South Boys 2 Heartbreaker
GUSTO RIN.
Nagpahila, nagpahila naman. Nasa likod ko siya at nakasunod sa akin. Sa isang iglap, nawala ang lahat ng sama ng loob ko kanina kay Isaiah.
Ngayon, magaan ang pakiramdam ko. Natutuwa ako. Parang gusto kong panggigilan ang guwapong suplado na nasa likuran ko.
Black cap, black shirt, jeans and a white immaculate Nike sneakers. Hindi ko maiwasang mapangiti na naman.
Kakaiba lang siya ngayon. Hindi ko akalain na babagay sa kanya ang civilian. Hindi siya mukhang masungit at mahirap pakisamahan. Hindi rin halatang saksakan ng talino at seryoso sa buhay. Para siyang normal na teen ager lang, pang-boyfriend ganoon.
Nang mahuli niya akong nakalingon sa kanya ay pasimple siyang nag-iwas ng mga mata. Cute talaga! Sarap gawing dantayan sa kama!
Tumigil na ako sa paglalakad. Nasa ilalim kami ng liwanag ng buwan at mataas na lamppost nang lapitan ko siya.
"Ano pala ang ginagawa mo roon sa plaza?" tanong ko na pambasag sa nakabibinging katahimikan.
Hindi siya sumagot. Ang kulay brown niyang mga mata ay sa iba nakatingin at ayaw man lang sumulyap sa akin. Kainis, hindi niya ba talaga naappreciate na ang gorgeous ko sa aking suot na black sleeveless top na pinapatungan ng maiksing red jumper?
Mukha ngang hindi niya talaga naa-appreciate kasi kung makaiwas siya ng tingin sa katawan ko, akala mo naman hindi ako naligo ng ilang linggo. Hmp, kainis. Siya lang yata ang bukod tanging lalaki na hindi nasilaw kanina sa kinis at puti ng legs ko.
"Anyway, akala ko puro pag-aaral lang ang inaatupag mo, mahilig ka rin pala gumala."
"Sinusundo ko lang ang kapatid ko," paismid na sabi niya.
"Ha? Kailan mo pa ako naging kapatid?"
"Si Jillian," mariing sambit niya na may pagtatagis ng mga ngipin.
Tumawa ako. Parang binibiro lang siya, ang pikon talaga.
"Ah, si Jillian ba?" nakangising ulit ko. "E bakit hindi mo siya kasama ngayon?"
"Wala siya roon."
"Ah..." Tumango-tango ako. "Natapos mo ang mahigit 4 hours na program ng battle of the bands sa paghahanap lang kay Jillian sa plaza ng Malabon?"
Nang tingnan niya ako ay napakunot ang noo niya dahil nangingiti ako.
Tumalikod na ulit ako at nagpatuloy sa paglalakad. "'Yan talagang kapatid mo, kababaeng tao, napakagala. Hindi ba niya naiisip na may kuya siyang nag-aalala sa kanya?"
Nakasunod pa rin siya sa likuran ko. Naisipan ko na bagalan ang mga lakad para magkasabay kami.
Nang maramdaman niyang bumabagal ang hakbang ko ay bumagal din siya. Parang tanga lang o.
Huminto na ako nang tuluyan saka pumantay sa kanya. "Sabay na lang tayo, malawak naman daan saka wala namang sasakyan."
Hindi siya nag-react. Mabuti naman.
"About Sissy Jillian," sabi ko pagkuwan. "Baka naman may jowa na iyon?"
Huling-huli ko ang pag-igting ng kanyang panga. Uy, protective ang kuya.
Wala lang naman, sinabi ko lang iyon para pang-asar sa kanya, saka pamatay ng awkward na hangin sa paligid.
Dama ko kasi na bigla siyang natensyon nang magtabi na kami sa paglalakad. Sa tuwing napapadikit nga ang mga braso naming sa isa't-isa ay pasimpleng napapausod siya.
"Mabuti na lang talaga wala akong kuya."
"What?" Nilingon niya ako.
Lalo akong napangisi. "Wala. Sabi ko linis-linis din ng tainga pag may time ka."
