ZingTruyen.Xyz

South Boys 2 Heartbreaker

WAG MONG PIGILAN.


Bakit hindi iyon maalis sa isip ko? Bakit pabalik-balik iyong salita? Natutuliro tuloy ako at hindi makapag-concentrate sa ginagawa.

"Hoy, ayos ka lang?" Ipinitik ni Isaiah ang mahahabang daliri niya sa harapan ng aking mukha.

Napakurap naman ako. "Ha?"

"Ineng, ang lalim ng iniisip mo, di ko masisid."

Narito pala ako ngayon sa bahay nila Isaiah. Nakasalampak kami sa tiles na sahig ng sala nila. Pagkatapos ng klase ay dito kami dumiretso dahil may reporting kami bukas.

Dahil siya ang katabi ko sa upuan ay kami ang magka-partner sa report. Si Isaiah ang nag-isip ng ire-report 'tapos ako ang tagasulat sa manila paper. Nabitiwan ko na pala ang pentel pen nang hindi ko namamalayan.

"Sorry, sorry," hingi ko ng pasensiya. "Pakiulit na lang iyong sinasabi mo." Dinampot ko ulit ang pentel.

Inulit naman ni Isaiah na sabihin ang mga isusulat ko.

Nangangalahati pa lang ay tumigil na naman ako sa pagsusulat. Natuliro na naman ako. Hindi ko talaga mapigilang mag-isip ng kung anu-ano. Ito yata ang sakit ng mga teenager, confusion about life.

Nang mag-angat ako ng mukha ay nasalo ko ang pagtatanong sa magandang uri ng kulay itim na itim na mga mata ni Isaiah.

Lalo akong natuliro habang nakatingin sa kanya. Ano bang nangyari? Natatandaan ko na siya ang matagal ko ng gusto. Crush ko na si Isaiah Grade 8 pa lang ako. Nang mag-Grade 9 at maging tropa ko siya, mas natiyak ko na siya talaga ang gusto kong maging serious boyfriend. Magka-ugali kami at magka-vibes sa lahat.

'Tapos nakilala ko si Jordan...

Iba si Jordan. Masyadong mataas at mahirap abutin. Opposite ko siya, at totoo nga yata na opposite attracts dahil nakuha niya ang atensyon ko. Nakakagulat lang talaga dahil kahit napaka-imposible niyang maabot, nagpaabot siya sa akin.

Ang sabi ko noon, trip-trip lang. Wala akong balak seryosohin. Kung magiging kami, parang magiging trophy ko lang siya. Hindi ko naman inaasahan na mag-iiba ang aking pananaw habang lumalalim ang pagkakakilala ko sa kanya.

"Car, ayos ka lang ba talaga? Parang kanina ka pa naba-blangko."

"Uhm, wala." Ngumiti ako. "Iniisip ko lang kung ano ulam sa bahay namin." Itinuloy kong tapusin ang ginagawa namin.

Nang makatapos kami ay nag-unat ako ng mga braso at naupo sa sofa nila. Si Isaiah naman ang nagligpit ng mga kalat namin.

Mula sa second floor ng bahay nila ay bumaba ang mama niya.

"Isaiah, nagsaing ka na?"

"Opo, 'Ma," magalang na sagot naman ni Isaiah.

Napatingin sa akin ang mama niya, si Mrs. Anya Del Valle. Maputing babae ang ginang, matangkad, maganda pero mataray ang aura. Tinaasan niya ako ng kilay.

"Hello po," bati ko. Sa tagal kong labas-masok sa bahay nina Isaiah ay nasanay na ako sa mama niya. Mukha lang masungit at matapang ang babae pero mabait naman. Prangka lang talaga.

"Ikaw si Carlyn, no? Iyong laging present dito pag fiesta?" tanong niya. "Ikaw iyong umubos ng salad ko nang nakaraan."

Ang ngiti ko ay pangiwi. "Opo. Good evening po." Namumukhaan niya ako. Pero mabuti na lang at hindi niya nabanggit na kasama rin ako noong napaaway sina Isaiah kina Wayne.

"Girlfriend ka na ba nitong tamad na ito?" Inginuso niya si Isaiah. "Alam mo bang hindi marunong maglaba ng pinagbihisan niya 'yan."

Nagusot naman ang matangos na ilong ni Isaiah. "Ma!"

"O e totoo naman. Saksakan ka ng tamad na lintek ka, mana ka sa ama mo."

"Ma, isang anak mo lang ako. Gasino lang iyong isama mo sa paglalaba ang mga damit ko e."

