Chapter 12
WALANG MAGBABAGO, DAHIL AKO LANG ANG APEKTADO.
Sa last break ay nakita ko si Miko. May kausap na babae. Iba na naman. Habang nakatingin sa kanila ay bigla na lang akong kinilabutan. Okay lang ba ako? Talaga bang inasahan ko ang lalaking ito?!
I couldn't believe myself. I laughed like an idiot. Ang daming guys, tapos sa kanya pa talaga? Duh, it was Michael Jonas! Lalaking ipinaglihi sa higad!
Ahg, bigla tuloy akong napatakbo pabalik sa room. Nagkalkal ako sa bag ko, at nang makita ang alcohol ay tinaktak ko agad sa aking mga braso, leeg, at pati sa pisngi.
Lalo lang namang nagtaka sa akin si Faye. Anyway, hindi pa ako tapos mag-alcohol. Pati paa ko ay nilagyan ko rin. Tapos gumamit ako ng anti-bacterial wipes sa lips ko. Ayan, nasugpo ko na ang masamang espiritu!
Nagtataka naman sa akin ang best friend kong si Faye. "Z, okay ka lang?"
Ngumisi ako sa kanya habang basang-basa ng alcohol. "Finally, okay na ako!"
4:00 p.m. Tumunog na ang bell selyales na tapos na ang araw na ito. Nagmamadali na akong lumabas bitbit ang aking purple shoulder bag. Baka alam na kasi nina Mommy at Daddy na pumasok ako, baka bigla nila akong sunduin dito.
Sa labas ay nagulat ako nang makita na naroon na si Miko. Ang aga pa pero nasa tapat na siya ng gate. Siya lang mag-isa. Nakasimangot siya habang may tinatadyakang bato sa semento.
Nilapitan ko siya. "Uy, bakit ang aga mo?" Chill na lang ulit. Kinalimutan ko na iyong nangyari tutal nauna naman na niyang kinalimutan.
"Wala akong assignment, kaya pinalabas ako, badtrip."
Hindi ko siya magawang sisihin, dahil sinamahan niya ako kahapon. Although alam ko namang kahit hindi niya ako sinamahan ay hindi pa rin niya gagawin ang assignment nila.
Nang bumukas ang gate ay nauna na siya sa akin. "Ge. Me kikitain pa ako sa bilyaran, e."
Pinigilan ko siya sa manggas ng shirt niya. "Can I come with you?"
Nagsalubong ang makakapal na kilay niya. "Ano?"
"I said, sama ako." Nag-pout ako para magpa-cute. "Please? Kailangan ko kasing magpatay ng oras bago umuwi. Siguradong alam na nina Mommy at Daddy na pumasok ako."
Matagal siya sa aking napatitig. "Ge, bahala ka." Dinakma niya ang purple shoulder bag ko at siya na ang nagdala.
Nauuna siyang naglakad. Taas-noo pa rin at maangas maglakad kahit pa ang girly ng sukbit-sukbit niyang purple shoulder bag.
Sa isang tagong bilyaran ang pinuntahan namin dito rin sa Brgy. Pinagtipunan. Liblib, mapuno, at iilan lang ang kabahayan na pulos kubo. Dadaan pa ng sapa bago marating ang lugar.
Ang bilyaran ay isang malaking silong pala ng isang bahay na gawa sa kahoy. Lupa lang na mabato ang sahig. May tindahan din na kanugnog. May display na softdrinks sa labas at mga junkfood. Maraming tambay.
"Wag kang lalayo sa akin," bilin sa akin ni Miko.
Ang karamihan sa tambay ay mga estudyante kahit ngayon pa lang ang uwian. Malamang na nag-cutting ang mga ito. Meron din palang mga babaeng tambay rito. Mukhang sinasamahang tumambay ang mga boyfriend nila.
Iyong sa di kalayuan ay may mag-boyfriend pa yata na naghahalikan. Humarang naman si Miko sa aking harapan kaya hindi ko na tuloy natingnan pa kung talaga bang nagki-kiss ang mga ito.
