South Boys 1 Kiss Master Published And To Be Adapted Soon Into Mini Series
Uwian na namin at hinihintay ko na lang si Carlyn na matapos mag-retouch. Nahilig na kasi siya sa pagmi-make up ngayon. Parang nagkapalit na sila ni Vivi. Dati si Vivi iyong sobrang arte, ngayon siya naman ang hindi mabuhay ng walang blush on, mascara, pangkilay at liptint. Minsan nga may check eye at contact lenses pa siya.
"Tara na nga. Kain tayo fishball sa labas?" tanong niya habang ibinabalik sa bag ang kikay pouch na tadtad ng glitters.
"Busog nga ako e. Ikaw na lang. Una ka na..." Tumayo na ako. "Una ka na, Car..."
Hindi ko masabi sa kanya na may usapan kami ni Arkanghel.
"Ano naman? Magla-library ka ba? E di sama na lang ako—"
"Chubs!"
Nanlaki ang mga mata ni Carlyn.
Huminto si Hugo sa harap ko. "Tara na."
"Ha?"
May inilabas na susi si Hugo mula sa bulsa ng school pants niya. "Binili ako ni Daddy ng bagong motor. Aerox. Binyagan natin. Tara!"
Nagpalipat-lipat ang mga mata ni Carlyn sa amin. "May usapan kayo?"
"Oo bakit?" Tiningnan siya ni Hugo. "Hindi ka pwede sumama."
Umirap si Carlyn. "Mabuti kung kakasya tayong tatlo sa Aerox mo!"
"Pwede naman. Sa gulong ka."
Hinampas niya si Hugo sa braso.
"Tsk. Kaya ka pinagpapalit, pikon ka kasi."
Namula ang mukha ni Carlyn. "Anong 'sabi mo?!"
Tinapik siya ni Hugo sa balikat. "'Pag may kotse na ako, sa backseat ka."
Hinila ako ni Carlyn sa braso. "Sussie, wag ka ngang sumama diyan!"
"Sasama 'yan." Dinampot na ni Hugo ang bag ko.
Nauna na si Hugo sa pinto ng classroom namin bitbit ang bag ko. Mukhang dalawa pa silang poproblemahin ko kung paano ididispatsa. Sa sobrang nakakatanga ay hindi ako nakapag-react.
"Hoy! 'Pakatagal!" sigaw ni Hugo mula sa labas.
Hay, paano ko ba sasabihing hindi ako sasabay sa kahit sino sa kanila?
"Ikaw kumuha." Hinila lang niya ako at itinulak papunta sa pinto. "Sige na paparaya na kita diyan kay Hugo. Sa kanya ka na sumabay pero ngayon lang, ah? Babawiin kita bukas!"
Nakatayo si Hugo sa labas at naghihintay. Aabutin ko iyong bag ko sa kanya nang umatras siya.
Nalukot na ang mukha ko sa inis. "Akina iyong bag ko, Hugo."
"Habulin mo 'ko." Isinampay niya ang bag ko sa balikat niya saka ako tinalikuran.
"Hugo! Bag ko, 'sabi!" Kandahabol naman ako sa kanya kahit pa ang lalaki ng hakbang niya.
"Habol!"
"Bwisit ka!"
"Bilis-bilis kasi!"
"'Susumbong kita sa mama mo!"
"Samahan pa kita!"
Pagdating namin sa quadrangle ay humihingal na ako. Sinasadya niya talagang magmabilis ng lakad para mapilitan akong maglakad-takbo kahit noong pagbaba namin sa hagdan kanina. Wala talagang konsensiya. Paano kung nahulog ako?!
"Sandali!" Huminto ako at humawak sa dibdib ko na kunwari'y namimilipit.
Nilingon niya ako nang nakataas ang isang kilay. "Tara na. Papabuhat ka pa yata e di naman kita kaya."
"Hinihingal ako kakasunod sa 'yo!"
Nagbago ang reaction niya. "Okay ka lang?"
"Hindi ako makahinga..." Ipinakita ko sa kanya ang paghingal ko. "Hindi ako makahinga, Hugo..."
"'Di nga?" Agad na siyang lumapit sa akin. Hinawakan niya ako sa balikat.
"Napagod ako sa paghabol sa 'yo..."
