ZingTruyen.Xyz

Crazy Stranger

Chapter 3

JFstories

HOW ARE YOU, BABY?


Bakasyon. Pinakaayaw kong panahon. Mas gusto ko ka kasi na palaging busy. Gusto ko na palaging nag-aaral. Hindi lang dahil sa naaaliw ako na makakuha ng matataas na scores dahil doon ko nararamdaman ang aking importansiya, kundi dahil may iba pang dahilan.


Ang reward ko sa sarili, si Asher James Prudente.


Ang sarap lang magising na alam mong may crush ka sa school. Iyong hindi ka niya kilala, hindi siya aware sa 'yo, pero ikaw ay secretly fan-girling sa tabi. Iyon ang mga thrill na bumubuhay sa katawang lupa ko.


Ang kaso, bakason ngayon. Walang choice kundi mag-stay sa bahay. Okay lang naman din. Natutulungan ko si Mama sa mga gawain. Pinapalakas ko na lang din ang aking loob, na minsan ay kailangan ding malayo tayo sa mga taong bet natin. Para ma-miss natin sila. Sabi nga, 'distance makes the heart grow fonder'.


Parang ang mama at papa ko. Long distance relationship dahil OFW si Papa. Madalas sa phone calls at video calls lang nagkakausap ang dalawa. Just like today.


[ How's my unica hija? Habang nagdadalaga ay lalo ka yatang gumaganda, ah! Dapat na ba akong umuwi riyan para mabantayan kita? ] It was Papa Gil. Kausap ko ito pa-video call sa phone ni Mama.


"Ikaw, Pa? Anong nangyari sa 'yo? Bakit nagkaganyan ang itsura mo?!" Nilakihan ko ang aking mga mata na nakatitig sa screen ng phone sabay ngisi. "Bakit lalo ka naman yatang gumuwapo?!"


Napahagalpak naman ng tawa si Papa. [ Naku, may gusto na naman ng padalang chocolates! ]


Napahagikhik ako. Siyang labas ni Mama mula sa banyo. Naligo kasi ito. "O nagbobolahan na naman kayong mag-ama riyan."


Ibinigay ko na ang phone kay Mama. Nag-usap na silang dalawa. Nagkumustahan. Bago ako bumalik sa itaas ay narinig ko pa ang nababahalang tanong ni Papa kay Mama, kung tutuloy ba raw kami sa pagpunta sa reunion ng mga Valmorida.


"Oo naman, mahal. Hindi puwedeng hindi kami pupunta ni Lai doon sa reunion. Aba, magtatampo naman ang pamilya mo, at baka may masabi pa sa atin."


Pangatlo sa magkakapatid si Papa. Tita Rica was the oldest, Tito Geroy was the second, and Tita Tootsie was the youngest. May mga kanya-kanyang pamilya na. Madalas magsama-sama kapag death anniversary ng ama ng mga ito. Bale, iyon ang pinaka-reunion nilang pamilya.


Naghanda na ako sa pag-alis namin ni Mama. Shorts na maiksi na kulay orange ang suot ko at puting loose shirt na may print ng mukha ni Doraemon sa harapan. My flat sandals were also orange in color. Ang bag ko naman ay backpack na itim. Naroon ang mga gamit namin ni Mama.


Pagkarating sa private resort kung saan gaganapin ang reunion ay hindi pa agad kami pumasok ni Mama sa loob. Pareho kaming nag-inhale at exhale muna. Inihanda ang mga sarili na tila sasabak sa gera.


"Lai, patience, ha?" Mama reminded me. At hawak-kamay na kaming pumasok sa loob.


Naroon na ang mga kapatid ni Papa at ang mga kanya-kanyang pamilya ng mga ito. Nagkakasiyahan na. Ang mga lalaki ay nagbi-videoke at ang mga babae ay nagkukuwentuhan habang pumapapak ng mga pagkain. Ang mga bata naman ay nagsu-swimming na sa pool area.


"Nandito na pala sina Madi at Laila," sabi ni Tita Rica nang makita kami ni Mama.


