ZingTruyen.Xyz

South Boys 2 Heartbreaker

TWO DAYS AND ONE NIGHT NA AKONG NAKA-CONFINE.


Ang pananakit ng aking tagiliran ay tumindi. Nagsusuka ako sa daan pauwi sa amin. Nang makarating ako sa bahay ay doon na ako hinimatay. Malala na pala ang uniinda kong UTI.


Meron akong UTI na ang sabi ng doktor ay nakuha ko sa madalas na pag inom ng antibiotics at madalas na pagamit ng intimate wipes. Dahil bagsak ang white blood cells ko at mahina ang antibodies sa aking katawan ay walang panlaban ang resistensiya ko sa infection. Ang katamaran ko sa pag-inom ng tubig at kahiligan sa sugary drinks at kape ay nakadagdag sa tuluyang pagkairita ng aking bladder.


Nanghihina ako habang nakahiga sa ibabaw ng hospital bed. Nasa isang private room ako ng isang private hospital dito sa Cavite. May dextrose na nakakabit sa akin. Wala akong bantay at kasama kaya ako lang mag-isa.


Hindi ako masamahan ni Mommy dahil kailangan niyang alagaan si Baby Levi. Si Ninong Luis naman ay may mga negosyong kailangang asikasuhin.


Bumukas ang pinto at pumasok si Mommy. "How are you feeling, darling?" Puno ng pag-aalala ang boses niya.


"Okay lang po, My..." nanghihinang sagot ko. Pinilit kong bumangon para makaupo sa hospital bed.


Inalalayan niya naman ako na makaayos sa pagkakaupo. Itinaas niya ang kalahati ng hospital bed para aking masandalan.


"Sorry ngayon lang ako nakabalik. Sa sobrang pagkataranta ko kasi ay naiwala ko ang phone ko. Kinailangan ko pang maghanap ng payphone para matawagan ang ninong mo. Late niya na nalaman ang nangyari sa 'yo kaya kanina lang niya nakuha si Baby Levi. Nasa Manila sila ngayon."


Nang aking makaharap si Mommy ay napansin ko ang pamumula ng kanyang mga mata. Maging ang dulo ng matangos niyang ilong ay bahagyang namumula. Malungkot ang ekspresyon niya.


"Darling... May kasama ako na gustong kumausap sana sa 'yo..."


"Sino?" Kumabog ang dibdib ko. Umasa na kahit alam ko na malabo.


Hinawakan ni Mommy ang aking balikat at magaang pinisil. "Please, be brave, my baby..."


Bumukas ang pinto ng private hospital room na aking kinaroroonan. Mula roon ay isang babaeng nasa early twenties ang pumasok. Nakasuot ng kulay itim na bestida at malungkot ang aura.


"It's okay, darling." Bahagyang lumayo sa akin si Mommy. Ang mga mata niya ay tila nagsasabing magpakatatag ako.


Nagsimulang lumapit sa akin ang dumating na babae. Pinag-aralan ko ang kanyang kabuuhan. May kapayatan, morena, makinis, at maamo ang maliit na mukha. Kahit sa simpleng pananamit ay masasabing may kaya sa buhay. Mukha rin siyang matalino at matino.


Unti-unti ay naging pamilyar sa akin ang kanyang itsura. Ilang beses ko na pala siyang nakita sa social media, pero kahit kailan ay hindi ako nagtangka na mag-reach out sa kanya.


Mapanglaw ang mga mata niya nang huminto siya sa aking harapan. "How are you, bunso?"


"A-ate Jade..." sambit ko sa mababang boses.


"Pwede ba kitang yakapin?" Hindi niya na nahintay ang pagsagot ko. Yumakap sa akin ang payat at nanginginig niyang mga braso. "I'm so happy to finally see you, Carlyn."


Nang humiwalay siya sa akin ay luhaan na ang mga mata niya. Buong katawan niya na ang nanginginig. Ang mga labi niya ay nangangatal sa paghikbi.


Naghahalo ang kaba at gulat sa akin dahil hindi ko maintindinhan kung ano ang nangyayari. Bakit ako pinuntahan ni Ate Jade?


