Chapter 19
"SAKAY."
Nakatitig lang ako kay Isaiah na para bang isa siyang aparisyon. Kung kanina sa kanila ay siya ang nagulat sa akin, ngayon naman ay ako ang nagugulat sa kanya.
Nang maapuhap ko ang sariling boses ay saka lang ako nakapagsalita. "W-wag na."
Pero mukhang hindi siya tatanggap ng pagtanggi. Seryoso pa rin ang mukha niya. "Sakay sabi."
"Isaiah, hindi pa ako uuwi. Hindi pa ako puwedeng umuwi..."
Nagsalubong ang mga kilay niya. "Ano bang nangyari? Lumapit ka nga rito," utos niya sa akin.
Hindi ako sumagot pero parang may magnet ang mga salita niya na nagpalapit sa akin sa kanya.
Nagulat ako nang maingat na hablutin niya ang braso ko. Huli na para mabawi ko iyon sa kanya, sa tulong ng pinagsamang liwanag ng lamppost at ng ilaw ng motor niya ay naging malinaw ang nangingitim na pasa sa braso ko. "Daddy mo may gawa nito?!"
"Isaiah, okay lang ako."
"Ang tinatanong ko ang sagutin mo, sino may gawa nito?!" Napataas na ang boses niya. "Daddy mo ba? Sinaktan ka niya?!"
Sandali akong natulala sa reaksyon niya. Halos tumalsik ang laway niya sa mukha ko.
"Okay lang, Isaiah," pinakalma ko siya ng mahinahong boses ko. "Okay lang ako. Sorry, naabala kita. Pero okay lang talaga ako. Nagkamali lang ako sa pagpunta sa inyo. Bumalik ka na kasi baka ano pa ang isipin ni Carlyn sa pagsunod mo sa akin."
Nagtagis ang mga ngipin niya at ayaw niya pa ring bitiwan ang braso ko.
"Isaiah, bitiwan mo na ako, ha?" Maliit akong ngumiti sa kanya. "Maniwala ka, okay lang talaga ako..."
Napayuko siya. "Putangina."
Nakagat ko ang aking ibabang labi.
"Putangina talaga." Hindi ko makita ang kanyang ekspresyon nang mahina siyang magsalita, "May girlfriend ako e."
Napalunok ako. "A-alam ko naman iyon. K-kayo ni Carlyn, kaya nga bitiwan mo na ako kasi baka ano pa ang isipin niya kapag—"
"May girlfriend ako," ulit niya na tila ba hindi narinig ang sinabi ko. "May girlfriend ako. Kahit malabo iyong usapan namin, may girlfriend pa rin ako." Hirap na hirap ang boses niya na mas sarili ang kinakausap kaysa sa akin.
"Isaiah..."
Nang mag-angat siya ng mukha ay nakita ko ang sakit at paghihirap sa mga mata niya. "Vi, bakit mo pa ako ginugulo?"
Umawang ang mga labi ko.
"Sabi mo, tigilan na kita, di ba? Sinubukan ko, para lang maging okay ka na. Baka nga kasi kapag nagka-GF na ako ng iba, maging okay ka na. Baka maging okay rin si Carlyn. Saka baka maging okay na rin ako. Baka maging okay tayong lahat. Pero tangina, lalo lang yata tayong nagkagulo-gulo!"
"Sorry kung nagugulo ko kayo—"
"Hindi iyon!" Napatingala siya na tila nagtitimpi. Kitang-kita ko ang pag-alon ng lalamunan niya. "Hindi iyon, Vi! Tangina, hindi iyon!"
Hindi na ako makapagsalita habang nakatingin sa kanya. Ang mga mata ko ay dumadausdos nang marahan sa umiigting niyang panga, sa Adam's apple niya na paulit-ulit na umaalon sa kanyang makinis na leeg, at pababa roon sa malalaking kamay niya na mariing nakahawak sa handlebars ng kanyang motor.
