Chapter 43
HINDI NA TAYO.
Alam ko. Alam ko naman iyon. Posibleng isipin ng makakakita sa marka sa leeg niya na ibang babae ang may gawa niyon.
"Mamaya pala uuwi na si Carlyn. Puwede ka na ulit matulog sa kuwarto ni Kulitis, o kahit saan mo gusto. Ikaw ang bahala. Basta 'wag ka na sa kuwarto ko, para naman makatulog na rin ako nang maayos sa gabi."
"S-sige, pasensiya na..."
Ini-start niya na ang motor. "Pagbuksan mo na ako ng gate para makaalis na ako."
Lumakad na ako papunta sa gate. Binuksan ko iyon at lumabas na si Isaiah sakay ng motor niya. Wala na siya pero nakatanaw pa rin ako sa kalsada.
"Oy, Vivi!" Lumabas sa bahay na nasa unahan ng loob ng compound si Tita Roda. May dala ang ginang na tasa ng umuusok na kape. "Anong ginagawa mo riyan?" tanong nito sa akin.
"Ah, wala po." Kimi ko itong nginitian.
"Salamat pala sa pasalubong mo. Pero pasensiya ka na, ha? Hindi ko makakain iyong chocolates. Si Arkanghel kasi, dinala iyong mga chocolates dahil bawal daw sa amin ng papa niya. Napaka-KJ talaga niyon, eh."
"Pasensiya na po, nakalimutan ko na diabetic po pala kayo ni Tito Kiel. Tama lang naman po si Arkanghel sa pag-iingat sa inyo dahil mahal niya kayo."
"Mahal daw," bubulong-bulong ang ginang. "Sus, ayan nga't kay tagal pero kailan lang ulit nagparamdam."
Parang nagrereklamo man si Tita Roda ay hindi maitatago ng ginang na maligaya ito sa pagbabalik ng itinuring na anak. Tama ang sabi ni Isaiah noon, in denial lang ang tiyahin niya at dinadaan sa galit-galitan ang lahat, pero deep inside ay talagang mahal nito si Arkanghel.
Pumasok na ulit ako sa bahay. Aasikasuhin ko si Vien dahil may pasok ito sa school. Gising na si Mama Anya at naghahanda na itong umalis dahil may zumba ito kasama ang mga amiga.
Umalis na rin si Carlyn dahil pupunta raw ito sa bago nitong tayong café. Nagising na rin si Vien at inasikaso ko na ang bata. Pagkahatid dito sa school ay naglinis naman ako ng buong bahay at naglaba.
Ngayong hapon uuwi galing sa Dubai ang papa ni Isaiah na si Papa Gideon. Nakaramdam ako ng pagkasabik. Matapos ang ilang taon ay ngayon ko na lang ulit makikita ang lalaki na naging ama ko na rin sa loob ng maikling panahon.
Pagkatapos maglaba ng mga damit nina Vien at Isaiah ay naligo na ako para sunduin ang bata sa school. Pagkauwi ay pinakain ko na ito at pinatulog sa tanghali.
Pagkauwi ni Mama Anya ay umalis din agad ito pagkaligo. Magpapa-rebond daw kasi ito at magpapa-manicure-pedicure sa parlor. Magpapa-foot spa rin. Syempre nga naman, uuwi na si Papa Gideon.
Uuwi rin si Isaiah ngayon. Bandang alas dos ay bumalik si Mama Anya. Kasama sina Tito Kiel at Tita Roda ay sinundo na nila sa airport si Papa Gideon. Dala nila ang van na si Tito Kiel ang driver.
Sakto na pagising ni Vien ay nakabalik na sila. Pupungas-pungas pa ang bata at may panis pang laway nang lundagin nito ang lolo. "Wowo!"
"Aba, ang mabait kong apo!" Pinupog naman agad ng halik ni Papa Gideon si Vien. Marami itong pasalubong sa bata. Makikita kung gaano nito ka-miss ang apo.
"Welcome back po, Papa..." mahinang bati ko rito.
Nagulat ako nang yakapin ako nito. "Welcome back din, anak. Masaya ako na bumalik ka na."
Pigil ang mga luha na ngumiti ako. "Masaya rin po ako na makita at makasama ulit kayo, Papa."
Dumating na rin si Isaiah. Doon na ako dumistansya. Pumunta ako sa kusina para ayusin ang mga pinagkainan.
Nagkumustahan ang pamilya, nagkuwentuhan. Naroon sina Tito Kiel na at si Tita Roda na nangangalkal ngayon sa balikbayan box.