May isang malaking lalaking estudyante ang tumigil sa pagbibilyar nang makita kami. Maangas ang itsura nito, estudyante pa lang ay mukha ng goons, kaya napatago ako sa likod ni Miko.
Lumapit ito sa amin. "Michael Jonas!" Nakangisi ang lalaki habang ngumunguya pa ng bubble gum.
Nakipag-fist bump siya rito. "Bimbo."
"Wala ka kaninang umaga, boi. Tumambay rito tropahan ni Chung. Pinag-uusapan tropa mo. Mukhang nagbabalak na gantihan kayo."
What? Anong gantihan? Napatingin ako kay Miko, pero chill lang iyong reaksyon niya.
Nagtutule pa nga siya ng kaliwang tainga. "Di pa ba sapat sakit ng katawan nila, naghahanap pa sila?" tamad na tanong niya.
Tumawa naman si Bimbo. "Mga kicked out e, malamang mga wala nang magawa sa buhay."
"Mukhang trinabaho talaga nang matindi ni Herrera para ma-kick sila. Mabuti nga."
"Sinong Herrera?" tanong ni Bimbo. "Iyong nakasama niyo sa baranggay na taga Science Class at anak ng teacher? Uy, may ambag din ang tropa namin kaya sila na-kick out."
"Oo nga raw, na-tsismis na sa akin nina Angke."
"Kilala mo naman di ba tropa naming si Hugo na anak ng head teacher? Dinemonyo nang matindi mommy niya para lakarin talaga ang pag-kick kina Chung. Ayaw niya raw kasi ng adik na pahara-hara sa mansiyon ni Donya Dessy."
Dessy? Pinsan ko ba ang pinag-uusapan nila? I mean, my ex-cousin?
Tinapik na ni Bimbo ang balikat ni Miko. "Ge, Miks. Text ka lang pag may nangyari."
Nang bumalik na sa pagbibilyar iyong Bimbo ay kinalabit ko si Miko. "Ano iyong pinag-usapan niyo?"
Tumingin siya sa akin. Seryoso ang mga mata niya. "Wala."
"Nabanggit niyo ang pangalang Dessy. Iyon ba iyong pinsan ko?"
"Dessy? May pinsan kang ganoon pangalan? At di ba ako na ang pinsan mo?"
Napakamot ako ng ulo. "Oo nga pala."
Sumimangot naman siya. "Tsk, ayusin mo. Selosong pinsan ako."
Kinuha niya na ang sadya niya rito sa bilyaran. Juice pala sa vape. Nagpaalam na rin siya sa mga nagbibilyar.
Pagdaan namin doon sa may sapa ay may nakasalubong kaming isang payat na lalaki. Naka-civilian. Shirt na pambahay, lumang jersey shorts, at tsinelas. May band aid sa noo. Parang nagulat ito nang makita si Miko.
Nang lumipat ang tingin ng sa akin ay hinila ako ni Miko papunta sa likod niya para hindi ako makita nito.
Nagpatuloy na kami sa paglalakad. Nagtitigan sila ng lalaki, at nang makita ng lalaki na bitbit ni Miko ang aking purple shoulder bag ay biglang ngumisi ito.
"Akalain mo nga naman," makahulugang bulong lalaki na hindi direkta sa amin, pero alam kong para talaga sa amin.
Nang makalampas na kami rito ay tiningala ko si Miko. Madilim ang ekspresyon niya, kaya hindi ko napigilang magtanong. "Kilala mo?"
"Hindi," tipid na sagot niya, sabay bigay na sa akin ng bag ko nang makarating na kami sa kalsada. "Umuwi ka na."
Itinulak pa ako. Pa-martsa na akong naglakad pauwi. Nang nasa street na ako namin ay saka bumalik ang kaba ko. Hindi ko sigurado kung ano ang magiging reaksyon nina Mommy at Daddy paguwi ko.
