Chapter 7
ANO BANG DAPAT MARAMDAMAN KAPAG NAKINDATAN?
Ang kalas-lakas ng kabog ng aking dibdib habang nakatingin sa papalayong si Asher. Nakapamulsa pa ang isang kamay niya habang ang isa ay nakahawak pa rin sa kanyang leeg na nagasgasan ng alambre ng brace ko kanina.
Nasaktan ba talaga siya? Sanay siya sa pakikipag-basag-ulo, kaya hindi niya naman siguro ininda iyong alambre ng brace ko?
Ayaw kong makonsensiya at magsisi kahit pa nagasgasan ko siya, mas nangingibabaw kasi sa akin ngayon ang kilig dahil sa kindat niya. It was my first time. First time makindatan. At sa kanya galing. I was grateful for my photographic memory because I could recall that sight of him in perfect detail!
And I almost kissed his neck! Argh! Kung hindi lang sa nakausling alambre nitong brace ko, sana natuluyan na pag-landing ang mga labi ko kanina sa balat niya!
Tinampal ko ang aking pisngi nang mahimasmasan. No, no. Hindi pa kami dapat makarating sa ganoon. Unang-una, hindi pa kami mag-on. Hindi pa puwede ang pisikalan!
Mukhang hindi pa rin ready ang baby ko kahit sa simpleng lambingan. Okay lang, makakapaghintay naman ako. May perfect timing para sa lahat ng iyan.
Sa ngayon, ipapaayos ko muna siguro ang braces ko dahil baka mahirap na, baka makaaksidente na naman.
LUMIPAS ANG MGA LINGGO. Masaya ako. Masaya dahil nitong mga nakaraan, parang distracted ang Top 1 namin na si Jordan. Feeling ko ay malapit ko na itong maungusan.
Isa pang ikinasasaya ko, ang kindat ni Asher, which was still fresh in my memory. Siguro kahit senior citizen na ako ay hindi ko pa rin iyon makakalimutan.
Pag-uwi galing sa school ay napabusangot agad ang mukha ko pagkakita sa sedan na pag-aari ng mga Estrada. Panganay na kapatid ni Papa. Sina Tita Rica Valmorida-Estrada.
Pupunta nga pala ang mga ito rito dahil may package si Papa. Nagrereklamo na nga mga ito dahil na-delay ng ilang linggo ang padala. At ngayon nga ay narito na sila para sumahod ng grasya.
Pagpasok sa pinto ay nakita ko agad si Rio na kalalabas lang ng kusina. Umiinom ng juice sa baso. At talagang nagpatimpla pa ng juice ang demonyito sa mama ko!
"Lai is here!" maarteng sabi naman ng kapatid nitong si Renren, sabay irap sa akin.
Pareho pang naka-uniform pang-private ang magkapatid. Mukhang sinundo sila ng mommy nila para ideretso agad dito.
"O ayan na ang anak mo, Madi," nakaingos na sabi ni Tita Rica. "Napakatagal dumating. Pag talaga sa public, walang eksaktong uwi."
Katabi rin pala ni Tita Rica si Tita Tootsie, ang nakababatang kapatid ng mga ito. Walang anak na bitbit. Naki-ride lang siguro para makapunta rito. Syempre ay present dapat talaga kapag may padala. Kahit magkapatid ay ayaw na ayaw nila talaga ng nalalamangan sila ng isa't isa.
Lumabas naman si Mama mula sa kusina. Pawisan pa dahil siguro sa paghahanda ng meryenda nila. "Lai, nandito ka na pala. Hinintay ka talaga muna namin bago buksan ang package."
"Hi, Ma!" Humalik ako sa pisngi nito. "Sige na, buksan na. Para makauwi na rin sila."
Pasimple naman akong nakurot ni Mama sa tagiliran. "Marinig ka," saway nito sa akin na nginitian ko lang.
Si Tita Rica naman ay excited nang lumapit sa package na kasing laki ng nakahigang ref. Nangunguna ito sa pagbubukas. Inutusan din ang panganay na anak na si Rio na tumulong para daw mapabilis.
Ang mga laman ng package ay may mga pangalan. Gawain talaga ni Papa na pangalanan ang lahat ng padala. Ayaw kasi nito na may mag-aagawan. Alam na alam nito ang ugali ng mga kapatid.
