Chapter 8
Chapter 8
"ANONG GINAGAWA MO RITO?!"
Nasa bisagra ng pinto ang isa niyang kamay habang nakatungo at nakatitig siya sa mukha ko. Hindi ko mabasa ang nilalaman ng isip niya.
"Hindi ko alam kung tinitiis mo lang ba ako, o talagang nakalimutan mo na ako." May pait sa boses niya na humiwa sa puso ko.
Bigla akong nanliit at nag-iwas ng tingin. "Sori..."
"Okay lang iyon. Kumusta ka?"
"O-okay lang..." Hindi pa rin ako makatingin sa kanya.
Alam ko na alam niya na ang tunay na sagot sa tanong niya kaya namayani ang ilang minutong katahimikan bago siya muling nagsalita.
"Rita..." paos ang boses na sambit niya sa pangalan ko.
"Sori, X..."
Nang tingnan ko siya at nakatigagal siya sa akin.
"Sori..."
Bumagsak ang mga balikat ni X. "Hindi ka na sasama sa akin, di ba? Nagbago na ang isip mo?"
"Sori..." bigla kong isinara ang pinto pero hinarang niya ang kamay niya.
"Aalis na ako dito, Rita. Kapag umalis ako dito, hindi na ako babalik," lumamlam ang mga mata niya ng tumingin siya muli sa akin. "At ayaw kitang iwan..."
Parang dinurog sa maraming piraso ang puso ko habang nakikita ang lungkot sa mga mata niya. Pero anong gagawin ko? Paano ko iiwan si Tiyong sa ganitong sitwasyon?
Tumungo ako. "Umalis ka na..."
"Iyon ba ang gusto mo?"
Hindi ako kumibo.
Matagal na nakatitig ako sa mga mata niya hanggang sa hindi ko na kinaya. Binawi ko ang tingin ko, ayoko ng magsalita dahil baka hindi ko na mapigilan ang sarili ko na humikbi at yumakap sa kanya.
Malungkot na tumalikod si X. Para akong unti-unting pinapatay habang habol-habol ko ng tingin ang kanyang paglayo.
Ang sakit-sakit. Bakit kailangang mangyari sa akin ito? Bakit kung kelan may nagmamahal na sa akin ay saka naman nangyari ito?
Bakit ba ang malas-malas ko?
"Sino iyon?"
Napapiksi ako ng marinig ang boses ni Tiyo Miguel. Paanong gising pa siya sa ganitong oras ng gabi?
"Sino iyon, Rita?" ulit niya.
Agad kong pinahid ang mga luha sa pisngi ko saka isinara ang pinto. "W-wala po, Tiyong... kuwan, nagkamali lang ng bahay..."
Hindi ako makatingin nang diretso sa kanya kaya nakatungo ako ng lampasan ko siya. Bigla siyang nagsalita.
"Gusto mong sumama sa kanya?"
Naumid ang dila ko at nahinto ako sa pag-akyat sa hagdan.
"Niyayaya ka ng lalaking iyon na sumama sa kanya, hindi ba? Iyon ang narinig ko. Sa baga lang ako may tama, at hindi sa pandinig kaya wag mo akong pagsinungalingan diyan," Wala namang galit na mababakas sa tinig niya ngunit nahihiya at natatakot pa rin ako.
Marahan ko siyang nilingon.
"Mahal mo ba siya, Rita?" Hindi siya nakatingin sa akin.
"Tiyong..."
"Sagutin mo ako, mahal mo ba ang lalaking iyon?"
Tumango ako habang lumuluha. "Sori po..."
Naupo siya sa sofa at saka umubo. Pulado ang mukha niya habang hawak niya ang kanyang dibdib na tila ba hirap siyang huminga.
"Tiyong, ayos lang ho ba kayo?" agad ko siyang dinaluhan at hinagod ang likod niya. "Gusto niyo ho ba ng tubig?"
Muli siyang umubo. Sa takot ko ay tumakbo na ako sa kusina para ikuha siya ng isang basong tubig. Ngunit sa gulat ko ay nasa likuran ko na si Tiyo Miguel nang lumingon ako.
"Bakit hindi ka sumama sa kanya?"
Hindi ko magawang sagutin ang tanong niya dahil dinudurog ako ng mga mata niya. Puno ng lungkot iyon at awa sa sarili—mga bagay na ayaw ko sanang maramdaman ng aking tiyo.
"Kung mahal mo siya? Bakit pinipili mong manatili rito?"
"Tiyong naman..." napaiyak na ako.
"Dahil sa akin?" Mapakla siyang ngumiti at saka ako tinalikuran.
Nakaakyat na siya sa itaas ng bahay ay umiiyak pa rin ako.
...
"MALANDI KA!"
