Chapter 50
WOULD YOU LIKE US TO BE FRIENDS?
Anong meron sa tanong kong iyon upang panlakihan si Asher ng mga mata? His red lips were still parted as he looked at me as if he had just heard something so absurd.
Umalon ang lalamunan niya. "Puwedeng maging magkaibigan ang mag-ex?"
Seryosong sinagot ko naman ang tanong niya. "Why? May batas ba na nagbabawal?"
Napalunok siya ulit. "Wala naman, pero—"
"Ayaw mo o gusto mo?"
Nakailang kurap yata siya bago nakasagot. "G-gusto."
Maliit na nginitian ko siya. "Then we are friends now."
Lumayo na ako sa kanya dahil parang hindi na siya makahinga. Hindi naman puwedeng mamatay siya rito. Alalahanin ko pa ang bangkay niya. Hassle pa.
Anyway, offering friendship to Asher may looked like a hasty decision, but I was certain of it. Sa lumipas na mga taon ay hindi pa ako nagkamali ulit sa kalkulasyon.
Pinagmasdan ko siya. Nakabawi na siya sa pagkabigla. In fact, parang may kung ano siyang iniisip sa mga oras na ito. Kinuha niya ang phone mula sa bulsa at inabot sa akin. "If we are friends now, we should have each other's phone numbers, right?"
Nangunot ang aking noo, pero naisip ko na may punto naman siya. I didn't accept his phone but I recited my number to him. Nagmamadali naman niya iyong na-type at na-save nang hindi ko na kinakailangan pang ulitin. Kinuha ko na rin ang number niya, para alam ko kung sakaling ko-contact man siya.
He was only here in the Philippines for a short vacation, and he would board the ship again soon. Saglit lang ito. Ginantihan ko ang ngiti niya, na dahilan para matigilan na naman siya. Pero nang makabawi ay ngumiti na siya ulit. Hindi ko lang sigurado kung tama ba na parang malungkot na ang mga mata niya sa pagkakataong ito.
Hindi na rin siya nagtagal nang mayamaya lang ay tinawagan na siya ng nanay niya. Nagkakagulo raw sa bahay nila dahil nakitaan ng nanay nila ng tahi sa katawan ang Kuya Aram niya. Dadalhin daw nila sa ospital ang pangalawa sa mga nakatatanda niyang kapatid.
Para namang ayaw pang umalis ni Asher. Kapit na kapit pa siya sa pinto. "Lai, you can't take it back," desidido na sabi niya sa akin. "We are friends now. I already have your number and you have mine. Expect me to contact you." Nasa pinto na siya ay lumilingon pa sa akin. "I'll be sure to text you!"
Nakatingin lang naman ako. Nang wala na siya ay saka lang nag-iba ang kislap sa mga mata ko. Pati ang maliit na ngiti sa aking mga labi ay naglaho. Blangko ang mukha na isinara ko na ang pinto.
NEXT DAY. Hindi naman ako napuyat kahit panay text iyong bago kong kaibigan. Ini-off ko na kais ang aking phone sa aking paghiga. Kapag oras na kasi ng tulog, ay oras na dapat ng tulog.
Maaga kaming gumayak ni Bobbie noong mag-umaga na. Nabitbit pa ni Bobbie pababa ang laruan na yakap lagi nito sa pagtulog. Isang laruang manika na isa sa padala ni Israel galing ibang bansa. Kinuha ko iyon sa bata at inilapag muna sa sofa.
"Are you ready, baby?" I asked my daughter when we were inside the tricycle. Papasok na ito sa playschool at ako ang maghahatid dito ngayon. Kapag wala akong work ay bumabawi ako rito. Isa pa, gusto kong makita ang kaklase ng anak ko na humila sa ipit nito noong nakaraang linggo.
"Yesh, Mama!" masigla naman na sagot nito.
Dikit lang ang playschool ni Bobbie sa private school din ng kambal. Nandoon na si Tita Judy pagdating namin. Nakapasok na sina Atlas at Adam. Nang makita kaming mag-ina ay lumapit agad sa amin ang aking tiyahin.