Sina Tita Rica, Tita Tootsie, Mamila, ay tag-iisang bag. May tag-iisang expensive perfume din. Si Rio ay sapatos at t-shirt. Meron ding mga chocolates na pinaghati-hatian nila. May gamot din kay Mamila at ilang spam, shampoo, lotion at sabon.
"Madi, ang dami mong bag kaya kay Mami na lang din itong isa, ha?!" Dumampot pa ng isa pang bag si Tita Rica para daw kay Mamila. "Madi, ha? Kay Mami na ito kasi favorite color niya ito, eh."
Hindi lang pala pati bag ang pinuntirya, pati sa chocolates ay hindi pa nakuntento dahil nakihingi pa ng para sa amin. Wala rin tuloy silbi kahit may mga pangalan ang mga padala.
Ang mga natira ay para sa amin naman ni Mama. Meron din para sa mga kapatid ni Mama na sina Tita Judy at Tito Eloy. As usual, sambakol ang mukha ng magkapatid na sina Tita Rica at Tita Tootsie. Malamang ay sa isip ng mga ito: makakatikim na naman ng imported ang mga pobreng kapatid ni Madi.
"Hay, mas marami siguro itong padala ni Gil kung natuloy siya sa Amerika," patutsada ni Tita Rica.
Hindi kasi talaga dapat sa Dubai si Papa. Ang dating girlfriend ni Papa ay best friend ni Tita Rica. Nurse ito sa Las Vegas, Nevada, USA. Magpapakasal na sana ang mga ito para makuha na si Papa... ang kaso, hindi natuloy.
Hindi umubra ang LDR sa dalawa. Na-fall si Papa sa pobreng tindera ng karinderya malapit sa opisina nito. Huli na para pumigil ang angkan ng mga Valmorida, dahil nabuntis na ni Papa ang tindera. At ang tindera nga pala ay walang iba kundi si Mama.
Kaya siguro tanggap na lang din ni Mama ang gigil ng pamilya Valmorida, dahil alam nitong hindi ito matatanggap kailanman ng pamilya ni Papa. Para sa mga ito, mababang babae si Mama. At damay ako bilang anak nila.
Tinutulungan kong magligpit si Mama ng mga kalat nang utusan ako nito na ihatid na lang sa labas sina Tita Rica. "Ihatid mo na, Lai. Baka may masabi pa."
Kahit labag sa loob ko ay sumunod na lang ako. Malas pa, dahil nagpang-abot pa kami ni Rio sa may pinto.
"Geez, ang baho mo," sabi ng demonyito na nakaabot sa pandinig ko.
"Sorry, ha? Pawisan ako dahil wala naman kaming aircon sa public!"
Napailing-iling naman siya habang naglalaro ang pagka-aliw sa kanyang mga mata. "You're right. Pero nag-deodorant ka man lang sana."
"Excuse me?! Sinasabi mo bang may putok ako?! Hoy, kahit pawisan ay wala niyon, 'no! Kung gusto mo, tumira ka pa sa kili-kili ko!"
"Why should I live in your underarm?!" Napahinto si Rio sa paglalakad at nanlilisik ang mga mata na nilingon ako. "Oh, geez, what kind of barbaric language—"
Hindi niya na natapos ang sinasabi dahil tinampal ko na ng aking palad ang bibig niya. "May lamok!"
Natulala na naman siya. Nang mapansin ang pagtataka ko ay bigla na namang nagalit. "Your hand stinks!"
"Sorry, nagloko kasi ang tiyan ko sa school kanina. 'Tapos, alam mo naman sa public, walang bidet at tissue sa banyo!"
Nanlaki ang mga mata niya kasabay ng pamumula ng kanyang mukha. "How gross!"
"Sorry na nga!" Pigil ang ngiti na nilampasan ko na agad siya bago pa siya sumabog sa hinanakit. Sumunod na ako kina Tita Rica at nakitulong sa paglalagay ng mga bitbit nila sa trunk ng kotse.
"Kuya, what are you doing there pa?!" Lumusot ang ulo ni Renren sa bintana ng kotse para tawagin si Rio. Nag-pout pa ito at handa na namang mag-baby talk. "Come on, kuya! Renren is alone here in the backseat!"
Saka lang naman sumunod si Rio. Masama pa rin ang tingin sa akin sa peripheral vision ko, pero sorry kasi wala akong paki. Magsama sila ng kapatid niyang may sapi.