"Oo pwede sana kung di ka maya't-maya magbihis. Panay ang ligo mo, puro ka papogi, di ka naman makapaglaba kahit underwear mo."

Mula sa pinto ay pumasok si Mr. Gideon Del Valle, papa ni Isaiah. Matangkad ang lalaki, gwapo at bata pa. Mabait din ang aura na kabaliktaran ng sa asawa. May bitbit siyang paperbag ng Andoks.

"O bat ang ingay na naman ng mag-ina ko?" Inilapag niya ang dalang Andoks sa mesa. "O ito ulam natin, Mahal. Wag ka nang magluto at mabadtrip ka na naman sa amin ng anak mo."

"Pa, si Mama, pinapahiya ako sa GF ko!" sumbong ni Isaiah sa ama.

Napatingin naman sa akin si Mr. Del Valle. "O bago itong girlfriend mo, ah. Nasaan na iyong isa?"

"Malamang na-turn off na," sabat naman ng mama niya.

Ngumiti sa akin ang papa ni Isaiah. "E pamilyar ito. Parati ka rito, 'Ne? Ikaw na ba bagong girlfriend ng binata ko? Di naman ba nanunugod ang daddy mo?"

Nakita ko na napangiwi si Isaiah. Na-gets ko na ang tinutukoy ng papa niya ay daddy ni Vivi. Iyong babaeng iyon lang naman ang ex ni Isaiah sa pagkakatanda ko.

Niyaya ako ng parents ni Isaiah na sa kanila mag-dinner na magalang kong tinanggihan. Nag-text kasi sa akin si Mommy. Pinapauwi na ako dahil nagluto raw siya ng hapunan.

Mommy:
Darling, uwi na. Nagluto ako. May desserts pa. Iyong favorite mong maja. Di ko lang alam kung na-perfect ko ba kasi sa Youtube ko lang ginaya.

Bakit ba naging hands on mother siya bigla? Pakiramdam ko tuloy ay elementary ulit ako. Napapailing na lang ako pero nakangiti. Sa totoo lang, namiss ko na ganoon si Mommy.

Hindi na ako nagpahatid kay Isaiah dahil kakain na sila. Ako na lang ang lumabas sa bahay nila.

Sa loob ng compound nila ay nadaanan ko ang bahay nina Arkanghel na pinsan ni Isaiah.

Nakatambay ang lalaki sa tapat ng screen door sa bahay nila. May hawak na cellphone habang nakasimangot. Lagi na lang talaga siyang nakasimangot. Nang mapatingin siya sa akin ay nginitian ko siya.

"Hi, Arkanghel! Nagsaing ka na?"

Tinaasan niya lang ako ng kilay at saka siya bumalik sa pagse-cellphone.

Kahit suplado siya ay na-appreciate ko ang pagsama niya kina Isaiah noong tinambangan ako ng tropa ni Wayne.

'Balita ko ay nanghiram pa siya ng motor sa isa mga tiyuhin niya para lang makasama siya. Kahit pa umuwi rin siya agad noon, bumawas naman siya sa tropa ni Wayne ng dalawa.

Bago ako lumabas ng gate nila ay narinig ko siyang nagsalita. "Hatid na kita sa labas. Papa-load din ako."

Napangisi ako at hinintay siya. Nanghingi siya ng pera sa mama niya at pagkatapos ay sabay na kaming lumabas ng compound nila.

Nakakatuwa dahil hinintay niya na makasakay muna ako ng tricycle bago siya pumunta sa tindahan para magpa-load.

Nagpa-special na ako sa tricycle pauwing Navarro. Sa mismong tapat ng bahay namin ako nagpababa. Nakasalubong ko na papalabas ng gate namin si Ninong Luis. Galing siya sa amin. Nakayuko siya kaya hindi niya agad ako napansin.

Nakahanda na ang ngiti ko sa kanya kaya lang ay agad iyong nabura nang mag-angat siya ng mukha. Nakita ko na may luha ang mga mata niya.

"Ninong!" Nag-aalalang sinalubong ko siya. Anong nangyari? Nag-away ba sila ni Mommy?

Napalunok siya at halatang nabigla nang makita ako. Nang makabawi ay pilit na ngumiti siya. "Puntahan mo na muna mommy mo."

Ayaw ko pa sana siyang tigilan pero niyakap niya ako at hinalikan sa ulo saka na siya dumiretso sa kotse niya.

Naguguluhang pumasok ako sa bahay namin. Wala si Mommy sa sala kaya dumiretso ako sa kwarto niya. "Mommy?" tawag ko.

Madilim ang kwarto niya at walang bukas kahit lampshade kaya kinapa ko ang switch ng ilaw sa pader. Nang bumaha ang liwanag ay natagpuan ko si Mommy na nakaupo sa gilid ng kama.