Nang lingunin ko si Mommy ay napansin ko na pinangingiliran siya ng luha. "M-mag-usap muna kayong magkapatid. Babalik ako mamaya..."


Lumabas na si Mommy ng kwarto at sa itsura niya ay alam ko na iiyak siya sa labas. Lalo akong naguluhan. Ang kaba sa aking dibdib ay mas nadagdagan.


Hinarap kong muli si Ate Jade. "Bakit ka nandito?"


Siya ang panganay at legal na anak ni Daddy. Hindi ako sigurado kung ilang taon ang tanda niya sa akin. Kung tatlo, apat o lima ba. Kahit kailan ay hindi pa kami nagkausap at nagkaharap nang ganito kalapit sa isa't isa.


"Carlyn, I'm sorry. Ate is very sorry," paos at basag ang boses na sabi niya.


"A-anong sinasabi mo?"


"Wala na sila..."


Umawang ang mga labi ko. Tila ako naging isang bato na hindi makagalaw.


"Carlyn, I'm sorry." Marahan niyang pinisil ang nanlalamig na mga palad ko. "Sorry, wala na sina Mommy at Daddy..."


Umalog ang mga balikat ng babae at napuno ng luha ang kanyang maputla at malungkot na mukha.


"Lasing si Daddy at aalis sana siya nang habulin siya ni Mommy," garalgal ang boses na kwento ni Ate Jade. "Hanggang sa kotse ay nagtatalo silang dalawa. Tinawagan na lang ako ng ospital at sinabing nabangga pala ang sinasakyan nila ng isang truck. Parehong dead on arrival na sila..."


Anong kalokohan ang sinasabi ni Ate Jade?


Paanong namatay si Daddy sa ganoong aksidente? Hindi pwede iyon. Hindi pwedeng basta na lang mamatay si Daddy. Masamang damo siya e, hindi siya pwedeng basta mamatay. Saka galit ako sa kanya, masama ang loob ko sa kanya kaya hindi talaga siya pwedeng mamatay.


Napatingin ako sa aking mga kamay na ngayon ay nanginginig na. Ang mga mata ko ay unti-unting nanlabo dahil sa luha at hindi pa rin ako makapagsalita.


"Carlyn, patawarin mo ako kung ngayon lang kita nahanap. Nahirapan pa kasi akong kumbinsihin ang mga tito ko na ituro kung saan kayo nakatira ni Tita Clara. Sumubok ako na kontakin ka kaya lang nagpalit ka na nga pala ng number. Ang lahat naman ng mga messages ko sa 'yo sa mga social media accounts mo ay napupunta lang sa message request kaya siguro hindi mo nabasa. I also tried commenting on some of your Facebook posts, but I think you didn't notice it."


"N-nasaan si Daddy?" paos at mahinang tanong ko nang sa wakas ay maapuhap ko ang aking boses.


"Nasa mausoleo ng pamilya namin ang abo niya. Kasama niya si Mommy roon. Pwede kang dumalaw kahit kailan mo gusto. May karapatan ka."


Yumuko ako. Ang mga luha ko ay hindi humhinto sa pagtulo.


Wala na si Daddy. Totoo ba talaga iyon? Maniniwala ba ako?


Ang pakiramdam ko ay para akong binabangungot sa mga oras na ito. Baka nga nasa isang bangungot lang ako.


Ang sakit e. Ang sakit-sakit ng dibdib ko at ayaw ko ng ganito. Gusto ko nang magising sa bangungot na ito.


Kahit masama ang loob ko kay Daddy, kahit sinisisi ko siya kung bakit walang kwenta ang buhay ko, kahit siya ang puno't dulo kung bakit magulo ang pamilya niya at ang pamilya namin ni Mommy, siya pa rin ang daddy ko.


At wala na akong daddy. Talaga wala na akong daddy.


Bakit wala na siya? Ayos lang naman kahit lagi siyang nagdadala ng gulo. Ayos lang kahit ang ligalig niya. Kahit ang istrikto niya, ang unfair niya, at ang sarap niyang daganan ng unan minsan, ayos lang. Basta dapat buhay lang siya.