"Bye po," paalam ko sa kanila nang makasakay na sila lahat sa kotse. Sina Tita Rica at Tita Tootsie sa harapan at sa backseat ang dalawang nasobrahan sa aruga ng magulang.
Wala man lang sumagot sa pamamaalam ko. Si Renren ay inirapan ako at si Rio ay ewan ko, ayaw ko nang pag-aksayahan ng panahon siyang tingnan. Kung puwede nga lang ay 'wag ko na siyang makita pa kahit kailan.
Pagbalik ko sa bahay ay saka pa lang ako nagkaroon ng time na matulungan si Mama. Nag-bonding rin kami habang tinitingnan ang mga padala sa amin ni Papa.
"Ang dami mong bag at bagong damit! Paborito ka talaga ng papa mo!" biro ni Mama. "Pero, anak, gusto ko iyang ganyan na di ka nakakalimutan ng papa mo. Kaya galingan mo pa lalo paglalambing sa kanya, ha? Para talagang lagi ka niyang favorite!"
"Pero ikaw ang favorite ko at hindi siya," nakangising sabi ko naman sabay yakap kay Mama.
"Sus, bolera ka talaga, kaya mahal na mahal ka namin ng papa mo, e!" Gumanti sa akin ng yakap si Mama. "Hay, anak, napakasaya ko talaga na isa tayong buong pamilya!"
Lalong humigpit ang pagkakayakap ko kay Mama. Sa isip ko ay lalong tumitibay ang aking mga plano sa buhay. Hindi ako basta magtatapos lang ng pag-aaral, dahil gusto ko na ako ang maging number 1 hindi lang sa klase, kundi sa buong school. Kaya talagang pagbubutihin ko, dahil kailangang ako ang best para maging proud sa akin ang mama at papa ko!
UMAGA. Hindi pa nagsisimula ang klase nang dumating ang adviser namin. May inuutos ito sa building ng Grade 11. Ngayon ang mga natatanging pagkakataon na makakasilay ka na, magkakapuntos ka pa as a 'sipsip student'.
Alam ko na walang magpi-prisinta sa aking mga kaklase, kaya ako na ito. Moment ko na ito!
Ang kaso lang, biglang tumayo ang SSG President, class president din namin at nangunguna palagi sa klase na si Jordan Moises Herrera. "I'll do it, Ma'am."
Si Jordan na lang daw, kesyo may ibibigay rin daw kasi ito sa Grade 11 na kapatid nito. Kumuyom ang mga palad ko. Sipsip din pala sa teacher ang isang ito.
At si Jordan na nga ang inutusan ng adviser namin. Syempre nga naman, ito ang mas pipiliin ng teacher namin kaysa sa akin. Dahil mas matalino si Jordan, kilalang napakabait, at anak pa ng teacher. Gusto ito ng lahat. Nakasimangot tuloy ako hanggang sa mag-ring na ang bell.
Hanggang breaktime ay matalim ang pailalim kong tingin kay Jordan na chill lang habang nagbabasa sa inuupuan nito. Sa aking isip ay naglalaro ang tanong na 'paano ko ba ito masusugpo?'
Ang hirap na nga nitong sibakin sa pagiging top 1, pati sa pagsipsip na teacher ay balak pa nito sa aking makipag-paligsahan?!
Hindi ako papayag na si Jordan ang maging valedictorian. Mula nursery ay ako ang laging best, pero sumulpot lang ito rito sa Gov ay hindi ko na nahawakan pa ang pagiging top sa klase. Hindi puwede iyon. Hindi puwedeng ma-disappoint ko sina Mama at Papa, dahil ipinangako ko na sa kanila ang pagiging valedictorian!
Busy ang lahat ng aming kaklase. Karamihan ay di lumabas kahit break, mga nagre-review ng lesson, mga nag-uusap, at iyong iba ay nagsi-cellphone. Natigil lang ang lahat dahil may sumilip na babae sa pinto ng room.
Ako man din ay napatigil at napatingin sa dumating. Ang babae ay may maganda bagaman matapang na mukha. Mestiza, naka-make up, hindi nakatali ang necktie, at may highlights ang buhok—na bawal na bawal dito sa school!