Naghubad lang ng sapatos, medyas, shirt at jeans si Isaiah. Boxer shorts lang ang suot niya. Pinapakita niya kay Papa Gideon ang biceps niya. Tinutukso niya ang ama dahil hindi raw ito fit. Niyayaya niya na sumama sa kanya minsan sa gym.
Binato naman ni Mama Anya si Isaiah throw pillow. "'Wag kang makialam, ako ang bahala sa exercise niyang papa mo! Pagpu-push-up-in ko 'yan gabi-gabi sa kuwarto!"
Nagkakasayahan sila sa sala habang nagpupunas ako ng mesa. Napakasayang tingnan ng pamilya nila. Nakakaaliw ang kanilang mga biruan. Napapangiti ako kahit hindi ako kasali. Ang sarap sa puso na makita silang magkakasama ulit at buo.
Magaan ang mood sa paligid nang kinagabihan ay may bumato sa gate ng compound. Sa isang iglap ay nabura ang magagandang ngiti sa kanilang mga labi.
Si Tito Kiel ang lumabas para tingnan kung sino iyon. Maya-maya lang ay nakarinig na kami ng sigaw mula sa kung sino mang dumating. Ginapangan ako ng kilabot dahil kilala ko ang boses na aking naririnig. Inaawat ito ni Tito Kiel pero ayaw nitong magpaawat.
"MGA WALANGHIYA KAYONG PAMILYA KAYO! ILABAS NIYO ANG ANAK KO!"
"D-Daddy..." takot na sambit ko. Nasa Pilipinas na rin ito?!
Tumayo si Papa Gideon mula sa pagkakaupo sa sofa. Seryoso ang mukha nito nang balingan ang asawa. "Anya, 'wag mong palalabasin ang mga anak natin at apo!"
Paglabas ni Papa Gideon ay hinarangan ni Mama Anya si Isaiah na ngayon ay nagtatagis ang mga ngipin. "Narinig mo ang sinabi ng ama mo. 'Wag kayong lalabas."
Kinakausap nila ng mahinahon at may pagpapakumbaba si Daddy sa labas, pero balewala iyon sa lalaki. Alam ko na balewala iyon.
"SINASABI KO NA, ILABAS NIYO ANG ANAK KO KUNG AYAW NIYONG MAGKAGULO TAYO RITO!"
Nang mapatingin ako kay Isaiah ay nakita ko nakatingin din siya sa akin. Nakikita niya ang panginginig ng katawan ko maging ang pamamalisbis ngayon ng aking mga luha.
"Pare, ang anak mo ang pumunta rito," malumanay ang boses ni Papa Gideon na mauulinigan sa labas ng pinto.
"Pare, ibaba mo ang baril. 'Wag sanang daanin sa init ng ulo. May bata rito sa loob at baka ma-trauma," sabi naman ni Tito Kiel.
Napahumindig ako nang marinig na may dalang baril si Daddy. Si Isaiah ay nanakbo paakyat sa itaas ng bahay. Hindi ko alam ang gagawin niya pero ang lakas ng kabog ng aking dibdib.
Si Vien ay yakap-yakap na ni Mama Anya dahil natatakot na ang bata. Nasa mukha na rin ngayon ng ginang ang takot at kaba. Hindi ko na kayang makinig at manood lang, nilabas ko na si Daddy bago pa ito may magawang hindi maganda.
Nasa labas na rin si Tita Roda at kararating lang din ni Carlyn. Windang ang dalawang babae sa pag-aamok ni Daddy.
Sargo ang luha sa aking mga mata habang nanginginig ang katawan ko nang magpakita ako kay Daddy. "Daddy, please 'wag kang manggulo rito."
Subalit imbes na kumalma si Daddy ay lalong nanlisik ang mga mata nito nang makita ako. "Halika rito kung gusto mong umalis ako! Sumama ka sa akin pauwi!"
Akma pa lang akong lalapitan ni Daddy nang mula sa aking likuran ay kasunod ko na lumabas si Isaiah. Ganoon pa rin ang ayos niya, naka-boxer shorts lang. Ang ikinagimbal ko ay dahil may hawak din siyang baril sa kaliwang kamay niya.
Lumapit siya kay Daddy at itinutok ang dulo ng hawak na baril dito. "Ikaw ang lumayas dito sa teritoryo ko!"
"Isaiah, sinabi nang 'wag kang lalabas!" Napahawak sa dibdib nito si Papa Gideon.
