ZingTruyen.Xyz

My Supah Love Completed


Nakarating sa mga kasamahan nila ang mainit na halikang iyon. Lalo silang naging tampulan ng tukso sa supermarket. Kung gaano kainit ang loveteam nilang dalawa, kabaliktaran naman ang nangyari sa pagitan nila. Kung dati ay nakakapag-usap pa sila nang matino kahit papaano, ngayon nama'y pulos angil na lang at sigawan sila sa isa't isa.

"Ren, ano ka ba? Sa iyo nakatoka ang isle number 14! Ba't halos bakante ang mga shelf do'n?" tungayaw ni YZ isang umaga.

"Ba't hindi mo punuin kung gusto mo?" asik naman sa kanya nito at tumalikod na.

"Hoy! Saan ka pupunta? Iiwan mo na naman ba ang trabaho mo rito?"

Hahabulin pa sana ni YZ ang binata, pero may napa-ehem sa kanyang likuran. Dumaan ang tsismosong guwardiya na si Kardo. Tinapunan niya ito nang masamang tingin sabay sabi ng, "Isa ka pa!"

"O, ba't naman ako nasali diyan?" ngingisi-ngising sagot nito.

Inirapan lang siya ni YZ at tinalikuran. Nagdabog itong pumunta sa stock room para maghakot ng pang-display.

Akala ng dalaga, matatapos ang araw na iyon na walang mangyayari kundi bangayan nila ni Ren. Pero nang hapong iyon ay may dumating na bisita. Hinahanap ang kumag. Pagkakita ni YZ sa babae, kaagad siyang nanliit sa sarili. Ang sabihing maganda ang bisita ay parang kulang. Napakaputi nito at napakakinis. Samantalang siya'y makinis lang. Ang elegante pa manamit. No'ng una, akala nilang lahat ay Koreana ito. Kaya marami sa kanila ang bumati dito ng annyeonghaseyo. Pero ngumiti lang ito sa kanila at nagsabing hindi siya Koreana. Nang malaman ng mga kalalakihan sa supermarket na isa itong Haponesa, may mga nagpakitang-gilas. Binati siya ng, "Konnichiwa!" na sinagot naman ng babae ng matamis na ngiti sabay tango. No'n naman lumitaw buhat kung saan si Ren. Pagkakita sa bisita, yumuko ito nang bahagya at nagsalita na ng Japanese.

Dahil sa pagdating ng magandang babae, lumabas na naman ng supermarket si Ren. Ni hindi nga nagpaalam sa kanya na siya ang lider ng grupo nila. Tuloy ay inulan na naman siya ng panunukso. Paano raw ba iyan at dumating yata ang tunay na girlfriend ng sinosyota niya?

"Tigilan n'yo nga ako! Ba't hindi na lang kayo bumalik sa mga trabaho n'yo?" asik niya sa mga kasamahan, pero sa loob-loob niya'y may naramdaman siyang kakaiba. Nagseselos ba siya? Pinilig-pilig niya ang ulo. Hindi niya dapat pag-akasayahan ng panahon ang dalawang iyon. Obviously, may girlfriend na pala ang kumag. At kahit sabihin pang shelf stocker lang ito, mataas din pala ang pangarap. Mukhang disenteng babae kasi ang nabingwit niya. Pero sa isang banda, naisip din ni YZ na kahit naman ordinaryong Hapon ay gano'n talaga manamit. Ang kuwento nga ng isa nilang kapitbahay na nakapag-Japan, ordinaryo raw sa mga kababaihan doon ang magsuot ng mga branded clothes dahil sa laki raw ng kinikita nila. Kaya kahit mga ordinaryo lang ang trabaho ay kaya nilang bumili ng mga may tatak.

