Chapter 6
CHAPTER 6
"PAPA, tama na po! Maawa na kayo!"
Napahiyaw ako nang bumulagta sa lupa si Hugh pagkatapos siyang suntukin ni Papa sa panga. Hindi nanlaban ang nauna. Hinayaan niyang paulanan siya ng suntok at sipa ni Papa.
"Ilang beses na kitang binalaan pero hindi ka na nadala! Ang kapal ng mukha mo para dalhin dito ang anak ko!"
Gusto kong pigilan si Papa ngunit maging ako ay nabahag sa kanyang nagbabagang mga mata. Galit na galit siya. Hindi ko alam kung paano niya nalaman na dinala ako ni Hugh dito sa resort. Gusto kong pagsisihan ang naging desisyon kong nagpadala sa bugso ng aking damdamin.
"Ano, ha? Ano ba ang ipinagmamalaki mo para dalhin kung saan-saan ang anak ko?" Muli siyang dinuro ni Papa. Duguan na ang panga ni Hugh kaya't nangangatog ang aking mga tuhod sa takot.
"Papa—"
"Huwag mo akong pigilan, Zia Lynn! Ikaw naman, marami tayong pag-uusapan pagkauwi natin ng bahay! Nalingat lang ako sandali, sumama ka na naman sa lalaking ito! Wala ka ring kadala-dala!"
Napapiksi ako.
"Tito Rosendo, tara na."
Noon ko lang napansin na nandito pala si Patrick. Nanlaki ang aking mga mata nang mapagtanto ko kung paano kami natunton dito ni Papa. Hindi malayong hindi niya kami nakita kanina. Marahil ay nakita niya ako habang isinasampa ni Divina sa motor.
"Pasalamat ka at iyan lang ang tinamo mo sa akin. Huling babala ko na ito. Sa oras na lapitan mo pa ulit ang anak ko, magtago ka na dahil baka mapatay kita!"
Napatakip ako ng aking bibig. Nilukob ng matinding kaba at takot ang aking dibdib habang tinitingnan ang kalagayan ng lalaking pinakamamahal ko. Kahit duguan na siya'y matapang pa rin niyang tiningnan nang diretso si Papa. Sinenyasan ko siyang huwag nang sumagot pa.
"Hugh, umuwi ka na, please..." I mouthed.
"Tara na, Zia Lynn!"
Hinila ako ni Papa pasakay ng Multicab ni Patrick.
Sinenyasan ko si Hugh na umuwi na bago nagpatianod sa paghila ni Papa.
I inhaled deeply before turning my back from Hugh. Nakita ko rin ang pasimpleng pagngisi ni Patrick sa kanya na siyang lalo kong ikinabahala.
Pinasakay ako ni Patrick sa harapan habang nasa likod naman si Papa.
At kahit sobrang sakit sa dibdib ko'y pinilit kong huwag nang lingunin pa si Hugh. Itinuon ko ang aking pansin sa dinadaanan namin habang lulan kami ng Multicab. Dinig na dinig ko pa rin ang mabibigat na paghinga na Papa. Batid kong nasagad ko ang kanyang pasensya dahil sa nakita niya kanina.
Dinama ko ang singsing sa aking daliri. Napapikit ako habang piping ipinagdarasal na sana ay maayos lang ang kalagayan ni Hugh. Sana ay nagawa niyang tumayo sa lupa. Sana ay hindi siya nabalian ng buto. Sana ay nando'n ako sa tabi niya para gamutin ang kanyang mga sugat.
Sana ay hindi niya sukuan ang aming relasyon.
Nanatili akong tahimik habang nasa biyahe kami pauwi. Walang nagsasalita ngunit ramdam ko ang panaka-nakang pagsulyap ni Patrick sa akin. Kahit na hindi niya sabihin ay batid ko na ngayong siya ang dahilan kaya natunton kami ni Papa sa beach resort na iyon.
Pagkahimpil ng sasakyan sa tapat ng pilapil patungo sa bahay ay mabilis kong sinukbit ang aking bag saka binuksan ang pinto para makababa. Si Papa naman ay naunang nakababa mula sa likod.
"Salamat sa paghatid sa amin, hijo. Napakabuti mo talagang bata," dinig kong sabi ni Papa kay Patrick. Nagtuloy-tuloy ako sa pagbagtas sa pilapil patungo sa bahay ngunit nakatatlong hakbang pa lamang ako nang bigla akong tinawag ni Papa.
