ZingTruyen.Xyz

Bad Lover

Chapter 42

JFstories

WHO TEXTED HIM THIS?!

This was not Isaiah nor Asher dahil naka-save ang number ng mga ito. Mula rin nang mag-college ay naging busy na ang dalawa, especially Isaiah dahil bukod sa pag-aaral ay isa itong single father. Wala rin namang ibang tropa si Miko o katrabaho na nakaka-text niya rito sa phone ko. Kaya sino ito?

I wanted to lose my cool and confront Miko, but I couldn't bring myself to do so. Natatakot ako sa isasagot niya. Dahil paano kung umamin siya na meron na pala talagang iba? Matatanggap ko ba?!

Kung aamin siya ay iyon na ang katapusan naming dalawa, dahil alangan namang maging okay pa rin kami knowing na niloloko niya ako. My pride would not accept his betrayal, but where should I go? I was unprepared for this; I didn't have any money with me.

Ang daling sabihin na iwan mo ang asawa mo, pero para sa isang babaeng walang pera at back up plan ay hindi iyon basta-basta. Lalo na kapag merong anak na isinasaalang-alang. Kaya nga karamihan kahit niloloko na at sinasaktan ay sinisikmura na lang.

Nang lumabas si Miko sa banyo ay naibalik ko na ang cell phone sa ilalim ng unan niya. I pretended to be sleeping, but one of my eyes was slightly open in the dark. Nakita ko kung paano siya nagdahan-dahan na kunin ang cell phone mula sa unan.

Miko checked on it, pero wala na siyang makikita dahil binura ko na ang text. He then lay down, staring up at the ceiling as if deep in thought, and I heard him sigh. Before dozing off, he checked the phone twice more. Confirmed, that he was indeed waiting for someone, and that stung hard within me...

NAKAKASIRANG HINALA.

Hindi pa man sigurado pero napa-praning na ako. Dahil paano nga kung totoo? Tuwing papasok si Miko sa trabaho ay pasimple ko siyang pinagmamasdan, kung excited ba siya o ano.

Palagi rin akong nakaabang sa uwian niya, binibilang ko pati ang minuto ng biyahe niya pauwi, at nagagalit na agad ako kapag nali-late lang siya nang kahit kaunti.

Kapag nasa banyo na siya para maligo ay itsini-check ko ang mga hinubad niya. Inaamoy ko kung may dumikit ba na amoy ng babae. Naghahanap din ako ng bakas ng lipstick, kaya todo ang sipat ko sa mga kuwelyo niya palagi.

Sa hatinggabi naman ay hindi agad ako natutulog. Kapag tumatayo siya para magbanyo ay nagmamadali agad ako na tingnan ang cell phone kung may text. I was to pretending that I knew nothing, but that didn't mean I would let him make a fool out of me.

Wala na akong kapayapaan dahil kinakain na ako ng kapraningan. Palagi na ring mainit ang ulo ko, kahit simpleng mali ni Miko ay napapansin ko. Nagtataka man siya ay hindi na lang siya sumasagot.

"Ano na naman ito, Miko?!" inis na sabi ko nang makitang hindi niya na naman inayos sa lalagyan ang hinubad niyang sapatos.

Madali naman siyang lumapit. "Ay, sorry, nakalimutan ko." Sabay ayos niya sa sapatos niya.

"Palagi mo na lang nakakalimutan. Ano ba? Parang iyan lang, hindi mo pa magawa nang tama!"

"Sorry, sorry, di na mauulit."

"Hindi lang iyan, iyong ginamit mo na namang tuwalya kanina ay iniwan mo na namang nakasalampak lang sa ibabaw ng galon ng mineral! Napakahirap bang i-hanger iyon sa labas?!"

Padabog kong pinagdadampot ang mga kalat sa paligid. Nakitulong naman siya sa pagdampot habang patingin-tingin sa akin.

Hindi pa roon natapos ang inis ko dahil dumating na ang bill namin sa kuryente. Tumaas ng one hundred fifty pesos. Si Miko naman ay nakaramdam nang badtrip talaga ako, kaya lumabas na muna. Lalo lang naman akong napikon.

Talagang mas pinipili niya pang magpahangin sa labas o kaya ay pumunta kina Asher para palipasin ang galit ko, kaysa komprontahin ako. Hindi ko alam kung natatakot lang ba siya o talagang wala siyang paki. So ano? Balewala na talaga ako?!