Ano ang ginagawa nito rito? Hindi ito taga-special section, hindi lang dahil sa itsura nito, kundi dahil kilala ko ito. Ito si Carlyn Marie Tamayo na isa sa mga tropang babae ni Asher. Tropa lang talaga ito kaya hindi mainit ang mata ko rito.
Pero ano nga ang ginagawa nito rito? Ano ang sinisilip-silip nito? Noong makita ang hinahanap ay nagningning ang mga mata nito. At nang sundan ko ang tinitingnan nito ay namilog ang mga mata ko.
Lalo pa noong itaas nito ang kamay at sigawan ang sadya rito sa room namin. "Babe!"
Laglag ang panga ng lahat nang tumayo mula sa kinauupuan si Jordan Moises Herrera at humakbang palapit kay Carlyn. Nag-usap ang dalawa sa may pinto.
Kahit si Marilou dela Cruz o 'Lou' na obvious namang dati pang may pagnanasa kay Jordan ay walang nagawa kundi matigagal sa dalawa.
Pag-alis ni Carlyn ay habol-tingin pa ito ni Jordan. At noong magbalik sa upuan ang lalaki ay napapapailing pa ito habang nangingiti. Sino ang hindi mawiwindang?
Shookt talaga ang lahat-lahat, damay na hindi lang ang hindi pantay na foundation ni Marilou dela Cruz, kundi pati na rin ang bagong tubong pimple ko sa noo!
Kung para sa lahat ay nakakita sila ng kadiliman, kabaliktaran naman ang aking pakiramdam. I think I saw some light...
ISANG LINGGO nang badtrip si Lou. May gusto nga kasi ito kay Jordan. Ang kaso, ang lalaki ay may girlfriend na pala sa building ng Grade 11. Iyong tropang babae ni Asher na si Carlyn.
"Lou, totoo bang GF na ni Jordan iyong babaeng may highlights sa buhok?" tanong dito ng isa nitong kaibigan.
Malungkot na umiling naman si Lou. "I don't know. Pero iyon iyong babaeng nakasulat sa vandal ng mga restroom natin dito sa school."
Halo-halo ang reaksyon ng mga kaklase namin nang malaman iyon. May mga nagulat, nalungkot, at napailing.
"Hala, kawawa naman si Jordan. Bakit doon pa siya sa babaeng iyon nagkagusto?"
"I know, right?" Lalong lumungkot ang mukha ni Lou.
"Akala ko pa naman, magiging kayo ni Jordan," anang naman ng isa pa. "Kasi kayo na iyong magkasama noon pa. Saka bagay na bagay kayong dalawa. Pero ano ba ang laban ng matalino sa malandi?"
"Girl, it should be maganda not matalino," pagko-correct ng isa pang kaibigan niya. "But it can be both though. Maganda at matalino naman talaga si Lou."
Pigil naman ang ngiti ni Lou sa mga naririnig. "Hmn, hayaan na lang natin..." pabebe na sabi nito.
"But are you really okay Lou?"
"Yup, I guess? Iba naman kasi ang ikinaiinis ko ngayon," Lou answered with a frown. "Actually, there's someone who's been bothering me lately."
Nagkatinginan ang mga mga kaibigan niya. Ewan ko rin kung bakit pati ako ay na-curious bigla.
"Remember when I went to a regular section in the Grade 11 building? May nagkagusto ba naman sa akin doon na boy. Grabe, ang kulit-kulit niya!"
Napa-'Oh' ang mga kausap niya. May nagtanong agad kung ano ang itsura.
"Okay naman sana siya. In fact, he's good-looking. But you know, boys from the lower section is a big no for me."
Napatirik na lang ang mga mata ko. Bakit ba pinag-aksayahan ko pa ang Lou na ito panahon? Wala pang next teacher kaya lumabas na muna ako sa aming room.
Hindi pa ako gaanong nakakalayo nang nang makita si Asher sa hallway ng building namin. Ngayon ko lang siya nakitang napadpad dito. Anong kailangan niya?
Pinagtitinginan siya ng mga babaeng estudyante sa may bintana ng room na katapat niya. Mga tingin na halo-halo, may kuryosidad kung sino siya, pagtataka kung bakit nandito siya, at paghanga sa kanyang itsura.
Kahit naman kasi hindi siya nakasuot ng uniform polo, naka-plain white shirt lang, hindi naka-black shoes, sa halip ay high cut red Converse, at may hikaw siya sa tainga, hindi matitibag ang katotohanan na guwapo siya. Guwapo siya kahit mukha siyang estudyanteng walang kinabukasan.