"Ganyan ka na ba talaga kabastos, Zia Lynn? Hindi ka man lang nagpasalamat dito kay Patrick. Kung hindi dahil sa kanya hindi ko pa malalaman na sumasama ka na naman sa lalaking 'yon!"
Nagngitngit ang aking kalooban ngunit mas pinili ko na lang lumingon sa kanila. Pinilit ko ang aking sarili na ngumiti nang peke.
"Maraming salamat sa paghatid, Patrick. Pasensya ka na rin, gusto ko na kasing magpahinga."
Ngumiti siya sa akin pabalik.
"Basta para sa 'yo, Zia Lynn," aniya.
Muli ko siyang nginitian nang peke bago itinuloy ang aking paglalakad. Tila may malalaking pako na nakakabit sa aking talampakan sapagkat ramdam ko ang bigat ng aking bawat paghakbang. Hindi mawaglit sa isip ko ang mukha ni Hugh kanina.
Diyos ko, sana maayos lang siya.
Nagtuloy-tuloy ako sa kuwarto pagkarating ko sa bahay. Inignora ko ang mga nagtatanong na mga mata ni Mama at ng aking mga kapatid. Pigil na pigil ko ang aking mga luha na huwag tumulo pagkat alam kong lalong magagalit si Papa kapag makita niya akong umiiyak nang dahil kay Hugh.
"Oh, nakauwi ka na agad? Akala ko ba sabi mo pupunta kayo ni Pare Arnel sa laot mayamaya?" dinig kong untag ni Mama kay Papa mula sa labas.
Papa replied with a deep sigh. Iyong buntonghininga na tila ubos na ang kanyang pasensya. Muli akong napahawak sa singsing na ibinigay ni Hugh kanina. Hinubad ko iyon saka itinago sa maliit na kahon na nilalagyan ko ng mga abubot ko sa katawan.
"Kung matino lang sana iyang panganay mo e 'di sana nagtutulak na ako ngayon ng bangka!" galit na tugon ni Papa. Nagsimulang bumilis ang pagtibok ng aking puso.
"Zia Lynn, lumabas ka rito!" tawag niya.
Dali-dali kong isinara ang kahon saka ibinalik sa lagayan ng aking mga damit. Inayos ko ang aking buhok at wala sa sariling pinahid ang ilalim ng aking mga mata bago lumabas ng kuwarto.
"Bakit? Ano na naman bang nangyari?" maang ni Mama. Walang imik at nagkunwaring abala naman si Zabelle sa pagsasaing. Si Zac naman ay pumasok sa kuwarto.
"Iyang anak mo nahuli ko na namang nakipagkita sa lalaking iyon! Hindi na talaga nagtanda! Napakatigas ng ulo!"
Matalim akong tiningnan ni Papa. Napayuko ako at hindi nakagalaw sa aking kinatatayuan sa tapat ng kuwarto.
"Totoo ba iyon, Zia Lynn?" Si Mama.
Nilunok ko ang hikbing bumibikig sa aking lalamunan. Ramdam kong malapit nang bumigay ang aking mga luha ngunit kinagat ko ang aking mga labi para pigilan iyon.
"Ma, kasi—"
"Ilang beses na kita binalaan, Zia Lynn! Pero anong ginawa mo, ha? Hindi ka na nagtanda! Napakatigas ng ulo mo at ang lakas ng loob mong sumuway sa amin! Bakit? Kaya mo na bang buhayin ang sarili mo? Kung palalayasin ba kita ngayon kaya mong palamunin ang sarili mo?" Dinuro ako ni Papa.
"Rosendo, hinaan mo ang boses mo," mahinahong sabi ni Mama bago hinawakan si Papa sa braso.
"Ano? Sumagot ka, Zia Lynn! Kaya mo na bang buhayin ang sarili mo? Kung makasuway ka sa amin ng Mama mo parang hindi mo kami mga magulang. Hindi mo ba naiisip ang mga sakripisyo ko para sa inyong magkakapatid? Hindi mo ba naiisip ang nararamdaman ko bilang magulang na makita kang sumama sa kung kanino lang na lalaki? Mag-isip-isip ka, Zia Lynn! Hindi ako nagbabanat ng buto para lang sayangin mo! Wala kang utang na loob."
Doon na bumigay ang aking mga luha.
