ZingTruyen.Xyz

South Boys 1 Kiss Master Published And To Be Adapted Soon Into Mini Series

"SUSANA, OKAY LANG."


Matapos manlaki sa gulat ang mga mata ni Hugo ay namungay ang mga iyon. Sinambit niya ang mga salita sa mga labi ko. Naitulak ko naman agad siya at saka ako lumayo. "S-sorry, Hugo!"


Oo, wala na kami ni Arkanghel. Hindi na ako para maghabol pa sa taong tinalikuran na ako. Pero 'wag din kay Hugo. Kaibigan ko siya kahit pa siraulo siya. Patayo na ako para iwan siya nang nang pigilan niya ako sa braso. 


Hindi na ako nakapagsalita. He grabbed my face with both hands to kiss me. Just like what I did to him.


Parang sasabog ang utak ko. Nang mabawi ang pagkabigla ay itinulak ko ulit si Hugo. Binitiwan naman niya ako. Magsasalita sana ako para linawin ang nangyari nang bigla siyang tumingin sa pinto.


"Anong ginagawa mo rito?" malamig na tanong ni Hugo.


Agad na napalingon ako sa kinakausap niya roon. Iisa lang naman ang taong ginaganito ni Hugo ng tono. Napanganga ako nang makita ang matangkad na lalaki na nasa pinto. Nakakapaso sa lamig ang mga mata niya na kulay abo. Arkanghel...


Simpleng plain white shirt, fitted jeans and grey casual loafers ang suot niya. Wala siyang suot na relo pero may maliit na silver na hikaw ang kaliwa niyang tainga.


Nakita ko na yata ang lahat ng damit at gamit niya kaya natitiyak ko na bago ngayon ang mga suot niya. At kahit hindi ako mahilig sa luxury brands, alam kong mamahalin ang lahat ng ito. Bigla tuloy akong nahiya sa ayos ko na simpleng boho shorts at baby pink t-shirt lang na lumang pambahay.


Pero anong ginagawa niya rito?


Alam ba niyang galing dito si Ma'am Ingrid kanina at kinausap ako? Kinausap na ipaubaya at kalimutan ko na siya? Hindi alam ng mommy niya na siya ang nauna na lumayo. 


"Nasaan si Mang Andres?" katulad ng kanyang kulay abong mga mata ay wala ring kasing lamig ang boses niya.


Napaayos ako sa pagkakatayo. Ginapangan ako ng takot. Anong kailangan niya kay Tatay Bear?! Nandito ba siya para awayin ang tatay ko dahil sa nangyari sa kanya noong bata pa siya?!


Napalunok muna ako nang ilang ulit bago siya sagutin. "Natutulog si Tatay Bear. Tumaas ang BP niya kanina kaya kailangan niyang magpahinga."


Natatakot kasi ako sa pwede nilang pag-usapan. Baka hindi kayanin ni Tatay Bear ang sobra-sobrang tensyon sa araw na ito. Baka tumaas na naman ang BP...


Seryoso ang mukha niya nang magbalik ng tingin sa akin. "Then tayo na lang ang mag-usap."


Napakurap ako. Ako, kakausapin niya?


"Kung ayaw mong ipakausap sa akin si Mang Andres, tayo na lang ang mag-usap na dalawa."


Sinikap kong sumagot kahit pa nangangatog. "S-sige..."


"Pero gusto kong makausap ka nang tayo lang." Sumulyap ang malalamig niyang mga mata kay Hugo.


"At bakit kailangan kayo lang?!" maangas namang sabi ni Hugo sa kanya. "Malay ko ba kung baka may gawin ka kay Sussie pag umalis ako!"


Pumagitna agad ako sa kanila. "Hugo, sige na... Umuwi ka muna!" Sobra-sobra na itong nararamdaman ko ngayon, baka atakihin na ako sa puso kung mag-aaway pa silang dalawa.


"E baka anong gawin sa 'yo niyan e—"


"Hugo!" Tinakpan ko ang bibig niya. "Sige na please? Mag-uusap lang kami ni Arkanghel..." Pakiusap ko kahit napapaisip ako kung bakit ba kailangang makiusap pa? Pwede ko naman siyang tadyakan na lang palabas ng pinto namin.


Tumango si Hugo. Siguro na-excite kasi first time kong makiusap sa kanya.


Nang sulyapan ko si Arkanghel ay naka-ismid nang bahagya ang mga labi niya habang nakatingin sa amin.