"Isaiah!" tili ni Mama Anya mula sa loob ng bahay. Mula sa loob ay maririnig din ang palahaw na pag-iyak ni Vien.
Pilit umaawat si Tito Kiel kay Isaiah pero matigas siya. Dere-deretso siya kay daddy at nakipagtutukan ng baril dito. "Tangina ka, 'di ka talaga titigil?! Ngayon mo ako angasan, pasasabugin ko bungo mo!"
Napatakbo na ako at mahigpit na niyakap sa bewang si Isaiah. "Isaiah, please wag..." Napahagulhol na ako. "Please, Daddy!" makaawa ko kay Daddy. "Umalis ka na!"
Napasigaw si Carlyn at ang dahilan ay dahil bumagsak sa sahig si Papa Gideon. Inatake ito sa puso. Napasugod naman papunta rito si Tito Kiel. Napalabas na rin ng bahay si Mama Anya na kasunod si Vien.
Ang batang maliit ay sargo ang luha at sipon sa mukha. Pumalahaw ito ng iyak nang makita ang nangyari sa lolo nito. "Wowo!"
Si Daddy na nakatingin ay parang biglang natauhan. Namutla ito at nagmamadali na tumalikod paalis. Si Isaiah ay hindi mawari kung ano ang gagawin, kung susundan si Daddy o pupuntahan si Papa Gideon. Tigagal siya.
Sumigaw si Mama Anya, "Isaiah! Dalhin natin sa ospital ang papa mo!"
Doon nanakbo si Isaiah papunta sa ama. "Papa!" Nagtulong sila ni Tito Kiel na buhatin papunta sa van si Papa Gideon. Si Tito Kiel ay pumunta na agad sa manibela.
Si Tita Roda ay tinakbo ang gate para buksan. Si Mama Anya ay hindi mabitiwan si Vien dahil pumapalahaw ng iyak ang bata. Inagaw ni Carlyn si Vien kaya nakatayo si Mama Anya at nakasunod sa van.
Sinigawan ako ni Carlyn dahil nakatulala ako sa mga pangyayari. "Vi, sumama ka na kina Isaiah. Rendahan mo 'yan at baka makaisip pang puntahan mamaya ang daddy mo. Ako na munang bahala kay Kulitis!"
Luhaan ako na tumango. Mabuway ang mga binti na sumunod ako kay Isaiah. Hinuli ko agad ang pulso niya at hinila siya papasok sa van. Dahil wala sa sarili sa pag-aalala ay nagpatangay siya sa aking paghila. Ang baril na hawak niya ay nabitiwan niya na sa upuan.
Pagkarating sa ospital ay isinugod agad sa emergency si Papa Gideon. Nakasunod papasok sa ospital sina Tito Kiel at Mama Anya, habang si Isaiah ay hindi pinapasok dahil naka-boxer shorts lang siya.
"Putang-ina, bakit ayaw niyo akong papasukin?! Papa ko iyong dinala sa emergency!" sigaw niya na pulang-pula ang mukha.
Todo awat naman ako sa kanya dahil sinasaway na kami ng guard at staff. Hinila ko siya papunta sa parking kung saan naka-park ang van nila.
Sa parking lot ay nagsisigaw siya. "Fuck, fuck! Tangina!" Nag-e-echo ang boses niya. Luhaan na ang kanyang mga mata habang nagtatagis ang mga ngipin niya. Panay ang igting ng kanyang panga.
Ako ay umiiyak na rin habang ginagawa ang lahat para pakalmahin siya. "Isaiah, magiging okay rin si Papa Gideon..."
Napahagulhol siya sa pinto ng van. Awang-awa ako sa kanya. Hiyang-hiya rin ako dahil kung hindi dahil sa pagsugod ni Daddy ay hindi mangyayari ang nangyari kanina.
Dumating si Mama Anya. Sinalubong agad ni Isaiah ang ina. "Ma, kumusta si Papa?! Ma, pupuntahan ko si Papa! Ma, baka anong mangyari kay Papa! Ma!"
Naluluha na rin ang mga mata ni Mama Anya. Itinulak siya nito dahil nagpupumilit pa siyang bumalik sa lobby. "Isaiah, kalmahin mo ang sarili mo. Magiging maayos ang papa mo, manalangin lang tayo, magiging maayos siya."
"Pero Ma, gusto kong makita si Papa! Ma... baka mapaano si Papa! Ma, please!"
"Isaiah..." Hinawakan ko si Isaiah sa braso pero tinabig niya ang kamay ko.