"Pa, I'm sorry—"
"Hindi sorry ang gusto kong marinig mula sa 'yo, Zia Lynn. Ang gusto ko ay mangako ka sa amin ng Mama mo na hindi ka na makikipagkita sa lalaking iyon!"
Nahintakutan ako. Para rin akong sinasakal dahil sa aking narinig. Nakagat ko ang aking ibabang labi. Saglit akong bumalik-tanaw sa mga masasayang sandali namin ni Hugh. Ang masaya niyang mukha, ang matangos niyang ilong, ang mapupula niyang mga labi, higit sa lahat ang mga mata niyang malalim kung tumitig sa akin. Mariing tumututol ang puso ko na hindi ko na masisilayan ang mga iyon. Hindi ko kakayanin.
"Ano, Zia Lynn? Sumagot ka!"
"Nangangako po ako, P—papa."
Kasabay ng pagbigkas ko ng mga katagang iyon ay lumubog ang pag-asa nabuo sa aking puso dulot ng singsing na ibinigay sa akin ni Hugh. Ano pang silbi ng singsing na iyon gayong ako mismo ang unang sisira sa sinumpaan naming dalawa?
"Mabuti't nagkakaliwanagan tayo. Buksan mo ang mga mata mo, Zia Lynn. Iyang si Patrick alam kong may gusto sa iyo noon pa. Sana naman makita mo na ang isang katulad niya ang karapat-dapat sa 'yo. Hindi ang kung sinong ultimong trabahador lang."
"P—pero wala akong gusto kay Patrick, Papa," mahinang sagot ko. Kumurap ako para pigilan ang saganang pag-agos ng luha mula sa aking mga mata. Hindi ako makapaniwalang nagawa kong magbitaw ng pangako gayong nadudurog ang kaloob-looban ko.
Tumawa nang pagak si Papa.
"Ano'ng alam mo sa pag-ibig? Magbi-bente ka pa lang, Zia Lynn. Ang pag-ibig natututunan iyan, buksan mo lang ang mga mata mo kung sino ang karapat-dapat na pag-alayan mo. Huwag kang bulag. Dapat nga mahiya ka pa sa pagtitiyaga ni Patrick sa 'yo. Nais kong tanggapin mo siya at kapag yayain ka niyang magpakasal ay pumayag ka."
Naestatwa ako. Napasinghap si Mama, maging si Zabelle.
"Rosendo, bata pa si Zia Lynn. Magbo-board exam pa iyan."
"E 'di hintayin nilang makapasa siya sa board bago magpakasal. Pormal naman na lalaki si Patrick. At nakatitiyak akong mabibigyan niya ng magandang buhay si Zia Lynn."
Bumara sa aking lalamunan ang mga katagang gusto kong sabihin. Tila ayaw pang magproseso sa utak ko ang aking mga narinig mula sa sarili kong ama. Nabingi ako sa loob ng ilang segundo. Zabelle looked at me sympathetically. Si Mama naman ay napailing.
"K—kaya ko naman pong abutin ang magandang buhay na pinapangarap natin nang wala si Patrick," pagkuwa'y naimutawi ko. Ngunit halos wala nang boses na lumabas mula sa aking lalamunan.
"Huwag kang hibang, Zia Lynn! Papunta ka pa lang, kami ni Mama mo nakailang balik na. Hindi mo pa nga talaga naiintindihan ang totoong kahulugan ng buhay. Pero ito ang tatandaan mo, oras na malaman kong nakikipagkita ka ulit sa construction worker na iyon, hindi lang bugbog ang aabutin niya sa akin. Sisiguraduhin kong pagsisisihan niyang nakilala ka niya, at ikaw, palalayasin kita sa pamamahay na ito."
Kumalabog ang aking puso. Nilukob ako ng takot hindi para sa aking sarili kundi para kay Hugh. Nasaksihan ko na kung paano binugbog ni Papa si Hugh. At alam kong hindi malayong may magagawa pa siyang higit pa roon.
Ang tunay na pag-ibig ay nagsasakripisyo. Baka tama nga iyong mga nababasa ko sa mga libro at napapanood ko sa mga telenobela. Kaya't kahit mahirap, kahit imposibleng kakayanin ko ay pinilit kong huwag nang magpakita kay Hugh.
Nang sumunod na mga araw ay para lamang akong robot. Pinilit kong magpatuloy kahit na halos pinapatay ako ng pag-aaalala para kay Hugh. Hinayaan ko na rin si Patrick na ihatid at sunduin ako sa eskuwelahan.
