Chapter 5
HINDI GANYAN ANG TYPE KO.
Nakalampas na sa akin sina Asher at Arkanghel ay hindi pa rin ako makaalis sa aking kinatatayuan sa bukana ng canteen. Nakaharang ako sa daan kahit may naiinis ng mga estudyante sa akin. Bakit parang biglang bumigat yata ang mga mata ko?
Parang may fog na nakaharang at nagpapalabo ng aking paningin. Kumurap ako dahil baka naman napuwing lang ako. Inalis ko ang aking suot na salamin at kinusot ang mga mata. Ayan, okay na ulit. Puwing nga lang talaga.
Umayos ako sa pagkakatayo at nakangiti nang umalis sa canteen. Habang naglalakad pabalik sa room ay naisip ko ang sinabi ni Asher kanina. Hindi raw katulad ko ang type niya. Hay, ang cute niya talaga.
Suplado at hindi raw ako gusto, alam ko na iyang ganyan. Ilang beses ko nang napanood sa TV at nabasa sa libro iyan. Ang tawag sa ganoon ay 'she fell first, but he fell harder'.
Impit akong napairit sa kilig. Normal lang talaga ang sinabi ni Asher dahil ganoon naman talaga karamihan sa umpisa. Hindi nagkakagustuhan agad. Naiintindihan ko siya, kaya pinapatawad ko na rin siya. Hindi rin naman ako nagmamadali, mahaba pa naman ang oras at mga bata pa kami. I could wait.
Pagbalik sa room ay doon ulit pumormal ang aking mukha. Back to academic goals. I immersed myself in studying for the next few hours. Huling taon na ni Papa sa abroad. Ang gusto kong regalo rito ay hindi lang basta matataas na grades, hindi lang din basta medal, kundi ang pagiging first sa special section. And I would do everything to make that happen.
Tama naman na maaari kang magkaroon ng mataas na grades sa pamamagitan ng sipag at utak lang, pero naniniwala ako na nakakatulong din talaga para sa dagdag points minsan kapag naging isa kang teacher's pet.
Nang paalis na ang teacher namin sa last subject bago ang last break ay nanguna akong tumayo. Agad kong sinalo ang hawak-hawak nitong libro. "Ma'am, tulungan ko na po kayo."
Narinig ko naman bulungan ng mga babaeng nakaupo sa unahan ng room na malapit kay Ma'am. "Ang aga-agang sipsip naman niyan."
"'Di ka pa sanay? Matagal nang ganyan 'yan," sabi naman ng isa.
Ang teacher naman namin ay ngumiti sa akin. "Salamat, Laila. Kaya ko na ito. Mag-recess ka na."
Matamis na ngiti naman ang sagot ko rito. "Hindi po, Ma'am. Hahatid ko na po kayo sa faculty dahil baka may iuutos din po kayo, libreng-libre po ako."
Wala akong pakialam sa mga kaklase kong sipsip, weird, at kung anu-ano pa man. Kahit pagtawanan pa nila ako at pintasan. Hindi naman kami habangbuhay na magkakasama-sama. Pagka-graduate ay hindi ko na rin naman makikita pa ang mga pagmumukha nila.
Pagkahatid kay Mrs. Montoya sa faculty ay nagbanyo muna ako. Sa loob ay may nakasabay akong dalawang babae na na nagre-retouch sa harap ng lavatory. Mag-best friend yata. Familiar sa akin ang mga mukha. Habang nasa cubicle ay nakinig ako sa usapan nila.
"Beh, break na kayo ni Miko, di ba? What if maging kami, beh?" tanong ni Best Friend 1.
"Okay lang, beh. Pero di ba ex mo si Asher last year?" Si Best Friend 2.
"Oo, bakit, beh? Ex ko nga si Asher, nakakainis nga lang kasi ang bilis namin mag-break. Three days lang. Ni hindi pa nga kami nagki-kiss, eh."
"Magiging kayo na ba ni Miko, beh? Eh, di kalimutan mo na si Asher. Balita ko, kahit first day pa lang na GF ni Miko, kini-kiss na nito agad. Naging boyfriend din kasi iyon ng pinsan ko, at saka mga friends ng pinsan ko."
