ZingTruyen.Xyz

Serial Charmer

Chapter 17

JFstories

SI ISAIAH AT SI CARLYN NA.


Alam ko na sinabi ko iyon nang ipagtulakan ko si Isaiah nang huli naming pag-uusap na dalawa. Alam ko rin na posible naman talaga na maging sila. Pero nakakagulat pa rin pala. 


Okay kaya sila? Masaya kaya sila? Siguro.


Kahit masungit si Carlyn ay mukhang mabait naman ito kay Isaiah. Mas worth it itong maging girlfriend kaysa sa akin.


Baka nga ganito talaga ang dapat mangyari. At least wala na akong aasahan. Masaya na si Isaiah. Wala nang dahilan para makasakit ako at masaktan.


Pumasok ako sa school na parang walang nangyari. Na parang walang nalaman. Walang nagbago.


Nandito naman talaga ako sa school para mag-aral. Bata pa rin naman ako, eighteen pa lang ako, at hindi pa katapusan ng mundo.


Saka baka naman puppy love lang ito. Baka akala ko lang talaga in love ako. Si Isaiah kasi e, hindi siya mahirap magustuhan. Hindi siya mahirap mahalin. Ang bait-bait niya kasi sa akin. Ang tiyaga-tiyaga. Ang lambing-lambing. Papansin.


Ang mahirap ay kung paano siya kakalimutan. Bakit kasi nakilala ko pa siya? Bakit kasi ang ganda ng mga ngiti niya? Bakit ang lambing ng boses niya?


At bakit kasi ako pa iyong niligawan niya? Ayan tuloy, ang sakit-sakit tuloy ng puppy love na ito.


Sabi pa naman sa kanta, first love never dies. Pero okay lang, at least mahaba pa ang buhay niya. Hindi pa siya mamamatay.


Malapit na ako sa gate nang may dumaan na motor sa aking gilid. Honda Click na kulay orange. Kahit likuran lang at plaka ang nakita ko, ay alam ko na agad kung kanino.


Napahawak ako sa aking dibdib kasabay ng pagbagal ng lakad ko. Nag-park iyon sa gilid ng gate, kasama ng iba pang motor na nakaparada roon.


Ang unang bumaba ay ang angkas na babae. Ang suot nitong maliit na helmet ay kulay fuchsia, ang helmet na noon ay ako ang laging may gamit.


Nakatingin ako sa kanila hanggang sa bumaba na rin ng motor iyong lalaki at naghubad ng suot na itim na helmet. Nagwilig ito ng buhok gaya ng parating ginagawa. Nang lumingon sa kasamang babae ay nakita ko ang guwapo nitong mukha— si Isaiah nga...


Parang may sumakal sa puso ko nang kunin niya ang bag ni Carlyn na bago niyang girlfriend.


Naglakad na sila papasok sa gate. Nauuna si Carlyn sa paglalakad at nakasunod si Isaiah dito. Hinihintay ko na hawakan niya ang kamay nito pero walang nangyaring ganoon hanggang makarating sila sa building namin.


Hinintay ko sila na makaakyat muna sa itaas bago ako sumunod na umakyat. Sa pagdaan ko sa room nila ay doon tumuloy si Carlyn sa likuran ng room para magkatabi sila ni Isaiah. Masikip ang dibdib na lumampas na ako.



LAST PERIOD. Nagpaalam ako para pumunta sa CR. Pagkatapos sa CR ay umakyat na ulit ako sa hagdan. Nakasalubong ko sa gitna si Eli. Pababa siya.


Alanganin ang nahihiyang ngiti niya. "Vi, pinuntahan kita sa room mo. Hindi ka kasi nag-re-reply sa text. Sasabihin ko lang sana na sabay tayong umuwi mamaya..."


"Ayaw kitang kausap."


Hinawakan niya ang aking kamay at buong pagsamo na tumingin sa mga mata ko. "Vi, alam ko galit ka. Naiintindihan ko naman. Pero binilinan kasi ako ni Ninong Robert na—"


Napikon ako at pumiksi sa pagkakahawak niya. "Ano ba, Eli?!"