Dalawang linggo na ring walang nangyayari sa amin sa gabi. Hindi na niya ako hinahalikan. Ultimo pagdikit sa akin ay hindi niya na ginagawa. Kahit magkatabi kami sa pagtulog ay hindi ko na siya maramdaman. Ganoon daw e, nanlalamig na kapag may iba nang pinag-iinitan!

Padabog akong lumabas ng pinto. Sabado ng hapon at naka-assemble na naman ang mga nanay sa kalsada. Ang topic ay ang ka-live in partner ni Aling Ising na si Mang Buboy. Hindi na pala umuuwi ang lalaki.

"Hindi ako makapaniwala, kabait ng partner ko, pero matutukso rin pala!" himutok ni Aling Ising sa boses na may nginig. "Sumugod ako roon sa bahay ng babae, mas bata sa akin, mas maganda, at mas sariwa!"

Nagpantig ang aking tainga sa narinig. Iyong matandang lalaki nga na hindi babaero ay nakuhang magloko, what more si Miko na batang-bata pa at simula't sapul ay babaero na?!

Lumabas na ako ng gate. Tinawag ako ng mga nanay pero tila ako bingi na dere-deretso. Pumunta ako sa bahay ng mga Prudente, kina Asher. Sa gate ay naririnig ko na ang boses ni Aling Ason.

"Sige lang, Abel, inom lang ng inom. Wag kang titigil. Pag talaga nagkasakit ka sa bato, sisikmuraan pa kita sa ospital!"

Lumabas ang panganay na kuya ni Asher na si Kuya Abel. Tayo-tayo ang buhok. Mukhang kagigising lang at may hangover pa. Nang makita ako ay inginuso nito ang pinto. Ibig sabihin ay nasa loob nga si Miko.

Sabado kasi kaya nandito si Asher. Nang makita ako nito ay tinawag nito si Miko. "Kupal, esmi mo nasa labas."

Kakamot-kamot naman si Miko ng pisngi nang lumapit sa akin. "Gutom ka na? Anong gusto mong kainin?"

"Anong ginagawa mo rito?!" sita ko na hindi pinansin ang tanong niya. "Rest day mo, imbes na nasa bahay ka at tinutulungan ako sa mga gawain, nakuha mo pa talagang mangapit-bahay!"

Napangiwi siya. "May tinanong lang naman ako ke Asher. Tara, uwi na tayo. Wag ka na magalit." Inakbayan niya ako at inalalayan nang bumalik sa apartment.

Gusto kong humulagpos pero nagtimpi ako dahil pinagtitinginan na kami ng mga kapitbahay. Pagpasok sa apartment ay isinara ko ang pinto saka ko hinarap si Miko. "Huling saing na iyong bigas natin mamaya, mas inuuna mo pang tumambay kina Asher!"

Nagulat naman siya. "Ha? Wala na? Pahinging pera, bibili ako kahit tatlong kilo."

"Fifty pesos na lang ang pera diyan. Maliit lang iyong suweldo mo noong nakaraan dahil sa kaltas. Nag-grocery pa tayo nang kaunti, nagpa-ultrasound ako, tapos budget mo pamasahe at baon araw-araw."

"Nasa five thousand iyong sahod ko, di ba? Itlog lang naman ang baon kong ulam araw-araw sa trabaho, saka sakto lang din ang dala ko na pamasahe, wala na ba talagang natira?"

"Hindi mo ba alam na may hinuhulugan pa tayong foam?! At isinusumbat mo ba na itlog lang lagi ang ulam mo? Bakit, sa tingin mo ba ay lechon ang ulam ko rito? Namimitas nga lang ako minsan ng malunggay at sinasahugan ng sardinas, e!"

"Hindi naman ako nanunumbat. Sorry na."

"Ewan ko sa 'yo! Puro ka pangangapit-bahay! Tapos ano? Mamaya lang ay nag-iinom na naman kayo?!"

"Labas lang ako sandali. Dedelihensiya ako, baka maka-extra sa computershop diyan sa labasan o sa bar ng tropa sa Biclatan."

"Mabuti pa nga! Hindi iyong tatambay ka kina Asher! Hindi ka na nahiya! Kita mo nang nagagalit na si Aling Ason kapag nag-iinom mga anak niya!"

Nang umalis si Miko ay sandali lang ay na-praning na naman ako. Bakit ko pala siya hinayaang umalis? Paano kung imbes na sideline ang atupagin niya ay makipag-meet lang siya sa kabit niya?!

11:00 P.M. NA NAKAUWI SI MIKO. Naki-text naman siya kanina na kumain na ako dahil mali-late siya nang uwi, pero naghahalo pa rin ang galit at pag-aalala ko.