"Pero mahal ko pa kasi si Asher, beh. Pag nakikita ko siya, gusto kong makipagbalikan sa kanya. Kaya lang, parang di niya na ako kilala."
"Kay Miko ka na lang, beh. Sorry pero may ipagtatapat ako sa 'yo. Two nights ko na kasing ka-chat si Asher. At mahal ko na siya."
Napahampas ako bigla sa pader ng cubicle. Napahinto naman sa pag-uusap ang mag-best friend sa labas. Hindi pa ako nakuntento, sunod-sunod ang hampas ko sa pader na parang nagtatambol.
"Ano ba iyan, ang ingay naman?! Tara na nga, beh!" iritang yaya ng may pinakamatinis na boses. Pagkatapos ay tuluyan ng nawala ang dalawang mag 'beh'.
Paglabas ko ng cubicle ay salubong na salubong ang mga kilay ko. Mga ilan pa ba sila? Hindi na ba talaga mauubos? Tapos may gusto pang makipagbalikan? Saka, mga ilang taon na ba ang mga iyon? Para yatang mga Grade 8 lang!
Hindi naman ako worried sa gustong makipagbalikan dahil kilala ko si Asher. Maliban sa allergic sa salitang comeback, ulyanin ang lalaking iyon. Malamang limot na niya kahit iyong naging ex niya last week lang.
Paglabas ko ng banyo ay busangot pa rin ang mukha ko. Nang mag-beep ang phone ko ay lalo akong napasimangot nang makita kung kanino galing ang text. Sa pinsang isinusumpa ko lang naman!
Rio Demonyito:
Hey, Lai. May parating daw na package ang Tito Gil next week. May padala rin daw para kina Mommy at Mamila. Pupunta kami sa house niyo.
Ano na naman kaya ang hiniling ng mommy nito at ni Mamila kay Papa? Hindi ko ito pinagkaabalahang i-reply pa. Sayang lang sa load. Kahit ano naman ang i-reply ko, pupunta pa rin ang mga ito.
Nawala lang ang pagkakasimangot ko nang tumingala ako sa second floor ng Grade 11 building. Doon sa may terrace ay nakasandal ang isang matangkad na lalaki. Kalmado ang ekspresyon niya, parang nagpapatay lang ng oras, at wala siyang kamalay-malay na may napapasaya na siya sa mga sandaling ito.
Asher... Hinayaan ko ang sarili na tingnan siya hangga't puwede, hanggang hindi pa siya pumapasok sa room nila, at hanggang hindi pa tumutunog ang bell. Nakamasid ako kahit sa pagtatapik niya ng mahahabang daliri sa barandilya ng terrace, pagkakamot niya ng kaliwang kilay, at simpleng paghaplos ng kamay niya sa kanyang leeg.
Lumapit sa kanya ang kaibigan niyang si Miko. Nagsiksilan silang dalawa sa may terrace. May ipinakita itong kung ano mula sa cellphone nito. Mula sa kalmadong ekspresyon kanina ni Asher ay umawang ang mga labi niya at pinalakihan siya ng mga mata. Napahawak pa siya sa kanyang bibig. Oh, how cute.
Pinanood ko ang pagbabago ng emosyon niya. Napahawak pa siya sa kanyang bibig. Napatakip pa siya sa kanyang mga mata. Pinagtawanan naman siya ni Miko at itinago na ang cellphone, pero inagaw niya iyon. Titig na titig siya sa kung ano mang naroon. Siguro memes o kung ano mang Internet content. Hindi lang alam ng iba, pero mababaw lang naman kasi talaga ang kaligayahan niya.
Nang dumating na ang isa pang kaibigan nila na si Isaiah ay nagtutulakan na silang umalis sa terrace. Doon na ako nagbawi ng tingin. May ngiti sa mga labi na humakbang na ako paalis.
NOONG UWIAN ay dumaan ako sa library. Nag-advance study ako sa ilang lessons. 6:40 p.m. na nang mamalayan ko ang oras. Paglabas ng gate ay nakatanggap ako ng text message mula kay Mama.
