ZingTruyen.Xyz

Lipstick Lullaby

May ngiting umukit sa mga labi ko habang pinagmamasdan ang mga gamit ni baby na katatapos ko lang ayusin dito sa kwarto. May mga damit na siya, lampin, at kung anu-ano pang pwede niyang kailanganin. Pinagtulungan din ni Migs at Ninang na buuin kahapon yun exchanging table ni baby at sabi ni Migs bibilhan daw siya ni Lola at Lolo niya ng crib.

"Ang ganda-ganda talaga ng mga gamit ni baby, puro mamahalin. Samantalang dati si Cosme nasa lumang duyan lang." Natatawang sabi ni Yuka habang tinutulungan ako magsalansan ng mga damit ni baby. "Saka, Ate, natatandaan mo mukhang basahan na yung mga damit niya kasi yun yung mga damit na ginamit natin noong baby pa tayo. Ang swerte-swerte talaga ni baby."

"Buti na lang mabait ang tatay nitong si baby at hindi tayo pinabayaan." Nakangiting sabi ko.

"Gusto ko din makahanap ng katulad ni Kuya Migs, Ate. Okay lang kahit maging kabit ako o pangit yung lalaki kahit nga DOM papatulan ko, basta mayaman. Gusto kong mabili lahat ng damit na mamahalin, lahat ng gamit, lahat ng bagong gadgets. Gusto kong magtravel sa iba't-ibang bansa." Nangingislap pa ang mga matang sabi ni Yuka habang nangangarap ang gaga. Halos kita ko na nga ang peso sign sa mga mata niya.

"Hoy! Ano'ng pinagsasabi mo d'yan?" Hinapas ko ng slight ang likod ng ulo niya. "Mag-aral kang mabuti para magawa mo yung mga yun. Hindi yung kung anu-anong iniisip mo. Pinag-aaral ka na nga ng Kuya Migs mo sa magandang eskwelahan tapos ang pangarap mo lang makahanap ng DOM? Pag ikaw narinig ni Ninang, nako!"

"Ate, hindi naman lahat ng nakakatapos, yumayaman. Eh di sana marami nang mayaman dito sa Pilipinas. Kailangan kong maging practical. Maganda naman ako, pwede kong gamitin ang ganda ko katulad ng ginawa mo. Di ba, Ate?" Ngumisi siya.

Lalong nalukot ang mukha ko sa inis. "Eh di sana hindi ka na nag-aral. Sana pumasok ka na lang sa cabaret at naging katulad namin ni Mammy!"

"Ayaw ko nga! Ang babaho ng mga lalaki doon saka mga hampas-lupa din yun." Sumimangot siya. "Baka sa bagong school ko makahanap ako ng mayaman na boyfriend!"

"Tumigil ka nga sa kagaganyan mo. Hindi ka pa mayaman, matapobre ka na. Don't speak too last baka sa hampas-lupang sinasabi mo ka din mapunta. Nako, pag ikaw nabuntis bago ka nakapagtapos kakalbuhin ka namin nina Mammy at Ninang, Yuka. Hindi ako nagbibiro." Banta ko sa kanya.

Ibubuka pa lang ni Yuka ang bibig niya para magsalita nang marinig namin bumukas ang pinto at pumasok ang ulo ni Ninang mula doon.

"Nandyan na ang tatay ng anak mo, hinihintay ka sa baba." Sabi ni Ninang.

Napalundag ako mula sa kinauupuan ko at agad na kumaripas palabas ng kwarto.

"Huminahon ka nga, Saskia. Huwag kang atat kay Migs. Baka nakakalimutan mo, buntis ka. Baka maalog ang utak niyang batang dinala mo at matulad sa inyong mag-ina." Sabi ng malditang bakla.

Nagmamadaling bumaba ako sa hagdan at nakita si Migs na nakaupo sa salas. Lumingon siya sa akin at binigyan ako ng isang matamis na ngiti. Mas matamis pa sa kariokang palagi niyang dinadala sa akin. 

"Migs..." Kunwaring gulat na sabi ko. "Nandito ka na pala. Kagagaling mo lang sa trabaho?"

