Chapter 23
ANONG ORAS NA?
7:00 PM pa lang sa aking kulay pink na wallclock. Saglit lang pala akong nakatulog. Hindi ko na maalala kung ano ang aking naging panaginip, basta ang alam ko lang ay nagising ako na masakit ang dibdib.
Bumangon ako sa kama at naligo. Nagmamadali ako sa pagbibihis nang kumatok si Mommy sa pinto. "Vi, bilisan mo. Kanina ka pa hinihintay ng kuya mo."
"Opo, pababa na po ako." Pagkabihis ay hindi na ako nag-abala na magsuklay. Katulad ng mga nagdaang araw, tinali ko na lang basta ang aking basang buhok.
Pagbaba ko ay si Papa lang ang nasa sala. Nagkakape siya. Ni hindi niya ako tiningnan kaya nilampasan ko siya.
Si Mommy ay nandoon na sa kusina. May dala siyang mangkok na may lamang tinola. "Hindi yata masarap ang luto ko," malungkot niyang sabi sa akin. "Hindi kinain ni Vien, eh."
Nagkabara ang lalamunan ko. Nilampasan ko na rin si Mommy at lumabas ako sa aming bakuran.
Sa labas ay maliwanag na maliwanag. May tent na malaki, mga bilog na mesa at mga upuan, na lahat ay pahiram mula sa barangay. Marami ding tao, kundi mga kapitbahay namin ay mga estudyante. Ang weird na ngayon pa naging ganito kabuhay ang bakuran namin.
Lumapit sa akin ang dalawang estudyanteng lalaki. Nakasuot pa ng uniform na katulad ng school uniform ni Kuya Vien. Ang isa sa mga ito ang nagsalita, "Hello. Ikaw ba iyong kapatid ni Vien?"
Tumango ako.
Lumungkot ang anyo nito. "Mga kaklase kami ni Vien. Nakikiramay kami..."
Tumiim ang mga labi ko at muling tumango. Hindi lang ang mga ito ang lumapit sa akin, may mga bagong dumating pa na pumalit sa mga naunang umalis.
Mula pa noong nakaraan tatlong gabi ay ako ang humaharap sa lahat ng dumarating. Ako ang tumatanggap ng pakikiramay. Pangatlong gabi na pero parang hindi pa rin totoo.
Hindi ko pa rin matanggap. Parang ayaw ko pang tanggapin.
"Vi." Lumapit sa akin si Eli. Hawak niya ang tray na may lamang mga walang laman na paper cup. Kinuha niya ang mga iyon mula sa bakanteng mesa.
Si Eli ang kasama at katu-katulong ko rito. Katulad ko ay ilang araw na siyang absent sa school. Pareho kaming pagod at palaging puyat.
Maliit ko siyang nginitian. "Thank you, Eli."
"Maliit na bagay lang ito." Ngumiti siya pero ang ngiti niya ay malamlam. "Maliit na bagay lang para sa kuya natin."
Paroo't parito ang mga nakikipaglamay. Lahat ay sumisilip sa kabaong na nasa harapan. Mabuti pa sila, nakakaya nilang silipin ang dahilan ng lamay na ito... Samantalang ako, kahit lumapit ay hindi ko magawa. Hindi kaya ng loob ko.
Sariwa pa rin sa isip ko kung paano nawala sa akin ang aking nag-iisang kapatid. Yakap ko lang siya sa backseat ng kotse ni Daddy, ang higpit ng yakap ko sa kanya, pero nawala pa rin siya.
Ang sabi ko, 'wag niya akong iiwan. Nagmakaawa pa ako, pero nginitian niya lang ako bago siya tuluyang nalagutan ng hininga.
Nagsisisigaw ako para may tumulong sa amin, nang mga oras kasi na iyon ay tulala lang si Daddy. Ang bumaril naman kay Kuya Vien ay tumakas na nang matauhan. Huli na noong may tumulong at dinala sa ospital si Kuya Vien. Hindi na siya umabot.