Nagtinginan sa amin sina Tita Tootsie, Tita Janine, maging ang mommy nina Papa na ang tawag ng lahat ay 'Mamila', short for Mommy-Lola. Isang matandang babae na napakasungit ng bukas ng mukha. Namamaypay ito habang nakataas ang isang kilay sa amin ni Mama.


Ang mga kalalakihan naman, ang nakatatandang kapatid ni Papa na si Tito Geroy at mga asawa nina Tita Rica na late fifties na si Tito Terion, early forties na asawa ni Tita Tootsie na si Tito Ivan, ay pawang mga tumingin din. Ang mga mata ng mga ito ay may kung anong kislap habang humahagod ng tingin kay Mama.


Tumikhim ang matandang babae na si Mamila. "Late kayong mag-ina. Nakalimutan niyo ba kung gaano kahalaga ang araw na ito?"


Si Mama ang humingi ng pasensiya. "Pasensiya na ho, Mami. Nag-traffic po kasi sa Tejero."


"Kailan ba hindi traffic sa Tejero?" nakaismid naman na sabat ng bunso nina Papa na si Tita Tootsie.


Hindi na lang naman umimik si Mama, at yumuko na lang. Ako naman ay nagmano sa lahat kahit pa labas sa loob ko.


"Hala, tulungan mo si Dikya sa likod," utos ni Mamila kay Mama. Si Dikya ay ang nasa mid fities na katulong nito. "Nagkainan na kanina ang mga bata kaya tambak na ang hugasin."


Sumunod naman agad si Mama sa utos. Nang wala na si Mama ay nagpatuloy sa pagkukuwentuhan ang mga ito. Paminsan-minsan ay nililingon ako. Hilig talaga nila na palagi akong pakatitigan pailalim.


Pumasok mula sa pinto ang magkapatid na Rio at Renesmee. Mga anak nina Tita Rica at Tito Terion. Kaedad ko halos si Rio habang si Renesmee ay bata sa akin ng isang taon. Hawak nito ang iPhone na may pink na casing. May ka-chat habang pangiti-ngiti. Ang kulay ng mga kuko ay pink din at with glitters pa.


"Nandito na pala ang maganda kong apo!" Napatayo agad si Mamila sa kinauupuan. Sinalubong si Renesmee, at ibineso.


"Hiii, Mamila! I missed you sow sow much!" Matinis ang boses nito. Humalik agad sa pisngi ni Mamila. Isinunod na ibeso ang iba pang tiyahin at magmano sa mga tiyuhin.


"How's school, Renesmee?" tanong ni Tita Janine dito, asawa ni Tito Geroy.


"Of course, always muse, Tita!" masayang sagot nito. Proud.


"Kanino ba magmamana ng ganda?" nakangiting sabat naman ni Tita Rica.


Si Rio ay nagmano rin sa lahat. "How are you, Tita, Tito," napakagalang na bati nito. Kay amo-amo ng mukha. Pati ang ngiti sa mapupulang mga labi ay napakaamo.


Nagtama ang aming mga mata ni Rio. Sandaling nabura ang pagiging maamo ng emosyon niya nang makita ako, pero agad ding nagbalik sa dati.


"Oh, look at my first grandchild!" bulalas ni Mamila. "Rio looks even more handsome now!"


Nagmano rin si Rito sa matanda. "Hello, Mamila. How's your health?"


"Lumalaking guwapo itong si Rio," ani Tita Janine. "Ang tangkad-tangkad pa. Binatang-binata na."


Giliw na giliw naman si Mamila kay Rio. Niyakap pa ang lalaki. "You're right, Janine. It's like every time I see this boy, he's getting taller and taller. And look at his face? He looks so much my late husband. Baka naman may girlfriend ka na, hijo, ha?"


Ngumiti naman sa matanda si Rio. Napakalumanay ng boses nang magsalita. "Wala pa po, Mamila. Ang priority ko po ay ang pag-aaral ko."


"Oh, Mami, puro pag-aaral talaga ang inaatupag niyang si Rio ko," proud na sabat muli ni Tita Rica. "Palaging Top 1 iyan sa klase nila."


