Chapter 21
NAKAKATANGANG COMEBACK.
Pareho kaming nasa lupa habang nasa gilid namin ang wasak na upuang monobloc. Napaungol si Isaiah dahil nakakalong ako sa kanya. Siya iyong nadadaganan ko sa lupa.
Napasugod naman si Eli sa amin. "Ayos lang kayo?!" Napasabunot siya sa kanyang buhok nang makita ang monobloc. "Yari ako kay Mama!"
Tinulungan akong makatayo ni Isaiah. "Ayos ka lang?"
Nahihiya akong tumango. "Ikaw?"
"Sakit ng pwet ko. Pero ayos lang. Buo pa rin naman."
Nag-iinit ang pisngi ko habang nagpapagpag ng shorts. Hiyang-hiya ako. Ano ba kasi ang pumasok sa isip ko at bigla ko siyang nilundag?
Natawa naman siya sa reaksyon ko. "Iba ka palang maka-miss. Nanlulumpo ka."
Napanguso ako. "Baliw..."
Ang boses ni Eli ang kumuha sa atensyon namin. "Ang saya niyo masyado. Lampas na iyong one hour na bigay ni Kuya Vien!"
Napalayo ako kay Isaiah. Oo nga pala!
Dinampot ni Isaiah ang sombrelo niya na nahulog sa lupa. Pinagpagan niya iyon. "Uwi na rin ako. Magpahinga ka na, Vi."
Sumama si Eli sa paghatid kay Isaiah hanggang sa gate. Ayaw ako nitong payagang mag-isa dahil nga raw sa gabi na. Hindi na tuloy kami nakapag-usap pa ulit ni Isaiah.
Kinamayan niya si Eli. "Pre, salamat. Uwi na ako. Ikaw na muna bahala kay Vivi."
Sumakay na si Isaiah sa motor. Hinagod niya ng mga daliri ang kanyang buhok saka patalikod na isinuot ang sombrelo. Pagkuwan ay nilagay niya na ang helmet sa ulo.
Bago niya i-start ang motor ay tumingin siya sa akin. "Vi, paano ba 'yan? Alis na muna ako."
Mahinay na kumaway ako sa kanya. "Ingat ka..."
Nang wala na si Isaiah ay napahawak ako sa aking pisngi. Napapadyak ako sa lupa habang nangingiti. Kami na ulit. Hindi ako makapaniwala na kami na ulit!
Ayaw ko pang umalis sa gate kung di pa ako itinulak ni Eli. "Uy, wala na si Isaiah!"
"Ano ba?" Nakalabing tinabig ko ang kamay niya. "KJ mo po!"
Nakasimangot siya sa akin. "Bukas ka na lang ulit sumaya. Hanap ka na ng kuya mo, yari ka kaya tara na!"
Sa loob ng bakuran nila ay nangingiti pa rin ako habang nangangarap sa gabing madilim. Sa sobrang saya ko ay nakalimutan ko na iyong nasira naming upuan ni Isaiah kanina.
Si Eli ang dumampot ng upuan. Bubulong-bulong siya, "Tsk, sinaktan niyo na nga ang puso ko, sinira niyo pa upuan namin."
"Ha? Ano iyon, Eli? May sinasabi ka?" Di ko kasi narinig dahil sa sobrang ligaya ko.
"Wala. 'Sabi ko, lagot ako kay Mama dahil nasira ang upuan."
"Sorry," sinsero na hingi ko ng pasensiya. "Babayaran ko na lang. Promise, pag-iipunan ko sa baon ko."
"Wag na. Itatago ko na lang ito sa bodega para di makita ni Mama." Niyaya niya na ako sa may pader.
Pagkauwi ay tulog na si Daddy kaya sa pinto sa may sala na ako dumaan. Nandoon nakaabang si Kuya Vien. Seryoso ang lalaki habang naghihintay sa akin.
"You're thirty minutes and twelve seconds late, miss."
"Sorry na, kuya." Yumakap ako sa kanya.
Napa-tsk siya. "Kayo na ba ulit?"
Nakangiti akong tumango. "Thank you, Kuya Vien!"
Naiiling na inakbayan niya na ako papasok sa sala. Inihatid niya ako hanggang sa pinto ng aking kuwarto.
Bago siya umalis ay niyakap ko pa siya ulit. "Salamat, kuya. Mahal na mahal kita..."
"Drama mo." Pinisil niya ang magkabilang pisngi ko. "Oo na. Mahal din kita. Matulog ka na." Hinintay niya ako na makapasok sa kuwarto bago siya pumunta na rin sa kuwarto niya.
