Chapter 3
CHAPTER 3
"TEKA, sandali! Magdahan-dahan ka naman, Zia Lynn!"
Kandatakbo ako patungo sa gate na nasa kabilang dulo ng university. Hindi ko na rin napansin na kinakaladkad ko na pala si Divina. Pareho kaming naghahabol ng hininga pagkalabas ng gate. Daig pa namin ang nag-marathon.
"Grabe ka! Kung makatakbo ka naman para kang kriminal na hinahabol ng mga pulis! Nasira tuloy ang poise ko! Kaloka kang babae ka!" reklamo ng kaibigan ko. I just stared at her apologetically. Inikutan niya ako ng kanyang mga mata.
"Naku naman, Besh! Hindi ka ba naaawa ro'n kay Hugh? Naghihintay 'yong tao sa 'yo pero pinagtataguan mo!"
Biglang may kumurot sa aking puso nang maalala ko ang mukha ng lalaking pinakamamahal ko. Ngunit wala na akong pamimilian dahil mas hindi ko kakayanin kapag tuluyan kong tutuldukan ang aming relasyon. Hindi ko siya kayang hiwalayan. Sa ngayon ay ito lang ang naiisip kong solusyon. Saka ko na lamang iisipin ang maaaring ipapaliwanag ko kay Hugh.
"Hindi ito ang tamang panahon para unahin ko ang aking sarili, Divina. Kaya kong tiisin na hindi siya makaharap at makausap, ngunit hindi ko kayang tiisin kapag tuluyan siyang mawawala sa akin."
Hinawakan ako ni Divina sa kamay saka pinisil iyon.
"Nakikiramay ako sa puso mo, besh. Sa puso mong dumurugo dulot ng pagkabigo—aray!" Ikinumpas niya ang kanyang kamay sa ere na parang makata. Binatukan ko siya.
"Tigilan mo ako. Tara na. Umuwi na tayo bago pa tayo makita ni... ni Hugh." Halos hindi ko mabigkas ang huling salita. Labag man sa aking loob ay kailangan ko itong gawin para sa aming dalawa. Patawarin niya sana ako sa nagawa ko sa kanyang ngayong araw.
"Whatever! Sabi mo, eh. E, 'di tara na. Basta ang masasabi ko lang, kapag si Hugh nagsawa sa paghihintay sa 'yo, huwag kang iiyak kung makahahanap siya ng iba, ha?"
I felt like my heart stopped beating for a second. Nanghina ang aking mga tuhod at napatigil sa paglalakad.
Kakayanin ko bang mapunta sa iba ang nag-iisang lalaking minahal at minamahal ko?
"Uy, affected! Ito naman, hindi na mabiro. Alam naman nating pareho kung gaano ka patay na patay sa 'yo iyong si Hugh. Kaya malabong mahumaling iyon sa iba. Ikalma mo na ang heart mo, besh."
Sinamaan ko ng tingin si Divina.
"Hindi magandang biro 'yon, Divina!"
Pagkarating ko sa bahay ay naabutan ko si Mama na nagtutupi ng mga damit. Si Zabelle ay nasa kusina, nagsasaing. Ang bunso naming si Zac ay nasa lapag, sumasagot ng assignment. Grade five na siya, samantalng si Zabelle ay nasa ikatlong taon na sa high school.
Nagmano ako kay Mama bago pumasok ng kuwarto para magpalit ng damit.
Kinuha ko ang cellphone sa loob ng aking bag. Nagulat ako nang makitang mayroon 5 messages received. Nang tingnan ko'y puro galing lahat kay Hugh.
Mahal? Nasaan ka? Anong oras ka uuwi?
Napatakip ako ng sariling bibig. Parang nilalatago ang aking puso. Tama ba ang ginawa kong pag-iwas sa kanya? Natakot lamang akong magpakita sa kanya dahil baka muling makarating kay Papa na nagkita kami. Agad akong nagtipa ng reply.
Nakauwi na ako, kanina pa.
