ZingTruyen.Xyz

Bad Lover

Chapter 34

JFstories

I HAD AN IDEA BUT I DIDN'T KNOW IT WAS THIS HARD. Nakikitira ka lang, kailangan mong makisama. Aware naman lahat sa bagay na iyon. Pero iba na pala kapag nangyayari na mismo sa 'yo.


Bago ako iniwan ng mommy ni Miko ay may pahabol na salita pa ito. "Tulungan lang tayo rito, Zandra. Mahirap ang buhay, pero igagapang ko pa rin ang pag-aaral ng anak ko kahit nandito ka na. Pero sana kahit sa ganiyang paraan lang ay makatulong ka. Kahit sa ganyan lang, kahit paano ay makapag-ambag ka."


Mukha ni Lola Mameng na nakakiling ang pumukaw sa pagkakatulala ko. Nakangisi sa akin. "Sandara, okay ka lang ba?"


Maliit akong ngumiti sa matanda. "Zandra po..."


Nagkamot si Lola Mameng ng ulo. "Ah, Sandara, nakita mo ba ang apo kong si Tisoy? Lintek talaga iyong sutil na batang iyon, sinabihan ko nang wag lalabas, tumakas pa rin! Malamang na marungis na naman iyon mamayang uuwi!"


"Lola, hindi na po bata ang apo niyong si Tisoy," mahinahon kong paliwanag rito. "Binata na po siya." Ito nga po, nakagawa na ng bata. Magkakaapo na kayo, gusto ko pa sanang idugtong.


"At, Lola, hindi po siya tumakas para maglaro sa labas. Nasa Manila po siya ngayon. Nag-aaral po siya ng college doon."


"Sus, aral-aral." Sumimangot ang matanda. "Nang-aaway lang naman iyon sa school. Kay tapang-tapang pero wag ka, takot naman iyon pag pakitaan mo na ng hanger o sinturon!"


Nangingiti na lang ako. Nang bumalik sa sala ang matanda ay napabuga ako ng hangin. Mahirap, nakakapanibago, pero ito na ngayon ang bagong buhay ko. I must deal with the consequences of my decisions.


Nagsimula na akong maglaba, na never ko pang nagawa. Hindi naman kasi ako pinaglalaba ni Mommy at madalas din kami na nagpapa-laundry. Maliban sa pagwawalis, kaunting ligpit-ligpit, pagsasaing, at simpleng pritong luto, ay wala na talaga akong alam sa gawaing bahay.


Pinag-aralan ko pa kung paano paganahin ang top load manual twin-tub washing machine. Nakakalito dahil de ikot at hindi de pindot iyong control panel, pero mabuti na lang dahil na-gets ko naman kalaunan kahit walang manual. Iyong malaking tub pala ay para sa pagsabon at iyong maliit naman ay sa dryer.


Bawas sa trabaho na iyong napagbukod-bukod na ni Ate Tonet kanina ang mga labahin. Nahirapan lang ako noong magbabanlaw na. Ang bibigat kasi ng mga basang damit. Kailangan pati na sa planggana banlawan, tapos ilalagay sa dryer. Ilang beses pa akong muntik pang madulas dahil basa ang lapag.


Nakapagpahinga lang ako saglit bandang ala una ng hapon. Nalampasan na pala ako ng tanghalian. Kung hindi pa ako tinawag ni Lola Mameng ay hindi ko pa maalala na hindi pa pala kami kumakain. "Walang pagkain, Sandara!"


"Ay, Lola Mameng, sorry po! Nakalimot po ako sa oras!" Nagmamadali akong pumasok sa loob. Wala na iyong stay-out nilang kasambahay na si Ate Tonet kaya wala nang aasikaso sa matanda. Malamang na kanina pa ito gutom.


Nagkalkal ako ng puwedeng iluto sa ref pero mga tubig na lang ang laman. Ang sabi ni Miko bago umalis ay namimili raw ang mommy niya ng stocks tuwing Lunes, pero hindi yata bumili ngayon.


