Chapter 53
NAGPATANGHALI na ako sa paghatid kay Vien sa PK2.
Wala na ang motor ni Isaiah paghatid ko sa bata. Ang nasa garahe ngayon ay iyong van nila at saka isang itim na kotse. Mukhang mamahalin, at hindi nga ako nagkamali. Lambo . Kay Arkanghel siguro.
"Wow, ke Titu Ninowng na tsikot 'to o!" Nanakbo agad si Vien sa kotse at pinaghahaplos iyon. "Mommy ku, bili mu ku nito paglaki ku!"
Ngumiti lang ako. Iyon ang unang hiling ni Vien sa akin. Medyo imposible kong matupad dahil sa aking pagkakaalam ay nasa twenty million ang halaga ng ganitong kotse. Sana ay magbago pa ang isip ng bata. O kaya baka puwedeng miniature na lang imuna.
"Halika na, baby. Paglaki mo at nakatapos ka na ng pag-aaral, makakabili ka rin niyan. Susuportahan at ipagpi-pray ka ni Mommy para matupad iyon, kaya dapat iangkas mo ako, ha?" Tinawag ko na ito dahil baka magasgasan ang kotse. Tumuloy na kami sa bahay sa dulo.
Dahil wala na ang motor ni Isaiah ay marahil nasa Manila na siya. Kaya ganoon na lang ang gulat ko nang pagpasok sa loob ng bahay nila ay makita ko siya na nakahiga habang nagse-cell phone sa sofa.
"Ay, ditu Daddy ku!" Tinakbo ni Vien si Isaiah, at biglang tinalunan sa sikmura. Kandaubo siya na napabangon.
Ang mama niya ay nasa sala rin. Nasa kabilang upuan habang nagpapamasahe ng binti sa papa niya. Napalingon sa akin ito. "Vivi, nandito ka pala. Hindi ka na pumapasok sa pabrika?"
"Opo, hindi na po." Alam nito na hindi na ako pumapasok dahil nasa akin si Vien ng dalawang gabi. "Sa bahay na lang po. May nagbabagsak po sa akin ng tahi."
Tumayo naman ang mama ni Isaiah dahil kumandong na ngayon si Vien sa lolo nito. "Vi, maganda 'yan, 'wag ka nang magtrabaho sa malayo. Pero ayos ka naman ba? Hindi ka naman ba nagigipit sa pera?"
"Okay lang po." Ngumiti ako rito. "Kakayanin naman po. Saka, nag-iipon din po ako para sa birthday ni Vien."
Si Isaiah ay nasa sofa pa rin. Naririnig ang usapan namin bagaman wala siyang reaksyon. Nakayuko siya sa cell phone niya. Naalala ko kanina nang magising ako, nasa center table sa sala ang isang libo na ibinayad ko kagabi sa kanya. Hindi niya kinuha.
"Aba'y, anak, mauuna ang birthday mo," sabi naman ng papa ni Isaiah. "Sa sunod na buwan na. May plano ka ba?"
Uminit ang puso ko sa isiping natatandaan nila. Totoo na mauuna nga ang birthday ko, pero hindi naman iyon ang mahalaga. Kimi na ngumiti ako. "Sa bahay lang po ako. Marami po ako tatanggapin na tahi sa sunod na buwan."
"Pumunta ka rito, anak. Ipagpapansit ka ng Mama Anya mo. Saka 'wag ka munang umalis ngayon. Palagi kang nagmamadali. Minsan ka na lang naming makita. Nami-miss ka na namin ng mama mo o."
Tinawag ako ni Mama Anya sa kusina. Nagpatulong na magbalot ng shanghai. Iyon daw ang ulam sa hapunan. Gusto rin ako na makakuwentuhan. May mga tanong sa akin tungkol sa huling trabaho ko. Kasi nagreklamo raw ito sa backer na nagpasok sa akin.
"Okay na po ako. Basta makuha ko na lang po ang backpay ko, ayos na po ako." Pinalulubag ko ang loob nito dahil galit pa rin tungkol sa nangyari sa akin.