"Saan ka ba galing, ha?! Tinawagan ko iyong number na ginamit mong pang-text, hindi sumasagot! Sino ba iyon?!"

"Isang tropa ko sa Bacao. Si Angke. May liga kasi at kasali siya kaya di na talaga siya makakasagot."

Napansin ko ang bitbit niyang itim na duffle bag. Ibinaba niya iyon sa sahig. "Saka, ngayon lang ako naka-tyempo na wala si Mommy sa bahay namin sa Bacao. Kinuntsaba ko si Ate Tonet, heto nakakuha ako ng ilang gamit. Naipuslit ko na ang diploma ko noong high school, ilang records sa college, at birth certificate."

Mula sa galit at pag-aalala ay natuwa ako sa narinig. Iyong birth certificate niya at mga records sa school ay talagang ayaw ibigay sa kanya ng mommy niya, kaya mabuti dahil nakuha niya na ngayon. May requirements na siya.

Napangiti si Miko nang makitang nagbago na ang mood ko. "May dala akong itlog penoy, midnight snack ka muna, buntis."

Doon na lumamig ang ulo ko. Kanina pa nga ako gutom. Sabay kaming kumain na parang walang nangyaring talakan kanina. Pagkakakain ay pumasok na si Miko sa banyo para maligo dahil basa siya ng pawis.

Iniligpit ko naman muna ang laman ng duffle bag. Mukhang sa pagmamadali dahil baka maabutan siya ng mommy niya ay basta na lang siya dampot at salaksak ng mga gamit sa bag. Gulo-gulo ang loob nang isa-isa kong ilabas.

Bukod sa birth certificate, records, ay nakuha niya ang ilang panlakad niyang damit kaya hindi na siya magpapaulit-ulit. Pagkatupi ko ng mga damit ay sumunod kong inayos ang mga papeles. Isang envelope ang nakaagaw ng aking pansin. Mukhang nabitbit lang basta ito ni Miko.

Luma na ang envelope. Nang itaob ko ay kusang nahulog ang laman. Isang lumang picture. Dinampot ko iyon at tiningnan. Dalawang babae na magkaakbay ang nasa picture. Halos mabura na ang picture dahil sa sobrang luma. Dalawang babae ang doon ay magkaakbay. Namukhaan ko ang isa—mommy ni Miko.

Bata pa rito ang mommy ni Miko, mukhang nasa early thirties pa lang. Iyong kaakbay naman nitong babae ay hindi ko makita ang itsura, dahil parang kinuskos ang mukha ng kung ano upang mabura, tapos ginuhitan pa ng ekis. Sino kaya ito?

Ibabalik ko na ang picture sa envelope nang mapansing may nakasulat sa likod. Malabong sulat-kamay pero nababasa pa. Ang nakasulat: 'Mitchy and Jonalyn Forever'.

Bumukas ang pinto ng banyo. Tapos na si Miko maligo kaya itinabi ko na rin ang envelope dahil nakalimutan na naman niya ang tuwalya. Tumayo ako para iabot sa kanya.

Naligo na rin ako. Ginamit ko ang aking inutang na hulugang Avon na pabango sa kapitbahay. Baka lang kasi may ganap ngayong gabi. Pero bumagsak lang ang balikat ko nang makitang nakadamit si Miko. Shirt at pajama. Isa lang ang ibig sabihin niyon, hindi na naman siya manggagapang ngayon.

Katulad nang mga nagdaang gabi, wala na naman ulit nangyari. Ni halik sa noo ay wala. At sa pagkakataon ding ito, unang beses na natulog si Miko nang nakatalikod sa gawi ko.

SOBRANG PANGIT KO NA BA TALAGA?

Monday. Nasa work na si Miko. I just finished taking a shower, yet I still felt irritated. I removed my towel and looked at the mirror only to be horrified. Dang, I looked like someone else!

Hindi man kalakihan ang tiyan, may mga kamot naman. Parang nangingitim na mga ugat sa aking dating makinis na balat. I had breakouts on my back and face, and my skin darkened as if I had been at the beach. Pati ang buhok ko naman ay dinaig pa ang alambre sa tigas. Tapos nagtataka pa ako kung bakit hindi na ako ginagalaw ni Miko?

Araw-araw akong papangit nang papangit, habang si Miko ay para yatang lalong gumuguwapo. Para siyang laging fresh at mabango, habang ako rito sa bahay ay nanlilimahid! So unfair!