Ang meron lang dito ay daing. May nakadikit sa papel sa ref gamit ang ref magnet. Naroon ang lista kung paano lutuin ang daing. Pakuluan daw at lagyan ng dahon ng malunggay. Wag lalagyan ng asin o kahit anong additives. Mukhang ito ang para kay Lola Mameng.


Pinaghanda ko na ang matanda makakain. Ako na rin ang nag-asikaso rito para makainom ito ng gamot. "Salamat, Sandara!" masayang sabi nito. Busog na.


"Lola, Zandra po. At welcome po." Iniligpit ko na ang pinagkainan nito. Bumalik naman na ito sa sala at doon nagkakanta ng isang lumang awitin.


Pagkain ko naman ang aking inalala. Dahil walang stocks ay bumili na lang muna ako ng dalawang itlog sa tindahan sa labas. Pagkakain ay bumalik na ako sa paglalaba.


Hapon na nang makatapos ako sa mahigit 50 pieces na labada. Nanakit ang kili-kili ko sa pangangawit noong nagsasampay na. Pagpasok sa bahay ay daig ko pa ang nag-fun run ng ilang kilometro. Pagod na pagod at gutom na gutom ako. Grabe, nakakapagod pala talaga maglaba.


Pumunta ako sa kuwarto para magbihis. Nag-check din ako ng phone. Bagong Sim na ang gamit ko at may bago na rin akong social media account, dahil wala pa akong lakas ng loob na mabasa ang mga messages sa akin nina Mommy at Daddy.


Ayoko rin munang makatanggap ng kahit anong message mula sa mga kakilala na alam kong makikiusyoso lang. Iisang tao lang ang dahilan kaya ako nagbubukas ng phone. Iisang tao lang ang hinihintay ko na ko-contact sa akin. Pero wala siyang text o chat kahit isa.


I sighed. What was I expecting? Sira ang phone niya na ako ang may gawa, at hindi pa siya nakakabili ng bago. Pero may paraan naman di ba? Puwede siyang maki-text kahit kanino, kung gugustuhin niya.


Napailing ako. Bago nga pala ang number ko kaya malabong kabisado niya ito. But how about chat? May computer naman siguro sa school nila o sa bahay ng daddy niya. Gasino lang na mag-online siya, di ba? Or what if ako na lang ang maunang mag-chat sa kanya?


Kaya lang, ano ang sasabihin ko? Mangungumusta? O kunwari bored ako at wala akong ibang ma-chat kaya kunwari tatiyagain ko siya?


Hindi pa ako nakakapagpahinga nang matagal ay magagabi na naman. Kailangan ko pa lang magsaing dahil gutom na si Lola Mameng. Dahil walang pagkain ay napabili ulit ako ng limang itlog sa tindahan gamit ang perang iniwan sa akin ni Miko. Ang itlog ang iniluto kong ulam namin.


Patapos na kaming kumain nang mag-beep ang phone ko sa bulsa. Tinatamad pa akong tingnan iyon dahil baka mga promo lang, but as I saw the text, my heart began to race.


Unknown Number:

Miko to.


Iyon lang ang text pero nagkagulo-gulo na ang paghinga ko.


Unknown Number:

Naki-txt lang ako sa kaklase ko. Musta diyan? Kumain ka na?


Wait! Nai-text niya ako? Paano? Kabisado niya ang number ko? Pero one time niya lang tiningnan ang sim ko noong bumili kami, ah! Nakabisado niya sa isang tingin lang?!


I panicked and didn't know what to reply to him. Ano bang sasabihin ko? Okay lang ako? Kumain na ako? O tanungin ko rin ba siya kung kumain na siya? I was still thinking when my phone beeped again.


Unknown Number:

May stocks diyan, pero kung may gusto ka, bumili ka na lang sa tindahan. Pero sa umaga lang, wag ka nang lalabas ng gabi. Kapag may iba ka pang kailangan, sabihin mo lang kay Mommy. Binilin kita sa kanya.


Wow, ang haba ng text!