"Ge, alis muna ko." Tiningnan ni Hugo nang matalim si Arkanghel bago lumapit sa akin.


"Okay. Ingat ka..."


"Text ka lang kapag kailangan mo ako," bilin niya saka yumuko para halikan ako sa pisngi.


Nandilat ako sa ginawa niya. Mabilis na rin siyang nakalayo sa akin pagkatapos.


"Usap lang, ah?" maangas na banta niya kay Arkanghel bago siya lumabas ng pinto.


Nakanganga ako nang wala na si Hugo.


Pagtingin ko kay Arkanghel ay wala nakataas ang kilay niya sa akin. May dapat ba akong sabihin?


Dapat ba i-explain ko sa kanya iyong kiss ni Hugo sa akin sa pisngi? Kung gagawin ko naman iyon, baka magmukha lang akong tanga kasi ayaw naman na niya sa akin. Wala naman na kami...


Ilang na ilang ako at hindi ko talaga alam ang gagawin. Ang awkward ng hangin sa paligid namin. Mabuti na lang at umiwas ng mga mata sa akin si Arkanghel.


"A-ano pala iyong pag-uusapan?" basag ko sa katahimikan. Para matapos na kasi hindi ko na kaya ang presensiya niya. 


"Gustong idemanda ng tunay kong pamilya si Mang Andres."


Nanghina bigla ang aking mga tuhod kaya napakapit ako sa sandalan ng sofa.


"Alam kong marami kayong naitulong sa akin. Pinatira niyo ako rito sa bahay niyo. Pero Sussie, kahit bali-baliktarin ang mundo, ang tatay mo pa rin ang dahilan kaya nalayo ako sa tunay kong pamilya," matigas ang boses niya.


Nakakapanlamig ang nagyeyelong mga titig niya.


"Alam ng tatay mo kung sino ako, pero bakit ngayon lang niya naisipang bumawi sa mga kasalanan niya? Ang dami nang nasayang na panahon."


Ito ang unang beses na narinig ko siyang magsalita nang puno ng pait.


"Hindi mo masisisi ang pamilya ko, Sussie. Panahon ang ninakaw sa kanila. Hindi maibabalik ng tatay mo ang mga panahong iyon."


"Alam ko naman..." mahina ang boses na sagot ko. "Hindi ko maipagtatanggol ang masamang ginawa ni Tatay Bear sa pamilya mo. Kayang-kaya ka niyang ibalik noon pero naduwag siya at mas pinili niya ang manahimik. Mas pinili niya ang malaking pera kaysa gumawa ng tama..."


Pumatak na ang mga luha ko. Ito na yata ang pinakamalaking dagok sa buhay namin, higit pa sa pagkalugi at pagkawala ng mga negosyo namin. Mas mabigat sa akin ang posibilidad na magkakalayo kaming mag-ama. Hindi ko iyon kakayanin.


"Hindi ko kayang makulong ang tatay ko... Isa pa, matanda na siya. Pilay pa siya at may sakit. Mas ayokong makulong siya dahil hindi ako nakakatiyak na magiging maayos siya sa kulungan dahil walang mag-aalaga sa kanya roon. Wala ako roon... Kung makukulong siya, siguro ikulong niyo na rin ako..."


"Hindi ako ang magde-desiyon niyan, ang batas, Sussie."


Sobrang lamig niya. Ang lamig-lamig niya...


Paano niya nakuhang maging matatag habang umiiyak ako sa harapan niya? Kahit ba katiting, wala na talaga siyang pakialam sa akin? Kahit wag niya nang isipin noong naging kami, sana kahit maisip niya na lang iyong pagiging magkaibigan namin noon. Kahit iyon lang sana.


Kilala naman niya ako, hindi ako masamang tao. Hindi ako masamang anak, estudyante at kaibigan. At siguro naman, naging mabuti rin ako sa kanya sa abot ng aking makakaya. 


Ngumiti ako sa pagitan ng aking pag-iyak. "Alam kong hindi ko dapat isumbat sa 'yo ito, pero sana maisip mo na kung hindi rin dahil kay Tatay Bear, wala ka na ngayon sa mundong ito. Pinili niyang gamutin ka kaysa pabayaan. Pinili niyang buhayin ka kaysa patayin. Pinili niyang ipaampon ka sa maayos na pamilya kaysa hayaang magpagala-gala. At ngayon pinili niyang ibalik ka sa inyo kaysa makita kang nahihirapan dito..."


"Pero pinili niya ring saktan ang pamilya ko!" nag-taas siya ng boses na ikinagulat ko.


