Chapter 5
"MATAGAL NA AKONG MAY GUSTO SA 'YO."
Hanggang matapos ang klase ay parang sirang plaka sa pandinig ko ang mga salitang binitiwan ni Isaiah. Ginulo ako nito hanggang gabi.
Bakit ganoon? Inaasahan ko naman na ang ganoong posibilidad pero bakit ganito pa rin ang naging epekto? Bakit nagulat pa rin ako?
Mula nursery hanggang ngayong Grade 10 ay hindi ko na mabilang ang mga lalaking nagtapat sa akin. Hindi na bago ang ganitong senaryo, kaya dapat ay balewala na lang ang ganito.
Pero bakit sa pagtatapat ni Isaiah ay biglang nawala sa ayos ang pagkabog ng dibdib ko?
Tumayo ako sa harapan ng salamin at kumuha ng picture gamit ang front cam ng phone ko. Magpi-picture na lang ako kaysa mag-isip. Ang suot ko ay ternong kulay pink na silk na pantulog. Maiksing shorts at spaghetti top pero wholesome naman ang dating.
Sandali lang ay meron na akong 700 likes. Maraming likes pero kaunti ang comments na halos puro lalaki. Pinupuri ako, hinihingi ang number ko, at ang iba naman ay nagpapa-accept ng friend request. Normal na pangyayari.
Ang sabi ko ay hindi na ako mag-iisip. Pero heto at magdamag na nakatitig ako sa notification ng aking social media account. Iniisip ko ang kung bakit iyong isang tao na aking inaasahang magla-like sa photo ko ay hindi man lang nagparamdaman. Nakatulog tuloy ako na naguguluhan.
KINABUKASAN ay maingay sa kusina ng bahay namin. Nandoon sina mommy at daddy na abala sa paglalambingan. Maganda na ulit ang mood ni daddy.
Nang makita nila ako ay saka lang sila naghiwalay mula sa paglilingkisan. Ngiting-ngiti si daddy sa akin nang lapitan ako. "Bunso, may pangpa-salon na kayo ng mommy mo sa Sabado."
Napatingin ako kay mommy. Nagtatanong ang aking mga mata kung nakuha na ba ni daddy ang komisyon nito sa naibentang lupa. Sumenyas naman si mommy sa akin na 'wag na akong mag-usisa at maging masaya na lang.
Inakbayan ako ni daddy. "Nagpadala ang Tita Duday mo ng pera kagabi. Nanghiram kasi ako ng 30K, pampuhunan sa naisip kong negosyo. Pero syempre, ipapa-salon ko muna kayo ng mommy mo."
Si Tita Duday ay nakababatang kapatid ni daddy. OFW ito na nasa Australia. Madalas itong magpa-package sa amin ng kung anu-ano dahil wala naman itong ibang pamilya kung hindi kami.
Nagpaalam na ako na papasok. Nauna sa akin si Kuya Vien dahil magla-library pa ito. Kami lang tuloy ni Eli ang sabay na pumasok ngayong araw.
Sa jeep ay panay ang tingin ni Eli sa akin. Siguro napapansin niya na malalim ang iniisip ko. Nang hindi makatiis ay tinanong niya na ako. "Vi, may problema ka ba?"
Tumingin ako sa kanya. "Eli, kung hindi kita kababata, magkakagusto ka ba sa akin?"
Nasamid siya bigla kahit wala namang laman ang bibig niya.
Dinagukan ko naman siya dahil nag-alala ako na baka matuluyan siya. Kandaubo siya. Napatingin tuloy sa amin ang ibang kasabay naming pasahero sa jeep.
"A-ano bang tanong iyan?" Namumula ang buong mukha ni Eli hanggang leeg nang mag-angat siya ng mukha.
"Ano nga? Magkakagusto ka ba sa akin? Saka kung magugustuhan mo ba ako, liligawan mo ba ako—"
Hindi ko na natapos ang sinasabi dahil tinakpan niya na ng kanyang palad ang bibig ko.