Sa sala ay nandoon si Isaiah. Madilim ang ekspresyon niya habang may tinitingnan sa phone. May tumawag sa kanya pero hindi niya sinagot. Akma siyang tatayo para lumabas ng pinto nang dumungaw mula roon ang nakasimangot na mukha ni Tita Roda. "Anya, may bisita ang BINATA mo!"
"Anu pow iyon binata?!" sabat naman ni Vien na ngayon ay gumugulong sa sahig ng sala habang may yakap na matabang aso, si Balmond.
Nakita ako ang pamumutla ng mukha ni Isaiah habang nakatingin na ngayon sa akin.
Ang mama at papa niya ay mga nakatingin din sa pinto, nang mula sa likod ni Tita Roda ay lumitaw ang isang babae. Sopistikada ang itsura, maganda, singkit ang mga mata. Ang damit ay bodycon na kulay maroon. Lalong lumitaw ang kaputian at ang hubog ng perpektong katawan. Subalit sino ito?
"Daddy mo iyong binata!" sagot naman ni Tita Roda sa tanong ni Vien. "Pakagaling e! Dang husay!" Pagkuwa'y padabog itong umalis nang makapasok na sa sala itong 'bisita' ni Isaiah.
"Good afternoon po," sabi ng babaeng sopistikada habang ang singkit nitong mga mata ay nakatutok kay Isaiah.
Si Isaiah ay umalon nang ilang ulit ang lalamunan habang ang mga ngipin ay nagtatagis. Nagtatanong naman ang mga mata ng mama at papa niya kung sino ang babae.
The woman was still smiling. She was really a beauty. Pati ang boses ay nakakabighani. Mukhang matalino, may mataas na pinag-aralan, at... tiyak na may magandang trabaho.
"Sino ka naman? Ano ka ni Isaiah?" tanong ng mama ni Isaiah nang mahimasmasan ang ginang sa gulat. "At bakit ka napadalaw?"
"Hello, ma'am. I am Isaiah's friend in Manila," magalang na sagot naman ng babae. "Naging client ng kompanya nila ang kompanya namin last year. May pinuntahan ako sa may Imus, naisipan ko na dumaan na rin dito sa General Trias."
"Ineng, napakalayo ng Imus dito sa GenTri para sabihin mong naisip mo lang dumaan."
"Anya, Anya," mahinang saway ni Papa Gideon, na napatayo na mula sa kinauupuan. Nilapitan nito ang asawa, saka hinarap ang bisita. "Maupo ka muna, hija. Kaibigan ka kamo ni Isaiah?"
"Yes po. I am his friend... I think?"
Napaubo si Isaiah. Binato ito ni Mama Anya ng lalagyan ng lumpia wrapper. Nasalo naman niya agad. "Ma, sayang ito."
"Ikaw, hindi ka sayang kapag inumpog kita sa hagdan," gigil na sagot ng mama niya sa kanya.
"Ma, kliyente lang namin siya sa kompanya. Hindi ko alam na pupunta talaga siya kasi hindi naman ako—" Nagpapaliwanag pa siya nang biglang magsalita ulit ang babaeng 'bisita'.
"My name is Patrice nga po pala," sabi nito sa pangalan na nagpadaloy ng lamig sa aking katawan. "Patrice Lim."
"Patis pow?" sabat ni Vien na nasa sahig pa rin. Puro balahibo na ito ng aso sa ulo.
Napatingin naman si Patrice sa bata. Parang ngayon lang nito iyon nakita. "Oh my, Isaiah. Is this cutie your son?"
Yumukod pa ang babae para himasin ang ulo ni Vien. Hindi ko alam kung bakit mabait naman si Patrcie, pero parang biglang naghurumentado ang aking sistema dahil lang sa simpleng hinawakan niya ang anak ko.
"Wow, so guwapo," ani Patrice nang tingalain si Isaiah. "Isaiah, your son is a spitting image of you."