"Sorry."
Humawak ako sa braso niya since nakayuko siya sa akin para alalayan ako. Siguro kung sa ibang pagkakataon ay matatawa ako dahil nagsorry siya sa akin.
Paghawak ko sa balikat niya ay bigla kong hinila ang bag ko at saka ko siya itinulak. Nabigla siya kaya napatitig lang siya sa akin.
"Hugo, pangit!" Pagkakuha ng bag ko ay mabilis akong lumayo sa kanya at nanakbo.
Hindi ko ugaling magsinungaling, nahihirapan ako. Pero ang dali pala kapag kay Hugo.
Nang makabawi ay gigil na sumigaw siya. "Hoy, scammer!"
"Mas scammer ka wag kang papatalo!"
"Susumbong kita sa tatay mo!"
"Samahan pa kita!" sigaw ko habang nananakbo. Alog-alog lahat ng fats ko pero hindi ako tumigil sa pagtakbo. Wala na akong pakialam sa itsura ko kung mukha ba akong bolang tumatalbog habang nananakbo.
Nang lumingon ako ay namilog ang mga mata ko nang makitang hinahabol niya ako. Nagpapanic na ako dahil mas mabilis siya sa akin. Ang hahaba ng binti niya kaya malamang maaabutan niya ako.
Pumasok ako sa room na nakabukas. Nagtataka ang mga estudyante na naglilinis sa loob dahil obviously, trespasser ako. "Patago..." mahinang pakiusap ko.
Nagkatinginan sila. Mga cleaners yata sila na naiwan lang sa room.
Sumilip ako sa bintana at nakita ko mula roon si Hugo na palingon-lingon at hinahanap ako. Kawawa rin naman kasi pawisan na siya at napapakamot na sa ulo sa inis. Siguro ay nili-lechon niya na ako ngayon sa isip niya.
Nagulat ako nang biglang lumabas ang isa sa mga cleaners. Lalaki na malaki ang mga mata at mukhang pasaway. "May nagtatago rito!" sigaw niya sa labas.
Nagtawanan ang ibang estudyante sa room. Shit!
"Nandito! May chubby rito!"
Nakisigaw na rin ang iba at nagcheer pa. Mga walanghiya!
Nang mapatingin si Hugo sa pinto ng room ay sinabayan ko na ng takbo palabas. Salubong ang mga kilay niya nang habulin niya ako.
"Susana!"
"Umuwi ka na! Ayoko sumabay sa 'yo! Pangit mo!" Kandabunggo-bunggo na ako sa mga hinahawi kong estudyante sa daan.
"Sinong pangit?! Lagot ka sa akin pag naabutan kita!"
Malapit na ako sa bench nang matanaw na nakatayo roon si Arkanghel. Nandoon nga siya sa bench!
Tila may sariling isip na kusang prumeno ang mga paa ko. Nakalimutan ko nang may humahabol sa akin. Napatitig na lang ako kay Arkanghel na ngayon ay nakapamulsa at nakatingin sa malayo. May hinihintay.
Bigla ay may nagwawala na namang kung ano sa loob ng dibdib ko. Dinig na dinig ko. Hindi ko maalis ang mga mata ko sa bawat pagkilos niya. Kahit ang simpleng pagtaas ng kamay niya at paghaplos ng mahahaba niyang daliri sa kanyang buhok ay pinagmasdan ko. Maging sa pagkamot niya ng kaliwa niyang kilay ay nakasunod ako.
Arkanghel...
Siya ang dahilan kaya hindi ako nakapagconcentrate sa klase kanina. Iniisip ko siya. Ano ba iyong sinabi niya na pag-uusapan namin?
Wala nang ibang estudyante sa paligid pero hindi ko pa rin alam ang gagawin ko. Nahihiya akong lapitan siya. Hindi na kasi siya iyong katulad nang dati na approachable. Mukha na siyang suplado ngayon. Siguro ganoon talaga kapag sobrang guwapo, nagmumukhang suplado.
Lalapitan ko na ba siya? Ano ang unang sasabihin ko sa kanya? Hello ba?
My knees were trembling with nervousness when someone grabbed my backback. "Hoy, baboy!"