Nagpatuloy kami sa paglalakad hanggang sa makarating kami sa dinaraanan kong shortcut na eskinita. Napakadilim na roon dahil patay na ang ilaw ng katapat na bahay gawa nga ng lampas hating gabi na.
"Wala bang ibang daan?" narinig kong tanong niya.
"Bakit natatakot ka ba?"
Hindi niya pinansin ang sinabi ko. "Dumadaan ka talaga riyan kahit ganitong oras?"
"Grabe ka sa akin. Parang sinasabi mo namang lagi akong ginagabing umuwi."
Though totoo naman na madalas akong gabihin. Lalo na kapag naiinis ako kay Mommy, lumalayas talaga ako kahit gabi.
Itinuro ko ang eskinita. "Maiksi lang naman 'yan, saka onting kembot lang, nasa kabilang kalsada ka na. Para namang hindi ka pa nakakapasok diyan." Nahatid niya na kasi ako minsan.
Papasok na ako sa eskinita nang pigilan niya ako sa balikat. Nagtatakang napalingon ako sa kanya.
"Ako nang mauuna, sa likod kita," marahang sabi niya saka siya nagpatiuna papasok sa loob.
Nagkibit-balikat na lang ako at hinayaan siyang mauna. Doon niya nga ako pinapwesto sa likod niya.
Paglampas namin sa eskinita ay kahit paano, maliwanag na. May mga lamppost na sa gilid ng kalsada. Tanaw na rin ang bungalow house na tinitirahan ko. "Dito na lang ako."
Tutal isang tawid na lang ay bahay ko na, pwede na siguro ako rito.
"Sige na. Uwi ka na. Tanawin kita rito."
Hindi siya tuminag.
"Okay na ako rito. Maigi rin matanaw kita na nakalabas ka na sa eskinita."
"Pumasok ka na sa inyo," utos niya na hindi pinansin ang sinabi ko.
"Oo nga. Okay na nga ako. Papasok na ako. Umuwi ka na."
Tumingin siya sa akin at bahagyang kumunot ang kanyang noo.
Napabuntong-hininga ako. Mukhang hindi siya papatalo.
Pinamewangan ko siya. "Kasali ba ito sa responsibility mo as president of the student council? Labas na ito ng school at wala ring pasok ngayon, ah?"
Lalong kumunot ang noo niya pero hindi naman siya nagsalita. Silent treatment na naman ako.
"Gawain ko ito," nakangising sabi ko. "Hindi na bago na ginagabi akong umuwi. Minsan nga, lasing pa akong nauwi kapag naiimbitahan sa birthday ng tropa. So far, wala pa namang nangyayari sa akin."
Napa-tsk siya. Parang nangunsumi. Napahilot ng mahahabang daliri sa kanyang batok.
"Huy," tawag ko. "Okay na talaga ako rito. Mas hindi ako magiging okay kung ikaw ang hindi makakauwi nang maayos. Kargo kita kasi ako ang nanghila sa 'yo pababa ng jeep kanina."
Nang balikan niya ako ng tingin ay blangko na ang kanyang ekspresyon. "Nauuhaw ako," mahinang sabi niya.
Napakurap ako bigla sa narinig. "Ha?"
"Painom," pagkasabi'y umiwas siya ng mga mata sa akin.
Nangingiti na napailing ako. "O sige na nga, tara na. Ihatid mo na nga ako sa amin."
Nauna na akong maglakad patawid habang nasa likod ko siya. Hindi maalis-alis ang ngiti ko.
Sinusian ko ang gate at binuksan para makapasok kami. Nilingon ko siya dahil ang tagal niya bago pumasok sa loob. "O wag mong sabihing biglang hindi ka na nauuhaw?"
"Nauuhaw pa rin," sagot niya na hindi pa rin makatingin sa akin.
"Sus." Hinawakan ko ang dulo ng tshirt niya at hinila na siya papasok.
Ayaw niya pang pumasok sa sala kung hindi ko pa siya hinila rin papasok sa loob.
"Hindi ka pwedeng tumambay sa bakuran namin dahil baka may gising pang chismosa at makita ka. Magkakaroon na naman sila ng pulutan kinabukasan."
Hinubad ko ang suot kong high cut red Chuck at saka ibinato sa kung saan. Nakayapak ako nang maglakad-lakad sa tiles na sahig.