"Kamukha niya talaga," sabat ng mama ni Isaiah. "Enjoy na enjoy kasi siya habang ginagawa niya iyan."
Lalo lang namang nanamis ang ngiti ng babae. Nabura lang iyon nang mapatingin siya sa akin. Sandaling nangunot ang maliit at makinis niyang noo. "Oh, hi. Isaiah, pinsan mo?"
"Luh Mommy ku 'yan!" sabat ulit ni Vien. Tumayo na ito mula sa sahig at nanakbo papunta sa akin.
Hindi naman nagulat ang mukha ni Patrice. Mukhang alam naman talaga nito kung sino ako. Ngumiti lang ulit at ibinalik ang pansin kay Isaiah.
"Hey, are you angry because I visited you?" tanong ni Patrice sa kanya. "Hindi ka kasi sumasagot sa mga text at tawag. Mabuti na lang at isa sa mga ka-work mo ay napilit kong sabihin kung saan ka nakatira. Finally, nalaman ko kung saan ka rito sa Cavite. And nalaman ko na totoong may anak ka na... pero walang asawa."
Lihim na napakuyom ang mga palad ko.
"Ma, hatid ko lang," sabi ni Isaiah sa mababang tono. Hindi na siya naghintay ng sagot sa mama niya o kahit kay Patrice mismo, nauna na siyang lumabas ng pinto.
Ang ngiti sa mukha ni Patrice ay lumamig na tila napahiya. Sinikap pa rin nitong maging kaswal lang na ngumiti ulit. Nagpaalam na, "Aalis na po ako. Baka gabihin din ako pauwi ng Manila." Yumukod ito sa mama at papa ni Isaiah. "Anyway, it's so nice to finally meet you, sir, ma'am."
Tumingin sa akin at tumango, kay Vien naman ay ngumiti saka nag-flying kiss. Pagkuwa'y sumunod na ito sa labas kay Isaiah.
Namayani ang katahimikan pagkaalis ng mga ito. Ilang minuto rin yata ang nagdaan bago ako nagsalita, "Aalis na rin po pala ako. Magtatahi pa po kasi ako, kailangan ko pong makarami."
"Hindi mo na hihintayin maluto ang lumpia para makapagdala ka?" tanong ng mama ni Isaiah na hindi sa akin nakatingin. Nakayuko ito sa mesa.
Ang papa naman ni Isaiah ay nakayuko rin habang hinahaplos ang aso na nasa paahan nito.
"Salamat na lang po," pilit ang sigla sa boses ko nang sumagot. "May ulam pa naman po sa bahay. May dinala pong ulam iyong kababata ko."
Hinalikan ko na si Vien sa ulo. Nagmano ako sa lola at lolo nito, saka umalis na.
Paglabas ko ay sinalubong ako ni Tita Roda. "Vivi, ayos ka lang ba?" agad na tanong nito. "Aba'y iyong babae ay hinatid pa talaga ni Isaiah. Ayaw pa kasi umalis, hayun siya na ang nag-drive ng kotse ng babae para lang mapaalis na."
Ngumiti lang ako rito at tumuloy na sa gate. Nakasunod pa rin naman ito.
"Naku, Vivi, 'wag lang talagang girlfriend ni Isaiah iyong babaeng iyon, dahil mapapalayas siya rito sa compound nang wala sa oras. At yari siya kay Anya pagbalik niya mamaya!"
Nagpaalam na ako rito. Sumakay na ako sa unang tricycle na dumaan, at kahit nagtitipid ay nagpa-special ako pabalik sa Buenavista. Gusto kong makauwi agad. Agad-agad. Pagbaba ko sa ay dere-deretso ang aking mga paa papasok sa bahay.
Nakailang palya sa doorknob ang susi na hawak ko dahil pinanginginigan ako ng kamay. Nang sa wakas ay makapasok na, umakyat agad ako sa itaas. Hindi ko pala kayang magtahi ngayon. Hindi muna. Hindi ako magtatahi. Bukas na lang. Promise, bukas na lang. Bukas na lang.