GOOD MOOD SI DADDY.
"May good news ako sa inyo!" Masaya itong pumasok sa kusina habang nag-aalmusal kami sa mesa. "Nagpakasal na sa huwes kahapon lang ang tita niyo. Ang napangasawa niya ay Australyanong manager ng bangko."
Wala naman kaming imik nina Mommy at Kuya Vien.
"Mas mapapadali na ang paglalakad ko ng papel papunta sa Australia dahil tutulong iyong Australianong asawa ng tita niyo."
Naglabas ng wallet si Daddy at mula roon ay kumuha siya ng lilibuhing papel.
"Ito nga, nagpadala ng pera na panlakad ko ng papeles o. 'Tapos ang sabi ay magpapadala pa raw ulit."
Nilapitan ni Daddy si Kuya Vien at inabutan ng dalawang libo.
"O para sa unico hijo ko." Ginulo niya ang buhok ni Kuya Vien. "Sa 'yo 'yan. Gastusin mo. Manlibre ka ng mga kaibigan mo o kaya bumili ka ng bagong libro."
Nakayuko at tahimik lang si Kuya Vien na tinanggap ang pera.
Nang lapitan ako ni Daddy ay hindi ko inaasahan na pati ako ay aabutan nito ng pera. Dalawang libo rin. "Meron din syempre ang prinsesa ko. O, Vi, ibili mo iyan ng bagong damit at skincare mo."
Tinanggap ko rin ang pera. "T-thank you, Daddy..."
Hinalikan ako ni Daddy sa noo. "Sorry, anak, ha? Pasensiya ka na kung mahigpit ako, ha? Mahal ko kasi kayo. Iniingatan ko lang kayo para hindi kayo mapariwara. Naiintindihan niyo naman, di ba?"
"Opo, Daddy..."
Ang huling nilapitan ni Daddy ay si Mommy. Niyakap nito ang asawa at nilambing. "Galit pa ba sa akin ang reyna ko?"
Walang imik si Mommy pero hindi magawang tabigin ang nakayakap na braso ni Daddy.
"Veronica, sorry na. Alam mo naman na ayaw ko talaga na nananakit. Nasasagad lang talaga ako. Kasalanan niyo rin naman e. Pero sige, ako na ang hihingi ng pasensiya. Sorry..."
Pigil na pigil ang luha ni Mommy. Kinuha ni Daddy ang mga kamay niya at hinalikan na kulang na lang ay sambahin siya nito.
"Veronica, darling, sorry na. Wag mo naman ipakita sa mga bata na ganyan ka. Tatatak sa isip nila iyan e. Gusto mo bang kalakihan nila na hindi maayos ang pagsasama natin?"
Tumango si Mommy at pilit ang maliit na ngiti na tumingala kay Daddy.
Napangiti na rin si Daddy. "Ganito, mamaya sumama ka sa akin sa Manila sa pag-aayos ko ng papeles sa POEA. Ipapasyal kita pagkatapos. Bibilit tayo ng mga bagong damit mo at sapatos. Okay ba iyon?"
Sinenyasan na ako ni Kuya Vien na umalis na. Nagpaalam na kami kina Mommy at Daddy na papasok sa school.
Wala kaming kibuan ni Kuya Vien sa loob ng jeep. Pareho kaming seryoso at may malalim na iniisip. Si Eli ay nagtataka na sa amin.
Pagdating sa school ay saka lang gumaan ang pakiramdam ko. Higit lalo nang matanaw ko sa labas ng gate na naroon na nakaparada ang motor ni Isaiah.
Naging masigla ang mga hakbang ko. Naiwan ko na si Eli dahil sa pagmamadali na makapasok sa gate. Kulang na lang ay tumalon ang puso ko nang makita na nasa bench si Isaiah.
Kasama ni Isaiah ang tropa niya na sina Asher at Miko. Nang makita niya ako ay napatayo siya at iniwan ang mga ito. Humakbang siya papunta sa akin para salubungin ako.
Tinanguan niya lang si Eli na nasa aking likod saka ako nilapitan.
Kinuha niya ang bag ko saka ako sinabayan sa paglalakad. "Nag-almusal ka na?"
Kimi akong sumagot, "Oo. Ikaw ba?" Kababalikan pa lang namin kaya medyo nagkakahiyaan pa.
"Oo. Tapos na rin." Niyaya niya ako sa bench. "Maaga pa. Tambay muna tayo, okay lang? Hatid kita sa room mo mamaya."