"Tita Judy, okay lang ako maghatid at maghintay kay Bobbie, wala naman akong work ngayon. Natapos ko na kaninang madaling araw iyong last file."
"Okay." Pero hindi pa rin umaalis si Tita Judy. Mataman ang titig nito sa akin. Tila ba inaarok kung ano ang tumatakbo sa isip ko.
Patay malisya naman ako. Hinila ko na si Bobbie papunta sa room nito. Nakapila na roon ang mga kasabay nito sa oras ng playschool.
Nang lumapit na si Bobbie sa pila ay nahagip agad ng paningin ko ang isang maputing batang lalaki na cute at dalawa ang puyo sa ulo. Ngiting-ngiti agad ito nang makita si Bobbie. Hindi bumilang ang isang minuto na lumapit agad ito at pinisil sa pisngi ang anak ko.
Ang mga kasamahan ko namang mga nanay ay napangiti. Aliw na aliw sa nakita sa mga bata. May narinig pa ako na nagsabi na 'Ang cute!'
Tiningnan ko ang mga katabing mommy, lalo iyong mas ngiting-ngiti. Kamukha ito ng batang lalaki na may dalawang puyo. "Patrick, 'wag mong asarin ang friend mo, ikaw talaga," saway nito sa bata habang natatawa.
Ang teacher naman sa playschool ay nakisali na rin. "Cute na cute talaga iyan si Patrick kay Bobbie. Palaging tinatabihan sa upuan."
Tumingin sa akin ang mommy ng batang si Patrick, at binungisngisan ako. "Naku, walang pang five ang anak ko, magkakakumare na yata ako."
Gumanti naman ako ng ngiti rito. Mas matamis. But in my mind, I was already plucking out the woman's eyes. Her son was under five years old, which meant that he could be more easily disciplined, but instead of reprimanding her son for not respecting the boundary, she just laughed like a fool!
Nang tumingin sa akin ang batang lalaki na si Patrick ay tinitigan ko ito nang matalim, napausod ang bata sa gulat at takot. Pero bago pa ako tingnan ng mommy nito ay matamis ng ngiti ang nasa mga labi ko.
Nang umalis ang tingin sa akin ng babae ay muli kong tiningnan ang batang lalaki at tinitigan ulit nang masama. Nanakbo na tuloy ito pauna sa loob ng room.
"Ang cute," sabi ko na ngumit na ulit nang matamis at tiningnan ang mga co-mommies.
"Oo nga," sabi naman ng mommy ni Patrick. "Ang ganda ng daughter mo, ilang taon pa lang, pero matangkad na. Tapos ang liit ng mukha at ang ganda ng skin color, morena. Pang Miss Universe."
"Momsh, mukhang matangkad pa nga si Bobbie paglaki," sabat ng isa pang mommy. "Matangkad ba iyong daddy?"
Lumiit ang pagkakangiti ko. "Oo, Momsh, pumili talaga ako ng matangkad, para more chances of winning sa height. Alam niyo na, maraming job na may height requirement. Saka syempre, pleasing personality na rin."
"Kaya nga guwapo rin iyong pinili kong baby daddy," natatawang sabi ng Mommy ulit ni Patrick. "Dalawa iyong suitor ko noon, isang doktor at isang tambay. Pero mga momsh, mas pinili ko iyong tambay kasi guwapo naman at mahal ko. So ito, tambay pa rin siya kaya ako ngayon iyong bumubuhay."
Nagkatawanan. Nakakatawa pala iyon?
"May babae kang anak?" tanong ko rito.
"Meron. Grade 7. Kamukha rin ng tatay. Ang ganda. Binibilinan ko nga lagi iyon na wag munang magpapaligaw, e."