Binuksan ko ang ilaw ng sala at nilingon si Jordan. Inalis niya ang suot na black cap. Bahagyang nagulo ang kanyang buhok na tila kay sarap haplusin. At kahit pawisan ang kanyang makinis na leeg ay mukhang mabango pa rin.
Nagpaalam na ako bago ko pa siya maisipang singhutin. "Sandali, ikukuha na kita ng tubig."
Iniwan ko siya sa sala. Nakatayo lang siya malapit sa pinto at mukhang walang balak na maupo.
"'Wag ka nang maghubad ng sapatos, ha? Baka mangamoy medyas ang sala namin," biro ko sa kanya kasi mukhang gusto niyang alisin ang kanyang sneakers.
Sinilip ko muna ang kwarto ni Mommy. Madilim sa loob at tahimik. Nang masigurong tulog na tulog siya ay saka lang ako pumunta sa kusina para ikuha ng tubig si Jordan.
Isang baso ng malamig na tubig ang dinala ko sa sala at inabot kay Jordan. "O 'yan na tubig mo."
"Thanks..." Inabot naman niya ang baso.
Humalukipkip ako habang nakatingin sa kanya. Pati sa pag-inom ng tubig, ang guwapo pa rin ng lintek. Naka-side view siya kaya mas emphasize ang perpektong nose bridge, mahahabang lashes, square jaw, at red lips. Haist, swerte ng baso.
Napatigil siya sa pag-inom dahil siguro nakatingin ako.
Tinaasan ko siya ng kilay. "O wag mong sabihing di mo uubusin? Mahal 'yan. Mineral 'yan."
Nagpatuloy siya sa pag-inom. Lihim na napangiti naman ako lalo nang umaalon na ulit ang kanyang Adam's apple dahil sa kanyang pag-inom.
"Sigurado ka ba talagang wala kang gusto sa akin?" naisipan kong itanong.
Bigla siyang nasamid at muntik pang mailuwa ang iniinom na tubig.
"Huy, ayos ka lang?" Nataranta naman ako nang makitang kandaubo siya habang namumula ang buong mukha.
Pinaghahampas ko ang likod niya hanggang sa magtigil siya sa pag-ubo. Inilapag ko sa muna sa center table ang baso saka siya muling nilapitan.
Sinilip ko ang kanyang mukha. Basa ng tubig ang mapula niyang mga labi at namumula na rin pati ang kanyang dibdib.
"Y-yes..." sagot niya habang kinakabog ng kamao ang dibdib. Hindi siya makatingin sa akin.
"Gusto mo pa ba ng tubig?"
Umiling siya. "No. Uuwi na ako."
"Sigurado ka na okay ka lang?"
Tumango siya at humarap na sa pinto. "Wag ka nang lalabas. Ako na ang maglalock ng gate niyo."
"Jordan!"
Huminto siya pero hindi lumingon.
"Thank you."
Lumabas na siya ng gate at dirediretso nang naglakad paalis. Nanakbo naman ako sa bintana ng sala, na kaharap ng kalsada para tanawin siya. Nang makapasok na siya sa eskinita ay saka lang ako umalis at pumasok na rin sa aking kwarto.
Nagpalit na ako ng pantulog at nahiga sa kama. Pagod ako sa magdamag pero hindi ko pa makuhang matulog.
Kanina ay akala ko na badtrip na ako hanggang sa paguwi, hindi ko akalain na kalabaligtaran pala ang mangyayari. Heto at nakangiti ako ngayon habang nakatingala sa kisame.
Hanggang sa makatulog ako ay may ngiti sa aking mga labi. At hanggang sa panaginip, nakikita ko ang namumulang mukha ni Jordan Moises Herrera.
Sana pagising ko kinabukasan, Lunes na. Nakakapagtaka na bigla-bigla, gusto ko na ulit siyang makita.
"MAGSYOTA NA SINA ISAIAH AT VIVI!"
Monday. Iyon agad ang bungad sa akin nina Asher at Miko. Ayon sa dalawang itlog, noong Sabado raw nagging official sina Isaiah at Viviane Chanel.
"Hindi ka hurt?" Nakasunod sa akin si Miko hanggang sa makarating ako sa upuan ko.