Kahit hindi ko siya makasama, wala akong pakialam, kasi sanay naman na ako na palaging wala siya. Pero basta alam ko lang sana na buhay siya at maligaya sa kung saan. Basta dapat buhay siya.


"Carlyn..." Ang nag-aalalang boses ni Ate Jade. Hinihimas niya ang aking likod habang nanginginig na umiiyak ako.


Tiningala ko siya at luhaang pinakatitigan. "Nagsisinungaling ka lang, di ba?"


Umiiyak na umiling siya. "I'm sorry..."


Itinulak ko siya at napasigaw ako sa sobrang sakit.


"Ang unfair niya talaga kahit kailan!" umiiyak na sigaw ko. "Ang unfair niya! Bakit siya namatay, ha?! Sobrang unfair niya!"


Naramdaman ko ang muling pagyakap ni Ate Jade sa akin. Mahigpit ang yakap niya sa akin.


"Ang unfair!" hiyaw ko. "Galit ako sa kanya kaya dapat hindi siya namatay na galit ako sa kanya!" Napahagulhol na ako sa balikat ni Ate Jade. "Dapat hindi siya namatay na galit ako! Dapat hindi!"


Hinigpitan niya pa lalo ang pagkakayakap sa akin at ayaw niya akong pakawalan. "I'm sorry, bunso. I'm sorry, wala na ang daddy natin."


Ginanti ko sa pagkakataong ito ang yakap ni Ate Jade. Mahigpit na yakap namin ang isa't isa, habang umiiyak na para bang hindi ito ang unang beses na nagkasama kaming dalawa.


Ilang minuto na pinakawalan namin ang lahat ng sakit na aming nararamdaman. Kahit hindi perpekto ang taong iniiyakan namin, siya ang ama namin. Kahit ibaliktad ang mundo, siya ang ama namin. Hindi na magbabago iyon.


"Kahit ganoon si Daddy, mahal natin siya, di ba?" Ikinulong ni Ate Jade ang aking luhaang mukha sa kanyang mga palad. "At kahit ganoon siya, mahal niya tayo."


Humihikbi akong tumango.


Hinang-hina na ang aking pakiramdam. "Iiwan mo rin ba ako, Ate Jade?"


Malungkot siyang ngumiti sa akin. "Pupunta ako sa Singapore sa katapusan ng buwan. Kung gusto mo na sumama sa akin, pwede. Gusto kitang makasama..."


Napayuko ako.


May kinuha siya sa kanyang bag. Isang calling card ang inilagay niya sa aking palad. "Bunso, gusto kitang mas makilala. Kahit wala na ang daddy natin, magkapatid pa rin tayong dalawa..."


Nang nagpaalam na si Ate Jade ay bumalik si Mommy sa kwarto. Katulad ko ay basa ng luha ang mahahaba niyang pilik-mata.


Niyakap ako ni Mommy at hindi pinakawalan hanggang sa makatulog ako dahil sa pagod sa matagal na pag-iyak.


Nang sunduin kami ni Ninong Luis ay sa Manila kami dumiretso. Sa condo ng lalaki sa QC kami nag-stay ng ilang araw.


Nasa kwarto lang ako at pinagpapahinga ni Mommy dahil nanghihina pa rin ako.


Dahil naiwan ko ang phone ko sa amin at wala pa ring phone si Mommy ay wala akong mapaglibangan. Wala rin naman akong balak na maglibang. Sa nakalipas na mga araw ay tahimik lang ako.


Hindi rin ako kinakausap nina Mommy dahil kahit anong pilit nila ay talagang ayaw ko na magsalita. Daig ko pa ang nalunok ang sariling dila. Ang mga mata ko naman ay blangko lang at tila walang nakikita.


Pinabayaan na lang muna ako ni Mommy na ganito. Binigyan niya ako ng time na maging malungkot at magdalamhati.


Inubos ko ang oras ko sa pagtitig lang sa kisame. Nagkukulong ako sa kwarto. Minsan ay nakatulala ako, minsan naman ay tahimik na umiiyak.