"Ano pa ba ang gusto ng daddy mo?!" Hinarap niya ako. Namumula sa pag-iyak ang mga mata niya. "Sa tuwing makakaisip siyang sumugod sa amin, gagawin niya?! Bakit, ha?! Dahil ba alam niyang mababait ang mga magulang ko, kaya tingin niya'y puwede niyang kayan-kayanin?!"
"S-sorry, Isaiah..."
"Sorry?!" singhal niya sa akin. "Puro ka na lang sorry! Ang tanda mo na, hinahabol ka pa rin ng bwakanang inang tatay mo! Ang tanda mo na, pumapayag ka pa ring kinakaya ka niya kaya siya ganoon! Kaya pati ang papa ko at ang pamilya ko ay nadadamay ngayon!"
"Isaiah!" sigaw ni Mama Anya.
"Bakit, kinakampihan niyo siya, Ma?!" sigaw niya rin sa ina. "Bakit palagi niyo na lang kinakampihan si Vivi?! Kahit noong wala siya, sa kanya ka pa rin kampi! Kahit hindi niya na tayo inuwian, inunawa mo pa rin siya!"
Napahikbi ako. Si Mama Anya naman ay nanginginig na sa galit.
"Palagi na lang siya ang kinakampihan mo, Ma! Siya ba ang anak mo, ha?! Alalalang-alala ka na nahihirapan siya sa Australia, bakit sino ba ang nagsabi sa kanya na maghirap siya?! Pinauwi natin 'yan ng ilang beses noon, ah! Nagmakaawa pa tayo sa kanya! Pero umuwi ba 'yan?! Hindi, di ba?!"
"Isaiah, tumigil ka na," mariing saway ni Mama Anya.
"Bakit ako titigil?!" marahas na sabi ni Isaiah habang luhaan. "Totoo naman, eh! Wala na siyang dapat pang gawin sa Australia noong namatay ang mommy niya. Puwede na siyang umuwi kung gugustuhin niya. Nag-offer pa tayo noon na ibenta ang van para lang ipadala sa kanya, para maipambayad niya roon sa mga utang nila, pero tinanggihan niya!"
Napapiksi ako dahil hinampas ni Isaiah ang gilid ng van at lumikha iyon ng malakas na kalabog.
"Araw-araw natin 'yang tinatawagan at pinakikiusapan na umuwi na! Kahit iyong tita niya roon, pinapauwi na rin siya, pero hindi siya umuwi! Mas gusto niya roon! Tapos pinagtaguan niya pa tayo ng mahigit isang taon! Ni hindi niya man lang naisip na nag-aalala tayo at hinahanap siya palagi ng anak niya!"
Napasibi ako sa pag-iyak. Ito ang unang beses na nakita ko na ganito kagalit si Isaiah. Ang dating palaging masaya niyang mga mata ay punong-puno ngayon ng galit at poot.
Dinuro niya ako. "Isang taon, Ma, na walang paramdaman sa atin ang babaeng 'yan, pero ni hindi ka man lang nagalit. Putangina lang, kahit nag-aagaw buhay ako sa ospital noon, siya pa rin ang inaalala mo kaysa sa akin!"
Nagpahid ng luha si Mama Anya saka hinawakan si Isaiah sa braso para ilayo sa akin. "Tama na, Isaiah... Tama na, anak..."
Napahagulhol si Isaiah na yumakap sa ina. "Ma... Sorry, Ma... Kasalanan ko lahat ito dahil hindi ako nakinig sa inyo... Sorry sa buhay na ito..."
Durog na durog ang puso ko dahil sa sinabi ni Isaiah. Damang-dama ko ang pagsisisi sa mga salita niya.
He was right. Walang mali sa mga katotohanang isinasampal niya ngayon sa akin. Ako naman talaga ang nagdala ng kamalasan sa buhay niya at sa kanyang pamilya.
"Tahan na..." Hinagod ni Mama Anya ang likod niya. Pinunasan ang kanyang luhaang mukha. "Pumasok ka na muna sa van. Sige na, at baka lapitan na tayo ng guard dito." Pinapasok siya nito sa loob ng van.
Nag-usap sila roong mag-ina habang ako ay nasa labas. Nang bumaba si Mama Anya ay hilam ang luha sa mga mata ng ginang.
Nilapitan niya ako at hinaplos ang aking luhaan pisngi. "Tahan na, Vi. Kalmado na si Isaiah. Samahan mo na siya sa van. Babalik na ako sa loob ng ospital."
Nagpunas ako ng luha at tumango. Huminga ako nang malalim bago sumunod sa van. May kadiliman dahil patay ang ilaw, at hindi pumapasok masyado ang liwanag mula sa ilaw ng parking lot dahil tinted ang sasakyan.