"Sinabi sa akin ng daddy mo na sa akin ka na sasabay tuwing uwian."


"May paa ako. Kaya kong umuwi mag-isa," kahit mababa ang boses ko ay mariin.


Lumambong ang mga mata ng lalaki. "Pero sabi nga niya, sabay tayo. Bakit ayaw mo? Nagkabalikan na naman ba kayo ni Del Valle?"


Patalikod na ako sa kanya nang hawakan niya ulit ako. Sa pagkakataong ito ay mas malakas na ang pagpiksi ko. Kahit si Eli ay nagulat sa akin.


"Break na nga kami ni Isaiah! Kung ayaw mong maniwala e di magsumbong ka ulit kay Daddy! Tutal gustong-gusto mo naman kapag nagugulpi ako sa amin!"


Ang sama ng loob ko ay sumabog na. Gumuhit ang sakit sa mga mata ni Eli dahil sa mga sinabi ko. May sasabihin siya nang mapatingin siya sa ibaba ng hagdan. Nagulat ako nang makita na naroon si Carlyn at nakatingin sa amin.


Umakyat ang babae at huminto sa tapat ni Eli. "Bakit narinig ko pangalan ni Isaiah?"


Napalunok ako lalo nang sa akin siya sumunod na tumingin. Siya na ang girlfriend ngayon ni Isaiah kaya hiyang-hiya ako sa kanya dahil baka kung ano ang iniisip niya.


Tiningnan niya ako nang masama at inginuso si Eli sa tabi ko. "Anong problema nitong bago mong syota?"


"K-kinakapatid ko lang si Eli..." pagtatama ko sa napakahinang boses. "H-hindi ko siya boyfriend..."


"Wala akong pakialam kahit ano mo 'tong lalaking ito. Pero break na kayo ni Isaiah kaya sana 'wag niyo ng idamay sa gulo niyo ang boyfriend ko."


Nanlaki ang mga mata ko.


Nilampasan niya na kami.


Nang maiwan kami ni Eli ay kinausap ulit ako ng lalaki, "Vi, sorry. Maniwala ka, hindi ko naman gustong saktan ka ni Ninong Robert. Hindi ko naman alam na—"


"Tama na, Eli!" putol ko sa sinasabi niya. "Narinig mo naman ang sinabi ni Carlyn, di ba? Siya na ang girlfriend ngayon ni Isaiah at hindi na ako. Kaya kung mag re-report ka kay Daddy, iyon ang sabihin mo na wala na talaga kami ni Isaiah."


Sa sobrang sikip ng aking dibdib ay nabasag na ang boses ko.


"Eli, wala na kami. Wala na kami ni Isaiah dahil pinagtabuyan ko na siya at ngayon ay may iba na siya!"


Natulala si Eli nang makita at pangingilid ng luha ko. Masikip ang dibdib na iniwan ko na siyang mag-isa sa hagdan.


Nang uwian ay hindi naman sumabay sa akin si Eli. Sumabay pala pero hindi siya dumikit o kahit lumapit. Malungkot na nakatanaw lang siya sa akin mula sa malayo.


Nakokonsensiya ako sa pagtaas ng boses ko sa kanya kanina. Takot lang din naman kasi siya kay Daddy pero sinisisi ko siya. Siguro dahil wala akong ibang masisi.



SI KUYA VIEN lang ang naabutan ko pag-uwi sa bahay. Hindi ko ito inistorbo dahil mukhang seryoso ito sa kung sino mang kausap sa cellphone. Siguro iyong friend niya na naman.


7:00 PM. Papadilim na sa labas. Nasilip ko si Eli na nagdidilig ng mga halaman nila sa kabilang bakuran. Patingin-tingin siya rito na halatang may inaasahang matatanaw.


Nang makita ako na lumabas ay napatigil siya sa pagdidilig. Kitang-kita ko ang paglunok niya nang magtama ang aming mga mata.