"Mmmn... Mmnp...!"
"'Wag ka ng magsalita, utang na loob!" namumula pa ring sabi niya sa akin.
Tinabig ko naman ang kamay niya. "Naitanong ko lang naman!"
Hindi naman na kumibo si Eli. Para siyang na-empatso dahil hanggang pagbaba namin sa school ay pulado pa rin siya. Para siyang tanga.
Sabay kaming naglakad ni Eli papunta sa building ng Grade 10. Nasa room niya na siya pero namumula pa rin ang mukha niya. Hindi na tuloy ako nakapagpaalam sa kanya. Dumiretso na ako papunta sa room ko.
Kanina na kasama ko si Eli ay kalmado pa ako. Ngayong mag-isa na lang at papalapit na sa room ko ay nagsimula na akong kabahan. Habang humahakbang ay pabilis nang pabilis ang tibok ng puso ko.
Nang mga nakaraan ay simple lang naman ang buhay ko sa school. Madalas boring pa nga. Palagi kong hinihila ang mga oras para lang matapos na ang araw. Para akong patay na bata na nag-e-exist lang dahil kailangan.
Pasimple kong hinampas ang aking dibdib. Ano bang nangyayari sa akin? Bakit ako biglang nagkaganito?
Nang matanaw ko na ang tapat ng room namin ay napalunok ako. Kusang dumaloy ang tanong sa isip ko na kung nandoon na ba ang taong dahilan kaya ako nagkakaganito?
Nandoon na kaya siya? Nandoon na ba ngayon si Isaiah?
Makikita ko siya ngayon, 'di ba? Lalapitan niya kaya ulit ako? Ano ang gagawin niya ngayong araw na ito?
Natigilan ako sa paghakbang nang mula sa pinto ng room namin ay makita ko siyang lumabas. Naka-white plain t-shirt lang siya at walang suot na school polo. Magulo ang buhok niya na halatang basa pa. Nakapamulsa siya sa suot na school pants. Kahit malayo pa ako ay parang naaamoy ko na kung gaano siya kabango.
Muli akong natigilan dahil sa naisip. Bakit kabisado ko ang amoy ni Isaiah Gideon Del Valle? Bakit alam ko kung gaano siya kabango?
Ang naghahalong amoy ng Safeguard Eucalytpus Green, ang Head and Shoulders shampoo niya, ang CK na men's cologne, at ang natural na mabangong amoy na meron siya. Bakit kabisado ng utak ko ang lahat ng iyon?
Pinanood ko ang swabe na paglabas niya sa pinto at ang pagngiti niya sa naghihintay sa kanya. Sumunod ang aking paningin sa kung sinong kausap niya.
Kumunot ang aking noo nang makita ang isang babae na may maganda bagamat matapang na mukha. Kilala ko ito dahil naging kaklase rin namin noong Grade 8. Kung hindi ako nagkakamali ay Carlyn ang pangalan ng babae.
Nakangiti si Carlyn at hinampas si Isaiah sa balikat. Hinuli naman ni Isaiah ang kamay nito at pagkatapos ay ibinaba.
"Ano na? 'Sabi mo, igagawa mo ako ng assignment? Paano kita sasagutin niyan kung liligawan mo ako? Ayoko sa walang silbi!"
Hindi na ako nakapagpatuloy sa paglalakad nang marinig ang sinabi ni Carlyn. Hindi ko tiyak kung nagbibiro lang ba ito o talagang seryoso, pero nakuha nito ang kuryosidad ko.
Hinintay ko ang reaksyon at sasabihin ni Isaiah. Ngumiti lang naman ang lalaki at may inilabas na piraso ng papel mula sa bulsa ng school pants.
"Ito na iyon?" Nagningning ang mga mata ni Carlyn. "Thank you, my generous friend!" Pagkakuha sa papel ay nagtatakbo na ito.
