SIMULA
The day he chose her
is the day that her fate was already sealed.
***
.
.
.
PHILIPPINES
"ALAM MO BANG PINAGPALA KA?"
Tumulis ang nguso ko. Ako, si Euletta Maria Pedrigal, pinagpala? Hindi nga? Ganda lang naman ang swerte ko, dahil sa nalahian ng Kastila ang angkang aking pinagmulan. Pero bukod sa matulis na ilong, makinis na balat, at balingkinitang pangangatawan ay wala nang swerte sa akin, bagkus ay puro na kamalasan.
"Maniwala ka, Ineng, ikaw ang pinakaswerteng nilalang sa bansang Pilipinas. Mararanasan mo ang kakaibang kapalaran na hindi makakamtan nino man."
"Ano naman pong kapalaran 'yan?"
"Hindi ko rin alam."
Napakamot ulo ako. "Hindi niyo pala alam, e. Pinaglololoko niyo lang yata talaga ako, Ka Gorio."
"Hindi, Ineng." Umiling ang matandang ermitanyo. "Nakatitiyak ako na ika'y pinagpala, subalit hindi ko lamang matawid sa aking isip kung paano at kung anong magandang kapalaran ang sa iyo'y paparating. Ngunit manalig ka na walang sino man ang makapipigil ng paparating na swerte sa iyong buhay. Iyo ang swerteng iyon, kahit pa may mga magtatangkang ito ay agawin sa 'yo."
"Kaloka," sambit ko.
"Ngunit huwag kang tuluyang magalak at magbunyi."
"Bakit ho? May kapalit ba ang magandang kapalarang iyan, Ka Gorio?"
Matagal bago nagsalita ang matanda. Pinakatitigan muna ako nito. "Oo. At magiging napakahirap nitong tanggapin para sa iyo."
"Kinikilabutan ho ako."
"Lahat ng magandang kapalaran ay may kapalit na kabiguan. Na hindi maaaring maging masaya ka lang, na hindi ka luluha ni minsan. Dahil pantay ang mundo. Hindi nito hahayaang sa palagi lang na ikaw ay nakalalamang."
Tumayo na ako. Ayaw ko nang marinig pa ang ibang hula niya. Kinikilabutan na talaga ako.
Lumabas na ako ng kanyang kubo at nagsimulang maglakad pauwi. Ano ba kasing pumasok sa isip ko at naisipan kong magpahula? Marahil ay umaasa lang ako na magbabago ang takbo ng aking buhay. Ngunit mukhang wala na talagang pag-asa ang isang tulad kong malas.
Ako ang bunso sa apat na magkakapatid. At ako rin ang dahilan ng pagkamatay ng aming butihing ina. Dahil sa pagbubuntis sa akin kung kaya't naulila ang aming tahanan sa isang ina. At iyon ang dahilan kaya hindi ako magawang mahalin ng aking ama at mga kuya.
Nag-iisa akong babae sa aming tahanan subalit ako ang itinalagang utusan. Hindi lamang sa paglilinis ng bahay, pagluluto at paglalaba, kundi pati sa pagdidilig ng mga halaman at pag-iigib. Pasan ko ang buong pamilya ko, at bilang isang mabuting anak ay bawal akong tumanggi. Nakikita niyo na? Nagkamali ang ermitanyo sa kanyang hula. Hindi ako pinagpala, sa halip ako ay isinumpa.
Tumingala ako sa langit. Tila yata uulan pa dahil sa kakaibang dilim na bumabalot sa mga ulap. Kailangan ko nang makauwi agad.
Madilim-dilim na nang makalampas ako ng burol. Binaybay ko ang gilid ng ilog. Kahit madilim sa gawing ito ng bario namin ay mas maigi kung dito ako magdaraan. Mas malayo kasi kung sa bukid ako dumiretso. Nagpatuloy ako sa paglalakad.
Malamang galit na ang aking mga nakatatandang kapatid na lalaki dahil ginabi na ako sa daan.
Makaririnig na naman ako ng masasakit na salita malamang. At hindi ko naman maaaring sabihin na galing ako sa ermitanyong nanghuhula.
Napahinto ako sa paglalakad nang biglang may humarang sa aking daraanan. "S-sino ka?"
Isang matangkad na lalaki ang ang nakatayo sa harapan ko. Kahit hindi ko maaninagan ang kanyang anyo ay batid kong hindi ko siya kilala. Na isa siyang dayo.