"Mommy, nakasalubong ko si Ninong Luis. Bakit parang umiyak siya?" Natigilan ako nang makita nang maayos ang mukha ni Mommy, basa iyon ng luha.

"H-hindi na babalik dito si Luis," paos at halos pabulong na sabi niya.

"Po?" gulat na sambit ko.

Tumayo si Mommy at niyakap niya ako. "Mommy will always be here for you. Mula ngayon, sa 'yo na lang iikot ang mundo ko."

Humiwalay ako sa kanya. "Pinaalis mo si Ninong Luis?!"

Tumango siya at ngumiti kahit luhaan. "I know I have many shortcomings as your mother, and I hope it's not yet too late to make it up to you."

Napanganga ako.

Hinaplos niya ang pisngi ko. "Hindi na tayo aasa sa daddy mo. Mag-aapply na ako ng trabaho next week. Magsisikap ako para sa 'yo, para hindi ka na pag-usapan ng ibang tao. I will try my hardest to be a better mom for you."

Nang muli akong yakapin ni Mommy ay nakatulala lang ako. Nakakagulat lang ang pangyayari. Hindi ko alam kung magiging masaya ako o ano.




KINABUKASAN ay sinundo ulit ako ni Isaiah sa amin. Sabay kaming pumasok. Magkatabi rin ulit kami sa buong araw. Lumalabas na rin ako tuwing break pero sinasamahan ako ni Isaiah.

Nang last period na lumabas ako ng room para umihi ay ako lang mag-isa. Kagagaling ko lang sa banyo at paakyat ako sa hagdan nang matigilan ako. May nagtatalo sa itaas. Parang mag-syota na may LQ.

Ang lalaki ay matangkad, guwapo at iyong matino ang datingan. Mukha ring mabait. Hindi ko na sana papansinin nang makilala ko ang babaeng kausap niya, si Viviane Chanel o Vivi. Ex ni Isaiah.

"Ano ba, Eli?!" Pumiksi siya nang hawakan siya ng lalaki sa kamay.

"Sinabi sa akin ng daddy mo na sa akin ka na sasabay tuwing uwian."

"May paa ako. Kaya kong umuwi mag-isa," malumanay pa rin ang boses ni Vivi pero this time ay may diin.

"Pero sabi nga niya, sabay tayo. Bakit ayaw mo? Nagkabalikan na naman ba kayo ni Del Valle?"

Tatalikod na sana si Vivi nang pigilan siya ng lalaking ang pangalan ay Eli. Pumiksi ulit siya, at ngayon ko lang nakita na nanlilisik ang kanyang mga mata. Usually kasi ay para siyang patay na bata na walang emosyon.

"Break na nga kami ni Isaiah! Kung ayaw mong maniwala e di magsumbong ka ulit kay Daddy! Tutal gustong-gusto mo naman kapag nagugulpi ako sa amin!"

Natigilan lang sila sa pagtatalo nang mapatingin sila sa baba ng hagdan at makita ako. Hindi makatingin si Vivi sa akin dahil sa hiya.

Humakbang ako paakyat at huminto sa tapat ni Eli. "Bakit narinig ko pangalan ni Isaiah?" Sumunod na tiningnan ko si Vivi. "Anong problema nitong bago mong syota?"

Wala naman akong balak patulan sila ang kaso nabanggit nila si Isaiah. Nananahimik na iyong tao, nadadamay pa. Uminit ang ulo ko dahil alam na alam ko kung gaano kalaki ng ang hirap ni Isaiah kay Vivi. Alam na alam ko rin na ilang ulit na nagmukhang aso si Isaiah kakahabol sa babaeng ito.

"K-kinakapatid ko lang si Eli..." napakahina ng boses ni Vivi. "H-hindi ko siya boyfriend..."

"Wala akong pakialam kahit ano mo 'tong lalaking ito. Pero break na kayo ni Isaiah kaya sana 'wag niyo ng idamay sa gulo niyo ang boyfriend ko."

Nanlaki ang mga mata ni Vivi sa narinig na sinabi ko pero hindi siya nagsalita. Napayuko lang siya habang ang mga palad niya ay mahigpit na nakakuyom.

Ang kinakapatid naman niya ay tila kumalma na nang marinig na ako na ang girlfriend ni Isaiah. Nilampasan ko na sila at bumalik na ako sa room namin.

Nagbabasa ng notes si Isaiah nang maupo ako sa tabi niya. Tiningnan ko siya. Mukha namang okay lang siya.