Sa huling araw namin sa Manila ay dinalaw namin sa mausoleo ng mga Tamayo si Daddy. Doon ay naabutan namin si Ate Jade na kararating lang. Naiwan kaming dalawa roon na tahimik lang na nakatingin sa puntod ng ama namin.


Saktong ika-dalawang linggo ay saka lang kami umuwi ng Cavite. Pagkarating ng Navarro ay nauna ng bumaba si Ninong Luis para ipagbukas kami ng gate. Si Mommy naman ay karga-karga si Baby Levi.


Mula sa tindahan sa kanto ay lumabas si Aling Barbara. Nagmamadali ang ginang na humakbang palapit sa amin. "Clara, saan kayo galing?"


Hindi sinagot ni Mommy ang pang-uusisa ni Aling Barbara. Ganoon din ako na nanatiling tahimik.


Si Ninong Luis ay nauna nang pumasok sa loob ng bakuran dahil bubuksan pa ng lalaki ang mga padlock sa pinto.


Si Aling Barbara na bagamat walang pumapansin ay masigasig na nakasunod pa rin. "Carlyn, pumunta pala iyong boyfriend mo. Hinahanap ka e walang tao sa inyo kaya umalis din. Pero nakailang balik."


Napalingon ako sa babae. Nakangisi siya sa akin na halatang masaya dahil nakuha niya na sa wakas ang pansin ko. Agad din akong nagbawi ng tingin dahil ang pumasok sa isip ko na tinutukoy niyang boyfriend ay si Isaiah.


Tumango lang ako kay Aling Barbara at pumasok na kami ni Mommy sa bahay.


Pagkahiga ko sa kama ay ang una kong tiningnan ay ang phone ko. Dead bat na ito kaya kinailangan ko pang i-charge.


Walang may alam na naospital ako. Kahit ang tropa ay hindi alam. Gayunpaman ay may mga pm sila. Hinahanap nila ako.


Kahit si Sussie ay marami-rami ng pm sa akin. Hindi ko binuksan ang kahit anong pm mula sa kanila.


Kahit ang pm ni Isaiah ay hindi ko rin pinagkaabalahang tingnan. May mga missed calls din sa akin ang lalaki.


Mapait akong napangiti dahil iyong nag-iisang tao na gusto ko sanang magparamdam sa akin kahit isang message lang ay hindi man lang nakaalala.


Naninikip ang aking dibdib sa isiping hindi niya talaga ako naisip kahit saglit. Wala na ba talaga siyang pakialam?


Nahiga na ako sa kama dahil nararamdaman ko na nag-iinit na naman ang aking mga mata.


Bago ko patayin ang phone ko ay biglang nag popped up ang chat ni Nelly. Dahil bumukas na ang message ay wala na akong choice kung hindi tingnan na lang kung ano iyon.


Nelly: May i-splook ako sau! Jontis daw si Vivi at nandun na raw nakatira sa baler nina Isaiah!


May kasunod pang chat.


Nelly: Kaka-shookt, no? Si Asher ang source ko! Pumunta kasi dito dahil nagkita sila nong syota niya na taga Sunterra. Dito sila tumambay sa amin sa Riverside. E lasing si Asher kaya napaamin ko!


Expected ko na hindi talaga papayag si Isaiah na mawawala si Vivi. Nakakagulat lang dahil hindi ko akalaing iyon talaga ang naisip niyang paraan para maitali sa kanya ang babae. Gago talaga.


Natukso na akong tingnan ang chat ni Sussie. Hinahanap ako ng babae. Ang ikinagulat ko ay doon na raw nakatira ngayon sa kanila si Arkanghel. Nangungupahan daw sa bodega nila sa likod. Sandali lang akong nawala, ang dami na palang nangyari.


Ibinaba ko na ang phone sa bedside table dahil nakaramdam na ako ng pagkahilo. Pabalik-balik pa ang lagnat ko kaya naman hindi pa ako ganoon kalakas.


Masama pa rin ang pakiramdam ko pero hindi ko mapigilan ang aking sarili na maya't mayang silipin ang screen ng phone ko. Baka kasi may maligaw na text or chat. Pero sumapit na ang hapon na maski x-sent sa taong hinihintay ko ay wala akong natanggap.