"Hala, paano iyon e maganda?" Lumabi ako at pinalungkot ang aking mga mata. "Momsh, hindi mo mapipigilan ang mga manliligaw niyon kahit bata pa. Pag-pray mo na lang siguro na pakinggan ang pangaral mo, kaysa sa example na pinapakita mo. You know? Iyong pagpili based sa itsura at pananatili sa partner na siya pa ang kailangang bumuhay, at kahit bare minimum sa pagsasama niyo ay hindi pa maibigay."
Doon nanahimik ang mga mommy, lalo ang mommy ni Patrick. Pinamulahan ito ng mukha.
Pabiro ko naman itong hinampas sa balikat, pero may bigat, sabay bungisngis ko. "Joke!"
Nagtawanan ulit ang mga mommy. Pero iyong mommy ni Patrick ay tabingi na ang ngiti.
Nang maglabasan na ang mga bata matapos ang dalawang oras na playschool ay nanakbo na palabas ang mga bata. Kanya-kanya ng salubong at baby talk ang mga mommy sa mga anak. "Hello, baby ko. Musta po sa loob? Nag-color ikaw? Eat mo ba food? Yummy baon food? Pagod ikaw? Aw, wawa man baby na iyan ng mommy!"
Nagpa-baby naman lalo ang mga bata sa mga mommy ng mga ito. May isa pang nag-tantrums agad at nagpapabili ng kung anu-ano. Todo pag-amo naman ang mommy nito. Para lang tumahan ay pinangakuan ng ibibili ang gusto.
Nang matapos ang pag-uunahan ng mga bata na lumapit sa mga magulang nila ay saka pa lang naglakad si Bobbie palapit sa akin. Pinatapos muna nito ang kaguluhan kaysa makipag-siksikan. "Mama!"
"Hi, little Bobbie! How are you? What activities did you do today?"
"Mama, we painted some flowers in the book pow! We also sang nursery rhymes pow!"
"Ang tatas na magsalita ng anak mo, ano? Mag-three pa lang iyan, di ba?" tanong ng isang mommy sa akin.
"Oo, never ko kasing in-encourage sa pagbi-baby talk," nakangiting sagot ko naman.
Nanahimik iyong mga maiingay na mommy na kanya-kanyang pasiklab sa mga anak kanina. Iyong isang mommy pa ay naibaba bigla ang karga-kargang malaki ng anak.
"Let's go, Bobbie." Hawak ko sa kamay si Bobbie na niyakag nang umalis. Ang bata pa rin ang may hawak sa mga gamit nito at hindi ako. Hindi naman mabigat kaya hinahayaan ko ito.
Nang wala na kami sa mga mata ng mga tao ay saka ko lang hinarot si Bobbie. Saka lang din kumawala ang bungisngis nito. Sa harapan ng ibang tao ay gusto rin nito nang ganito, na magmukha itong independent, pero ang totoo ay ito: pag kami lang dalawa ay pareho kaming dependent sa isa't isa.
LANCASTER. Dito kami dumeretso, sa bahay nina Tita Judy. Hindi pa uwian ang kambal. Nandoon na ang tiyahin ko dahil ang susundo naman sa mga bata ay si Daddy No. 2. Katatapos lang magbangayan ng dalawa.
Pagkakain ng lunch ay nauna nang mag-afternoon nap si Bobbie kahit wala pa ang mga kuya. Kami ni Tita Judy ang naiwan sa sala.
Naglalabas sa akin ng hinanaing ang aking tiyahin. May problema siya kay Daddy No. 2, 'tapos nagkasagutan din sila ni Daddy No. 1 dahil nakikialam daw ito, kahit pa ang liwanag ng usapan nila na wala dapat pakialamanan.
Gigil na gigil ang tiyahin ko sa asawa niya. "Gusto ko nang i-block kung di ko lang mahal, at kung di lang mahal ang bills ngayong buwan!"
Napahagikhik ako. Kung si Tita Judy lang kasi ay hindi ito palaging mag-i-aircon, pero kabilin-bilinan ng kanyang mister na wag titipirin ang comfort ng pamilya nila. Hayan tuloy, walang patayan ang aircon nila, kaya nakakamatay rin ang electricity bill nila.