Humakbang siya palapit sa akin, sakto na tumama sa kanyang pigura ang papalinaw na liwanag ng bilog na buwan. Agad na dumetalye sa aking bista ang kanyang itsura. Pangahan ang kanyang mukha, matangos na tila sa isang dayuhang Kastila ang hugis at taas ng kanyang ilong, at manipis ang kanyang mga labi. At kahit malamlam ang liwanag sa kanyang balat ay masasabi kong makinis ito at pino.
Tanging ngayon lamang ako nakakita ng isang nilalang na perpekto.
Ang suot ng lalaki ay lalong nagpatunay na hindi siya tagarito. Malambot at mukhang mamahalin ang yari at tela ng suot niyang puting kamisa polo at pantalon. Isa siyang dayuhan o maharlika.
"Gabi na, anong iyong ginagawa rito sa ilog?" Hindi kaya bisita siya ng cabeza de barangay?
Walang kibo na lumapit sa akin ang lalaki.
"Sino ka ba?" Nakagat ko ang ibabang labi ko nang masamyo ko ang preskyong amoy ng matangkad na lalaki. Sa pagkalulong ng aking isipan ay hindi ko namalayan na isang hakbang na lamang pala ang aming pagitan.
Gulat akong napatingala sa kanya. Nakasahod ako sa kanyang banyagang mga mata na kulay berde pala. May ganoon palang uri ng mga mata...
"Ciao..." maaligasgas ang tinig na nagmula sa kanyang mapupulang labi.
Hindi ko siya nauunawaan dahil hindi ako marunong ng ibang lenguahe.
Ngumiti ang lalaki sa akin at ako ay natulala. Pakiramdam ko'y tumigil ang tibok ng puso ko nang makita ko ang perpekto niyang ngiti. Napakagandang lalaki.
Siya na ba ang swerte na sinasabi ni Ka Gorio?
Agad na napawi ang ngiti ng lalaking ito ng luminaw nang husto ang liwanag ng buwan. Ang kanyang kulay berdeng mga mata ay iglap lamang na naging kulay pula.
Napaatras ako sa pagkabigla. "A-ano ka?"
Nahindik ako sa uri ng kanyang titig na tila tumatagos hanggang sa aking kaluluwa. Bakit ganito siya? Sa kabila ng maamo niyang mukha, batid ko na may gagawin siyang hindi maganda.
Akma akong tatakbo nang mahagip niya ang aking mga braso. Nagpapasag ako ngunit mas malakas siya kumpara sa akin. Isinalya niya ako paupo sa lupa saka siya yumukod at humawak sa aking mga binti.
"Huwag, parang awa mo na..."
"Hush..." Bumaba ang kanyang mainit na palad sa aking mga paa matapos niyang ayusin ang aking nalilis na saya.
"S-sino ka ba? Nais ko na ang umuwi. Hinihintay na ako ng aking ama at mga kuya..."
Tumingin siya sa akin at umusod upang magkalapit kami. "Teach me how to speak your language so I can understand you."
"Hindi kita maunawaan..."
Yumukod siya at hinalikan ang mga paa ko sa aking panggigilalas. Nang mag-angat siya ng mukha ay tumindi na ang pamumula ng kanyang mga mata. Bumuka ang mga labi niya.
"Lady, I need you to carry my sons."
Hindi ako makagalaw dahil sa titig niya. Nanigas ang katawan ko, na ultimo mga daliri ko ay hindi ko maigalaw.
"Close your eyes..."
Kusang pumikit ang aking mga mata at kusa akong humiga sa lupa.
"Let me make love to you..." Hinubad niya ang aking damit saka siya dumagan sa ibabaw ko.
Ang lahat ng takot ko ay naipon na lamang sa dibdib ko. Hindi ko maipaliwanag kung bakit nagkukusa ang katawan ko sa mga salitang hindi ko maintindihan.
Nang maramdaman ko ang mainit na bagay na ipinapasok niya sa akin ay doon na ako nawalan ng malay-tao. At nang magising ako ay nasa sala na ako ng tahanan namin.
"Ama? Kuya?" Nasa palibot ko ang aking pamilya at ang hilot sa aming baryo.
Maliwanag na sa labas ng bintana ng aming munting kubo.
"Ikinahihiya ka namin!" Nanlilisik ang mga mata ng aking nakatatandang kapatid na si Donovan.