Nang wala na ang babae ay nakatingin pa rin ako kay Isaiah. Tumambay naman siya ngayon kasama ang isa sa mga kaibigan niya na taga kabilang section.
Naghaharutan sila sa corridor habang may pinapanood na kung ano sa cellphone.
Siguro naramdaman niya na sa wakas na may nakatingin kaya bumaling ang paningin niya sa akin. Inihanda ko naman ang sarili sa gagawin niyang paglapit, pero hindi iyon nangyari.
Ngumiti lang si Isaiah at pagkatapos ay ibinalik niya na ulit ang atensyon sa cellphone na tinitingnan nila ng kaibigan niya. Nagharutan na ulit sila hanggang sa may dumating pa na isang lalaki na kaibigan din nila.
Nakayuko na pumasok na ako sa room. May mga tanong ngayon na gumugulo sa isip ko.
Pagpasok ko sa room ay naroon na si Rosethel. Hindi absent ngayon ang babae. Nagmi-make up ito at nang makita ako ay agad na kumaway. "Peram eyeliner!"
Inilabas ko ang aking kikay pouch at ibinigay sa kanya. Nagkalkal naman siya roon at hindi lang eyeliner ang kanyang ginamit. Pati lip balm, glittered eyeshadow, at highlighter.
Tahimik na nakaupo lang naman ako sa upuan. Patingin-tingin lang ako sa paligid hanggang sa tumunog na ang bell.
Mula sa pinto ay sabay na pumasok si Isaiah at ang kaibigan niya na kaklase rin namin, si Asher James Prudente. Magkatabi sila sa upuan. Pagpasok nila ay hinihintay ko na tumingin sa akin si Isaiah, pero hindi niya ginawa.
Dumiretso siya sa upuan niya at isinuot ang polo na hinubad. Nakipagdaldalan siya sa katabi. Hinintay ko pa rin na lumingon siya sa akin, pero wala pa rin.
Nagsalubong na ang mga kilay ko. Ganito ba ang may gusto?
"Vi," untag sa akin ni Rosethel. "May quiz daw. Penge ng papel mo."
Napatingin ako sa blackboard. Natapos na pala ang pagdi-discuss ng teacher namin nang hindi ko namalalayan. May quiz na hanggang 10.
¼ daw ang papel na kailangan. Nakagat ako ang aking ibabang labi nang maalala ang ginawang paghati ni Isaiah sa papel kahapon. Nai-imagine ko pa rin kung paano niya dinilaan ang papel para mabasa.
Pasimple akong sumulyap sa row nina Isaiah. Wala siyang papel based sa pag-ikot niya sa upuan. Nagtatanong-tanong siya kung sino ang may ¼. Ako, meron akong ¼.
Kagabi ay kumuha ako ng ¼ na papel sa bag ng kuya ko. Muli akong tumingin kay Isaiah, hinihintay ko siya na mapatingin sa akin. Nang lumingon siya sa likod ay napigil ko ang aking paghinga dahil sa antisipasyon.
Ang paghahanap ng mga mata niya ay hindi umabot sa kinaroronan ko dahil napahinto agad siya sa nasa likuran niya. Ngumiti siya nang malambing sa babaeng ngayo'y hinihingian niya ng papel.
Napatitig naman ako sa natural na mapulang mga labi niya. Bakit? Bakit kailangang ngumiti ng mga ito?
Nang abutan na siya nito ng papel ay umayos na siya sa pagkakaupo sa kanyang upuan. Nagsimula na ang quiz na nakatanghod pa rin ako sa direksyon niya.
Kung hindi pa ako siniko ni Rosethel ay hindi pa ako babalik sa huwisyo.
"Vi, bakit ganyan ang mukha mo? Ngayon lang kita nakitang nakasimangot, ah? Marunong ka pala ng ganyan."
Binigyan ko ng papel ang babae para manahimik na ito.
Nang matapos ang quiz ay himala na naka 6 pa ako kahit sabog-sabog ang aking pag-iisip. Nagpasalamat na lang ako dahil may kadalian ang quiz ngayon at nataon pa na may naaalala ako sa nakaraang lesson.
