He Doesn T Share
Chapter 25
"ANONG NANGYARI SA 'YO?"
Hindi ko pinansin si Abraham. Pagkababa ko ng tricycle ay siya agad ang nakita ko na patawid ng kalsada. Lakad-takbo akong lumapit sa gate ng apartment na tinutuluyan namin ni Aki. Napapatingin ang mga tao sa paligid dahil tanghaling tapat ay naka-pajama pa ako.
"Ingrid, sandali!" Naabutan ako ni Abraham isang dipa bago ang gate. Ihinarap niya ako sa kanya.
"Abraham, please!" Maluha-luha ako ng harapin ko siya. "Nagmamadali ako, please, bitawan mo ako!"
Hindi siya nagsalita pero puno ng pag-aalala ang mga mata niya.
Nakatingin siya sa akin at nakikita niya ang itsura ko. Magulo ang buhok ko, marumi ang damit ko, may natuyong dugo sa noo ko at may gasgas ang pisngi ko. Dagdag pang nakayapak lamang ako.
Nagulat ako ng bigla siyang yumuko. Hinawakan niya ang mga paa ko saka isinuot sa akin ang hinubad niyang tsinelas. Kahit malaki iyon sa akin ay sinagip naman ng mga tsinelas na iyon ang talampakan ko sa init ng semento at dumi ng daan.
"Mag-usap tayo mamaya." Nakangiti siya ng muli kaming magpantay na dalawa.
"Abraham..."
"Babalikan kita." Pinisil niya ang braso ko bago siya nanakbo nang nakayapak. Hindi ko alam kung saan siya pupunta pero wala na akong pakialam pa ron. Nang maalala ko ang sadya ko sa pag-uwi ko ay nagmamadali akong pumasok sa gate.
"Ate Helen!" sigaw ko ng makapasok ako sa compound ng apartment. Sa kabilang pinto ako nagtuloy.
Si Ate Helen, ang kapitbahay namin, ang agad na sumalubong sa akin. "Nakauwi ka na pala— anong nangyari sa 'yo?" Gulat na gulat siya sa ayos ko.
"Si Aki?" agad kong tanong sa kanya.
"Huy, ano ngang nangyari sa 'yo? Bakit ganyan ang itsura mo?" Nakahabol sa akin si Ate Helen. "Nasaan si Wolf?!"
"Ate, si Aki. Aalis kami!"
Dumeretso na ako papasok sa apartment niya. Tanghaling tapat, nasa sahig ang mga bata at naglalaro ng lego. Ang asawa naman ni Ate Helen ay nasa sofa at nagkakape, mukhang okay na ang mag-asawa.
Nang makita ako ni Aki ay agad itong tumayo. "Atee!"
"Aki, halika." Hinawakan ko ito sa braso.
Namimilog ang mga mata ni Aki sa akin. "Bat dungis mo? Bat may dugo noo mo?"
"Halika na, Aki. Ate Helen, salamat." Hinila ko na si Aki sa pinto. Lahat ay nagtataka sa akin. Ultimo ang asawa ni Ate Helen ay nakatanga sa akin.
"Bakit ka may dugo sa noo?!" sigaw ni Aki pero hindi ko ito pinansin. Pakaladkad ko itong dinala sa kabilang apartment. Sa bahay namin.
"Pumasok ka sa kuwarto at maglagay ka ng damit sa bag mo. Bilisan mo," utos ko kay Aki. Kahit nagtataka ay sumunod sa akin ang bata.
"Ingrid, ano bang nangyayari?" Biglang pumasok si Ate Helen sa sala. "Anong nangyari? Ngayon ka lang bumalik 'tapos ganyan ang itsura mo."
Bumuga ako ng hangin bago ko siya hinarap. "Tulungan mo ako, Ate Helen. Aalis kami ni Aki. Tulungan mo kaming mag-impake." Pagkuwa'y hinila ko siya sa braso papasok sa kuwarto.
Nasa kama na si Aki at busy sa paglalagay ng mga laruan sa backpack.
"Aki, damit ang iimpake mo, hindi laruan!" Pinandilatan ko ang paslit. Lumabi lang si Aki.