Never pang nagalit sa akin ang mga magulang ko, at mukhang ngayon pa lang mangyayari. Napatago ako sa poste nang makitang may patrol sa tapat namin. Tricycle ng baranggay.
Naghintay-hintay ako at saglit lang ay lumalabas na mula sa amin ang tatlong tanod. "Nakauwi na pala iyong anak, pumasok daw sa eskwela kanina," narinig kong sabi ng isa.
"Pinuntahan nga raw ng tatay kanina, kaso hindi pinapasok sa gate. Nitong uwian naman ay nakasalisi na iyong bata. Saan na naman kaya nagpunta?"
"Mga kabataan talaga. Akala mo ay kaya na nila mga sarili nila. Pag naman napariwara ay magulang pa rin ang kawawa. Dagdag pa kamo na problema ng gobyerno."
Nang matiyak na nakaalis na ang mga ito ay saka ako nanakbo sa bahay namin. Pumasok agad ako ng gate.
Sa pinto pa lang ay nauulinigan ko na ang boses ni Mommy. "Zoren, sigurado ka ba talagang wala na sa school si Zandra? Bakit di mo man lang hinanap? Paano kung hindi na naman iyon umuwi?!"
Sinagot iyon ng seryosong boses ni Daddy. "Nakita raw ng kaklase na may sinamahang lalaki."
"Lalaki?!" bulalas ni Mommy. "Sinong lalaki?! Si Arkanghel ba?!"
"Mabuti nga kung si Arkanghel, ang kaso ay hindi. May hikaw raw iyong lalaki sa tainga at kilay. Ang masaklap pa, mukhang mabisyo raw. Mukhang pariwara ang sinamahan ng magaling mong anak!"
"Nakipagtanan kaya sa lalaking iyon ang anak natin?! Hindi ako papayag! Mas gugustuhin ko pa na mapunta si Zandra kay Arkanghel dahil mabuti iyong bata kahit dukha! Zoren, gumawa ka ng paraan!"
Bago pa makarating sa kung saan ang usapan nila ay binuksan ko ang pinto at pumasok na ako.
Nang makita ako ni Daddy ay bumangis ang kanyang ekspresyon. Bigla niyang hinablot ang braso ko. "Saan ka galing?!"
Sa kauna-unahang pagkakataon ay napagtaasan ako ng boses ni Daddy.
"Halos hindi kami nakakain ng mommy mo sa pag-aalala sa 'yo, pabalik-balik kami sa barangay at pulisya para makapagpa-blotter at kahit wala pang beinte quatro oras ay at mapahanap ka na agad!"
Pumigil naman si Mommy sa kanya. "Zoren, huminahon ka! Bitiwan mo si Zandra, nasasaktan siya!"
Wala namang balak magpapigil si Daddy. Pulang-pula siya sa galit habang dinuduro ako. "Saan ka galing, Zandra?! Sumagot ka!"
"Anak, saan ka ba kasi galing? Paggising namin kahapon ay wala ka na sa kuwarto mo. Naghintay kami sa 'yo pero hindi ka bumalik. Inisa-isa namin ang mga pinsan mo dahil baka nasa kanila ka, pero wala ka kahit saan doon!"
Binitiwan ako ni Daddy pero galit na galit pa rin siya. "Totoo ba na may kasama ka kaninang lalaki, ha?! Siya ba ang boyfriend mo?!"
Humarang si Mommy. "Hindi! Hindi iyon boyfriend ng anak natin! Hindi magbo-boyfriend ng ganoon si Zandra!" Tumingi si Mommy sa akin at ngumiti. "Anak, di ba hindi mo boyfriend iyon?"
Wala pa rin akong sagot.