Umiling ako. "Magbi-break din naman 'yang mga 'yan."
"Pustahan? Two months ako."
"One month lang!" sabat ni Asher na nakasunod din sa amin.
"Two-hundred," sabi ko. "Ano deal? One week akin."
"Two-hundred?" Napaungol si Asher. "Tangina, noong last na nagpustahan tayo na natalo ka, di ka naman nagbayad!"
"Kaya nga!" segunda ni Miko. "Pero pag siya panalo, maya't-maya kung maningil!"
Natawa ako. "Magbabayad ako! Gusto niyo gawin ko pang limang daan e."
Pagkaupo ko sa upuan ay saka naman pumasok si Isaiah sa pinto ng classroom namin. Nagniningning ang mga mata ng lalaki. Mukhang galing siya sa kabilang room, kina Vivi.
"Hi, Carlyn!" bati niya sa akin nang makita ako. Good mood na good mood ang loko.
"Hi mo mukha mo." Inirapan ko siya.
Kung makabati siya sa akin e akala mo walang atraso. Nilapitan na siya nina Miko at Asher.
Bago magsimula ang klase ay umalis ako sa aking upuan. Meron akong misyon na kailangang maisagawa ngayon. Hinagilap ng aking mga ang kaklase naming si Lexus Comandante. Balita ko ay inaanak siya ni Mrs. Ethelinda Herrera, mommy ni Jordan.
Nilapitan ko siya at hinila sa kwelyo ang katabi niyang lalaki. "Doon ka muna sa upuan ko."
Agad namang sumunod sa akin ang lalaki. Nang makaalis ito ay saka ako naupo sa tabi ni Lexus.
"Hi, Lex!" magiliw na bati ko na akala mo'y close kami.
Napanganga siya nang makita ako. Ilang taon ko na siyang kaklase pero ngayon ko lang siya nilapitan at kinausap kaya malamang talaga na magulat siya.
Gayunpaman ay nangislap ang kanyang mga mata. "H-hi..."
Nginitian ko siya nang matamis. "Birthday mo raw kahapon?"
Namawis ang kanyang noo at sunod-sunod siyang napatango. "A-alam mo birthday ko?"
"Oo nakita ko sa Facebook."
Friends kami sa FB. In-add niya ako last year tapos since then, naging liker ko na siya. Minsan pumupuso pa.
Nangalumbaba ako sa armchair at sinilip ang ngayo'y namumula ng mukha ni Lexus. Siga siya since Grade 8, maloko rin at siraulo, kaya ang funny na tiklop siya pagdating sa akin.
Kinalabit ko siya. "Crush mo ko di ba?"
Nagkandaubo siya at lalong pinamulahan ng mukha.
"Tutal crush mo ko, hihingi ako ng favor sa 'yo."
"Ha? A-ano..."
Ngumisi ako at sinalubong ang mailap niyang mga mata. "I need some info about Jordan Moises Herrera."
Namilog ang mga mata ni Lexus pero sa huli ay wala siyang nagawa para tanggihan ako. Tinabihan ko siya buong klase at piniga hanggang sa ichismis niya sa akin ang lahat ng kanyang nalalaman.
Nalaman ko na taga Ecotrend Villas Subdivision nga si Jordan, sa may Pasong Camachile Dos na lampas sa binababaan ko. One way lang pala talaga kaming dalawa.
Napapaisip tuloy ako. Nakasabay ko na kaya si Jordan sa jeep noon?
Kahit hindi siya pakalat-kalat sa school, medyo familiar siya sa akin, kaya baka nakasakay ko na nga siya sa jeep o tricycle. Siguro sa papasok o pauwi.
Nalaman ko rin na may kaya pala sina Jordan. Ang mommy niya ay purong Caviteña. Simpleng tao lang pero ang angkan ay isa sa mga nagmamay-ari ng mga sakahang lupa sa Pascam, na ibinenta upang pagtayuan ng mga subdivision.
Ang daddy naman ni Jordan ay taga Manila. Dating teacher sa isang international school bago nakilala ang asawa. Ang ama nito na paternal grandfather ni Jordan ay isang Caucasian at architect sa Spain. Kung tutuusin ay dapat doon na sila ngayon nakatira, ang kaso ay ayaw umalis ng mommy ni Jordan sa Pilipinas.