Sumama ako sa bench. Pinagpagan niya ang uupuan ko bago niya ako pinaupo. Tumabi siya sa akin pagkatapos.
"Good morning," bati ko kina Asher at Miko na busy sa kanya-kanyang phone.
Si Miko ay nagbaba ng phone at ngumiti sa akin. "Good morning, Vivi Gold."
Pasimple itong tinadyakan sa paa ni Isaiah. Napaungol naman si Miko dahil nadumihan ang mukhang bagong-bago nitong Adidas white sneakers.
Si Asher ay tumango lang. Sobrang busy ito sa phone. Hindi naman mukhang naglalaro, parang may ka-chat o ka-text siguro ito.
Dumating si Zandra. Kapapasok lang din sa gate. Mukhang maganda ang gising dahil sa matamis na pagkakangiti. "Hi, boys! Bakit kayo lang? Where is my Arki baby?"
"Late siguro. Anong oras na online pa iyon e. Nagpapa-level," si Asher ang sumagot habang busy sa pagtitig sa screen ng phone.
"Oh! Online siya? Pero bakit di niya ni-re-reply mga chat ko? Hmp! Nagpapa-miss, kakainis!" Nanulis ang nguso ni Zandra. "Feeling ko pati, pinagtataguan niya ako!"
Nginitian ako ni Zandra nang tumingin sa akin. Ginanti ko rin ang ngiti nito.
Nakalabi na naupo sa bench si Zandra. "Hmp, wait ko na lang si Arkanghel dito. Tumingala ito sa langit. "Hay, ang ganda ng langit."
"Ge akyat ka na," ani Miko na katabi niya sa bench. "Ay, baka pala di ka tanggapin."
Nabura ang kapayapaan sa mukha ni Zandra. "Kinakausap ba kita, Michael Jonas 'Mama's Boy' Pangilinan?"
Sumipol lang si Miko at pagkatapos ay lumipat sa tabi ni Asher. "Boi, kanina ka pa riyan, ah? Sino ba 'yang kabolahan mo? Iyong taga special section?"
Napangisi si Asher, lumabas ang dimple nito sa kanang pisngi. "Ang cute e. Ang lalalim ng English, napapa-Google tuloy ako."
"Tangina ayaw kong magsyota talaga ng matalino. Iyong last kong syota taga section 1, e. Noong nag-away kami, tinanong ba naman ako ng 'What's the matter?', ang tagal ko nakasagot, gago!"
"Bakit anong sagot mo?" tanong ni Zandra kay Miko.
Ngumisi ang lalaki. "Matter is anything that occupies space."
"Ew, the kabobohan is very scary! " maarteng sabi ni Zandra na ipinalantik pa ang mga daliri sa ere. "I'm glad nakipag-break na siya sa 'yo!"
Nagkibit-balikat si Miko. "Anyway, past is past. Let bygon be sprayed."
Padabog na tumayo na si Zandra. Mukhang tuluyan nang na-badtrip. "Tutal wala naman si Arki baby dito, aalis na lang ako! Ang cha-chaka niyo!"
"Hoy, sinong chaka?!" sigaw ni Isaiah rito. "Gusto mong bungguin ko ng motor ko si Arkanghel?!"
Nag-panic naman si Zandra. "Hindi kayo kasali ni Vivi sa chaka. Si Miko lang chaka. Babaero pa!"
"Maka-babaero ka, ah!" singhal ni Miko rito. "Bakit naging babae ba kita?!"
Umangal din si Asher. "Hoy Zandra, paano naman ako? Hindi ako chaka! Lumamang lang ng buhok sa akin si Arkanghel, uy!"
"Ewan ko sa 'yo, kalbo!" sigaw ni Zandra saka nagmamartsa na itong umalis.
"Sama talaga ng ugali niyan," bubulong-bulong si Miko.
"Oo nga," sang ayon naman ni Asher na nagpatuloy na ulit sa pakikipagpalitan ng text message sa kung sino mang kausap.
Nang tumunog ang bell ay inihatid na ako ni Isaiah sa room namin. Noong hapon ay maaga kaming pinauwi dahil may meeting ang mga teachers. Kay Isaiah na ulit ako sumabay at hindi na kay Eli.
Ini-start niya ang makina ang motor nang makaangkas na ako nang maayos sa likod. "Sa kanto na lang ulit kita ihahatid. Hindi ba tayo makikita roon ng daddy mo?"