Sa kuwarto ni Kuya Vien ako dumeretso. Nakaupo ako sa gilid ng kama habang tulala. Hindi ko sigurado kung gaano katagal. Nakarinig ako ng katok sa ibaba pero hindi ako nag-abala na babain kung sino man ito. Nagri-ring din ang phone ko pero ni hindi ko tinitingnan.
Hanggang sa paglingon ko sa bintana ay madilim na. Gabi na pala. Kumakalam ang tiyan ko sa gutom pero mukhang hindi ako kakain. Okay lang naman. Sanay ako sa gutom.
Mapait akong napangiti sa kawalan. Bakit ba ako nagkakaganito? Di ba nasa Australia pa lang ako ay ini-expect ko na ang ganitong tagpo? Doon pa lang ay hinanda ko na ang sarili ko.
Malaki ang aking kasalanan, kaya alam ko na dapat wala na akong inaasahan. Kaya lang kasi pag-uwi ko, may nasilip akong pag-asa, kaya hindi ko namalayan na umaasa na pala ako. Only to find out in the end that it was just a false alarm.
Hinawakan ko ang aking leeg. Pawisan na pala ako dahil ni hindi man lang ako nagbukas ng electric fan. Basang-basa ng pawis ang katawan ko. I stood up and took off my clothes. The only things I left on my body were my undergarments.
I looked at myself in front of the life-sized mirror. Namayat ako pero lumaki ang aking dibdib at balakang. Maganda pa rin ba ako? Siguro, oo. Pero hindi na katulad nang dati. At wala akong kahit katiting ng sopistikasyon, walang espesyal sa akin, hindi rin ako matalino. Basta maganda lang.
Sa aking tiyan ay naroroon pa rin ang bakas ng pagbubuntis ko noon kay Vien. Bahagya nang malabo pero naroon pa rin. Hindi ko naman iyon pinagsisisihan hanggang ngayon. Ang mga markang iyon nga ang nagpapaalala sa akin na may anak ako. Na may taong kailangan ako. Kaya dapat malakas ako.
Pumatak ang mga luha ko habang nakatingin ako sa salamin. Isang taon mahigit na hindi ko nakita ang anak ko o nakausap man lang. Isang taon mahigit na pinag-alala ko ang lahat ng tao. Isang taon mahigit na nawala ako...
Marahan akong tumalikod at sa salamin ay tumambad ang pilat ko sa likod. Peklat na magaling na pero malinaw na malinaw pa, isang dangkal ng sunog na balat.
Si Mama Anya ay panay ang tawag sa akin noon, nagmamakaawa na umuwi na ako. Na ibebenta nila ang van para makabayad sa mga utang. Pinapauwi ako nito dahil kailangan ako ni Isaiah. Nasa ospital si Isaiah nang panahong iyon, at hinahanap ako. Gustong-gusto ko na ring umuwi para makita at alagaan siya. Na hindi ko nagawa.
Gusto ko siyang yakapin si Isaiah, at mag-sorry sa lahat-lahat, pero mas ayaw ko na siyang pahirapan. Pinalaya ko na siya kahit pa napakasakit para sa akin. Galit na galit siya at ayaw niyang pumayag, pero binabaan ko na siya ng tawag.
Isaiah still didn't give up, though. He tried sending me tons of messages, and he was begging me to take his calls. He was reminding me about our promises to each other, but he received no answer.
Ang mga huling messages niya sa akin ay puno na ng hinanakit. Nagpasalamat siya dahil hindi niya na ako hihintayin. Sobrang sakit, pero iyon lang iyong naiisip kong paraan para hindi na siya maghintay sa wala.
Akala ko kasi hanggang doon na lang ako, but God is good. By the time I was about to give up, I was freed from a place I thought I could never escape.
"Kuya," kausap ko sa hangin. "Are you proud of the woman I've become?"