Walang paramdaman kahit isa sa akin si Jordan.


Ilang araw na nang huli ko siyang makita at sobrang miss na miss ko na siya. Ang sakit-sakit na ng dibdib ko na isiping natitiis niya ako. Na wala man lang siya kaalam-alam na na-ospital ako at namatay ang daddy ko. Kung alam niya, pupuntahan niya kaya ako? O wala na talaga siyang pakialam?


Bumangon ako sa kama. Kahit nanghihina ay nagbihis ako at nag-ayos ng sarili. Hindi ko na kayang maghintay lang. Hindi ko na kayang hindi siya makita. Mamamatay ako sa pagka-miss sa kanya.


Naghanda ako sa pag-alis. Tyumempo ako na nasa kwarto sina Mommy at Ninong Luis para hindi nila ako makita. Kung magpapaalam kasi ako sa kanila ay tiyak naman na hindi nila ako papayagan. Hindi pa kasi ako tuluyang magaling.


Sumakay ako ng tricycle at nagpa-special papunta sa subdivision nina Jordan sa Pascam. Wala ang kotse ng parents nila nang dumating ako. Bukas ang gate at maging ang pinto ng bahay nila.


Nakapagtataka kasi ngayon ko lang naabutan na ganito ka-open ang kabahayan ng mga Herrera.


Dahil bukas naman ang gate at pinto ay hindi na ako nag-doorbell. Pumasok ako sa loob.


Sa sala ay nakita ko si Jillian. Nakaupo ang babae sa sofa habang nagsasalansang ng mga gamit sa kaharap na isang malaking box. Bukod doon ay may ilan pang box na nakakalat sa paligid.


Naalala ko ang sinabi noon sa akin ni Jordan na pagkatapos ng graduation ay lilipat na sila sa Tagaytay. Ito na ba iyon? Aalis na ba sila? Kailan sila aalis?


Napaangat ang mukha ni Jillian sa akin nang maramdaman ang presensiya ko.


"Hi..." Maliit ko siyang nginitian. "Uhm, si Jordan?"


Nasa bukana lang ako ng pinto. Iginala ko ang aking paningin sa loob ng bahay nila. Wala ang kuya niya kahit saan.


Dumako ang aking paningin sa pinto ng kwarto ni Jordan. Nakabukas iyon at may maririnig na boses mula sa loob.


Napakunot ang aking noo dahil bukod sa boses ng isang lalaki ay may isa pa akong boses na nauulinigan. Boses na hindi pamilyar. Malambing na boses ng isang...


Mula sa nakabukas na pinto ng kwarto ay lumabas ang isang magandang babae. "Saan ba ilalagay ito, Jill?" Hawak-hawak niya ang isang box na may lamang mga libro.


Para akong binuhusan ng malamig na tubig nang makita ang pamilyar na mukha ng babae.


Sa sofa ay napalunok si Jillian bago sumagot. "Ah, ibaba mo na lang sa mesa, Nat."


Nat...


Sa pinto ng kwarto ay sumunod na lumabas si Jordan. Katulad ng normal na ekspresyon niya ay formal ang kanyang mukha. Napatingin siya sa gawi ko.


Nagtama ang mga mata namin at natigilan siya.


Nagmamadali akong tumalikod at kandatalisod na lumakad paalis. Nanlalamig ang mga palad ko at nakakabingi ang kabog ng aking dibdib.


Sinundan ako ni Jordan hanggang sa labas ng bahay nila. "Are you going home now?" malumanay at mababa ang tono niya nang magsalita.


"Ano ngayon sa 'yo?" tamad na balik-tanong ko.


Hindi siya kumibo. Nakatingin lang sa akin ang nakakapaso niyang mga mata.


"Balikan mo na si Nat. Baka nagtataka na iyon kasi lumabas ka."


Hinagod niya ng mga daliri ang buhok at nagpakawala ng paghinga.


"Aalis na ako," mahinang sabi ko saka tumalikod.


"Carlyn."