"Saka akala ko magiging okay ka? Kaya nga kita pinakawalan, di ba? Pero bakit ganito? Bakit hindi ka okay? Sino may gawa niyang pasa mo? Daddy mo? Sumagot ka, daddy mo?!"
Marahan akong napatango.
Narinig ko ang pagbuga niya ng hangin at mariing pagbulong, "Tangina, pagbuhulin ko kaya daddy niyong dalawa ni Carlyn?"
"Isaiah, uuwi na pala ako." Baka nakatulog na rin si Daddy ngayon.
Napahilamos siya sa mukha niya. "Umangkas ka sa likod ko. Dalian mo."
"May pamasahe naman ako. Sasakay na lang ako—"
"Sumakay ka na. Wag kang mag-alala, walang malisya."
Mukhang hindi talaga siya papayag na hindi niya ako mahahatid. Lumabi ako at sumunod na lang. Sa kabilang kanto na lang ako sa amin magpapababa para hindi na siya makita ng mga taga street namin.
Umangkas na ako sa likod. Sa likod ako ng motor humawak pero inabot niya ang kamay ko at inilagay sa bewang niya. "Kumapit kang mabuti dahil baka malaglag ka. Mamaya sabihin pa ni Eli na pinababayaan kita."
Eli? Bakit nasali si Eli?
Pinaandar niya na ang motor. Wala siyang kakibo-kibo. Tahimik lang din naman ako sa likod niya sa buong biyahe. Nakahawak ako sa bewang niya. Kapag lumuluwag ang kapit ko ay hinahatak niya ang kamay ko. Sa t-shirt na lang niya ako kumapit para wala na siyang masabi.
Sa may kanto ng street namin niya ako inihatid, sa parteng hindi matao. Pagbaba ko ay nagpasalamat ako sa kanya, "Thank you, Isaiah."
"NP." Pinaandar niya na rin agad ang motor niya. Hindi katulad noon na hinahatid niya pa ako ng tanaw at hinihintay na makauwi bago siya aalis.
Napabuga ako ng hangin habang nakatanaw hanggang sa makalayo na ang motor niya. Siguro ay ayaw rin ni Isaiah na may makakita pa sa amin. Mas mabuti na nga ang ganoon. Tahimik na naglakad na ako papasok sa street.
Pagkauwi ay nasa bakuran sina Kuya Vien at Eli. Palakad-lakad sila at mga hindi mapakali. Hinihintay nila ako. Nang makita ako ay halos magkandatalisod sila sa pag-uunahan na makalapit sa akin.
"Vi, okay ka lang?!" Niyakap agad ako ni Kuya Vien.
Nang akma akong yayakapin din ni Eli ay itinulak ito ni Kuya Vien sa noo.
Nagtanong na lang din si Eli, "Vi, okay ka lang?"
Sunod-sunod ang tanong nila kung saan ako galing, sino ang kasama ko at kung okay lang ba ako. Sinagot ko naman sila ng totoo para hindi na sila mag-alalala. Ikinuwento ko na inihatid ako sa kabilang kanto ni Isaiah.
"Mabuti naman." Napapalatak si Eli. "Akala ko, seen lang ako ni Isaiah Gideon sa chat ko sa kanya."
Chat? Chinat niya si Isaiah?
"Hindi kasi kita ma-contact. Naalala ko na baka na-deadbat iyong phone ko. Wala na akong choice kundi i-chat si Isaiah Gideon. Hindi siya nag-reply, kaya hindi ko alam kung nakita niya ba sa message request ang chat ko o hindi. Kung di ka pa nga dumating ngayon, paalis na sana kami ni Kuya Vien para hanapin ka."
Iyon pala ang dahilan kaya sinundan ako ni Isaiah at ihinatid dito. Nag-chat pala sa kanya si Eli...