Halos yugyugin naman ako ni Mommy. "Anak, sabihin mo sa mommy at daddy, hindi mo boyfriend iyong mabisyo na nakita na kasama mo kanina sa school! Kasi si Arkanghel ang crush mo, di ba?! Okay na ako na si Arkanghel ang crush mo. Alam ko na mapapabuti ka sa kanya, kasi si Arkanghel ay masipag, walang bisyo, at mabuting anak. Kaya siya na lang, payag na ako!"
"Hindi ko po boyfriend iyong nakitang kasama ko kanina," mahinang sabi ko.
Doon lang parang sabay na nakahiga ang mga magulang ko.
"Sabi ko na, e!" Nahampas pa ni Mommy si Daddy sa braso. "Hindi nakipagtanan ang anak natin! Dapat malaman ng mga kapitbahay natin na mali ang naiisip nila! Hindi iyon magagawa ng anak natin dahil matalino siyang bata!"
Matamis na ngumiti si Mommy sa akin, habang si Daddy ay nakasimangot pa rin.
"Baby, alam mo bang pinag-uusapan tayo ng mga kapitbahay? Nasa loob daw ang kulo mo. Akala nila ay nakipagtanan ka talaga at buntis ka raw! Ang kakapal ng mga mukha nila na ibintang sa 'yo ang gawain ng mga anak nila!"
Tumawa pa si Mommy na parang villain sa isang teleserye. "Sabi ko na at mga plastic sila. Kunwari humahanga sa pamilya natin, iyon pala ay naghihintay ng ikakabagsak natin. Puwes, hindi sila magtatagumpay. Ang pamilya natin ay isang buena familia habangbuhay!"
Malamig ang mga mata ko nang salubingin ang mga mata ni Mommy. "Ano po ba ang ibig sabihin ng buena familia?"
Natigilan si Mommy, pero sandali lang. "A perfect family, and that's what we are. Buong pamilya, nagmamahalan, may sariling bahay, hindi nagugutuom, hindi umaasa sa iba, responsableng mister, magaling sa bahay na misis, at anak na napalaki nang maayos at mapagtatapos sa pag-aaral."
"Buena familia pa rin po ba kahit po illegitimate child ang anak?"
Sukat ay nagkulay suka ang mukha ni Mommy. "A-ano kamo, Zandra? Anong sinabi mo?!"
"I said, I am an illegitimate child," deretsong sabi ko na hindi kumukurap.
Ang gulat sa mukha nina Mommy at Daddy ay walang katumbas.
Si Mommy ay biglang taas ng boses nang magsalita. "Zandra, saan mo nakuha iyang sinasabi mo?! Hindi iyan totoo! Paano ka magiging illegitimate child?! Dala mo ang apelyido ng daddy mo! And we are married!"
"Kinasal kayo ni Daddy? Paano po? Kasal siya sa unang asawa niya, at wala pang divorce sa Pilipinas ngayon, kaya paano kayo ikinasal?! Kasal-kasalan?!"
"Saan mo nakuha ang mga kalokohang iyan?!" tila kulog ang boses ni Daddy nang maka-recover sa pagkagulat.
Masakit ang loob ng dibdib na hinarap ko siya. "Daddy, kalokohan po ba na bago naging kayo ni Mommy, may una na kayong pamilya? Na kasal kayo sa una niyong asawa at may anak kayo nito?"
"Ako ang asawa ng daddy mo!" hiyaw ni Mommy. "Kami ang magkasama mula pa noon at iyon ang alam ng mga tao, ng pamilya ko, ng mga kapitbahay natin dito sa Cavite!"
Luhaan na hinarap ko si Mommy. "Mommy, last year lang po namatay ang asawa ni Daddy. Ibig sabihin, noong mga nakaraang taon na nagdaan ay pangalawang pamilya lang tayo. Ibig sabihin ay mahabang panahon kang kabit at ako ay anak na illegitimate!"
Isang sampal ang tumama sa pisngi ko. Si Daddy na humihingal sa galit. "Tumigil ka na!"
"Zoren!" hiyaw ni Mommy. "Wag mong saktan ang anak natin!"