Hinablot ko ang backpack at ako na ang nagsilid don ng mga damit niya. Kung ano na lang ang madampot ko. hindi marami pero iyong sasapat na para may bihisan siya. Mabilis ang kilos ko, wala a akong pakialam kung magkagusot-gusot ang mga damit sa loob ng bag.
"Ate, patulong, please," linga ko kay Ate Helen na tulala sa ginagawa ko.
Nang makita niyang naluluha na ako ay saka siya tumulong. Nalilitong dinampot ni Ate Helen ang maleta sa ibabaw ng kama at isinilid don ang mga damit ko na mula sa closet.
Nang mapuno na ang dalawang bag ay hinagilap ko ang wallet ko. Chineck ko ang ATMs at cash na meron ako, pagkatapos ay kinuha ko sa drawer ang natitirang alahas na pamana sa akin ni Mommy. Inilagay ko lahat iyon sa kinuha kong shoulder bag.
"Aki, ikaw ang magdala nito." Inabot ko sa bata ang maliit na bag na may mga lamang bimpo, alcohol, lotion, pulbo at kung anu-ano pang nadampot ko sa mesa. "Hintayin mo ako sa labas, aalis na tayo."
"Ingrid..." tawag sa akin ni Ate Helen.
Tiningnan ko siya. "Ikaw na muna ang bahala dito, Ate."
"Ano ba talagang nangyayari? Anong ginawa sa 'yo ni Wolf? Nasaan siya?" Litong-lito ang mukha niya.
"Hindi siya si Wolf, Ate," mariin kong sagot sa kanya.
Natigilan siya.
"Alam mo na hindi Wolf ang pangalan niya. Ate Helen, bakit mo iyon nagawa sa akin?"
Napakurap siya pagkatapos ay bigla na lamang humikbi. "Ingrid, patawarin mo ako. Naipit lang ako... natukso ako sa pera... alam mo naman ang kalagayan ng pamilya ko..."
"Ate, hindi mo siya kilala. Paano kung masamang tao siya?" sumbat ko sa kanya.
Nagpunas siya ng luha. "Pero hindi naman siya masamang tao, hindi ba?"
Ako naman ang natigilan.
Hinuli niya ang mga palad ko at pinisil. "Ingrid, di ba hindi naman siya masama? Wala naman siyang ginawang masama sa atin. Sa 'yo. Kay Aki. Hindi ba?"
Nag-iwas ako ng tingin sa kanya.
"Ingrid, hindi ko alam ang motibo niya. Hindi ko alam kung bakit niya ako inutusang magpanggap na pinsan niya, at mas lalong hindi ko alam kung bakit gusto niyang mapalapit sa inyo ni Aki. Pero wala akong nadamang kaba sa lahat ng nangyayari. Nakikita ko na mahal ka niya e, hanggang sa nakalimutan ko na tuloy na hindi ko talaga siya kaano-ano. Pakiramdam ko kasi, parte na natin siya. Na mapagkakatiwalaan siya. At nakikita ko na napapasaya ka niya kaya mas kumampante na ako."
"Pero, Ate, mali... mali pa rin."
"Alam ko. Kaya sorry. Sorry talaga." Kinabig niya ako at niyakap. "Sorry!"
Nang maramdaman ko ang yakap niya ay napaiyak ako. Sa lahat ng nangyari sa akin, ito ang gusto kong maramdaman ngayon, yakap.
"Ingrid, anong nangyari?" mayamaya ay kumalas sa akin si Ate Helen. Hinaplos niya ang mukha ko.
Bahagyang kumirot ang gasgas ko sa pisngi ng matamaan iyon ng palad niya. Ang mga mata ni Ate Helen ay nakapako sa natuyong dugo sa noo ko. May luha pa rin sa mga mata niya.
"Ingrid, sino ang nanakit sa 'yo? Sino ang may gawa niyan sa 'yo?" Tumigas ang mukha niya. "Sabihin mo sa akin, si Wolf ba?"
Humikbi ako. Umiling ako habang lumuluha.