Dinuro ako ng aking ama. "Ang balak ko pa naman ay ipakasal ka sa cabeza ng kabilang bario, subalit sinira mo na ang aking plano! Malandi ka!"
"Nais kong palayasin mo ang babaeng iyan sa ating tahanan, Ama," ani Kuya Nemesis na tila diring-diri na tingnan ako.
Si Kuya Alcus ay tahimik lamang ngunit matatalim ang tingin sa akin.
"A-ano hong nangyayari?" baling ko sa matanda at pinakamagaling na hilot sa aming bario.
Dismayadong sinagot ako ng hilot. "Nagdadalang tao ka, ineng."
Laglag ang aking panga.
"Napakalandi mo. Sino ang ama ng dinadala mo?!" Galit na galit si Ama.
Hindi ako makasagot. Daig ko pa ang binagsakan ng malaking bato mula sa kalapit naming bundok. Paanong magiging buntis ako gayong wala akong nobyo?
Bumalik sa alaala ako ang naganap kagabi sa tabing ilog. Nang subukan kong tumayo mula sa kawayang sofa ay sumigid ang kakaibang kirot sa pagitan ng aking mga hita. Nanlalaki ang aking mga mata sa takot at galit. Ginahasa ako nong lalaki may berdeng mga mata!
Nangilid ang mga luha sa aking mga mata nang harapin ko si Ama. "Hindi ko ho ito ginusto!"
"Paanong hindi ginusto, malandi ka! Kaya pala tutol kang ipagkasundo kita sa cabeza dahil may lalaki ka!"
"Hindi ho, Ama! Maniwala ho kayo! Pinagsamantalahan ho ako! Wala ho akong nobyo!" pilit na pagpapaliwanag ko. "Kagabi ho sa may ilog, may lalaking humarang sa akin at ginahasa ako!"
"Kalokohan!" singhal ng nakatatanda kong kapatid na si Donovan. "Paanong kagabi ka lang ginahasa ngunit nagdadalang-tao ka na ngayong umaga?!"
"Pero iyon ho ang totoo."
"Wag ka ng lumika ng kwento, Ineng." Tumikhim ang matandang hilot na nasa aking tabi. "Maglilimang buwan na ang ipinagbubuntis mo."
Gulat na napalingon ako rito.
"Ineng, limang buwan na ang tatlong sanggol sa iyong sinapupunan."
Tatlong sanggol? Limang buwan? Paano? Anong kalokohan?! Tulala ako hanggang sa unti-unti kong napagtanto ang posibleng katotohanan sa lahat ng ito.
"Isa hong engkanto..." nanginginig na sambit ko. "Isa hong engkanto ang nanamantala sa akin kagabi, ang dahilan ng lahat ng ito!"
Ang lalaking may berdeng mga mata at perpekto mukha at tindig ay posibleng isang engkanto! Dahil kung hindi ay marahil isa siyang maligno o demonyo!
Umiling-iling ang aking ama habang nanunuya ang mga mata. "Baliw ka na."
"Lumayas ka na sa pamamahay na ito at wag mo nang dagdagan pa ang dungis na hatid mo sa aming pamilya. Lumayas ka na at huwag na muling babalik pa," ani Kuya Alcus. "Lumayas ka na bago pa kami madamay sa kamalasan mo."
"Huwag kang umasa na tatanggapin ka pa namin o maging ang mga bastardong nasa sinapupunan mo." Tumalikod na si Kuya Donovan. Hanggang isa-isa na nila akong tinalikuran.
Napahagulhol ako. Ngunit kahit anong iyak ko ay hindi na mababago ang kapalaran ko. Isa na akong disgrasyadang tinalikuran ng sariling pamilya.
Tama naman sila, isa akong kahihiyan.
Ang mga babae sa bario na ito ay kinamumuhian kapag nabubuntis bago ang kasalan. Paano pa ang isang katulad ko na tatlo agad ang magiging anak? Paano pa ang isang tulad ko na hindi pinakasalan pero nabuntisan?
Wala namang maniniwala kung ipipilit kong engkanto ang ama ng mga dinadala ko! Kung sarili ko nang pamilya ay hindi ako pinapaniwalaan, ano pa ang ibang tao?!
Kumirot ang aking tiyan at sa aking takot ay tila may kung ano iyong laman na pilit na kumakawala. Namilipit ako sa sofa ng ilang oras.
Wala akong katuwang sa pagtangis ko dahil sa sakit at hirap na dulot sa akin ng kung anong mga halimaw sa loob ng tiyan ko. Nang mawala ang kirot ay sinikap kong bumangon.