Inabot ko ang kamay ng aking tiyahin. "Intindihin mo na lang. Nagwo-worry lang naman ang asawa mo. Baka raw kasi sa pangungunsumi ay hindi ka makapag-perform nang maayos sa next video call niyo."
Lalong nalukot ang magandang mukha ni Tita Judy. "Piste."
Nag-beep ang phone ko bandang 12:45 p.m. May text. Tiningnan ko. Mula sa bagong saved na number.
Friend:
Puwedeng pumunta?
Tumaas ang gilid ng aking bibig. Isa sa mga benipisyo nang ganito ay iyong nakakapagsabi na siya kung kailan siya pupunta.
Napausod naman si Tita Judy sa akin. "Oy, Laila, sino iyan? May nagti-text sa 'yo maliban sa aming tatlo?" Ang tinutukoy niya sa tatlo ay siya, si Renren, at si Israel.
"I just made a new friend."
Naghugis 'O' ang bibig ng tiyahin ko.
Tumayo na ako. "Tita Judy, puwedeng dito muna si Bobbie? Babalikan ko pag nagising na." Hindi naman magbi-video call ang asawa ng tiyahin ko, kaya puwede roon si Bobbie. Susunduin ko na lang.
Nagpa special na ako ng tricycle pauwi ng Sunterra. Pinapasok ko ang driver hanggang sa loob ng subdivision. Sa may kanto ako pumara dahil malapit naman na rito ang bahay ko. Nasa loob pa ako ng tricycle ay nakita ko na agad ang matangkad na lalaki sa harapan ng gate. Nakapayong siya ng itim na payong.
Kahit katirikan ng araw ay ang presko niya lang tingnan sa suot na baby blue na plain shirt, dark cargo shorts, at sa paahan ay ang kanyang black Adidas slides. Ang buhok niya ay nakatali. Nahiya ang istura ko na magulo ang pagkaka-headband ng buhok at naglalangis ang suot na salamin sa mga mata dahil sa pawis.
Iiwas pa lang ako ng paningin nang mapalingon na siya sa akin. Ang lakas talaga ng radar. Nakita niya na rin ako. Saglit lang ay humahakbang na siya palapit habang bitbit ang payong niya.
Sa haba ng mga biyas niya ay nakalapit agad siya sa tricycle kung saan ako nakasakay pa rin. Bago ako magbayad ay natanong niya na agad sa driver kung magkano. Nag-abot siya ng buong isang daang piso at hindi na kinuha ang sukli. Pagbaba ko sa tricycle ay isinukob niya agad ako sa payong na dala niya.
Sa aking pagtingala sa kanya ay nasalo ko agad ang matiim na mga titig niya. "Tanghaling tapat, napakainit. Saan ka galing?"
Gusto ko ring ibato sa kanya ang tanong niya. Tanghaling tapat at mainit, bakit nandito siya?
Napansin niya siguro ang pagkunot ng noo ko sa tanong niya, kaya biglang bawi siya. "Tanong lang naman, since friends na tayo."
Doon ako maliit na ngumiti. "Tumaya sa Lotto."
"Lotto?"
"Oo, gusto ko kasing yumaman nang walang ginagawa."
Napanganga na lang siya sa sagot ko.
Nauna na ako sa gate. Binuksan ko iyon habang nang mahimasmasan ay sumunod siya agad sa akin. Isinukob niya ulit ako sa kanyang hawak na payong, o mas tamang sabihin na ako na lang yata ang pinapayungan niya. Inilabas ko naman na ang susi upang buksan ang main door.
Pagbukas ko ay sumalubong sa amin ang madilim na sala. Madilim dahil kulob. Kahit buksan ang nag-iisang bintana ay kaunti lang ang liwanag na papasok. Mahalaman din kasi sa gilid ng gate ko patungo sa gilid ng mismong bahay, dahil ginawa kong mini garden ang kapiranggot na excess lot.