Wala pang sampung segundo pagkatapos kong mai-send ang message ay agad na lumabas sa screen ng cellphone ang pangalan niya.
Tumatawag siya!
Nataranta ako't naihagis ko ang cellphone. Mabuti na lang sa loob ng bag tumilapon. Muli ko iyong kinuha at tiningnan. Sinasadya kong naka-silent ang cellphone para hindi malaman ng mga tao rito sa bahay na may ugnayan pa kami ni Hugh.
Hindi ko rin puwedeng sagutin ang tawag niya sapagkat tiyak na maririnig nila Mama sa labas. Maliit lang ang bahay namin at tanging manipis na plywood lang nakapagitan sa dalawang silid saka sa maliit naming sala.
Tumigil na ang pagtawag niya makalipas ang ilang segundo. Ngunit muling pumasok ang isang mensahe.
Mahal? Bakit hindi ka man lang nagsabi na maaga ka palang uuwi ngayon? Sayang, gusto kasi sana kitang makita. Nami-miss kasi kita.
Walang ibang pumasok sa isip ko kundi ang paulit-ulit na paghingi ng sorry sa kanya kahit na hindi kami magkaharap. Napatitig ako sa screen ng cellphone bago ito iniyakap sa aking dibdib. I held my eyes close. Sana maintindihan niya ako.
Simula bukas huwag mo na akong sunduin sa eskuwelahan. Huwag na muna tayong magkita.
Pikit-mata kong pinindot ang keypad para mai-send ang mensahe. Tumingala ako at nagparoo't parito sa loob ng kuwarto habang naghihintay ang kanyang reply. Iniyakap ko sa aking dibdib ang cellphone. Nanginginig ang aking mga kamay at hindi mapalagay ang aking loob.
Ngunit nanlaki ang aking mga mata nang muling rumihestro ang kanyang pangalan sa screen ng cellphone.
Tumatawag siya!
Napaluha ako sapagkat hindi ko alam ang aking gagawin. Hindi ko talaga puwedeng sagutin ang tawag dahil maririnig nila ako mula sa labas ng kuwarto.
I held my breath and slowly pressed the button to answer the call. Ngunit pigil-hininga rin ang aking ginawa para hindi umalpas sa aking lalamunan ang isang hikbi. Itinapat ko sa aking tainga ang cellphone.
"Mahal? Bakit ayaw mo nang sunduin kita? May nangyari ba? May mali ba akong nagawa? Nagtatampo ka ba sa 'kin?" sunod-sunod niyang tanong mula sa kabilang linya. Kahit hindi ko siya nakikita ay ramdam ko ang kanyang kaba at pagkalito.
"Kaya ba hindi mo na ako hinintay kanina? Kaya ka ba umuwi nang maaga? Ayaw mo ba akong makita? Sabihin mo, mahal. May nagawa ba akong mali?"
Napatakip ako sa aking bibig.
Kung alam mo lang, Hugh. Gustong-gusto kitang makita at makasama. Ngunit natatakot ako.
"Mahal? Bakit hindi ka nagsasalita? Galit ka ba sa 'kin? Pakiusap, huwag naman ganito. Kausapin mo naman ako, oh. Ano'ng puwede kong gawin para mapatawad mo ako sa kung anuman ang kasalanan ko? Sabihin mo lang, mahal. Kahit ano, gagawin ko."
Wala kang kasalanan, Hugh. Sadyang nasa maling panahon lang tayo nagkakilala at nagmahalan. Kaya gustuhin ko mang ipaglaban ka, magiging mali ito. Sana magawa mo akong hintayin.
"Mahal?"
His pleading voice wrecked my defenses. Napasalampak ako sa lapag. I buried my face into my palms.
Sinikap kong hindi makagawa ng anumang ingay. Nang mahimasmasan na ako'y nakita kong hindi pa rin namamatay ang tawag kaya kusa ko na iyong pinatay. Ngunit pagkatapos noo'y pumasok na naman ang mga mensahe.
Labag man sa aking loob ay pinatay ko ang cellphone saka tinanggalan ng baterya.