Ang pagsigaw niya habang nangingilid ang mga luha sa kanyang kulay abong mga mata ay mas masakit pa sa tarak ng punyal.


"Kaya mo bang isipin kung gaano nasaktan ang mga magulang ko sa isiping wala silang nagawa para iligtas ako?!"


Hindi ako nakapagsalita. Nanginginig ako ngayon sa sobrang sakit at pagkapahiya.


"Walang oras na hindi sila nasasaktan tuwing naiisip ako! Araw-araw silang namamatay dahil sinisisi nila ang sarili nila dahil sa pag-aakalang namatay ako dahil sa kanila! Ang tagal na panahon silang nadurog!"


Namulsa siya at bahagyang tumingala para patigilin ang mga mata sa pagluha.


"Samantalang ang tatay bear mo, masayang kasama ang anak niya. Napakaswerte niya dahil anak ka niya at mahal na mahal mo siya."


Malungkot ang kulay abo niyang mga mata nang muling tumingin sa akin. 


"Habang nilalambing, kinukulit at pinagsisilbihan mo ang tatay mo, habang ine-enjoy niya ang pagiging ama sa 'yo, ang mommy ko naman ay nangungulila sa akin. At ako? Imbes na iyong tunay na mommy ko ang nagmamahal sa akin at minamahal ko, ibang babae ang kasama ko. Ibang babae na hindi ko maramdaman nang buo kung talaga bang mahal ako."


Napahagulhol na ako sa aking mga palad. "I'm sorry..." Hindi ko na kayang marinig pa ang mga sinasabi niya. Parang mamamatay na ako sa sobrang sakit.


"Ang hirap..."


"Sorry, Arkanghel... Sorry..." hagulhol ko.


"Alam mo kung ano ang pinakamahirap?"


Luhaang tumingala ako sa kanya.


"Ang pinakamahirap ay iyong gusto kong magalit sa tatay mo, pero hindi ko magawa kasi tatay mo siya," humina ang boses niya sa huling salita.


Natigil ako sa pag-iyak. Gusto kong hulihin ang kulay abo niyang mga mata ngunit mailap ang mga ito.


"Kaya kahit gusto ko siyang ipakulong para pagbayaran niya ang kasalanan niya, hindi ko magawa. Kahit gusto ng pamilya ko na magsampa ng kaso, humaharang ako."


Pumiyok ang boses niya pero nakangiti siya. Ngiting mapait.


"Iyon lang ang kaya kong gawin para sa 'yo."


Namayani ang matagal na katahimikan. Tila nag-usap kami sa isip na namnamin ang tahimik na paligid at kalmahin muna ang aming mga kalooban.


Ako ang unang nagsalita matapos ang ilang minuto. "Pumunta ang mommy mo rito kanina..."


Wala siyang reaksyon.


"Nakausap niya si Tatay Bear... at ako..." Umupo ako sa sofa. "Kahit nasa mommy mo ang lahat ng karapatang isumpa kami, hindi niya ginawa. Kahit nahihirapan siyang magpatawad, susubukan niya. Hindi na raw niya isasama sa demanda si Tatay Bear..."


Tumango-tango si Arkanghel. Nakapamewang siya sa tapat ng pinto, at panaka-nakang napapahagod ng kamay sa kanyang buhok.


"Nasasaktan pa rin daw siya pero nagpapasalamat siya na buhay ka. Ang gusto na lang raw niya ngayon ay makasama ka at mabuo ang pamilya niyo. Ang mabawi kahit paano ang mga panahong ninakaw sa inyo..."


Inayos ko ang aking sarili. Tinuyo ko ang mga luha ko gamit ang panyo ni Hugo saka ako umayos sa pagkakaupo.


"Sorry... Sorry sa lahat ng nangyari sa pamilya niyo..."


Wala siyang sagot pero kalmado na ngayon ang perpektong mukha ni Arkanghel.


"Habangbuhay na utang namin sa 'yo ang mga panahong nawala sa inyo. Habangbuhay na dadalahin namin ang mga sakit na dinanas ng pamilya mo. Kung gugustuhin niyo pa ring idemanda si Tatay Bear, luluhod ako sa harapan niyo... Kasi alam ko na sa puso ni Tatay Bear, nagsisisi na siya at mabuti siyang tao na naipit lang ng pagkakataon. Pero kung hindi talaga kayo mapipigilan sa pagdedemanda, wala naman na akong magagawa kundi sumunod sa itinakda ng batas. Pero sasamahan ko si Tatay Bear. Aalalayan ko siya dahil kahit ano pa ang ginawa niya, ama ko pa rin siya..."