At stocks? Pero hindi bumili ang mommy niya ngayon. Baka bukas pa yata bibili?


Me:

Thank you. Kasya pa ba ang pera mo diyan?


Binawasan niya kasi ng 1k ang kanyang allowance ngayong linggo para ibigay sa akin. Nabawasan ko na iyon dahil nakakailang itlog na ako mula kaninang hapon.


Unknown Number:

Wag mo nang isipin. Di naman ako mauubusan dito. Magpahinga ka na pagkakain niyo. Iyong mga ligpitin diyan, si Ate Tonet na ang bahala. Sige, balik ko na itong CP, kinukuha na e. G'night, Zandra.


Nagta-type pa lang ako pero may text na siya. Ibabalik niya na ang phone kaya hindi ko na itinuloy ang aking itina-type. Malungkot na napatitig na lang ako sa huling text niya.


Hindi pa rin alam ni Miko na wala na si Ate Tonet. Gusto ko sanang sabihin sa kanya pero ibinalik niya na ang phone sa kanyang kaklase. Pero what if makisuyo ako? Sabihin ko kung baka puwedeng ipahiram ulit sa kanya ang phone? Okay lang kaya?


Or could I tell his classmate to say to him to go online? Mag-chat na lang kami. He could find a computer shop nearby or he could just go home. Baka may computer sa bahay ng daddy niya. Napasabunot ako sa aking buhok. Sinukuan ko rin ang ideya dahil baka makaistorbo pa ako. Baka isipin niya pa na ang demanding ko.


Ayoko na magmukhang clingy. Wala naman akong karapatan. Dahil di ba? Kung hindi lang kami magkaka-baby, ay baka wala rin ako ngayon dito. And I could not understand why, but that thought made me upset all night.



BAKIT PATAY ANG INTERNET?


Naki-text ulit kaninang umaga si Miko sa kaklase niya, sabi niya na mag-o-online daw siya ngayong 7:00 p.m. sa computer shop para makapag-video call kami. I was so happy when I received his text.


Talagang tinapos ko muna lahat ng gawain, pinakain ko rin nang maaga si Lola Mameng, para wala na akong intindihin. I would just wait for him to go online. Ang kaso... biglang nawalan ng Internet kung kailan online na si Miko.


I couldn't get online. Online pa naman na si Miko at baka nagtataka na siya kung bakit wala pa ako. Lumabas ako ng kuwarto. Plano ko na magpa-load na lang sa labas. Magdi-data na lang ako kahit ten pesos.


Paglabas ko ng pinto ay siya ring paglabas ng pinto ng mommy ni Miko. "Saan ka pupunta? Gabi na."


"Magpapa-load lang po sana ako. Nawalan po kasi ng Internet."


Kumunot ang noo nito. "Necessity ba iyon?" Ang mga mata nito ay bumaba sa mga kamay ko na may hawak na cell phone at wallet. "May pera ka pala. Saan galing?"


"Ah, natatabi ko po," pagsisinungaling ko. May pera naman talaga ako, pero 500 lang. Iyong 1k ay kay Miko. Hindi ko puwedeng sabihin sa mommy niya ang kanyang ginawang pagbawas sa allowance niya para ibigay sa akin.


"May pera ka naman pala, Zandra. Pero di ba dapat ultimo piso ay iniipit mo na? Buntis ka, ni wala ka pa ngang gamot na iniinom, wala pa ring check up, tapos uunahin mo ang pag-i-Internet? Baka nakakalimutan mo, sa estudyanteng asa pa sa magulang at wala pang trabaho ka nagpabuntis!"


"N-nawalan po kasi ng Internet," mahinang sagot ko. "M-meron po kasi kaming usapan ni Miko na mag-ch-chat. Naghihintay na po siya sa computer sho—"


"At anong pag-uusapan niyo? Baka naman magsusumbong at magrereklamo ka lang kay MJ ko? Aba, maawa ka naman, mahirap ang kolehiyo. Mahirap din mamuhay sa Manila. Kaya wag mo namang bigyan pa ang anak ko ng dagdag isipin at problema!"