Mama:
Nak, may extra k p b sa allowance mo? Hiramin ko muna sana. Nangungutang kasi ang Tito Eloy mo. Wala silang pagkain ilang araw na. Balik ko na lang pagpadala ng papa mo sa katapusan.
Tatlong magkakapatid sina Mama. Ang panganay ay ito, sumunod ang 35-year-old na si Tito Eloy na nakakatatlo ng asawa at anim na anak, at bunso ay ang 29-year-old na si Tita Judy na hanggang ngayon ay dalaga pa. Sa magkakapatid, si Tito Eloy ang palaging may problema sa pera.
Nag-reply ako kay Mama na may extra allowance pa ako. Matipid naman kasi ako. Sanay na rin pati ako na madalas hiramin ni Mama ang allowance ko para ipadala kay Tito Eloy. Halos si Mama na kasi ang sumasagot sa mga gastusin ng mga pamangkin niya roon, kaya tuloy madalas din siyang maubusan ng budget. Ako na lang ang nag-a-adjust.
Nag-text ulit si Mama. Ihatid ko raw ang pera kay Tita Judy. Mag-aabot din daw kasi ito kay Tito Eloy. Sabay na raw na dadaanan ni Tito Eloy ang pera doon. Ang lawak ng ngiti ko matapos iyong mabasa. Sa Buenavista lang naman kasi ang tiyahin ko na iyon nakatira!
Dahil wala ng tricycle sa pila ng pa-Buenavista ay nag-jeep na lang ako. Kakaiba ang tahip ng aking dibdib habang nakasakay sa tricycle. Hindi ito ang unang beses na pupunta ako roon, pero iba na kasi ang sitwasyon ngayon.
Naglabas ako ng compact mirror, suklay at pulbo habang nasa jeep. Wala akong pakialam kahit ang bilis ng takbo ng jeep at kanda untog-untog ang ulo ko sa likod, basta mag-aayos ako. Inalis ko saglit ang salamin para makapagpulbo, nagsuklay rin, at tinakpan ng bangs ang pimple ko sa noo.
Pagdating sa lugar ay bumaba na ako. Dahil hindi naka-tricycle ay kailangan ko pang maglakad, pero ayos lang. Mas gusto ko talaga na nilalakad ang papunta rito, lalo ang pasok sa street na ito. Nasa bukana pa lang ako ay hindi na ako mapakali. Magkikita kaya kami?
Paano ko nasabi? Itong street lang naman na ito naroon ang one-room apartment na inuupahan ni Tita Judy, isa sa 8-door apartments na pag-aari ng mga Prudente! Small world, di ba? Ganoon kasi talaga kapag destiny!
Habang naglalakad ako ay natanawan ko ang isang balingkinitang babae. Mukhang pauwi pa lang. Pencil cut na black, white lady polo, at black flats. Ang buhok ay naka-ballet bun. Naka-conservative at formal na damit pero sexy. Sa posture at mahinhin na lakad nito ay nakilala ko agad. "Tita Judy!"
Lumingon siya sa akin. "Laila?" Nakakapanibago na hindi siya happy na makita ako. Hindi kaya may problema siya sa trabaho? Isa itong public grade school teacher.
"Tita, pinapunta ako ni Mama. Di mo ba nabasa ang text niya?" sabi ko agad pagkalapit sa kanya. "Nangungutang si Tito Eloy. Ilang araw na raw walang pagkain."
Napabuga ng hangin si Tita Judy. "Kakautang lang niyon noong nakaraan. Napautang ko na pati ang iniipit kong pera. Paano naman ako kapag ako ang naubusan? Hindi pa naman iyon nagbabayad ng utang kahit kailan."
Sabay na kaming naglakad habang nag-uusap. "Tita, paano naman makakabayad si Tito Eloy? Wala naman iyong trabaho."
"Walang trabaho kasi ayaw magtrabaho," nakukunsinteng aniya. "Ngayon, nag-asawa na naman ng panibago. Pangatlo niya ng asawa iyan, 'tapos nag-anak na naman. Hindi na nga niya masustentuhan ang unang limang anak niya, nagdagdag pa. Sa huli, kami na naman ni Ate Madi ang mamomroblema."