"Naku, napakaswerte mo talaga sa anak, Ate Rica," ani Tita Janine. Ito ay palaging pinupuri ang mga hipag, pero panay ismid kapag hindi nakatingin sina Tita Rica at Tita Tootsie.


"Role models ng mga anak ko nga ang Ate Renesmee nila at Kuya Rio," ani naman ni Tita Tootsie. Dalawa ang anak nito na maliliit pa, sina Kiwi na 7-year-old girl at Louie na 6-year-old boy.


Tinalikuran ko na sila para sundan si Mama sa kusina. Gutom na ako pero tutulungan ko muna si Mama sa paghuhugas ng kinainan.


"O, bakit nandito ka?" nakangiting tanong ni Mama sa akin. Naghuhugas ito ng plato. "Maki-bonding ka roon sa mga pinsan mo. Naroon na rin yata sina Rio at Renesmee, mga kaedaran mo."


"Hindi naman po kami close, Ma," tamad na sagot ko. Nakiagaw ako sa hinuhugasan niyang mga plato.


Wala si Dikya, iyong katulong ni Mamila, inutusan daw na bumili ng kung ano sa labas. Si Mama lang tuloy ang naririto sa kusina. Ikot ang katawan ni Mama rito, nagpi-prito ng shanghai, naghuhugas ng mga kinainan, at nag-iihaw ng bangus.


Amoy usok na kami ni Mama sa kusina habang sa labas ay nagkakasiyahan. Kumakanta sa videoke ang mga kalalakihan habang ang mga babae ay kuwentuhan pa rin, at ang mga kabataan ay nagtitilian sa may pool area.


Pumasok sa pinto si Tito Terion, asawa ni Tita Rica. Namumula na ang lalaik sa kalasingan. "O anong ginagawa niyong mag-ina rito?" malambing na tanong nito habang ang tingin ay nakay Mama.


"Wala si Dikya, Kuya, e," magalang na sagot naman ni Mama rito. "Walang mag-aasikaso rito sa mga niluluto."


"Ah, I see." Napakamot ng pisngi si Tito Terion. "Pasensiya ka na, Madi, ha? Ikaw pa ang nag-aasikaso rito, imbes na dapat ay nagre-relax ka lang."


"Ayos lang, Kuya," magalang pa rin na sabi ni Mama habang patuloy sa pagpiprito. Bahagya itong umatras nang lumapit ang lalaki.


Alertong nakamasid lang naman ako habang naghuhugas ng mga plato sa lababo. Ang mga mata ko ay nakahabol sa mga kamay ni Tito Terion na ngayon ay nasa balikat na ni Mama.


"Kumusta ka ba ngayon, Madi? Isang taon pa ulit bago umuwi si Gil, ano? E ayos lang ba sa 'yo na nasa malayo ang asawa mo? What I mean is, ayos lang ba sa inyong mag-ina na dalawa lang kayo sa bahay niyo?"


"Ayos lang naman, kuya," sagot ni Mama na pasimpleng tinabig ang kamay ng lalaki na nakapatong sa balikat.


"Terion!" Matinis na boses ni Tita Rica na nagpalingon sa amin sa pinto. Nakatayo roon ang panganay na kapatid ni Papa, at masama ang tingin kay Mama.


"O, honey, kinumusta ko lang sina Madi at Lai rito," nakangiting lingon naman ni Tito Terion sa asawa.


"Lasing ka na, Terion," sita ni Tita Rica. "Halika na muna sa kuwarto sa itaas, magpahimasmas ka muna." Pagkuwa'y kinaladkad na nito ang asawa paalis.


"Ah, anak," baling ni Mama sa akin. Alanganin ang pagkakangiti na tila nahihiya. "Pakidala na lang muna sa loob ang mga malilinis na plato. Baka kailangan na nila roon ng kakainan."


Tumango ako. Dumating na rin si Dikya kaya iniwan ko na muna si Mama. Dala ko ang mga nahugasang plato na ipinasok sa mini kitchen na nasa loob. Pinupunasan ko ang mga iyon nang makaramdam ako na may tao sa aking likod. Ang CK na pabango niya ay kilala ko.