Humakbang ako papunta sa bakod. May kababaan lang iyon at may malaking bato kung saan inilagay niya noon para may tungtungan ako. Tumungtong ako roon at sumampa sa pader. Nabitiwan ni Eli ang nakabukas na hose ng tubig dahil sa gulat.


Kandarapa siya sa pagtulong sa akin na makatawid sa bakuran nila. Halos kargahin niya ako pagbaba ko sa bakod. Maingat niya akong ibinaba pagkatapos.


Titig na titig siya sa mukha ko. "Vi, b-bakit?"


Imbes sagutin siya ay naupo ako sa baitang ng hagdan sa tapat ng pinto ng kusina nila. Dinampot ko roon ang iniwan niyang Nova. Binuksan ko ang junkfood at sinimulang kainin habang nakatingala ako sa kanya.


Tila napapaso naman si Eli sa mga mata ko kaya napayuko siya.


"Vivi, sorry..." mayamaya'y mahinang namutawi sa mga labi niya.


Hindi ako kumibo. Nakatingala lang ako sa kanya.


Dinampot niya ang naiwan niyang hose ng tubig at pinatay bago siya humakbang palapit sa akin. Paupo siyang umi-squat sa aking harapan para magkaharap kami. Gayunpaman, nakayuko siya at hindi pa rin sa akin makatingin.


"Galit pa rin ako, Eli. Wala lang akong ibang mapuntahan ngayon kaya nandito ako."


Ngayon na lang ulit ako pumunta rito sa kanila. Ngayon na lang ulit kami nagkasama dahil noong mga nakaraan ay puro si Isaiah ang kasama ko. Ngayon ay balik na naman ako sa dati, iyong walang ibang kakilala sa mundo maliban kay Eli at sa pamilya ko.


Tumango si Eli at inilapit ang ulo sa akin. Alam ko ang ibig sabihin niyon, gusto niyang batukan ko siya. "Kahit ilan, hindi ako gaganti."


Ganito kami mula noong pagkabata namin. Pag may kasalanan siya o ako sa kanya, magpapabatok kami bilang pagtanggap ng pagkakamali at paghingi ng sorry.


Sa halip na batukan ay sinubuan ko siya ng Nova. Namilog ang mga mata niya sa akin bagamat tinanggap niya ang Nova. Namumula ang pisngi niya habang ngumunguya.


"Eli, hindi ko pa rin maintindihan kung bakit ginawa mo iyon. Pero dahil matalino ka naman, magtitiwala na lang ako sa logic mo. Basta sana lang, wag mo nang uulitin. Slow man ako pero aware naman ako kung ano ang tama at mali. Sana magtiwala ka rin sa akin kahit kaunti."


Bahagyang namasa sa luha ang mga mata niya habang nginunguya ang sinubo kong Nova. Sinubuan ko ulit siya. Sinubuan ulit hanggang sa magkandabulunan na siya sa pagnguya.


Hindi ko napigil ang pagngiti dahil pulang-pula na ang mukha niya pero hindi siya nagrereklamo o umiiwas sa aking pagsubo. Nagsalubong naman ang makakapal niyang kilay dahil alam niyang pinagti-trip-an ko na lang siya.


Naupo siya sa tabi ko. Nang wala ng laman ang bibig ay nilingon niya ako. Naroon ulit ang luha na nagbabadya sa mga mata niya. "Vi, sorry talaga. Sorry. Hindi ko alam na sasaktan ka ni Ninong Robert. Kung alam ko lang ay sana nagsinungaling na lang ako nang tanungin niya ako..."


Pinunasan ko ang luha niya gamit ang aking daliri na may mantsa ng cheese ng Nova. Wala pa rin siyang reklamo.


"Hayaan mo na, Eli. Nangyari na. Basta wag mo na iyong uulitin kasi hindi na ulit kita babatiin."


Sunod-sunod siyang tumango at itinaas pa ang isang kamay bilang pangangako.


Inilahad ko ang isang kamay sa kanya para makipag-shake hands. "Okay, bati na tayo."