Hindi naman na bago na bumibisita si Migs para kumustahin si baby. Halos araw-araw nga siyang pumapasyal dito. Ang sarap-sarap magmahal ni Migs... syempre, para kay baby yung pagmamahal na 'yun. Nasa tiyan ko pa lang ang anak niya, kasing laki pa nga lang siguro ito ng bubwit, paano pa kaya pag labas ni baby?

"Hey." Malawak ang ngiting sabi niya bago lumapit sa akin. Awtomatiko naman bumaba ang kamay niya sa tiyan ko. "Kumusta ang baby natin?"

"Okay lang naman si baby." Sagot ko.

"What about you?" Tanong niya at nag-angat ng tingin sa akin mula sa tiyan ko. "How's the pregnancy? Pinahihirapan ka ba ni baby?"

"Hindi naman. Bukod sa paminsan-minsan na pagduduwal, wala naman na akong ibang nararamdaman. Very good nga si baby." Nakangiting kwento ko.

"Kapag lumala yang pagduduwal mo, tell me okay? We'll see a doctor." Umakyat ang isang kamay niya papunta sa mukha ko at marahang hinaplos ang pisngi ko.

"Huwag ka ngang OA, sabi ng doktor normal daw yun." 

"May dala pala ako sa'yo." Sabi niya.

"Ano yun?" Hindi ko maiwasan mapangiti. Simpleng mga ganyan lang ni Migs daig ko pa si Yuka kung kiligin sa mga teleserye na pinanonood niya. 

"Syempre hindi mawawala ang karioka and I also brought some books." Sabi ni Migs at kinuha ang isa sa ga bundok na librong nasa ibabaw ng maliit na mesa sa salas. Isang makapal na english dictionary iyon.

"Hindi ko alam kung iniinsulto o inaasar mo ako, Migs." Kunwaring umirap ako sa kanya.

"Hindi ba sabi mo sa akin gusto mong matutong mag-english? If you want, I can teach you." 

"Ay sige, gusto ko yan." Masayang sabi ko. "Teka, kumain ka na ba, Migs?"

"I had lunch earlier." Sagot niya.

Nalukot ang mukha ko. "Hindi ka pa naghahapunan? Teka may ulam pa yata diyan." 

"Ubos na yung ulam, Ate." Singit ni Cosme na abala sa paggawa ng assignment sa isang sulok.

"Hindi bale, ipagluluto na lang kita. Halika, doon muna tayo sa kusina." Hinatak ko siya papunta sa kusina at pinaupo sa mesa. 

Hinalungkat ko ang ref at naglabas ng ilang itlog at tuyo. 

"Ano bang gusto mong luto ng itlog, istrakbol o side in side out?" Tanong ko sa kanya.

"Scrambled sounds good." Sagot niya.

"Okay! Gustong-gusto ko kasi nagluluto ng itlog at tuyo kasi gusto ko yung amoy." Sabi ko habang iniiskrambol ang itlog. "Gusto mo ng sinangag?"

"Sure. So, I'm having breakfast for dinner?" Bahagyang natawa si Migs.

"Bakit? Ayaw mo ba?" Nag-aalalang tanong ko.

"It's fine. I'm okay with whatever you cook for me." 

Nagsimula akong magluto ng itlog at pagkatapos ay ang tuyo naman ang sinalang ko. Nang matapos ay nagluto naman ako ng sinangag. 

"Gutom ka na ba?" Tanong ko habang isinasalin sa plato ang sinangag.

"Konti. Bigla akong nagutom sa amoy." 

"O ito na, your food ready and yummy. English yun ha." Malawak ang ngiting sabi ko at inilapag ang plato sa harap niya. Umupo ako sa tabi niya at tinitigan siya. "Sige na, kumain ka na. Masarap yan. Kami ni baby ang nagluto niyan."

"I'm just going to get a spoon and fork." Tatayo na sana siya ng marahan ko siyang itulak paupo. 

"Masarap kainin yan ng nakakamay. Tsibugin mo na yan." Pilit ko sa kanya.