Napabuntong-hininga siya. Paano ba naman ito? Kahit ang isang hamak na shelf stocker ay ayaw din sa kanya. Magtu-twenty na siya sa susunod na buwan. Pero ni minsan ay hindi pa nagkanobyo. 'Ika nga never, been kissed, never been touched. Ay mali. Nahalikan na pala siya. Pinamulahan siya ng mukha nang maalala ang mainit na halikan nila ni Ren.

**********

Katatapos lang ng magarbong kasalan ng Ate Caroline niya nang mag-anunsiyo naman ang kanyang Ate Claire na nagpaplano na rin itong lumagay sa tahimik. Napagkasunduan na raw nila ng kanyang boyfriend na magpakasal pagkatapos ng graduation. Ilang buwan na lang iyon. Tulad ng reaksiyon ng ina nang magsabi ang kanyang Ate Caroline na mag-aasawa ito, nagtungayaw din ito kay Claire. Pero nang makita nang personal ang mamanugangin at ang pamilya nito, nagbago rin ang isip.

"Distributor sila ng Honda Civic dito sa atin, Mommy. At hindi lang iyan, mayroon din silang beach resort sa Camiguin at sa isla ng Boracay. Dinig ko nga sa parents ni Alfred, may mga palaisdaan pa sila sa Batangas at Iloilo," pagmamayabang pa ni Claire.

"Mukha ngang ang yaman, anak. Sa tindig pa lang ni Alfred, halata na. Hay naku! Hindi na naman matutupad ang pangarap kong maging ina ng isang beauty queen. Pero ganunpaman, natutuwa ako't mapupunta ka rin sa isang magandang pamilya. Solong anak ang nobyo mo kaya solong-solo n'yo ang mamanahin niya sa kanyang mga magulang," natutuwa namang sagot ng mommy nila.

Napakamot-kamot na lang sa ulo si YZ. Dahil sa pag-aasawa ng dalawang kapatid, natitiyak niyang siya na ang susunod na pagdiskitahan ng mga kamag-anak nila.

"Nandiyan pa naman si YZ, Mom, e. Ba't hindi na lang siya ang i-train n'yo sa mga beauty contests na iyan?" sabat naman ni Caroline na sinegundahan naman ni Claire.

"Ako nga'y tigil-tigilan n'yong dalawa? Paano ko naman isasali ang kapatid n'yo, aber?"

Nainis si YZ. Hinarap nito ang ina at sinabing, "Mom baka hindi n'yo ho ako nakikita, nandito pa ho ako sa harapan n'yo." Kasabay no'n tinalikuran na niya ang tatlo. Narinig niya ang pabungisngisan ng dalawang kapatid. Lalo siyang nanggalaiti.

**********

Dahil bad mood nang umagang iyon, pumasok siyang nakasimangot. Kung bakit sa lahat ng madadatnan niya sa supermarket ay si Ren pa agad ang nakasalubong niya.

"Hindi bagay sa iyo ang nakasimangot. Lalo kang pumapanget!" pang-aalaska nito agad.

"Nagsalita ang guwapo!"

Hinarap siya nito at ngumiti nang abot-tainga.

"At long last, inamin mo ring naguguwapuhan ka sa akin."

Lalong naningkit ang mga mata ni YZ sa narinig. "Hindi ka nakakaintindi ng sarcasm, ano? Ang hina pala ng kukote mo!"

May napa-ehem. Lumitaw na naman si Kardo.

"Ang aga-aga, lover's quarrel agad?"

"Ikaw Kardo, ha? Hindi ka na nakakatuwa! Binubwisit mo ang araw ko," at dinabugan sila pareho ni YZ. Pumasok na sa loob ng stock room ang dalaga at sinimulan nang inspeksyonin ang idi-display na paninda. Nakatuwad siya habang inuurirat ang mga karton ng biscuits nang may maramdamang kumikiskis-kiskis sa likuran niya. Paglingon niya nakita niya ang nakangising-manyakis na si Domeng. Humihimas-himas pa ito sa pangharap niya. Napahumindig siya nang ma-realize kung ano ang ginawa nito. At kasabay no'n lumagapak ang mag-asawang sampal sa pisngi nito.