Nilingon ko siya at malungkot na nginitian. "Akala ko hindi mo ako sasaktan. Mas matindi ka pa pala sa kanilang lahat. Pinaasa mo ako na pwede akong maging masaya sa 'yo, pero mas masakit pala ang ipaparanas mo sa akin."


Gumuhit ang sakit sa mga mata niya. Nakakatawa lang dahil bakit?


"Jordan Moises Herrera," mahina pero mariing sambit ko sa pangalan niya. "Sana hindi na tayo magkitang dalawa dahil nagsisisi na akong nakilala kita."


Umawang ang mapula niyang mga labi bagaman walang namutawing salira mula roon.


Tinalikuran ko na siya at nanakbo na ako palayo. Palayo sa kanya at sa lahat ng mga alaala na ibabaon ko na sa limot mula sa araw na ito.


Nagsisisi na ako na naniwala ako sa kanya. Nagsisisi na ako na hinayaan ko siyang makapasok sa buhay ko. At mas pinagsisisihan ko na minahal ko siya. Ayaw ko na siyang makita. Hindi ko na siya gustong makita kahit kailan.


Nagsisisi na ako na naniwala ako na sa kabila ng lahat ay may taong kaya akong tanggapin at mahalin. Nagsisisi na ako dahil umasa ako na sa mga panahong kailangang-kailangan ko ay meron akong masasandigan at makakapitan. Kasinungalingan lang ang lahat ng iyon. Niloloko ko lang ang sarili ko dahil sa huli, mag-isa pa rin ako.


Sarili ko lang ang kakampi ko. Sarili ko lang ang magmamahal sa akin at iintindi. Walang iba. Sarili ko lang.


Hindi ko alam kung paano ako nakauwi sa bahay namin nang hindi ako nadadapa o nawawalan ng malay. Nanghihina ako at nanlalabo ang paningin ko sa luha.


Nagpunas ako ng luha at inayos ang aking sarili bago pumasok sa pinto ng bahay namin.


Sa sala ay naulinigan ko ang masayang boses nina Mommy at Ninong Luis na nagmumula sa kusina. Humahalo sa tawanan nila ang munting hagikhik ni Baby Levi. Nang sumilip ako roon ay nasilayan ko ang isang napakasayang pamilya.


Namait ang aking panlasa habang nakatingin sa kanila. Napakasaya nila at gusto kong protektahan ang mga ngiti na nakaguhit sa kanilang mga mukha.


Bumaling ang paningin ni Mommy sa akin. "Darling, gising ka na pala. Gusto mo bang kumain?"


Si Ninong Luis ay ngumiti rin sa akin. Maging si Baby Levi ay nakabungisngis at walang kahit anong problema sa mundo.


Kahit basag na basag ang pakiramdam ay sinikap kong maging masaya sa harapan nila. Isang matamis na ngiti ang aking pinakawalan. "Mommy, sasama po ako kay Ate Jade sa Singapore."



SIX YEARS LATER...


Hinubad ko mula sa aking kaliwang pulso ang wide bangle bracelet. Ganitong uri ng alahas ang madalas kong isinusuot. Ipinatong ko iyon sa ibabaw ng mesa.


I was still in Singapore. I was living here for six years now.


Iginala ko ang aking paningin sa sala ng 2 bedroom 32 SQM modern style condo. Ang isang kwarto rito ay ang aking kwarto at ang isa naman ay ginawa kong dressing room.


Malinis na malinis ang paligid. Hindi kagaya ng iniwan ko noong nakaraang buwan na sobrang gulo. Malamang na ipinalinis na naman ito ni Ate Jade. Alam ng nakatatanda kong kapatid ang combination ng lock kaya naman kahit kailan ay pwede siyang maglabas-masok dito.


Nag-unat ako ng mga braso at tumingin sa wall clock. 4:00 pm ang oras. Ngayon lang ako nag-stay ng ganitong oras dito. Madalas kasi ay gabi lang akong umuuwi. Iyong kapag pagod na pagod na at matutulog na lang.


Kung wala sa trabaho ay nasa mga bar ako at nagsasaya. Kapag nabo-bored ay nangingibang bansa. Kung saan-saan ako pumupunta. Hindi ako naglalagi sa isang lugar dahil nga sa mabilis akong maumay.