Anong magagawa nila? Sinanay nila, eh. Hindi na lang ako nagkomento. Ganyan lang magsalita si Tita Judy, pero wag ka, di rin naman niya natitiis si Tito Eloy.
Pareho lang sina Mama at Tita Judy na marurupok sa kanilang kapatid. Lalo na si Mama na halos ito na ang nagsusustento roon sa maliliit pang anak ni Tito Eloy, kaya nga wala itong naiipon.
Sa paglalakad namin papunta sa apartment niya ay madadaanan ang isang bahay na hanggang third floor at may terrace. May mga halaman sa harapan, bagong pintura ang mga grills at gate, matatanaw mula sa loob ang isang itim na owner at pulang mountain bike.
Palapit pa lang doon ay dinig na sa kalsada ang gigil na boses ng ilaw ng tahanan. "Utos ko, sunod ko! Ang dami-dami niyo, pero mga wala kayong silbi! Ang tatanda niyo na, pero ang alam niyo lang yatang gawin ay magpalaki ng mga itlog niyo!"
Lumabas sa screen door ang isang ginang na sa tantiya ay nasa late forties. Morena ito na chubby. Naka-maxi dress, basta lang nakapuyod ang buhok, at namumula ang mukha. Mukhang bagong rejuv.
"Pinagpasa-pasahan niyo lang ang utos ko, hanggang sa huli ay ako rin ang gagawa! Puro kayo 'nanay'! Paano pag namatay ako? Saan kayo pupulutin?!"
Napailing si Tita Judy. "High blood na naman si Aling Ason sa mga barako niya."
Sumimple pa ako ng silip sa loob ng bahay ng mga Prudente pagdaan namin sa bukas na gate. Nakita ko ang tatlong mga barako. Missing ang isa dahil wala iyong panganay. Iyong pangalawa ay biglang nagwalis, iyong pangatlo ay biglang naglampaso, habang iyong bunso... nakadapa pa rin sa sofa habang unbothered nagsi-cellphone.
"Nay, si Asher ayaw tumulong!" Sabay tadyak ng pangalawang kuya ni Asher sa kanya.
Napabalikwas naman siya mula sa sofa. "Nay, si kuya, nananadyak!"
Lalong na-badtrip ang nanay nila. "Sige, magpatayan kayo! Kunin niyo sa kusina ang kutsilyo! 'Wag kayong hihinto hanggat walang duguan sa inyo!"
"Hindi ako kasali riyan, naglalampaso ako rito," sabi naman ng pangatlong barako. Pero nadamay pa rin ito nang pumasok si Aling Ason at pagkukutusan silang tatlo.
Hinila na ako ni Tita Judy. Dalawang bahay bago ang apartment niya. Sa baba lang ang pinto at may maliit na sariling gate. Pagpasok ay isinara niya agad ang pinto. Nagbihis siya sa habang nakatalikod sa akin, ako naman ay patingin-tingin sa paligid.
Maliit lang ang studio apartment ni Tita Judy. May sariling banyo, maliit na lababo, at jalousie window na may grills. Ang mga gamit naman niya rito ay mga basic lang. Maliit na sofa, double bed na kama, isang closet, maliit na personal ref, shoe rack, at foldable na mesa. Saktong-sakto lang sa dalagang gaya niya.
"Pucha!"
"Ha?" Napalingon ako kay Tita Judy. Siya ba iyong nagmura?
Napalingon din siya sa akin at para bang nabigla sa binitiwang salita. Natutop niya ang bibig habang nangingislap ang mga mata. "Sorry! Dinatnan kasi ako!"
"Okay lang, 'pucha' lang naman," sabi ko. Pero bakit sobrang happy naman niya na dinatnan siya? To the point na napamura pa siya?
"Bili mo muna ako napkin sa labas, Lai. Sa sahod pa ako makakapag-grocery, eh." Inabutan niya ako ng one-hundred bill. "Modess, ha? Iyong with wings!"
Lumabas ako para ibili siya. Okay lang din sa akin ang utos-utos na ganito, safe naman maglakad-lakad dito. Malapit lang iyong tindahan. Mga limang bahay lang lampas sa Prudente's residence hehe.