"Hoy, babae! Baka naman may balak kang sabihin sa nobyo mo? Halos tadtarin niya na itong cellphone ko sa text at tawag. Nakikibalita sa 'yo!" bulalas ni Divina saka ibinalandra sa aking mukha ang kanyang cellphone.
Katatapos lang ng pagtuturo ko sa isang klase at kalalabas ko lang din ng Faculty room. Nag-usap din kami ng critic teacher ko.
Bumuntonghininga lang ako saka ipinagpatuloy ang pag-aayos ng mga papel na itsi-check ko mamayang gabi. Nagbigay kasi ako ng quiz kanina.
"Divina, please..."
"Hay naku. Galit ka pa ba dahil sa ginawa ko last time? Oo na, sorry na. Kasalanan ko rin partly iyong nangyari sa inyo ni Hugh. Kung hindi ako nakipagkuntsaba sa kanya, e 'di hindi ka sana niya dinala sa beach at binigyan ng singsing at nahuli ng Papa mo. Hindi sana siya nabugbog," talak ni Divina.
Saglit ko lang siyang sinulyapan saka ipinagpatuloy ang aking ginagawa.
"Ayaw ko nang pag-usapan iyon, Divina. Pakiusap."
Inikutan niya ako ng kanyang mga mata.
"So, ano'ng balak mo? Didedmahin mo lang siya, gano'n? Totoo bang nagpapaligaw ka na kay Patrick?"
Hindi ko siya sinagot. Hindi naman kasi ako sumang-ayon na magpaligaw kay Patrick, ngunit hindi rin ako tumutol na ihatid at sundo niya. That's the least thing that I can do to protect Hugh. Ayaw ko nang magbigay ng ideya kay Papa na si Hugh pa rin ang gusto ko.
"Kung tapos ka nang kainin 'yang fishball, tara uwi na tayo," yaya ko kay Divina bago tumayo.
"Hep, hep! Nangako ka sa 'kin kanina na sasamahan mo akong bumili ng art materials sa National Bookstore, 'di ba? Daan muna tayo saglit sa mall bago umuwi."
I sighed and nodded. Nauna na akong naglakad. Mayroong mall dito na may National Bookstore. Limang minuto lang ang layo kapag sakay ng dyip. Agad naman kaming nakasakay paglabas ng university. Hindi ko pa nakikita ang Multicab ni Patrick na nag-park sa bahaging lagi niyang tinatambayan. Bahala siya. Ayaw ko rin namang makita ang pagmumukha niya.
"Para po!" malakas na sigaw ni Divina pagkarating namin sa tapat ng mall. Pinandilatan ko siya dahil sa lakas ng kanyang boses.
Pagkababa namin ay may agad kaming dumiretso sa NBS. Bumili na rin ako ng ballpen saka isinabay ko iyon kay Divina sa cashier. Kakaunti lang ang pila kaya nakalabas kami agad. Hindi na rin kami naglibot sa mall dahil hapon na, baka hanapin ako sa bahay at pag-isipan na naman ng masama ni Papa.
Dahil one-way ang daan sa tapat ng mall ay kinailangan pa namin tumawid sa kabilang kalye para makalipat sa kabila at magbantay ng dyip pabalik. Dumaan kami ng overpass para makatawid.
Ngunit habang naglalakad kami'y bigla na lamang may humila sa akin sa gilid ng eskinita. Muntik na akong mapatili sa sobrang gulat.
"Hugh?"
Nanlaki ang aking mga mata. Si Divina ay napatigil din. Maging siya ay namilog ang mga mata.
"Grabe, ang bilis. Sabi ko lang sa mall kami ni Zia Lynn, nasundan mo kami agad," bulalas ng kaibigan ko. Ngunit hindi ko na iyon pinagtuunan ng pansin. Napako ang aking mga mata sa mukha ng lalaking pinakamamahal ko.
"Hugh, ano'ng nangyari sa 'yo?"
Diyos ko! Napaluha ako nang mapagtanto ko ang preskang mga sugat sa kanyang mukha. Putok pa ang kanyang ibabang labi. Ang ilalim ng kanyang mata at pisngi ay kulay ube. Kung titingnan ay parang kagabi lang nangyari ito sa kanya. Nataranta ako at sinipat ang kanyang kabuuan. Meron din siyang sugat sa likod ng kanyang kamay.
Nakipagsuntukan ba siya?