"Aray!" Kandasalag ako sa bawat hampas sa akin ni Kristy kinabukasan.
May nakapag-kwento sa kanya na kapit-bahay kanina. May nakakita pala sa pagpunta ni X dito sa akin kagabi kaya ganito na lang ang galit sa akin ng pinsan ko.
"Akala mo hindi makakarating sa akin na nilalandi mo si X?!" Muli niya akong sinampal.
Kahit sila Laarni at Miranda ay galit din sa akin. Napahagulhol na lang ako habang umiiwas sa pananakit ni Kristy. Nandiyan ang sipain niya ako, sampalin at sabunutan. At wala ni isang nagtangkang umawat sa kanya.
"Sori, Kristy! Hindi ko naman sinasadya na magustuhan siya—" muli niya akong sinampal. Napaupo ako sa sahig.
Kinubabawan niya agad ako. "Ang kapal ng mukha mong babae ka! Ang kapal ng mukha mo na isipin na magugustuhan ka ni X! Malandi! Pokpok!" akma niyang susuntukin sa mukha ng itulak ko siya.
Patihayang napahiga sa sahig si Kristy. Iyon ang eksenang naabutan nila Tiya Jingjing at Tiyo Miguel na kagagaling lamang sa clinic ng baranggay.
Nanlilisik ang mga mata ni Tiya Jingjing ng tingnan niya ako. "Anong ginawa mo sa anak ko? Hayup ka!"
"Tiyang!" Napahiyaw ako ng hilahin niya ang buhok ko at iwasiwas ako.
Hindi pa sana nila ako titigilan kung hindi sa sigaw ni Tiyo Miguel. "Tigilan niyo 'yan! Nakakahiya kayo sa mga kapit-bahay!"
Manhid na ang anit ko ng layuan ako ng mag-ina. Lalapit pa sana ulit si Kristy ng haltakin siya ni Tiyo Miguel palayo sa akin.
Napahikbi ako. "Tiyong..."
Malamig ang tingin na ipinukol niya sa akin. "Rita, umalis ka na."
Nanlaki ang mga mata ko. Iyon ang hindi ko inaasahang sasabihin niya sa akin. "Tiyong, wag... wag naman..."
"Umalis ka na sabi! Hindi ka na namin kailangan dito!" Umakyat sa ikalawang palapag ng bahay si Tiyo Miguel.
"Tama, umalis ka na dito!" gigil na hiyaw ni Kristy.
Nagulat ako ng bumalik si Tiyo Miguel, bitbit niya na ang kahon na kinalalagyan ng ilang piraso kong gamit at damit. Inihagis niya iyon sa labas ng bahay. "Umalis ka na!"
"Tiyong..." muli akong napaluha.
Nag-iwas siya ng tingin sa akin. "Lumayas ka rito, Rita, at wag na wag ka ng babalik!"
Nang ibaling ko ang paningin ko kina Tiya Jingjing at sa mga pinsan ko ay matatalim ang mga titig nila sa akin. Mabigat ang loob na lumabas ako ng bahay at dinampot ang mga nagkalat kong gamit sa labas.
Balewala sa akin ang nangungutya, naaawa at mga nakikiusyosong tingin at bulungan ng mga kapit-bahay namin. Mas matimbang kasi ngayon sa dibdib ko ang pait at takot na mabubuhay akong mag-isa at walang kasama.
Tigmak ang mga luha ko habang naglalakad palayo.
Wala na akong pamilya... muli akong napasigok. Tumigil ang mga luha ko ng may mapansin ako sa dulo ng eskinita.
"Ha?" Pinahid ko ang luha na bumabalong sa mga mata ko upang sipatin nang mabuti kung sino ang matangkad na lalaki na tila naghihintay roon.
Totoo ba ito? Siya ba talaga ito? Bakit siya naririto?
Akala ko wala na siya...
Akala ko iniwan niya na ako...
Akala ko mag-isa na lang ako...
Sa dulo ng eskinita ay nakatayo si X at nakatingin sa akin. Sa likod niya ay sukbit niya ang kulay itim na bag na halatang puno ng gamit.
Napahikbi ako ng masuyo siyang ngumiti at humakbang palapit sa akin. Matagal na magkahinang lang ang mga mata namin hanggang sa hawakan niya ang pulso ko at hilahin ako palapit sa kanya.
Tuluyan na akong napahagulhol.
"Shhh..." ikinulong niya ako sa kanyang matitigas na braso at masuyong hinagkan sa noo.
Hindi ko na napigilan ang damdamamin ko, yumakap ako sa kanya nang mahigpit.
"Tahan na... Nandito ako, aalagaan kita at pakamamahalin, wala ng mananakit pa sa'yo..."
JF
Bạn đang đọc truyện trên: ZingTruyen.Xyz