"Hindi naman po, Tita Mitchy..."


"Maghintay ka na lang na gumana ulit ang Internet. Aayos na iyon mayamaya." Tinalikuran na ako nito.


Tama nga si Tita Mitchy. Mayamaya lang ay bumalik na ang Internet, iyon nga lang ay napakahina. Hindi rin kami makapag-video call nang maayos ni Miko. Ang una, pangalawa, at pangatlong video call namin ay pare-parehong nadi-disconnect.


[ Anyare? ] Asar na rin si Miko sa mahina kong signal. [Bakit ang bagal ng net mo? Di naman bumabagal net diyan kahit kailan. May problema ba? ]


Tapos na-disconnect ulit ang call namin. Nag-chat na lang ako. Sabi ko ay mag-chat na lang kami. Ang masaklap, patapos na rin pala ang time niya sa computer shop dahil nga sa late akong nakapag-online.


Michael Jonas (chat) : Out na pala ako. 2hrs lang kasi ito. Sorry.


Kahit dismayado ay nag-type ako ng 'okay lang'. Naiintindihan ko naman dahil kailangan niyang tipirin ang kanyang allowance, nabawasan kasi iyon dahil binigyan niya ako ng 1K bago siya umalis.


Nang matapos na ang chat namin ni Miko ay napasandal na lang ako sa pader ng kuwarto. Akala ko talaga ay magkakausap kami, pero nasayang ang oras dahil nga sa nawalan ng Internet kanina. Pinaghintay ko lang siya.


Tumunog ang tiyan ko. Nagugutom ako. Kaunti lang kasi ang aking nakain kanina sa hapunan dahil hindi ko gusto ang ulam. Wala rin namang ibang makakain sa ibaba. Wala pa ring binibiling stocks si Tita Mitchy at hindi rin ako nakabili kahit biscuit kanina sa labas.


Hindi na rin puwedeng lumabas dahil ikinandado na ni Tita Mitchy ang pinto. For safety raw kasi iyon dahil nga isa itong pulis, baka raw may mang-trip dito. Basta, bawal lumabas.


Di bale, bukas na lang ako kakain. Bibili ako ng pandesal sa bakery. Nahiga na lang ako sa kama. Mas lamang naman ang pagod ko ngayon kaysa sa gutom. Pumikit na lang ako, at ilang minuto nga lang ay naghihilik na ako sa sobrang pagod ko.



HOW DID I GET THROUGH THE WHOLE WEEK?


I didn't know either. Sa dami ng ginagawa sa araw-araw, mula sa paglilinis ng bahay, pagluluto, at pag-aasikaso sa pagkain, pagligo, at sa mga gamit ni Lola Mameng, namalayan ko na lang na Friday na pala.


Maaga ang duty ni Tita Mitchy sa presinto. Bago ito umalis kaninang madaling araw ay kinatok ako nito sa kuwarto. Binilinan ako na maglinis ng buong kabahayan. Friday na kasi, uuwi na si Miko mamayang gabi.


May kung anong excitement akong naramdaman. Ang lungkot-lungkot ko noong nakaraan pero ngayon ay bigla akong naging energetic. Kahit kulang pa sa tulog ay napakilos na agad ako. Wala lang, masaya kasi ako.


Nakasunod naman sa akin ang mommy ni Miko. Sinisita kapag nagkakamali ako. Katulad ngayon, nababagalan ito sa kilos ko. "Hay naku, Zandra! Ayusin mo naman. Hindi ka ba tinuruan sa bahay niyo nang tamang pagkilos? Aba, kawawa ang mapapangasawa mo sa 'yo, wala kang kaalam-alam!"


"Sorry po, Tita Mitchy, inasikaso ko pa po kasi iyong arenola ni Lola Mameng kaya hindi ko nabalikan agad ang pag-mop sa sahig."


"Ayusin mo. Wala namang ibang gagawa niyan kundi ikaw. Alangan namang ako? Ako na ang nagtatrabaho rito. Alangan din naman si MJ? E nag-aaral iyon sa Manila. Saka, gawain naman talaga iyan ng babae, kaya wag mong katamaran."