Halos magdamag kong iniyakan nang palihim ang nangyari sa akin. Mabuti na lamang at hindi namin kasalo si Papa sa hapag noong hapunan. At kahit wala akong ganang kumain ay pinilit ko ang aking sarili. Ayaw kong magkaroon ng ideya si Mama na masyado akong apektado sa relasyon namin ni Hugh. Ayaw kong pati siya ay tuluyan nang mawalan ng tiwala sa akin.
Kahit halos maghahatinggabi na ako nakatulog ay maaga pa rin akong nagising. Mga alas singko pa lang ay bumangon na ako.
Naabutan ko sina Mama at Papa na nagkakape sa kusina.
"Mabuti naman at gising ka na, Zia Lynn. Magsaing ka na at maaga pa papasok sina Zabelle at Zac. Pareho silang may second grading exam ngayon. Huling araw na raw. Sa susunod na linggo semestral break na rin nila. Mabuti na iyon at makatulong na kayo rito sa bahay."
"Sige po, Ma."
Yumuko ako habang naglalakad kaya't muntik na akong mabunggo sa pintuan papuntang kusina.
"Tumingin ka kasi sa dinadaanan mo, Zia Lynn. At huwag mo nang itago iyang namumugto mong mga mata. Ano? Iniyakan mo ba ang lalaki mo?"
Dumagundong ang boses ni Papa kaya't napatigil ako.
"Rosendo, ano ba? Ang aga-aga," saway ni Mama si kanya. Nanatili akong nakatalikod sa kanilang direksyon.
"Nakipaghiwalay ka na ba sa kanya kaya magdamag kang tumangis?"
Naestatwa ako sa aking kinatatayuan.
"Huwag mong sayangin ang luha mo sa lalaking kagaya niya. Maganda ka at magtatapos na ng kolehiyo. Marami ka pang makikilala na mas karapat-dapat sa isang kagaya mo, Zia Lynn. Maging praktikal ka dahil bata ka pa. Para rin sa kinabukasan mo 'yang pinapayo ko sa 'yo kaya gamitin mo ang utak mo."
Nakita ko sa gilid ng aking mga mata kung paano siya pigilan ni Mama na makapagsalita pa.
"Opo, Pa. Huwag ho kayong mag-alala, hiniwalayan ko na siya."
"Mabuti kung gano'n. Isang semester na lang at magtatapos ka na sa kurso mo. Mag-enrol ka kaagad sa Review Center para sa Licensure Exam mo."
"Oho, Pa."
Tumikhim si Mama saka pinandilatan ako. Kaya napilitan akong tingnan si Papa habang sumisimsim ito ng kape mula sa kanyang mug. Kahit na kaka-singkuwenta lang niya'y may mga puti nang bahagi sa kanyang buhok. Halatang luto sa pagtatrabaho. At kahit na may marka ng kahirapan ay mababanaag pa rin ang awtoridad sa kanyang mukha.
"Sige na, Zia Lynn. Magsaing ka na. Babalik ka ba ng eskuwelahan ngayon?"
"Oho, Ma. May dalawang pirma pa akong kulang sa clearance ko. Wala kasing signatory kahapon. Tatapusin ko na ho ngayon para hindi na ho ako mahirapan sa enrolment sa susunod na lingo."
"Mabuti kung gano'n."
Kahit tumalikod na ako'y ramdam ko pa rin ang mapanuring tingin ni Papa. Sa wari ko'y tinitimbang niya kung totoo ang mga ipinapakita ko.
Hindi ko alam kung papalakpakan ko ba ang aking sarili dahil hindi ako nautal sa harap ni Papa o babatukan dahil isang malaking kasinungalingan ang aking mga sinabi. Baka tama si Divina. Baka kailangan ko na talagang kausapin si Hugh at ipaliwanag sa kanya ang lahat ng nangyayari.
Diyos ko, patawarin Ninyo ako.