Nanlisik ang mga mata ni Domeng at inagaw kaagad ang kamay niyang nanampal. Pinilipit nito iyon sa kanyang tagiliran at sinunod ang isa pa bago dahan-dahang bumaba ang mukha nito sa kanyang mukha. Napaatras naman siya at nilayo ang mga labi sa kaharap. Nang halos sumayad na ang nguso nito sa mga labi niya, may bigla na lang humablot sa lalaki. Nakita na lang ito ni YZ na nakangudngod na sa sementadong sahig. Nang mapatingin siya sa rescuer niya, nagulat siya. Si Ren!

"Ba't ba nakikialam ka sa lampungan namin ni YZ? Hindi mo ba alam na hindi lang ikaw ang nilalandi ng babaeng iyan? Matagal na rin namin itong ginagawa para malaman mo!" tungayaw ni Domeng.

"Ows? Talaga? E bakit parang sukang-suka siya sa pagmumukha mo?" nakangisi namang sagot ni Ren sa lalaki. Tumayo na ito sa harapan ni Domeng.

"Kunwari lang iyan. Tulad ng nangyari sa inyo, alam kong masasarapan din siya kapag naramdaman na niya ang ano ko sa ano niya!"

Nagpanting ang tainga ni YZ sa narinig. Pinatabi niya si Ren at buong lakas na tinadyakan ang pagitan ng hita ni Domeng. Namilipit ito sa sakit. Tumawa naman nang malakas si Ren.

"Nakalimutan ko palang sabihin sa iyo, pare. Magaling siya diyan!"

Tinapunan ito nang masamang tingin ni YZ, pero ngumisi lang at tumalikod na rin. No'n naman pumasok si Kardo at inalam kung ano ang nangyari.

"Pareng Domeng naman! Hindi ba't may asawa't anak ka na?"

Tinulak ito ni Domeng bago galit na sinundan si Ren. Hinarap naman ni Kardo ang namumula sa galit na si YZ.

"Tingnan mo na ang muntik nang mangyari sa akin dahil sa pagiging tsismoso mo. Muntik na akong gahasain ng panget na Domeng na iyon!"

"Kung makapagsalita ka naman, akala mo naman diyosa ka. Maawa ka naman do'n sa tao. Baka masyado lang nag-init sa alindog mo," at tatawa-tawa itong tumalikod. Hinabol pa sana ito ni YZ para hampasin, pero mabilis itong nakalayo.

Paglabas niya, naabutan niyang sinisita ni Domeng si Ren. Nakakatuwa ang hitsura nilang dalawa. Ang lakas ng fighting spirit ng hunghang na Domeng. Paano siya nagkaroon ng ganoong lakas ng loob manita sa taong halos isang talampakan ang tinangkad sa kanya? Hindi naman niya nakitaan ng kahit kaunting pagkabahala si Ren kahit dinuru-duro siya ni Domeng..

"Tandaan mo ito, pare. May araw ka rin sa akin. Huwag kang magmayabang na kamag-anak mo ang may-ari nitong supermarket dahil wala akong pakialam do'n! Hindi ako pasisindak sa hambog na Hapong katulad mo!"

"Ano kamo, Domeng?" sabat ng dumaan na si Mrs. Reyes.

Biglang naging maamong tupa ang hitsura ni Domeng. Magalang itong bumati sa supervisor. Hindi naman siya pinansin ng matanda. Binalingan nito si Ren at inalama kung ano ang problema.