"Ano ba?!" Inis akong lumingon. Nasa likod ko si Hugo at gigil na nakatingin sa akin.
"Ikaw pa galet na baboy ka, ha?! Ako na nga diyan ang pinagod mo!"
"Wag kang maingay!" Kulang na lang ay sungalngalin ko siya.
Marami pang rant si Hugo nang biglang matigilan. Napatingin kasi siya sa tinitingnan ko kanina at agad na nagsalubong ang mga kilay niya.
"Hugo..." anas ko. Binitiwan niya na kasi iyong backpack ko.
Namulsa siya sa suot na school pants at tumingin sa akin. Wala na iyong nakakaloko niyang ngisi saka iyong gigil niyang reaction kani-kanina lang. Seryoso na lang siya ngayon.
"Uhm..." Ako naman ang napakamot ng batok. Pero wala akong buni. Wala lang. Ganito lang pala talaga kapag tensed. Makakamot mo lahat kahit hindi makati.
Tinaasan niya ako ng kilay saka siya muling tumingin sa direksyon ng bench.
Napatingin din ako. Naroon pa rin si Arkanghel. This time ay umupo na siya sa bench saka dumi-quatro. Inaalog niya ang isang paa niya habang nakaupo. Parang naiinip. Napalunok ako.
"Anghel, uwi na." Dumating si Isaiah at ang isa sa tropa nila, si Miko Pangilinan.
"'Maya na."
"Sino ba hinihintay mo? Jowa mo?"
Ngumisi lang si Arkanghel. Parang may tumusok na matulis na bagay sa puso ko dahil sa pag-react niya sa tanong ni Isaiah.
"'Di darating iyon. Tara na. Angkas na kita pauwi."
"GF mo?" nakataas ang kilay na tanong ni Arkanghel sa pinsan.
Isaiah laughed. "Break na kami kaya tayo na ulit."
"Ano ba 'yan nakakasawa nang maging panakit-butas kapag nagb-break kayo, ah!"
"Wag kang mag-alala. Mas mahal pa rin kita."
I bit my lower lip. Sumasakit ngayon ang puso ko. Itong mga tagpong ito na kasama niya at kabiruan si Isaiah ang isa sa mga namiss ko noong nasa Bulacan ako. Ang dami-dami kong namiss.
"Di na. Mauna ka na. May hinihintay nga ako."
"Tara na, Isaiah. Hayaan na natin 'yan at mukhang may booking."
Nang umalis na ang dalawa ay naiwan na ulit na mag-isa si Arkanghel. Nakayuko siya at mayamaya ay inilabas ang cellphone niya mula sa bulsa. Sino kaya ang iti-text niya? Iyong GF niya ba? Magkikita ba sila ngayon?
Pero ang sabi niya may pag-uusapan kami. Ako ang hinihintay niya at hindi iba. O may usapan din sila?
Napakislot ako nang may pumatong sa balikat ko. Pagtingala ko ay siko pala ni Hugo. Ginawa niya akong mesang patungan habang nakapangalumbaba siya.
"Ano ba?!" gigil na sita ko sa kanya.
Naghikab lang siya na obviously ay fake. Gusto niya lang ipakita sa aking bored siya. Ganun.
Paglingon ko ulit kay Arkanghel ay may lumapit sa kanyang babaeng naka-civilian. Nakaitim na above the knee fitted dress and white flat sandals. Natulala ako nang makilala ang babae. It was again, Zandra.
Nang mag-angat ng mukha si Arkanghel ay wala akong gulat na nabasa roon. Meaning, he was... well, waiting for her.
"Arki!" Nilusob niya agad si Arkanghel at pinanggigilan sa braso. "Sorry baby ko, I'm late!"
Baby ko? Si Zandra ba? Siya ba ang GF ni Arkanghel? Kailan pa?
Nang makarinig ulit ako ng paghikab. Tiningnan ko si Hugo na nanonood din kina Arkanghel at Zandra.
"Graduate na 'yan, ah?" narinig kong mahinang sabi ni Hugo.
"Kilala mo si Zandra?"
Hindi siya kumibo.
"Ahead siya ng one year sa atin. Nakakalaban at nakakasama ko siya sa mga quiz bee dati. Under kami ni Mrs. Aguilar, ng mama mo. Kaya siguro kilala mo."