"Hindi ako masyadong marunong magkamay." Parang nahihiyang sabi niya.

"Sus! Ang tanda-tanda mo na hindi ka pa rin marunong magkamay." Naiiling na sabi ko bago ko kinuha ang plato niya at ipinakita sa kanya kung paano magkamay. "Ganito lang yun."

Inilapit niya ang ulo niya sa kamay ko at isinubo ang pagkain mula sa kamay ko. Hindi maiwasan na sumilay ang matamis na ngiti sa labi ko. Parang nagtumbling at split si baby sa loob ng tiyan ko. Kumain si Migs mula sa palad ko.  Nakakakilig naman 'to. Ang romance, paarang yung mga eksenang napapanood ko sa TV.

"Oh ikaw naman, subukan mo. Ganon lang naman kadali yun." Sabi ko para takpan ang kilig ko.

Ginaya niya ako at nagkamay din siya. Sumalong-baba ako habang pinanood siya. Mas masarap pa siyang panoorin kaysa sa luto ko. Parang lalaking-lalaki talaga siya pag nagkakamay, walang halong arte, hindi sosyal, abot-kamay lang...

Hay, baby... in love na in love talaga ako sa Daddy mo.

"Kain ka pa. Gusto mo pa ng itlog o tuyo?" Sabi ko nang makita kong halos ubos na ang pagkain sa plato niya. 

"No, thanks. I'm already full." 

"Sigurado ka? May natira pang tuyo at konting sinangag." Pilit ko sa kanya.

"Nako, Migs, mukhang ikaw ang pinaglilihian niyan. Dati din noong nagbubuntis ako kay Saskia at in love na in love ako sa tatay niya, gustong-gusto kong pinanonood ang gagong yun na kinakain yung luto ko." Pumasok si Mammy sa kusina at sinaluhan kami sa mesa. "Baka ikaw ang maglihi niyan. Hindi ba sabi nila kapag kinain mo ang pagkain ng buntis, sa'yo mapapasa ang paglilihi?"

"Hindi naman totoo yun, My. Saka pagkain talaga yan ni Migs, niluto ko lang para sa kanya." 

"Eh alam niyo yung pamahiin na huwag mamangka sa dalawang ilog?" Umeksena na naman ang intrimitidang bakla. 

"Hindi yun pamahiin, baks. Kasabihan yun." Sabi naman ni Mammy.

"Si Ninang talaga..." Tumulis ang nguso ko.

"Wala na po kami ni Hazel. We called it quits..." Mahina at may lungkot sa boses na nagbaba ng tingin si Migs. 

"So hindi na tuloy ang kasal niyo?" Tanong ni Mammy.

Iling lang ang naisagot ni Migs. 

"So ano na kayo ngayon ng inaanak ko?" Tumaas ang kilay niya.

"Migs, tapos ka naman na, hindi ba? Doon ka muna sa salas baka kailangan ni Cosme ng tulong sa assignment niya, mag-aayos lang ako dito sa kusina." Sabi ko para iiwas siya sa mga tanong ni Ninang. Matanong kasi ang baklang yun, sabi ko nga noon pwede na siyang pumalit kay Boy Abunda sa pagkaintrigera.

"Do you need help?" Tumingin siya sa akin.

"Okay lang, nandito naman si Mammy at Ninang." Ngumiti ako.

"I'll wait for you in the living room." Tumayo siya mula sa upuan at naghugas ng kamay sa lababo bago lumabas sa may kusina. 

"Ikaw naman, Ninang, huwag kang hard kay Migs. Nakakahiya sa tao. Wala na tayong pakialam kung ano ang relasyon nila ni Hazel, basta pinanagutan niya itong baby namin. Kung hindi dahil sa kanya, hindi giginhawa ang buhay natin. It's like we're have no credit inside."

"Ano na naman ibig sabihin  niyang english mo?" Umarko ang nakaguhit na kilay ni Ninang.

"Parang wala naman tayong utang na loob. May improvement naman, di ba? Aminin." Nakangising sabi ko.

"Ang galing na talaga ng anak ko. Sigurado ako paglabas ni baby spokening dollar n din yan parang si Migs." Sabi ni Mammy.