Matalim ang luhaang aking mga mata habang hawak-hawak ko ang aking nasaktang pisngi. "I hate you, Daddy! I hate you!" Pagkatapos ay nanakbo na ako paakyat sa itaas sa kuwarto ko.
Ang sakit-sakit, nakakapanliit, kasi ngayon ay hindi ko na talaga matatakasan pa ang totoo, na kasinungalingan lang pala lahat ng pinaniniwalaan ko sa pamilyang ito.
Ang yabang-yabang ko pa. Sumasang-ayon pa ako minsan kay Mommy kapag pinagtatawanan niya iyong mga kapitbahay namin na may kabit ang asawa, o kaya iyong mga kamaganak naming nang-aabandona ng anak, pero ganoon din pala ang mga magulang ko.
Bumukas ang pinto ng kuwarto ko. Pumasok si Mommy. "Anak, puwede ba tayong mag-usap? Magpapaliwanag ako..."
"Mommy, I don't care even if we're a second family and if I am an illegitimate child. Even if you and Daddy are truly guilty, I still have no right to judge you. Pero, sana ay hindi niyo na lang ako pinaniwala na walang kapintasan itong pamilyang ito."
Because the most painful thing was that I had been deceived by people I had always looked up to, trusted, and loved my whole life.
"Anak, hindi mahal ng daddy mo ang unang asawa niya. Nabuntis niya lang kaya sila nagpakasal. Mga bata pa kasi sila, nineteen pa lang noon ang Daddy mo. Hindi pa siya sigurado sa buhay—"
"Hindi niya mahal at hindi siya sigurado pero binuntis niya?" matabang na tanong ko kay Mommy.
"Akala kasi niya mahal niya, dahil mga bata pa sila. Tapos iyong babae rin naman, basta na lang pumayag, kaya ayun, nabuntis."
"Mommy, paano kung sa akin iyan mangyari? Paano kung sa sobrang in love ko, magpabuntis din ako kay Arkanghel? Tapos ipakasal niyo rin kami. Tapos may makilala rin siyang iba, at piliin niya iyon kaysa sa amin. Paano, Mommy?"
Dumilim ang mga mata ni Mommy. "That's not going to happen. Matalino kang bata. Alam mo ang tama sa mali. At kung si Arkanghel lang din ang gaganoon sa 'yo, mahiya siya balat niya dahil tadtad ng utang ang pamilya nila sa pamilya natin!"
Lumabas na si Mommy ng kuwarto ko. Nang wala na siya ay sumubsob ako sa kama. I hate them! I hate our family and this fake life!
WALANG GOOD MORNING.
I didn't even have breakfast because Mommy hadn't cooked that morning. Pareho silang tulala ni Daddy sa hapag pagbaba ko. Halatang parehong walang matinong tulog sa nagdaang magdamag.
Ako naman ay tuloy-tuloy sa pinto. Hindi ko sila binati man lang o nagpaalam sa kanila. Ni hindi rin ako humingi ng baon dahil may tira pa naman ako sa ipon ko. Hindi rin naman nila ako pinigilan nang lumabas na ako sa pinto.
Tuloy ang buhay, pero may nagbago. Iyong dating makulay na langit sa paningin ko ay biglang kumulimlim.
Pagkatapos ng last subject ay nakita ko si Arkanghel sa may canteen. Sumisipsip siya ng lollipop habang tulala. Tamang-tama, mag-isa lang siya. Ayaw ko pang umuwi kaya magpapasama muna ako sa kanya. I missed him. My baby Arki.
Siguradong alam na ni Arkanghel ang tungkol sa paghahanap sa akin ng parents ko noong nakaraan, dahil nagpatuloy si Daddy sa papa niya na hanapin ako. Alam niya nang nawala ako. Malamang na nag-aalala siya sa akin.
Nang makita ako ay iniluwa niya ang sinisipsip na lollipop. "Zaza, nawala ka raw?"
Alam niya nga. Napangiti ako. "Yes, Arki. Tumakas ako sa amin."