"Thank you, Eli. Okay naman ako." Ibinalik ko na sa kanya ang phone at purse niya, pagkatapos ay yumakap ako sa kanya. Puno ang puso ko ng pasasalamat.
"V-Vi..." Nanigas ang katawan ni Eli sa biglang pagyakap ko.
Sandaling yakap lang naman iyon dahil hinila na agad ako ni Kuya Vien. Gayunman, tulala si Eli matapos ko siyang yakapin.
Naluluhang ngumiti ako kay Eli na hanggang ngayo'y tulala. "Thank you ulit, Eli. Ikaw talaga ang best friend ko. Sana forever na tayong magkaibigang dalawa!"
Napaubo si Kuya Vien sa gilid ko. "Tama na 'yan, baka biglang pumanaw 'yang si Eli sa sobrang ligaya dahil forever na kayong magkaibigan."
Inakbayan na ako ni Kuya Vien papasok sa bahay namin. Kanina pa raw ako hinahanap ni Mommy. Tulog na rin daw si Daddy. Sa wakas, makakapagpahinga na rin kaming lahat ngayong gabi.
Kinawayan ko na si Eli na nakatingin pa rin sa akin, pero ngayon ay malamlam na ang mga mata.
MONDAY FLAG CEREMONY.
Katabi lang ng pila ng section ko ang section ng 11-Narra. Kapantay ko lang din halos sa pila si Carlyn. Dahil sa dami ng estudyante ay hindi ako ako nito napapansin. Nakasimangot ang babae habang hinaharot nina Asher at Miko.
"Car, alam mo ba kung bakit may black eye ang juice?" tanong ni Miko kay Carlyn. "Kasi nasa pack siya!"
Natawa ang mga babae sa pila maliban kay Carlyn na lalong nabuwiset. "Tanginang kabobohan 'yan, nakakatakot."
"Yabang mo naman, ghorl, palibhasa may ex sa science class!" busga naman ni Asher sabay himas kay Miko na kunwari'y na-offend. Nakalabi pa ang lalaki.
"Di niyo ba talaga ako tatantanan?!" galit na singhal na ni Carlyn sa mga ito.
Sabay namang sumagot ang dalawang lalaki. "Hindi."
Nang dumating sa pila si Isaiah ay lalo nang napasimangot si Carlyn. Lumihis naman ako sa pila para matakpan ng mga kaklase ko. Hanggang sa dumating ang exercise region march ay pilit akong nagtatago.
Pasimple ang pagmamasid ko sa kanila. Hindi ko alam kung nagkaayos na sina Isaiah at Carlyn, pero mukhang okay naman na sila. Kasama na kasi si Isaiah ngayon nina Asher at Miko na binubuwiset ang babae sa pila. Para silang magkakapatid na nag-aasaran.
Nang matapos ang march ay sabay-sabay na silang nag-alisan. Sumunod na rin ako sa pila ng section namin pabalik sa room. Hindi na ako lumabas hanggang lunch, pinuntahan na lang ulit ako ni Eli.
Sa uwian ay hindi agad ako nakaalis dahil kasali ako sa cleaners. Nagtataka ako dahil wala si Eli. Dapat ay pupuntahan na ako nito sa room dahil hindi pa rin ako bumababa hanggang ngayon.
Tinapos ko lang ang aking winawalis at bumaba na rin ako. Bigla na lang akong binundol ng kaba. Pakiramdam ko ay may nangyari na hindi maganda.
Dumaan ako sa 11-Narra. Wala na halos tao sa room nila, pero nandoon pa si Carlyn. Isa rin yata ito sa cleaners. Tumuloy na ako sa hagdan. Nagtaka ako nang makitang may kumpulan doon ng ilang mga estudyante.
May paakyat sa hagdan na estudyanteng lalaki, taga section Narra. Nakakailang baitang na ito nang may humaltak sa kwelyo ng suot nitong polo. Si Asher. "Hoy, kupal! Saan ka pupunta?!"