"Guwapong-guwapo ka na naman sa 'kin," sabi niya nang maramdamang nakatingin ako.

Sinabunutan ko si Isaiah at inilipat na ang aking paningin sa iba. Nagkibit-balikat na lang ako at hindi na rin binanggit sa kanya ang naabutan kong eksena sa hagdan kanina.

Pagsapit ng uwian ay tinawagan si Isaiah ng mama niya. Pagkatapos mag-usap ay kakamot-kamot siya ng ulo na lumapit sa akin. "Car, di kita mahahatid. Pinapauwi agad ako ni Mama. May iuutos sa akin."

"Okay lang."

"Sure ka di ka galit?"

"Oo nga. Sige na, baka mama mo pa magalit kapag hindi ka agad nakauwi," pagtataboy ko sa kanya.

Sabay kaming naglakad sa gate pero pagdating sa kinapaparadahan ng motor niya ay naghiwalay na kami. Mag-isa akong sumakay ng jeep papunta sa kanto ng Malabon.

Pagbaba ko ng Malabon ay biglang umulan. Nagsisi tuloy ako kung bakit hindi na lang ako pumila sa sakayan ng tricycle sa Brgy. Pinagtipunan. Wala pa naman akong payong dahil makakalimutin ako. Iyong last payong ko ay naiwan ko sa kung saan. Sumuko na rin si Mommy na ibili ako ng bago.

Dahil umuulan ay no choice ako ngayon kundi sumiksik sa gilid ng isang nakasaradong shop. Iniisip ko kung magpapatila ba ako o susuungin ko na ang ulan. Sa kabilang kanto pa kasi ang sakayan ng tricycle papunta sa amin. Iyong mga jeep naman na dumaraan ay punuan dahil nga sa maulan at labasan ng mga school ngayon.

Patingin-tingin ako sa mga dumaraang sasakyan ng matuon ang aking mga mata sa pamilyar na kotse na dumaan. Nanuyo ang lalamunan ko nang makilala na kotse iyon ng daddy ni Jordan.

Agad akong nag-iwas ng paningin dahil malamang na sakay silang buong pamilya sa loob. Sana hindi sila napatingin dito sa gawi ko. Sana hindi nila ako nakita. Nang lumampas na sila sa akin ay saka lang ako nakahinga nang maluwag.

Naisip ko na pumara na lang ng tricycle at magpa-special pa-Navarro kaysa maghintay ako na tumila ang ulan para pumunta sa paradahan ng tricycle. Hindi rin keri na mag-jeep ako or multicab dahil bababa pa rin ako at maglalakad pag ganoon, tiyak mababasa ako.

Kinuha ko ang coin purse sa aking bag para i-check kung magkano na lang ba ang pera ko. Napangiwi ako nang makitang 70 na lang. Dalawang bente 'tapos barya na iyong iba.

Next week pa ulit ang allowance ko. Iyong huling isang libo ko kasi ay pina-Smart Padala ko kay Nelly kahapon. Walang pera ang buntis 'tapos ang daming ikini-crave ng letse.

Paano kaya ako nito? Mukhang mapipilitan ako na humingi mamaya ng dagdag baon kay Mommy. Sana lang may pera pa siya. Ang alam ko kasi ay sobrang dalang na magbigay ni Daddy ng allowance sa amin. Ang tagal na kasing hindi nakaka-score.

Nagpasya ako na sumugod na lang sa ulan tutal wala naman na akong choice. Inilagay ko ang aking bag sa harapan ng katawan ko at niyakap. Akma na akong aalis sa kinatatayuan nang may payong na biglang tumapat sa aking uluhan.

Gulat na napatingala ako at napanganga nang aking masalo ang malamlam na titig ng kulay tansong mga mata ng lalaking may hawak ng payong.

"Halika na," mahina at magaan ang boses na sabi niya.

Nakanganga pa rin ako at hindi makapaniwala kung bakit nandito siya. Nang hulihin niya ang aking pulso at hilahin ako ay wala pa rin akong masabi na kahit ano.

Pumara siya ng tricycle at pinasakay ako sa loob bago siya tumabi sa akin. "Navarro, special," sabi niya sa driver.

Nang umandar na ang tricycle ay nilingon ko siya. Hindi siya sa akin nakatingin kundi sa daan. Wala nang emosyon sa kanyang mukha at hindi ko rin masabi kung ano ang iniisip niya.

"Jordan, b-bakit..." mahinang tawag ko sa kanya.

"Your boyfriend is not doing a good job..." iyon lang ang sinabi niya at hindi na siya ulit nagsalita pa.

JF

Bạn đang đọc truyện trên: ZingTruyen.Xyz