Si Rosthel na nakakuha ng 7 ay masayang-masaya ngayon habang nagre-retouch ng blush on sa kinauupuan. Lamang sa akin ang babae ng isang puntos kaya ganado ito sa pagyayabang.
Wala naman kay Rosthel ang aking atensyon. Sa kauna-unahang pagkakataon ay hindi ako mapakali. Para akong sinisilihan na hindi maintindihan.
Panay ang tingin ko sa row nina Isaiah. Kalalabas lang ng teacher namin at wala pang pumapalit kaya maingay na naman ang mga estudyante. Dumadaldal na naman siya sa katabi niya.
Nang tumayo ang babae sa likuran nila ay parang umangat din ang aking pang-upo sa kinauupuan. Yumuko ang babae sa mismong puwesto ni Isaiah at may kung anong ibinulong sa kanya.
Ang aking kamay na nakahawak sa ballpen ay humihigpit doon. Ano ang sinabi ng babae kay Isaiah?
Lumingon si Isaiah sa babae at may sinabi rin na hindi umabot sa aking pandinig. Tumawa naman na parang kinikiliti ang babae. May paghampas pa sa balikat niya.
Nang dumating na ang teacher ay nanahimik na ulit ang klase. Tahimik na ang paligid habang nagkakagulo naman sa loob ko.
First break ay tumayo si Isaiah kasama si Asher na kaibigan niya. Magkaakbay sila at masayang lumabas ng room. Hindi ulit siya tumingin sa gawi ko.
Niyaya ako ni Rosethel na lumabas at sumama naman ako. Bibili kami ng snacks sa canteen. Gusto kong mahanginan dahil kakaiba talaga ang aking nararamdaman.
Sa canteen ay napakaingay ng mga estudyante. Kakaunti lang ang totoong kumakain dahil mas marami ang nakatambay lang. Ang iba ay abala sa hawak na mga cellphone at ang iba ay nagkukuwentuhan.
Bumili ako ng biscuit at juice habang si Rosethel naman ay Cloud 9 chocolate ang binili at softdrinks. Inalok niya ako ng chocolate at umiling ako bilang pagtanggi. Ang sabi kasi ng mommy ko, marumi sa dugo ang chocolate. Pwede raw akong magkaroon ng kati sa balat o kaya at tagyawat.
Nagpaalam si Rosethel na magba-banyo muna. Hinintay ko naman siya sa labas mismo ng ladies' room. Habang nandoon ay pasimple na naman ang paglingap ng aking paningin sa kapaligiran.
Pasimple akong nagmamasid sa mga estudyante na nagdaraan. Napatigil lang ang aking mga mata nang may matanaw ako... Si Isaiah.
Kailan pa kusang tumitigil ang aking paningin kapag nasa paligid siya?
Nakatagilid siya sa gawi ko kaya kitang-kita ang magandang hubog ng mataas na bridge ng matangos niyang ilong. Matangkad siya at maganda ang tindig. Kitang-kita na bahagyang matambok ang kanyang pang-upo dahil sa pagkakatagilid.
Naglalakad si Isaiah habang hawak ang phone niya. Nags-swipe lang siya sa screen kaya nasiguro ko na hindi siya nagta-type. Pwedeng meron lang siyang tinitingnan o kaya ay binabasang chat.
Kumiling ang aking ulo sa kuryosidad. Nakita niya na ba na na-accept ko na siya sa Facebook? Matagal ko na siyang follower kaya siguro naman ay updated siya na ngayon ay friends na kami.
Nakikita niya rin malamang ang mga selfies ko. May nai-like na kaya siya kahit isa man lang sa mga ito?
May lumapit sa kanya na tatlong babae. Ang isa sa mga ito ay may paghaplos pa sa braso niya. Ang isa naman ay kung makadikit ay para bang may magnet sa pagitan nilang dalawa. Muli ay ang pagapang sa akin ng kakaibang pakiramdam.