"Selos ka?" he lazily asked.
"Ha? Hindi, ah—"
"Maitim singit niyan."
Nanlaki yata pati butas ng ilong ko. "Bakit alam mo?!"
Imbes sagutin ay mahina niyang tinuktukan ang noo ko gamit ang dalawa niyang daliri. Napatingin na lang ulit tuloy ako kina Zandra at Arkanghel.
Nag-uusap pa rin ang dalawa. Hindi ko na alam ang pinag-uusapan nila dahil hindi na kasing lakas ang boses nila gaya kanina. Pangiti-ngiti lang si Arkanghel samantalang si Zandra ay pagkasaya-saya.
Nang hilahin na ni Zandra si Arkanghel patayo sa bench ay napatuwid ako.
Humiwalay na sa akin si Hugo at nauna na siyang maglakad papunta sa bench. Doon na napalingon sa amin sina Arkanghel at Zandra.
"Sussie!" bulalas ni Zandra nang makita ako. "Hello!"
Hindi ko magawang ngumiti. Ang mga mata ko ay diretso lang kay Arkanghel. Diretsong walang emosyon. O ewan ko kung nababasa niya ba sa mga tingin ko na galit ako ngayon. Nakakatawa lang dahil wala naman akong karapatan pero ito at nagagalit ako.
Nagagalit ako dahil magkasama sila ni Zandra. Mag-uusap kami ngayon, di ba? Pero bakit nandito si Zandra? Si Zandra naman yata talaga ang hinihintay niya rito sa bench at hindi naman talaga ako!
"Sussie!" Nahinto sa paglapit sa akin si Zandra. Parang bigla siyang nailang. Siguro kasi hindi ako nakangiti?
"Zandra, graduate ka na, ah? Anong ginagawa mo rito?" nakakaloko ang boses ni Hugo.
Lalong nailang si Zandra. "May kasama ka pala, Sussie... BF mo?"
Si Arkanghel ay seryosong nakatingin lang rin sa akin. Pareho kaming hindi nagsasalita.
Binalikan ni Zandra si Arkanghel at kinapitan sa braso. "Arki, let's go na. I'm starving na." Nginitian niya ako. "Sussie, una na kami, ah?"
Hindi pa rin ako nagsasalita.
"Arki, let's go na..." Hinihila na ni Zandra si Arkanghel pero hindi tumitinag sa pagkakatayo ang lalaki.
"Let's go, Sussie." Naramdaman ko ang paghawak ni Hugo sa pulso ko.
Katulad ni Arkanghel ay hindi ako tumitinag. Maski ang mga mata ko na nakatingin sa kanya ay hindi bumibitiw.
"Arki!" Nagtataka na si Zandra dahil wala pa rin siyang kakilos-kilos.
"Sussie," mahina pero matigas na tawag ni Hugo sa akin.
"Arki, 'you okay? I said let's go..."
Still no response from Arkanghel. Ni lingunin si Zandra ay hindi niya ginawa.
Napatingin na sa akin si Zandra. "May problema ba?"
Hugo frustratedly ran his fingers through his hair.
"Arki, Sussie, nag-away ba kayo?" Zandra gave us a worried look. "Come on, guys..."
Wala pa ring imik si Arkanghel. Nakatitig lang siya sa akin at hindi nagsasalita. Bakit hindi niya sagutin ang GF niya? Bakit pinaghihintay niya? O bakit kaya hindi na lang niya linawin kung bakit parang kaming tangang apat dito?
Kumuyom ang mga kamao ko nang bigla siyang yakapin ni Zandra sa bewang.
"Geez, Arki! I'm starving. May ulcer ako. Hindi ako pwedeng malipasan." Tinapik ni Zandra ang mukha niya para mapatingin siya rito.
Humigpit ang pagkakatikom ng mga kamao ko. Sobrang higpit na siguradong halos nawawalan na ng kulay ang mga kamay ko.
Nasasaktan na ang kamay ko sa ginagawa ko nang bumaba ang pagkakahawak ni Hugo mula sa pulso ko patungo sa nakatikom kong kamao. He gently squeezed my hand to calm me down.
"Let's go, Sussie..." mahinang sabi niya.