"Wala si Daddy. Kasama niya si Mommy na pumunta sa Manila. Gagabihin pa sila ng uwi."
"Ayos lang ba sa 'yo na sa amin muna tayo?"
Maaaga pa. 4:30 PM pa lang naman at wala rin akong gagawin sa amin, kaya lang ay nahihiya ako sa mama ni Isaiah kung sasama ako sa kanila.
"Uhm, alam na ba ng mama mo na hindi na kayo ni Carlyn at tayo na ulit?"
"Hindi. Ang alam niya, dalawa kayong girlfriend ko."
Napangiwi ako. Mas malala pala.
Nang paandarin na ni Isaiah ang motor ay kumapit na ako sa bewang niya. Maganda na rin siguro na sumama na rin ako sa kanila sa PK2 para makahingi ako ng pasensiya sa mga magulang niya.
Sana ay nandoon ang papa niya para makahingi rin ako ng dispensa rito sa ginawang pagsugod ni Daddy noong nakaraan.
Nauna na sa compound nila si Arkanghel. Wala itong motor kaya nag-commute lang. Kandatalisod ito sa pagpasok sa screendoor ng bahay.
Sabi ni Isaiah ay nagmamadali raw ito lagi umuwi dahil umiiwas kay Zandra. Break na siguro ang dalawa. Sayang, mukhang mahal na mahal pa naman ito ni Zandra.
Nasa bukana pa lang kami ng pinto nina Isaiah ay nagkakahulan na ang mga aso nila sa labas. Iyong mga pusa lang nila iyong walang pakialam.
Pagpasok sa sala ay may tumpok ng poo-poo sa sahig. "Anak ng tokwa! Sinong jumebs dito? Kakatayin ko!" Pinandilatan niya iyong dalawang maliit na aso na nasa gilid ng hagdan.
Pigil ko ang aking tawa dahil nagsitago ang mga aso sa kanya. Mukhang alam ng mga ito ang nagawang kasalanan.
Sa huli naman ay wala ring nagawa si Isaiah kundi linisin iyong poo-poo ng aso nila. Pagkatapos niyang damputin ang mga iyon gamit ang dustpan ay nag-mop siya ng sahig.
"Ang kukulit ng mga ito. Maliliit pa kasi, hindi pa potty trained. Gumagawa ng kanya-kanyang teritoryo."
Iniwan muna ako ni Isaiah sa sala. Bago niya ako iniwan ay binigyan niya ako ng isang basong tubig saka tasty bread na may palamang peanut butter.
Wala pala ang mama at papa niya. Pumunta raw sa lola niya sa Tanza, pero uuwi raw mayamaya. Kung kailan iyong mamaya na sinasabi niya ay siya lang ang nakakaalam.
Pagbaba ni Isaiah ay naka-jersey shorts na siya at white plain shirt. Tinabihan niya ako sa sofa.
Hindi ko naubos ang bigay niyang tinapay kaya siya ang umubos. Dalawang subuan niya lang iyon. Pagkainom niya ng tubig ay dinampot niya ang remote ng TV.
"Kapuso, Kapamilya, Kapatid?" tanong niya sa akin.
Hindi niya na ako hinintay sumagot. Pinatay niya ulit ang TV at kinuha na lang ang phone niya sa bulsa ng suot na jersey. Nagpatugtog na lang siya habang nakasandal sa sandalan ng sofa.
Ang tahimik lang ni Isaiah sa tabi ko habang nakikinig kami sa music. Mayamaya ay napapitlag ako dahil hinawakan niya ang isang kamay ko.
♬
'Di ko man maamin
Ikaw ay mahalaga sa akin
'Di ko man maisip
Sa pagtulog, ikaw ang panaginip..
♪
Dalawa lang kami tapos nandito pa sa bahay nila at hindi ko maiwasang mailang. Lalo pa na kakabalikan lang naming dalawa.
Tiningnan ko siya. Nakapikit siya habang nakasandal sa sofa. Ninanamnam niya ang tugtog na nagmumula sa phone.
Habang nakatingin sa kanya ay pabilis nang pabilis ang tibok ng puso ko. Hinihintay ko na gumalaw ang mahahabang pilikmata niya, hanggang sa naunang gumalaw ang mapulang mga labi niya.
"Alam ko masyado akong guwapo at hindi mo kayang maalis ang paningin mo sa akin, pero sana subukan mo pa rin."
Nang magdilat siya ng mga mata ay nanunukso ang mga titig niya sa akin.
"Na-miss mo ba ako, Vi?"