"S—sinong may gawa sa 'yo nito?" tarantang tanong ko. Imposible namang magkaroon siya ng galos sa kamao at braso gayong hindi naman siya nakipagsuntukan kay Papa. Saka ilang araw na iyon nangyari.
Ngunit imbis na sagutin ang tanong ko'y binato niya ako ng tanong.
"Totoo ba?" aniya. May namumuong lungkot at sakit sa kanyang mga mata habang nakatingin sa akin. Kinunutan ko siya.
"Anong ibig mong sabihin?"
"Totoo bang nagpapaligaw ka na sa Patrick na 'yon? Totoo bang sa kanya ka magpapakasal?"
Napasinghap ako't nagkatinginan kami ni Divina. Umiwas ako ng tingin. Para akong hinihiwa sa nakikita ko sa kanyang mukha ngunit hindi mawaglit sa isipan ko ang nangyari sa kanya.
"A—ako ang naunang nagtanong, Hugh. S—sino ang may gawa sa 'yo nito?" Umiwas siya ng tingin.
"Please, Hugh. Sabihin mo sa 'kin. May nambugbog ba sa 'yo?"
Huminga siya nang malalim. Mabuti na lamang at wala pang dumadaan na tao rito sa eskinita.
"Wala akong pakialam kung ipabugbog man ako ng Papa mo nang paulit-ulit, Zia Lynn. Kahit patayin niya ako, hindi ako natatakot. Hindi kita bibigyan ng dahilan para isipin mong hindi kita ipinaglaban. Mahal na mahal kita. Handa akong harapin ang lahat."
Tinitigan niya ako nang malalim. Bumigay ang aking mga luha. Binitiwan ko ang kanyang mga kamay saka umatras ng isang hakbang kahit pa nagtatanong ang kanyang mga mata dahil sa ikinilos ko.
"T—totoo bang magpapakasal ka kay Patrick?" muli niyang tanong.
I held my breath and looked at him from head to toe. Ngayon ko lang napagtanto na kaya ko palang isakripisyo ang sarili kong kaligayahan huwag lang siyang mapahamak. Kakayanin kong magkalayo kami pero hindi ko kakayanin kung may mangyari sa kanyang masama. Kaya kahit labag sa loob ko at mariing tutol ang puso't isipan ko'y dahan-dahan akong tumango sa kanyang tanong.
Napamaang siya't dumaan ang matinding sakit sa kanyang mga mata. Lalo akong nasaktan.
"K—kaya sana huwag ka nang magpakita sa akin, Hugh. Hindi tamang magkita pa tayo."
Akmang tatalikuran ko na siya nang hinawakan niya ang aking kamay.
"Ang singsing. Hinubad mo 'yong singsing," he almost whispered painfully. Nakamata lang sa amin si Divina na nagtutubig din ang mga mata.
"Umuwi ka na, Hugh..." nanghihina kong sambit.
"Hindi," mariin niyang tutol. Sabay kaming napasinghap ni Divina nang bigla siyang lumuhod sa aking harapan.
"Alam kong mahal mo ako, Zia Lynn," aniya. Sinubukan ko siyang hilahin patayo ngunit para lang akong humila ng isang sako ng palay. He did not even move a bit.
"Hugh, ano ba? Tumayo ka riyan! Umuwi ka na sa inyo, baka may makakita sa atin!"
"Utang na loob, Zia Lynn. Ipaglaban mo naman ako!" he begged on bended knees.
Bumuhos ang aking mga luha nang bigla niya akong niyakap sa aking mga tuhod.
Sunod-sunod akong umiling saka mariin siyang itinulak.
"Tanggapin na lang natin ang katotohanan na hindi tayo ang para sa isa't isa, Hugh. Si Patrick ang para sa akin. Marami ka pang makikilalang babae na mas bagay sa 'yo at kaya kang mahalin nang buong-buo. Hindi ko na kaya, nasasakal na ako sa 'yo. Pagod na pagod na ako sa katatago ng relasyon natin kaya nakikiusap ako, huwag ka nang magpakita pa."
I lied.
Kahit hindi ko alam kung papaano ako uusad nang wala siya sa buhay ko ay pinili ko pa ring itulak siya palayo. Iyon lang ang paraan ko para maprotektahan siya mula kay Papa.
Hindi ko lang inakalang iyon din pala ang huling araw naming pagkikita.
©GREATFAIRY
Bạn đang đọc truyện trên: ZingTruyen.Xyz