Balewala naman kay Asher ang mga tingin sa kanya. Alam naman niya na guwapo siya at malakas ang dating, pero madalas ay dense talaga siya sa mga bagay-bagay.
Pinanood ko ang bawat kilos niya. Ang paghaplos ng kanyang kamay sa makinis na leeg niya, ang pagkakapamulsa ng kaliwang kamay niya sa bulsa ng suot na school pants, at ang paglingon-lingon niya.
Nang mapatingin siya sa akin ay para bang kumislap ang mga mata niya. It was like he found someone he knew in a place where he was surrounded by strangers.
Saglit lang ay naglalakad na siya patungo sa akin. Napahawak naman ako sa aking dibdib. Ako ba ang sadya niya kaya siya naririto?
Nang isang dipa na lang ang layo namin sa isa't isa ay huminto ang mga paa niya. Muli siyang napahawak sa kanyang leeg na para bang nahihiya.
"Uhm, bakit ka nandito?" tanong ko na pigil-pigil ang ngiti sa mga labi.
Tumikhim siya bago magsalita. "May tinitingnan lang."
Tinitingnan? Ano bang palusot iyan? Kailan man ay hindi siya kusang pumunta sa room o building ng kahit sinong naging girlfriend niya, maliban na lang talaga kapag inutusan siya. Pero madalas ay hindi niya ginagawa, kaya nakikipag-break na lang siya.
Hindi rin ugali ni Asher ang maghanap ng girlfriend. Ang girlfriend ang kusa sa kanyang dumarating. In short, wala pa siyang kahit sinong babae na niligawan o napaglaan kahit ng katiting na effort man lang.
At ngayon ay naririto siya sa building ng special section, sa building kung saan alam niyang kinaroroonan ng aking room. It might seem a little silly thing, but it meant a lot for me.
Nang tumuwid ang tingin ni Asher sa akin tumatahip ang aking dibdib sa paghihintay ng pagbukas ng kanyang bibig. And I had no idea I'd be this disappointed when he did.
"Kilala mo ba si Marilou dela Cruz?"
Pakiramdam ko ay nalulon ko ang aking dila. What? Why was he asking if I knew Lou?!
"Isa lang ang section ng Grade 12 na special section, di ba?" muli'y tanong niya. "Kilala mo ba siya?"
"B-bakit? A-ano ngayon kung kilala ko siya?" Halos hindi ako makapagsalita.
His expression brightened even more when I mentioned Lou's name. Para bang may narinig siyang kaaya-aya. Humakbang siya palapit sa akin at hinawakan ako sa magkabila kong balikat.
"Lai, di ba?"
Tumango ako habang pigil-pigil ang pagsabog ng emosyon sa harapan niya.
"Di ba magkakilala na tayong dalawa? Puwede ba akong humingi ng favor sa 'yo? Gusto ko sanang makuha ang number niya. Matutulungan mo ba ako?"
"B-bakit mo kukunin ang number niya?!" Napataas na ang boses ko. At alam ko na sa mga sandaling ito ay madilim na rin ang aking ekspresyon.
Gumuhit naman ang pagtataka sa mga mata ni Asher habang nakatingin sa mukha ko. Napakurap-kurap siya at pagkatapos ay napaatras. "Sorry kung naistorbo kita. Kalimutan mo na lang."
Patalikod na siya nang pigilan ko siya sa braso. "Ano nga? Bakit nga? Anong kailangan mo at bakit mo kukunin ang number ni Lou?!"
Nagtataka pa rin siya sa akin, gayunpaman ay sinagot niya ang tanong ko. "Liligawan ko sana siya. Wala naman sigurong masama?"
Liligawan?! Tama ba ang narinig ko o baka gugunaw na ang mundo kaya kandabingi na ako?
"Ano, Lai, wala naman sigurong masama? Hindi ko lang talaga alam paano iyong ganito, kasi first time kong manliligaw ng babae. Nangangapa pa ako." Napakamot pa siya ng pisngi na parang naliligaw na bata. "Simulan ko muna sana sa pagkuha ng number niya. Ano, matutulungan mo ba ako?"