Pagdaan ko sa bahay nina Ashery ay bukas na bukas ang gate. May nadagdag na rin na kotse sa loob. Pulang sedan na pag-aari ng 27-year old niyang panganay na kapatid na si Abel. Nakauwi na pala mula sa trabaho. IT Manager ito sa isang foreign corporation sa Epza.
Bukas na bukas ang gate pero sarado na ang pinto nila. Pagkabili ko ng napkin ni Tita Judy ay sumilip ulit ako. Sarado pa rin ang pinto kaya hindi ko alam ang nangyayari sa loob. Ano na kaya ang ginagawa ni Asher ngayon? Kumakain na kaya sila ng hapunan? O baka nasa kuwarto na siya?
Sa kakasilip ko sa bahay nila ay lumabas ang aso nila mula sa bukas na gate. Mukhang nakawala lang. Tinahulan lang naman ako na para bang meron akong masamang balak sa mga amo nito!
Hindi naman ako makagalaw sa takot lalo nang pag-iikutan ako nito at pag-aamuyin sa paa ko. Cute ito pero takot kasi talaga ako sa aso, dahil nakagat lang naman ako ng aso sa puwet noong bata pa ako. Nandoon pa nga rin ang bakas ng peklat kahit gabi-gabi ko namang tinatiyaga sa Sebo de Macho.
Sinikap ko pa rin na kumalma, ayaw ko na mahalata ng aso na may takot at hinanakit ako sa mga kalahi nito. Baka bigla akong dambahin. Knowing dogs, they could sense emotions.
"Shoo, doggie..." Sinubukan ko ang malambing na boses, baka lang naman mautos ko, kaso walang talab. Nagsisimula na tuloy mamawis ang kili-kili ko dahil sa nerbiyos.
Nasa second stanza na ako ng kabisado kong dasal nang may lumabas mula sa gate. Akala ko ay bagong aso, pero marunong magsalita. At ang ganda ng boses, tunog guwapong suplado na semi-calbo!
"Honeybunch!"
Medyo umasa ako, pero hindi ako iyong tinawag. Pangalan iyon ng aso nila.
Si Asher. May bitbit siyang black trash bag sa kabilang kamay niya. Nilagay niya iyon sa drum na nasa labas. Nakapambahay siya. White na shirt, black and red jersey shorts, at tsinelas na white Adidas slides. Pagkatapos magtapon ay yumukod siya para salubungin ang aso na si Honeybunch.
Agad naman siyang pinagdidilaan ng aso sa pisngi at leeg. Grabe, tama ba iyon? In public place at sa harapan ko pa talaga?! Nasaan ang delikadeza ng asong ito?! At hindi man lang talaga ako inirespeto!
"Pasok sa loob," utos ni Asher sa aso na tumingin pa muna ulit sa akin. Parang simpleng nag-aasar. Excuse me, di kaya ako nainggit!
Nang wala na ang aso ay namewang si Asher habang nakatingin sa akin. Suplado pati ang boses nang kausapin ako. "Anong ginagawa mo rito?"
Sinisita niya ba ako? Hindi niya alam na hindi lang naman ngayon ang unang beses na nagawi ako rito sa lugar nila at nagpalakad-lakad sa harapan ng bahay nila. Ngayon niya lang kasi ako napansin.
"Oy, bakit ka nga andito?"
"Bawal ba? Sorry, di ko alam na nabili mo na pala itong buong street na ito."
Napipikon na ako. Pinatawad ko na nga siya kanina, pero ito at i-strike na naman siya. Pero, sige, ako na ulit ang mag-a-adjust. Palagi namang ako, eh. Ayaw ko na matulog ngayong gabi na may samaan kami ng loob, kaya hanggang kaya ko pang magtimpi ay lalakad na sana ako paalis.
Bigla naman siyang sumigaw. "Hoy!"
"Ano na naman?!"
Salubong ang mga kilay niya habang nakatingin sa akin. "Hindi ka na nga maganda, dapat mabait ka na lang!"
Napahumindig ako. "Ano kamo, pangit ako?!"
Natigilan naman siya, pagkuwan ay napakamot sa kanyang pisngi. "Wala akong sinabi na pangit ka!"