"Asher, pigilan mo 'yan!" ani Miko sa kaibigan. "Baka ipagsigawan pa niyan sa itaas ang nangyayari dito, makarating pa kay Mayora!"
Natigilan ang mga ito nang makita ako. Bumaba na ako para tingnan kung ano ba ang nangyayari. Sa ibaba ay nagulat ako nang makita na magkaharap sina Eli at Isaiah. Parehong may dugo sa gilid ng bibig nila at pareho ring namumula ang kanilang mga kamao.
Napanganga ako. Sila ba ang pinagkukumpulan ng mga estudyante rito?!
May mga bangas sina Isaiah at Eli, kapwa humihingal habang seryosong nakatingin sa isa't isa. Walang pumapagitna, walang ingay, tahimik lang ang paligid na para bang pag may isang nag-ingay ay sasamain. Parang pinag-usapan na ang mangyayari.
Napalingon si Eli sa akin at agad na nanlaki ang mga mata nito. Nabura ang kanina'y nakaguhit na tapang sa mukha. "Vivi!"
Si Isaiah na nagtatagis ang ngipin ay napalingon din sa akin. Napatda nang makita ako na nakatayo sa gitna ng hagdan.
Bumaba ako nang tuluyan. "Anong nangyayari, Eli?!" Hinarap ko si Eli. "Bakit nakikipagbasag-ulo ka?! Hindi ka ganyan, Eli, anong nangyayari sa 'yo?!"
Bumuka-sara ang bibig ni Eli pero wala siyang masabi. Nanlalaki lang sa akin ang kanyang mga mata.
Sumunod ko na hinarap si Isaiah. Hindi na nakatingin ang lalaki sa akin. Natagilid ito habang umiigting ang panga.
Nahawi ang mga estudyante nang may dumating na teacher. Mukhang may nakalusot at nakapagsumbong.
Nagtanong ang lalaking teacher kung sino ang may pakana ng gulo. Nang makita nito si Eli ay nagulat ito. Kilala kasi si Eli na isa sa mga matitinong estudyante, kaya nakakagulat nga naman na madatnan itong isa sa nakikipagbasag-ulo.
Nauna nang maglakad si Isaiah. "Sir, square areglo lang. Peace fight."
Napailing ang teacher. "Isaiah Gideon, hindi ka pa rin nagbabago! Akala ko pa naman tumino ka na! Sayang ang matataas na grades mo, basagulero ka pa rin pala! At dinamay mo pa talaga si Elias Angelo sa kalokohan mo!"
"Sir, hindi lang si Isaiah Gideon ang may kasalanan," sabat ni Eli na duguan pa rin ang bibig. "Ako po ang nag-provoke sa kanya. Pareho kami na dapat ma-guidance."
"Pumunta na lang kayo sa clinic. Bukas tayo magharap-harap pag nandito ang mga adviser niyo." Iminuestra sila nito na sumunod.
Habang naglalakad ay hindi pa rin makatingin sa akin si Eli. Si Isaiah naman ay nauuna sa amin. Dumura ito ng dugo sa sahig at pagkatapos ay nakapamulsa sa school pants na nagpatuloy sa paglalakad.
"Wag ka ng mag-alala, okay lang siya," narinig kong sabi ni Eli sa aking tabi.
Napatingin ako kay Eli. Seryoso ang kanyang ekspresyon habang nakay Isaiah ang tingin niya.
"Nagsalitan lang kami ng suntok. Mas malakas siyang manuntok. May bakal yata sa kamao 'yan si Isaiah Gideon."
"Bakit ka nakipag-away sa kanya?"
Saka lang tumingin si Eli sa akin. "Narinig mo sa kanya kanina, square areglo lang. Peace fight."
Nangunot ang noo ko. Square areglo? Ano ang inareglo nila sa isa't isa?!
Nauna na sa akin si Eli sa paglalakad para siguro hindi na ako makapagtanong. Sa clinic ay naupo siya katabi ni Isaiah na akala mo ay hindi sila nagbanatan sa ibaba ng hagdan kanina.