Ayaw kong magsinungaling sa mga magulang ko dahil napakabigat sa aking loob. Ngunit hindi ko rin alam kung papaano ko muling bubuuin ang aking sarili kung sakaling tuluyang mawalay sa akin ang tanging lalaking minamahal ko.
. . .
"YES! Sa wakas, natapos na rin nating papirmahan itong clearance na 'to! Nakakaloka talaga."
Pinaypayan ni Divina ang kanyang sarili gamit ang folder na may lamang clearance. Kalalabas lamang namin ng Office of the Students' Affairs dahil nagpapirma kami sa Dean.
"So, ano ba 'yan? See you next week sa enrolment naman?"
Napatingin ako sa kalangitan. Hindi mainit, hindi naman gano'n kakapal ang mga ulap. Sadyang makulimlim lang talaga. Hindi makapagbigay ng matinding liwanag ang araw sapagkat may nakaharang na mga puting ulap.
Just like the gloomy sky, I can't completely say that I am happy. Nagpapasalamat akong natapos ko ang isang semester sa huling taon ko sa kolehiyo nang walang bagsak na grado ngunit malaking espasyo pa rin ang puwang. At batid ko na kung sino iyon.
"Diyos ko, nakakaloka. Alam mo 'yong semestral break na 'yan, isang malaking scam sa ating mga college students kasi naman wala naman tayong break. Kasi sa pila palang ng issuance ng registration form at pila sa enrolment, blockbuster na. Kaya mabuti na lang at natapos na natin itong clearance para wala na tayong problemahin next week. Teka, nakikinig ka ba?"
Bahagya ko lang sinulyapan si Divina. Inikutan niya ako ng kanyang mga mata.
"Daldal ako nang daldal dito, ikaw lutang. Mukha kang namatayan. 'Yong totoo, Zia Lynn? Okay ka lang ba?"
Umiling ako saka kinagat ang aking mga labi. Isang araw ko palang hindi nakakausap si Hugh ay parang nababaliw na ako sa sobrang sabik na makita siya. Kaya paano ko paninindigan ang mga sinabi ko kanina sa kanila ni Papa?
"Ah, mukhang alam ko na kung bakit mukha kang nalugi ng limang bilyon sa lotto. Si Timothy Hugh 'yan, 'no?"
I remained silent and continued walking towards the school's exit gate. Ngunit gaya ng puso ko'y walang kabuhay-buhay ang aking bawat hakbang. Hindi ko na muling binuhay ang cellphone ko buhat nang tanggalan ko iyon ng baterya kahapon. Iniwan ko na rin sa ilalim ng mga nakatuping damit sa loob ng aparador sa bahay.
"Alam mo, Zia Lynn, tigilan mo ako sa kadramahan mo. Iiwas-iwasan mo 'yong tao tapos hindi mo rin pala kaya. Kung ako sa 'yo, kausapin mo na. Huwag kang mag-alala, akong bahala mag-cover sa inyo kila Tito Rosendo."
Bumuntonghininga ako. Hindi matanggal sa isip ko kung ano na ang nangyayari kay Hugh pagkatapos ko siyang patayan ng cellphone kahapon.
"Ano, Besh? Game ka?"
"Pero paano naman mangyayari iyon, Divina? Ni hindi ko nga alam kung nasaan siya ngayon."
"Naku, Besh. Hindi mo na siya kailangang hanapin. Ayan siya, oh."
Biglang bumilis ang aking puso at napatigil sa paglalakad sa labas ng gate. Unti-unti kong inangat ang aking paningin sa inginuso ni Divina.
Nagsilaglagan ang aking mga luha nang magtagpo ang aming mga mata.
"Hugh..." mahinang anas ko.
Namumula ang kanyang mga mata, na animo'y walang tulog. May bitbit na naman siyang tatlong tangkay ng preskang mga rosas. Sa kabilang kamay ay ang helmet ko.
"Mahal."
Nagliwanag ang kanyang mukha nang mapagtanto niyang nakikita niya ako. Mahinang siniko ako ni Divina.
"Lapitan mo na."