Imbes tanggapin ang aking pakikipag-kamay ay sumandig siya sa balikat ko. Narinig ko ang mahina niyang paghikbi.


Hinimas ko siya sa ulo. "Tahan na. Bati na nga tayo e. Sige ka, babawiin ko."


"W-wag." Lalo siyang sumiksik sa balikat ko.


Hinayaan ko siyang nakasiksik sa akin habang hinihimas ko ang ulo niya. Namimigat ang mga mata ko. "Eli, wag mo akong iiwan, ah? Wag kang mawawala..."



SABAY NA ULIT KAMI NI ELI.


Sa pagpasok ay hindi sumabay sa amin si Kuya Vien. Mukhang hindi pa napapatawad ng kuya ko ang ginawang panlalaglag ni Eli sa akin.


"Kukunin pala si Daddy ng kapatid niya sa Australia," kuwento ko habang naglalakad kami. Para din magkaroon kami ng pag-uusapan dahil malungkot siya. Kababata niya rin kasi si Kuya Vien at parang kuya niya na ito, kaya malamang na nalulungkot siya dahil hindi siya nito pinapansin.


"Pumayag si Ninong Robert?" tanong niya tungkol sa pagpunta ni Daddy sa Australia.


"Wala siyang magagawa. Malaki na ang gastos sa kanya ni Tita. Saka mabuti nga at napadalhan ulit siya dahil ginastos niya na ang unang padala sa kanya."


Tuloy na tuloy na talaga dahil matagal na palang nilalakad ni Tita ang pag-alis ni Daddy. Inilipat na rin sa pangalan ni Daddy ang mga na na-invest ni Tita rito sa Cavite.


"Sa tingin mo, iiwan talaga kayo ng daddy mo?"


Hindi na ako sumagot sa tanong na iyon ni Eli, dahil hindi ko alam ang sagot. Bagaman sa kaibuturan ng puso ko, sa kauna-unahang pagkakataon ay nangarap ako ng isang pamilya na hindi buo. Iyong malayo si Daddy sa amin nina Mommy...



LUNCHBREAK. Pinuntahan ako ni Eli sa room. Alam niya na wala na naman akong baon. Dinalhan niya ako ng pagkain.


Dalawa raw ang ipinabaon na lunch sa kanya ng mama niya kaya dalawa ang lunchbox na kanyang dala. Tag-isa kami. Kanin ang laman at ang ulam ay ang paborito kong lumpiang shanghai.


"Kain ka marami, Vi. Di kita susumbong sa daddy mo." Maganda ang ngiti niya habang ibinibigay sa akin ang dalang lunchbox. Kulay pink iyon. Hindi ko alam kung bakit may ganito siyang kulay na baunan. Pero mukha iyong bago at kabibili lang.


Ang lumpiang shanghai ay lasog-lasog ang wrapper, hindi rin pantay-pantay ang pagkakahiwa, at may parteng sunog. Sa isang tingin pa lang, alam ko na agad na hindi totoong mama niya ang nagluto niyon.


Base rin sa bahagyang pangingitim ng ilalim ng mga mata niya ay mukhang napuyat siya. Siya ang nag-prepare ng shanghai dahil alam niyang paborito ko iyon. Hindi na lang ako nagkomento at kunwari na lang ay naniniwala ako.


"Tara, kain na," masiglang sabi niya. "Mas marami sa 'yo kasi alam kong ang tagal na mula nang huli kang makakain ng shanghai, di ba?"


Magkatabi kami sa upuan. Inokupa niya ang bakante sa tabi ko. Dito siya sa room kakain at balewala sa kanya kahit pinagtitinginan kami ng mga kaklase ko. Nagtataka na siguro ang mga ito kung sino talaga sa kanila ni Isaiah ang boyfriend ko.


Hindi pa rin alam ng iba na break na kami ni Isaiah. Ayaw ko namang basta na lang i-announce ang balita kung wala namang nagtatanong. Saka sa klase ng tingin ng mga kaklase ko sa akin ay mukhang may sarili na silang haka-haka.