Pumasok ako at isinarado ang pinto ng van. Nakaupo si Isaiah sa loob at nakasandal sa sandalan. Nakapikit siya at ang kanyang paghinga ay kalmado na.
Tinabihan ko siya sa upuan. Malamig ang buga ng aircon pero mas malamig ang namamayaning katahimikan. "Isaiah..." mahinang tawag ko sa kanya. "Sor—"
"'Wag mo nang ituloy," putol niya sa salitang sasabihin ko.
I bit my lower lip and nodded. Wala naman akong puwedeng sabihin sa kanya kundi paulit-ulit na paghingi ng tawad, kahit pa hindi ko deserve ang kapatawaran niya.
Ilang minuto ang nagdaan nang mag-beep ang phone ko. May text si Mama Anya. Okay na raw si Papa Gideon. Pinauwi na rin muna niya pa-commute si Tito Kiel. Ibinalita ko iyon kay Isaiah pero wala akong natamong kahit anong sagot sa kanya.
Ang importante ay alam niyang okay na ang papa niya. Mapapanatag na siya. Mapapanatag na rin ako sa pangamba.
Hindi ko alam kung hanggang kailan kami rito sa van na walang kibuan. Sanay ako na tahimik ang paligid, sanay ako na walang kausap, pero iba ngayon. The deafening silence was killing me because I was with him.
Hindi ko rin natiis na hindi muling magsalita. Malamig ang aircon kaya malamang ginawin siya dahil wala siyang damit. Tiningnan ko siya. "Isaiah, gusto mo bang patayin ko ang aircon?"
"'Wag."
"Gusto mo hinaan ko na lang? Ang lakas kasi. Baka lang giniginaw ka na." Hindi ko na siya hinintay na sumagot. Umangat ako at akmang pupunta sa harapan ng van nang bigla niya akong yakapin sa bewang.
Napamulagat ako nang pigilan niya ako gamit ang kanyang matitigas na mga braso. Hinila niya ako, hindi pabalik sa aking kinauupuan kanina, kundi paupo sa kandungan niya.
"Isaiah!" gulat na sambit ko. Nakakalong ako sa kanya habang nakayakap sa bewang ko ang matitigas niyang braso. Naramdaman ko ang pagsubsob niya sa aking likod.
"Dito ka lang. Malamig..." narinig kong mahinang sabi niya.
May mainit na pakiramdam ang humaplos sa puso ko. Ang mga labi ko ay kusang bumukas, "H-hindi ako aalis..."
Isaiah hugged me even tighter. Inayos ko naman ang aking pagkakaupo sa kandungan niya para mapaharap ako sa kanya para mayakap ko rin siya. Sumubsob naman siya sa aking dibdib.
Hinahaplos ko ng aking mga daliri ang kanyang malambot niyang buhok. "Malamig pa ba?"
Tumango siya at lalong sumiksik sa dibdib ko.
I held his head to lift his face to me. Nang tumingala siya sa akin ay kahit madilim sa loob ng van ay nasinag ko kung gaano kalungkot ang mga mata niya.
"Sa text ng mama mo ay bukas pa raw babalik si Tito Kiel. Si Mama Anya naman ay malamang na nasa hospital room na ni Papa Gideon ngayon." Hinaplos ko ang pisngi niya. "Mukhang dito tayo sa parking lot magpapalipas ng magdamag."
Nakatingin lang sa akin si Isaiah. Magkalapit na magkalapit ang mukha namin sa isa't isa, ang pagitan ng aming mga labi ay gagahibla na lang, ang aming mga katawan naman ay magkadikit, dahil yakap niya ako at ang aking mga hita ay nasa kanya nakasaklang.
Nararamdaman ko ang init ng katawan niya at ang tibok ng puso niya.
"Isaiah, sorry dahil makakasama mo na naman ako ngayong gabi..." Hinaplos ko muli ang pisngi niya. "Pero 'wag kang mag-alala, hanggang sa abot ng aking makakaya ay hindi ko hahayaang ginawin ka."
Tumaas ang sulok ng kanyang bibig. Then his hand reached for something on the side that caused the seat we were sitting on to slowly recline.
Nang mapahiga na si Isaiah ay namumungay ang mga mata niya na tumitig sa akin. "Ano pang hinihintay mo? Simulan mo na."
JF
#SerialCharmerbyJFstories
Bạn đang đọc truyện trên: ZingTruyen.Xyz