Nang magsimulang mag-init ang gilid ng aking mga mata dahil sa nagbabadyang luha, ay ipinilig ko agad ang aking ulo. Hindi ako puwedeng magpadala sa emosyon. Kailangan ako ni Kuya Vien ngayon. Kung hindi ako magpapakatatag, walang mag-aasikaso ng lamay na ito. Walang ibang gagawa nito kundi ako.
Tumulong na ako sa kay Eli maglinis-linis ng mga mesa na inalisan ng mga tao. Ang mga dumarating ay sinasalubong ko at hinahainan ng kape at biskwit.
Dumating ang mama ni Eli. May dala itong kaldero na may lamang sopas. Katulong si Eli ay hinainan nila ang mga nakikilamay.
Si Tita Hannah lang din ang nagluluto palagi para may makain ang mga tao na pumupunta. Noong unang dalawang gabi ay naglugaw ito, ngayon naman ay sopas. Ito rin halos ang bumili ng lahat ng kape at biskwit.
Nilapitan ako nito para iabot ang isang sobre. "Vi, pinabibigay ni Kapitan. Abuloy iyan mula sa mga kagawad."
"Thank you po, Tita Hannah." Tinanggap ko ang sobre at agad na ibinulsa. Kakailanganin ang lahat ng pakimkim dahil bukas na ang libing.
Huling lamay na ngayon pero kulang pa ang pera. Inaalok ako ng kapitbahay namin na magpasugal sa burol para madagdagan ang pera, pero tinanggihan ko.
"Bukas mag-aabot ako sa 'yo," ani Tita Hannah. "Hintayin ko lang iyong pagpasok ng pensiyon sa ATM ko. Iaabot ko agad sa 'yo para pandagdag sa bayad sa punerarya."
Niyakap ko si Tita Hannah. Hinaplos niya ang likod ko at tinapik-tapik. Pareho kaming nagpipigil ng luha nang maghiwalay.
Kaunti na lang ang nakikilamay bandang 8:00 PM. Wala kasing pasugal, wala ring videoke o kahit ano na puwedeng paglibangan, kaya sandali lang at hindi nagtatagal ang mga nakikipaglamay.
Wala na masyadong tao nang mapansin ko ang babaeng nakatayo sa labas ng gate namin. Nag-iisa ito roon. Kanina pa sumilisip, hindi naman nagtatangka na pumasok.
May ilaw sa tent kung kaya'y nabistahan ko ang itsura ng babae. Matanda siguro sa akin ng isa o dalawang taon. Naka-puting damit, morena, kulot ang buhok, maliit ang mukha. Ang mga mata ay namumugto na mukhang galing sa matagal na pag-iyak.
Humakbang ang mga paa ko palapit. "Hi, kaibigan ka ba ng kuya ko?"
Matagal bago tumango ang babae.
"Pasok ka."
Umiling siya. "A-ayoko siyang makita..."
Natigilan ako nang tumalikod na siya. Hindi ko alam kung ano ang nagtulak sa akin para pigilan sa braso ang babae. Gulat naman siya na napalingon sa akin.
Kimi akong ngumiti sa kanya. "Hindi ko alam kung ano ka ni Kuya Vien, pero parang ayaw ka niyang paalisin."
Nanlaki ang mga mata ng babae hanggang sa sumargo na roon ang napakaraming luha. Nangatal ang mga labi niya at napahikbi siya.
"Pumasok ka na. Sige na. Huling lamay niya na e. Isasara na ang kabaong niya mamaya..."
Sinamahan ko ang babae papasok sa bakuran namin. Nakasunod ako ng tingin sa kanya nang mauna na siyang maglakad.
Nanginginig ang katawan niya nang humakbang palapit sa kabaong ni Kuya Vien. Hindi na niya nakuhang makarating dahil napaluhod na siya sa lapag.