Malamang sa work ni Miko ay maraming magaganda na nagpapapansin sa kanya. Kaya nga kahit walang pasok, pumapasok pa rin siya for rest day over time daw, pero ang totoo ay mas gusto niya roon because I was now ugly, and he was now disgusted of me.

My doctor told me at my last ultrasound two months ago that I was carrying a girl. May sabi-sabi na pag babae ang anak ay blooming ang nanay, pero ako ay kabaliktaran. That was simply one of the pregnancy myths, and I knew better, but I believed it nevertheless.

Bukod kasi sa blooming pag babae ang anak, may sabi-sabi rin babaeng anak daw ang magpapatino sa mga babaerong tatay. O di ba, nagpaniwala na naman ako sa sabi-sabi na parang walang bait sa sarili.

AKO PA BA TALAGA ITO? HINDI KO NA KILALA ANG SARILI KO. Or maybe, this was the real me. The hardship, pressure, and anxiety made me discover my true self—that I was weak, insecure, and stupid.

Naiinis ako sa mga kapitbahay namin noon na bungangera pero ngayon ay dinaig ko pa sila. May mga sandali na hindi na ako makapag-isip nang matino. Kung hindi ako naghihinala ay nagagalit naman ako.

Tumunog ang gate around 11:00 p.m. Hindi pa ako kumakain dahil hinintay ko si Miko. Pagpasok na pagpasok niya ay sinalubong ko siya. "BAKIT NGAYON KA LANG?!"

"Sorry, mandatory overtime," mahinahon niya namang sagot. "Di ba naki-text ako kanina, hindi mo ba na-receive?"

"Na-receive pero malay ko ba kung totoo! Bigyan mo ako ng number ng katrabaho mo, tatanungin ko kung totoong OT nga kayo!"

Pagod na tumingin siya sa akin. "Zandra, hindi ko alam ang mga number nila."

"O sige, may load pa ako riyan. Mag-online ka. Ako ang magtsa-chat sa kanila." Nahinto ako nang may naalala. "Ah, ni-log out mo nga pala iyong account mo sa cell phone ko, ano? Nagpalit ka pa ng password. Ano iyon? May itinatago ka?!"

Nagsalubong ang makakapal at itim na itim na mga kilay niya. "Wala. Ano namang itatago ko?"

"E bakit ka nga nag-log out at nagpalit pa ng password? Dati naman hindi, ah?!"

"Nag-expire na iyong password kaya nagpalit ako." Mahinahon pa rin ang boses niya at tunog pagod.

Para naman akong butete na nakapamewang sa harapan niya. "E bakit hindi mo sinasabi sa akin?! At bakit hindi ka nag-log in ulit?!"

"Nakalimutan ko lang banggitin, saka balak ko na ring mag-deactivate talaga."

"Dahil may bago ka nang account, ganoon ba?"

Napahagod siya ng mga daliri sa kanyang buhok. Nagsisimula nang ma-frustrate. "Anong bagong account? Wala!"

"E di wala! Aamin ka ba? Syempre, hindi, di ba?! Kaya sige, HR niyo na lang ang tatawagan ko!"

Mapait akong ngumiti sa kanya. "O bakit parang ayaw mo? HR siya, tanungan naman talaga siya. Wala naman sigurong masama kung magtatanong ako sa kanya, di ba? Unless may dahilan—"

"Ano bang gusto mong palabasin?!" Napataas na ang boses ni Miko na ikinagulat ko.

Did he really raise his voice on me?!

Nakabawi rin naman ako. Hindi na rin ako nakapagpigil dahil sa halo-halong emosyon. "Nambababae ka!"

"Ano?!" Halos tumalsik sa mukha ko ang laway niya.

"Ano, nahuli ba kita?!" Hinablot ko siya sa braso. Sininghot ko ang amoy niya. "Ano itong amoy na ito na matamis?! Hindi naman ganyan ang pabango mo! Kanino ito?!"

"Siksikan sa jeep na sinakyan ko. Babae ang katabi ko."

"Ano bang klaseng siksikan sa jeep? Magkakayakap na ba kayong mga pasahero sa sobrang siksikan, ha?!"

"Zandra, please pagod ako. Nag-OT ako at maaga pa ang pasok ko bukas—"

Napatingin ako sa jacket na nakasampay sa kabilang balikay niya. Tribal na jacket. Ngayon ko lang nakita. Wala iyon sa mga gamit niya at maging sa huling gamit na kinuha niya sa kanila. Basta ko iyon hinablot. "Saan galing ito?!"