Marami rin ang nagtataas ang kilay sa kung ano ang relasyon meron kami ni Eli. Kahit pa noon, issue na ang pagiging close namin. Ang akala pa nga ng iba dati ay kaya masungit sa mga babae si Eli at kaya rin isnabera ako sa mga lalaki ay dahil may relasyon kami. Bahala na lang ang mga ito sa gustong isipin. Wala akong balak ipaliwanag sa kanila isa-isa kung gaano kalalim ang friendship namin.


Habang kumakain ay nagkukuwento si Eli. Nag-j-joke rin. Corny siya pero sanay na ako. Saka mababaw lang naman ang kaligayahan ko.


May times lang na hindi ko magawang ngumiti, siguro dahil may iba akong naaalala.


Ang ibang mga kaklase ko na nakakarinig sa jokes niya ay napapangiwi. Kahit iyong isang kaklase kong babae na alam kong may crush sa kanya ay parang biglang nagbagong buhay.


Sa isang joke ni Eli ay talagang umiwas na ang mga kaklase ko. Hindi na nila kinayang mapakinggan. "Vi, saan galing ang sabaw ng balut?"


"Saan?" pilit ang ngiti na tanong ko. Pang twenty-five na tanong niya na ito.


"E saan umiihi ang sisiw sa loob ng itlog?"


"Okay, saan?"


Matamis siyang ngumiti at kumindat sa akin. "Syempre sa loob din ng itlog!"


"Ha-ha-ha!" Tumawa na ako para lang matapos na.


Corny talaga. Sarap tampalin ni Eli. Gayunpaman, na-a-appreciate ko ang kagustuhan niya na mapasaya ako.


Nasa ganoong akto na nakangiti ako nang biglang nadako ang aking paningin sa labas ng bintana ng room. Ang masayang ngiti ko ay napawi nang makita ang lalaking dumaan. Dumaan si Isaiah kasama ang tropa niya!


Sa isang iglap, nawala ang saya sa pakiramdam ko. Deretso ang tingin ni Isaiah nang dumaan siya sa harapan ng bintana.


Hindi ko masabi kung tumingin siya rito o sumulyap man lang, at hindi rin ako sigurado kung nakita niya na nandito si Eli, pero ang tindi ng kaba ko. Lalo nang makitang seryoso ang ekspresyon niya.


Wala na kami ni Isaiah dahil siya na mismo ang tumalikod matapos ko siyang ipagtabuyan. Meron na siyang iba at tapos na kami, pero bakit ang pakiramdam ko ay may nagawa ako sa kanyang kasalanan?


"Vi." Napansin ni Eli ang pagbabago ng mood ko. Sumunod ang paningin niya sa tinitingnan ko. Nang makita niya rin si Isaiah ay naglaho ang kanina'y matamis na mga ngiti niya.


Nang makalampas na ang lalaki sa bintana ay pinilit kong ibalik ang nawalang sigla kanina. Tahimik naman na si Eli at hindi na nag-j-joke pa.


Nagpalipas lang siya ng ilang sandali pagkatapos ay nagpaalam na rin si Eli na babalik na sa room niya.



NANG uwian ay nasa labas na ng room ko si Eli. Kumaway siya sa akin. Paglabas ko ay kinuha niya agad ang aking bag. "Nauna akong pinalabas ng last subject teacher namin kasi ako ang unang nakatapos ng pinagawang essay."


"Talaga?" walang buhay na tanong ko. Hindi kagaya noon na tuwang-tuwa at sobrang proud ako kapag may kuwento siya tungkol sa mga ganito. Pinupuri ko agad siya at pinapaulanan ng papuri kung gaano siya katalino.


Isinukbit ni Eli sa balikat ang bag ko. "Gutom ka na ba, Vi? Magluluto raw si Mama ng hotcake, sa amin ka muna para makapag-meryenda ka."


Tumango ako at sabay na kaming naglakad. Bago makarating sa hagdan ay nag-uwian na rin ang Grade 11-Narra. Naglabasan na ang estudyante.