"Ewan ko sa inyong mag-ina." Umiling si Ninang habang nagpalit-palit ng tingin sa amin.

"Hinihintay na ako ni Migs. Kayo na bahala d'yan, Mammy, Ninang." 

"Hoy, sabi mo ikaw ang maglilinis dito sa kusina." Nalukot ang mukha ni Mammy. "Ang daming hugasin, o!"

"Ayaw ko ngang mahugasan itong kamay ko, kumain si Migs mula dito. Sinubuan ko siya kanina ng nakakamay." Kinikilig na napatingin ako.

"Ang salaula mo naman, Saskia. Hindi ka rin ba naghuhugas ng pukelya mula nang kainin niya?" Tanong ni Ninang.

"Syempre, naghugas naman! Ito talagang si Ninang. Iba naman yun." 

"O edi, maghugas ka din ng kamay mo at habang ginagawa mo yun, maghugas ka na din ng mga pinagkainan." Utos ng malditang bakla.


"Hi! I'm Saskia. What's yours?" Sabi ko habang nakaupo kami sa salas at tinuturuan niya akong makipag-usap nang ingles. 

"That's good but it could be better. It's more proper to say 'My name is Saskia. What's yours'." Seryosong paliwanag ni Migs.

Lalo siyang gumwapo sa salamin na suot niya habang hawak ang libro sa kamay niya. Dumagdag ang salamin sa seryosong awra niya. Ilang oras na ba kaming nandito sa salas at nagtuturuan mag-ingles? May tatlong oras na din siguro. Nagsipasukan na ang mga housemates ko sa mga kwarto nila at kami na lang ang nandito ni Migs.

"My name is Saskia. What's yours?" Ginaya ko ang sinabi niya.

"I'm Miguel." Pormal na sagot niya.

"Nice, I meet you." Sabi ko naman.

"Nice to meet you, Saskia." 

"Nice to meet you." Ginaya ko ulit siya.

Ngumiti at tumango si Migs. "Perfect. You're doing a good job."

Syempre, tumaas ang condolence ko kasi sinabihan ako ni Migs ng good job. "What is your old?"

"You mean how old am I?" 

"Yes." Tumango ako.

"I am 31." Bahagya siyang tumawa. "How old are you?"

"I'm 23!" Sagot ko. "O tama yun ah!" 

"How would you describe yourself?"

"Parang pang slambook lang yung tanong mo." Biro ko. "Many persons tells me I'm very pretty, my hair long, bolding eyes, pouting lips, and long life."

"We might want to work on that sentence a little more." Humikab siya at nag-unat.

"Pagod ka na ba?" Nag-aalalang tanong ko bago lumingon sa orasan. Mag-aalas dose na pala ng madaling araw at dumiretso pa siya galing trabaho papunta dito. "Ituloy na lang natin sa susunod."

"You're right. Bawal sa'yo ang mapuyat. Baka kung mapaano pa si baby." Bumaba ang kamay niya sa tiyan ko at hinaplos iyon. "Our baby must be tired in there. Uminom ka na ba ng gatas mo at vitamins?"

"Kanina pagkatapos kong kumain." Sagot ko.

Muli siyang nag-unat at kumawala ang mahinang daing mula sa bibig niya.

"Bakit?" Tanong ko sa kanya.

"It's just my back. Nangawit lang siguro, I've been sitting in the office all day." Sabi niya. 

"Gusto mong i-masahe kita?" Tanong ko sa kanya. 

Nag-angat siya ng tingin sa akin. "Are you sure? Baka gusto mo na din magpahinga."

"Hindi pa naman ako pagod. Natulog ako buong hapon kanina." 


Nakahiga si Migs sa kama ko, wala ang pang-itaas na suot niya at nakatakip ng kumot ang pang-ibaba niya. Nakatupi na sa patungan ng TV ang polo shirt niya at ang pang-ibabang suot niya kanina. Tanging ang panloob niya na lang ang suot niya ngayon sa ilalim ng kumot.