"Sa katrabaho ko—"

"Katrabaho? Ano ito? Pahiram o bigay?" Siniyasat ko ang jacket. Bago at amoy mall pa. "Original na Tribal ito. Nasa dalawang libo pataas ito. Bakit ka basta pahihiramin o bibigyan ng katrabaho mo ng ganito?!"

"Malamig sa operation kanina, e. Napansin niya na sinisipon ako. Spare jacket niya raw at—"

Hinambalos ko sa kanya ang jacket. "Do you really take me for a fool? How could this be just a spare jacket?! Ayan, kitang-kita na bagong-bago pa!"

"Hindi ko alam kung bago iyan, pero kasi giniginaw ako kanina. Sinisipon ako at masama ang pakiramdam ko kaya tinanggap ko na. Pero ibabalik ko rin iyan pag nalabhan na—"

Hinampas ko ulit sa kanya ang jacket. "Who gave this to you? Babae ba?!"

Kitang-kita ko ang pag-alon ng lalamunan ni Miko. Matagal siya bago nakasagot na parang nag-isip pa kung sasagutin niya ba ako. At nang sumagot ay halos hindi marinig sa sobrang hina. "Oo."

Doon na ako napahiyaw. "Leche!!!" Naghihiyaw ako na parang baliw. "Leche ka! Hayup!!!" Niyakap naman niya ako pero pinaghahampas at pinagkakalmot ko siya. "Bitiwan mo ako! Manloloko! Ang kapal ng mukha mo! Nakakadiri ka!!!"

"Zandra, please, hindi kita niloloko!" Nakayakap pa rin siya sa akin. "Please, wag ka namang sumigaw, makakasama sa 'yo iyan!"

Pinagsasabunutan ko siya. "Anong karapatan mong pigilan ako?! Hayup ka! Habang nandito ako sa bahay at maghapon na naghihintay sa 'yo, nambabae ka lang sa trabaho! Ni hindi mo na inisip na buntis ako! Ang sama-sama mo!"

Nag-beep ang phone sa ibabaw ng orocan. Dumapo roon ang paningin ko at sa aking peripheral vision ay nakita ko ang tensiyon sa mukha ni Miko. Tinabig ko siya at mabilis na kinuha ang phone. Hindi naka-save ang number pero natatandaan ko na ito ulit iyon.

Unknown Number:
Nakauwi ka na po?

Hindi man nababasa ni Miko ang nababasa ko, ayon sa pagkaputla ng kanyang mukha ay may hinala na siya. "Zandra, mali ka ng iniisip..."

I ignored him. Nanginginig ang mga daliri na nag-type ako ng reply. Sinabi ko na oo at kunwari si Miko ang sumagot. Sandali lang ay nag-reply agad ang kung sino mang asuwang ito.

Unknown Number:
Yey! Tulog na ba asawa mo? And did you like the hoodie? Matchy-matchy tayo kasi I have mine with the same design. ^^♡

Tiningala ko siya habang tigmak ang luha sa aking mga mata. "Who's this?" pigil ang boses na tanong ko. "Don't you fucking dare lie to my face."

"S-schoolmate noong high school..."

"Siya iyong HR na Rosethel ang pangalan?" Natatandaan ko kasi kakaiba ang kutob ko rito, yet I trusted Miko. "Siya ba iyong HR na nagpasok sa 'yo sa trabaho kahit kulang-kulang ka sa requirements? Iyong nilibre ka pa sa medical?" Nagtatanong ako pero alam ko na ang sagot.

Pero noong tumango siya ay para pa rin akong binuhusan ng tubig na walang kasing lamig. "Is she one of your exes?" halos padura na tanong ko.

"Nag-chat siya noong panahon na desperado akong magkatrabaho. HR pala siya sa isang electronics company sa Epza. Sabi niya, matutulungan niya ako kaya tinanggap ko na. Pero maniwala ka—" Hindi niya na natapos ang sasabihin dahil sinampal ko siya.

"Maligo ka," malamig kong sabi. "Magsabon ka nang maraming beses at maghilod nang mabuti. Mag-toothbrush ka rin nang limang ulit. Wala kong paki kung pagod ka, pero mapupuyat ka ngayong gabi."

Tigagal siya sa akin. "Zandra..."

"At wag mo nang isipin ang pasok mo bukas." Ngumiti ako sa kanya na parang baliw. "Dahil, Miko, magre-resign ka na!"

jfstories
#BadLoverbyJFstories

Bạn đang đọc truyện trên: ZingTruyen.Xyz