Low-key lang ang mga Herrera pero may mga paupahang townhouse sa Bacoor, Cavite, Parañaque at may ektaryang lupa sa Tagaytay. Astig!
Nang tumunog ang bell para sa lunch break ay busog na ako sa info. Tumayo ako at pinisil ang pisngi ni Lexus. "Thankie!"
Tinalikuran ko na ang namumulang lalaki at lumabas na ako ng classroom.
Nakasalubong ko si Nelly sa pinto. "Car, ano iyon? Wag mong sabihing si Lexus na bago mong apple of the eye ngayon?"
"Gaga!" Nilampasan ko na siya bago pa ako tuluyang manggigil sa mukha niyang hindi pantay ang blush on.
Sa canteen ay kandahaba ang leeg ko sa paghahanap ng isang partikular na tao.
Nakakainis dahil imbes ang hinahanap ko ang makita ko ay sina Isaiah at Vivi ang aking nakita. Nasa dulo sila ng canteen at mukhang may LQ na agad ang dalawa.
Napaismid ako at nagpatuloy sa paghahanap ng aking future.
Paglabas ko ng canteen ay kapansin-pansin na maraming estudyante ang napapatingin sa akin.
Sanay ako na pinagtitinginan kaya noong una ay deadma ko lang, ang kaso ay palalim nang palalim ang mga tingin nila sa akin.
"Siya ba iyon?" naulinigan kong sabi ng kumpulan ng mga estudyanteng nasa gilid.
"Oo. Kaklase ko 'yan last year. Siya nga iyon."
Wala silang pakialam kahit pa marinig ko ang mga sinasabi nila. At kahit simple lang ang mga sinasabi nila, nararamdaman ko na may laman ang mga iyon.
Pagbalik ko sa building namin ay humahangos si Nelly pasalubong sa akin. "Car!"
"Ano na naman ba?" inis kong sita sa kanya.
Humihingal siya nang hawakan ako sa kamay. "Sa CR..." kinukulang sa hangin na sambit niya.
"Ha?"
"Sa CR..." ulit niya saka niya ako hinila.
Pumunta kami sa banyo ng girls na nasa pangalawang building na katabi n amin. Sa loob ay may mga estudyanteng nagre-retouch ng make up. Nang makita ako ay nagsilabasan ang mga ito.
"Dito!" hila ni Nelly sa akin sa isang cubicle.
Pagpasok naming sa loob ay nangunot ang aking noo. Sa malinis at bagong pinturang pader ay may mga nakasulat.
CARLYN MARIE TAMAYO POKPOK!
Kumuyom ang mga kamao ko habang binabasa ang mga sulat ng pentel sa pader.
MAKATI KA BA, GIRL? CARLYN MARIE TAMAYO, LASPAG NA LASPAG NA.
CARLYN MARIE TAMAYO SYOTA NG BAYAN.
CARLYN MARIE TAMAYO MANG-AAGAW NG BOYFRIEND.
CARLYN MARIE TAMAYO, NANAY MO PALA KABIT.
Iba-ibang penmanship. Meaning, iba-ibang tao ang may gawa.
"Carlyn, feeling ko na isa sa mga 'yan ay kapatid ni Charles Felix. Naalala mo ba noong dumaan sila sa room natin?"
Hindi ako kumibo. Nagtatagis ang mga ngipin ko. Wala akong pakialam sa sinasabi ng lahat sa akin, pero ang ikinasisikip ng aking dibdib ay ang pagdamay pa nila sa mommy ko.
Alam ko na fact lang ang sinabi nilang kabit si Mommy, pero hindi naman nila kailangang i-drag pa ito rito kung sa akin naman talaga sila galit.
Inilock ni Nelly ang pinto ng banyo saka ako binalikan. "Manghihiram ako ng pentel mamaya, papatungan ko'yang mga nakasulat."
"'Wag na."
"Car..." Hinawakan niya ako sa braso. "Alam ko na galit ka sa akin. Kung ano man iyong nagawa ko sa 'yo, I'm sorry na. Sana wag ka naman nang magalit sa akin. Ikaw lang ang tropa ko at ayaw kong mawala ka."
Tiningnan ko siya pero hindi ako nagsalita.