"Wala nang demandang mangyayari."


Muli ay katahimikan.


"Pakisabi na lang kay Mang Andres na dumaan ako."


"Ha?" Nag-panic ako dahil aalis na siya. Habol ko siya nang paningin habang palabas siya ng pinto.


Ang akala ko ay tuluyan na siyang lalabas pero lumingon siya ulit sa akin. "Saka nga pala..."


"A-ano?" kumakabog ang dibdib na tanong ko.


"Gaano katagal na kayo ni Hugo?"


Umawang ang mga labi ko.


Tumaas ang gilid ng mga labi niya. "Wag mo na palang sagutin."


Nang magsink in sa akin ang pinupunto niya ay nanlaki ang mga mata ko. Anong karapatan niyang pagbintangan ako na parang ako pa iyong unang nanakit sa kanya?


Siya ang may fiancée!


Siya ang hindi nagsabi sa akin ng totoo. Pero bakit kung magsalita siya parang hindi ako naghintay sa kanya? Bumyahe ako pa-Manila para makausap siya! Hindi naman niya ako kinausap!


Alam ko na may pinagdadaanan siya, ang masakit lang kasi hindi niya ako pinagkatiwalaan. Siguro dahil tinanggap niya na agad na hindi na nga kami puwede, kaya iniwan niya na ako sa ere. 


Pero bakit kung umasta siya ngayon ay parang wala akong ginawang kahit ano para ipaglaban siya?


Sabagay, mas mabuti na nga ang ganito. Mas nabuti nang paniwalaan niya ang gusto niyang paniwalaan, para mas maging madali na ang bagong buhay niya, katulad ng hiling ng mommy niya.


Ngumiti ako. Pinilit kong magproduce ng ngiting parang hindi nasasaktan. "Sasabihin ko kay Tatay Bear ang pagdaan mo... Saka wag kang mag-alala sa kwarto mo sa bodega, papatulong na lang ako kay Hugo na linisin iyon..."


"Okay."


Nakagat ko ang aking ibabang labi. Lalong lumalim ang pait sa aking dibdib habang walang pagbabago ang malamig niyang titig.


Bata pa nga talaga siguro ako, immature, padalos-dalos, kasi ngayon ay gusto kong magpatalo sa sakit, awa sa sarili, at sa hinanakit. 


Gusto ko ring gamitin ang pagkakataon na ito para tumupad sa hiling ng mommy niya, na mabawi siya nang buo, kaya hindi na ako para manggulo pa. Sinalubong ko ang malamig na mga mata ni Arkanghel.


"Nang wala ka, narealized ko na mabait pala talaga si Hugo. Lagi ko siyang ka-text tuwing gabi. Lagi siyang dumadalaw para mangumusta..." Nakangiti ako habang nagsasalita kahit masakit.


"At least hindi ka naiinip," matabang na sabi niya.


Tumunog ang phone niya. Bagong phone.


"Hello, Daddy?" Tumingin siya sa akin nang sagutin niya iyon.

 

Umiwas naman ako at tumingin sa ibang direksyon. Parang ang sikip-sikip ng sala dahil sa presensiya niya. Para maiiwas ang atensyon at emosyon ay nag-Internet na lang din muna ako sa phone ko.


Sa pag-i-scroll ko ng newfeed ay nadaanan ko ang 1 day ago na new profile picture ni Hugo. Namilog ang mga mata ko nang makita ito. Ito iyong kuha namin na magkadikit habang pisil-pisil niya ang pisngi ko!


May three-hundred reactions na ito.


Nangunguna sa comment section ang ex-bhie ni Hugo.


Rhea Bea Samonte: *snake emoticon*


Pangalawa si Isaiah.


Isaiah Gideon DV : Awit!


Pangatlo si Zandra.


Zandy Asunsion: Kelan pa? OMG ship! *heart emoticon*


May ilang kaibigan din si Hugo na nag-comment.


Arnel hillario: Oy gago @Benny @Paolo @Rudy, tingnan niyo! Bago tangena!


Benny Joe Pineda: Oy si Alcaraz yan? Weh? Gago Hugo pinatulan ka?!


Paolo James Aguila: First time magDP ng bebe si Hugo. SUPPORT!


Rudy Cruz Jr.: Parang iba to! In love si Hugo o! Baka si Alcaraz na karma neto! Abangan kitang mabroken, pre! Feeling excited here!