Anong walang masama? Iyon ang paulit-ulit sa isip ko nang buong pait. Binitiwan ko ang braso niya at matalim ang mga tingin na tiningala siya. "At bakit kailangan kitang tulungan? Sino ka ba?"
Napaawang ang mga labi ni Asher sa akin.
"Wala akong pakialam sa 'yo kaya kung may liligawan ka, ligawan mong mag-isa mo! Malaki ka na para gumawa ng paraan kung may gusto ka,'wag ka nang mang-abala ng ibang tao!"
Tinalikuran ko na si Asher na gulat na gulat sa aking inasal. Nang makabawi ay saka siya nagsalita. "Kung ayaw mo akong tulungan, sabihin mo na lang. Bakit kailangan mong magalit at manigaw?!"
Itinaas ko ang isang kamay ko para iwanan siya ng dirty finger.
"Hoy, bakit marunong ka niyan?!" sigaw niya na habol sa akin.
Hindi ko na siya pinag-aksayahan ng paglingon. Ayaw ko siyang makita. Masikip ang dibdib na tuluyan na akong nanakbo makalayo lang sa kanya. Dahil ayaw ko talaga siyang makita. Ayaw ko muna!
Marami nang naging girlfriend si Asher, pero ayos lang sa akin. Ayos lang dahil wala siyang pinag-aksayahan ng effort kahit isa sa mga iyon. Wala pa. Wala pa, maliban ngayon!
Wala kahit isa sa mga iyon na nakitaan ko siya ng ganoong ekspresyon. Tanging ngayon lang! Tanging ngayon lang, at sa dinami-dami, kay Marilou dela Cruz pa! Bakit sa babaeng iyon pa?!
Humihingal pa ako nang pumasok sa room. Nagtataka ang mga kaklase ko dahil sa padabog na pag-upo ko sa upuan, pero wala akong pakialam.
Kahit si Lou na nakikipagkuwentuhan sa mga katabi ay napatingin din sa gawi ko. Tinaasan lang ako ng kilay, at pagkuwan ay bumalik na sa ginagawa. Like she was saying that noticing me was just a waste of her precious time.
Nagtatagis ang mga ngipin ko habang nakaupo. Hindi naman papatulan ni Lou si Asher, di ba?
Kahit gaano pa kaguwapo si Asher ay hindi pa rin dahilan para mahulog ang babaeng ito. I knew what she liked in a guy, she was into smart guys; she would never consider him!
I was still restless throughout the class. Why wouldn't I? It was the freaking first time Asher looked for a girl!
Wala na akong gana sa sumunod na subject. Hanggang sa mag-uwian ay madilim ang aking mukha. Hindi ako agad lumabas ng room dahil isa ako sa cleaners ngayon.
Tahimik na ginagawa ko ang aking toka, habang ang mga kasama ko sa cleaners ay hindi malaman kung paano ako iiwasan. Pinagbubulungan na lang nila ako.
My typical expression was already making them feel weird; what more now that I was not in the mood? Naawa na lang ako sa mga kasama ko, pero wala naman akong magawa.
Nagpahuli na lang ako sa kanila na lumabas ng room. Wala ng mga estudyante sa building namin pagsilip ko, dahil nag-uwian na lahat ng mga taga science class. Paglabas ko ng room ay natigilan ako sa pinto nang matanaw na pabalik si Lou.
Nangunot ang noo ko pagkakita rito. Bakit nandito pa ito? Kasama ba nito si Jordan? Pero nitong nakaraan ay hindi na ito sumasama kay Jordan kahit sa pagla-library tuwing uwian.
Kapansin-pansin din na walang dalang bag si Lou. Nasaan ang bag nito? Sino ang may dala para dito?
Lalong nangunot ang aking noo dahil ang masungit na mukha ay ngayo'y maaliwalas. Ang mga labi ay may naglalarong pigil na ngiti.
Nasagot din ang aking tanong nang mula sa pinanggalingan ni Lou ay isang matangkad at guwapong estudyante ang kasunod nitong dumating. At kaya pala wala kay Lou ang bag nito, nasa balikat pala ng lalaki.
Pakiramdam ko'y may matalim na bumaon sa aking dibdib. Dahil ang lalaking iyon... ay walang iba kundi si Asher James Prudente!
jfstories
#CrazyStrangerbyJFstories
Bạn đang đọc truyện trên: ZingTruyen.Xyz