"Sabi mo di ako maganda, e di pangit ako!"
Excuse me?! Hindi ako pangit! Hindi lang ako marunong mag-ayos at may pimple ako sa noo! Kung alam niya lang na hindi naman kasi pagpapaganda ang priority ko, kundi ang mga magulang ko, ang pag-aaral ko, at siya!
Isa ito sa mga dahilan kaya nasasabi ko na maaga pa at hindi pa panahon. Kapag naka-graduate na ako, nagkaroon ng magandang trabaho, nakabawi kina Mama at Papa, at nakaipon, doon na ako magpapaganda nang bonggang-bongga! Lahat ng pimples ko sa noo, ipapabakbak ko! Iyong buhok ko, ipapa-salon ko, at lalaklak ako ng sangkatutak na collagen!
That was the best time that I could finally show myself to him. Doon din ay siguro nama'y sawa na siya sa kakapalit-palit ng girlfriend. Iyon ang panahon na wala na siyang ibang dapat na mamahalin maliban sa akin at sa nanay niya, dahil kung hindi ay talagang masasakal ko na siya!
Napahawak na siya sa ulo niya na may manipis na buhok dahil nga semi-cal siya. "Tsk, wala nga akong sinabing pangit ka."
Kumiling naman ang ulo ko at biglang namungay ang aking mga mata. Bigla ay hindi na galit. "So, you're saying that I'm pretty?"
Napanganga naman siya sa akin. Parang nagulat sa biglang pagbabago ko ng emosyon.
"So I'm pretty?" ulit ko na may hindi mapigil na ngiti. "Maganda ako kasi hindi ako pangit?" Sabi ko na, hindi naman talaga ako pangit. Kumbaga, late bloomer lang dahil hindi palaayos. But it was nice to know that he still noticed my—
Biglang may lumabas sa gate nila. Pangalawa kapatid niya. Iyong nanadyak sa kanya kanina. Si Aram John na college student sa La Salle. Nagsi-cellphone ito nang mapatingin sa amin. "Oy, ano 'yan? LQ?"
"Hindi ko siya kilala," sagot naman ni Asher dito na dahilan ng pagkawala ng ngiti ko.
"Ah, K." Nanununule habang nagsi-cellphone na umalis na ang kuya niya.
Napakurap ako. Mga ilang ulit. Hindi kilala? Hindi niya pala ako kilala, eh bakit kinakausap niya ako?
Nang maiwan kami ni Asher ay malamig akong ngumiti sa kanya at bagsak ang balikat na tinalikuran ko na siya para iwan.
Pangatlong hakbang nang marinig ko siyang magsalita, "Sandali."
Huminto ako. "Bakit?" walang lakas na tanong ko.
"Galit ka ba?"
Napataas ang kilay ko sa tanong niya. "Pakialam mo kung galit man ako o hindi? Hindi naman tayo magkakilalang dalawa, di ba?"
"Asher."
"Ano?" Nang lingunin ko siya ay sandali akong natigilan nang makita ang ekspresyon niya. Hindi na pang-suplado. Seryoso pero may iba pa.
"Asher James Prudente ang pangalan ko."
"Ha?"
"Pangalan ko," ulit niya. Napahawak siya sa kanyang leeg at doon ko lang din napansin na hindi na siya nakatingin sa akin. O mas madaling sabihin na hindi siya makatingin sa akin.
Napanganga naman ako. Kasi tama ba itong nakikita ko? Sa liwanag mula sa lamppost, parang namumula ang mukha niya? Partida na dahil mapusyaw na moreno ang kutis niya.
Tumikhim siya. "Uhm, ano, mahaba ba pangalan ko? Asher na lang. Grade 11, Section Narra, sa Gov din. Tapos, taga riyan ako." Itinuro niya ang bahay nila. "Iyon lang. Kilala mo na ako. Sige, bye." Pagkasabi'y pumasok na siya sa gate nila.
Wala na si Asher sa harapan ko pero tigagal pa rin ako!
jfstories
#CrazyStrangerbyJFstories
Bạn đang đọc truyện trên: ZingTruyen.Xyz