Kumibot-kibot ang mga labi ko.
Marahan niya akong hinila hanggang sa mapasandal na rin ako, hindi nga lang sa sandalan ng sofa, kung hindi sa balikat niya.
"Ako'y alipin mo kahit hindi batid..." Narinig ko na naman ang buo at malamyos na boses ni Isaiah. "Aaminin ko minsan ako'y manhid. Sana ay iyong naririnig, sa 'yong yakap ako'y nasasabik..."
Ang mga daliri ni Isaiah ay marahang kumakatok sa hawakan ng sofa habang kalmado ang kanyang boses sa pagkanta.
"Ayoko sa iba. Sa 'yo, ako ay hindi magsasawa. Ano man ang iyong sabihin, umasa kang ito ay diringgin. Madalas man na parang aso at pusa, giliw, sa piling mo, ako ay masaya..."
Para akong idinuduyan sa lamig at lamyos ng boses niya.
Hanggang sa mapalitan ang kanta ay nasa ganoong posisyon pa rin kaming dalawa. Dalawang kamay niya na ngayon ang may hawak sa kamay ko.
"Vi, sorry," mayamaya ay sabi niya sa mababang tono.
Umayos ako sa pagkakaupo at tiningnan siya. "Okay lang," sagot ko kahit hindi ko pa alam ang inihihingi niya ng sorry.
Pinisil niya ang ilong ko. "Alam mo na ba kung ano iyong hinihingi ko ng sorry sa 'yo?"
Umiling ako. Kahit ano pa kasi iyon ay alam ko naman na hindi niya sinasadya na gawin. Basta alam ko lang.
"Vi..." Seryoso na ang ekspresyon niya. "Alam ko na tapos na ito, pero gusto ko lang mag-come clean sa 'yo."
Hinintay ko naman ang mga susunod niyang sasabihin.
"Tungkol sa amin ni Carlyn. Kahit magulo iyong usapan namin, saka kahit ginawa naming rebound iyong isa't isa, hindi na mababago na naging kaming dalawa."
Umalis siya sa pagkakasandal sa sandalan ng sofa saka yumuko.
"Out of impulse, naging kami. Nandoon na, napasubo na. Ayaw ko naman na masayang iyong friendship, kaya sinubukan ko na lang na i-work out iyong relasyon namin. Pinangatawanan ko na." Bumuga siya ng hangin. "Vi, magagalit ka ba kung—"
"Hindi nga," putol ko sa sinasabi niya.
Sila ni Carlyn nang mga panahong iyon. Labas ako roon. Hindi ko isisisi o ikakagalit kay Isaiah kung ano man ang meron sila noon.
Napatulala si Isaiah sa akin. Hindi niya siguro inaasahan na maiintindihan ko ang lahat. Ilang saglit na namasa ang mga mata niya. Napayuko siya ulit at narinig ko siyang mahinang suminghot.
Ang tagal niya bago mag-angat ng mukha. Namumula ang mga mata niya at maging ang dulo ng matangos niyang ilong. Nakatitig siya sa akin na para bang isang kamayaman ang nasa harapan niya.
"Isaiah..." Napalabi ako sa pagkailang. "Puwede bang tumigil ka na sa kakatitig mo..."
"Ayoko, gusto kong bumawi sa mga araw na hindi kita nakita at nakasama."
Ang pagkailang ko ay tiniis ko na lang. Tinitigan ko na lang din siya dahil katulad niya, na-miss ko rin siyang makita at makasama.
Matagal din na nakatitig kami sa isa't isa. Ang malamlam na mga mata ni Isaiah ay naging masuyo habang naglalakbay ng tingin sa aking mukha. "Vi, may tanong ako..."
"Hmn, ano?"
"Puwedeng pa-kiss?"
"Ha?" Ang tagal ko pang prinoseso sa utak ang sinabi niya. Akala ko kasi nabingi lang ako nang una.
"Pa-kiss sana. Kahit sa cheeks lang."
Nakagat ko ang aking ibabang labi. Wala namang masama sa hiling niya dahil mag-on kami. Nakakagulat lang talaga. Nag-ipon ako ng lakas ng loob bago siya sinagot, "Bakit sa cheeks lang?"
Si Isaiah naman ang nabigla. Pati ako ay nabigla rin sa aking sinabi. Hindi iyon ang pinag-isipan kong sabihin, pero bakit iyon ang lumabas sa bibig ko?!