Kanina ay hindi ako alam ang tawag sa pakiramdam na ito pero ngayon ay may ideya na ako. Ito ay iritasyon. Naiirita ako.
Naiirita ako dahil nagpapahaplos, nagpapadikit, at ngumingiti rin siya sa mga babaeng lumalapit sa kanya. Hindi ko alam kung friendly lang talaga siya o may gusto siya sa mga ito. Nalilito ako dahil ang sabi niya ay gusto niya ako.
Paanong gusto niya ako tapos may gusto rin siyang iba pa? Pwede bang magkagusto ng sobra sa isa?
May tumulak sa likod ko. Si Rosethel na nakakunot ang noo. "Kanina ka pa nagkakaganyan. May problema ka ba?" tanong sa akin ng babae.
Umiling ako bilang sagot. Nauna na rin akong maglakad nang marahan papunta sa building ng Grade 10. Si Rosethel ay hindi sumunod sa akin dahil nakita raw niya si Wayne. Magpapapansin na naman siguro siya roon.
Habang naglalakad ay ramdam ko ang paguhit ng pait sa aking lalamunan. Hindi na lang ako basta naiirita dahil nagagalit na rin ako sa isiping parang pinaglalaruan ako ni Isaiah.
Hindi ko naman siya dating napapansin pero bigla siyang nagpapansin. Bigla siyang nagparamdam at pagkatapos ay bigla na lang din siyang hindi nagparamdam. Ano ang gusto niyang iparating?
Naiinis ako. Naiirita. Nagagalit. Hindi ko akalain na posible akong makaramdam ng ganito. Ito ang unang beses kaya hindi ko alam kung paano panghahawakan ang damdamin ko. Para akong sasabog at ayaw kong mangyari iyon.
Nang tumunog na ang bell ay nasa upuan na ako. Nakayuko ako. Hindi ako nagtaas ng mukha kahit nang pumasok na ang mga kaklase ko at ang teacher sa sumunod na subject.
Si Rosethel na bagong dating ay namamangha sa akin. "Vi, ang seryoso ng mukha mo, naninibago ako..."
Tama lang na manibago si Rosethel dahil hindi naman ako nagkakaganito. Ngayon lang na ikinamamangha ko rin.
Tahimik man kasi ako at hindi palasalita sa school ay malambot naman palagi ang emosyon na makikita sa aking mga mata. Kahit boring, patay na bata, at tuod ang madalas na deskripsyon sa akin ay bihira naman maging ganito kaseryoso ang aking ekspresyon.
Sumapit ang break namin na hindi ko man kontrolin ay kusa na lang na seryoso ang mukha ko. Parang nailang naman sa akin si Rosethel kaya iniwan ako nito.
Nakayuko lang ako sa armchair nang maglabasan na ang mga kaklase ko. Nang sa tingin ko ay wala ng tao ay saka ako nag-angat ng mukha. Nagulat ako nang makitang nasa pintuan pa pala si Isaiah at sa akin nakatutok ang kanyang mga mata.
Ang gulat ko ay agad kong ikinubli. Pormal ang aking mukha na nagbawi ng paningin sa kanya. Inaasahan ko na ang pag-alis niya, pero hindi siya umalis sa may pintuan.
Nagpanggap ako na balewala ang presensiya niya, kahit pa parang may nagwawala na naman na kung ano sa loob ng dibdib ko.
Pormal pa rin ang aking mukha nang tumayo at maglakad. Diretso ang tingin ko na hindi ako tumitingin kahit sulyap sa pwesto niya.
'Di ba ganito rin naman siya kanina? Ginagaya ko lang siya.
Nang dadaan na ako sa kanyang harapan ay nakita ko sa gilid ng aking mga mata ang pagtaas ng isang kilay niya at ang pagtataka sa kanyang mukha.