Hinintay ko na tanungin niya ako kung saan ako pumunta, kung okay lang ba ako, at kung gusto ko ba ng makakausap, pero iba ang lumabas sa bibig niya. "Ah... Okay."
Okay? Was that all he could say?
Hindi ako sumuko kasi baka nahihiya lang siya. "Ah, Arki, nagmeryenda ka na?" May tira pa akong pera mula sa ipon ko. "Tara, mag-ice cream tayo sa labas. My treat."
Nagtutule siya ng tainga. "Thanks na lang, Za. Dadaan pa ako sa talyer ng tito ko."
"Oh, sa-sideline ka ulit? Baka naman napapagod ka na niyan? Bakit, you need money ba? May project ka? How much ba? May pera pa ako from my piggy bank, I can give it to you if—"
Hindi pa ako tapos magsalita pero naglalakad na si Arkanghel paalis. Naiwan na lang sa ere ang kamay ko. Lulugo-lugo na naibagsak ko iyon.
Gusto ko pa naman sanang magkausap kasi mabigat ang pakiramdam ko. Gusto ko sana na damayan niya ako.
Nakarinig ako ng tsk sa gilid ko. Paglingon ako ay si Miko. Nakasampay sa balikat niya ang hinubad na polo at hawak ng kanyang kaliwang kamay ang bag niya. Hindi ko alam kung kailan pa siya roon. Nakahalukipkip siya habang nakataas sa akin ang isang kilay.
"What?!" singhal ko sa kanya. Nagmamatapang ako para pagtakpan ang aking pagkapahiya. Kahit ang totoo ay naiiyak na ako. Punong-puno na kasi ang dibdib ko. Halo-halo na.
Naupo siya sa batong upuan dito sa labas canteen. Tinapik niya ang espasyo sa kanyang tabi, ibig sabihin ay maupo ako. Ayaw ko pa sana, pero hinila niya ang aking shoulder bag kaya napaupo na ako sa tabi niya.
"Anong sabi ng parents mo noong umuwi ka?" maingat na tanong niya na hindi ko inaasahan.
Doon ako napahikbi.
"Pinagalitan ka ba?"
Lalo akong napahikbi. Nangilid na ang mga luha ko.
"Tss, malamang pinagalitan ka dahil nag-alala sa 'yo e."
Hindi ko na nakaya. Napaatungal na ako ng iyak. May biglang dumaang mga estudyante, napatingin sa amin, lalo sa akin.
Hiyang-hiya ako pero hindi ko mapigilan ang aking mga luha. Mukha akong tanga sa pag-iyak nang may tunog, pero ayaw ko pang huminto, kasi ang sakit-sakit. Gusto kong ilabas iyong sakit.
Dumarami na iyong mga dumadaang estudyante. Wala na akong lakas para magtago, siguro hahayaan ko na lang sila na makita ako na ganito. Loser naman talaga ako, pathetic, at ang pangit ko pa mag-cry—
Bigla akong kinabig ni Miko. Nanlaki ang luhaang mga mata ko nang ikulong niya ako sa kanyang mga bisig, pagkuwa'y itinaklob niya sa ulo ko ang hinubad niyang polo. Ang aking mukha ay ngayo'y nakaharap na sa mabangong leeg niya.
"Sige, iyak lang," narinig kong mahina at masuyong sabi niya. "Walang makakakita sa 'yo."
Lalo akong napahikbi. Hanggang sa ang aking hikbi ay nauwi na sa malakas na pagngawa. Napayakap ako sa kanya at sa kanya ako umiyak nang umiyak.
Naramdaman ko ang paghaplos niya sa ulo ko. "Hindi ko sila hahayaang makita ang pag-iyak mo. Kaya iyak lang, Zandra. Ako ang bahala sa 'yo..."
jfstories
#BadLoverbyJFstories
Bạn đang đọc truyện trên: ZingTruyen.Xyz