Madali siyang inalalayan ng natirang kaklase ni Kuya Vien na nakikipaglamay. Kilala rin pala ng mga ito ang babae. Doon ko nalaman na Crisel ang pangalan niya.
Akala ko wala ng luha na ilalabas ang aking mga mata, pero napaiyak ako nang malaman kung sino ang babae sa buhay ng kapatid ko.
Ang palaging katawagan nito, ang nagbigay ng Jollibee Yum burger dito, at ang babaeng dahilan kung bakit isang beses ay nakita ko na namumula ang mga mata nito—si Crisel pala. Siya ang babaeng mahal ni Kuya Vien.
"Vien, sabi mo, hintayin kita..." Umiiyak na sumbat ni Crisel sa kabaong.
Hinahaplos ni Crisel ang salamin ng kabaong kung saan animo'y natutulog lang na nakahimlay si Kuya Vien .
"Vien, sinungaling ka naman pala," garalgal ang boses ni Crisel na kinakapos sa paghinga. "Vien, 'di ba mag-aaral tayo ng college. Magtatapos tayo, maghahanap ng trabaho, mag-iipon, tutulong tayo sa mga pamilya natin... Vien, hindi pala totoo iyon..."
Pumasok muna ako sa loob ng sala dahil hindi ko kayang marinig. Parang sasabog ang puso ko. Para akong mababaliw. Ang sakit-sakit. Sobrang sakit.
Sa sala ay naroon si Mommy. Nakaupo sa sofa habang tulala. Hawak pa rin ang mangkok ng tinola.
Hinanap ng aking mga mata si Daddy. Wala na ito. Mukhang umakyat na sa kuwarto.
Mas mabigat pala rito sa loob. Mas masakit makitang ganito ang mga magulang ko. Lumabas ako ng bakuran matapos kong kalmahin ang sarili.
Nakaupo na si Crisel sa upuan. Nag-iisa na lang siya na naiwang nakikipaglamay. Wala na ang mga kaklase nila. Bagaman hindi na umiiyak ay walang kasing lungkot ang kanyang itsura.
Nilapitan ko ang babae at inabutan ng biskwit. "Akala ko, umalis ka na rin. Kumain ka na ba?"
Tumingala siya sa akin at maliit na ngumiti. "Ikaw pala si Vivi. Ang ganda mo pala talaga..."
Naupo ako sa tabi niya. "Ikaw pala si Crisel. Maganda ka rin pala."
Tinanggap niya ang biskwit na bigay ko. Hindi niya kinain, tinitigan niya lang. "Mahal na mahal ka ng kuya mo. Alam mo, palagi ka niyang binanbanggit. Kapag may nakita siyang masarap na pagkain, ang sasabihin niya ay : 'Mukhang masarap, gusto kaya ng kapatid ko 'yan? Uwian ko kaya iyong kapatid ko niyan? Ibili ko kaya siya niyan?"
Napasinghot ako at malungkot na ngumiti habang nakikinig kay Crisel.
"Kapag naman may nakita siyang magandang gamit, halimbawa ipit o headband na paninda sa canteen, ang sasabihin niya agad: 'Parang bagay sa kapatid ko. Magugustuhan ito ng kapatid ko.'"
Napayuko si Crisel. Umiiyak na pala siya. Marahang tinapik ko ang kanyang likod. "Nababanggit ka rin niya sa akin. Hindi man niya masabi ang pangalan mo, alam ko na mahalaga ka sa kanya. Nahuli ko siyang umiiyak sa kuwarto niya. Siguro may LQ kayo noon, ano?" Nakangiti ako para pawiin ang lungkot niya, pero lalo lang siyang nalungkot.
Umiling siya habang luhaan. "Paano kami magkaka-LQ? Hindi naman kami."
"Kailangan pa ba na maging kayo? 'Di ba, mutual naman ang nararamdaman niyo?"