"Alam mo bang break na kami ni Numark..." mahinang sabi niya na bahagyang pumiyok. "Wala akong mapagsabihan ng problema ko kasi wala ka..."
Numark was Nelly's on and off boyfriend. Guwapo ang lalaki pero iresponsableng pa-cool kid. Ito ang uri ng lalaki na manggugutom ng pamilya in the future.
Yumuko siya. "Car, two months nang delayed ang mens ko..."
"Anak ng tinapa ka naman, Nelly!" Napapalatak ako sa gulat.
Ang alam ko ay may nangyayari na sa kanilang dalawa. Pinagsabihan ko na noon si Nelly na layuan ang lalaki pero hindi niya ako sinusunod. Bulag siya sa pag-ibig at siguro, sa init ng katawan, since may nangyayari na nga sa kanila.
"Nagcheck ka na ba kung buntis ka talagang punyeta ka?" gigil na tanong ko sa kanya. "Tangina, anong papakain non sa 'yo? Anong pampapagatas niyo sa anak niyo e mga wala naman kayong trabaho?!"
Umiling siya. "Hindi pa naman sure na buntis talaga ako."
Napasabunot ako sa aking buhok. "Magpacheck ka na!"
"Pero paano... break na nga kami..." Napasinghot siya. "Saka papatayin ako ng tatay ko kapag talagang buntis ako..."
"Malamang. Kahit ako tatay mo, papatayin din kita e."
Naglabas ako ng wallet. Kinuha ko ang five hundred na budget ko pa sana hanggang sa Biyernes. Inabot ko ito kay Nelly.
"O. Magpatingin ka na sa doktor. May OB sa bayan, doon ka pumunta!"
Naluluhang tinanggap niya ang pera. "Thank you, Car..."
"Ayusin mo na sarili mo. Tara na." Naiiling na tinulungan ko si Nelly na tuyuin ang kanyang luha. Magkasabay kaming lumabas ng CR pagkatapos.
Iyong mga nakasulat sa pader, hinayaan ko na lang. Bahala na ang mga makakabasa niyon. Bahala na rin kung maniwala sila. Basta ako, alam ko naman kung ano talaga ang totoo.
Pinauna ko si Nelly pabalik sa room namin. Manginginain muna ako sa canteen dahil ginutom ako sa stress.
Hinihilot ko ang aking leeg habang naglalakad nang may humarang sa daan ko. Si Charles Felix Columna, ang feeling boyfriend ng taon.
"Ano na naman ba?" tamad na tanong ko sa kanya.
"Carlyn, sorry last time." Napakamot siya ng ulo at napayuko. "Pwede ka bang makausap kahit saglit lang sana?"
Mukha siyang mabait habang nakayuko kaya naisipan ko na maawa sa kanya.
"Ge, bilisan mo lang." Gusto ko na kasing makabalik sa canteen dahil kumakalam na ang tiyan ko.
"Doon tayo." Itinuro niya ang likod ng building kung saan walang mga nagagawing tao.
Napatango ako. Mabuti nga na roon kami magusap para walang makakakita at uusyoso. Nauna na akong pumunta roon.
Kasunod ko si Charles na mayamaya ay kaharap ko na.
"Bilisan mo na," sabi ko dahil ang tagal niya pang magsalita. Gutom na talaga ako.
"Sorry kasi naging assuming ako. Gusto kasi talaga kita..." mahinang simula niya.
"Okay lang, wala iyon. Naiintindihan ko. Kalimutan mo na. Pinapatawad na kita. Ge, bye na—"
"Carlyn!" Pinigilan niya ang aking pulso nang akmang aalis na ako.
Inis na nilingon ko siya. "Ano na naman? Pinatawad na nga kita e!"
Hinihila ko ang kamay ko mula sa kanyang pagkakahawak pero ayaw niya akong bitiwan.
"Carlyn, liligawan kita."
Napanganga ako sa pagkabigla. "Gago, di nga? Ayoko!"
"Pero bakit ayaw mo? Official na liligawan na nga kita." Nanunubig ang mga mata niya habang nakatingin sa akin. "I love you..."