Nang makaalis na ito ay nagpatuloy ako sa paglilinis. Nanliliit ako sa sinabi ng mommy ni Miko na wala akong alam sa gawaing bahay, dahil totoo naman. Hindi naman kasi talaga ako pinakikilos sa amin ng mommy ko.


Inaamin ko rin na may oras na tinatamad talaga ako at inaantok. Madalas ding manakit ang aking balakang. Bumabawi naman ako kapag nakakapagpahinga na, talagang pinag-aayusan ko ang paglilinis sa kabahayan.


Ngayon ay mas masipag ako. Excited ako ngayong araw na ito. Marami akong nagawa. Nag-YouTube talaga ako para matutunan ang mga technique sa paglilinis para wala nang masabi sa akin.


I also took care of Lola Mameng all day, helped her bathe, eat, and gave her medicine. Tapos na ako sa lahat ng gawain at malinis na ang buong bahay, nang bandang hapon nga lang ay naihi sa sahig si Lola Mameng.


Todo sorry naman ang matanda sa akin. "Ay, sorry, Sandara! Hindi ko na kasi kinaya magpunta sa banyo!"


Syempre ay hindi ko naman magagawa sa kanyang magalit, kahit pa kalilinis ko lang kanina ng sahig. "Okay lang po, 'La. 'Wag na po muna kayong kumilos dahil baka madulas kayo. Kukuha lang po ako ng mop para linisin po iyan."


Ngumiti na ang matanda. Mayamaya ay nagmamaktol na naman. "Nasaan ba kasi iyang si Tonet? Siya dapat ang naglilinis, e! Naku, may ka-text na naman siguro! Pag nainis ako, isusumbong ko siya sa asawa niya na kabit niya iyong panadero diyan sa kanto!"


Marami pang sinasabi si Lola Mameng. Hinanap nito si Ate Tonet kahit sa ilalim ng mga sofa, kasi baka raw tinataguan lang siya. Hindi pa rin nagsi-sink in sa matanda na hindi na nga pinapapunta rito ni Tita Mitchy ang stay out nilang kasambahay.


Dalawang beses akong nag-mop ng sahig dahil kailangan ko pang sabunin at banlawan, gawa ng mapanghi ang ihi ni Lola Mameng. Pagkatapos ay nilinisan ko pa ito sa banyo at pinalitan ng damit.


Pinakain ko na rin si Lola Mameng bandang 7:00 p.m. dahil kailangan nang uminom ng gamot. Ang ulam namin ay iyong matabang na sinabawang daing, iyong tira sa tanghalian. Halos wala rin tuloy akong nakain. Nagsusuka pa ako pagkatapos.


Hulas na ako sa pawis at nanlalagkit nang pumasok sa pinto si Tita Mitchy. May bitbit itong plastic ng grocery. Dumeretso ito sa kusina at nilagay sa cupboard at ref ang mga dala. "Kaunti lang itong pinamili ko, para lang may madadatnan si MJ pag-uwi mamaya."


Kaunti lang ang pinamili para kunwari daw ay tira lang sa stocks sa buong linggo. Para hindi mag-aalala at mamo-mroblema si Miko na wala kaming makain dito.


"Alam mo na, kailangan kasing magtipid," sabi ba ni Tita Mitchy. "Naggagamot si Nanay, tapos kailangan ng magtabi-tabi dahil bayaran na naman ng tuition ni MJ. Malamang pa niyan, hihingi pa iyon sa akin ng pangpa-check up mo."


Tumulong ako sa pag-aasikaso ng mga pinamili ni Tita Mitchy. Nang makita ko ang maliit na garapon ng Milo ay napalunok ako. Natakam ako sa chocolate drink. 


Napansin naman ni Tita Mitchy ang tinitingnan ko. "Ay, itong Milo ay paborito ng MJ ko. Ubos niya ito dalawang araw lang, kulang pa nga kasi pinapapak pa niya. Pero sakto na siguro ito kasi two days lang naman siya rito."