Bumungisngis niya habang may luha. "Pakipot ang kuya mo."
Lumabi naman ako. "Maarte nga iyon."
"Ayaw kunwari, pero nagseselos naman kapag may ibang boys na lumalapit sa akin."
Napabungisngis na rin ako dahil nai-imagine ko ang nakasimangot na mukha ni Kuya Vien. "Lagot tayo roon. Ayaw niyon na pinagtsi-tsismisan siya."
"Puwes magtiis siya. Aalis-alis siya kaya wala siyang magagawa kahit pag-tsismisan natin siya."
"Salamat sa pagpunta... Ate Crisel..."
Tumayo na si Crisel. "Vivi, I'm happy to finally meet you."
Tumayo na rin ako. Niyakap niya ako na ginantihan ko naman. Bagama't nakangiti ang mga labi ay may mga luha ang aming mga mata.
Hinatid ko si Ate Crisel sa gate. Hinintay ko siyang makasakay sa pinarang tricycle bago ako bumalik sa bakuran.
Pagbalik ko ay sinalubong ako ni Eli ng yakap. "Okay ka lang?" Nasa gilid lang kasi siya habang kausap ko si Ate Crisel kanina.
"Okay lang. Hindi ka pa ba magpapahinga? Sobrang puyat mo na."
Ngumiti siya. "Hinihintay ko lang mga kapalitan ko."
"Mga kapalitan?" nagtatakang tanong ko.
Bandang 9:00 PM ay nasagot ang tanong ko. May dumating na motor at pumarada sa tapat ng gate namin. Pumasok sa bakuran ang tatlong matatangkad na lalaki. Iyong mga kapitbahay naming ginang na sumilip lang ay parang biglang gustong manatili nang makita ang mga ito.
Ang tatlong lalaki na dumating ay mga kilala ko. Makakapal ang kilay, matatangos ang ilong, prominente ang mga panga, maninipis ang mga labi sa magkakaibang paraan. Ang isa ay semi calbo at mukhang maangas ang dating, ang isa ay malamig ang kulay abong mga mata at mukhang suplado, ang huli ay naghahalong maamo at pilyo ang mukha. Ang mga ito ay sina Asher, Arkanghel at Miko!
Paglabas ni Daddy sa pinto ay sinipat agad nito ang mga bagong dating.
Si Asher ay magalang na bumati kay Daddy, "Good evening, sir. Mga kaklase po kami ni Vien. Makikipaglamay po."
Tumango si Daddy sa kanila at pumasok na ulit sa bahay. Nang wala na ito ay nagtatanong ang mga mata ko sa tatlo.
"Para makapagpahinga muna kayo ni Elias Angelo," ani Miko. "Maaga ang libing bukas, kailangan niyong matulog para meron kayong lakas."
Nangilid ang mga luha ko. "Thank you..."
May gusto pa sana akong itanong, pero mukhang alam na agad nila kung ano man iyon.
Si Arkanghel ay mahinang nagsalita, "Nasa kanto si insan."
Tumango ako at hindi na nagsayang ng minuto. Ang mga binti ko ay kusang naglakad palabas ng gate. Ang naninikip ko kaninang dibdib ay nagsimulang kumabog.
Hindi makakapunta si Isaiah rito dahil kilala siya ni Daddy. Posibleng magkagulo pa kung magpapakita siya, kaya naiintindihan ko kung bakit hindi niya magawang makipaglamay kahit pa gustuhin niya.
Hindi sagabal sa akin kahit madilim at iilang poste lang ay may ilaw sa kalsada. Dere-deretso ang aking mga paa na kulang na lang ay manakbo ako.
Bumagal lang ang mga hakbang ko nang matanaw ko na siya. Nakasandal siya sa nakaparada niyang motor sa kanto. Nakayuko. Nang maramdaman ang pagdating ko ay saka siya napaayos ng tayo.
Huminto ako sa mismong harapan niya. "Salamat sa pagpunta..."