Napatanga ako sa kanya. Oo guwapo si Charles, sikat din. Ang kaso hindi ko talaga siya type. Siguro kung noon, baka pumasa pa siya kahit fling ko, pero ngayon, wala talaga akong gana kahit pa maging chat or textmate siya.
As in, bigla na lang talaga akong tinabangan sa kahit sinong lalaki mula nang marealize ko na gusto ko si Isaiah Gideon Del Valle. Nabuo na kasi sa utak ko ang lalaking iyon ang bagay sa akin.
Si Isaiah ang kasundo ko sa lahat dahil nag-start kami as tropa. Siya talaga ang naiisip ko na magiging jowa ko sana, kung hindi lang siya nagsyota ng iba.
But wait, meron pa palang isa... si Jordan Moises Herrera. That guy na ginugulo ang isip at mga lamang-loob ko. Siya naman ang itinuturing kong trophy jowa in the future. Pero ewan ko pa rin, di pa sure dahil poles apart kaming dalawa.
Humakbang si Charles palapit sa akin. "Seryoso ako sa 'yo, Carlyn..."
"Seryoso rin ako na ayoko."
Finally, binitiwan niya na ang kamay ko. "Totoo bang boyfriend mo iyong taga Science Class?" malungkot niyang tanong.
Napabuntong-hininga ako. Ayaw ko nang magsinungaling at idamay si Jordan, kaya sinabi ko na ang totoo. "Hindi," sagot ko sa tanong ni Charles.
Sukat ay kumislap ang mga mata niya. "Really?"
Umiling ako. "Hindi ko pa siya sinasagot."
Laglag ang panga niya. "Nagpapaligaw ka sa kanya pero sa akin, hindi?!"
Napakamot ako ng pisngi. "Oo parang ganoon na nga. So babye na? Hanap ka na lang ng iba, ha?"
Paalis na ako nang pigilan niya na naman ako.
"Carlyn, I'm sorry..." Paiyak na siya ngayon. "Hindi talaga kitang kayang kalimutan. Mahal talaga kita. Ang dami kong nagging girlfriends pero sa 'yo lang ako nagkaganito..."
"O anong gusto mong gawin ko e ayaw ko nga sa 'yo?" Napipikon na ako.
"Give me a chance. Ipu-prove ko sa 'yo na mas better ako sa lalaking iyon."
"Weh? Kaya mong mapunta sa Science Class?"
"Hindi naman ganoon." Napangiwi siya. "I mean, kaya ko siyang higitan sa ibang pamamaraan, like sa pagmamahal."
Ako naman ang napangiwi.
Bago pa ako makapag-react ay bigla na lang niya akong niyakap. "I really love you, Carlyn."
Dahil nabigla ay napaatras ako. Bagsak ang likod ko sa pader ng katabing building. Para hindi matumba ay napakapit ako sa bewang ni Charles. Nagmistulan tuloy kaming gumagawa ng milagro.
"Alam niyo bang bawal ang estudyante rito?" Isang malamig bagamat malalim na kalmadong boses ang nagsalita.
Nagulantang ako nang makita ang matangkad na lalaking nagtataglay na kulay tansong mga mata.
Mabilis kong naitulak si Charles palayo sa akin. "Jordan!" sambit ko. This time, hindi naka-civilian kundi nakacomplete uniform na ulit siya. Iyong kagalang-galang. Iyong mahirap biruin.
Walang emosyon ang mukha niya, maging ang brown na mga mata. Gayunpaman, hindi ko maintindihan kung bakit pakiramdam ko ay dapat akong magpaliwanag sa kanya.
"Tumunog na ang bell, dapat nasa klase na kayo," muli ay ang kalmado niyang boses.
Napatingin ako kay Charles na nagtatagis ang mga ngipin habang nakatingin sa kanya.
Mula sa likod ni Jordan ay may sumulpot na babae. Isa sa mga kaklase niya, kilala ko, si 'Do You Know Her'.
Nang makita ako ng babae ay napatakip pa sa bibig na akala mo naman bold ang nasaksihan. "OMG! Anong ginagawa niyo rito?!"
"Let's go, Lou," yaya ni Jordan sa babae.
Lou? Lou pala ang pangalan nitong bida-bidang ito? Now, I know.