Kahit ako ay hindi inakalang makakaabot ako sa ganito dahil napakahina kong tao. Lumaki ako sa takot kay Daddy, lumaki ako na takot magkamali, lumaki ako na de numero lahat ultimo pagkain ko. But I survived everything and reached this far.
Nahiga ako sa kama. Nakatulala ako sa kisame nang makarinig ng katok. Katok hindi mula sa ibaba ng bahay kundi sa may pinto mismo ng terrace. I knew in an instant that it wasn't Eli. Bumangon ako at nagsuot ng malaking t-shirt.
Kahit may kutob na ako ay nagulat pa rin ako sa pagbukas ko ng pinto. Ang lalaking nakatayo sa bukas na terrace ay nakatingin sa akin nang malalim. "B-bakit ka nandito?"
Humakbang siya palapit sa akin at ang mga paa ko naman ay tila may sariling buhay na humakbang paatras.
"Ganoon na lang ba?" Ang boses niya ay matigas at maaligasgas.
"Isaiah..."
"Ang hilig mo akong sukuan."
"Isaiah... a-ano—"
"Palagi ka na lang ganyan. Palagi mo na lang agad akong binibitiwan!"
Nangilid ang mga luha ko.
"Ako na lang palagi ang naghahabol sa 'yo. Ako na lang palagi ang lumulunok ng pride ko. Ako lang iyong palaging takot na iwan mo!"
Pumatak ang mga luha na pilit kong pinipigilan.
"Vi, mula noon hanggang ngayon, mas mahal pa rin kita kaysa mas mahal mo ako. Bakit, Vi? Bakit ako lang iyong mas nagmamahal?!"
Nanginginig ang mga labi ko na bumukas, "E di 'wag mo na akong mahalin, Isaiah... 'Wag mo na akong mahalin kasi puro paghihirap lang naman ang dala ko sa buhay mo. Di ba nagsisisi ka na?""
"Tangina..." Napahilamos siya sa palad niya. "Putangina!" Napahiyaw na siya.
"'Di ba pinagsisisihan mo na kung bakit ako? Kaya para matigil na ang paghihirap mo, tigilan mo na ang pagmamahal sa akin. Para matigil na lahat ng ito."
"Tumigil ka!" Hinawakan niya ako sa magkabilang braso. "Wala ka na bang alam gawin kundi sukuan ako?!"
"Noong may nangyari sa atin noong nakaraan..." mahinang sabi ko. "Noong ginalaw mo ako sa kuwarto mo. Hindi pagmamahal iyong dahilan, di ba?"
Nanlaki lang ang mga mata niya sa akin.
"Bobo ako at mahina ang utak ko, pero hindi ako ganoon kamanhid. Alam ko na hindi mo na ako mahal. Pero ginalaw mo ako..."
"Vi..."
"Oo, makapal ang mukha ko na umasa na may uuwian pa ako," mapait na bitiw ko. "Pero maniwala ka, ayoko naman na talagang umasa. Pero kasi pag-uwi ko ng Pilipinas, nakasilip ako ng pag-asa sa ating dalawa. At alam mong tanga ako, alam mong mahina ang utak ko. Kaya, Isaiah, hindi mo dapat ginawa iyon. Kasi umasa ako..."
Yumuko siya. Walang salita na kinuha niya ang mga kamay ko at inihampas iyon sa kanyang ulo.
Ang mga kamay ko ay nanghihina at sumusunod lang sa kanya. Inihahampas niya paulit-ulit sa kanya ulo. Hanggang sa unti-unti ay nagkaroon ng sariling lakas. Binatukan ko siya, sinampal, sinuntok. Tinanggap naman niya lahat. Kahit maraming beses. Kahit palakas na nang palakas.
Ang mga pait na naipon sa aking dibdib ay hindi ko na napigilan sa pagkawala. Sa paglabas ng mga pigil kong emosyon ay siyang pagsasara ng utak ko. Ang mga hindi ko masabi sa salita ay naibuhos ko sa pamamagitan ng pananampal sa kanya, paghahampas, pananabunot, at kalmot.