Sinamaan ko ng tingin ang bestfriend ko nang pasimple pa niya akong itinulak palapit kay Hugh.
"Mahal!"
The next thing I knew, I was already caged in his arms. Napapikit ako. Ito na nga siguro ang tamang pagkakataon. Pero wala namang masama kung pagbibigyan ko muna ang sarili ko, 'di ba? Kahit ngayong araw lang.
"I'm sorry, Mahal. I'm sorry sa nagawa ko. Akala ko hindi ka na magpapakita sa 'kin."
His voice cracked and he even hugged me tight. Mabuti na lamang at wala pang masyadong taong nakalabas ng eskuwelahan.
Hinayaan kong magsilaglagan ang aking mga luha. I missed him so much! Bigla akong tinablan ang matinding konsensya sapagkat ako ang dahilan kaya't wala siyang maayos na tulog. Lalo pa akong kinakain ng konsensya sapagkat imbis na ako ang humingi ng patawad ay siya pa ang gumawa.
Diyos ko, paano ko naman pakakawalan ang lalaking ito kung ang isang araw pa lang ay parang pinapatay na ako?
"Babawi ako sa 'yo, Mahal. Pangako 'yan. Hmm? Huwag mo lang ulit ako ignorahin. Hindi ko kaya kapag hindi mo ako pinapansin."
He held my chin and examined my face.
"Mahal? Bakit ka umiiyak? I'm sorry, okay? Hindi ko na ulit pasasamain ang loob mo—"
Sunod-sunod akong umiling. "Wala kang kasalanan, Hugh. H—hindi ako galit sa 'yo."
He blew a deep breath. Na para bang nabunutan ng malalim na tinik.
"Hindi ako nakatulog sa kaiisip kagabi. Akala ko galit ka sa 'kin." His deep stares made me even weak. Paano ko sasabihin sa kanyan ang pakay ko gayong sa mga titig niya pa lang ay natutunaw na ako. Kapag kasama ko siya pakiramdam ko'y kaya kong harapin ang lahat.
"Ehem..."
Pareho kaming napalingon ni Hugh kay Divina. Nakahawak ito sa kanyang dibdib habang sunod-sunod na nagkukunwaring nabilaukan. Patay-malisya niya rin akong pinandilatan.
"Alam ko kailangan ninyong mag-usap. Pero hindi ito ang tamang lugar. Alam mo 'yan, Zia Lynn."
I literally froze for a couple of seconds.
Hugh was holding my hand tightly. Inabot niya sa akin ang bulaklak na agad ko namang tinanggap.
Tumikhim ako.
"Uhmm, puwede ba tayong mag-usap, Hugh?" Bumalatay ang takot sa kanyang mga mata ngunot agad din iyong nawala at napalitan ng ngiti.
"Ang seryoso mo, Mahal. Gutom ka ba? Ang mabuti pa, kumain tayo sa paborito nating karinderya."
Napabitaw ako sa kanyang kamay na siyang ikinabigla niya.
"Bakit, Mahal? May problema ka ba?"
Umiwas ako ng tingin. "Wala."
Mahina siyang tumango. "Pero bago tayo umalis. Puwede bang payakap ulit ng isa? Kukuha lang ako ng lakas. Magda-drive ako ng motor, 'di ba?"
Hindi pa man ako nakasagot ay muli niya akong ikinulong sa kanyang mga bisig. Nakangiting-aso naman sa gilid si Divina.
Pumikit ako at dinama ang kanyang yakap. Hindi ko alam ngunit nakasanayan ko na ang amoy ni Hugh. At mukhang pati ang amoy niya'y mahal na mahal ko na rin kaya tiyak na isa iyon sa hahanap-hanapin ko.
I hugged him back. Gusto kong pagbigyan ang sarili ko kahit ngayong araw lang.
Ngunit tila pinagsakluban ako ng langit at lupa nang may dumagundong na boses mula sa likod.
"Ano'ng ibig sabihin nito, Zia Lynn?"
©GREATFAIRY
Bạn đang đọc truyện trên: ZingTruyen.Xyz