Tiniklop naman ni Asher ang dala niyang payong, saka sumunod na pumasok. Mukhang nangalay siya sa paghihintay sa akin sa labas kanina, dahil kahit hindi ko pa nabubuksan ang ilaw sa sala ay walang pasabi na pasalampak na siyang naupo sa sofa.
Pinindot ko ang switch ng ilaw sa sala, pero hindi lumiliwanag. Naisip ko na baka pundi lang, pero kahit iyong ilaw sa kusina ay hindi rin bumubukas. Ayaw rin gumana kahit ng electric fan. Napasilip na ako sa labas ng bintana, mga bukas ang bintana ng mga kapitbahay. Wala yatang kuryente.
Bakit kung kailan tanghaling tapat ay saka pa nag-brown out? Paano kung nandito pala ngayon si Bobbie? Maiinitan ito dahil walang kuryente. Dahil doon ay sandali kong nakalimutan ang presensiya ni Asher, hindi ko na napigilan ang pagbabago ng aking kanina'y kaswal na ekspresyon. Ibang usapan na kasi pagdating sa anak ko. Dahil lalabas at lalabas talaga kahit ang mga katago-tago kong emosyon!
Isang baritono at masuyong boses ang pumukaw sa akin. "Lai."
Doon ako napakurap. Napatingin ako sa sofa. Nakaupo pa rin si Asher doon, pero hindi na nakasandal sa sandalan. Hindi ko naman mabistahan ang ekspresyon niya dahil bukod sa may kadiliman dito dahil lukob nga ang sala, ay against the light pa siya mula sa nasa likuran niyang bintana.
"May problema ba?" tanong niya sa mahinahong boses, pero taliwas sa nararamdaman kong klase ng titig niya sa akin. Hindi ko man nakikita nang malinaw ay nararamdaman ko, he was looking at me like his eyes were penetrating my soul.
Nakailang tingin yata ako sa paligid bago nakuha siyang sagutin. "Brownout."
Tumango-tango siya habang nakatingin pa rin sa akin. "Chill. Magkakakuryente naman siguro agad mayamaya."
"Oo nga," sabi ko pero pasimple na tumikom nang mariin ang mga palad.
Nang sulyapan ko muli si Asher ay hinihila niya na ang kuwelyo ng kanyang suot na shirt. Naiinitan siguro dahil ang tagal niya sa labas.
Iniwan ko an naka-on ang switch sa sala, just in case magkailaw na. Pumunta ako sa kusina. Sa ref ay malalamig pa ang mga tubig. Uminom ako at pagkatapos ay dinalhan ko rin si Asher ng isang baso. Nakaupo pa rin siya sa sofa.
"Thanks." Pagkatanggap ay dinalawang nilagok niya lang ang lahat ng laman ng baso. Mukhang inuhaw.
Pagbaba niya ng baso sa center table ay aalis na sana ako para maghanap ng puwedeng pamaypay, nang pumigil ang kamay niya sa aking kaliwang pulso. Nagtataka na napatingin naman ako sa kanya.
"Dito ka muna. 'Wag kang kilos nang kilos, mainit."
Marahang hinila niya ako hanggang sa mapatabi ako sa kanya. Nakikita ko na ngayon nang malinaw ang ekspresyon niya. Sa mga mata niya ay tila may kung anong lungkot doon habang nakatingin siya sa aking mukha.
His lips parted as though he wanted to say something, but not a single word came out. Napayuko siya at napasandal ulit sa sandalan ng sofa. Ang isang bisig niya ay ipinatong niya sa kanyang noo habang nakapikit siya. Sa lahat ng iyon, hawak niya pa rin at hindi binibitiwan ang pulso ko.
Mga limang minuto rin.
Nang medyo tumagal pa na wala pa rin siyang kakilos-kilos ay mahinang nagsalita na ako. "Ang kamay ko."
Hindi siya tuminag. Ganoon pa rin, nakapikit, nakasandal sa sofa, at hawak pa rin ako.