"Ano na namang kailangan mo?" tamad na tanong ko.


Saka lumitaw sa harapan ko ang nakangising si Rio. Burado na ang maskara nitong pagkaamo-amo. Ngayon ay nangingislap ang kapilyuhan sa mga mata. Correction: kademonyohan pala.


Humila siya ng upuan at doon naupo habang nakapangalumbaba sa mesa at nakatingala sa akin. "Why so grumpy?" painosente niyang tanong pero hindi itinago ang pang-aasar.


Ang suot ng lalaki ay iyon pa ring kanina. Immaculate white shirt at light greay cargo shorts. Dapat daw laging naka-white sa panlabas para malinis tingnan kahit pa madilim ang kalooban.


Ipinitik niya ang mahahabang daliri sa ere. "I understand that you're living a miserable life, but try to chill, will you? Look at you, hindi ka na tuloy nawalan ng pimple sa noo."


"Puwede ba? Mind your own pimple!"


Pero wala nga palang pimple ang lalaki. Makinis ang mukha niya na lalo kong ikinaaasar. Di ba dapat kapag villain sa story, e gawing kasula-sulasok ang itsura? Para naman sana hindi mahirapan ang mga tao na i-hate sila. Eh, kaso bakit nga ba ginawa pang guwapo si Rio? Paano kong i-ship ako rito? Ew talaga!


"Ask Renesmee about skincare."


"E di kayo ng magkapatid ang makinis!" Dahil tapos na ako sa pagpupunas ng mga plato ay tinalikuran ko na siya.


Hindi pa ako nakakaalis nang humabol siya at pigilan ako sa pulso. Gulat na napalayo naman ako sa kanya sabay hila ng aking pulso sa pagkakahawak niya. Maski siya ay nagulat din sa ginawang paghawak sa akin. Napaatras din siya.


Matagal na nakatitig sa mukha ko si Rio bago siya napakurap-kurap. Ano ba talaga ang problema ng lalaking ito?


"Kuya?" Dumating ang kapatid niyang si Renesmee. Mukhang umalis lang kanina ang babae para magsuot ng fake eyelashes. "Kuya, I'm calling you. Why are you talking to that girl?"


Doon lang napatingin si Rio sa kapatid. Bumalik ang kaamukhan sa mukha. "No, Ren, I am not talking to her."


Napabungisngis naman si Renesmee. "Oh, I thought you're talking to Lai, eh. Please, don't talk to her, kuya! Talk only to Renren!"


Pinisil naman ni Rio ang pisngi ng tililing na kapatid. "Of course, Ren is my only pretty sister."


Nilingon naman ako ni Renesmee. "Even my brother is the pinakamabait na brother in the universe, he's still won't like you! Renren is the best!"


Pakialam ko sa kuya mo, sa loob-loob ko. Sarap pag-untugin ng mga ito sa totoo lang talaga.


Nagngingitngit pa ako nang tawagin ako ni Mamila. Inuutusan ako na iligpit iyong mga bote ng alak sa sala. Katulad nang mga nakaraang family reunion ay napakaraming gawain. Hapon na tuloy kami nakapag-lunch ni Mama.


Papadilim na. Nasa mini pool na ang mga pinsan kong bata, kaya naglakad-lakad na lang ako sa may dulo ng villa namin. Ang private resort ay nahahati pala sa tatlong villa. Sa likod ng mga halaman ay may tao rin sa kabilang villa. Mukhang isa ring pamilya. Reunion din yata.


Nakasalubong ko si Renesmee. Naka-two piece ito na pink ang kulay. Kakulay ng kuko. Nangingislap ang mga mata sa dilim. Wait, saan nga pala ito galing?


Tatanungin ko pa lang ito ay nauna na ang bibig nitong namumula sa lip tint. "You, why are you here?! Siguro sinisilip mo iyong mga boys sa kabilang villa, 'no?!"


Boys? Mga boys ang nasa kabilang villa? Malay ko at pakialam ko ba?!