Sinaktan ko si Isaiah sa lahat ng paraan, nagsisigaw ako habang inaatake siya kung saan-saan. Wala naman siyang iniwasan o sinalag maski isa. Lahat iyon ay tinanggap niya.
Humihingal ako sa pagod nang huminto. Pulang-pula na ang pisngi niya at leeg sa mga sampal at hampas ko, duguan na ang balat niya sa mga kalmot ko, ang shirt niya ay napunit na ang kwelyo.
Luhaan na napailing ako habang nakatingin sa kanyang itsura na ako ang may gawa. Napaatras ako habang umiiling. Napasigaw ako saka napasabunot sa aking buhok. Napalugmok ako sa sahig habang nagsisisigaw. Iyong mga natitira sa aking dibdib ay pinakawalan ko at wala akong itinira. Sigaw ako nang sigaw.
Hinayaan niya ako na mailabas lahat-lahat. Hanggang wala na akong maisigaw. Saka siya lumuhod sa harapan ko para magpantay kami. "Vi..." basag ang boses niya nang tawagin ako.
Tulala lang ako sa kanya habang luhaan.
"Vi, sorry..."
Umiling ako at malungkot na ngumiti sa kanya.
"Isaiah, bobo man ako at mahina ang pag-intindi, pero hindi ako ganoon kamanhid. Nararamdaman ko na wala na iyong dating pagmamahal mo. Kasi iyong dating Isaiah na mahal ako... Hindi gagawin sa akin iyon kahit pa sobrang galit niya..."
Tuloy sa pag-agos ang mga luha ko sa kabila ng pagkabura ng kahit anong ekspresyon sa aking mukha. Kahit ang sakit na naroon ay unti-unti na ring nawawala.
"Isaiah, ayaw kong magalit sa 'yo," blangko ang mga matang sambit ko. "Ikaw ang pinakamagandang nangyari sa buhay ko. Dahil sa 'yo, may Vien ako. Iyong Vien na dahilan kaya lumalaban pa ako. Isaiah, sobrang dami kong utang na loob sa 'yo. Sobrang dami mong mabuting nagawa sa buhay ko."
"V-Vi..." basag ang boses niya. Pumatak na rin ang kanyang mga luha.
"Isaiah, hindi ko makakalimutan ang mga sakripisyo mo, ang pag-aalaga mo, ang pagmamahal mo. Napakabait mo sa akin, napakapasensiyoso, napakalambing. Ang gusto ko, maalala ka sa ganoong paraan. Ayokong magalit sa 'yo at mas matatanggap ko pa na ikaw lang ang galit sa akin. Naiintindihan mo ba ako? Naiintindihan mo ba ang ibig kong sabihin? "
Nagtatagis ang mga ngipin na napayuko siya habang nanginginig ang balikat.
"Vi, sorry. Sorry, sorry..."
"Tama na." Hinawakan ko ang kamay niya, at hinigit niya naman ako para yakapin. Humahagulhol siya sa dibdib ko na parang bata. Hinahaplos ko ang kanyang buhok habang sa kawalan nakatuon ang aking mga mata. "Tama na, Isaiah..."
Lalong lumakas ang iyak niya. Basag na basag. Pero alam ko na alam niya, ito na ang huling pahina ng libro tungkol sa aming dalawa. Kung ano man ang meron kami noon ay ngayon ay tapos na.
JF
--------------------------------------------------------------------------------------------------------------- Hi! This is JF. We have a Spotify playlist now for Isaiah and Vi! Thank you for supporting their story! I have a surprise for you soon. You may follow me on my FB acct: Jamille Fumah for future announcements.
And please use the official hashtags #SerialCharmerbyJFstories, #JFstoriesSC52, and #SouthBoysbyJFstories if you post anything about this story or the South Boys series on any of your socials so that I can read it, too. Once again, thank you for supporting our South Boys!
Bạn đang đọc truyện trên: ZingTruyen.Xyz