahinga. Pati na rin ako na lutang na sa pagod at puyat.

Papunta na kami sa binook niyang Grab nang mapahinto ako sa paglalakad. Paano ay sa may harapan ng ospital, mula sa waiting shed, isang matangkad na lalaki ang naglalakad sa amin palapit. Nakaitim na poloshirt, jeans, at puting sapatos. He was holding his phone in his left hand while his serious eyes were fixed on us. It was Francis Molina.

He stopped in front of us. "May nangyari ba kay baby?" tanong niya sa mababang boses, kahit seryoso. Sa akin siya nakatingin na para bang hanggang kaya niya, hindi siya titingin sa katabi ko.

"O-okay na," naiilang kong sagot dahil sa tensyon na biglang nagpabigat ng paligid.

"That's good to hear." Then he finally looked at Miko. "Repa, long time no see. Nandito ka na pala ulit. Kilala mo pa ba ako? Tropa nina Bimbo Zaragosa in high school."

Kabadong napatingala naman ako kay Miko. Pero hindi siya galit, sa halip ay kalmado. "Oo."

Ngumiti si Francis, bagaman madilim na ngiti. At akala ko ay okay na. Hindi naman na kasi sila mga bata. Mga nag-mature na kaya malabo naman sigurong may mangyari pa. Pero mali ba ako? Because Miko was not done yet.

Muli siyang nagsalita, "Angke, o Francis Molina. Limot na talaga kita, pero nagpakilala ka ulit." Ngumiti rin siya, pero ngiting nakakaloko. "—Pet peeve."

jfstories

#BadLoverbyJFstories

Bạn đang đọc truyện trên: ZingTruyen.Xyz