Sa bilis kong magsawa ay paiba-iba rin ako ng trabaho. Okay lang naman kahit madalas din akong maging jobless. Malaki-laki ang namana ko kay Daddy. Hinati ni Ate Jade nang pantay ang lahat ng pera ng ama namin. Pati ang mga napagbentahan ng bahay at sasakyan, hinatian niya ako kahit ilang beses akong tumanggi.


Aanhin ko ang pera? Wala naman akong sinusuportahan at binubuhay maliban sa sarili ko.


Mayaman ang Singaporean na napangasawa ni Ate Jade. Mayaman din si Ninong Luis na asawa na ni Mommy ngayon. Lahat sila ay masasaya sa buhay nila. They didn't need me.


Bumukas ang maind door ng condo ko at mula roon ay pumasok ang isang buntis na babae. Nakasuot siya ng isang floral maxi dress. Ang kanyang mukha ay bagamat maamo ay nakasimangot sa mga oras na ito.


Sinalubong ko siya agad ng malambing na pagbati. "Oh, hello to you gorgeous! I missed you!"


Ni hindi ngumiti ang babaeng buntis. "Ilang linggo ka na naman daw na hindi ma-contact ni Tita Clara."


Hindi ko pinansin ang kanyang sinabi. Itinutok ko ang aking paningin sa kanyang malaking tiyan na halatang halata sa suot niyang maxi dress. "Wow, your tummy is so big now."


Humalukipkip siya at tiningnan ako nang matalim. "Wag mong baguhin ang usapan."


Nakangiti pa rin ako. "But I can't help it. You're really gorgeous. Pregnancy suits you."


"Nag-aalala sa 'yo si Tita Clara. Hindi niya alam kung paano magre-reach out sa 'yo. Wala kang social media. Lagi pang uncontacted ang number mo. Wala ring laging tao rito sa condo mo. Alam mo bang last month ay pupuntahan ka dapat nila rito?!"


"Will you please chill?" mahina akong natawa. "Baka pag lumabas ang baby mo e nakasimangot 'yan."


"Chill?" Halos maglabasan na ang litid sa leeg ni Ate Jade. "Carlyn, we have no idea what the hell is happening to you!"


Ngumiti muli ako. "Come on, smile." Nilapitan ko siya at hinawakan sa magkabila niyang balikat. "Ang blooming-blooming mong magbuntis, o. Pag sumimangot ka pa, papangit ka, do you like that?"


Tinabig niya ang kamay ko. "Wag mo akong bolahin," inis na sita niya sa akin bagamat kalmado na ang kanyang mukha ngayon.


Niyakap ko siya. "I'm fine. Hindi ako toddler o teenager na dapat niyong intindihin."


Tumingin siya sa mga mata ko na tila inaarok ang aking tunay na nadarama. Lalo lang naman akong ngumiti.


"I'm really okay," pagpapanatag ko sa loob niya. "Please, don't worry about me."


Ang mga mata ni Ate Jade ay bumaba sa aking katawan at tumuloy sa kamay ko na nakahawak sa kanyang balikat. Huminto ang paningin niya sa aking kaliwang pulso kung saan makikita ang bakas ng isang dating sugat.


"Bunso, you can't blame me..." mahinang sambit niya at sinalubong ang aking mga mata.


Umiwas ako sa malungkot niyang mga tingin sa akin. "Relax, sis. I'm sober now."


Tinalikuran ko siya at pumasok ako sa aking kwarto. Sumunod naman siya sa akin. Natigilan siya sa pinto ng kwarto at napanganga. "What the..."


"Hindi ako nagpaparamdam kay Mommy dahil gusto ko siyang surpresahin."


Kahit hindi ko nakikita ay alam kong nakatutok ang nanlalaki niyang mga mata sa mga nagkalat na mga damit sa aking kama at sa mga maleta at kahon na nasa carepeted na sahit. "'You mean?"


"What I mean is..." Nilingon ko si Ate Jade at matamis na nginitian. "I'm going back to the Philippines!"


JF

Bạn đang đọc truyện trên: ZingTruyen.Xyz