Lucky Lucky: Hala kayo na?! WTF!!! @Lexus!!! Pre you must see this WTF WTF WTF!


Walang reply si Hugo sa kahit sino sa nag-comment sa profile picture niya. Mukhang wala siyang balak i-correct ang mga maling akala ng mga kaibigan niya.



Saka...


Bakit ganito ang kinalabasan samantalang galit nga ako nang kunin ang picture na ito?! Pahamak ang pagka-wrong timing ng expression ng mukha ko!


Nagulat ako nang makitang may comment din si Mrs. Aguilar sa post ng kanyang unico hijo.


Normalyn Gregorio-Aguilar: @Andres Alcaraz *blushing emoticon*


Bakit kailangang i-tag si Tatay Bear?! At bakit may ganoong emoticon?!


Mabuti na lang talaga at inactive sa Facebook si Tatay Bear pero hindi ko lang alam kung nakita niya na ito.


Agad akong napatingin kay Arkanghel. Nakita niya na rin kaya ito?!


Muntik na akong mahulog sa sofa nang pagtingin ko sa kanya ay nakatingin na rin pala siya sa akin. Salubong ang makakapal niyang kilay. Tapos na pala siya sa kausap sa phone.


"Ah..." Napatayo ako. Magsasalita sana ako nang may kumatok sa pinto.


Sabay kaming napabaling sa bigotilyong uniformed guy na tila nasa 50's ang edad. Nakadungaw ito sa pinto. Ito yata ang driver ni Arkanghel. "Sir Aki, tumawag po ang mommy niyo. Hinahanap po kayo."


"Sige, Mang Dindo." Sinagot niya ang driver saka siya muling tumingin sa akin. "Aalis na ako, Sussie."


Nabitiwan ko ang cell phone ko sa sofa. Doon ako biglang parang sinampal ng katotohanan na aalis na talaga siya. Na posibleng ngayon na ang huling beses na makikita ko siya.


Nang maglakad na si Arkanghel papunta sa pinto ay parang gusto kong isigaw sa kanya na siya pa rin hanggang ngayon. Gusto kong bawiin ang mga sinabi ko about Hugo kanina. Kung gagawin ko iyon? Ano ang gagawin niya? Magagalit ba siya?


Nakatalikod na siya nang magsalita sa mahinang boses. "Baka ito na pala iyong huling beses na magkikita tayo."


Kahit expected ko na, ang sakit pa ring marinig.


"Pupunta na kaming U.S. ng tunay na pamilya ko. Doon na ako mag-aaral."


Alam ko. Nasabi na ni Ma'am Ingrid. Pero mas masakit na marinig mismo sa kanya na aalis na siya. Na iiwan niya na talaga ako...


Ito ang gusto ng mommy niya na si Ma'am Ingrid para kay Arkanghel. At ito rin ang deserve niya...


"Pinarush na nina Mommy at Daddy ang papers ko. Next week na ang lipad namin." Ang kulay abo niyang mga mata ay tila may hinihintay mula sa akin.


Nakakatuksong umasa... Pero hindi ko kayang sumira ng pangako. Nangako ako sa mommy niya na ipapaubaya ko na siya...


Sinikap kong ngumiti nang casual. "Ah, ganoon ba? Good for you... U.S. Astig iyon... Saka sa wakas, kasama mo na ang pamilya mo..."


Tumango siya at umiwas na ng mga mata. Mabuti dahil hindi niya na makikita ang pangingilid ng mga luha ko. Hindi ko na kasi kayang pigilin, hirap na hirap na ako.


"Ingat ka roon, Arkanghel..." Iyong huling ngiti ko ay halos hindi ko na mabuo.


"Thanks. Ikaw rin."


Nang lumabas na siya sa pinto ay hindi ko na nakuhang sumunod. Kahit gusto ko siyang ihatid man lang kahit sa gate ay hindi na kaya ng mga binti ko. Hindi ko maigalaw ang buong katawan ko.


Arkanghel was my first heartbreak. Walang sinabi ang logic at mga pinag-aralan ko sa school para maibsan ang sakit. Ang sakit. Ang sakit-sakit.

Goodbye, Arkanghel...


Goodbye, Aki ko...


Kahit aalis ka na... kahit hindi na tayo... Ikaw pa rin.


Ang sakit. Sana kayanin ko.


JF

Bạn đang đọc truyện trên: ZingTruyen.Xyz