Ayaw ko naman nang bawiin pa ang nasabi ko na kaya pinangatawanan ko na lang. "P-puwede naman sa lips kasi mag-boyfriend naman na tayo..."
Napakurap-kurap si Isaiah. "Weh?"
Napakamot ako ng pisngi at nahihiyang tumango. "Uhm, oo nga. Ayaw mo ba?"
"Teka lang." Bigla niyang inangat nang kalahati ang suot na shirt. Gamit ang laylayan shirt ay mariing pinunasan niya ang kanyang mga labi.
Nang makatapos magpunas ng labi ay tumitig siya sa akin. Parang gusto ko tuloy biglang umatras, kaya lang ay umasa na si Isaiah.
Kinakabahan ako. First kiss ko ito at hindi ko alam kung paano. Samantala, alam ko na bukod sa amin ni Carlyn ay nagka-girlfriend na dati ng iba si Isaiah.
Bago pa nagkagusto sa akin si Isaiah noong Grade 8 kami ay nakadalawang girlfriend na siya noong Grade 7. Ayon kay Miko, tag 2 weeks daw kada isa. Imposibleng hindi sila nag-kiss ng mga ito.
Umusod si Isaiah palapit sa akin hanggang sa ma-corner niya ako sa gilid ng sofa. Ang isang kamay niya ay nakatukod sa sinasandalan ko. I-ki-kiss na ba niya ako?
"Isaiah, mabilis lang ba?"
"Ano bang kiss ang gusto mo? Puwede naman mabilis lang."
"Puwede kaya dampi lang?"
"Hmn, puwede naman siguro." Maaligasgas na ang baritonong boses niya.
"Uhm, bakit siguro? Di ba sure?"
Ang magagandang mga mata ni Isaiah na kasing kulay ng gabing madilim ay ngayo'y maiinit na. Kasing init ng mabango niyang hininga na marahang tumatama sa aking mukha.
Napapikit na ako nang ilapit niya na ang kanyang sarili sa akin. Nang magdikit ang dulo ng aming ilong ay napadilat ang isang mata ko.
Sinaway naman niya agad ako, "Pikit, Vi."
Pumikit naman ulit ako. Hanggang tuluyan nang naglapat ang mga labi namin ni Isaiah. Pakiramdam ko'y tumigil ang lahat sa paligid. Ultimo ang tunog ng electricfan nila sa sala ay hindi ko na naririnig.
Dampi lang. Dampi lang ng malambot na mga labi ni Isaiah pero pakiramdam ko'y kinuryente ang buong katawan ko kasama pati kaluluwa.
Ang init at ang lambot ng mga labi niya. Parang ayaw ko na pala ng mabilis lang.
Nang akma na siyang hihiwalay ay parang nagkaroon ng sariling pag-iisip ang mga kamay ko, hinila ko ang kwelyo ng t-shirt niya para pigilan siya.
Sa aking sandaling pagdilat ay nakita ko ang panlalaki ng mga mata ni Isaiah. Gayunpaman, sandali lang ang pagkagulat niya. Muli siyang pumikit at sa pagkakataong ito, hindi na lang paglalapat ng mga labi namin ang naganap.
Natauhan ako pero huli na. Hinawakan niya ako sa bewang para hindi ako makalayo at mas mahalikan niya ang aking mga labi nang buong-buo.
Lumalim ang halik ni Isaiah. Para akong nilulunod, hinihilo, pero sa masarap na paraan.
Nalalasahan ko siya, lasang Mentos na candy at may isa pa. Pinakaisip ko kung ano pa iyong isa, kaya lang ay namanhid na ang utak ko sa sumunod na mga minuto.
Napakapit ako sa balikat niya nang ipasok niya ang kanyang mainit at basang dila sa loob ng bibig ko. Nang magtagpo ang mga dila namin ay napaungol siya at napahigpit ang yakap sa bewang ko.
Kapwa kami hinihingal at habol ang paghinga nang maghiwalay ang mga labi namin. Pakiramdam ko'y buong mukha ko ay namumula sa hiya. Hindi ako makatingin sa kanya.
Mahinang natawa naman si Isaiah at magaan na niyakap ako. "Gusto mong magpahinga muna bago kita hatid sa inyo?"
Natagpuan ko na lang ang sarili na wala sa huwisyo na tumatango.
Ngumiti si Isaiah. Tumayo siya at hinila na ako papunta sa hagdan. Paakyat sa itaas ng bahay nila at papunta sa kuwarto niya...
JF
Bạn đang đọc truyện trên: ZingTruyen.Xyz