"Sandali!" natatarantang pigil ko sa kanila. "Wala naman kaming ginagawang masama rito—"
"It's okay," putol ni Lou sa pagsasalita ko. "We understand." Ngumiti pa ang bida-bida. "Natural lang naman sa mga magboyfriend ang magsolo."
Ano raw? Gaga ito, ah!
"Ang kaso, hindi niyo dapat ginagawa sa school ang ganyan. Marami namang pribadong lugar at oras. Isa pa, nag-aaral pa kayo, dapat alam niyo ang limitasyon."
"Adik ka ba?" hindi ko na napigilang itanong kay Lou. Pang sabog kasi ang mga pinagsasasabi niya.
Lumingon si Jordan sa akin. Hindi na kalmado ang itsura niya. Salubong ang kanyang mga kilay at magkalapat ang mga labi.
"Wala kaming ginagawa!" gigil na sambit ko. Hindi ko na rin alam kung ano ba ang pinaglalaban ko.
Hindi ko rin alam kung bakit naiinis ako dahil parang galit si Jordan. Bakit siya galit?!
Bakit din importante sa akin kung galit ba siya o hindi?!
Bakit affected ako?! At bakit gusto ko siyang awayin dahil feeling ko, hinuhusgahan niya rin ako katulad ng iba.
"Calm down," sabi na naman ng bida-bidang si Lou. Ngumiti pa sa akin na akala mo concerned talaga. "Hindi naming kayo isusumbong, basta wag niyo na lang uulitin."
Hinila ako ni Charles sa braso. "Tara na, ihahatid na kita sa room mo, Carlyn."
"Ano ba?!" Ipinagpag ko ang pagkakahawak ni Charles sa akin. "Wag mo akong hahawakan! Binabawi ko na iyong pagpapatawad ko sa 'yo, tangina ka!"
"Oh..." napasinghap si Lou dahil sa pagmumura ko. Akala mo naman ngayon lang nakarinig ng bad words sa buong buhay niya.
Dahil sa asar ko ay nilingon ko siya. "Isa ka pa, tangina ka rin!"
Nanlaki ang mga mata niya. "How dare you?!"
"Lou," mahina at marahang awat ni Jordan sa kanya.
Nanahimik naman ang babae. "Yeah. I'm sorry JM, hindi nga dapat pala pinapatulan ang mga ganyan..."
'Ganyan?' At anong ibig sabihin niya sa word na 'ganyan'?! At itong Jordan naman na ito, tahimik lang. Lalo akong nanggigil.
Tutal marumi naman na ako mata ng lahat, e di fine! Wala na akong pakialam!
Sa inis ko ay hinaltak ko ang kwelyo ni Charles. "Charles, tara na! Sa kabilang building na lang tayo maglandian, iyong walang istorbo."
Kahit nagulat ay walang nagawa si Charles kundi sumunod sa akin na parang aso.
Hindi pa kami nakakalayo nang marinig ko muli ang nakakairitang boses ni Lou.
"The guts of that girl. Hindi ko akalaing nakikipagkaibigan ka sa ganoon, JM."
Kumukulo ang dugo na napatigil ako sa paglalakad. "Sandali lang, Charles."
Nilingon ko ang dalawa na nakatingin pa rin sa amin. Lalo na si Jordan Moises Herrera na hindi ko mabasa kung ano ba ang tumatakbo sa isip sa mga oras na ito.
Humakbang ako palapit sa kanila. "May nakalimutan ako..."
Tumaas ang isang kilay ni Lou samantalang si Jordan ay kumunot ang noo.
Huminto ako sa harapan ni Jordan. "Nakalimutan ko lang magsorry."
Bago pa sila makapag-react, bumuwelo ako at sinuntok sa sikmura si Jordan. Dahil nabigla ay napausod siya at napaubo.
Si Lou at Charles ay pareho ng reaksyon, parehong napatulala.
Nang mag-angat ng mukha si Jordan ay namumula siya. Nakaawang ang mapula niyang mga labi at nanlalaki ang kulay brown na mga mata. Hindi siya makapaniwala.
Matamis ko siyang nginitian. "Sorry..."
At pagkatapos ay saka ko na binalikan si Charles at kinaladkad paalis.
JF

Bạn đang đọc truyện trên: ZingTruyen.Xyz