Nilapitan sila ng nurse at ginamot ang kanilang mga bangas habang pinapangaralan sila. Tahimik lang naman ang dalawa.
Si Isaiah ang unang tumayo. May band aid lang siya sa mukha tapos konting putok sa gilid ng bibig. Nang magtama ang mga mata namin ay umiwas din siya agad ng tingin.
Nang matapos lagyan ng band aid si Eli ay tumayo na rin ang lalaki. Nilapitan ko siya. "Paano mo ipapaliwanag kay Tita Hannah 'yang bangas mo, ha?"
"Nasa lolo ko sa Imus ngayon si Mama. Bukas pa siya uuwi."
"At talagang pinaghandaan mo, ah!"
Ngumiti lang si Eli at masuyong pinisil ang pisngi ko. Tinabig ko naman ang kamay niya.
Nauna na akong lumabas ng clinic dahil naiinis ako. Pumunta na ako sa gate ng school para doon na lang hintayin si Eli. Hindi talaga niya sasabihin sa akin kung ano ang nangyari sa kanila ni Isaiah.
Habang nakatayo sa gate ay narinig ko ang boses ni Carlyn. Nasa may bench ang babae kasama sina Isaiah, Asher at Miko. Nakatingala si Carlyn kay Isaiah.
Nang dumating na si Eli ay tumalikod na ako. Ayaw ko nang makita kung ano ang magiging reaksyon ni Carlyn sa kung bakit nakipagsuntukan si Isaiah kay Eli.
Kumuyom ang mga palad ko habang naglalakad kami. Kahit hindi malinaw kung bakit nag-away sina Isaiah at Eli, ay hindi ako ganoon katanga para hindi maunawaan na posibleng ako iyong dahilan.
"Wala kang kasalanan," boses ni Eli. Para bang nababasa niya ang tumatakbo sa isip ko. Tinapik niya ako sa balikat. "Wag mong sisihin sarili mo."
Nag-tricycle kami pauwi sa Buenavisa. Doon kami sa likod ng tricycle. Tahimik lang ako pero nakakuyom pa rin ang aking kamao. Nakikinita ko na ang hindi pagkakaunawaan nina Isaiah at Carlyn. Sabi ko, hindi na ako manggugulo sa kanila, pero ito at tila nanggulo pa rin ako.
"Vivi." Hinila niya ang kurtinang trapal para matakpan kami saka niya ako hinarap. "Ano ang iniisip mo?"
"Bakit ka nakipagsuntukan kay Isaiah?" Hinarap ko rin siya. "Dahil sa akin, di ba?"
"Oo. Wala namang ibang dahilan. Alangan naman trip ko lang." Ngumisi siya at napangiwi dahil may sugat ang gilid ng labi niya.
"Nakakangiti ka pa talaga riyan?!" mahinang asik ko sa kanya. "Hindi mo ugali ang makipag-away, Eli. Ano bang pumasok sa isip mo, ha?!"
"Relax, Vi. 'Sabi ko naman, di ba? Square areglo lang, peace fight. Naiinis kasi ako sa isiping kabi-break niyo lang, pero may GF na agad siya. Nasasaktan ako na nasasaktan ka. Kahit hindi mo aminin, alam ko na nasasaktan ka."
Naumid ang dila ko.
"Kinorner ko siya noong last break kanina. Sinumbatan ko siya. Kasi nagpapakasaya siya sa bagong GF niya, samantalang ikaw, hanggang ngayon ay nag-sa-suffer ka pa rin sa consequences ng pakikipagrelasyon mo sa kanya. Hanggang ngayon, galit pa rin sa 'yo ang daddy mo."
"Hindi mo dapat ginawa iyon, Eli." Napailing ako. "Wala na ako roon kahit may bagong girlfriend si Isaiah. Saka ako pa nga ang nagtulak sa kanya na mag girlfriend ng iba."