Hinila ako ni Renesmee. Pinasilip niya ako sa mayayabong na dahon na nagsisilbing harang. "Look, Lai. Sow many boys there, oh! Parang they are brothers kasi magkakamukha. Iyong pinaka handsome ay iyong panganay yata, ang kaso ay may GF na. Ayun o, kalandian sa pool."


Napasunod naman ako sa tinutukoy ni Renesmee. May matangkad na lalaki na may kasamang babae sa gilid ng pool. Doon sa lalaki ako higit na napatitig. Ang guwapo ng lalaki at parang familiar?


Kilig na hinampas ako ni Renesmee sa braso. "I heard Abel iyong name ng guy!"


What? Abel? Asher's oldest brother was the first person that came to my mind. Apat silang magkakapatid. Si Abel Jesus, Aram John, Amos Julian, at bunso na si Asher James!


When a tall man came out of the villa I immediately recognized him. He was Aram John Prudente who was studying in La Salle. Ito iyong naghahatid kay Asher sa school minsan na ang gamit ay lumang owner. Lalong namilog ang aking mga mata nang makita ang kasunod nito, isang matangkad na lalaking semi-calbo!


He was here too? What a fate!


"OMG!" Napakapit si Renesmee sa braso ko. "I'm changing my crush, as in now! I think I like the semi-cal more! I want him to be my first BF—"


"Hindi!" biglang sabi ko.


Nakalabing nilingon naman ako ni Renesmee. "What?" Papaiyak na ang mga mata. Teenager na ito pero isip-bata. Spoiled brat din katulad ng iba naming kasama ritong bata.


"Ah, eh, ang ibig kong sabihin, hindi naman guwapo."


"Anong hindi?!" Nagpapadyak si Renesmee. "Are you blind, Lai? Can't you see? The semi-cal is the most charming one! Ang lakas ng dating kahit mukhang naughty! Walang ganyan sa school ko!"


"E sa napapangitan nga ako sa kanya, anong magagawa mo?!" napipikon nang sabi ko.


Nanalim sa akin ang mga mata ni Renesmee. "You know what, Lai? I was wrong in thinking we could get along. Hindi talaga tayo magkakasundo! Ever!" Pagkasabi'y padabog na iniwan na niya ako.


Ang tingin ko na lang ang humabol sa papalayong si Renesmee. Sa isip-isip ko, hindi talaga kami magkakasundo.


I turned my gaze to the other villa. Asher was still there. He smiled while talking to one of his older brothers. Tapos mayamaya ay mag-ch-check ng phone. Mga simpleng kilos, o kahit galaw ng mahahabang daliri niya ay totoong may dating. And it was frustrating.


Bakit... Bakit kasi palagi na lang may nagkakagusto sa 'yong kalbo ka?!



PAGBALIK SA VILLA NAMIN, hindi pa rin tapos sa pagliligpit si Mama. Hindi nauubusan ng ligpitin dahil maya't maya ay may kumakain. Ang gugulo rin ng mga batang pinsan ko. Palaging mga nagkakalat.


Speaking of the messy kids. Nangunguna sa mga ito ang dalawang sutil na anak ni Tita Tootsie. Sina Kiwi at Louie. Magkasunod ang edad. Alam ng basa ang mga paa dahil kaaahon lang sa pool, dito pa naghabulan sa may kusina. Nagkalat tuloy ang tubig sa sahig.


"Baka madulas kayo," saway ko sa mga ito.


Pero hindi nasasaway ang dalawang sutil. Binelatan pa ako ng 6-year-old na si Louie. "Why should we listen to you?! Bleh!"


Ang 7-year-old girl na si Kiwi naman ay huminto sa harapan ko. Tiningala ako nito. "Why do you have a red bump on your forehead? You look so ugly!"


May pimple lang sa noo, pangit na?! Gusto kong pitikin ang batang babae, pero mabuti at marami akong baong pasensiya. At saka, bata ito. Hindi dapat pinapatulan ang mga bata kahit pa mukhang tiyanak.