Niyakap niya ako nang magaan. "Kumusta ka? Ayos ka lang ba?"
Umiling ako at mahinang umiyak sa dibdib niya. Ngayon na lang ulit ako umiyak. Hinayaan ko ang sarili na umiyak kay Isaiah.
Ang sakit-sakit ng pakiramdam. Sobrang sakit. Hindi pa rin nauubos ang sakit. Ang mainit na yakap ni Isaiah ang kahit paano'y sumusuyo sa akin.
"Isaiah, wala na ang kuya ko..." umiiyak na sumbong ko sa kanya.
"Sorry, Vi..." Hinaplos niya ang buhok ko. "Sorry, hindi ko alam kung paano pagagaanin ang loob mo ngayon. Sorry, wala akong magawa para kahit paano ay mapasaya ka."
Humiwalay ako sa kanya. May luha sa gilid ng mga mata niya. Nakikita ko na nahihirapan din siya sa aking sitwasyon.
"Sorry. Sorry, Vi."
"Okay na iyong makita kita ngayon."
"Nandito ako gabi-gabi. Hindi lang ako nagpapakita kasi alam kong bawal. Hindi rin kita magawang i-text, kasi alam ko na busy ka."
"Salamat sa pagpunta mo ngayon. Malaking bagay ito."
Ginawaran niya ako ng magaan na halik sa noo habang nakayakap sa kanyang bewang ang aking mga braso.
Ilang minuto rin na ganito na magkayakap kami ni Isaiah. Wala kaming pakialam kahit madilim at malamok dito sa kanto. Sa ganitong paraan lang kumakalma ang pait sa dibdib ko at sa tingin ko ay alam iyon ni Isaiah.
Nang kahit paano ay okay na ako ay saka lang siya bumitiw. "Bumalik ka na roon, baka hinahanap ka na."
"Paano ka?"
"Balik ulit ako mamaya. Sa ngayon, tiyagain mo muna iyong tropa ko. 'Wag kang mag-alala, matibay sa puyatan iyong mga iyon."
"Salamat sa pagpapapunta mo sa kanila."
May kinuha siya sa bulsa ng suot na cargo shorts. Sobre iyon. Inabot niya sa akin. "Pinabibigay nina Mama. Dinagdagan ko rin, pero hindi ganoon kalaki. Para kay Kuya Vien."
Naluluha na kinuha ko ang sobre. "Hindi ko ito tatanggihan."
"'Di rin naman ako papayag na tanggihan mo 'yan. Kutusan kita."
Niyakap niya ulit ako na parang ayaw pa akong pakawalan. Pinunasan niya ng panyo niya ang aking pisngi.
"Magpahinga ka, ah? Kumain ka rin. Ilang araw pa lang, namayat ka na. Ayaw namin ni Kuya Vien ng ganyan. Saka matulog ka mamaya."
"Oo. Salamat." Tumingakad ako at hinalikan siya sa pisngi bago ako bumalik na sa amin.
Ang laman ng sobre na bigay ni Isaiah ay five-thousand-seven-hundred. Malaking tulong ito para sa kulang namin sa punerarya.
Nagbigay rin ng tag five hundred sina Miko at Asher. Si Arkanghel ay two hundred naman ang bigay. Tinotoo rin nila na sila ang magbabantay magdamag. Nag-ML sila habang nagbabantay.
Madaling araw na umalis ang tatlo, noong gising na kami ni Eli. Maaga kaming naglinis sa at naghanda para sa libing. Ako lang ang sumama dahil si Mommy ay sa bahay pa lang ay hinimatay na kakaiyak. Si Daddy naman ay hindi lumabas ng kuwarto.
Bumalik si Ate Crisel at kaming dalawa ang nakasunod sa likod ng karo. Nakapayong kaming dalawa habang naglalakad.