Nakatulog na ba siya? Nakaidlip kaya hindi ako narinig? Sinubukan ko nang marang hilahin ang aking pulso, subalit humigpit ang pagkakahawak niya sa akin.
"Asher."
Nang marinig ang pagtawag ko sa pangalan niya ay saka siya dumilat. Inalis niya ang bisig na nakapatong sa kanyang noo. Hindi siya umaalis sa pagkakasandal sa sandalan nang sofa, nang lingunin niya ako. Kahit may kadiliman sa paligid ay nasisinag ko ang lalim ng mga titig niya sa akin.
Isang mapanglaw na ngiti ang nakaukit sa mga labi niya. "Can you believe that? We're now friends."
Sinikap ko rin na ngumiti.
Mas lumamlam naman ang mga mata niya. "We're now friends... even though I know you hate me."
Nabura ang maliit na pagkakangiti ko.
Ang pagkakahawak niya sa pulso ko ay bumaba sa aking kamay. "Pero magkaibigan na tayo ngayon, at iyon ang mahalaga. But what do friends do, Lai?"
Ahm, ano nga ba?
Makikipagkaibigan lang naman tayo dahil may kailangan, di ba? Makikipagkaibigan para mapakinabangan ang taong iyon. Dahil kung wala itong silbi, ay bakit pa kailangang pag-aksayahan ng panahon? Wag na lang, di ba? Mabuhay na lang na mag-isa at walang problema.
Pero syempre ay hindi ko iyon puwedeng isagot kay Asher. Pinatamis ko ang mga salita in a way na makatotohanan pa rin. "Ang magkaibigan ay nagtutulungan."
Napapitlag ako nang pagsalikupin ni Asher ang aming mga daliri, at tuluyang ikulong ang kamay ko sa mainit at malaking palad niya. "Ano pa, Lai?"
Meron pa ba? Napalunok ako. Ano pa ba? "Uhm, nagba-bonding?"
Ngumiti siya. "Yes, just like what we are doing."
"Ganito rin?" tukoy ko sa magkasalikop na mga kamay namin. "Do friends do this as well?"
Lalong tumamis ang ngiti ni Asher. "Yes."
Nangunot ang noo ko. "Ganito ka rin kina Arkanghel, Isaiah, at Miko?"
Nalukot ang matangos na ilong niya pero saglit lang. Nakangiti pa rin na sumagot siya sa tanong ko. "Oo, minsan."
"Really?"
"Yup. And now that we're friends, I'm going to teach you what friends do." Ang mga mata niya ay nagsimulang mamungay. "Iyon ay kung okay lang sa 'yo, Lai."
Nang bumagsak ang salamin sa aking mga mata ay maingat na inayos niya iyon, dahilan para mapalunok ako.
"You used to teach me stuff that I didn't know before. And now it is my time to teach you stuff you do not know."
Bumaha na ang liwanag sa paligid. "May kuryente na." Nagkaroon ako ng pagkakataon na mabawi ang kamay ko sa kanya. Napapaso ako na lumayo at tinungo ang electric fan para buksan.
I thought I'd gotten out of a situation I wasn't interested in, only to find out that an even worse one was waiting for me due to my carelessness. Walang kibo si Asher sa likod ko. Nang lingunin ko siya ay napatigil ako nang makita na salubong ang mga kilay niya. Hindi rin siya sa akin nakatingin, kundi sa gilid ng sofa kung saan siya nakaupo.
Nagtataka na sumunod ang tingin ko sa kung ano mang tinitingnan niya. Dinampot niya iyon, at kasabay ng kanyang malamig na boses ay ang pagtingin sa akin ng seryoso mga mata niya. "Lai, sino ang may ari nito?"
Dama ko ang aking pamumutla nang makita iyong bagay na nakalimutan ko na naroon pala. Ang bagay na iyon ay ang manika ni Bobbie. Ang laruan ng anak ko!
jfstories
#CrazyStrangerbyJFstories
Bạn đang đọc truyện trên: ZingTruyen.Xyz