Kasama sa mga lumabas sina Isaiah at si Carlyn. Sukbit din ni Isaiah ang bag ng babae.


"Vi, tara na," tawag sa akin ni Eli nang huminto ako sa paglalakad.


Dumami na ang estudyante sa hallway kaya hindi niya nakita sina Isaiah at Carlyn.


Palabas na kami ng gate nang maramdaman ko ang pagdikit ni Eli sa akin. Pagtingala ko sa kanya ay nakita ko siyang seryoso ang mga mata habang nakatingin sa harapan namin.


Sinundan ko ang tinitingnan niya. Si Isaiah at nakatingin ang lalaki sa amin.


Nagbawi rin ng tingin si Isaiah nang makita na nakatingin ako. Isinuot niya na ang helmet niya at ini-start ang motor. Para akong ipinako sa kinatatayuan. Nakatingin lang ako sa kanila hanggang sa makaalis na ang sila.


"Vi..." malumanay na boses ni Eli ang gumising sa pagkakatulala ko.


Lumingon ako sa kanya at nakita ko ang gulat sa ekspresyon niya. Nakatutok ang paningin siya aking mga mata, saka ko lang namalayan na kaya pala siya ganoon ay dahil may pinangingiliran ako ng luha.


Agad kong pinunasan ang luha. Wala akong pakialam kahit nakukuskos ko nang walang pag-iingat ang aking balat o kahit magkalat ang eyeliner ko.


Nauna na rin akong maglakad. "Napuwing ako, Eli. Tara na..."


Sinabayan ako ni Eli sa paglalakad bagaman hindi siya nag-usisa. Nararamdaman ko ang pag-aalala niya pero nagpanggap siya na wala lang, dahil alam niya na ayaw ko na napapahiya.


"Vi, pahinga ka na. May assignment tayo sa Math, di ba? Ako na gagawa ng iyo." Iisa lang kasi ang teacher namin sa Math.


"Ako na, Eli..."


Inabot niya na sa akin ang bag ko. "Ako na. Basta bukas, ibibigay ko na lang sa 'yo."


"Akala ko ba ayaw mo ng ganoon?"


"Ngayon lang naman e. Magpahinga ka muna." Ngumiti siya sa akin. "Wag kang mag-alala, sa susunod, paghihigpitan na ulit kita. Bawal na ulit magpagawa."


Sa gate namin pumasok si Eli. Hinintay niya ako na makapasok muna sa pinto bago siya umalis. Nag-over the bakod na naman siya malamang pauwi sa bahay nila na katabi lang ng bahay namin.


Pagpasok sa kuwarto ay inisip ko ulit ang nangyari kanina. Bakit nakatingin nang ganoon sa akin si Isaiah?


Kahit tuloy ayaw ko na siyang isipin, naiisip ko siya ngayon.


Kahit hindi dapat magtampo ay hindi ko mapigilang magtampo. Tinatanggap kong makapal ang mukha ko dahil nasasaktan ako kahit wala naman akong karapatang masaktan. Pero bakit ang bilis niya akong palitan?


Oo, ako ang nagtaboy sa kanya. Itinaboy ko siya kay Carlyn, pero bakit ang bilis naman na naging sila? Bakit ang bilis-bilis?


Kinuha ko ang phone para i-connect sa WiFi. Hindi ko alam kung ano pa ang ipinaglalaban ko, bakit nagkakaganito ako samantalang ito naman talaga ang gusto ko.


Pinuntahan ko ang account ni Isaiah para lang ang lungkot at pait sa dibdib ko ay lalo lang madagdagan.


Ang Isaiah Gideon DV na account na tinitingnan ko ngayon ay iba na ang profile photo, kulay itim na background na. Sa ilalim niyon ay matatagpuan ang 'Add Friend' button.


Mapait akong napangiti. Add friend na ulit kasi hindi ko na siya friend. Isa lang ang ibig sabihin, in-unfriend niya na ako...


JF

Bạn đang đọc truyện trên: ZingTruyen.Xyz