Marami-rami naman ang nakipaglibing. Sa likuran namin ay naroon sina Tita Hannah at Eli. Katulong ko ang mag-ina sa pag-aasikaso ng lahat-lahat. Hindi ako iniwan ng mga ito.
Dumating din ang iba pang kaklase at teachers ni Kuya Vien. Nalulungkot ang lahat dahil mabait ang kuya ko. Marami kaming umiyak at nagdalamhati.
Sa gilid ng daan ay naroon ang sumusunod sa aming dalawang motor. Sa isang motor ay magkaangkas sina Asher at Arkanghel. Sa kabila naman ay si Isaiah na angkas si Miko. Nakasunod lang sila sa amin pero hindi lumalapit.
Pagdating sa sementeryo ay nilapitan ako ni Arkanghel at inabutan ng bottled mineral water. "Bigay ni insan."
"Salamat." Tinanggap ko ang tubig na ibinigay ko rin kay Ate Crisel. Hindi ko kasi makuhang uminom. Parang nagsasara ang lalamunan ko sa sobrang paninikip niyon.
Pigang-piga na ako at wala nang mailuha matapos mahatid sa huling hantungan si Kuya Vien. Kung hindi pa ako inalalayan ni Eli ay muntik na akong matumba sa sobrang panghihina.
Nairaos ang libing na wala akong maintindihan sa sinasabi ng mga taong nagbigay ng pakikiramay sa akin. Puro tango lang ang kaya kong ibigay sa kanilang lahat.
Umalis na ang mga tao. Naiwan kami ni Ate Crisel sa harap ng puntod. Mahigit isang oras din bago ko pinahatid si Ate Crisel kay Eli. Baka mahirapan na kasi na makauwi ang babae kapag nagtagal pa ito. Mag-isa lang kasi ito at parang wala na sa sarili dahil sa matinding pagluluksa.
"Kuya, sorry... Sorry nang sobra... Sorry nang marami..."
Nagpunas ako ng luha habang nakatitig sa puntod.
"Kuya, ba-bye na. Okay ba na iwan na kita? Kaya mo na ba rito mag-isa? Kuya, sorry, aalis na ako. Sorry, kuya..."
Nagpahid ako ng luha at nagpakatatag na umalis na sa puntod. Parang nahuhulog ang puso ko sa kada hakbang ko palayo.
Sa labas ng sementeryo ay natanaw ng nanlalabo kong mga mata ang lalaking nakasandal sa naka-park na motor.
Hindi niya na kailangang lumapit dahil ako ako na ang nanakbo palapit sa kanya. Mahigpit na niyakap ko siya. "Isaiah!"
Gumanti siya ng yakap sa akin. Wala nang mga tao kaya kahit magyakapan kami rito ay walang makakakita. At sa totoo lang, kahit siguro may makakita ay wala na akong pakialam.
Hinawakan niya ang mukha ko. Tinuyo ng mahahaba niyang mga daliri ang mga luha ko. "Uuwi ka na ba?"
Naglaro sa isip ko ang itsura ng bahay na uuwian. Ang madilim na sala, ang nakakabinging katahimikan, ang kuwarto ko na kalapit ng bakante nang kuwarto ni Kuya Vien.
Hinaplos ni Isaiah ang buhok ko. "Baka nag-aalala na sa 'yo ang mommy at daddy mo."
Umiling ako. Hindi ko sigurado kung nag-aalala ba sina Mommy at Daddy kung bakit wala pa ako. Kahit din mag-alala ang mga ito ay ayaw ko nang intindihin.
Sa unang pagkakataon ng buhay ko, wala akong pakialam sa nararamdaman ng mga magulang ko.
Tiningala ko si Isaiah. "Isaiah, ayaw ko nang umuwi sa amin. "
Natigagal siya sa akin.
"Isaiah, ayaw ko na sa amin. Iuwi mo na ako sa inyo. Magsama na tayo..."
JF
Bạn đang đọc truyện trên: ZingTruyen.Xyz