Napatitig siya sa akin. "Pero bakit? Obvious naman na mahal mo siya, pero bakit mo siya pinagtulakan sa iba?"
Sumandal ako sa sandalan at hindi na sumagot pa. Mainit ang gilid ng mga mata ko at kung magsasalita pa ako, baka ano pa ang mangyari. Yumuko na lang ako at tahimik na suminghot.
Napabuntong hininga naman si Eli sa tabi ko.
Hanggang pagbaba namin sa tricycle ay wala akong kibo. Nauna na akong bumaba at pumasok sa gate namin habang habol lang ako ng tingin ni Eli.
9:00 PM at katatapos ko lang maghugas ng mga platong pinagkainan nang mag-beep ang phone ko. Tiningnan ko ang pumasok na text message.
Eli:
Labas ka.
Nangunot ang noo ko. Para namang ganoon kadali na makakalabas ako gayong gising pa si Daddy.
May kumatok sa pinto namin. Si Kuya Vien ang nagbukas. Dumungaw roon si Eli.
Napasilip naman si Daddy. "O Eli, bakit? Gabi na, ah!"
"Ninong Robert, pinapasingil po pala ni Mama iyong hulog niyo sa lupa. Bale apat na buwan na raw po iyong hindi niyo nababayaran."
Nabura ang angas sa mukha ni Daddy. Napakamot ito ng pisngi. "Ay, Eli, pasabi sa mama mo na pasensiya na muna. Nauubos kasi lagi ang pera ko ngayon sa paglalakad ng papeles ko paalis. Babawi na lang kamo ako sa susunod na buwan pag nagpadala ulit ng pera ang kapatid ko."
"Sige po, sabihin ko." Ngumiti si Eli kay Daddy. "Ninong Robert, puwede po ba na sa amin muna saglit si Vivi? May tinatahi po kasi Mama na damit, siya raw ang gagawing sukatan."
"Ay, ganoon?" Sunod-sunod na napatango bigla si Daddy. "Ah, sige. Okay lang. Okay na okay lang." Pagkuwa'y binalingan ako. "Vivi, pumunta ka kina Eli. Bilisan mo!"
Pagdaan ko sa pinto ay nakataas ang isang kilay ni Kuya Vien. Mukhang na-gets nito ang nangyayari.
Paglabas ng bahay ay siniko ko si Eli. "Hindi ako totoong hinahanap ng mama mo, di ba?"
Ngumiti lang siya.
"Hindi rin totoong nagpapasingil ng utang ang mama mo. Sinabi mo lang iyon para baguhin mood ni Daddy at mapapapayag mo siya!"
"Sampa na," utos niya sa akin nang nasa tapat na kami ng pader na bakod papunta sa kanila.
Madilim kaya kahit may kababaan ang pader ay nahirapan akong sumampa. Ito namang si Eli ay hindi man lang ako inalalayan. Di ba dapat ay mauna pa nga siyang sumampa dahil aabangan niya ako sa kanila? Nakalimutan niya na ba na isa akong lampa?
Nakaakyat na ako pero sa kanya ako nakalingon. Wala man lang siyang kagalaw-galaw sa kinatatayuan niya. Mamaya ko na lang siya sesermunan. Bumaba na lang ako mag-isa sa bakuran nila habang nakahawak ang kamay ko sa taas ng pader.
Pagbaba ako ay muntik akong mapabitiw, kundi lang may sumalo sa akin mula sa kabilang bakod. May yumakap sa aking bewang pagbaba ko. Windang ako nang paglingon ay pamilyar magandang uri ng mga mata, na kasing kulay ng kadiliman ng gabi ang aking nakita.
Bakit siya nandito sa bakuran nina Eli? Bakit nandito si Isaiah Gideon del Valle?!
JF
Bạn đang đọc truyện trên: ZingTruyen.Xyz