Deadma pa rin ako pero ang nakasalubong kong lalaking kaklase ay maliit kong nginitian. Hindi ko gawain ang ganoon kaya nagulat ang lalaki. Nakita man ni Isaiah iyon o hindi ay wala akong pakialam.
Tuloy-tuloy ako sa paglabas. Bumili lang ako sa canteen ng dalawang maliit na sandwich at juice at pagkatapos ay bumalik na rin sa room. Akala ko umalis din si Isaiah sa room pero nandoon siya ngayon sa upuan niya.
Ang isang kilay ko naman ang hindi ko napigilang tumaas. Bakit nandito siya? Hindi ba siya kakain?
Tahimik siya sa kinauupuan habang nakayukyok sa armchair niya. Hindi ko sigurado kung natutulog ba siya o ano.
Naupo na ako sa aking upuan at nagsimulang kumain. Kahit ayaw ko ay hindi ko naman matiis na hindi siya sulyapan. Wala siyang kagalaw-galaw sa kinauupuan.
Sinimulan ko nang kainin ang binili kong pagkain, iyon nga lang ay hindi ko magawang lumunok nang matiwasay dahil inaalala ko si Isaiah. Hindi ba talaga siya kakain?
Pumasok sa room namin ang kaibigan niyang si Asher. Mahinang tinuktukan siya nito sa ulo. "Isaiah, tara na kain sa labas!"
Umiling lang sa pagkakayuko si Isaiah at hindi man lang sinagot ang pagyaya ni Asher sa kanya.
Pilit sinisilip ni Asher ang mukha niya. "Oy, 'di ka kakakain? Di ba kanina tom-guts ka, ah?"
Umiling lang si Isaiah at lalong yumuko sa braso para hindi masilip ni Asher ang mukha niya.
Napipikon na napaungol naman si Asher. "Tangina mo naman, Isaiah! Ano na namang drama 'yan?!"
Napagod na rin ito at matapos siyang mura-murahin ay iniwan na siya. Wala pa rin naman siyang imik. Nagtaas lang siya ng kamay at nag-dirty finger pagkatapos ay wala na naman siyang kakilos-kilos.
Sumisigaw naman si Asher sa labas dahil nandoon ang tropa yata nila na naghihintay sa kanya. "Gago, 'di sasama si Isaiah. Namamaga yata itlog kaya 'di makatayo!"
Ang mga estudyante sa room namin ay nagsilabasan na lahat. Ang natira na lang ay si kami ni Isaiah.
Napatingin ako sa isang sandwich na hindi ko pa nabubuksan. Napalunok ako nang muling mapatingin kay Isaiah. Gutom na pala siya kanina pero bakit kaya ayaw niyang kumain ngayon? May problema ba siya?
Naiinis ako sa kanya pero naaalala ko noong nagutom ako. Ang hirap kapag kumukulo ang tiyan at walang makain. Nang araw na iyon ay binigyan niya ako ng sandwich at juice kaya naibsan ang aking gutom.
Nagpakawala ako ng paghinga bago tumayo. Alumpihit pa ang aking paghakbang pero sa huli, nagtuloy-tuloy na rin ako patungo sa kanyang kinauupuan.
Naupo ako sa tabi niya. Nakayuko pa rin siya. Narinig ko siyang suminghot-singhot.
Lumunok muna ako para linisin ang tensyon sa aking lalamunan. Mahina akong nagsalita para kunin ang atensyon niya. "Isaiah..."
Hindi siya kumibo o ni kumilos mula sa pagkakayuko.
"Isaiah..." Marahan kong tinapik ang balikat niya.
Umigtad lang siya at hindi na ulit gumalaw. Inilapag ko na lang ang sandwich sa kandungan niya.
"Iiwan ko na 'yan dito, ha? Kainin mo..." mahinang sabi ko saka akma nang tatayo nang biglang pumigil sa aking pulso ang kaliwang kamay niya.
Nagtatakang napalingon naman ako sa kanya. Nag-angat siya ng mukha at nakita ko ang pamumula ng mapungay na magandang uri ng kanyang mga mata.