Napabitiw na lang ako sa garapon at nagkasya na lang sa paglunok ng aking laway.


Napasimangot ito nang mabistahan ang kabuuhan ko. "Maligo ka nga."


"Naligo na po ako kaninang umaga." Ang sabi niya di ba ay wag mag-aksaya ng tubig? Bakit niya ako pinaliligo ulit?


"Alam mong pauwi na si MJ, tapos amoy paksiw ka. Mahirap mag-aral ng kolehiyo. Lalo pa sa Maynila dahil bukod sa marami roong tao, ma-traffic, at mapolusyon pa. Iyon ang isang linggong tinitiis ng anak ko roon. Pagkatapos ay tuwing Biyernes, mula sa university ay deretso pa siyang uwi rito sa Cavite. Maghapon na sa school, deretso pa biyahe. Imagine that!"


Anong kinalaman niyon sa pagligo ko? Pero kahit naman hindi sabihin ni Tita Mitchy, may balak naman talaga akong maglinis ng katawan mamaya.


"Ang sinasabi ko, Zandra, ang pahinga na lang talaga ng MJ ko ay pag nakauwi na siya rito. Kaya ayusin mo naman ang sarili mo, maligo ka, magpaganda, at magpabango. Para habang nandito siya ay matuwa naman at makapaglibang."


Makapaglibang?


Nilapitan ako ni Tita Mitchy at binulungan. "Ang ibig kong sabihin, bumawi ka naman dahil pinanagutan ka ni MJ. Tinanggap ka namin dito, kaya iyon na lang ang magagawa mo. Habang hindi pa malaki ang tiyan mo ay dapat na mapakinabangan at masulit ka naman muna ng anak ko!"


Nilampasan na ako ng mommy ni Miko pero hindi pa rin ako makagalaw. Daig ko pa ang binuhusan nito ng malamig na tubig. Na sana nga ay ganoon na lang ang ginawa nito.


Iyong pagod, dungis, at gutom ko sa maghapon ay walang sinabi sa nararamdaman kong panliliit ngayon.


Nakatulala ako sa harapan ng pinto nang bigla iyong bumukas. My eyes widened when I saw Miko standing there. Nanginig ang mga labi ko. Kung namamalik-mata lang ba ako o nagde-delusyon ay wala na akong paki. I was so happy to see him again. So happy I could cry...


And I did. My eyes began to tear up.


Miko was really the one in front of me. Nakauwi na talaga siya. Nandito na talaga siya. Naka-sombrelo na kulay itim, naka-uniform pa rin, polo na pinapatungan ng itim na varsity jacket, at sa ibaba ay slacks. Nakasuot pa ng black shoes. Sa balikat niya ay naroon ang duffle bag. Napahikbi ako. Siya nga ito.


Galing pa nga sa school na dito dumeretso. Pero kahit galing sa biyahe ay nasasamyo ko ang presko at mabangong pabango. Iyong amoy na isang linggong na-miss ko. Iyong bango niya na kabaliktaran ng amoy ko dahil nanlalagkit ako sa init at pawis. Nakakahiya ako kumpara sa kanya, but still, I wanted to run to him. I wanted to hug him.


Ang natural na mapupulang mga labi niya ay napaawang nang makita ako. "Zandra, bakit ka umiiyak—"


Hindi na natapos ni Miko ang tanong dahil natakbo ko na siya ng yakap. Wala na akong pakialam sa amoy ko at sa sasabihin niya. Bahala na kahit mandiri siya. I embraced him tightly and wept on his chest. I expected him to push me, but much to my amazement, he hugged me back!


At ang lahat ng pagod ko sa buong linggo, ay sa isang iglap lang, ay hindi ko inaasahang papawiin ng mga salitang binitiwan niya sa aking punong-tainga. "Zandra, na-miss kita..."


JFstories

#BadLoverbyJFstories

Bạn đang đọc truyện trên: ZingTruyen.Xyz