"Ugly!" ulit nito sabay turo sa akin. Akala mo hindi bungi-bungi ang bulok na mga ngipin. Cute naman sana, kaya lang kapag sutil, minus 50% cuteness na agad para sa akin.


Pati tuloy ang kapatid nitong si Louie ay nakitawag na rin sa akin ng ugly. Pinagtatawanan ako at ni hindi man lang sinasaway ng mga magulang. Gumaya na rin tuloy ang ibang batang pinsan namin. Ahg! My patience was already wearing thin!


"Hey, kids, that's bad," ani Rio sa malumanay boses nang dumating siya. "Apologize to Lai. She's also your cousin and she's older than you."


"But she has bacteria on her forehead!" nakangusong ani Kiwi. Nangangatwiran pa. Sarap talagang pitikin.


Sinaway ito ni Rio nang mahinahon. "Don't say that, Kiwi. All right, if you don't want to apologize, doon na lang muna kayo sa pool mag-play, okay?" Himala na nagsunuran ang mga batang tiyanak dito.


"Napakabait talaga ni Rio, ano?" naulinigan kong sabi ni Tita Janine. "Napakabait, napakahinahon. Matalino pa at matinong anak at estudyante. Ang babaeng magiging girlfriend niya ay napakasuwerte."


Hindi ko naitago ang aking ismid. Nang tingalain ko si Rio ay nakakaloko ang ngiti niya sa akin.


"'Heard that?" mahinang sabi niya na ako lang ang nakakarinig. "My future girlfriend is lucky."


"Right," I said. "Ang boyfriend niya ay clown, free na kapag may birthday parties."


His teeth gritted. Ako naman ang ngumisi. I knew he couldn't do anything to me because there were people in the living room. Nilampasan ko na siya at pasimpleng tinapakan siya sa paa. Ako na lang din ang nakarinig sa mahinang mura niya.


"Fuck you too, Rio," bulong ko saka ako lumabas ng villa.



MADILIM NA. Ang mga ilaw sa gilid ng pool na lang ang natitirang liwanag. Bandang 10:00 p.m. nang pinaahon na ang mga bata sa pool. Sa loob na magsisitambay. Ang mga tatay naman ay mga lasing na sa sala dahil kanina pa nag-iinuman.


Nilapitan ako ni Tita Tootsie. Ngiting-ngiti ito. "Lai, sa taas na muna kami, ha? Tatlo lang ang rooms sa taas ng villa, doon kami kasi may mga bata kami. Bale iyong natitirang isang kuwarto na lang sa ibaba ang bakante. Walang aircon doon pero may fan naman. Okay lang ba na doon kayo ng mama mo?"


Pag sumagot ba ako ng hindi okay ay may mangyayari ba? Tumango na lang ako kay Tita Tootsie para lang lumayas na siya sa aking harapan.


Nang magsialis na ang mga ito ay muli akong napabuga ng hangin. Ang iniisip ko na lang ay pasasaan ba't mag-uumaga na, makakauwi na rin kami ni Mama.


Doon muna ako sa gilid ng pool tumambay. Nagpapahangin nang mapatingin ako sa mga halaman na nagsisilbing harang papunta sa kabilang villa. Mukhang hindi pa tapos mag-swimming ang mga naroon. Naririnig ko pa ang kasiyahan nila.


I walked towards it. Nagsisigawan, nag-aasaran, at panay ang tunog ng pagtalsik ng tubig sa pool. Ang saya-saya nila kahit iisang pamilya lang. Hindi ko napansin na matagal na pala ako roong nakasilip nang may kumalapit sa aking bewang. Paglingon ko ay si Kiwi pala.


"What are you doing, ugly cousin?" nakangising tanong sa akin ng 7-year-old na batang babae. Nakapantulog na ito at mukhang tinakasan lang ang ina.


Pinamewangan ko ito. "First of all, I am not ugly. Kung may ugly sa ating dalawa, ikaw iyon. Nakikita mo ba ang sarili mo sa salamin? Kamukha mo si Annabelle na bulok ang mga ngipin!"


Nalukot ang mukha nito. "Mommy is right, you're really like your mother! Bad people!"