"Galit ka?" paos na tanong niya sa akin.
Napanganga naman ako. "Ha?"
"Galit ka sa akin." Kasing aligasgas ng boses niya ang hangin na nagmumula sa ceiling fan ng room namin.
"B-bakit naman ako magagalit?" maang na tanong ko habang unti-unti na akong nabibingi dahil sa palakas nang palakas na kabog ng dibdib ko.
Sinubukan kong hilahin ang pulso ko mula sa pagkakahawak ni Isaiah pero lalo lang humigpit doon ang pagkakahawak niya.
"Galit ka sa akin, Vi. Bakit ka galit sa akin?"
"H-hindi nga ako galit..."
Umahon na siya mula sa armchair at inilapit ang mukha sa akin. "Sige nga, ngitian mo nga ako."
Napalunok at napausod naman ako palayo. Namimilog ang mga mata ko sa kanya.
"O galit ka nga. Bakit ka galit? Anong nagawa ko? Kung ano man iyon, sorry na agad o."
Muli akong lumunok at inipon ang kapiraso kong tapang at lakas ng loob bago nagsalita. "M-may gusto ka sa akin, 'di ba?"
Nagbaba ako ng paningin dahil ayaw kong makita ang reaksyon niya sa sinabi ko. Nahihiya ako.
"Uhm, s-sabi mo 'di ba, gusto mo ako..." Lumiit ang boses ko. "P-pero hindi mo ako pinapasin... Ni hindi ka tumitingin sa akin..."
Hindi na kinaya ng hiya ko na banggitin pa ang tungkol sa hindi niya pagpaparamdam sa social media at maging ang mga babaeng dumikit sa kanya sa araw na ito.
Walang sagot si Isaiah sa aking sinabi kaya kinabahan na ako. Hindi kaya nagbago na ang isip niya at hindi niya na ako gusto kaya siya ganito?
Kung anu-ano na ang nabubuong hinala sa isip ko nang maramdaman ang masuyong paghawak ng mahahaba niyang daliri sa baba ko.
Marahan niyang inangat ang aking mukha para maghinang ang aming mga mata. Napakurap-kurap ako dahil sa pagkabigla. Nakangiti siya.
"Tanungin mo pa ako, Vi," utos niya sa akin na para bang naglalambing.
"M-may gusto ka pa rin ba sa akin?"
Tumango siya habang nakangiti pa rin.
"Uhm, liligawan mo ba a-ako?"
Nang umiling siya ay parang may kung anong mabigat na bagay ang dumagan sa dibdib ko.
Naguguluhan ako na napaurong. "P-pero di ba m-may gusto ka sa akin..."
Sa halip na sagutin ay nagtanong din siya. "Ilang taon ka na?"
"Uhm... S-seventeen..."
"Seventeen," ulit niya.
Ang tagal na nakatingin lang sa mukha ko si Isaiah habang ako ay kinakabahan dahil baka may makakita sa amin at kinakabahan din dahil nakakakaba ang intensidad ng mga mata niya.
"B-bakit mo itinatanong?" tanong ko para puksain ang tensyon sa hangin.
"Next year..." usal niya habang ang mga mata ay bumaba na sa mga labi ko.
"Ha?"
Nang mag-angat siya muli ng paningin ay seryoso na ang mga mata niya. "Next year mo na ulit ako tanungin kung liligawan kita."
"B-bakit?"
"Dahil ngayon lang ito, Vi. I-enjoy mo na ngayon ito." Binitiwan niya ang kamay ko.
Nagtataka naman ako dahil bahagya rin siyang lumayo.
"Dahil hanggang ngayon na lang ito. Ngayon lang ako malayo..." Ang mga mata niya na seryoso ay unti-unting uminit. "Next year, hindi na ako hihiwalay sa 'yo hanggang sa ikaw na mismo ang susuko."
JF
Bạn đang đọc truyện trên: ZingTruyen.Xyz