"Hindi ako magkakaanak ng mga demonyo!" galit na pangako ko sa aking sarili.
Tumayo ako kahit nananakit ang aking katawan. Ang aking mga paa ay kusang naglakad patungo sa maliit naming kusina. Kung magiging ina lamang ako ng mga impaktong ito ay mas mamarapatin ko na lang na mamatay!
Hinagilap ko ang pinakamatalas naming kutsilyo. Buo na ang loob ko, ayaw ko nang maghirap. Gusto ko na lamang tapusin ang lahat ng ito.
Pikit-matang iginuhit ko ang talim ng kutsilyo sa aking pulso. May kirot na hatid ang pagkahiwa sa aking manipis na balat. Agad na sumargo ang dugo sa aking nanlalabong paningin.
Hinintay ko ang aking panghihina, ngunit walang ganoong nangyari. At ilang segundo lang ay muling luminaw ang aking paningin na tila isang himala.
Litong siniyasat ko ang laslas sa aking pulso, may dugo iyon ngunit walang sugat!
"Hindi maaari!" Namilog ang mga mata ko nang mahugasan ko ng tubig mula sa banyera ang aking pulso. Ni bakas ng talim ng kutsilyo ay wala akong makita sa balat ko. Pero natitiyak ko na bumaon ang talim niyon kanina.
Muli kong idiniin ang talim sa pulso ko, may kirot ngunit sandali lang. Pinahiran ko ang dugo at muli ay wala akong sugat o hiwa na nakita.
Inulit ko ang pagsugat sa aking palad, tiniyak ko na babaon nang husto ang talim at halos mapahiyaw ako sa sakit ngunit makalipas ang ilang minuto ay wala na ulit ang kirot o ni bakas na nasugatan ako.
"Hindi..." nahintatakutang sambit ko. "Hindi..."
Hinagilap ko ang aming itak sa likod-bahay at walang pag-iisip na itinarak iyon sa aking dibdib.
"Puta!"
Napaluhod ako sa lupa nang marinig ko ang boses ni Ama. Kasunod niya ang aking mga kuya na gulat na gulat habang nakatingin sa nakatarak na itak sa aking dibdib. Naliligo ako sa sarili kong dugo nang makalapit silang apat.
"Anong ginawa mo?!" Galit at takot ang nasa mga mata ng aming ama habang hindi magkandatuto sa pagsalo sa bumubulwak na dugo mula sa aking dibdib.
"Mamamatay na siya, Ama!" Takot ang boses ni Kuya Nemesis. "Baka mapagbintangan tayo! Isa na naman itong kamalasan!"
"Hindi. Hindi natin siya pinatay!" Umiling si Ama at hinawakan ang itak. "Walang dapat makaalam nito!"
"Anong ating gagawin, Ama?" si Kuya Donovan na hindi mapakali. Tila nahihilo sa dami ng dugo na nakikita.
"Itatago natin siya." Hinugot ni Ama ang itak sa aking dibdib.
Nanlalabo na ang aking paningin sa luha. Unti-unti nang nawawala ang kirot sa aking dibdib kasabay ng paglabo ng paligid. Ang mga boses na lamang nila ang aking naririnig.
"Buhay pa siya, Ama!"
"Paanong buhay pa?!"
"Ubos na ang dugo niya at malalim ang sugat niya!" May pumunit sa aking damit at kasunod niyon ay ang mga pagsinghap.
"Wala siyang sugat, Ama!"
"Manganganak na siya!"
Nawala na ang mga boses nila, kasabay ng aking pag-angat mula sa lupa. Tila ako idinuduyan ng kung anong matigas ngunit maingat na bagay na may karga sa akin.
"You're safe now." Isang mabini at malamig na boses ang gumising sa aking diwa.
Nang imulat ko ang aking mga mata ay ang perpektong mukha ng lalaking may kulay berdeng mga mata ang aking nakita. Buhat-buhat niya ako at tinatahak namin ang daan na siya lamang ang may alam.
"Our sons will be with us after the daybreak." Ngumiti siya at inilapag ako sa kung saan.
"S-sino ka... ano ka?"
Lumuhod siya sa harapan ko at ngumiti. "I am your king, and I will only bow down to you." Pagkatapos ay yumuko siya at hinalikan niya ang aking mga paa.
DAYBREAK #2
Bạn đang đọc truyện trên: ZingTruyen.Xyz