"Wala ho, Mrs. Reyes. Nagbibiruan lang po kami. Sige po," at umalis na rin ito para magtungo sa isle na nakatoka sa kanya. Tahimik na ring bumalik sa trabaho si YZ, pero naging palaisipan sa kanya kung bakit siya pinagtanggol ng kumag. Kahit papaano, she felt good. Pero bago pa siya mangarap ng kung anu-ano, ni-remind niya ang sarili na may nagmamay-ari na sa puso ni Ren. Huwag mong sabihing pinagpapantasyahan mo ang shelf stocker na iyon? Mahiya ka sa kaluluwa mo, YZ! Ano na lang ang sasabihin ng mommy mo kung magdala ka sa inyo ng isang palamunin katulad ng Haponitong iyon?

Pinilig-pilig niya ang ulo at isinantabi ang maamong mukha ng binata. Pero maya't maya'y napapadaan ito sa harap niya para tumulong sa pagdi-display ng mga paninda kaya nasisira rin ang diskarte niya. Imbes na makalimutan ang pantasya lalo lamang iyong tumitibay lalo pa't nalalanghap niya ang pabango nito. Nangunot ang noo niya. Pamilyar kasi sa kanya ang perfume na iyon. Nalanghap na niya iyon minsan sa isa sa mga manliligaw ng Ate Caroline niya. Ang alam niya, mamahalin ang pabangong iyon. Anak ng milyonaryo lang naman ang huli niyang naamuyan no'n. Napatingin tuloy siya kay Ren. Nahuli niya itong nakatingin sa kanya. Pero mabilis itong umiwas nang magtama ang kanilang paningin.

"Ano'ng tinitingin-tingin mo?" kunwari'y naiinis niyang tanong. Pero sa loob-loob ay nakaramdam siya ng kung ano dahil tinitingnan din pala siya ng kumag.

"Wala," tipid nitong sagot habang nagdi-display ng mga produkto.

"Anong wala? Naabutan kaya kita. Kunwari ka pa diyan!"

Binitawan ni Ren ang karton ng mga biscuits at lumapit sa kanya. Nilagay pa ang isa nitong braso sa ibabaw ng estante na nasa bandang ulohan lang niya.

"Bakit, ano ba sa tingin mo? Akala mo nagpapantasya ako sa iyo? Gano'n?" pang-iinis nito sa kanya. Halos gahibla na lang ang layo ng mukha nito sa mukha niya. Nataranta siya agad. Hindi siya nakasagot, pero awtomatikong tumukod ang dalawa niyang kamay sa dibdib ni Ren para sana itulak ito. Kaso nga lang parang nagustuhan ng mga ito ang init na nagmumula sa katawan ng lalaki kaya imbes na itulak ito nagmukhang hinaplos-haplos lang niya ito sa dibdib. Nakita ng dalaga na parang napakurap-kurap ito at nawala ang inis sa mukha. Nang magtama uli ang kanilang mga mata, lalong nanuyo ang lalamunan niya. Napaatras lang sila pareho nang may tumikhim sa kanilang likuran. Si Mrs. Reyes pala. Nagpalipat-lipat ang tingin nito sa kanila bago nito tinawag ang binata.

"May tawag ka sa telepono."

Nang maramdaman ni YZ na lumapit na ang ginang, nagbisi-bisihan siya para hindi siya mapatingin dito.

"Gusto ko lang malaman mo na may nobya na si Ren at ikakasal na sila sa katapusan ng taon. Baka kasi umasa ka pa."

Nayanig sa narinig si YZ, pero hindi siya nagpahalata.

"A-Ano naman ho ang pakialam ko do'n? Kahit may asawa pa ho ang damuhong iyon ay walang kaso sa akin."

Tiningnan siya nang matiim ni Mrs. Reyes bago ito tahimik na umalis. Napahawak sa dibdib ang dalaga nang masiguro niyang nag-iisa na lamang siya. Nang mag-sink in ang sinabi ng matanda, bigla siyang nalungkot. Kahit pala shelf stocker lang, hindi pa rin pala pupwede na maging kanya. Hay buhay.



Bạn đang đọc truyện trên: ZingTruyen.Xyz