Umupo ako sa gilid ng kama at sinimulan ko ang banayad na paghaplos sa likod niya. Makinis iyon, malambot, at ma-muscle. Napapabuntong-hininga na lang ako habang minamasahe ko ang likod niya. 

Kahit nakatalikod ang gwapo talaga ng daddy mo, baby.

"Are you still not sleepy?" Inaantok ang boses na tanong niya sa akin makalipas ang ilang sandali. Nahinto ako sa paghilot nang gumalaw si Migs at humarap sa akin. "Masamang mapuyat ang buntis. Let's go to sleep."

Umusog si Migs at binigyan ako ng espasyo sa tabi niya at hinatak ako pahiga. Nang mahiga ako sa tabi niya ay agad akong tumalikod sa kanya. Ilang beses na kaming natulog na magkatabi pero naiiling pa din ako. Naramdaman ko na lang ang pagpulupot ng isang bisig niya sa baywang ko at ang paghaplos ng palad niya sa ibabaw ng maliit na umbok sa tiyan ko. Kinagat ko ang pang-ibabang labi ko para pigilan ang kilig ko. Para naman kaming mag-asawa nito. Hay, ang sarap mangarap.

"Okay lang ba talaga sa'yo na dito ako matulog ulit?" Paos sa antok ang tinig niya.

"Okay lang, no. Alam ko naman na pagod ka na." Sagot ko. Para naman may mawawala pa sa akin. Eh na punlaan niya na nga itong matres ko.

"I like being with you, Saskia. I don't know how you do it but when I'm with you I feel free and goo about myself. Right now, I don't want to think... I just want to feel it." Nagpakawala siya ng malalim na hininga at hinaplos-haplos ang tiyan ko. 

Ipinatong ko sa ibabaw ng kamay niya ang isa kong kamay. 

"Ano sa tingin mo ang baby natin? Babae o lalaki?" Tanong ko.

"I don't know. I'd love to have a little boy pero masaya pa rin naman ako kahit anong ibigay sa atin."

"Kahit bakla katulad ni ninang o di kaya tomboy?" Humagikgik ako.

"Basta kung saan siya magiging masaya. I want our child to become whatever he or she wants to be in the future."

"Sa tingin ko magiging spoiled itong si baby sa'yo. Siguro Papa's girl or Papa's boy siya." 

"Maybe..." Rinig ko ang ngiti sa boses niya.

"Good night na, Migs. Inaantok na ako." Humikab ako.

"I'm just going to give the baby a good night kiss." Itinihaya niya ako sa kama at bumaba ang ulo niya sa tiyan ko. Dinampian niya ng halik ang umbok.

"Good night, baby." Bulong niya dito. Isang malapad na ngiti ang sumilay sa mga labi ko at bumaba ang kamay ko para haplusin ang buhok niya. Inangat niya ang ulo niya sa akin at bumalik sa tabi ko. "Good night, Saskia..."

Hindi ko inaasahan ang sunod niyang ginawa. Nakita ko na lang ang mukha niya na palapit sa akin at ipinikit ko ang mga mata ko, kasunod noon ay ang pagdampi ng mainit niyang labi sa labi ko. Ipinulupot ko ang mga bisig ko sa leeg niya at tinugon ang halik niya. Hindi pabebeng halik ah. Maalab at malalim iyon. 

Ilang segundo ang lumipas bago namin napagtanto na kailangan ng hangin ng katawan namin at hingal na hingal na naglayo ang aming mga labi. Tinitigan namin ang isa't-isa habang nagpapalitan kami ng hininga dahil ilang dangkal lang ang pagitan ng mukha niya sa akin. Mariin na napapikit si Migs bago niya ako muling dinampian ng halik sa noo. Pagkatapos ay ibinagsak niya ang katawan niya sa tabi ko na para bang hapong-hapo siya. 

Hindi ko alam ang gagawin ko kaya tumalikod na lang ulit ako. Feeling ko nakalutang ako sa alapaap ngayon. Hindi ko alam kung makakatulog pa ako sa bilis ng tibok ng puso ko.


Bạn đang đọc truyện trên: ZingTruyen.Xyz