Napayuko ako. "Tara na..."
Hindi ko na muling tiningnan si Arkanghel o ang reaction niya. Nagpahila na ako kay Hugo hanggang sa gate.
Kahit noong suutan ako ni Hugo ng helmet ay hindi na ako lumingon pa sa bench. Nakakainis pa dahil hindi ako makasampa nang maayos sa Aerox ni Hugo. Siguro mukha akong tanga kung sakali mang nakatingin sina Arkanghel at Zandra sa akin.
Nang umandar na kami ay ipinagpapasalamat ko na hindi na rin nagsalita pa si Hugo. Tahimik lang siya. Hindi siya nangulit o nambully na good thing because I am not in the mood to talk.
Hanggang sa nasa tapat na kami ng bahay namin ay wala siyang imik. Inalalayan niya akong bumaba saka kinuha sa akin ang helmet.
"Thank you..." pasasalamat ko.
Tango lang ang sagot ni Hugo saka niya na pinaandar paalis ang Aerox.
Malungkot na pumasok na ako sa bahay. Hanggang sa mag-seven pm at makaluto ako ng ulam namin, ginataang kalabasa na may giniling, tahimik lang ako. Hindi naman nag-uusisa si Tatay Bear dahil busy siya sa pag-aayos ng sira at luma naming DVD player.
Nasa itaas ako at gumagawa ng homework nang sumigaw siya. "Anak, baba ka muna! May bisita ka!"
Bisita? Wala akong inaasahan. Unless naisipan ni Carlyn na dalawin ako. Gustong-gusto na kasi nung makita ang pamumuhay namin ni Tatay Bear ngayon.
Nagpalit ako ng damit. Pink na loose shirt ang isinuot ko at black na dolphin shorts. Inilugay ko lang ang buhok ko at hindi na ako nag-abalang magsuklay. Nang tingnan ko ang sarili ko sa salamin ay napailing na lang ako nang makitang bilog na bilog ang mga hita ko. Hay, ang laman o. Mabuti na lang kahit bilog, makinis. Mga ganitong pampalubag-loob na lang ang nagpapasaya sa akin.
Tamad na lumabas ako ng kwarto. "Pababa na, Tatay Bear. Sino ba raw 'yan?"
Matagal bago sumagot si Tatay Bear. Nasa gitna na ako ng hagdan nang marinig ko ang boses niya. "Arkanghel daw!"
Muntik na akong madulas lalo pa nang mapatingin ako sa sala ay nakita ko nga si Arkanghel na nakatayo roon.
"Good evening, Sussie," casual na pagbati niya.
He's wearing a plain white t-shirt and a brown dri-fit mesh shorts. Hawak niya sa kaliwang kamay ang hinubad na black na cap. Literal na napanganga ako sa kanya.
"Sussie, dito mo na pakainin 'yang bisita mo at hapunan na rin naman na." Nilingon ni Tatay Bear si Arkanghel. "Nakain ka ba ng gulay, Totoy?"
"Opo. Salamat po," magalang na sagot niya.
"Ayos. Dito ka na kumain." Sinenyasan ako ni Tatay Bear. "Iwan ko muna kayo. Magbabanyo lang ako."
Nang maiwan kaming dalawa ni Arkanghel sa sala ay basa na ang kili-kili ko sa kaba. Anong ginagawa niya rito? Bakit nandito siya? At bakit dito pa siya sa amin kakain ng hapunan? Dalawang takal pa lang naman iyong sinaing ko. Kasya ba iyon sa amin?!
"B-bakit ka nandito?" nauutal na tanong ko. Hindi na ko na marinig ang paligid dahil nabibingi na ako sa lakas ng kabog ng dibdib ko.
Imbes na sagutin ang tanong ko ay naupo siya sa sofa namin.
"Arkanghel..."
Tiningala niya ako at nasalo ko ang kulay abo at walang kaemo-emosyong mga mata niya. "Magkwento ka."
"Ha?"
"Magkwento ka." Pinagpag niya ang space sa tabi niya na sinasabing umupo ako roon. "Ikwento mo lahat. Wala kang ititira. Makikinig ako. At pagkatapos, ako naman ang magsasalita."
JF
Bạn đang đọc truyện trên: ZingTruyen.Xyz