"Aba, kami pa ng mama ko ang bad, ah?!" Akma ko itong pipitikin nang may humila sa laylayan ng aking shirt.


"You're gonna hurt my sister?!" Ang 6-year-old na si Louie pala. Nakapalit na rin ng damit, sando sa itaas pero naka-brief lang sa ibaba. Tayo-tayo pa ang basang buhok habang nanlilisik ang mga mata nito sa akin.


Napangiwi ako. "Yikes, Chucky!"


Lalo itong nanggigil. "Bad ka talaga!" Hinila nito lalo ang shirt ko. Sa pagkabigla ay muntik akong masubsob sa lapag.


Hindi naman nagpatalo si Annabelle, este ang pinsan kong si Kiwi na kapatid nito. Pinagkakalmot ako sa braso. "Bad! Bad!" sigaw sa akin ng magkapatid na spoiled brat.


Todo iwas naman ako dahil ayaw ko rin naman na masaktan ang mga ito. Ang kaso, hindi na ako napalag pero ang liligalig pa rin. Matapos akong paghahampasin, itinulak naman ako. Ang lalakas ng mga bubwit, namalayan ko na lang ay napapaatras na ako patungo sa mga halaman.


"Bad girl!" sabay na tili ng mga ito, at isang push pa, pinanlakihan na ako ng mga mata. Pa-out of balance ang pag-atras ko sa halamanan. At sa huling hakbang ko, tumagos na ako patungo sa kabilang villa!


Sakto sa pag-apak ko, ang tsinelas ko ay dumulas sa basang tiles dahilan para mapaikot ako at mag-ending pabagsak sa 6ft na parte ng pool. Pakiramdam ko ay naiwan ang aking kaluluwa pagbulusok ko paibaba sa tubig!


Shoot, I didn't know how to swim!


I tried to float but fear got the better of me, and my body got heavier under the water. I couldn't breathe anymore. Nanlalabo na rin ang diwa ko. Hindi ko sigurado kung imagination ko na lang ba na tila may nagkakagulo.


Shoot talaga. Mamamatay na ba ako? Paano na si Mama at Papa pag namatay ako? Ako lang ang kayamanan nila sa mundong ito. Siguradong malulungkot sila! Hindi ko na rin magagawa pa ang mga pangako ko na makabawi sa lahat ng sakripisyo nila!


Paano rin ang next school year? Target kong maungusan sa Top 1 ang always classmate ko sa science class na si Jordan! Matagal ko nang pangarap iyon, hindi na ba matutupad?!


At ang isa pang ipinag-aalala ko, si Asher! Ang chaka naman na dito pa sa pool ng villa na inarkila ng pamilya niya ako mamamatay! Baka ma-trauma siya habangbuhay!


At bakit kailangang mamamatay na lang ako ay may pimple pa ako sa noo?! Bakit hindi na lang ako mamatay kapag clear skin na ako?!


Pero tanggap ko na. Maybe this was really the end of me. Nauubos na ang ang hangin sa baga ko. Papikit na ako nang bumulusok ang tubig sa pool, as if someone had jumped. After that, he came closer to me, and his strong arms wrapped around my waist.


Pataas akong hinila ng may ari ng mga brasong nakayakap sa akin, hanggang sa makasagap ako ng hangin. Kandaubo ako at naibuga ko pa ang aking nainom na tubig sa makinis niyang leeg.


Mangiyak-ngiyak ako na tumingala sa kung sino mang nagligtas sa akin para magpasalamat, kaya lamang ay nauna na siya. Ang mainit at mabango niyang hininga na tumama sa aking mukha nang siya'y magsalita. "Ikaw?!"


Pag-angat ng aking paningin ay nagtama ang mga mata namin. Ganoon na lang ang gulat ko habang gagahibla ang pagitan namin sa isa't isa.


I was alive. I was alive because I could still see and feel him right now. Napahikbi ako. "Asher..."


jfstories

#CrazyStrangerbyJFstories

Bạn đang đọc truyện trên: ZingTruyen.Xyz