"'Wag kang magsinungaling. Siya lang ang kasama mo. Anong nangyari sa inyong dalawa? Bakit ka niya sinaktan?!" Napahagulhol si Ate Helen. Lumayo siya sa akin. "Sorry, Ingrid... hindi ko naman alam na sasaktan ka niya... sorry talaga..."
"'Wag mo ng sisihin ang sarili mo, Ate. Okay ako. Buhay ako. Ligtas ako." Tinalikuran ko na siya para sundan si Aki sa sala.
Nakasimangot si Aki ng makita ako. "Andito si Yabang!"
May matangkad na lalaking nakatayo sa tapat ng screen door. "Ingrid." May dala siyang jacket na kulay itim. Agad siyang lumapit sa akin. "Okay ka na?"
"Abraham, anong ginagawa mo rito?"
Imbes na sagutin ako ay isinuot niya sa akin ang jacket na dala niya. Nakatingala ako sa kanya habang nagtataka.
Ngayon ko lang nakitang ganito kaseryoso ang mukha ni Abraham. Naglabas siya ng panyo mula sa bulsa ng cargo shorts niya at marahang ipinunas sa pisngi ko.
"Abraham, anong ginagawa mo rito?" Si Ate Helen na nasa likuran namin.
Hindi siya pinansin ni Abraham. Kinuha ng lalaki ang palad ko saka may inilagay don na kapirasong papel. Tumungo siya at may ibinulong sa akin.
"Susunod ako." Tipid siyang ngumiti sa akin pagkatapos.
Naiiyak akong tumango. Sa isip ko ay pinasasalamatan ko siya.
"Oy, Yabang! Bitawan mo ate ko!"
Ginulo ni Abraham ang buhok ni Aki. "Yari ka sa akin soon. Ako tutule sa 'yo very soon!"
"Ikaw ang yari sa akin! Gugulpihin kita paglaki ko!"
"Aki!" saway ko sa bata. Hinila ko na ito. "Tara na."
Sa labas ay may naghihintay na palang Grab sa amin ni Aki. Nang lingunin ko si Abraham ay tumango siya sa akin. Sumakay na kami ni Aki, alam na pala ng Grab driver na sa Baclaran ang destination namin. Bayad na rin ni Abraham ang biyahe.
Hindi na ako nakapagpaalam kay Ate Helen kung saan man kami pupunta ni Aki. Hapon na kami nakarating. Mula Baclaran ay bus na patungong Amadeo, Cavite ang aming sinakyan.
Mga ilang oras din bago ako makarating sa hometown ni Abraham. Doon ko na lang pag-iisipan ang lahat-lahat...
"Saan ba tayo pupunta?" kalabit sa akin ni Aki. Nasa pangtatluhan kaming upuan, pero dalawa lang kami na nakaupo dito ni Aki. Siya ang nasa may gawing bintana.
"Sa malayo..." hindi ko alam kung saan ang Amadeo o kung ano ang dadatnan namin don ni Aki. Pero umaasa ako sa pangako ni Abraham.
Muli akong kinalabit ni Aki. "Saang malayo, Ate?"
"Mama."
"Anu?"
Nilingon ko si Aki. "Mama na ang itatawag mo sa akin."
Nandilat ang mga mata niya. "Ayuko nga!"
Gigil na kinurot ko siya sa tagiliran. "Sundin mo ako kung ayaw mong ihagis kita sa labas ng bintana!"
Agad siyang tumango. "Opo, Mama."
Hinila ko siya at hinalikan sa noo. "Hindi kita papabayaan, Aki."
Tumingala siya sa akin at ngumiti, ipinakita ang mga bungi niya. "Hindi rin kita papabayaan Ate, ay Mama pala!"
Tumango ako at lalo pa siyang niyakap. Sa pagod at puyat ay hindi ko namalayang nakaidlip na pala ako. Hindi ko na alam kung kailan umandar ang bus.
Ni hindi ko na rin napansin na may matangkad na lalaking umupo sa tabi namin ni Aki.
JFstories
Bạn đang đọc truyện trên: ZingTruyen.Xyz